"Let's just hurry up since we need to be back before the program starts again!"
Kanina pa nagpapanic si Samantha habang nauunang maglakad sila Sevi at Luna, excited kumain dahil libre raw ni Sam. Wala siyang choice kasi in-announce kaagad ni Sevi na makapal ang mukha at kuripot. Mabuti na lang at mabait si Sam at pumayag din naman kaagad, kaso ngayong pinapaalalahanan niya sila Sevi ay parang wala silang naririnig. Sila pa naman ang emcee ng program. Hindi magsisimula 'yon hangga't wala ang dalawa.
"Bacsilog! Bacsilog lang malakas!" Nagtatalo pa ang dalawa kung saan kakain habang si Yanna ay naglalakad lang sa likod nila katabi si Kierra, naririndi na panigurado sa sigawan ng dalawa.
"'Paka-ingay n'yo naman. Lintek," iritang sabi ni Yanna at tinulak ang dalawang mukha ni Sevi at Luna gamit ang magkabilang palad bago dumaan sa gitna nito. Suot na niya ngayon ang malaking shirt ni Arkin na naka-tuck in sa pants niya. Naka-heels pa rin siya hanggang ngayon kaya ang tangkad niya lalo tignan.
"For some reason, I want to be friends with her." Napalingon kami ni Arkin kay Sam nang tumabi ito sa akin habang naglalakad. Nakatingin lang ito kay Yanna bago lumingon sa akin at ngumiti. "Weird ba? I'm not sure... I just know when people want some help... But I'm not good with making friends."
"Bakit? Mabait ka naman, ah! 'Di ba kapag nakakausap mo 'yung tao, friends na kayo?" Nagtatakang tanong ni Arkin at tumingin pa sa taas habang nag-iisip. "Maliban kay Via. Hindi siya ganoon mag-isip! Ako ang mas maayos mag-isip sa aming dalawa!" Proud pa siya roon.
"For me, you need to be sharing something with the person before you can be friends." Napakibit-balikat si Samantha, naglalakad pa rin. "Whether it is time together... Or secrets... Anything that stays in between the two of you."
"Uy! Saan kayo pupunta?! Dito tayo kakain!" Napatigil kami sa sigaw ni Kierra. Napalingon kami at nakitang nasa tapat na kami ng karinderya. Masarap daw kasi ang bacsilog doon at iba pang umagahan. Wala naman akong pakialam kung saan kakain. Ang pagkain ay pagkain.
Umupo ako sa tabi ni Kierra at umupo naman si Arkin kaagad sa tabi ko. Uupo pa dapat si Sevi roon pero mabilis na hinatak ni Kino ang upuan kaya bumagsak ang pwet ni Sevi sa sahig. Narinig ko kaagad ang malakas na tawa ni Luna.
Tumayo kaagad si Sevi at pabirong hinatak ang buhok ni Arkin pagkatapos magpagpag ng pantalon, masama ang tingin habang nakahawak ang isang kamay sa pwetan. Masakit siguro 'yon.
"Dito ako, e!" Reklamo ni Arkin, hawak pa rin ang upuan na para bang aagawin sa kaniya 'yon. Napailing na lang ako at hindi sila pinansin.
"Parang mga elementary, ah. Nag-aagawan pa sa upuan," sabi ni Kierra.
"Sevi, just give it up. You're older than him," tumatawang sabi ni Sam bilang pang-aasar. Mukhang naging close na nga ang mga nasa Student Council. Si Luna, Sam, at Sevi. Kaswal na kasi silang nakikipag-usap sa isa't isa at nag-aasaran pa.
Bandang huli, umupo na lang sa kabisera si Sevi habang sa tapat namin ay si Yanna, Sam, at Luna. Kaniya-kaniya kaming tumayo para mag-sabi ng order doon sa may counter. Naiwan naman si Arkin doon sa table para hindi maagaw ng iba, at para rin tignan ang mga gamit. Ako naman ang mag-oorder para sa kaniya, e. Ang sabi niya lang, kung ano sa akin, iyon din ang sa kaniya. Wala talagang sariling desisyon ang lalaking 'yon. Gaya-gaya.
"Sumali kayo sa pa-games ng Student Council bukas, ah! Ililista ko kayo! Ako nag-lilista ng sasali, e!" Nilabas ni Luna ang notebook niya nang makabalik na kaming lahat sa table. "Arkin, ilalagay kita sa tug of war at sack race."
"Bakit ako?!" Reklamo kaagad ni Kino. "Ayaw ko mag-laro!"
Tinignan siya nang masama ni Luna bago binura ang nakasulat sa notebook. "Sige, si Via na lang ang isasali ko. Mahirap pa naman 'yung laro. Nakakapagod tsaka-"
"Oo na! Ako na! Maglalaro na 'ko! Basta, dapat si Sevi rin!" Tinuro pa nito si Sevi na nananahimik sa isang tabi para hindi na madamay.
"Putek, nananahimik na nga ako rito, nakita pa rin ako!" Reklamo rin nito. Puro reklamo lang 'tong kalalakihan na 'to, e. Kawawa naman si Luna at kanina pa bura nang bura sa notebook niya.
"Kasali si Sam sa Bring Me... Yanna, i-sali kita sa Pass the Paper kasama ni Sevi tsaka Kierra... Hindi 'to kasama sa program kasi hindi pinayagan ng principal pero may palaro 'yung Student Council pagkatapos. May cash prize pa!" Nagsusulat pa rin si Luna. "Via, isasali kita sa calamansi relay tsaka sa sack race na rin."
Ayaw ko noon pero ako lang ang walang laro kaya pumayag na lang ako. Kawawa naman si Luna at mukhang wala ata siyang makitang mga players kaya pinipilit na lang kami. Nagulat nga akong hindi nag-reklamo si Yanna. Umirap lang ito at tinanggap na lang ang kapalaran niya.
"E, ikaw, saan ka kasali? Maduga ka!" Sabi naman ni Sevi.
"Sa poster-making ako, bakit?!" Sigaw pabalik ni Luna. Nagsisigawan pa sila kahit ang lapit lang nila sa isa't isa. Napatakip na naman tuloy si Yanna sa tenga niya.
Mabilis lang din dumating ang pagkain at dahil winarningan kami ni Sam na kailangan na naming magmadali para makabalik sa program, binilisan na lang din nila ang pag-kain nila. Sabay lang kami ni Arkin natapos kaya nakipag-laro muna siya sa akin ng XOX game sa papel. Palagi naman niya 'kong naiisahan. Matalino kasi siya, e...
Pagkabalik namin sa school ay nag-handa na ulit si Sevi at Luna para sa simula ng program. Nakatayo lang ako sa tabi ni Arkin habang nasa gitna siya para makakuha ng litrato. Umakyat na ulit ang candidates para ma-announce ang mga panalo sa bawat portion. Pumalakpak lang ako nang manalo si Yanna sa talent portion at sa Q&A.
"And our Ms. Valerian of the year is... Our 1st year representative!" Hindi ko alam kung matatawa ako o hindi dahil ang 1st year rep lang ang hindi kasali sa gulo kanina. Ang tatlong kalaban niya ang magugulo at daming problema sa buhay. Masaya naman nitong tinanggap ang korona habang si Yanna ay nauna nang bumaba ng stage dahil wala naman daw siyang pakialam kung sino mananalo. Sunod noon ay in-announce naman ang para sa mga lalaki. Magkahiwalay kasi iyon at hindi by partner.
"Bakit hindi ka kasali?" Tanong ko kay Kino. Binaba nito saglit ang camera at lumingon sa 'kin, nakaawang ang labi.
"Inaamin mo na bang gwapo ako?" Ngumisi ito at tinaasan ako ng kilay. Nanatili pa ring walang emosyon ang mukha ko habang nakatitig sa kaniya.
"Hambog," bulong ko bago inalis ang tingin.
Pagkatapos i-announce ang winners ay tumugtog saglit ng isang kanta ang banda ng music club sa stage. Kasama si Arkin doon kaya nawala siya sa tabi ko para kuhanin ang electric guitar niya. Todo sigaw naman ang mga estudyante dahil may mga gwapong tutugtog at isang magandang vocalist galing 4th year.
"Still Into You" ng Paramore ang tinutugtog nila. Sa akin binigay ni Kino ang camera kaya ako ang nanguha ng litrato nila. Tinapat ko sa kaniya iyon habang pinapanood siya mula sa viewfinder ng camera... Kinuhanan ko siya ng litrato habang kalmado niyang ginagalaw ang daliri sa gitara habang nakayuko. Binaba ko lang ang camera nang tumingin siya sa lens noon at ngumisi sa 'kin bago binalik ang tingin sa gitara.
Gumagalaw ang katawan niya kasabay ng musikang tinutugtog niya. "I should be over all the butterflies but I'm into you, I'm into you..." Kumuha ulit ako ng litrato ng banda bago binaba ang camera na nakasabit sa leeg ko. Okay na siguro ang mga litratong nakuha ko. Tinignan ko na lang ulit si Arkin. Nakikita kong kinakanta niya rin nang mahina ang kanta habang tinutugtog sa gitara, abala ang mga kamay.
Sa oras na 'yon, inisip ko kung ito ba ang gusto niya sa buhay niya. Kung may balak ba siyang seryosohin ang musika. Mabuti pa nga siya ay may bagay siyang ginagawa na nagugustuhan niya. Hindi ko alam kung ano ba ang sa akin.
"Alright! That's Music Club for you! Let's give them a round of applause! Thank you, thank you!" Sabi ni Luna sa microphone pagkatapos mag-perform ng banda.
"Club members, please go to your assigned rooms to prepare. Booths will be opened for students at exactly 1 PM. Have a great lunch, everyone!" Nag-pakilala ulit si Sevi at Luna bago nag-end ang program.
Dumiretso si Arkin sa Music room para ilapag ang gitara niya kaya roon ako pumunta para ibalik ang camera. Lumingon kaagad siya sa akin sa pinto habang pinupunasan ang pawis sa noo gamit ang panyo niya. Ngumiti kaagad siya nang makita ako at kumaway.
"Lunch na tayo? Wait lang, wait lang!" Sabi niya sa 'kin, nagmamadaling kuhanin ang bag niya. Hindi ko naman siya inaya mag-lunch dahil busog pa 'ko sa kinain kanina pero mukhang nagutom ulit siya kaya sasamahan ko na lang siya.
Dumiretso kaming dalawa sa cafeteria at habang naglalagay siya ng pagkain sa tray niya ay nasa tabi niya lang ako, sumusunod. Tanong din siya nang tanong ng "Via, anong gusto mo?" bawat lagay niya. Umiiling lang ako dahil hindi naman ako gutom kaya kinuhanan na lang niya ako ng juice.
"Isa hong blue lemonade," sabi ni Arkin sa counter. Napalingon siya sa gilid ko dahil may kasabay siyang nag-sabi ng 'lemonade.' Lumingon din ako at nakita si Lance mag-isa. Mas nag-mukha lang itong miserable kaysa sa itsura niya noong huli ko siyang nakita.
"Ah, isang cup na lang, e," sabi ng nagtatrabaho sa cafeteria. Masama kaagad tinignan ni Kino si Lance na para bang makikipag-bugbugan pa siya para lang sa lemonade.
"Akin 'to! Nauna ako tsaka favorite ni Via 'to!" At nakipag-away na nga siya kaagad kahit wala pa namang sinasabi si Lance. Para talagang bata 'tong si Kino, e.
"Sa 'yo na." Umiling si Lance at nakapamulsang naglakad na lang paalis. Nakasimangot pa rin si Arkin nang kuhanin ang cup at nilagay sa tray. Mabuti na lang at hindi na sila nag-away para sa lemonade.
"Buti naman. Babangasan ko siya riyan, e!" Sabi ni Arkin pagkatapos magbayad.
Naghanap na kami ng table pero dahil break time ng lahat ay puno ang cafeteria at walang maupuan. Napatigil kami nang bigla kaming tinawag ni Sam. Nasa iisang table pala ang iba sa Student Council at may extra na upuan. Dahil makapal ang mukha ni Arkin ay naki-upo nga siya roon sa tabi ni Sevi. Umupo naman ako sa tapat niya, katabi ni Pres na tahimik lang din kumakain.
Pinag-uusapan ng Student Council ang gagawin nila sa jail booth. Sa kanila kasi na-assign 'yon. Sa Music Club naman ang dedication booth. Sa Arts Club ang horror booth. Hindi ko na alam ang ibang booth pero may mga free hugs, marriage booth, café, at kung ano-ano pang pakana ng ibang clubs. May mga palaro rin bawat room. Iyon siguro ang tinutukoy ni Luna na mga games na hindi kasama sa program.
"Via! Kanina pa kita hinahanap! Horror booth tayo!" Dumating si Luna na may dalang tray sabay upo sa tabi ni Sam. Kakabili lang din niya ng pagkain.
"Hoy, Louisse Natasha, ang dami mong time, ah! Mag-aasikaso pa tayo ng booth tsaka mga palaro!" Inabot siya ni Sevi mula sa table at pinitik sa noo. "Sabi ni Pres, pabigat ka raw kaya i-impeach ka na!"
"Wala akong sinabi," singit ni Acel habang umiinom ng chocolate milk sa straw.
Ang nangyari, last day na lang daw sila mag-iikot sa mga booth at nadamay pa 'ko! Sinama ako ni Luna kaya naman sumama rin si Arkin sa akin dahil nga 'set' daw kami. Sinama naman ni Sevi si Sam kaya wala rin siyang choice tumanggi. Minsan, nag-aalala na rin ako rito kay Sam. Hindi man lang marunong magsabi ng 'hindi', e. Halata namang takot siya sa horror booth.
"Baka maihi ka sa pantalon mo, ah," pang-aasar ni Sevi kay Kino.
"Ihian ko mukha mo, e," ganti ni Kino pabalik. Ang dudugyot talaga ng mga 'to. Nasa hapag pa sila, ha. Napaubo tuloy ang iba na kumakain din dahil narinig ang usapan.
Pagkatapos kumain ay sumunod na lang ako kay Larkin doon sa dedication booth dahil wala naman akong mapupuntahan. Nakatambay lang tuloy kami roon. Tumutulong na rin ako mag-lista ng mga dedication. Isusulat lang nila sa papel ang kanta at para kanino tapos ipe-play ang kanta sa buong school. Ia-announce din kung sino nagpa-dedicate at para kanino. Pwede rin namang anonymous. Iyon lang ginawa ni Arkin. Minsan, sinasabayan niya pa sa microphone ang lyrics.
"Boring naman dito. Bakit kasi ngayon shift ko? Ang init!" Reklamo ni Arkin. "Okay lang para sa mga susunod na araw, mag-iikot na lang tayo."
Nasa stage kasi kami dahil naroon ang sound system. Abala naman ang mga estudyante at may mga nagtatakbuhan pa sa ground dahil nanghuhuli na ang jail booth. 'Yung iba, pinipilit naman magpakasal sa marriage booth.
Napansin ata ni Kino na nakatingin ako roon sa mga naka-posas at inaabutan ng bouquet dahil nalista sa marriage booth.
"Gusto mo pakasal tayo?" Inosenteng tanong ni Kino sa akin.
Napabalik ang tingin ko sa kaniya, nagtataka at nakakunot ang noo. "Bakit naman tayo magpapakasal?"
"Para 'til death do us part! Sabi mo walang iwanan, ah!" Ngumuso pa siya at pinakita sa akin 'yung ring candy niya sa bulsa. Plastic na singsing iyon na may nakalagay na candy. Iyon pala ang kinakain niya kanina pa dahil bored na siya sa booth nila. "May singsing ako! Palista tayo!"
"Huwag na. Hindi natin kailangan magpakasal para hindi iwan ang isa't isa." Umiling ako at binalik ang tingin sa phone ko. Naglalaro lang ako roon kanina pa dahil bored na rin ako.
"Sige na! Paano kapag nakasal ka sa iba?!" Napuno ng takot ang mga mata niya nang ma-imagine iyon. Binalik ko ang tingin sa kaniya at tinaasan siya ng kilay.
"Walang maglilista sa 'kin doon." Totoo naman. Wala namang nakakakilala sa akin sa school. Wala silang mape-pair sa akin kung hindi si Kino lang din dahil kami lang naman ang magkasama palagi.
"Paano ako?! Ayaw ko makasal sa iba!" Mukhang paiyak na siya, iniisip pa lang na makakasal siya sa ibang babaeng hindi niya kilala. Matagal kong pinagmasdan ang nagpapaawa niyang mukha bago ako bumuntong-hininga at tumango.
"Oo na. Magpakasal na tayo." Umirap ako at bumalik na lang sa paglalaro. Baka umiyak pa siya, e.
Sa marriage booth kasi pwede kang tumanggi kapag nakasal ka na sa iba. Kapag wala pa at tumanggi ka, mape-penalty ka naman. Panigurado maraming maglilista kay Arkin doon dahil maraming nagkakagusto sa kaniya.
Natapos din ang shift ni Arkin buong hapon kaya malaya na siya sa mga susunod na araw. Marami naman sila sa Music Club, e, kaya marami pang pwede mag-shift, tsaka tutugtog siya kaya maikli lang din ang binigay na oras sa kaniya. Kailangan pa niya mag-practice kaya maagang sinara ang dedication booth.
"Saan tayo pupunta?" Tanong ko kay Kino habang hatak-hatak niya 'ko sa palapulsuhan.
Hindi siya sumagot at huminto lang sa tapat ng marriage booth. May naglilista roon na taga-ibang Club at nanlaki ang mata niya nang makita si Kino sa harapan niya.
"Magpapakasal kami!" Tinaas ni Kino ang kamay niya na hawak ang palapulsuhan ko. Nanlaki ang mata ko at napatingin sa paligid dahil ang lakas ng pagkakasabi niya. Nakakahiya naman 'yon!
"Wow, sige, teka... Ayos, ah. Hindi na kayo kailangan hulihin. Tsk, mga mag-jowa nga naman..." Nilista kaagad kami ng babae.
"Hindi kami mag-jowa," tanggi ko kaagad. "Ayaw niya lang makasal sa iba."
"Marami na ngang naglilista sa 'yo, e... Kaso shift mo sa booth kaya bawal kang hulihin. Swerte mo, ah. Makakatakas ka." Pinakita sa amin ng babae ang listahan ng mga pairing kasama si Arkin. Medyo marami na nga 'yon. Mabuti na lang at kapag nagtatrabaho ka sa booth, bawal kang hulihin.
Nag-bayad si Kino para makasal kami. May pinahawak pa sa aking bulaklak at sinuotan pa 'ko noong cini-clip na belo sa ulo. Ang weird at nakakairitang suotin pero kailangan. Pumasok kami sa room kung saan kinakasal ang mga nalilista at may nagbabasa pa roon ng seremonyas. May bulaklak din na naka-clip sa gilid ng damit ni Kino.
"Larkin Olivier Sanchez, do you take Avianna-"
"I do!" Ngumisi si Arkin at hindi na pinatapos ang sasabihin. Ako rin. Gusto ko na ring matapos 'to dahil masakit na sa buhok ang naka-clip na belo. Ayoko na ring hawakan ang bulaklak dahil pakiramdam ko ay mukha akong tanga.
"Avianna Diaz, do you take Larkin Olivier Sanchez as your husband-"
"I do," bored na sabi ko.
"Atat naman makasal 'tong dalawang 'to. Oo na. I now pronounce you, husband and wife! You may now kiss the bride!" Kinabahan pa ako roon sa kiss the bride. Hindi ko naisip 'yon kanina, ah. Buti na lang walang ginawa si Arkin at tumayo lang doon sa gilid, mukhang malalim ang iniisip.
Tinawag ako ng isang officer para ibigay ang marriage certificate naming dalawa at pagbalik ko, nakasandal na lang si Kino sa pader. "Tapos na. Tara na." Inabot ko sa kaniya ang isang copy ng certificate.
"Yehey! Kasal na tayo!" Masaya siyang lumabas ng room, nakataas pa ang marriage certificate habang tinitignan niya. "Kasal na tayo, Via!" Tumawa siya nang malakas.
"Ewan ko sa 'yo. Siraulo." Hindi ko alam kung bakit sobrang saya niya roon. Tinupi ko na lang ang certificate at nilagay sa likod ng notebook ko sa bag nang makabalik na kami sa Music room.
Kinabukasan, may pa-games ang Student Council at malas dahil nasali ako roon sa calamansi relay. Iyon pa naman ang una. Okay lang dahil kasali rin pala si Sam doon. Nagpapanic na siya dahil paulit-ulit niyang nahuhulog ang calamansi mula sa kutsara. Dahil doon, natalo tuloy kami at umiyak siya.
"Hala, okay lang 'yun. Laro lang 'yun..." Sabi ko sa kaniya dahil paulit-ulit siyang nag-sosorry sa amin.
"It's my fault. I'm sorry." Pinunasan niya ang luha niya gamit ang likod ng kamay niya. Hindi ko alam ang gagawin ko dahil hindi naman ako sanay nang may umiiyak. Inabot ko na lang ang panyo ko sa kaniya.
Naghanda na rin ako para sa sack race. Malas dahil ka-team ko pa si Sevi at Arkin. Pareho silang competitive na akala mo'y lalaban sa sports competition. Naka-hairband pa nga at nagii-stretching pa. Pakiramdam ko iisang brain cell lang ang dumadaloy sa utak nilang dalawa. Pareho sila mag-isip, e.
"Ka-team natin si Via! Sanay 'yan tumalon kasi volleyball player!" Sabi ni Sevi. "Tsaka ako, tumatalon sa basketball 'pag magre-rebound! Ikaw, Arkin? Sino ka?"
"Ako? Ako bangungot mong hayop ka. Mas mabilis pa 'ko sa 'yo. Pustahan tayo, oh." Naglabas pa ng wallet si Kino para kumuha ng bente pamusta.
Pumayag naman si Sevi kaya kahit magkaka-team kami ay competitive din sila sa isa't isa. Nanalo naman si Kino dahil mas mabilis siyang natapos. Ngumisi kaagad siya at niyabangan si Sevi. Ako, kinuha ko na kaagad ang sako at sinuot sa binti ko bago tumalon. Matatapos na sana ako kaso bigla akong nabunggo noong kalaban kaya nadapa ako. Tumakbo kaagad si Kino sa akin at tinulungan akong tumayo.
Tinapos ko pa rin ang laro bago tinanggal ang sako sa binti ko. Umupo na lang ako sa gilid at si Arkin naman kumuha ng tubig para buhusan ang sugat ko sa forearm. Masama pa ang loob niya roon sa lalaking bumunggo sa 'kin at sinabing aabangan niya raw 'yon sa gate.
"Band aid, oh. Lagi akong may dala dahil sa training." Binigay sa 'kin ni Sevi 'yung isang box niya ng band aid. Lagi siguro siyang nasusugatan.
"Lagi ka na lang nasusugatan. Kaunti na lang talaga ibubulsa na kita, e," inis na sabi ni Kino pagkalagay ng band aid sa sugat ko. Gasgas lang naman 'yon at hindi ganoon kasakit.
Sunod kaming pumunta sa room ng Student Council, sa tabi lang din ng jail booth. May palaro sila roon na Pass the Paper at dahil hindi ako kasali, umupo na lang ako sa gilid. Si Arkin, nahatak ni Sevi kaya nasali na rin siya roon. Mukhang kanina pa sila naglalaro at iba-iba per batch ang players. Kanina pa rin tawa nang tawa ang officers, hindi ko alam kung bakit. Namumula na ang iba kakatawa. Ano bang trip ng mga 'to?
"O, game na! Nandito na si Yanna! Sino pang kulang? Wala na 'no?" Sigaw ni Luna nang bumukas ang pinto at pumasok si Yanna na walang emosyon sa mukha. Nilapag niya lang ang bag niya sa gilid at pumwesto na sa team nila.
"So here are the mechanics. We have pieces of papers here prepared for you. You just have to pass them without using your hands. You can use other parts of your body. It's up to you. If the paper falls, you will start again. You just have to pass 5 pieces of paper through. The first one to reach 5 wins," pag-explain ni Sam.
"Paano 'to? Bibig na lang. Mas madali 'yon," rinig kong pag-suggest ni Kierra. Ka-team niya si Yanna, Sevi, Arkin, at dalawa pang hindi nila kilala. Hindi ko rin kilala 'yon.
"Paano 'yon pag nahulog?" Kinakabahang sabi ni Sevi.
"Kung mahulog mo, e 'di tanga ka," sagot ni Yanna.
"Sige na, okay na 'yon!" Sabi ni Arkin at ng iba nilang ka-team.
Kinakabahan ako riyan sa pinaggagagawa nila. Bibig din ang ginamit ng kabila. Kung ako ang tatanungin, pwede namang daliri sa paa pero mukhang nadudugyutan sila roon kaya huwag na, pero mas madali 'yon. Hindi ba nila naisip 'yon, huh?
"1... 2... 3... Start!" Announce ni Luna.
Naunang kinuha ni Arkin ang isang papel gamit ang bibig at pinasa sa isa nilang lalaking ka-team. 'Yung lalaki, pinasa sa babae, at 'yung babae pinasa kay Kierra. Sunod namang pinasahan ni Kierra si Yanna. Pinasa 'yon ni Yanna kay Sevi. Siya na ang dulo kaya nilagay niya na lang doon sa paper plate.
Umulit lang ulit ang routine nila para sa pangalawang papel. Ingat na ingat silang lahat dahil uulit sila at matatalo kapag nahulog. Competitive pa naman silang lahat dahil ipapang-kain daw nila ang cash prize.
"Gagi, sino 'yon, parang may laway pa, ah!" Reklamo ni Sevi sa dulo pagkatapos ng pangalawang papel.
"Hoy, hindi ako 'yon, ah!" Tanggi kaagad ni Arkin. "Ito siguro si John!" Nanisi pa nga siya.
Tutok na tutok ang lahat at hinihintay lang na may mahulog. Ako rin ay sinusundan lang ng tingin ang pangatlong papel na nakatawid din ulit. Noong pang-apat na, nagpapanic na sila dahil malapit nang matapos.
"Hala, nauunahan na tayo! Bilis!" Sigaw ni Kino sa kanila pagkapasa ng papel.
Pinasa na ulit ng babae kay Kierra, at pinasa ni Kierra kay Yanna. Umikot na rin si Yanna para humarap kay Sevi. Nang ipapasa na niya, biglang sumigaw si Kierra na dalian kaya nahulog bigla ang papel. Napaawang ang labi ko nang bigla silang mag-kiss ni Sevi.
"Putangina ka!" Sigaw kaagad ni Yanna at napatakip sa bibig.
"Gago!" Sigaw din ni Sevi, kasabay ng malakas na tawa ng mga officers.
Hindi alam ni Arkin kung tatawa ba muna siya o magpapasa na ulit siya ng papel dahil nahulog 'yung sa kanila, pero mas pinili na lang niyang tumawa nang malakas dahil hindi naman na nila mahahabol ang kabilang team. Natawa rin tuloy ako at napatakip sa bibig ko habang pulang pula si Yanna at Sevi sa hiya at galit.
"Ah, tarantado ka!" Sinugod kaagad ni Yanna si Sevi at sinabunutan ito. Hinampas naman ni Sevi ang kamay ni Yanna para mabitawan siya. "First kiss ko 'yon!"
"Gagi, first kiss ko rin 'yon! Sinong nakalaglag ng papel?! Ako ba?! Eh, inaabangan lang din ng lips ko na mapasa 'yung papel!" Pag-depensa ni Sevi sa sarili niya. "Kadiri ka, oy!"
"Ikaw ang kadiri, sinalubong mo pa talaga ang halik ko na parang inaasahan mo!" Pinaghahampas siya ni Yanna.
"His body reaction was so fast he even puckered his lips!" Hindi na rin makahinga sa kakatawa si Sam. Nakatakip na siya sa bibig niya para pigilan dahil sa sama ng itsura ni Yanna. Natatawa na rin ako. Sayang at hindi dala ni Kino ang camera niya.
"Sinong tanga sa atin ngayon?! Ikaw nag-hulog ng papel! Siguro may gusto ka sa akin at sinadya mo 'yon! Pinagsamantalahan mo ang puri ko!" Niyakap pa ni Sevi ang sarili niya.
"Nakakadiri ang bunganga mo! Hindi ako makapaniwalang... Yuck! Tangina mo!" Inambahan pa ni Yanna ng suntok si Sevi. Si Arkin ay nasa sahig na at nakahawak sa tiyan habang tumatawa. Si Luna rin ay malapit nang mag-lupasay. Si Kierra naman ay nagrereklamo lang dahil natalo raw sila.
Inabutan ko ng tubig si Kino nang umupo siya sa tabi ko. Pawis na siya at mukhang hinihingal na kakatawa dahil kitang kita raw ng dalawa niyang mata ang nangyari.
"Sure kayo hindi nag slow mo 'yung kiss n'yo? Baka kayo na talaga para sa isa't isa," pang-aasar pa ni Arkin kila Sevi sabay inom ng tubig. Muntik pa niyang mabuga 'yon dahil natawa ulit sa itsura ng dalawa na parang masusuka na.
"Kino, ang dugyot." Lumayo kaagad ako sa kaniya dahil tumulo ang kaunting tubig mula sa bibig niya nang matawa habang umiinom sa bote.
Pagkatapos ng pa-games na 'yon ay sinabi ni Yanna na kahit kailan, hindi na raw siya sasama sa amin at sa kahit anong games, pero pagkatapos ng araw ay nakita na lang namin ang mga sarili naming nasa iisang table ulit para kumain pagkalabas ng school.
"Hayaan mo na. At least may first kiss ka na," pampalubag-loob ni Luna dahil kanina pa nakahalukipkip si Yanna at nakasimangot. Kasama rin namin sa table si Sam at Kierra.
"Ang pangarap ko pa naman na first kiss, 'yung gwapo, matangkad, mabait, type ko, at mamahalin ako habang-buhay, hindi itong..." Tumingin ito nang masama kay Sevi. "...mukhang sandok na 'to!"
"Ano?! Gago 'to, ah!" Sinamaan din siya ng tingin ni Sevi. "Ikaw ang nagnakaw ng halik sa akin! Ang inaabangan ko, papel, bakit ako bibigyan ng labi?!"
Kanina pa sila nagtatalo roon at naririndi na rin ako pero nakakatawa rin ang mga mukha nila dahil diring diri sa isa't isa. Pakiramdam ko tuloy ay mas magiging close pa sila dahil sa insidenteng 'yon.
Pagkatapos kumain ay nagkaniya-kaniya na kaming lakad pauwi. Sabay ulit kaming sumakay ni Arkin ng jeep at bumaba roon sa kanto papunta sa bahay. Habang naglalakad kami ay nakalagay lang ulit ang dalawa niyang kamay sa likod ng ulo.
"May first kiss ka na, Via?" Tanong ni Arkin habang nakatingin sa harapan.
"Wala. Hindi ko iniisip 'yon." Ni hindi nga pumapasok sa isip ko 'yon. Kanina lang dahil kay Sevi at Yanna.
"Hmm, ako rin, e." Ngumuso si Kino at sinipa-sipa na lang ulit ang maliit na bato sa daan. "Ikaw na lang kaya maging first kiss ko?"
Napakunot ang noo ko at tumingin sa kaniya. "Bakit ako?" Tinaasan ko siya ng kilay.
"Wala. Lagi namang ikaw kasama ko sa mga first, e." Nagkibit-balikat siya at naglakad na ulit, hinayaan na ang maliit na bato roon. "Wala akong maisip na iba. Sabi nila dapat memorable."
"Hindi 'yun memorable kapag ako," sabi ko naman, kahit wala naman akong pakialam sa mga first first na 'yon.
"Try lang natin! Dito, oh!" Turo niya sa pisngi niya.
Napairap ako at tumigil sa paglalakad. Napahinto rin siya at gulat akong tinignan nang maglakad ako palapit sa kaniya at pinakita ang pisngi ko.
"Oh, ayan. Dalian mo." Tinuro ko ang pisngi ko. "Okay na 'to, 'di ba?"
Napakurap siya at napatitig sa 'kin. Unti-unti nang namula ang pisngi niya at napatakip ang kamao sa bibig bago umiwas ng tingin.
"Ayoko," sabi niya at naunang maglakad paalis para maka-iwas sa 'kin. "Hindi ko kaya."
________________________________________________________________________________
:)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro