11
"O, Via? Wala si Arkin?"
Sumilip pa si Luna sa labas ng room para tignan kung hinatid ako ni Kino pabalik sa room pagkatapos kong umalis doon sa canteen. Umiling lang ako at tuloy-tuloy na umupo sa pwesto ko na parang hindi ako naluha sa harapan nila kanina.
Nanigas ang katawan ko nang biglang huminto sa tapat ko si Luna at binigyan ako ng mahigpit na yakap. Napaangat ang tingin ko sa kaniya pero nakapikit lang siya at tinatapik ang balikat ko, walang sinasabi. Para saan 'yon?
"There! Pinasahan na kita ng happiness ko para happy ka na!" Sabi niya pagkabitaw niya sa 'kin. Napakurap ako, gulat sa ginawa niya. Ngumiti lang siya sa akin bago bumalik sa upuan niya dahil parating na ulit si Ma'am.
Buong hapon ay wala akong inisip kung hindi ang pagsisinungaling sa akin ni Kino, na kahit kailan ay hindi naman niya ginawa at hindi ko rin naisip na gagawin niya. Para saan? May nagawa ba 'kong mali sa kaniya kaya tinatago niyang hinintay niya talaga ako kahapon? Sinubukan kong alalahanin kung ano ba ang ginawa ko. May nasabi ba 'kong masama sa kaniya na maaaring nasaktan siya?
"Via, serve mo na. Okay ka lang ba?" Tanong sa akin ng ka-team ko sa volleyball habang nagtetraining kami. Kanina pa lumilipad ang utak ko sa ibang bagay. Natauhan lang ako noong tinawag na niya 'ko.
Pumwesto ako at pinaikot ang bola sa kamay ko bago hinagis pataas. Humakbang ako nang ilang steps bago tumalon at hinampas ang bola papunta sa kabilang side ng court. Nanlaki ang mga mata nila nang makarinig ng malakas na tunog galing sa pagkahampas ng bola sa sahig. Tumalbog iyon nang mabilis at walang nakasalo.
"Via, galit ka ba?" Natatakot na sabi ng isa kong teammate na magrereceive sana ng serve ko. "Mababali palapulsuhan ko kung ni-receive ko 'yon."
"Sorry," sabi ko at kumuha ulit ng bola. Nagpapractice lang kami ng serve at receive ngayon para ma-improve pa ang skills namin. Mukhang natakot sila dahil doon sa serve ko kanina at wala nang gustong mag-receive. Hindi ko naman sinasadya. Binuhos ko lang lahat ng frustration ko sa hampas na 'yon.
Hinagis ko ulit pataas at humakbang bago tumalon. Hininaan ko na ngayon kaya naman doon nahulog sa pinakaharap. Tumakbo kaagad ang magrereceive pero nadapa dahil hindi na nahabol ang bola.
"Via, pinagtitripan mo ba 'ko?" Ngumuso siya at tumayo.
"Sorry," sabi ko lang ulit at tinaas ang isa kong kamay. Kanina ay nagrereklamo dahil malakas. Ngayong mahina ay nagrereklamo pa rin. Hindi ko alam kung ano ba talaga ang gagawin ko.
Gabi na ulit natapos ang training dahil nag-meeting pa para sa susunod na laban namin sa ibang lugar. Nag bihis ako sa locker room sa loob ng covered court kaya nadaanan ko ang mga nagtetraining ng basketball. Muntik pa 'kong matamaan ng bola pero hinampas ko 'yon gamit ang kamay ko pabalik kay Sevi.
"Aray ko!" Reklamo niya nang tumama iyon sa may puson niya. Napaluhod kaagad siya at halatang pinipigilan ang sumigaw. "Via, setter ka, hindi spiker! At basketball 'to!"
"Camero! Balik sa laro!" Galit na sigaw ng coach nila. Tumawa ako dahil napagalitan siya kaya sinamaan niya 'ko ng tingin. Bumalik na nga siya sa pag-dribble ng bola. Napaawang ang labi ko sa bilis ng galaw ng bola sa kamay niya. Hindi siya nasundan ng defense kaya nakalagpas siya at diretso shoot.
"Coach, uwi na tayo," reklamo niya pa.
Kumaway na lang ako sa kaniya nang magtama ang tingin namin para sabihing aalis na 'ko. Kumaway din siya sa akin kaya lumabas na 'ko ng court, dala-dala ang duffel bag ko. Iyon na ang palagi kong dala kapag may training, lalo na't mahirap dalhin sa kamay ang sapatos.
Hindi na 'ko umasang naghihintay si Kino at tuloy-tuloy na lang akong lumabas ng gate para mag-abang ng jeep sa sakayan. Nang may huminto na nga ay sumakay na 'ko at umupo malapit sa may pintuan. Aandar na sana ang jeep pero nagulat ako nang biglang may sumampang lalaki roon at hinihingal na umupo sa tabi ko.
"Kung hindi ko pa tinanong si Sevi, hindi ko pa malalamang nakaalis ka na," sambit ni Kino habang pinupunasan ang pawis gamit ang itim na panyo. Mukhang tumakbo siya para mahabol ang jeep.
Hindi ako nagsalita at nag-cellphone na lang kahit wala naman akong ginagawa sa phone ko. Naiinis ako sa kaniya dahil sinungaling siya, pero wala rin naman akong masabi. Hindi ko masabi sa kaniyang naiinis ako dahil baka may rason naman siya kung bakit siya nagsinungaling. Tanggap ko naman, at tatanggapin ko kahit ano pa 'yon.
Binuksan niya ang butones ng polo niya kaya nakita ang puting sando na suot niya bilang panloob. Pagkatapos ay nilabas niya ang wallet niya at siya na ang nagbayad para sa aming dalawa.
"Tahimik mo, ah," sabi niya sa akin nang makababa na kami. Hindi kasi ako nagsalita buong byahe. Wala rin naman akong masasabi sa kaniya. Baka awayin ko lang siya ulit dahil sa pagsisinungaling niya.
"Pagod lang," palusot ko.
Hindi siya nagsalita kaya natahimik ulit kami habang naglalakad. Normal lang siyang umaakto at sumisipa-sipa ulit ng maliliit na bato habang ako ay nakatingin lang sa harapan, hinihiling na sana ay makarating na kami sa bahay para hindi ko na siya makasama.
"Huwag mo na 'kong hintayin sa training," sabi ko sa kaniya pagkahinto sa tapat ng bahay namin. "Umuwi ka na nang maaga. Nag-aalala ang Mama mo sa 'yo."
Nagulat siya sa sinabi ko pero agad ding tumango at umiwas ng tingin. "May... maghahatid naman siguro sa 'yo kahit wala ako 'no? Baka hindi ako mapakali, e..."
"Kaya ko ang sarili ko," mariing sabi ko at pumasok na ng bahay.
Kinabukasan ay sinundo pa rin ako ni Kino sa bahay at sabay ulit kaming pumasok sa school. Pagkababa namin ay binuksan ko ang bag ko para ibigay sa kaniya ang lunchbox na hinanda ko kaninang umaga.
"Bye Via! Ingat!" Napatigil ako nang bigla siyang kumaway at tuloy-tuloy lang na pumasok sa gate.
Napaawang ang labi ko at tumingin sa kamay kong nasa loob ng bag, hawak ang lunchbox na 'yon. Gumising ako nang maaga para roon dahil kinalimutan ko na lahat ng inis ko sa kaniya kagabi. Napakagat ako sa ilalim ng labi ko at sinara na lang ang bag.
Noong lunch ay nakahiwalay ulit si Kino at kasama ang mga tropa niyang kumakain. Nilabas ko ang lunchbox ko at uupo na sana roon sa pwesto nila Luna nang bigla akong may nabunggo sa likuran. Napalingon 'yung lalaki sa akin at tinaasan ako ng kilay.
"Lance," bulong ko. Ang tagal ko na siyang hindi nakita, ah. Mukhang matagal siyang nag lie low simula noong nag-break sila ni Luna pero ngayon, bumalik na siya sa usual niyang ugali, at base sa mga chismis ay mukhang mas naging malala lang siya. Parang ito talaga ang totoo niyang kulay.
Ngumisi siya at tinignan ang lunchbox na hawak ko. "Nagbabaon ka pa rin, Via?" Ngumisi siya habang nakapamulsa. May mga kasama siyang lalaki na tumawa rin.
Napakunot ang noo ko, hindi maintindihan kung saan ba nanggagaling ang galit niya sa akin. Dahil ba sa nangyari noon kay Luna? Noong tinawag ko siyang basura? Hindi ko akalaing didibdibin niya 'yon hanggang ngayon.
"Excuse me," sabi ko at aalis na sana pero hinawakan niya ang balikat ko kaya napabalik ako sa pwesto. Napangiti siya lalo nang sarkastiko.
"Saan ka pupunta? Mukhang masarap 'yan, ah?" Tinignan niya ulit ang lunchbox ko.
"Masarap? E 'di gumawa ka." Pinigilan ko ang sariling umirap.
Napakurap ako nang bigla niyang hampasin pababa mula sa kamay ko ang lunchbox kaya nahulog 'yon sa sahig at natapon lahat ng pagkain na naroon. Nakagawa 'yon ng malakas na tunog kaya naman may mga napatinging estudyante sa amin. Nag-bulungan ang ibang dumaan. Napabuntong-hininga ako at lumuhod sa sahig para linisin ang pagkain.
Nanlaki ang mga mata ko nang biglang may humawak sa braso ko at marahan akong hinatak patayo. Hindi ko alam ang sasabihin ko nang makita ko si Pres sa harapan ko, mukhang galit. Nagulat din si Lance at umiwas ng tingin. Iniwan na rin kaagad siya ng mga kasama niyang lalaki dahil takot madamay.
"Linisin mo 'yan," mariing sabi ni Pres at tinuro 'yung lunchbox na nasa sahig.
Hindi sumagot si Lance at maglalakad na sana paalis pero bigla siyang kinwelyuhan ni Pres sa polo. Mas lalong nag-bulungan ang mga tao.
"Lilinisin mo o ipapa-kain ko 'yan sa 'yo?" Seryosong tanong ni Chevy.
Agad tinanggal ni Lance ang hawak sa kaniya ni Pres sa kwelyo at lumuhod sa sahig para linisin ang pagkain. Napalingon ako sa table nila Luna at gulat siyang makita ang ex niyang naglilinis sa sahig. Lumingon din ako kay Kino na nakatayo na malapit sa amin pero umiwas siya ng tingin at tumalikod para maglakad pabalik sa table nila.
"Halika. I'll buy you food." Tinapik ni Pres ang balikat ko at pumila na roon sa bilihan ng pagkain. Nahihiya akong sumunod sa kaniya, hindi alam ang gagawin. Kinakabahan ulit ako sa presensya niya.
"P-pres, hindi na kailangan-"
"Anong gusto mo?" Nakangiting tanong niya sa akin. Nang hindi ako sumagot ay napakamot siya sa ulo niya. "Sorry... Magre-report na lang ako sa office mamaya tungkol kay Lance. Kumain ka muna."
Nahihiya ako pero mukhang desidido siyang bilhan ako ng pagkain kaya tinuro ko na lang 'yung una kong nakita. Siya na ang nag-buhat ng tray at parang alam niya kaagad kung saan ako pepwesto dahil nilapag niya 'yon sa tabi ni Luna.
"H-hindi naman kailangan, Pres. May isa pa naman akong lunchbox..." Nahihiyang sabi ko ulit at tinuro ang lunchbox ni Kino sa loob ng bag ko.
"Ah, oo nga. Sorry. Sayang pala..." Kukuhanin na sana niya ulit ang tray pero bigla kong inabot sa kaniya 'yung lunchbox. Hindi ko rin alam kung anong pumasok sa kokote ko at ginawa ko 'yon. Ayoko lang na masayang 'yung pagkain at mukhang hindi pa rin siya kumakain dahil kakapasok niya lang sa cafeteria kanina.
"Gusto mo, Pres?" Tanong ko. Narinig ko ang impit na sigaw ni Luna. Hinampas pa niya si Kierra at may binulong dito.
"Hmm... Thank you." Kinuha ni Pres sa kamay ko ang lunchbox at ngumiti sa akin. Napalingon din kaagad siya sa kaklase niya nang tinawag siya nito kaya nagpaalam na siya at umupo roon sa kabilang table.
Ang bilis ng tibok ng puso ko dahil sa kaba noong umupo na ulit ako sa table. Siniko kaagad ako ni Luna at pinanlakihan ako ng mata, malapad ang ngiti. "Ikaw, ah! Nauunahan mo na 'ko!" Ngumisi siya at kumagat sa tinapay na kinakain niya.
"Sisihin mo ang ex mo, Luna," sabi naman ni Kierra.
"Anong ex? Wala akong ex!" Tanggi kaagad niya.
Hindi tuloy ako maka-kain nang maayos dahil sa sayang nararamdaman ko. Noong hapon ay may laro kami sa isang school kaya naman excused ako sa klase. Ibang photojournalist ang sumama sa amin kaya wala si Kino. May klase kasi siya, e.
Dahil sa nangyari kanina ay ginanahan tuloy akong maglaro. Dahil maganda ang laro ko ay nakakailang puntos kami sa kabila. Magaling naman sila, lalo na sa blocking, pero magaling din ang mga ka-team ko kaya naman dalang dala nila ang laro. Nasasalo nila ang mga set ko kahit late ako minsan.
"Iba ka ngayon, Via, ah," sabi ng captain namin habang nagpupunas ng pawis. "Inspired ka ba? Siguro may crush ka na."
Nanlaki ang mga mata ko at napalingon sa kaniya. Obvious ba 'yon? Paano niya nalaman? "Ah, halata pala..." Bulong ko.
Nanalo kami sa 1st set pero nalamangan kami nang ilang puntos sa 2nd set kaya naman nagkaroon pa ng 3rd. Pagod na pagod na 'ko nang matapos ang laro, ngunit nanalo naman kami. Ibang klase lang ang pagod na natamo ko dahil nga ito ang unang laro pagkatapos noong 1 week na break. Ang sakit tuloy ng binti ko pagkabalik sa school.
Dumiretso na 'ko sa sakayan ng jeep pagkabalik. Pagkauwi ay tiniis ko ang pagod ko dahil kailangan ko pang tulungan ang mga kapatid ko sa assignment nila habang nagluluto si Papa ng pagkain. Ang sakit na ng katawan ko pagkatapos ng lahat ng gawain kaya pagkahiga ko sa kama ay nakatulog kaagad ako.
"Ate, tinulugan mo ang assignment ko!" Ngumuso si Mira pagkababa niya galing sa kwarto. Maaga akong natulog kaya maaga rin akong nagising. Naghanda kaagad ako ng almusal at baon ng mga kapatid ko. Saka ko lang naalala na nakay Pres pala ang lunchbox ni Kino. Hindi ko pa nakukuha. May balak pa ba siyang ibalik sa akin? Nakakahiya naman kung ako ang kukuha.
"Hindi ko tinulugan. Ginawa ko kanina pagkagising. Nasa bag mo na," sabi ko. "Maaga akong papasok kaya dalian n'yo na ring maligo."
Habang kumakain sila ay naligo na 'ko at naghanda para sa school. Nang matapos ay naghugas na 'ko ng plato at hinintay ang mga kapatid kong matapos. Hinatid ko na rin si Aidan sa kapitbahay, at sila Mira naman sa school. Mag-aabang na sana ako ng jeep nang biglang nag-text sa 'kin si Kino.
From: Kino
bakit wala nang tao sa bahay n'yo? iniwan mo 'ko :( hintayin mo 'ko
Napailing ako at sinabing nasa tapat ako ng school nila Mira. May nakita akong bilihan ng school supplies malapit doon kaya naglakad muna ako papunta para magpalipas ng oras. Bibili ako ng kailangan sa klase mamaya. Nagpapadala kasi ng construction paper, e naubos na sa bahay.
Pagkalabas ko ng shop ay nilagay ko na sa folder ang construction papers. Ibabalik ko na sana ulit ang folder sa bag ko nang may matanaw ako sa kabilang side ng kanto. Naglakad ako pagilid para makita nang maayos. Nasigurado ko kaagad na si Chevy 'yon na nakaupo roon sa gilid ng daan at pinapanood kumain ang mga kuting.
"Via!" Napalingon ako kay Kino nang makita siyang tumatakbo papunta sa akin. "Hoo, wala pa man din ako sa school, mukha na 'kong pauwi na! Bakit hindi mo 'ko hinintay?!"
"Papasok sana ako nang maaga," sabi ko sa kaniya. "At hindi naman kailangang sabay tayo papasok palagi, ah."
Natigilan siya at napatingin sa akin na parang nasaktan siya sa sinabi ko. Bumuka ang bibig niya at may sasabihin sana pero tinikom din kaagad. Bumaba ang tingin ko sa kamay niya at nakitang may mga band aid doon.
"Anong nangyari riyan?" Tanong ko sa kaniya.
"Ah, wala 'to..." Tinago niya kaagad sa likod niya ang kamay. "Nagasgas lang."
May sasabihin pa sana ako nang biglang may tumawag sa akin.
"Via!" Napalingon ako kay Pres na dala-dala ang bag sa isang kamay. Nagmamadali niyang kinuha ang lunchbox at inabot sa akin. "Hinanap kita kahapon pero may laro ata kayo kaya hindi ko nabalik."
Matagal na nakatingin si Arkin doon sa lunchbox na dapat ay para sa kaniya. Kinuha ko 'yon mula sa kamay ni Pres at nilagay sa bag ko. "Okay lang. Salamat," sabi ko.
"Sige, una na 'ko." Ngumiti siya sa amin ni Kino at naglakad na paalis.
Sumakay na rin kami ng jeep ni Kino pero hanggang sa makarating kami sa school ay hindi siya nagsasalita. Kung dati ay nagpapaalam pa siya bago pumasok sa gate, ngayon ay nakatayo lang siya sa gilid ko at mukhang may iniisip.
"Hindi ka pa papasok?" Tanong ko sa kaniya.
"Una ka na," sabi niya sa akin at ngumiti. "May... Bibilhin pa pala ako." Umiwas siya ng tingin sa akin at kumagat sa ibabang labi.
Tumango na lang ako at pumasok na sa loob ng school. Hindi ko na nakita si Kino buong araw pero sabi ni Luna ay nakita niyang kasama raw ni Sevi. Kailan pa naging close ang dalawang 'yon?
"Hala, anong nangyari sa ex mo?" Tanong ni Kierra kay Luna habang kumakain kami sa may tindahan ng fishball sa labas ng school. Kakatapos lang ng klase at may oras pa 'ko bago pumunta sa training.
Napalingon ako kay Lance na nakapamulsang naglalakad palabas ng school kasama ang dalawa niyang tropa. Napakunot ang noo ko nang makitang may sugat ito sa labi at mayroon ding band aid sa magkabilang pisngi.
"Ang sabi ko, wala akong ex, Ke!" Inis na sabi ni Luna. "Hayaan mo 'yang lalaking 'yan. Hilig talaga niyang makipag-away kahit hindi naman marunong sumuntok! Kita mo, siya ang napuruhan!"
"Baka nag-aya na naman ng away sa kanto. Ano bang nagustuhan mo riyan?" Napakamot si Ke sa ulo niya.
Maglalakad sana papunta sa gawi namin si Lance para bumili ng fishball pero nang magtama ang tingin namin ay nanlaki ang mga mata niya at agad hinatak sa sleeves ng polo ang dalawa niyang tropa paalis. Nagkibit-balikat na lang ako. Baka nareport na siya ni Pres sa office.
Hindi ulit kami sabay umuwi ni Kino pagkatapos ng training ko. Kinabukasan ay P.E namin at nag-iisip sila Luna kung saan kami kakain dahil sawa na raw sila sa cafeteria. Sakto ay nakita niya si Sevi na nagbabasketball doon, kasama si Kino.
"Hoy, Sevi! 'Di ba malapit lang bahay n'yo? Tara, kain tayo roon! May meeting daw teachers ngayong hapon kaya walang klase!" Sigaw ni Luna mula sa bleachers. Napatingin tuloy ang ibang estudyante.
"Kailangan i-announce sa buong mundo?!" Reklamo naman ni Sevi.
Iyon nga ang nangyari. Pagkatapos ng P.E ay hindi na tinigilan ni Luna si Sevi habang nakasunod kami ni Kierra. Sabi naman ni Kino ay susunod na lang daw siya dahil may ibabalik pa siyang libro sa library. Pansin ko ngang mas tutok na siya sa pag-aaral ngayon, ah.
Habang papalabas kami ng gate ay bigla kaming napahinto dahil nakita namin si Sam at Yanna na nagjajack en poy doon sa gilid. Hindi namin alam kung ano ang pinagdedesisyunan nila pero nanalo si Sam kaya napasapo sa noo niya si Yanna. Palagi na ata silang magkasama ngayon, ah?
"Oy, tara, Sam, Yanna! Pupunta kami kila Sevi! Walang pasok sa hapon! Secret lang muna dahil sa akin pa lang sinabi ng teachers! Tara!" Aya ni Luna sa kanila.
"Let's watch a movie!" Agad na sabi ni Sam at sumama sa amin. Hatak-hatak niya si Yanna sa palapulsuhan.
Wala nang nagawa si Sevi kung hindi dalhin kami sa bahay nila. Walang tao roon dahil may pasok daw ang isa niyang kapatid habang ang Mama niya ay may check-up sa hospital. Wala tuloy kaming makain kaya si Sevi na lang ang nag-luto. Tumulong na lang din ako habang sila Sam ay may pinag-uusapan doon sa sofa. Nakaupo si Luna sa sahig kasama si Yanna. Si Ke ay kasama si Sam sa sofa. Mga naka-medyas lang din sila.
"Uy, si Kino, narito na," rinig kong sabi ni Kierra sa sofa kaya napalingon ako.
Tinanggal ni Kino ang sapatos niya at umupo rin sa sofa habang tinatanggal ang butones ng polo. "Anong papanoorin?" Tanong niya nang makita ang mga CD sa sahig. Nang magtama ang tingin namin ay umiwas kaagad siya kaya nagtaka ako.
"Magkaaway ba kayo?" Tanong ni Sevi habang naghahain ako ng mga plato.
"Ano ba ang sabi niya sa 'yo? Kayo ang madalas magkasama," sabi ko naman pabalik. Hindi ko naman sinasadya pero tunog nagseselos ako dahil palaging sila ang magkasama imbis na ako.
"Wala naman siyang sinasabi," sabi niya rin at tumawa. "Hmm, alam mo ba, Via... May gusto ako sa kaibigan ko."
"Oo, may gusto ka kay Luna," diretsang sabi ko habang naglalapag ng mga baso.
Napatigil siya bigla at lumingon sa akin, gulat na gulat. Natawa ako saglit sa reaksyon niya. Mukhang hindi niya inaasahang alam ko, pero halatang halata naman. Palaging lumiliwanag ang mukha niya kapag nariyan si Luna, at minsan pa namumula ang tenga niya kapag hinahawakan siya ni Luna.
"Halata naman," dugtong ko.
"P-paano..." Hindi niya alam ang sasabihin niya. Umiwas na lang siya ng tingin at bumuntong-hininga. "Huwag mong sasabihin sa kaniya, ah... Wala akong plano umamin. Gagraduate na rin naman ako. Panigurado marami pa 'kong magugustuhang iba sa college."
"Kung hindi ka aamin, mauunahan ka. Habang-buhay mo 'yang pagsisisihan, sige ka," payo ko naman sa kaniya kahit wala akong masyadong alam tungkol doon... Pero 'di ba, kung gusto mo na 'yung tao at hindi lang basta 'crush', dapat sabihin mo para malaman mo kung may gusto rin siya sa 'yo?
"Ikaw ba, kung may gusto ka sa kaibigan mo, sasabihin mo kaagad? Hindi mo iisiping baka mailang siya sa 'yo... Tapos mawala lahat ng pinagsamahan n'yo? Mahirap 'yon." Tumingin siya sa gawi nila Luna at umiling.
"Paano ka nagkakagusto sa kaibigan mo? Weird," bulong ko.
Tumawa siya nang malakas at napailing na lang sa akin. May binulong pa siya pero hindi ko na 'yon naintindihan. Tumigil lang siya kakatawa nang pumasok si Arkin sa kusina para kumuha ng tubig.
Tumabi kaagad si Kino sa akin noong sinabing kakain na pero wala siyang sinabi. Naglaro pa sila kung sino ang maghuhugas pero nag-volunteer na lang din si Luna at Yanna para mahanda na namin ang papanoorin sa TV. Pinatay pa ni Sevi ang mga ilaw dahil horror iyong papanoorin. Ang mga 'to, kahit duwag, gusto pang tinatakot ang sarili.
"Gusto mo?" Alok sa 'kin ni Kino ng chichirya. Nakaupo kaming dalawa sa sahig, sa gilid ng sofa.
Umiling lang ako at tinutok ang atensyon sa TV. Noong dumating na sila Luna ay sinimulan na ang movie. Magkatabi sa sofa si Luna at Sevi, at sa kabila nila, si Yanna. Sa sahig naman si Sam at Kierra.
"Ah! Gagi!" Sabay pang sumigaw si Luna at Sevi kaya napasigaw din si Sam at humawak kay Yanna na nasa likuran niya. Napataas ang kilay ko nang makitang napayakap si Luna kay Sevi dahil sa takot. Kitang kita sa mga kamay ni Sevi at sa itsura niya na hindi niya alam ang gagawin niya dahil doon.
Tumingin ako kay Kino na nakayuko lang at hindi nanonood dahil natatakot din. "Manood ka," sabi ko sa kaniya. Sumimangot siya at sinubukang tumingin sa TV pero napapaiwas din ang mga mata.
"Subukan mo 'kong hawakan, Yanna, hahampasin kita ng unan!" Rinig kong sigaw ni Sevi.
"Bakit naman kita hahawakan?" Walang pakialam na sabi ni Yanna. "Ako nga ang dapat na matakot dito dahil baka halikan mo 'ko ulit."
"Anong sabi mo?!" Sigaw ni Sevi. "Ah! Gagi! Ano ba 'yang napili n'yong movie?!" Sigaw ulit niya nang may lumabas na nakakatakot.
"Ang ingay mo naman, Sevi," reklamo ni Kierra.
"'Yan lang 'yung matinong CD. The others were already SPG..." Sabi naman ni Sam.
"Ano ba 'yan, Sevi. Hilig mo manood ng bold pero umaatras ang bayag mo kapag nakakatakot na 'yung papanoorin," sabi ni Yanna.
"Hindi akin 'yon!"
Napatakip ako sa tenga ko dahil sa bangayan nila roon habang nanonood. Hindi na sila natigil at parang bawat scene ay may nasasabi sa isa't isa.
"Via!" Sigaw ni Kino nang magulat sa biglaang labas ng multo. Napahawak siya nang mahigpit sa kamay ko habang nanlalaki ang mga mata. Mukhang napagtanto niya ang ginawa niya kaya napatingin siya sa kamay naming dalawa.
Normal lang naman sa akin na hinahawakan niya ang kamay ko pero nagtaka ako dahil bigla siyang bumitaw na para bang napaso siya. Napakunot ang noo ko at hinawakan ulit ang kamay niya para tignan ang magiging reaksyon niya.
Napatingin ulit siya sa kamay naming dalawa nang ako ang naunang humawak. Napakagat siya sa ibabang labi niya at napayuko sabay sapo sa noo. Hindi niya naman tinanggal ang hawak ko pero lumapit siya sa akin bigla at dinikit ang noo niya sa may balikat ko.
"Ang hirap naman..." Bulong niya.
Napakunot ang noo ko at sinubukang silipin ang mukha niya pero tinakpan niya 'yon gamit ang isa niyang kamay. Hindi ko na mabasa ang iniisip niya buong movie. Nakahawak lang siya sa kamay ko pero hindi siya nanonood at nakayuko lang. Akala ko nga ay nakatulog na siya.
"Dahil gagraduate na si Sevi, lunch tayo palagi rito! Sulitin na natin!" Masayang sabi ni Luna.
"Ano?! Kung nag-aambag ka sa grocery ng Mama ko, e 'di maganda!" Pakikipagtalo pa ni Sevi.
"Ay, may ambagan. Sige, pass." Umiling si Yanna.
Nag-ayaan na rin silang umuwi pagkatapos ng movie. Sabay si Yanna at Sam, si Kierra at Luna, at ako tsaka si Arkin. Naninibago ulit ako na tahimik si Kino habang naglalakad kami pauwi. Kakababa lang namin ng jeep at buong byahe, halatang malalim ang iniisip niya.
"Via."
Napahinto ako sa paglalakad nang bigla niya 'kong tinawag. Lumingon ako at nakitang huminto rin siya. Nakatingin na lang siya sa akin ngayon at halatang may gustong sabihin. Napaawang ang labi ko nang mabilis siyang naglakad palapit sa 'kin at niyakap ako.
"Hindi ko na kayang malayo ako sa 'yo... Please, huwag na nating gawin 'to," bulong niya.
Nagulat ako nang marinig ko ang hikbi niya. Agad akong yumakap sa kaniya pabalik at hinaplos ang likod niya para tumahan siya. Tahimik lang siyang umiyak sa balikat ko.
"Kung ano man ang nagawa ko, sorry," umiiyak na bulong niya. "Kung may mali akong nagawa, sabihin mo sa 'kin kasi hindi ko alam ang gagawin ko kapag hindi mo 'ko kinakausap..."
"Ikaw ang lumalayo sa akin, hindi ako," sabi ko sa kaniya. "At ikaw ang nag-sinungaling sa 'kin."
Mas lalo lang siyang umiyak dahil sa sinabi ko. Sinubukan kong pigilan ang tawa ko habang tinatapik ang balikat niya. Mas matangkad siya sa 'kin kaya naman kailangan pa niyang mag-adjust para mayakap ako.
"Huwag mo na rin ibigay sa iba 'yung lunchbox ko..." Pag-iyak niya. "Akin 'yun, e..."
Tumawa ako dahil para siyang bata dahil sa sinabi niya. "Hinanda ko naman talaga 'yun para sa 'yo pero hindi mo kinuha. Hindi pa kumakain si Pres noon at sayang naman kaya binigay ko sa kaniya."
Bumitaw siya sa 'kin at tahimik na pinunasan ang mga luha niya gamit ang likod ng kamay. Natawa ako lalo nang makita ang umiiyak niyang mukha. Kahit umiiyak ay ang ganda pa ring tignan ng mukha niya. Bagay 'to sa TV, ah.
"Sinong mas gusto mo? Si Pres o ako?" Parang batang tanong niya at humikbi pa.
Napatakip ako sa bibig ko at sinubukang itago ang ngiti ko dahil sa tanong niya. Ano bang pinuputok ng buchi nito, ha? Bakit nadamay na naman si Pres? Dahil ba pinamigay ko ang lunchbox niya?
"Siyempre ikaw. Kailangan mo pa bang tanungin 'yan?" Binatukan ko siya at tumawa.
"Totoo?" Tinanggal niya ang takip sa mukha niya at tumingin sa 'kin na parang tutang nagmamakaawa. Kumikinang pa ang mga mata dahil sa luha.
"Hindi kita ipagpapalit kahit kanino." Umakbay ako sa kaniya at hinatak na siya paalis para makalakad na ulit kami pauwi.
________________________________________________________________________________
:)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro