10
"Ang sakit na ng kamay ko, ah!"
Ngumuso si Kino at umupo roon sa taas ng table para ilagay ang gitara niya sa loob ng case. Narito kami sa loob ng Music room para kuhanin ang mga gamit niya. Kakatapos lang ng program kaya pwede na kaming umuwi. Nagpaalam ako kay Papa at pinayagan naman niya 'kong matulog sa bahay nila Kino ngayong gabi. Ang sabi niya ay maganda raw na makapag-relax naman ako, hindi 'yung puro ako asikaso sa mga kapatid ko.
Gamit ang puting athletic tape ata 'yon ay nilagyan niya na naman isa-isa ang mga daliri niyang namumula na kaka-gitara roon sa stage. Naka-ilang kanta rin sila, ah. Panigurado ay napagod na rin siya kaka-tugtog, lalo na't hindi naman siya sanay na ganoon katagal nagpe-perform sa stage.
Kinuha ko 'yung monoblock sa gilid at umupo roon. Hindi na nag-abala pa si Kino buksan ang ilaw kaya 'yung ilaw na lang sa hallway ang nagsisilbing liwanag sa loob ng Music room. Pagkatapos niyang ayusin ang gitara ay sinukbit na niya sa balikat niya 'yon at naglakad palapit sa akin. Huminto siya sa tapat ko at marahang ginulo ang buhok ko saka ngumiti.
"Anong iniisip mo?" Tanong niya kaagad kahit wala akong sinasabi at halos hindi naman niya makita ang itsura ng mukha ko.
"Marami," sabi ko naman. Marami akong iniisip. Ang kolehiyo, unibersidad na papasukan ko, mga kapatid ko, at 'yung pagkaka-'crush' ko raw sabi ni Luna! Dumagdag pa talaga 'yun sa pinoproblema ko ngayon. Sana ay hindi ko na lang narinig 'yon. "Marami kaya huwag na."
"Anong huwag na? Tara, sabihin mo lahat sa 'kin habang pauwi tayo." Kinuha niya ang bag ko at sinukbit sa kabila niyang balikat bago lumabas ng room.
Tumayo ako at sumunod na lang sa kaniya, pero pagkalabas namin ay bumungad naman ang mga Student Council officers na nagliligpit ng mga ginamit na table at upuan sa program kanina. Nang magtama ulit ang tingin namin ni Pres ay agad akong umiwas at tumalikod. Hindi ko alam kung bakit, pero iyon ang unang naging reaksyon ko. Nagulat siguro siya dahil biglaan kong ginawa.
"Ito 'yung susi ng storage room. Paki-lagay na lang doon, and please don't leave it open," sabi ni Pres kila Sevi. Agad namang nag-buhat ang mga ito ng tables kasama ang ibang officers. Sila Luna ay abala sa pagtutupi ng mga table cloth. Ang ibang club officers ay naroon din para i-ligpit ang food stalls. Ito na pala ang last day ng Foundation Day. Babalik na naman pala ako sa training next week.
"Uuwi na kayo?" Tanong ni Luna nang makita kami ni Kino. Tumagal ang titig niya sa 'kin bago nilipat ang tingin kay Pres. "Pres, si Via, oh." Tinakpan niya pa ang bibig niya para pigilan ang tawa niya.
Nanlaki ang mga mata ko dahil sa sinabi niya, lalo na noong lumingon pa sa akin si Pres na nagtataka rin kung anong mayroon. Pilit na lang akong ngumiti.
"Una na ho kami, Pres," sabi ko na lang para hindi siya mailang. Hindi pa siya nakakasagot ay hinatak ko na kaagad si Kino paalis para makatakas sa sitwasyong 'yon. Putek... Ano ba 'yon?! Bakit ako 'yung naiilang bigla?!
"Anong mayroon?" Nagtatakang tanong ni Kino dahil bigla ko na lang siyang hinatak. Hinimas pa niya ang braso niya dahil mahigpit ang hawak ko roon. "Excited ka na bang umuwi?"
Hindi ako sumagot at tinago na lang sa sarili ko ang mga iniisip ko! Dumagdag ulit 'yon! Umiling na lang ako at sumakay ng jeep. Sumunod naman si Kino sa akin. Hindi na siya nangulit hanggang sa makababa kami sa kanto namin dahil pagod na siya at inaantok na. Tamad na rin siyang maglakad pero dumaan pa rin kami sa bahay para kumuha ng gamit.
"Saan ka po pupunta, Ate?" Ngumuso si Ysha nang makitang paalis ako.
"Hayaan n'yo na ang Ate n'yo at magpapahinga siya," sabi ni Papa mula sa kusina. Naghuhugas na siya ng plato ngayon dahil kakatapos lang nila mag-dinner. Late na rin pala.
Nag-alangan pa tuloy ako kung aalis ba 'ko o hindi dahil nag-aalala akong baka pagod na si Papa tapos mag-aalaga pa siya ng mga kapatid ko. "Sige na, Via. Roon ka muna kila Kino. Huwag mo na kami intindihin dito." Parang nabasa ni Papa ang iniisip ko.
Tumango na lang ako at humalik sa ulo ng mga kapatid ko bago kami naglakad ni Kino papunta sa bahay nila. Malapit lang din naman pero itong si Kino, sa sobrang pagod ay parang gumagapang na siya sa kalsada. Kinailangan ko tuloy hatakin siya sa braso para maglakad siya nang maayos.
"Dito na ho kami," paalam ko pagkapasok namin sa bahay nila Kino. Nag-hubad kaagad ako ng sapatos at nakasimangot ding sumunod si Kino na gusto nang matulog. Ako tuloy ang nag-tanggal ng sapatos niya para mas mabilis.
"Via!" Sinalubong ako ng yakap ng Mama ni Kino, malapad ang ngiti. Halos hindi ako makahinga sa higpit ng yakap niya sa 'kin. "Bakit hindi ka na bumibisita? How are you? How have you been? Are you doing alright?" Sunod-sunod na tanong niya.
Ang ganda ng Mama ni Kino, at ang itsura niya ay mukhang mas bata pa sa edad niya. Ganoon din sa Papa niya kaya naman mukhang artistahin din 'tong si Kino. Palagi silang magkasama ni Mama, kahit sa banda nila noon, at kahit noong mga panahong sinusubukan pa ni Mama magkaroon ng pangalan sa industriya.
Comforting ang ngiti niya kaya naman kapag narito ako ay parang panatag ang loob kong makakapagpahinga ako nang maayos dahil may mag-aalaga sa akin. Simula noong nawala si Mama ay parang wala na 'kong naging pahinga kaya naman hindi na rin ako masyadong nakakadaan sa bahay nila. Palagi namang nagpapadala ng pagkain ang Mama niya.
"Ma, pagod na siya," sabi ni Kino pagkahalik sa pisngi ng Mama niya. "Magpapahinga na siya. Bukas mo na lang siya chikahin." Tumawa ito saglit.
"Hmp, sige na nga." Ngumuso si Tita Allie at ngumiti ulit sa akin. "Mag pahinga na kayo."
Tumango ako at umakyat na ng kwarto ni Kino para ilapag ang mga gamit ko. Kapag natutulog ako rito ay may foam ulit na hinahanda sa sahig, pero para kay Kino at hindi sa akin. Doon ako natutulog sa kama niya. Ayaw niya kasing natutulog ako sa sahig, e. Papagalitan daw siya ng Mama niya kapag ginawa niya 'yon dahil baka maalikabukan ako.
Kumpara sa bahay namin ay mas malaki 'tong bahay nila Kino. Tatlo rin ang C.R nila rito kaya ako na ang naligo sa isa. Nag-toothbrush at naghugas na rin ako ng mukha bago ako bumalik sa kwarto niya. Hindi pa siya tapos maligo kaya humiga na lang ako sa kama niya at nag-talukbong ng comforter para matulog na. Halatang bagong laba ang mga punda dahil amoy na amoy ko.
"Tutulog ka na?" Pumasok si Kino sa kwarto na shorts lang ang suot at nakasabit ang twalya sa leeg. Kakatapos lang niya maligo at umupo kaagad sa kama habang nagpapatuyo ng buhok. Pinagpawisan daw kasi siya kanina.
"Hindi ka masyadong kumain ng dinner," sabi ko sa kaniya. Puro pagkain sa food stalls lang ang binili namin kanina habang concert. Puro snacks lang 'yon at hindi naman gaanong nakakabusog. At least ako ay bumili ng siomai rice. Siya, puro unhealthy food lang.
Ngumuso siya at tumingin sa 'kin, nakapikit ang isang mata dahil tumutulo ang tubig mula sa buhok habang pinapatuyo niya ito ng towel. "Nabusog na 'ko. Kumain naman ako ng cake. Bukas na lang ako kakain nang maayos."
Bumuntong-hininga ako at umayos ng higa para sa kisame na ako nakatingin. Naramdaman kong tumayo na rin siya para mag-suot ng shirt bago bumalik sa pwesto. Pumikit ako at sinubukan kong matulog pero parang gising talaga ang diwa ko at hindi ako dinadalaw ng antok.
"Kino, may crush na ata ako," sabi ko sa kaniya bigla.
"Huh?" Nakita kong napaupo siya bigla mula sa pagkakahiga niya, gulat na gulat. "Anong sinasabi mo? Seryoso ka ba o nagpapatawa ka lang?"
"Hindi ko alam..." Sabi kasi ni Luna, e... Crush lang naman. Hindi naman siguro 'yun masama. Totoo namang nagagwapuhan ako kay Pres. Naririnig kong mayroong tinatawag na 'happy crush' kaya baka 'yun nga tawag doon, para naman hindi masyadong malungkot 'tong highschool life ko. "Baka lang."
Natahimik siya nang matagal at dahan-dahang humiga ulit. Maya-maya ay nagsalita ulit siya. "Sino?" Mahinang tanong niya.
"Si Pres?" Patanong na sabi ko dahil hindi rin naman ako sigurado. "Pero... Hindi naman... Crush crush... Hindi naman..."
"Mm-hm," pag-putol niya kaagad sa pinapaliwanag ko. Lumingon ako sa kaniya at nang mag-tama ang tingin namin ay ngumiti siya. "Ganoon pala ang mga tipo mo? 'Yung matalino, responsable..." Tumawa pa siya.
"Hindi ko rin alam. Sakto lang." Ngumiti ako pabalik sa kaniya. Kapag pala sinasabi ko sa iba ay nakakatuwa sa pakiramdam. Ganoon ba ang nararamdaman nila Luna kapag kinekwento ang mga crush nila? Ngayon ko lang naman sinabihan si Kino. "Gwapo naman siya."
"Anong balak mo?" Ngumiti siya sa akin. "Gusto mo ng tulong? I-close ko si Pres tapos tulungan kita!" Alok niya pa.
Agad akong umiling sa takot dahil sa sinabi niya. Kahit kailan ay hindi ko naisip na aminin ito sa iba, lalo na kay Pres! Okay nang sa amin lang 'to dalawa ni Kino dahil hindi ko lalo kakayanin ang pang-aasar ni Luna. Sa katotohanan, dahil ata sa kaniya kaya ako nagka-crush talaga! Dahil doon sa sinabi niya!
"Hindi na... Mas okay ako sa ganito." Pumikit na ako at niyakap ang unan. Tumahimik na rin si Kino pagkatapos noon kaya mabilis lang akong nakatulog.
Kinabukasan ay mas nauna akong nagising kay Kino kaya nauna na rin akong bumaba para sana mag-luto ng umagahan dahil nasanay na 'ko sa mga kapatid ko pero pagpasok ko ng kusina ay may nakahanda nang pagkain doon. Ngumiti sa akin si Tita Allie at agad akong kinuhanan ng plato. Ang Papa ni Kino ay abala na sa pag-pasok sa trabaho. Nagtatrabaho ito sa isang malaking kumpanya.
"O, Via, rito ka pala natulog. Hindi kita naabutan kagabi, e. Kumusta na si Papa mo?" Nakangiting tanong sa akin ni Tito Orlan habang nagsusuot ng necktie.
"Okay naman po. Lumipat na ho siya ng kumpanya kaya maaga na siyang nakakauwi," pag-balita ko pagkaupo ko sa mesa. Kinuhanan na ako kaagad ng pagkain ng Mama ni Kino. Ang dami pa noon at parang gusto niya talagang mabusog ako. Hindi pa naman ako nagpapakabusog tuwing umaga dahil medyo nakakasuka 'yon.
"Mabuti naman. Saan siya ngayon? VGC?" Hindi ko alam kung ano 'yon. Hindi ko rin naman tinanong si Papa kung saan dahil nakakalimutan ko palagi. "Ah, hindi ba nabanggit? Sige, okay lang! Ako na lang ang magtatanong." Ngumiti siya sa akin ulit at tumango lang ako.
"Kumusta si Kino sa school, Via? Okay naman ba siya?" Tanong ni Tita Allie nang umalis na ang asawa niya. "Nag-aaral ba? Gabi na kasi siya umuuwi palagi, e."
"Ah, marami ho kasing ginagawa sa Music club na sinalihan niya." Hindi ko na sinabing hindi naman nag-aaral si Kino dahil pumapasa naman siya kahit ganoon. Mas matataas pa nga ang nakukuha niya kaysa sa akin, e. Hindi ko na rin nabanggit na kaya madalas gabi siya umuuwi ay dahil hinihintay niya 'ko sa training. Sinasabi ko naman na umuwi na siya pero ayaw niya, e.
"Ganoon ba? Tama 'yan. Enjoy-in n'yo ang highschool dahil minsan lang 'yan mangyari." Tumango si Tita Allie at nilagyan pa ng kanin ang plato ko. Halos masuka na 'ko sa sobrang busog pero hindi ko pinahalata.
Kakainin ko na sana ulit nang biglang may umagaw ng plato ko. Napaangat ang tingin ko kay Kino na maayos na ang itsura at mukhang naligo na rin. Nilipat niya sa plato niya ang laman ng plato ko.
"Hindi siya gaanong nagkakanin 'pag umaga, Ma," sabi ni Kino bago umupo sa tapat ko.
Agad namang humingi ng tawad sa 'kin ang Mama niya pero umiling ako at sinabing ayos lang 'yon. Nakakahiya naman! Si Kino kasi, e... Pero nagpapasalamat na rin ako na alam niya 'yon. Kung hindi, masusuka na talaga ako sa rami ng pinapakain sa akin ni Tita Allie.
Pagkatapos kumain ay naligo na 'ko at nag-palit ng damit pang-alis dahil gusto raw ako isama ni Tita mag-mall. Bibilhan daw niya 'ko kung may kailangan ako, at siyempre, sumama rin 'tong si Kino kahit ayaw niya sa mga mall. Napapagod lang daw siya kakaikot.
"Ayaw ni Via 'yung mga ganiyang damit, Ma," singit nang singit itong si Kino kapag tinatapat ng Mama niya ang napipiling damit para sa akin. Totoo namang ayaw ko ng mga dress na ganoon ang itsura pero hindi ko masabi kaya si Kino na lang ang nagdedesisyon para sa akin. Mabuti na lang pala at sumama siya.
"Ikaw ba si Via, anak? Parang mas kilala mo pa siya kaysa sa sarili niya, e," sabi ni Tita Allie.
"Totoo naman," bulong ni Kino.
Bandang huli ay marami akong nauwing damit para sa akin, at para rin sa mga kapatid ko. Mahilig talagang mag-bigay si Tita Allie, lalo na sa akin at sa pamilya ko, dahil pakiramdam niya ay kailangan... Dahil wala na si Mama. Hangga't maaari ay gusto niyang siya ang mag-alaga sa amin, pero hindi naman 'yon pwede dahil may sariling anak din siya na kailangan niyang pagtuonan ng pansin.
"Toy, Ate?" Tanong ni Aidan nang silipin ang nasa loob ng paper bag. Hinatid ako nila Kino sa tapat ng bahay pero umuwi na rin sila kaagad.
"Ate!" Agad tumakbo sa akin si Mira at Ysha para yakapin ako na para bang ang tagal kong nawala. "Saan ka po galing?" Sabay pa silang nagsalita.
"Anak, narito ka na pala. Aalis ako, ha. Magpapakain daw 'yung boss namin sa site, e," paalam naman ni Papa, bihis na at dala na rin ang maliit na bag.
"Ingat po kayo. Huwag po kayo masyadong magpapakalasing," paalala ko bago siya umalis. Alam ko na kaagad na may kasamang inom ang pakain na 'yon dahil ganoon naman lagi kapag sinasabing magpapakain sa trabaho nila.
Hindi naman sa hindi responsable si Papa kapag nalalasing. Ayaw ko lang na nasosobrahan siya para makauwi siya nang maayos. Isang beses kasi ay tinawagan ako ng katrabaho niya dahil blackout si Papa sa inuman at hindi nila alam saan iuuwi.
Nasa sala lang ako habang nanonood ng TV para mabantayan ko sila Aidan na naglalaro. Wala namang assignment o kung ano kaya wala rin akong magawa sa bahay. Noong gabi naman ay nagluto lang ako ng ulam at naghugas ng plato pagkatapos kumain. Binihisan ko na rin ang mga kapatid ko at pinatulog sa kabilang kwarto. Mag-10 PM na nang matapos ako sa mga responsibilidad ko.
Akala ko makakapagpahinga na 'ko pero may tumawag bigla sa akin. Sinagot ko kaagad dahil si Papa 'yon... Akala ko lang pala dahil katrabaho niya ang sumagot. Iba ang boses, e. "Hello? Hello! Anak niya ba 'to? Nasa tapat kami ng bahay n'yo. Lasing ang Papa mo, e." Tumawa pa ito.
Napasapo ako sa noo ko at agad bumaba ng bahay para buksan ang gate sa labas. Nagulat ako nang biglang makita si Sevi. Nakaakbay ang Papa ko sa kaniya at sa isang lalaki. Naguluhan ako lalo!
"Woy, Via! Bakit nandito ka?!" Ako pa ang tinanong ni Sevi, e siya ang nasa bahay namin!
"Via, anak! Si Engineer Camero!" Lasing na sabi ni Papa at tinuro pa 'yung lalaking naka-puting polo. Bukas ang tatlong butones nito at nakatupi rin ang sleeves hanggang siko. Lukot din nang kaunti ang suot dahil sa likot ni Papa. "Boss namin sa site! Mabait 'yan! Mabait 'yan!" Paulit-ulit na sabi niya.
"Masyado mo naman akong pinupuri." Tumawa si Engineer Camero. "Halika, Sev, hatid na natin sa loob para hindi na mahirapan 'tong si Via. Tama, 'di ba? Via ang pangalan mo?"
Tumango ako at agad binuksan ang pinto ng bahay para makapasok sila. Hinatid nila si Papa hanggang sa kwarto bago bumaba. Engineer Camero... Tatay ni Sevi?! Engineer pala ang Papa niya? Ngayon ko lang 'yon nalaman. Hindi ko rin naman tinatanong, e.
"Pa, si Via, kaibigan ko sa school," pagpapakilala ni Sevi pagkalabas ulit nila ng bahay. Naka-sweater lang siya at cap dahil siguro gabi na at bigla na lang siyang tinawag ng Papa niya.
Pero... Ano raw? Kaibigan niya 'ko? Magkaibigan na kami? Hindi ko alam kung ano ang ire-react ko roon. Ngayon ko lang nakumpirmang magkaibigan nga talaga kami.
"Hello po, Engineer Camero. Pasensya na ho sa Papa ko..." Humingi ako ng tawad, lalo na't boss daw nila ito sa trabaho! Baka kung ano pa ang mangyari kay Papa. "Sana ho huwag n'yo siyang sisantehin..."
Matagal na napatitig sa akin ang Papa ni Sevi bago tumawa nang malakas. Humawak pa siya sa tiyan niya at nang kumalma, napailing na lang. "Via, huwag kang mag-alala! Hindi mawawalan ng trabaho Papa mo! Ikaw talaga, ilang taon ka na ba? Bakit mas mature ka mag-isip kaysa sa lalaking 'to?" Tinuro pa niya si Sevi.
"Luh, bakit ako?!" Reklamo nito. "Ikaw nga, isip-bata rin. Ikaw dahilan kung bakit nalasing 'yung Papa ni Via. Sabi mo kasi mamimigay ka ng house and lot sa uubos ng alak."
"Hala, hindi ko naman alam na maniniwala pala siya roon!" Pag-depensa naman ng Papa niya. "Pasensya ka na rin, Via, ah! Wala akong pa-house and lot ngayon."
Agad akong umiling, hindi alam ang sasabihin. Nag-biruan pa sila ni Sevi sa harapan ko bago sila tuluyang nagpaalam para umuwi. Sumakay ang Papa niya sa kotse at kumaway na rin sa akin si Sevi bago sila umalis. Hinayaan ko na lang si Papa na lasing doon sa kabilang kwarto para hindi niya maistorbo sila Mira. Blackout na naman siya.
Kinabukasan ay Linggo kaya naman maaga akong pumuntang palengke para bumili ng makakain sa bahay. Paubos na rin kasi ang mga ulam at tsaka snacks para sa baon nila Mira. Alam ni Kino na namamalengke ako every two weeks at palaging Linggo 'yon kaya sumama siya sa akin ngayon para tulungan akong mag-buhat ng mga pinamili ko.
"Hindi ka ba napapagod?" Nagtatakang tanong niya. "Gusto mo ako na lang mamalengke para sa 'yo tuwing Linggo?" Offer niya pa.
"Ikaw? E, ni prutas nga ay hindi ka marunong pumili." Panigurado ay bulok ang kakainin ng mga kapatid ko kung siya ang mamamalengke. Kilala na rin ako ng mga nagtitinda rito kaya madaling maka-discount.
"Pinipili pa ba 'yun? Hindi ba pare-parehas lang lasa no'n?" Nagtatakang tanong niya sa 'kin. Nakasukbit ang malaking bayong sa balikat niya na puno ng mga plastic bag. Mayroon din siyang buhat sa isa niyang kamay. Nangangawit na siguro siya pero hindi siya nagrereklamo.
Naging abala rin ako pagkauwi ng bahay dahil nag-luto pa 'ko ng tanghalian namin at naki-kain pa 'tong si Kino. Si Papa naman ay masakit ang ulo at sorry nang sorry sa akin dahil hindi niya raw ako nasamahan sa palengke. Sinabi ko sa kaniyang humingi rin siya ng pasensya kay Engineer Camero dahil sila pa ang nag-hatid sa kaniya pauwi. Hiyang hiya tuloy siya at napapahilamos na lang sa mukha.
"Okay lang 'yan, Pa! Ang mahalaga, nakauwi ka!" Pampalubag-loob ni Kino.
"E, boss ko 'yon! Nakakahiya naman!" Hindi alam ni Papa kung saan itatago ang mukha niya. Agad siyang tumayo at kinuha ang cellphone para siguro humingi ng tawad sa boss niya. Tumawa ako at nag-ligpit na ng plato. Si Kino naman ay inalagaan saglit ang mga kapatid ko at nakipag-laro sa kanila.
Kinabukasan ay balik school na ulit. Dala ko na rin ang pang-training ko dahil may training na ulit pagkatapos ng klase. Malapit na rin kasi ang susunod na laban para umangat ulit kami. Ang goal ay makapasok sa Palarong Pambansa. Todo training na rin ngayon ang basketball team kahit wala namang taong hindi sila nakakaabot ng Palarong Pambansa. Ganoon na sila kagaling.
Pagkababa namin ni Kino ng jeep, akala ko ay makikipagtalo ulit siya na i-hatid ako sa room pero ngayon ay naka-distansya na siya sa akin kaya napakunot ang noo ko. Hindi ako sanay. Anong mayroon?
"Via, sa school, mas magandang hindi muna tayo mag-sama masyado. Baka kasi akalain ng iba na boyfriend mo 'ko. Sayang, baka mawalan ka ng pag-asa sa crush mo." Tumawa siya habang nakahawak ang dalawang kamay sa strap ng backpack.
"Huh?" Naguguluhang tanong ko, pero hindi niya 'ko sinagot at kumaway lang sa 'kin bago naunang pumasok sa gate. Napakurap ako sa gulat pero hindi na rin ako nag-reklamo at pumasok na lang sa room namin.
Noong break time ay kasama lang ni Kino ang mga tropa niya sa likod ng school at noong lunch naman ay naroon siya sa ibang table, kasama pa rin ang mga tropa niyang puro lalaki. Hindi nga talaga siya lumapit sa akin buong araw kaya nagtaka na rin sila Kierra.
"Magkaaway ba kayo?" Tanong ni Kierra sa akin bigla. Hindi ako makapaniwalang kasama na rin namin sa table si Yanna at naghihintay din siya ng sagot mula sa 'kin.
"Hindi naman," sagot ko. Hindi naman talaga. Maayos naman ang pakikitungo niya sa akin noong wala kami sa school. Ito naman ang gusto ko, iyong huwag siyang masyadong malapit sa akin dahil madalas siyang nakaka-attract ng gulo. Baka madamay lang ako. Siguro hindi lang ako sanay ngayon.
"Hi, Pres!" Bati kaagad ni Luna. Parang by instinct ay yumuko ako at tinakpan ang gilid ng mukha ko gamit ang isang kamay. Hindi ko rin alam kung bakit kaya nang ma-realize ko ay dahan-dahan akong umayos ng upo. "Anong ulam mo today?" Pag-chika pa nito.
"Uh, pasta?" Awkward na tinuro ni Chevy 'yung white board kung saan nakalagay ang menu for today ng cafeteria. Nag-iiba kasi 'yon araw-araw. Kasama ni Pres ang iba niyang mga kaibigan. Mga kaklase nilang 4th year.
"Hmm, okay! Have a nice day!" Pagkasabi noon ni Luna ay lumingon siya sa akin at kinindatan ako bigla. Nanlaki ang mga mata ko at agad umiwas ng tingin, umaaktong wala akong nakita. Ano ba 'yon?!
"Masasawsaw mo na ang mukha mo sa sabaw," sabi bigla ni Yanna sa akin saka tinulak ang noo ko pataas gamit ang isang daliri. Nakayuko na pala ako kanina pa.
"Hello, girls! Tapos na kayo kumain?" Agad dumating si Sam at naglapag ng tray sa table namin. Kakagaling niya lang doon sa kabilang table kung nasaan ang mga kaklase niya. "Oh, Arkin's not here?"
"Magkaaway sila," sabi naman ni Kierra.
"Hindi nga kami magkaaway!" Tanggi ko kaagad.
Noong nag-simula na ang training ay hindi ko na nakita si Kino sa paligid ko. Binalik lang kami sa shape para sa training ngayong araw dahil nga isang linggo ang Foundation Day. Expected daw ng coach na nag-practice pa rin kami sa bahay pero wala namang lugar sa bahay kung saan pwede mag-practice kaya napagod ako kaagad sa training. Late na kami natapos kaya madilim na noong lumabas ako ng covered court. Nakapagpalit na rin ako ng damit.
Lumingon ako sa paligid pero wala si Kino. Umuwi na ba siya? Himala at hindi niya 'ko hinintay ngayon, ah. Okay na rin siguro 'yon para hindi na siya ginagabi ng uwi.
"Pauwi ka na?" Nagulat ako nang bigla kaming nagkasabay ni Pres palabas ng gate. Nakahawak lang din siya sa strap ng bag niya at naka-suot ng specs. Gabi na rin pala siya uuwi, dahil siguro may inasikaso sa office. May mga dala pa siyang folder, e.
"Uh, oo..." Hindi ko alam kung 'opo' ba dapat ang sinagot ko dahil mas matanda siya sa akin, pero hindi naman ako sanay na masyadong magalang ang pakikitungo sa kaniya kaya sinubukan kong maging kaswal.
"Saan ka?" Kaswal na tanong niya rin sa akin pagkalabas ng gate.
"Doon ako mag-aabang ng jeep." Turo ko sa kaliwang side. "Ikaw ba, Pres?" Tanong ko rin pabalik para hindi masyadong awkward.
"Dadaan pa 'kong computer shop para magpa-print, pero pwede kitang samahang maglakad papunta roon sa sakayan. It's already late..." Tinignan niya ang relo niya.
Hindi ko alam kung bakit kinakabahan ako pero tumango na lang ako. Gaya ng sabi niya ay sinamahan niya nga akong maglakad hanggang sa sakayan ng jeep. Hindi ako nagsasalita at tahimik lang din siya kaya naiilang ako. Mabuti na lang at medyo abala siya sa phone niya.
"Dito na 'ko, Pres. Salamat." Huminto ako sa may sakayan ng jeep.
Tumango siya at tipid na ngumiti sa akin. "Ingat."
Aalis na sana siya pero may nakasalubong siyang kakilala niya ring mga estudyante. Mga first year naman 'yon. "Uuwi na kayo? Saan kayo? Gabi na, ah..." Tanong niya rin sa mga 'yon habang nakangiti. Nagulat ako dahil sinamahan niya rin sila papunta sa sakayan naman ng tricycle. Kung ihahatid niya lahat ay baka mag-sara na ang computer shop at hindi na siya makapagpaprint.
Kinabukasan, sinundo pa rin ako ni Kino sa bahay at sabay ulit kaming pumuntang school. Normal naman siyang nakikipag-usap sa akin at mukhang hindi naman siya galit.
"Madalas mo nang kasama mga tropa mo, ah..." Pag-puna ko habang nasa jeep kami.
"Dati rin naman, e," sagot niya habang nagbabasa ng notes niya. Nag-aaral na siya ngayon, ha. Hindi niya tuloy ako tinitignan habang nakikipag-usap ako.
"May problema ba?" Tanong ko para lang maka-sigurado. "Umuwi ka na pala nang maaga kahapon? Akala ko hinintay mo 'ko sa training."
Napalingon siya sa akin at matagal na napatitig bago siya ngumiti at umiwas ng tingin. "Oo, inantok na kasi ako kaya umuwi ako kaagad. Woo, nakakapagod din 'yung rehearsals sa Music club, e. Sorry."
"Okay lang..." Tumango na lang ako.
Pagkababa namin sa tapat ng gate ay kumaway na ulit siya sa akin bago dire-diretsong pumasok sa gate. Hindi na niya ulit ako hinintay. Buong araw ay ganoon ulit ang nangyari. Palagi siyang naroon sa mga tropa niya at hindi na niya 'ko kinakausap tuwing nagkikita kami, pero kapag nagtatama ang tingin namin ay nginingitian naman niya 'ko.
"Akala ko magkaaway kayo ni Kino. Mag-aalala na sana ako pero mukhang okay naman kayo kasi hinintay ka niya sa training mo kahapon." Nag-kibit balikat si Luna sabay higop noong sabaw habang nasa cafeteria kami.
Napakunot ang noo ko at agad napalingon sa kaniya dahil sa sinabi niya. "Huh? Hindi, ah. Umuwi siya nang maaga kahapon."
"Huh? E, nakita namin siya naghihintay sa 'yo sa may gate kahapon pagkatapos ng meeting ng SC. Kasama ko pa nga si Kierra, e. 'Di ba, Ke?" Tinanong niya pa ang pinsan niya.
"Oo. Sabi ko isasabay na namin siya pauwi pero sabi niya hinihintay ka pa raw niya kaya umalis na lang kami," sabi rin ni Kierra.
Napakurap ako at saka lumingon sa gawi ni Arkin na nakikipag-tawanan na ngayon sa mga tropa niya. Napansin ata niyang nakatingin ako kaya lumingon din siya sa akin at masayang kumaway. Napakagat ako sa ibabang labi ko at yumuko.
Bakit... sabi niya umuwi siya nang maaga? Nagsisinungaling na siya sa akin ngayon? Para saan 'yon? Tapos nilalayuan niya pa 'ko...
"Via, umiiyak ka ba?" Gulat na tanong ni Yanna.
Umiling ako at pinunasan ang luhang tumulo sa mga mata ko. Agad kong kinuha ang tray at binalik sa lagayan bago naglakad paalis ng cafeteria. Pumunta na lang ako sa likod ng school at sumandal doon sa may lababo para hugasan ang mukha ko.
Bago ko pa mahilamusan ang mukha ko ay may humatak na sa braso ko. Napatitig ako kay Kino sa harapan ko na puno ng pag-aalala ang mukha.
"Via, bakit? Anong nangyari? Sinong umaway sa 'yo?" Marahang tanong niya.
"Sabi mo hindi ka nag-hintay kahapon..." Napaiwas ako ng tingin para pigilan ang luha ko. "Sinungaling... Hinanap pa kita."
"Ah, ano... Nag-hintay nga ako pero... Uh... Tinawagan na 'ko ni Mama kaya umuwi na rin ako kaagad," nauutal na sagot niya.
Naluha ako lalo dahil nag-sinungaling na naman siya. "Okay..." Tumango ako at tinalikuran na siya. Sige, kahit hindi 'yun ang totoo ay tinanggap ko na lang, basta galing sa bibig niya.
________________________________________________________________________________
:)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro