Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

12


"Congratulations, Sevi! Pasado ka sa USTET! Thomasian ka na, ah?!" 


Halos isang linggo pa lang matapos namin makabalik sa school pagkatapos ng Christmas at New Year break. Wala namang masyadong nangyari dahil una, sa bahay lang naman ako buong bakasyon, at pangalawa, sila Arkin ay pumuntang malayong lugar para dumayo sa iba nilang relatives kaya hindi kami nagkita buong bakasyon. 


Simula noong nagkaayos kami ay mas lalong hindi niya 'ko nilubayan! Hindi ko alam kung ano na ang mas gugustuhin ko! 'Yung magkaaway kami o 'yung ganito siya? Nakadikit siya sa akin na parang linta! 


"Salamat," mahinang sabi ni Sevi habang kumakain ng fishball. Narito kami sa labas pagkatapos ng klase. Ako at si Sevi, naghihintay magsimula ang training habang sila Luna ay gusto lang talagang kumain. Ito namang si Arkin... Ano pa bang aasahan ko rito? Kung nasaan ako ay naroon siya! 


"Bakit parang hindi ka masaya?" Nag-aalalang tanong ni Samantha. Noong weekend nilabas ang results pero mukhang hindi masaya 'tong si Sevi ngayong Monday, e. Dapat nga ay nagce-celebrate siya. 


"Wala, may problema lang sa bahay." Tumawa siya at uminom sa palamig niya. Ngumiti siya sa amin at umiling. "Pero okay lang 'yon! Kayo ba, Sam at Yanna? Saan kayo mage-exam? Anong kukuhanin n'yo?" 


Nagkatinginan si Sam at Yanna, mukhang parehong hindi alam kung ano ang isasagot. "Uh... I don't know. It depends on my dad..." Umiwas si Sam ng tingin. 


"Bakit depende sa tatay mo? 'Di ba ikaw naman 'yung mag-aaral?" Inosenteng tanong ni Luna sabay subo ng tatlong kikiam. 


Napailing ako at inabutan siya ng tissue dahil napuno ang bibig niya at nalagyan pa ng sauce ang gilid ng labi. Kinuha ni Sevi ang tissue sa kamay ko at kaswal lang na pinunasan 'yung bibig ni Luna na parang sanay na silang dalawa sa ganoon. Maglalakad na sana ako para bumili ng palamig nang mapansing hindi ko magalaw ang balikat ko.


"Umalis ka nga riyan," tinulak ko ang mukha ni Kino paalis. Nakapatong kasi ang baba niya sa balikat ko habang nakasimangot, bored na bored na. 


"It happens..." Sagot na lang ni Samantha kay Luna pagkatapos ng katahimikan. Halata sa mukha niyang ayaw na niyang pag-usapan 'yon kaya umiwas ng tingin si Yanna at siya na ang nagsalita. 


"Ako, mag-eexam ako sa FEU at LPU," sagot ni Yanna. "Tourism. Mag-flight attendant ako, e." 


"Wow, bagay sa 'yo!" Puri ni Kierra. "Matangkad ka tapos... Hindi ko maipaliwanag pero bagay sa mukha mo kahit mukha kang masungit. Napapractice naman siguro ang ngiti." 


Nang maubos na ang kinakain namin ay bumalik na kami ni Sevi sa loob ng school para pumunta sa training. Sa pagkakaalam ko ay kami lang dalawa ni Sevi pero may plus one ulit kaming kasama, dahil may nag-volunteer na isa rito bilang water boy daw ng volleyball team tuwing may training! Hindi ko alam kung bakit pumayag si coach doon! Baka dahil gwapo si Arkin at gustong gusto rin siyang nakikita ng teammates ko. 


"Nakakatakot ka, Kino. Baka hanggang kabaong ay sumama ka pa rin kay Via," sabi ni Sevi habang naglalakad kami. 


"Pwede raw ba 'yun? Dalawa sa isang kabaong?" Napakunot ang noo ni Kino, mukhang interesado pa sa biro ni Sevi! Hindi ko akalaing seseryosohin niya 'yon! 


"Pwede naman, basta nakatagilid kayong dalawa," seryosong sabi rin ni Sevi. 


"Pwede naka-back hug?" Tumaas ang dalawang kilay ni Kino. 


Napatakip ako sa tenga ko at binilisan ang lakad ko para hindi na marinig ang pinag-uusapan nilang wala namang kwenta. Dire-diretso lang ako pumuntang locker room para magpalit ng pang-training at dumiretso na kami ni Kino sa volleyball court. May nakahanda na kaagad siyang jug ng tubig doon sa bench habang nagwawarm up kami. 


"Cute ng boyfriend mo, Via," tumatawang sabi ng captain namin habang nag-iistretching kami sa sahig. 


"Hindi ko ho siya boyfriend," tanggi ko kaagad. "May iba akong crush." 


Mas lalo siyang natawa sa sinabi ko. Nagkanya-kanya muna kaming partner para mag-practice naman ng skills ng isa't isa depende sa posisyon. Ka-partner ko ang ace namin ngayon para ma-practice ko ang pag-set ko. Sa kabila naman ay may magre-receive ng spike ng ace. Tahimik lang na nanonood si Kino roon sa bench at pumapalakpak pa kapag namamangha. 


Pagkatapos ng training ay sabay ulit kaming umuwi ni Kino. Buhat niya ang duffel bag ko at nagkekwento siya tungkol sa nangyari sa araw niya habang naglalakad kami papunta sa gate. May kasama pang pang-aasar sa akin ang kwento niya kaya naman umatras ako at sinipa siya sa pwetan. Tumawa ako nang mapatalon siya at muntik nang madapa. Sinamaan niya 'ko ng tingin at pabirong inipit ang leeg ko sa gitna ng braso niya.


"Bagay kayo." Napalingon kaming dalawa kay Sevi na nakangisi na ngayon, hawak din ang duffel bag niya. Kakatapos lang nila sa training kaya naka-itim na sando at jersey shorts na lang siya ngayon. 


"Pre, okay ka lang?" Binitawan kaagad ako ni Kino at lumapit siya kay Sevi. Lumayo pa silang dalawa sa akin at may seryosong pinag-usapan kaya nakatayo lang ako sa may gate habang pinapanood sila, hinihintay matapos. 


Tinapik ni Kino ang balikat ni Sevi bago siya naglakad pabalik sa 'kin. Tinaasan ko siya ng kilay dahil medyo natagalan pa sila roon, e ang sakit na ng binti ko. "Ang tagal n'yo naman nag-usap..." Sabi ko at nauna nang naglakad. 


Kinabukasan ay kumain ulit kami ng lunch kila Sevi at nagmamadaling bumalik ng school dahil malapit nang magsimula ulit ang klase. Madalas na kaming kumain doon at napansin ko ring wala palagi ang Papa niya. 


"Pa, kumusta si Engineer Camero?" Tanong ko kay Papa habang kumakain kami ng dinner. Nacu-curious lang ako dahil hindi na rin siya nababanggit ni Papa. 


"Ah, bago na ang boss ko sa trabaho, nak. Nag-resign na si Engineer Camero," sagot naman ni Papa. "Balita ko ay lumipat siya sa malayong lugar. Sa Cebu ata? Hindi ako sigurado." 


Napaawang ang labi ko at tahimik na tinapos ang pag-kain ko. Kaya ba malungkot si Sevi palagi? Hindi ko alam kung ako lang ang nakakapansin dahil palagi naman siyang nakangiti. Hindi ko na lang 'yun binanggit noong nagkita kami kinabukasan para sa training dahil may rason naman siguro siya kung bakit hindi niya kinwento. Personal na sa kaniya 'yon, e, pero sigurado akong alam ni Kino. 


"Good noon, Pres! Looking good!" Puri kaagad ni Luna nang madaan si Pres sa table namin habang kumakain kami ng lunch. Napalingon din tuloy ako sa kaniya at nang magtama ang tingin namin ay agad akong umiwas dahil naramdaman ko ang init sa pisngi ko. 


"Pres, lumabas na results ng entrance exams ng universities! Saan ka nag-exam?" Tanong ni Kierra. "UST? La Salle?" 


"Ah..." Napakamot siya sa ulo niya. "Sa Clark ako mag-aaral, hindi sa Manila." 


"That's far," sabi naman ni Sam. "We'll miss you, Pres! May I ask which school? Curious lang ako why you chose Clark. Are you from Pampanga?" 


"Hindi naman. Sa aviation school ako ng FlyAsia mag-aaral... I was offered a scholarship." Ngumiti sa amin si Pres habang hawak ang tray niya. Halatang gusto na niyang kumuha ng pagkain pero ang daming tanong nila Sam kaya na-stuck tuloy siya sa tabi ng table namin. 


"Magpipiloto ka?" Tumaas ang kilay ni Yanna. "Bagay pala tayo, e." 


"Uh..." Napakamot si Pres, nahihiya at hindi alam ang sasabihin. Inayos niya ang salamin niya at tumawa na lang. "No, I'll take aeronautical engineering." 


Mabuti na lang at pinakawalan na siya ng girls pagkatapos noon dahil hinatak na rin si Pres ng kaibigan niyang 4th year. Gusto ko rin sanang magtanong sa kaniya ng kung ano-ano para lang makausap siya pero kinain ako ng hiya. 


"Oh, nasaan nga pala si Arkin?" Tanong ni Sam sa akin. 


"Kasama ni Sevi," sagot ko naman. Simula siguro noong nagkaproblema si Sevi sa bahay nila gaya ng sabi niya, sinasamahan na siya ni Arkin tuwing lunch. Okay lang sa akin 'yon kaysa nakadikit siya sa akin buong araw. Kulang na lang ay magpalipat siya ng section, e. Tsaka alam ko namang mas kailangan ni Sevi ng kasama. 


Habang palapit nang palapit ang graduation ng 4th year students ay palungkot ako nang palungkot, hindi dahil lilipat na si Sevi, kung hindi dahil malalayo na rin si Pres. Hindi naman ako malulungkot masyado kung sa Manila pa rin siya dahil may mga pagkakataong pwede ko pa rin siyang makita kung saan-saan, pero sa malayo siya lilipat at paniguradong hindi naman ako magagawi roon. 


"Via, gagraduate na si Pres, oh! Wala ka bang balak umamin?" Tanong naman ni Luna sa akin. Napalingon kaagad si Sam at Yanna sa akin at ngumisi. Hindi naman na sikreto 'yon pero hindi ko rin naman direktang inaamin sa kanilang dalawa na may crush ako kay Chevy. 


"Seryoso ka pala roon, Via?" Nagtatakang tanong ni Yanna. "Akala ko nagjojoke lang si Luna. Mukha kasi 'tong joke, e." 


"Via, you should admit your feelings before he graduates. He's going far! Who knows? Maybe he likes you too," sabi naman ni Sam.


Napailing ako. Una pa lang ay wala naman na talaga akong balak umamin na may 'crush' ako kay Chevy dahil crush lang naman 'yon, pero nagdadalawang-isip ako dahil naging mabait siya sa akin. Dahil mabait siya, nagui-guilty ako na nakakaramdam ako ng ganito para sa kaniya. Mas mabuti bang aminin ko sa kaniya bago siya grumaduate para wala akong pagsisihan? Hindi ko naman hinahangad na magustuhan niya 'ko pabalik. Gusto ko lang talagang sabihin. 


"Sasama ka ba sa fieldtrip? 'Yun na ang chance mong umamin," sabi naman ni Kierra. "Sweet siguro kapag sa amusement park, 'no?" 


"Pag-iisipan ko," sabi ko naman. 


Dinepende ko na lang ang desisyon sa laro namin kinabukasan. Kapag nanalo kami rito ay aamin ako kay Pres, at kapag hindi, habang-buhay ko na lang 'yon itatago. Tutal, wala naman akong balak patagalin at palalimin 'yung nararamdaman ko. Happy crush lang naman. 


"Via!" Sigaw ng captain namin. Agad akong tumakbo at tinulak pataas ang bola para mahampas ng teammate ko. Nakakuha ulit kami ng isa pang puntos at tatlo na lang panalo na kami. Hindi ko alam kung ano ba ang gusto kong kalabasan ng laro. Ginawa ko na lang ang makakaya ko. 


Umatras ulit ako para sundan ang bola at tumalon. Nang mapansing walang tao sa gilid ko ay mahina kong hinampas ang bola pagilid kaya nakakuha ulit kami ng puntos. Pagod na 'ko at gusto ko na sanang matapos ang laro. 


"Go, Via!" Sigaw ni Arkin na nangunguha ng litrato. "Kaya mo 'yan!" 


Nagsigawan kami nang maka-puntos ulit kami dahil sa blocking, at isa pa dahil walang nakasalo ng serve ng Captain namin. Hindi ko alam kung magiging masaya ako sa kinalabasan ng laro kaya naman tahimik lang ako habang naglalakad kami pauwi ni Kino. Gabi na rin natapos ang laro. 


"Ang galing mo, 'no? Sumali ka kaya sa volleyball team ng university na papasukan natin?" Tanong ni Kino. 


"Wala na 'kong plano mag-volleyball sa college," sabi ko. "Nakakapagod." 


"Sayang naman! Baka makakuha ka pa ng scholarship doon. Si Sevi nga pakiramdam ko makakakuha ng scholarship kapag umabot na sila ulit sa Palarong Pambansa!" Natawa ako sa sinabi niya dahil masyadong malakas ang paniniwala niya sa akin. Sa katotohanan, hindi naman talaga ako magaling mag-isa. Akala lang niya ay magaling ako dahil magaling ang team ko. Nabubuhat lang nila ako.


Si Sevi, magaling siya kahit mag-isa kaya hindi na 'ko magtataka kung kukuhanin siya ng ibang universities. Napapanood ko sila mag-training at lahat ng teammates niya ay malakas ang tiwala sa kaniya bilang siya at bilang captain na rin. Bagay sa kaniya ang role na 'yon, at halatang gusto niya ang basketball. Ako, hindi ko naman masasabing gusto ko ang volleyball... O ang kahit anong ginagawa ko. 


"Napakaraming mas magaling diyan," sabi ko naman. "Ipapahiya ko lang ang sarili ko sa TV." Napapanood ko kasi ang mga laban ng universities sa TV. Maraming nanonood at maraming nag-aabang. Hindi ko kayang ipahiya ang sarili ko roon sa harap ng maraming tao at mas lalong ayoko ng atensyon nila. Hindi ako nakakagalaw nang maayos kapag maraming nakatingin. 


Napatigil ako sa paglalakad nang biglang pinisil ni Kino ang dalawang pisngi ko. Siningkitan niya 'ko ng mata at sumimangot. "Masyado mo namang binababa ang sarili mo! Napakarami mong pwedeng gawin, at magaling ka sa lahat ng 'yon. Alam ko dahil naniniwala ako sa 'yo! Ang laki kaya ng tiwala ko sa 'yo kaya huwag mong sabihin 'yan!" 


Inalis ko ang hawak niya sa pisngi ko at tumawa. "Ang dami mong sinabi."


Pagkauwi namin ay nagpaalam ako kay Papa tungkol sa fieldtrip. Ayaw ko na sanang pumunta dahil gastos na naman 'yon pero gusto sana ni Luna na 'kompleto' raw kami dahil last year na 'yon ni Sevi. Siguro pagkatapos ng year na 'to ay hindi na 'ko pupunta sa mga fieldtrip dahil nakakatamad at nakakaguilty sa gastusin. 


"Mas gusto ko ngang sumasama ka sa mga ganoon, Via!" Sabi ni Papa habang pinipirmahan ang parent's consent form. Wala kasi akong guardian dahil hindi naman pwedeng sumama si Papa... At wala rin akong balak isama siya. "Nag-aalala ako at baka hindi mo na-eenjoy ang highschool life mo. Minsan lang 'yan." 


"Nag-eenjoy po ako, Pa," sabi ko naman. Hindi man halata tuwing umuuwi ako sa bahay pero masaya ako sa school. Masasabi kong mas madalas na 'kong tumawa ngayon at mas nagiging carefree na rin ako kasama sila Luna. 


Ang tagal kong hinintay ang fieldtrip para lang magawa ang pag-amin ko. Matagal ko ring pinaghandaan 'yon pero kahit dumating na mismo ang araw ng alis ay hindi ko pa rin alam kung paano ko ba sasabihin. Hindi ba siya mawe-weirduhan sa akin? Mabait naman siya sa akin palagi... Pero hindi ko masasabing dahil 'yon sa may gusto siya sa akin dahil mabait siya sa lahat ng estudyante. 


"Bakit... ka nandito?" Napasapo ako sa noo ko nang pumasok si Kino sa bus namin at tumabi sa akin! Hindi ko naman siya kaklase! Noong isang araw ay sinabi na niya sa 'king tabi raw kami sa bus pero hindi ko inaasahang totoo pala 'yon! Iba ang bus ng section nila kaya bakit siya narito?! 


"Huh?! Lumipat ako ng bus!" Masayang sabi niya at umupo sa tabi ko pagkalagay ng bag niya roon sa taas ng upuan. 


"Paano?!" Gulat na tanong ko. Sa kabilang side namin ay naroon si Kierra at Luna. Nag tatalo sila ngayon tungkol sa pagkain kaya hindi kaagad napansin si Arkin. 


"Gumawa ng letter si Mama na ikaw daw ang guardian ko!" Ngumiti siya lalo at nag peace sign pa. Napaawang ang labi ko, hindi makapaniwala. Hindi pa naman ako 18 kaya paano ako magiging guardian?! At kung bata siya, bata rin ako! Magka-edad lang kami kahit mas bata siya kung umasta. 


Wala naman na akong magagawa kaya hinayaan ko na lang siya roon at sinandal ang ulo ko sa bintana para matulog. Paano ay 4 AM pa lang narito na 'ko sa school. Sabi kasi ni Luna, dapat daw maaga kami sa bus para mag-save ng upuan pero bandang huli, siya ang na-late. 


Sa kalagitnaan ng byahe ay nakatulog na nga si Kino. Umakbay ako sa kanya at dahan-dahang nilagay ang ulo niya sa balikat ko gamit ang isa kong kamay para hindi siya mahirapan. Pagkatapos ay humawak na lang ako sa pisngi niya at paminsan-minsang tinatapik 'yon para makita kung magigising ba siya. Natatawa ako kapag nagsasalubong ang kilay niya pero tulog pa rin. 


Sinandal ko na lang din ang ulo ko sa ulo niya para matulog, pero pagkagising ko ay sa balikat na niya 'ko nakasandal at kumakain na siya ng tinapay gamit ang isa niyang kamay para hindi magalaw ang kanang balikat niya at magising ako. Napangiti ako dahil ingat na ingat siyang gumalaw. Pati pag nguya ay dahan-dahan pa. 


"Shh, ang ingay mo, Luna. Natutulog si Via," rinig ko pang pag-bawal niya. 


Umayos na ako ng upo kaya napalingon siya sa akin gamit ang inosente niyang mga mata. Wala siyang masabi kaya inalok na lang niya 'ko ng tinapay. Tinapat niya 'yon sa bibig ko kaya inaantok ko iyong kinagatan. Halos nakapikit pa rin ako habang ngumunguya kaya siya na ang nagpagpag ng bread crumbs na napunta sa suot kong jacket. 


"Juice," alok niya rin. Binuksan na niya 'yon para sa 'kin at tinapat ulit sa bibig ko. Inabot ko 'yon gamit ang labi ko at siya na ang humawak habang umiinom ako. Pinunasan niya ulit ang tumulo sa baba ko gamit ang panyo niya. "Inaantok ka pa? Anong oras ka ba natulog?" Marahang tanong niya. 


"12 AM." Bumuntong-hininga ako at inayos ang buhok ko. Hindi ako nakatulog kakaisip kung paano ako aamin, e. 


Naka-dalawa kaming museum noong umaga bago kami nag-lunch sa bus. Ako na naman ang nag-baon ng lunch para kay Kino. Mas tipid kasi kung hindi na kami bibili sa labas, at ang teacher ang nagsabing magbaon na lang daw dahil baka ma-late sa next destination. Bored na bored na si Kino sa last destination namin bago mag amusement park. Science kasi ang usapan. 


"Alam naman na ng mga tao 'yung sinasabi niya, e..." Bulong ni Kino habang nakaupo roon sa sahig. Nasa gilid na lang siya ngayon at hindi na nakikinig. Yakap niya ang tuhod niya at nakasimangot. 


Iba-iba kami ng oras ng mga ibang year kaya naman hindi kami nagkikita nila Yanna sa iisang destination. Doon na lang kami sa amusement park magkikita, ayon kay Luna. Itong si Kino naman ay nililibang na lang ang sarili sa pamamagitan ng pangtitrip sa mga tropa niya. Minsan ay kinakalabit ito at nag-aaktong hindi siya 'yon. Minsan naman ay tinutulak ang likod ng tuhod gamit ang tuhod niya rin saka tatawa. Napapailing na lang ako sa kaniya. 


"Hala, nasaan na si Via?" Tumigil siya sa kakatawa nang pag-lingon niya ay wala na 'ko. Nakita ko kaagad ang panic sa mga mata niya habang lumilingon sa paligid. "Hala, Via!" Tawag niya, parang paiyak na.


Tinaas ko na ang kamay ko para makita niya 'ko. "Dito ak-"


"Yes, Miss Diaz? Do you know the answer?" Nanlaki ang mga mata ko nang bigla kong narinig ang apelyido ko sa lapel na suot ng teacher namin. Halos lahat tuloy ng mga kaklase ko ay lumingon sa akin. 


"Huh?" Naguguluhang tanong ko, kinakabahan na. Ano ang tanong?! Bakit ko ba tinaas ang kamay ko?! Nakakahiya! 


Tinaas ni Arkin ang kamay niya sa tabi ko. "Pulmonary valve," bored na sabi niya, nakasimangot pa rin. 


"Correct! Thank you, Mr. Sanchez! Right here, class, you can see..." Hindi ko na naintindihan ang sinabi niya. 


Sa wakas ay bumalik na rin ang masayang mood ni Kino pagkabalik namin sa bus dahil sa amusement park na kami papunta. Maingay na rin ang mga kaklase ko dahil excited na. Nag-uusap-usap na sila kung saan sila unang sasakay. Itong kasama ko naman ay duwag sa rides at ayaw talaga niyang sumasakay sa mga ganoon simula bata pa kami, pero na-eexcite siya dahil may mga games. 


"Sam!" Malakas na sigaw ni Luna pagkapasok namin sa entrance. Tumakbo kaagad siya palapit kila Sam, Yanna, at Sevi na naghihintay sa tapat ng fountain. Nauna kasi silang dumating doon. Hatak-hatak pa ni Luna si Kierra habang tumatakbo kaya muntik na itong madapa-dapa. 


Maliit lang pala ang amusement park, hindi katulad sa mga malalaking amusement park na Enchanted Kingdom na maraming rides. Sana roon na lang kami nagpunta dahil mukhang mas masaya roon. Parang pa-perya na itong park na 'to. 


"Horror house tayo," aya kaagad ni Yanna.


"Mamaya na, Yanna! Hindi ka naman makapaghintay yumakap sa akin," mayabang na sabi ni Sevi. 


"Mandiri ka naman sa lumalabas sa bibig mo, Sevi. Babaho hininga mo niyan," ganti ni Yanna. 


Bandang huli ay inuna muna nila 'yung umiikot-ikot na rides na parang binabato-bato ka sa ere. Napatingin ako kay Kino na nakahawak lang sa palapulsuhan ko at kita ko sa mga mata niya ang takot, tinitignan pa lang 'yung ride. 


"Sasakay ka?" Tanong niya na parang gusto niya 'kong pigilan.


"Oo naman," sagot ko. 


"E 'di sasakay din ako." Hinatak niya 'ko pasunod kila Luna na nakapila na roon at inaaya na kami sumunod. Napakunot ang noo ko dahil habang nakapila ay hindi na mapakali si Kino. 


"Pwede ka pa namang umatras. Hindi mo naman kailangang sumakay," sabi ko sa kaniya. Hindi na kasi niya malaman ang gagawin niya. Kinakagat na rin niya ang daliri niya at nag-iistretching pa sa sobrang kaba. 


"Hindi pwede! Wala kang kasama!" Sabi niya sa akin habang nag-iistretch ng binti. Akala mo naman ay sasabak sa track and field 'to. 


"Actually, pre, ako ang nawalan ng katabi rito!" Reklamo ni Sevi. "Okay lang. Kaya ko naman mag-isa!" 


Noong turn na namin ay nanginginig na 'tong si Arkin kaya naman inabot ko ang kamay ko sa kaniya. Lumingon siya sa akin at napaawang ang labi pero humawak din naman kaagad. Kumalma rin siya pagkatapos. Nang magsimula na ang ride ay halos sigaw na lang ni Sevi at Luna ang narinig ko! Sobrang sakit sa tenga at katabi ko pa sila sa isang side. 


Pagkababa namin ay namumula na ang mukha ni Kino at pawisan na rin. Humawak siya sa ulo niya dahil nahilo kaagad. Tumatawa naman sila Sam at inaasar sila Luna sa mga pinagsisisigaw kanina. Bumili kaagad ako ng tubig at inabot kay Kino 'yon para kumalma siya. Pinunasan ko na rin ang pawis niya. 


"Huwag ka nang sumakay, Arkin, okay? We can do it," sabi ni Sam. 


"Hindi na rin muna ako sasakay para may kasama siya," sabi ko naman. 


"Anak ng. Twin pack ba kayo?" Napakunot ang noo ni Yanna. 


Nag-asaran pa sila roon bago umalis para pumila sa susunod nilang sasakyan habang ako ay naiwan kay Kino. Naglakad-lakad na lang kami paikot at bawat stall atang nadadaanan namin ay bumibili siya ng pagkain para tikman naming dalawa. Palubog na rin ang araw habang kumakain kami ng cotton candy at naglalakad sa gitna. Nanguha na rin kami ng pictures. 


"Umayos ka, Via. Isesend ko 'to kay Mama!" Umakbay sa akin si Kino at hinatak ako palapit bago kami ngumiti sa camera. Pinakita ko pa ang cotton candy sa selfie naming dalawa. Sa likod namin ay kita naman ang fountain. 


Naglaro pa kami ni Kino roon sa mga baril-barilan pero alam ko namang hindi siya magaling doon kaya ako na lang ang nag laro para sa kaniya. Nakakuha ako ng monkey na stuff toy, iyong nasasabit sa leeg. Binigay ko na lang sa kaniya 'yon at sinabit niya naman sa leeg niya. 


Kinapa ko ang bulsa ko para sa hair tie ko pero naalala kong naiwan ko 'yon sa bag na nasa bus ngayon. Napasimangot ako at tinanggal ang specs na suot ko para punasan ang pawis ko. Ang init, e. 


"Hair tie?" Tanong ni Kino at kumapa rin sa bulsa niya. Nagulat ako nang ipakita niya sa 'kin 'yung itim kong hair tie. "Naiwan mo 'to sa kwarto ko tapos binabaon ko na rin para kapag naghanap ka ng hair tie, may dala ako." 


Lumapit siya at inipon ang maikli kong buhok sa kamay niya para maipitan niya 'ko. Pinaypayan ko na lang ang sarili ko gamit ang kamay ko habang ginagawa niya 'yon. "'Yan, okay na!" Masayang sabi niya pagkatapos ipitan ang buhok ko. Maayos naman 'yon. 


"Via!" Napalingon ako kay Luna na tumatakbo na sa akin palapit. Yumakap siya sa akin at pasimpleng bumulong. "Alam ko na kung nasaan si Pres. Gusto mong puntahan? Nakaupo lang siya roon sa bench kasama mga kaklase niya." 


Nanlaki ang mga mata ko nang mapagtanto kong iyon pala ang gagawin ko bago matapos ang araw. Nag-aalanganin pa ako pero tumango na lang ako. Mas maganda sana kung mamaya pa pero baka hindi ko na siya mahagilap mamaya kaya ngayon na lang. 


"Sevi, samahan mo si Via!" Tinulak ni Luna si Sevi papunta sa akin. 


"Saan ka pupunta, Via?!" Reklamo kaagad ni Kino. 


"Babalik din ako!" Sigaw ko. 


Sinamahan nga ako ni Sevi. Ni hindi na siya nagtanong kung bakit ko hinahanap si Pres kahit alam kong nagtataka na rin siya. Napahinto ako nang makitang nakaupo nga roon si Pres sa may bench at nakikipagtawanan sa tatlo niyang kaibigan. Isang babae at dalawang lalaki ang naroon. Naka-suot siya ng white oversized shirt na naka-tuck in sa maong pants. May hawak din siyang churros na mukhang kakabili niya lang. 


"Acel!" Malakas na tawag ni Sevi sabay taas ng kamay. Napalingon kaagad si Pres at tumayo nang senyasan siya ni Sevi na lumapit. 


"Hello," nakangiting bati niya sa amin at inayos ang specs na suot niya. "Bakit?" 


"May... Sasabihin ata si Via. Wait lang, bibili lang din ako ng churros." Iniwan kaagad ako ni Sevi! Ni hindi man lang hinintay ang reaksyon ko at ni Pres! Nailang tuloy kaagad ako nang maiwan kaming dalawa. 


Nakatingin lang sa akin si Chevy, iniintay ang sasabihin ko. Mas na-guilty ako dahil nakangiti siya sa akin ngayon habang ako, mukhang babagsak na sa sobrang kaba. 


"Gusto mo ng churros?" Tanong niya bigla at inabot sa akin ang hawak niya. Nailang na siguro siya dahil ang tagal kong hindi nagsasalita. 


"Crush kita," diretsong sabi ko. 


Agad akong umiwas ng tingin at napapikit nang mariin. Ayon, nasabi ko na! Okay na 'yon! Pwede na 'kong umalis dahil natupad ko na ang pangako ko sa sarili ko. Wala na 'kong pakialam sa reaksyon niya. Pagkatapos nito ay lilipat na siya ng school kaya hindi ko na rin siya magiging crush. Mas mabuting sabihin na ngayon. 


Matagal akong walang narinig mula sa kaniya kaya mas lalong bumilis ang tibok ng puso ko. Napadilat ako nang marinig ang tawa niya, kasunod ang marahan niyang pag gulo sa buhok ko. Napakurap ako at tumingin ulit sa kaniya. Mas lalong nag-init ang pisngi ko nang makita ko siyang nakangiti. 


"Thank you, Via," marahang sabi niya.


Napaawang ang labi ko. Thank you?! Bakit siya nagpapasalamat? Iyon lang ba ang sasabihin niya? Aalis na ba ako o ano? Ang sabi ko ay wala na 'kong pakialam sa reaksyon niya pero nalilito ako ngayon kung bakit iyon lang ang sinabi niya pagkatapos kong umamin. 


"Gusto mo?" Alok niya ulit ng churros. 


Hindi ko alam kung masasaktan ba ako roon o matutuwa dahil iyon lang ang sinabi niya. Wala sa sarili kong kinuha ang churros mula sa kamay niya. Ngumiti ulit siya sa akin at pinanood akong kumagat doon sa churros na binili niya. 


"'Yun lang ang sasabihin mo?" Nagtatakang tanong ko. 


"Hmm, ano pa bang sasabihin ko?" Tumawa siya. "Sorry... May iba akong gusto... Pero bata ka pa, Via. Marami pang iba." Inabot niya ulit ang buhok ko at marahang ginulo 'yon habang nakangiti. 


"Ah..." Kumirot ang dibdib ko saglit pero nawala rin kaagad 'yon. "Thank you, Pres." 


"O, tapos na kayo mag-usap, Pres?" Tanong ni Sevi pagkabalik. Tumango si Chevy at tinapik siya sa balikat bago tumalikod at naglakad paalis habang nakapamulsa. Tinaas na lang niya ang kamay niya habang nakatalikod at kumaway bago bumili ulit ng churros. 


Nakatulala lang ako habang naglalakad kami pabalik ni Sevi. Hindi na ulit siya nagtanong kahit mukha akong pinagbagsakan ng langit at lupa. Ang sabi ko ay wala naman akong pakialam sa reaksyon ni Chevy pero bakit parang ang lungkot ko? 


"Okay lang 'yan, Via. Madalas talaga hindi tayo gusto ng gusto natin," sabi bigla ni Sevi. 


"Via!" Napatingin ako kay Kino na tumatakbo na sa akin palapit. May nakasabit pang unggoy sa leeg niya kaya napangiti ako. Huminto siya sa harapan ko at niyakap ako nang mahigpit na parang ang tagal kong nawala. "Saan ka galing? Anong nangyari? Bakit ganyan itsura mo?" Sunod-sunod na tanong niya. 


Imbis na mainis ako sa dami ng tanong niya ay mas gumaan pa ang loob ko sa presensya niya. Niyakap ko siya pabalik at sinandal ang ulo ko sa dibdib niya. 


"Kino, wala na 'kong crush," sambit ko sa kaniya. 


Medyo naguluhan pa siya sa sinabi ko nang bitawan ko siya pero umakbay na lang din siya sa akin at hinatak ang hair tie ko dahil nagulo ang buhok ko. 


"Hayaan mo na. Ako na lang crush mo, tutal crush din naman kita," pagbibiro niya. 

________________________________________________________________________________

:)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro