08
"Kumusta ang school, anak? Hindi ka ba nahihirapan?"
Pagkapasok ko ng bahay ay nagulat pa 'ko dahil naroon na kaagad si Papa. Inaasahan ko kasing late ulit siyang uuwi dahil nga may part time pa siya pagkatapos sa construction. Nag-offer siya bilang guard sa isang store at shift niya hanggang madaling-araw kaya late na siya umuuwi. Siguro ay wala siyang pasok ngayon. Ewan ko ba pero parang hindi ko na rin binibilang ang mga araw.
"Pa, nagpakasal kami ni Via! Sayang, wala ka!" Tumatawang sumunod si Kino sa loob ng bahay at proud pang pinakita kay Papa ang marriage certificate.
Nakiki-tawag pa ng 'Papa' sa tatay ko! At hinahayaan lang siya ni Papa dahil parang kasama na rin talaga si Kino sa pamilya namin sa dalas niyang narito sa bahay. Noong buhay pa si Mama, close din sila ni Kino, e. Si Mama talaga ang nagpapa-baon ng lunchbox kay Kino kaya noong nawala siya, ako na ang pumalit para maghanda ng mga baon. Hindi ko naman inaasahang masasanay pala 'tong si gunggong at araw-araw hihingin. Hindi naman ako si Mama!
"Ayos, ah! Nasaan ang singsing? Wala?" Tumawa si Papa na nakikipag-biruan pa kay Kino. Kapag nariyan kasi si Arkin ay magaan ang atmosphere sa paligid. Madaldal kasi at puro pagbibiro ang ginagawa. Sa paraang 'yon, narerelax si Papa at nakakalimutan ang trabaho.
"Hala, kinain na namin. Gusto mo po?" Nilabas ni Kino ang singsing na candy. Iyon ang sinuot niya sa akin pero kinain na rin namin pauwi. Isang plastic ring na lang ang natira na tinapon lang din namin.
"Papa, games," sabi ni Aidan nang pumasok sa kusina, hawak ang cellphone ni Papa. Nang makita niya si Arkin ay tinaas niya kaagad ang dalawa niyang kamay para magpabuhat. "Kuya," tawag niya.
"Anong Kuya? Tatay mo 'ko," sabi ni Arkin pagkabuhat niya sa kapatid ko. Lumabas na rin siya ng kusina para makipaglaro kila Ysha. Inaaya kasi siya at hinahanap ng mga bata.
"Foundation day sa school, Pa, kaya wala kaming ginagawa," pagpapaliwanag ko dahil tinanong niya 'ko kanina kung nahihirapan ako sa school.
"May mga kaibigan ka na ba? Alam mo, nag-aalala ako sa 'yo, anak... Hindi ka kumakausap ng iba bukod kay Arkin. Hindi naman kayo habang-buhay magiging magkasama. Paano kapag magkaiba kayo ng unibersidad na papasukan-"
"Pa, may mga kaibigan ako bukod kay Kino," pag-putol ko ng sasabihin niya dahil sesermunan niya na naman ako tungkol sa hindi ko pagiging pala-kaibigan, hindi tulad ni Kino. Hindi ko pa pala nakekwento kay Papa na may mga kaibigan na 'ko. Bihira lang kasi kami mag-kita, e.
"Talaga? Bakit hindi mo imbitahan sa bahay para makilala ko?" Hindi niya matago ang tuwa sa boses niya. "Mamaya ay gawa-gawa mo lang, e!" Pagbibiro niya ulit. "Kapag imaginary friend 'yan, Via, nako... Mamaya nakikita mo na ang Mama mo, ha."
"Papa!" Inis na sabi ko. "Totoo po, okay? Susubukan ko silang imbitahan kaso..." Tinignan ko ang sala at nakitang nagtatakbuhan sila Ysha, kasali pa si Kino. "Magulo sa bahay at maingay dahil may mga bata. Kung ayaw mong maniwala..."
Kinuha ko ang bag ni Kino at ang camera niya sa loob no'n. Binuksan ko at nahihiyang pinakita kay Papa ang pictures namin nila Luna. Nakaakbay siya sa 'kin at naka-peace sign sa camera habang nagbabasa ako ng libro. Si Kierra naman ay umiinom ng tubig. Si Luna lang ang handa sa photo, ah.
"Dalawa lang ang kaibigan mo?" Nagtatakang tanong ni Papa.
Sa oras na 'yon, hindi ko alam kung bakit naisip ko sila Sam... E, hindi naman kami magkaibigan. Wala naman silang sinasabing magkaibigan na kami. Nagkakausap at nagkakasama lang pero hindi ko alam kung kaibigan na ba ang tawag doon? Ayoko namang mag-assume tapos hindi naman pala. Mapapahiya lang ako.
"Opo," sagot ko at binalik na ang camera. "Okay na 'yun. Hindi ko kailangan ng marami. Kaya ko naman mamuhay mag-isa."
Nagluto na 'ko ng ulam pagkatapos noon at nag-hain na rin sa mesa. Umuwi na kaagad si Kino dahil hinahanap na siya ng Mama niya kaya naman hindi na namin siya nakasama kumain ng hapunan. Sobrang Mama's boy ni Kino, e. Naisip ko rin tuloy kung narito ba si Mama, may maghahanap din sa akin kapag late akong umuuwi sa bahay?
Hindi ko naman sinasabing masamang hindi ako hinahanap ni Papa dahil mas late pa siyang umuwi sa akin kaya hindi niya alam kung nasa bahay na 'ko o wala. Siguro dahil alam naman niyang maaga akong uuwi dahil may mga kapatid ako... At alam ko ang responsibilidad ko bilang Ate... Pero paano kung hindi? Paano kung hindi ako nakauwi? Sinong maghahanap sa akin?
Bakit ko nga ba iniisip 'to sa hapag? Maayos naman akong nabubuhay hanggang ngayon at tanggap ko naman na may mga responsibilidad ako sa bahay. Wala naman akong magagawa roon. Bakit ko pa iisipin ang mga 'paano kung', e hindi naman iyon ang realidad. Parang wala na rin namang saysay isipin ang mga bagay na 'yon... Isiping magagawa ko ang mga bagay na normal sa edad ko katulad nila Kino, nila Luna.
"Ate, kailangan ko po ng art paper..." Sumilip si Mira sa kwarto ko pagkatapos kong maligo. Nakapaghugas na rin ako ng pinggan at nalinis na ang kusina.
"Ano?" Napatingin ako sa orasan. "Bakit ngayon mo lang sinabi? Saan ako bibili no'n ngayon, Mira?" Napamasahe ako sa sentido ko at sinimulang maghanap sa mga folder ko kung may natirang art paper. "Kailan ba 'yan kailangan?"
"Bukas po..." Ngumuso siya at umiwas ng tingin, halatang guilty na sa akin. "Huwag na, Ate... Hahanap na lang ako." At sinara niya ang pinto. Napakunot ang noo ko sa sinabi niya. Hahanap na lang daw siya? At saan naman?
Abala pa rin akong naghanap ng art paper pero wala talaga kaya naman sinabi ko na lang sa sariling bibili ako bukas nang umaga bago sila pumasok sa school. Kung ano mang project 'yon, ako na rin ang magdadrawing. Humiga na lang ako sa kama, hawak-hawak ang gitara ko. Nakatitig ako sa kisame habang nag-iistrum.
"Nitong umaga lang... Pagkalambing-lambing ng 'yong mga matang hayop kung tumingin..." Pagkanta ko sa 'Kisapmata'. "Nitong umaga lang, pagkagaling-galing... ng iyong sumpang walang aawat sa atin..."
Bumuntong-hininga ako at pinikit ang mga mata ko, inaantok na habang nag-iistrum at kumakanta. "O kay bilis namang mag laho ng..." Napatigil ako sa pag-kanta nang marinig ko ang masayang boses ni Mira sa labas.
Binaba ko ang gitara ko at naglakad papunta sa pinto. Bubuksan ko na sana ang pinto pero naunahan ako kaya napaatras ako at napahawak sa noo ko. Nauntog pa ako!
"Via!" Napaawang ang labi ko nang biglang sumilip si Arkin sa pinto. Naka-suot siya ng hoodie at nakapambahay lang. Napakunot ang noo ko, nagtataka kung bakit narito siya ngayon, e gabing gabi na!
"Bakit narito ka?!" Nagtatakang tanong ko.
Nag-iba ang itsura niya nang ma-realize na nauntog ako sa pagkabukas niya ng pinto kaya agad siyang humakbang papasok ng kwarto ko at hinawakan ang noo ko para tignan kung nasugat o ano. Puno pa ang mga mata niya ng pag-aalala.
"Wala namang sugat," sabi ko at inalis ang hawak niya sa noo ko. Napanguso siya at umatras na para isara ang pinto ng kwarto ko. Dumiretso kaagad siya sa kama ko at humiga roon. "Ano ngang ginagawa mo rito?"
"Tinext ako ng kapatid mo. Kailangan daw niya ng art paper kaya nag-dala ako galing sa bahay." Nilapag niya ang dala niyang bag sa gilid ng kama ko. Mas lalong napakunot ang noo ko nang magtaka kung bakit may dala pa siyang bag kung art paper lang naman.
"Hindi ka ba hahanapin ng Mama mo?" Umupo ako sa sahig para ibalik na sa case ang gitarang ginamit ko kanina.
"Dito ako matutulog. Pinayagan ako ni Papa." Ngumisi siya at sinuot ang hood ng hoodie niya saka pinagkrus ang braso sa dibdib habang nakasandal sa headboard ng kama ko. Pumikit pa siya at umaktong matutulog na.
Umirap na lang ako at kinuha ang foam mula sa kabilang kwarto para ilapag sa sahig. Doon naman siya palaging natutulog kapag narito. Inayos ko na rin ang bedsheet bago siya tinulak paalis ng kama ko kaya nahulog siya sa sahig. Tumawa ako nang mapahawak siya sa balakang niya at sinamaan ako ng tingin.
Lumabas muna ako ng kwarto para mag-toothbrush. Pagbalik ko ay nakapatay na ang ilaw at nakatalukbong na ng kumot si Kino kaya humiga na lang din ako sa kama ko at natulog na.
"Via, gising na... Kakain na. Nag-luto na 'ko..." Nagising ako dahil sa alog ni Kino sa balikat ko. Dahan-dahan akong dumilat at nakita siya sa harapan ko. Agad kong tinulak ang pagmumukha niya paalis bago tumayo.
"Nag-luto. Mama mo ang nag-luto," sabi ko at tumawa siya. Hindi naman siya marunong mag-luto, e! Panigurado, nagpadala na naman ang Mama niya ng breakfast at lunchbox kaya naman nabawasan ang gagawin ko ngayon.
Nakabihis na ng ripped jeans at blue polo shirt si Kino na naka-tuck in. May maliit na logo ng music club sa gilid ng dibdib at sa likod naman ay naroon ang pangalan niya. Puro club shirt kasi ang suot kapag Foundation Day kaya nakasuot lang din ako ng white polo shirt na may logo ng sports club.
Wala namang ganap sa school ngayong araw kung hindi nag-tuloy lang ang operations ng booth. Nakatambay lang din ako kung saan nakatambay si Arkin hanggang sa mapag-desisyunan naming umupo na lang sa bleachers ng covered basketball court. Kaunti lang ang mga tao at may mga estudyante lang na nagbabasketball.
Habang nakahiga si Arkin sa bleachers at nakapikit, sinusubukang matulog, may lumapit na officer ng Student Council at biglang pinosasan ang palapulsuhan ko. Napakunot ang noo ko sa pagtataka.
"Huhulihin lahat ng naka-white!" Sabi ng officer. Ah, jail booth pala. Napakamot ako sa ulo ko nang dumilat din si Arkin, naguguluhan kung anong nangyayari.
"Jail booth," pagpapaliwanag ko sa kaniya saka kinuha ang bag ko para sumunod na lang. Nagulat ako nang tamad na tumayo si Kino at binigay din ang pala-pulsuhan niya sa officer. Tinignan naman siya nito, puno ng pagtataka.
"Hindi ka naman naka-puti," sabi ng officer.
"E, ano naman?" Maangas na tanong niya dahil na-istorbo ang tulog niya. Hindi ko rin alam kung bakit ba sumasama 'tong isang 'to! Mukhang seryoso pa siya dahil kinuha ang bag niya at siya na ang nag-suot ng isang posas sa sarili. "Tara na."
Siniko ko siya at sinamaan ng tingin pero hindi siya nagpatinag at ngumisi lang sa 'kin habang naglalakad kami papunta roon sa isang 'room' kung saan ikukulong ang mga nahuli. Kailangan mag-stay doon for 2 minutes bago ka pwedeng mag-bayad. Kung wala pang pambayad para makawala ay naroon ka for one hour. Lahat ng nakukulong ay sinasali pa nila sa games kaya naman gusto nang makawala ng mga estudyante roon. Kakaiba rin kasi ang mga pa-games ng Student Council. Halatang mga nantitrip lang.
Nang pumasok kami roon sa kulungan ay may dalawang sumasayaw na lalaki roon. Siguro ay dare na naman nila Sevi 'yon. Kung wala ka kasing pambayad ay pwede kang makawala kung gagawin mo ang dare ng Student Council. Kung ano-ano na naman ang pinapagawa ng mga 'yon. Naalala ko tuloy ang nangyari kahapon kaya napatakip ako sa bibig ko para pigilan ang tawa ko.
"Oy, may bago tayong salta!" Tumingin sa amin si Sevi at pumalakpak pa kaya naman pumalakpak din ang iba. Parang mayroon siyang sariling kulto rito sa kulungan, ah.
Hinawakan ni Kino ang palapulsuhan ko nang matanggal na ang posas naming dalawa at saka hinatak ako paupo roon sa sahig kung saan may free space. Naroon kami sa pinakagilid. Umusog naman kaagad ang mga estudyante nang makita siya dahil mukha siyang nakakatakot. Inaantok kasi, e.
Sinandal niya ang ulo niya sa pader at pinikit ang mga mata niya habang nakapatong ang siko sa isang tuhod na nakataas. At dito pa nga talaga siya matutulog kahit maingay sa paligid! Umayos na lang ako ng upo at nagbasa ng libro. May pambayad naman ako pero sayang din 'yon sa pera kaya rito na lang ako. Tutal, wala naman din akong ginagawa sa labas. Dito, may entertainment pa dahil may mga pa-games.
"Pucha!" Napaangat ang tingin ko nang biglang sumigaw si Sevi at nahulog pa sa upuan niya sa sobrang gulat dahil pumasok si Yanna sa jail room. Tumaas kaagad ang kilay nito at sinamaan siya ng tingin. "Congrats, malaya ka na! Labas!"
"Anong sinasabi mo?" Pumasok din si Chevy na may hawak na posas. Naka-suot ito ng gold na specs at naka-tuck in din ang polo shirt sa pantalon. Naka-belt pa. Nakatitig lang ako sa kaniya hanggang sa magtama ang tingin namin at ngumiti siya sa 'kin. Tumango na lang ako sa kaniya bago nagbasa ulit.
"Pres, narito ka na pala! Upuan! Upuan para kay Pres!" Utos naman nitong si Sevi. May tumayo kaagad para bigyan ng upuan si Chevy pero umiling lang ito at sinabing may kukuhanin lang siya sa bag niya. Umalis na rin kaagad siya nang makuha niya ang chocolate milk niya. Isa siya sa mga nanghuhuli, e.
"Finally, I'm done with my shift." Pumasok na rin si Sam at doon umupo sa upuan na para kay Pres dapat kanina. Napatingin si Sam kay Yanna na nakaupo lang din sa gilid at nagce-cellphone. May mga babaeng tumitingin kay Yanna at pinagbubulungan siya kahit wala naman itong ginagawa.
Tumayo kaagad si Sam at umupo sa tabi ni Yanna saka inalok ito ng tubig pero hindi siya nito pinansin. Lumipat ang tingin ko kay Sevi na nagpapa-singing contest na roon. Parang siraulo lang. Napabalik lang ang atensyon ko kay Kino sa tabi ko nang bumagsak ang ulo niya sa balikat ko, tulog na. Umayos ako ng upo at hinawakan ang gilid ng mukha niya para ayusin ang pagkakasandal bago nagbasa ulit.
Gumising lang siya pagkatapos ng isang oras, kung kailan tapos na ang oras namin doon sa jail booth. Tumayo kaagad siya at nag-inat bago sumunod sa akin palabas. Napatigil ako nang tumigil din siya dahil nakipag-batukan pa kay Sevi bago lumabas.
"Hindi 'to library para matulog ka, oy!" Sigaw ni Sevi.
"Paano, boring ng boses mo!" Ganti naman ni Kino, at nag-sakitan ulit sila bago ko siya hinatak palabas. Para lang siyang si Papa na nakakita ng kumpare sa grocery kaya natagalan ang uwi.
Noong hapon na, mayroon ulit event. Battle of the Bands naman, pero hindi kasama si Kino dahil member siya ng Music Club at sila ang naghahandle ng event. Lahat ng estudyante ay pumunta na ulit sa grounds para hintayin ang start ng event. Nawala na rin kaagad si Kino at iniwan sa akin ang camera niya dahil may opening song silang gagawin.
"To formally start the event, let me present to you, the Music Club!"
Nag-sigawan na naman ang mga estudyante dahil may mga gwapo na namang umakyat sa stage. Inayos ko ang camera at kumuha ng litrato, pero binaba ko rin 'yon nang makitang walang dalang gitara si Arkin. Nakasuot lang siya ng hair band na itim at may dalang dalawang drum sticks. Kaswal siyang umupo sa likod ng drums at inayos ang microphone na naroon sa gilid.
"Misery Business" by Paramore ang tinugtog nila. Iba ang gitarista nila ngayon dahil wala si Kino at nasa drums. Hindi ko alam kung paano nangyari 'yon pero ngayon ko lang ulit makikitang tumugtog ng drums si Kino simula noong elementary. Mas madalas na siya mag-gitara ngayon, e.
Nag-intro ang dalawang nag-gigitara bago sinimulang sundan ni Kino ng drums. Parang hindi man lang siya nahihirapan sa pag-hampas niya roon gamit ang drum stick. Nag-sigawan kaagad sila nang kumanta na ang maganda nilang vocalist. Seryoso lang ang mukha ni Arkin habang nagdu-drums, mabilis ang pag-galaw ng braso.
"I waited eight long months, she finally set him free. I told him I couldn't lie, he was the only one for me. Two weeks and we had caught on fire... She's got it out for me, but I wear the biggest smile..."
Nakalimutan kong mangunguha nga pala ako ng litrato kaya inangat ko ulit ang camera. "Whoa, I never meant to brag but I got him where I want him now..." Naka-focus lang si Kino sa pag-hampas ng drum sticks gamit ang kamay. Hindi ba nakakapagod o nakakangawit 'yon?
Kinagat ni Kino ang ibabang labi niya habang palakas nang palakas ang hampas sa drums. Ngumisi lang siya nang makarating sila sa masayang parte ng kanta, sa bridge, kung saan bumilis ang pagdu-drums niya. Hinagis pa nga niya ang isang drum stick at sinalo ulit bago pinagpatuloy ang ginagawa.
Natawa ako at bumulong. "Pasikat talaga."
Pagkatapos noon ay nagpalakpakan na sila at nag-sigawan. Bumaba na rin sila Kino sa stage at dumiretso naman siya pabalik sa music room para ibaba ang drum stick bago bumalik sa pwesto ko para kuhanin ang camera. Pawis pa siya. Nahirapan siguro kakahampas doon.
"Nagdu-drums ka pa rin pala," sabi ko sa kaniya nang umupo siya sa tabi ko.
"Absent lang 'yung drummer. Dapat mamaya pa 'ko tutugtog, e." Napakamot siya sa ulo niya at pinunasan na ulit ang pawis sa noo.
Nasa tabi ko lang siya habang nanonood kami ng Battle of the Bands. Paminsan-minsan ay napapangiwi pa siya kapag may nagkakamali sa instrument. Nagkakatinginan din kami kapag nawawala sa key ang kanta pero hindi kami nagsasalita at tahimik na lang na nanonood.
"Sayang. Ang ganda na sana kaso pumiyok." Napakamot si Kino sa ulo niya nang matapos mag-perform 'yung isang banda. "Bakit hindi ka sumali, Via? Mas maganda boses mo roon, e."
"Hindi ako kumakanta," tanggi ko kaagad.
"Pero magaling kang kumanta tsaka ang ganda ng boses mo. Marunong ka pang mag-gitara. Mag-cover ka kaya ng kanta tapos i-post mo sa internet! Sisikat ka roon," suggest pa niya pero umiling kaagad ako. Hindi ko naman sineseryoso ang musika. Siya ang mas magaling doon, e. Kaya niya kahit piano pa.
"Ayokong sumikat. Ayoko ng atensyon." Umirap ako. Naalala ko tuloy si Mama pero inalis ko na rin kaagad sa isipan ko 'yon dahil tutugtog na ang susunod na banda.
"Pst, gusto mo ng pandesal?" Muntik na 'kong mapatayo sa gulat nang biglang may bumulong sa likod ko. Lumingon ako kay Luna at sinamaan siya ng tingin. Kanina pa pala siya nakaupo sa likuran ko kasama si Kierra. Tinaas niya pa ang isang plastic niya ng pandesal at inalok sa amin. Akala ko ay nagbibiro lang siya.
"Oy, mag-hohorror booth tayo sa last day, ah! Baka makalimutan n'yo!" Pagpapaalala ni Luna. "Huwag kayong tatakas sa akin! Sabi nila, nakakatakot daw talaga! 'Di ba, Ke? Si Ke isa sa mga nag-design sa loob, e!"
"Nakakatakot kung duwag ka," sabi naman ni Kierra.
"Basta ako, hindi ako duwag, ah!" Pag-dedepensa kaagad ni Kino sa sarili niya. Napalingon tuloy ako sa kaniya at tinitigan siya nang matagal dahil alam ko ang ugali niya pero hindi na lang ako nagsalita at iniwas ang tingin. Tignan lang natin kung hindi talaga siya duwag.
Umakyat na ulit si Kino sa stage nang matapos na tumugtog lahat ng banda. Intermission number ulit sila habang nagta-tally ng score ang mga judges. Siya na ngayon ang gitarista. "The Kids Aren't Alright" ng The Offspring naman ang tinugtog nila ngayon.
"Ang galing ni Arkin mag-gitara 'no? Saan siya natuto?" Tanong ni Luna sa akin.
"Ah..." Hindi ko alam kung paano sasagutin 'yon. Ako ang nag-turo kay Kino mag-gitara noong una at noong naging interesado siya, in-enroll siya ng Papa niya sa guitar lessons kaya hindi ko alam kung sino ba sa amin ang nagturo. Sa akin siya natuto pero... "Hindi ko alam, e." Iyon na lang ang sinagot ko.
Nagpatuloy lang ang activities ng mga clubs hanggang sa dumating ang last day ng Foundation Day. Sarado na ang jail booth dahil busy ang Student Council officers sa magaganap na Foundation Day concert mamayang gabi, pero nagkaroon sila ng time para bisitahin ang horror booth.
"Ready na kayo?" Tanong ni Luna habang nakatayo kami paikot sa tapat ng horror booth. Mukhang siya nga ang kinakabahan pero kami ang tinatanong niya.
"Oy, late kami! Natagalan kaming hanapin 'tong isang 'to, e!" Dumating si Sevi, hatak hatak si Yanna sa sleeves ng shirt nito. Nakasimangot siya at halatang ayaw makisama.
"Is it really that scary?" Kinakabahang tanong din ni Sam. "I'm not good with surprises."
"Via, kinakabahan ka ba?" Bulong ni Kino sa gilid ko. "Huwag kang mag-alala. Kumapit ka lang sa akin! Narito naman ako!" Hinampas pa niya ang dibdib niya.
"Hindi naman ako kinakabahan," walang pakialam na sabi ko.
Madalas na 'kong pumapasok sa horror house para samahan sila Mira kapag nag-aaya sila roon dati. Hindi rin naman ako naniniwala sa multo o ano. Siguro ay nakakagulat lang pero hindi naman nakakatakot para sa akin.
"Ako na mauuna! Mga duwag ata kayo, e!" Sabi naman nitong si Sevi.
"Hindi pa natin turn. Nilista ko na mga pangalan natin pero tatawagin pa muna tayo kasi may tao pa sa loob." Binilang naman ulit ni Kierra kung ilan kami at kinausap iyong officer ng Art Club para sabihing may nadagdag. Hindi naman kasi niya alam na kasama pala si Yanna.
Nang matawag kami, pumila kaagad kami at nangunguna pa 'tong si Sevi mag-isa. Sa likod niya, naroon si Luna at Kierra, tapos si Sam at Yanna. Pang-huli kami ni Kino. Pagkapasok pa lang namin ay sumigaw kaagad si Luna dahil sumara ang pinto at wala kami masyadong makita sa dadaanan.
"Okay lang 'yan! Mga tao lang 'yan! Hindi naman nakakatako- Ah! Pucha!" Napakunot ang noo ko nang biglang sumigaw 'tong si Sevi dahil natalisod doon sa manika. Humawak siya sa dibdib niya at gulat na lumingon sa amin para tignan kung may nakakita.
"Ang bobo mo naman!" Malakas na tumawa si Luna.
"Oh my god! Aaaa!" Ang lakas tumili ni Sam. Napakapit pa siya sa sleeve ng shirt ni Yanna habang naglalakad. Sumunod pa 'tong si Luna na nakayakap kay Kierra.
"Arkin, masisira na damit ko," inis na sabi ko. Sobrang higpit ng hawak niya sa damit ko at pakiramdam ko lukot na lukot na 'yon. Dikit na dikit pa siya sa akin habang naglalakad na akala mo'y maiiwan siya.
"Ah, gago, gago!" Nanlaki ang mga mata ko nang biglang may lumitaw sa tapat ni Sevi kaya napatakbo siya paalis pero hinatak ni Luna ang shirt niya pabalik, takot din, kaya pareho silang napaupo roon sa sahig habang sumisigaw. "Mama! Mama!"
"Aaaa! Ke, nasaan ka?! Ke! Ke!" Parang mamamatay na 'tong si Luna sa sahig. Nakapikit silang dalawa ni Sevi at kapag tatakbo 'yung isa ay naghahatakan sila ng damit para hindi makaalis. "Siraulo ka, bitawan mo 'ko!"
"Ikaw ang bumitaw sa damit ko! Narinig ko napunit na nga ata, e!" Sigaw din ni Sevi.
Napalingon ako sa lalaki sa tabi ko na nanginginig na ang kamay. Nang flinashlight-an ko si Arkin ay nakita kong mariing nakapikit ang mga mata niya kaya natawa ako. Kanina pa ba 'to? Kaya ba ang higpit ng hawak niya dahil hindi niya alam ang dinadaanan niya?
"Via, nasaan ka na? Bakit maliwanag? Nasa labas na ba tayo? Tapos na ba?" Sunod-sunod na tanong ni Kino, kinakabahan.
"Oo, nasa labas na tayo," sabi ko sa kaniya.
Sakto pagkadilat niya ay may humawak sa paa niya kaya napasigaw siya at tumalon. Kumaripas kaagad siya ng takbo paalis at iniwan ako. Nakarinig pa 'ko ng tunog ng nahulog na mga gamit dahil siguro nabunggo niya.
Maglalakad na sana ulit ako nang makitang tumatakbo na pabalik si Arkin at hinawakan ang palapulsuhan ko para hatakin ako kasama siya. Bumalik ba siya dahil na-realize niyang naiwan niya 'ko? Hindi ko mapigilang matawa. Halata namang takot na takot siya.
"Hoy, gago, saan ka pupunta?!" Hinatak kaagad ni Sevi ang shirt ni Arkin kaya natumba kami. Apat na kaming nasa sahig ngayon at hindi na umuusad. Napaangat ang tingin ko kila Yanna at Sam na nakatayo lang doon sa tapat namin.
"Tumayo nga kayo riyan, mga duwag." Umirap si Yanna nang flashlight-an ang mga mukha namin. Sa likod niya, nagtatago si Sam na nakahawak lang din sa laylayan ng damit ni Yanna, takot na takot. Katabi naman niya si Kierra na nakahalukipkip lang.
"Please, ayoko na! Hindi pa ba time's up?!" Reklamo ni Kino na nakapikit.
May tatlong babae nang magulo ang buhok at duguan ang nakapaligid sa amin kaya naman siksik na siksik si Luna, Sevi, at Arkin doon sa pader. Nadadamay pa 'ko dahil ayaw pa rin bitawan ni Kino ang damit ko.
"Please, wag ako! Wag ako! Si Sevi na lang, please!" Sigaw ni Luna habang sumisipa-sipa pa para hindi makalapit ang mga multo sa kaniya.
"Let's finish this already." Paiyak na ang boses ni Sam.
Tatayo na sana ako pero hinatak na naman ako ni Kino pabalik sa sahig. Inis kong sinubukang tanggalin ang hawak niya sa 'kin pero mas humigpit lang 'yon. "Tumayo ka nga! Akala ko ba hindi ka duwag? May pa-'kapit ka lang sa 'kin' ka pa!"
"Hindi ako duwag, ah! Hindi ako duwag!" Agad tumayo si Kino. "Aaa!" Napaupo ulit siya sa sahig nang biglang may lumitaw na manika mula sa ceiling ng kwarto. "Via! Via, nandiyan ka pa ba?!" Kumapa-kapa pa siya sa hangin dahil nabitawan niya ang damit ko. Tumayo kaagad ako at lumayo sa kaniya.
"Iwan na kaya natin 'tong tatlo?" Tanong sa 'kin ni Kierra.
Napakamot ako sa ulo ko dahil alam kong hindi ko naman kayang iwan si Kino rito dahil mukhang mahihimatay na siya. Kinuha ko na lang ang palapulsuhan niya at hinatak siya patayo. Kumapit kaagad si Sevi sa damit ni Kino at si Luna naman kay Sevi kaya sabay-sabay silang tumayo.
"Ang babantot kasi ng trip n'yo, e. Sino ba nag-aya? 'Di ba ikaw?" Turo ni Yanna kay Luna.
"Everybody makes mistakes!" Sigaw ni Luna sabay yakap kay Kierra.
"Boo!"
"Ah!" Nanlaki ang mata ko nang biglang suntukin ni Arkin sa gulat 'yung duguang lalaking biglang lumitaw sa gilid namin.
Pagkatapos noon ay nagtakbuhan na naman sila. Dahil kumaripas ng takbo 'tong sila Luna at Sevi, at nakahawak sa shirt ko si Kino, natangay ako palabas ng booth. Sumunod naman sa amin sila Yanna.
"Siraulo ka, Arkin, sinapak mo 'yung lalaki!" Sigaw ni Kierra, tumatawa pa. "Officer namin 'yon, e!"
"Hoy, hindi ako 'yon! Si Sevi 'yon!" Tanggi pa nito.
"Bakit ako, gago?!"
Hingal na hingal silang lahat pagkalabas ng horror booth at parang mamamatay na 'tong sila Luna. Pulang pula ang mukha ni Sevi, pawisan si Arkin, at si Luna naman ay halos hindi na makahinga. Si Sam ay nakapikit pa rin nang mariin at nakahawak sa damit ni Yanna, akala ata ay nasa loob pa rin kami.
"Nasa labas na tayo, hoy." Inalis ni Yanna ang hawak sa kaniya ni Sam.
Unti-unti itong dumilat. "Ah, thank God!" Nakahinga na ito nang maluwag. "That made me hungry. I need a refresher..."
"Okay ka lang, Via?" Tanong bigla sa akin ni Arkin habang nakahawak siya sa tuhod niya at hinahabol ang hininga.
"Wow, sa akin ka pa nag-alala, ha?" Bumaba ang tingin ko sa laylayan ng damit ko. Lukot na lukot na iyon.
"Sorry," seryosong sabi niya bigla. Napakunot ang noo ko sa pagtataka.
"Okay lang. Mapaplantsa naman 'to," sabi ko sabay turo sa damit ko. Umiling naman siya at sinabing hindi raw 'yon. "Ano pala?"
"Sorry, iniwan kita roon." Bumuntong-hininga siya at ginulo ang buhok niya. "Hindi ko na uulitin."
________________________________________________________________________________
:)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro