Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

06


"Bakit ka naman sumisigaw, Sam? Nakakagulat ka." 


Si Sevi ang pinakaunang nagsalita, binasag ang matagal na katahimikan pagkatapos magmura ni Samantha. Gulat pa rin ang lahat at umayos kaagad ng upo nang sumigaw si Sam na para bang sila ang pinagalitan.  Natahimik din ang dalawang babaeng pinag-uusapan si Yanna at guilty na umiwas ng tingin. Nakatingin lang sa harapan si Sam kaya hindi nila alam kung sino ang tinutukoy niya pero may pakiramdam ako kung sino nga. 


"I'm sorry for shouting, Pres. I just... can't hear you properly..." Ngumiti si Sam nang tipid kay Chevy at pinag-krus ang binti na para bang walang nangyari. 


"Alright." Bumuntong-hininga si Chevy at pinagpatuloy ang pagsasalita habang may sinusulat sa white board. "Everyone, please be quiet. May pinag-uusapan kami rito," pahabol niya nang may mag-ingay ulit. 


"Hoy, tahimik nga!" Sigaw ni Sevi. 


Napabalik ang tingin ko sa upuan ni Yanna pero wala na siya roon. Tumingin tuloy ako sa paligid at nakitang nakabukas ang pinto. Ibig sabihin ay lumabas na siya kahit sinabi ni Sam na may sasabihin pa siya sa candidates. Nagpaalam din ako kay Luna at lumabas ng room. Hindi ko alam pero umuulit kasi sa isipan ko ang palagi niyang pag-iyak sa library. 


"Via! Sama!" Napasapo ako sa noo ko nang maramdaman ko ang presensya ni Arkin sa likod ko. Nakasukbit pa sa balikat niya ang itim na case ng gitara habang nakangiti sa akin. Para talaga siyang bata kung umasta. Hindi maiwan mag-isa, e. 


Sumilip ako mula sa 2nd floor at nakitang naglalakad na palabas ng gate si Yanna, dala ang bag at tila walang pakialam kahit bawal pang umuwi. Mukha naman siyang maayos kaya bumaba na lang ako at umupo roon sa hagdanan. Tumabi naman si Arkin sa akin at binaba ang gitara sa gilid. Kahit alam niyang wala naman kaming gagawin ay para bang excited siya at nakangiti pa, hinihintay ang sasabihin ko kahit wala naman. Gusto ko lang umalis doon kasi pagkatapos sumigaw ni Sam ay naging mabigat ang hangin. 


Tahimik lang kaming dalawa habang nakaupo at nakatingin sa malayo pero walang bahid ng kahit anong awkwardness sa katahimikan namin. Na-estatwa ako nang sinandal niya ang ulo niya sa balikat ko at bumuntong-hininga. Napatingin ako sa kaniya at tinulak nang mahina ang ulo niya paalis gamit ang isa kong daliri pero masyadong mabigat kaya hinayaan ko na lang. 


"Anong problema?" Tanong ko dahil sa buntong-hininga niya pa lang, alam ko nang may gusto siyang i-reklamo sa akin. 


"Hindi ko makuha 'yung bridge ng tutugtugin namin, e." Umayos siya ng upo at napakamot sa ulo niya. 


"Parinig nga ako," sabi ko, nagbabaka-sakaling matutulungan ko siya. 


Nilabas niya ang gitara niya sa case at tumayo sa harapan ko para magkasya ang gitara niya. Mabubunggo kasi sa akin kapag nakaupo siya. Ini-strum niya muna para masiguradong nasa tono pa bago sinimulang tugtugin ang kanta. May part na binabagalan niya kasi hindi niya magalaw nang maayos ang daliri niya kaya inabot ko ang kamay ko para ibigay niya sa 'kin ang gitara. 


"Ano bang chords?" Tanong ko sabay lagay ng gitara sa binti ko. Nilabas niya ang papel sa bag niya at binigay sa 'kin. Medyo alam ko ang kanta kaya kinapa ko na lang saglit habang nag-iisip. "Eh, alam ko na. Mali ka kasi, e." Napakamot ako sa ulo ko nang ma-realize kong mali ang pag-pwesto niya ng daliri. 


Tumayo ako at inabot sa kaniya ang gitara. Hinawakan ko ang kamay niya at inayos ang daliri niya roon habang pinapaliwanag kung saan niya ididiin. Nang hindi siya sumagot ay napatingin ako sa kaniya. Nakatitig lang din siya sa 'kin at mukhang malalim ang iniisip. Nang mapagtanto niyang matagal siyang nakatingin, umiwas siya at parang nailang sa akin. 


"Ayos ka lang ba?" Tanong ko sabay lagay ng kamay ko sa pisngi niya. "Namumula pisngi mo, e. May lagnat ka ba?" Hindi naman siya mainit, ah. 


"Okay na! Gets ko na!" Inalis niya ang kamay ko at binalik ang gitara sa case bago bumaba nang isang step sa hagdan. "Tara! Uwi na tayo!" Aya niya sa 'kin. 


Mabilis lang din na dumating ang Foundation Day. Dahil wala naman akong ganap ay hindi ko kailangang maaga pumasok kaya naman hindi ako nag-alarm... Pero may epal na naging kapalit ng alarm clock ko. Sumisigaw pa nga sa kwarto! Ang aga-aga pa! 


"Kino! Nakakabwisit naman, e!" Inis akong nagtakip ng unan sa mukha ko hanggang sa tenga para hindi marinig ang panggigising niya.


"Gising na! Gising na! Anong oras na, oh?! Sabay tayo papasok sa school, 'di ba?!" Para talagang mamamatay ang lalaking 'to kapag mag-isa lang siyang papasok! 


Hinatak pa niya ang kumot ko at inalog-alog ako para magising. Inis akong nagpapapadyak sa hangin bago binato ang unan sa sahig. Sisigawan ko na sana siya nang mapatingin sa oras at naalala biglang may mga kapatid pala akong ihahatid din sa school! Dali-dali akong tumakbo pababa para mag-luto ng baon nila pero nagulat ako nang makitang naka-handa na ang mga lunchbox nila at kumakain na rin sila ng breakfast na dala ni Arkin. 


"Alam kong wala kang balak pumasok nang maaga kasi Foundation Day kaya pinabaunan ko na mga kapatid mo kay Mama. Naalala mo last year? Hindi mo sila nabaunan at na-late sila sa school noong Foundation Day din kaya umiyak ka," tumatawang sabi ni Arkin habang pababa ng hagdan. 


Nakahinga ako nang maluwag at nagpasalamat na lang na kilalang kilala ako ni Kino kaya naisip niya 'to. Pakiramdam ko ang sama kong Ate dahil nakalimutan ko na naman ang mga kapatid ko. Buti na lang talaga ay nariyan si Kino para punan ang kakulangan ko. Buhat niya rin si Aidan habang pababa. Nakayakap pa sa kaniya ang kapatid ko at inaantok. 


"Ligo ka na." Tinapik ni Kino ang balikat ko. "Ako na bahala sa mga kapatid mo. Pinapasabi rin pala ng Papa mo na una na siya. Kakaalis nga lang, e."


Tumango ako at nagmamadaling umakyat para maligo at magbihis ng uniform. Mabuti na lang at nakaligo at bihis na rin ang mga kapatid ko dahil narito si Papa kanina kaya ang ginawa ko na lang ay inayos ang mga gamit nila sa bag para masiguradong wala silang nakalimutan. 


Dahil Foundation Day ay hindi naka-uniform ang mga estudyante. Ang mga miyembro ng club ay may sari-sariling shirt kaya ang suot ko ay color light blue dahil sa Sports Club kahit wala naman kaming ganap. Si Arkin ay naka maroon shirt at pants dahil sa Music Club. Ang ibang estudyanteng walang club ay naka-white shirt lang. 



Hinatid na namin ang mga kapatid ko bago sumakay ng jeep papuntang school. Ang daming dala ni Arkin. May gitarang nakasukbit sa likod at may camera pang nakasabit naman sa leeg. May backpack pa siya. Ako, maliit na backpack lang ang dinala dahil wala namang klase. Pagdating namin sa school ay maaga pa para sa program. Nagpe-prepare pa rin ang mga clubs, lalo na ang Student Council kaya abala ang lahat. 


"Sama ka muna sa akin sa Music room," sabi ni Arkin nang mapansing wala akong pupuntahan. "Ibababa ko lang gamit ko tapos iikot na tayo kasi kailangan kong manguha ng pictures." 


Tumango na lang ako at sumunod sa kaniya. Nagpa-practice na ang ibang members ng Music Club na tutugtog mamaya kaya medyo maingay sa loob. Nilapag ni Arkin ang case ng gitara niya sa gilid at binati ang mga tropa niya roon. 


"Uy, si Kino, dala 'yung girlfriend!" Sigaw noong isa kaya napalingon ako, nakakunot ang noo. 


"Anong girlfriend? Kaibigan ko lang 'yan!" Tumawa si Kino at inakbayan ako para makalabas na kami. 


Kumaway na lang siya sa mga ka-miyembro niya bago kami umalis para mag-ikot dahil nga kailangan niya ng pictures na ilalagay sa student publication. Kinuhanan niya ng litrato sila Luna at Sevi na abalang nagpa-practice dahil sila ang na-assign na emcee sa program. Hindi ko rin alam kung anong mangyayari mamaya pero kinakabahan ako sa dalawang 'yon. Baka humaba lang ang program sa rami ng gusto nilang sabihin. 


"Good morning, Pres!" Bati ni Kino. Nang lumingon si Chevy ay kinuhanan niya ng litrato kaya sumimangot ito at hinabol siya. "Maayos 'yung itsura, promise!" Pinakita pa 'yon ni Kino. 


Sinilip ko rin at mukhang maayos naman si Pres doon. Gulat siya at medyo nakaawang ang labi nang lumingon. Naka-specs pa na bumagay sa mukha niya. Dahil sa balat niya, madaling mamula ang pisngi, lalo na kapag mainit. 


"Hala, hindi riyan ilalagay!" Napakawalan niya bigla si Kino nang bigla siyang may tinawag na iba. Naging abala siya kaagad sa mga nag-aayos ng props. 


Pumasok naman kami ni Kino sa loob ng room kung saan naka-standby ang mga lalaban sa pageant para manguha ng pictures. Mr. and Ms. Valerian kasi ang opening program. Sa mga susunod na araw ay puro activities na ng clubs gaya ng mga booth na itatayo. 


"Hello! Are you documenting?" Bati kaagad ni Sam at ngumiti. 


May tinitignan siyang paper habang ang candidates ay abala sa kaniya-kaniyang pag-aayos. May mga hired na hair and makeup artist lahat ng candidates maliban kay Yanna na nakaupo lang doon at iniipitan ang sarili. Wala pa siyang makeup o kahit ano. Naka-uniform nga lang, e. Tinatawanan siya at pinagbubulungan ng iba dahil kawawa raw. 


"Via, are you busy? Do you want to help me?" Lumapit sa akin bigla si Sam at marahang hinawakan ang siko ko. 


"Ah, hindi naman," tanggi ko dahil wala naman talaga akong ginagawa kung hindi sumunod kay Arkin ngayon. "Kailangan mo ba ng helping hand?" Nagtatakang tanong ko. 


"Ah, the thing is..." Lumingon siya kay Yanna. "I just can't let her go out like that. I have my makeup here. Maybe you can help do her makeup while I'm doing her hair?" 


"Ah..." Agad akong nag-panic dahil kahit kailan ay hindi pa 'ko nakahawak ng kahit anong pang-makeup at wala akong kaalam-alam doon, pero hindi ko rin alam kung paano ko tatanggihan si Sam kung mukha siyang anghel? "May... Tatawagin lang ako." 


"Via, saan ka punta?!" Tanong kaagad ni Arkin nang lumabas ako ng room. 


"Ikot ka na. Hahanapin ko lang si Kierra," sabi ko bago tumakbo paalis. 


Hindi ko alam pero bigla na lang pumasok sa isip ko na nasa Arts Club si Kierra kaya magaling siya sa art. Kung magaling siya sa art, baka marunong din siyang mag-makeup dahil art din 'yon? Ah, hindi ko na rin alam! Basta alam kong hindi ko kayang mag-makeup! Baka magalit lang si Yanna sa akin! 


"Ke!" Tawag ko at huminto sa tapat niya nang makita siyang naglalakad. May hawak pa siyang juice at mukhang kakagaling lang sa canteen. Nagulat siya at napatigil sa paglalakad nang makita ako. "Marunong ka ba mag-makeup?" 


"Ah..." Napaisip siya bigla. "Sakto lang!" Hindi ko alam kung ano ang 'sakto' lang dahil hindi ko rin naman siya nakikitang nakasuot ng makeup. "Napapanood ko lang sa internet!" Dinagdagan niya pa. 


"Sige, pwede na 'yon." Hinawakan ko ang palapulsuhan niya at hinatak siya pabalik sa room para wala na siyang choice tumanggi. Mukha namang wala siyang ginagawa, e. Tapos nang mag-prepare ng design ang club niya. 


Pagkapasok namin ay napalingon siya sa paligid, nagtataka kung bakit napapaligiran siya ng mga lalaban sa pageant. Nakita ko si Sam na kausap si Yanna kaya lumapit kami roon. Kaswal lang na umiinom ng juice si Kierra habang hinihintay ang gagawin niya. 


"Just let me do your hair and makeup. You can't go out like that!" Pakikipagtalo ni Sam sa kaniya. "And you're even wearing your uniform!" 


"Dala ko ang susuotin namin, okay?" Iritang sabi ni Yanna. May mga pinatahi at nirentahan kasi para sa mga candidates para pare-parehas sila ng suot, iba't ibang designs lang. "Bakit ba kasi nangingialam ka?"


"I am the organizer of this event so of course, I want this to be successful. Stop treating this pageant as your playground. I worked hard for this," inis na sabi rin ni Sam. Kahit naiinis siya ay malumanay pa rin ang boses niya. 


"Bahala ka sa buhay mo. Gawin mo ang gusto mo." Umirap si Yanna at pinag-krus ang braso sa dibdib. 


"Wala naman masyadong i-aayos sa kaniya. Maganda na siya, e." Tinignan ni Kierra ang mukha ni Yanna pero umiwas din nang tignan siya nito nang masama pabalik. "Para siyang lioness." 


Nilapag ni Sam ang mga gamit niya sa isang table para alam ni Kierra ang gagamitin niya. Nanood pa nga si Kierra ng video on the spot at sinundan lang 'yon gamit ang mga makeup habang si Sam ay tinutulungan kong mag-kulot ng buhok ni Yanna. Mukhang inaantok naman si Yanna dahil walang ginagawa. 


Tama naman si Kierra at hindi na kailangan ng matinding ayos ni Yanna. Ang ganda na tignan ng mukha niya kahit wala siyang ginagawa. Iyon nga lang ay ang tapang palagi ng itsura niya kaya nakakatakot siya para sa iba. Iba rin ang mata niya... May ibang lahi ata siya. 


"Where's your mom? Is she coming?" Sinubukan ni Sam na makipag-usap pero mukhang mali ang napili niyang tanong dahil sa naging reaksyon ni Yanna. Tinitigan siya nito nang masama sa salamin, hindi nagsasalita. "Uh... H-how about your dad?" Sumubok ulit siya. 


"Dami mong tanong." Iyon na lang ang sinabi ni Yanna para maka-iwas. Nagkaroon ata ng hint si Sam na mali ang mga natanong niya kaya nanahimik na lang siya. 


Si Kierra, naguguluhan pa rin kung ano ang tawag sa mga makeup products na hawak niya. Hindi niya alam ano ang foundation sa concealer kaya binabasa pa niya bago ilagay tapos sine-search. Nakaraos naman siya kahit naka-ilang bura siya sa eyeshadow at eyeliner. Naiinis na nga si Yanna sa kaniya dahil masakit na raw sa mata. 


"Okay na! Tignan mo, Via!" Proud na sabi ni Kierra. Sumilip ako at tinignan ang mukha ni Yanna. Simple lang nga ang ayos sa kaniya pero maayos naman ang itsura. Siguro dahil na rin magaling naman sa colors si Kierra kaya alam niya kung ano ang bagay pagsama-samahin at hindi. 


Nakalugay lang ang wavy hair na ginawa ni Sam kay Yanna bago siya pinagpalit nito ng damit. Lumabas siyang nakasimangot at suot ang fitted jeans at shirt na color red. May logo roon ng pageant. Dinikit na rin ni Sam ang candidate number doon sa gilid. Umupo si Yanna at sinuot ang baon na heels. Mukhang sa nanay niya pa 'yon dahil mukhang hindi niya alam kung paano suotin. 


"Ako na." Niluhod ko ang isang tuhod sa sahig at tinulungang i-suot ang heels sa kaniya. Nang tumayo siya ay parang wala lang sa kaniya. Siguro ay nag-practice na siya sa bahay nila o kaya naman sanay siya noong bata. 


Nang sabihing malapit nang mag-simula ang program ay bumalik na kami ni Kierra sa grounds. Naroon na rin si Arkin na pinatong kaagad ang siko niya sa balikat ko habang nakatayo. Mukhang nangangawit na siya dahil kanina pa nagpi-picture. 


Nagkaroon lang ng opening speech si Chevy bilang President at bumati na si Sevi at Luna bilang emcee. "Good morning, Valerians! We officially welcome you to..." Hindi ako nakikinig at nagce-cellphone na lang. Pagkatapos ay pwede nang umupo kaya umupo na lang kami sa ground. Nasa harapan kami dahil kailangan ni Arkin ng malapitan na view. 


"Let us all welcome our candidates!" 


Nagsi-lakad na ang mga candidates sa stage. Bawat year level kasi ay may representative kaya nagpapalakasan ng sigaw ang bawat year level. Iba't iba sila ng way para suportahan ang candidate nila pero ako, hindi ko naman kilala ang 2nd year rep kaya wala akong pakialam. Kaklase ata 'yun ni Arkin. 


"Kaklase mo ba 'yan?" Tanong ko kay Kino habang nagpipicture siya. Binaba niya saglit ang camera at tumingin sa 'kin. 


"Oo. Masama ugali niyan, e," sabi niya pa bago pinagpatuloy ang pangunguha ng litrato. Napailing ako sa kaniya. Naninira pa nga 'tong siraulong 'to. "Pero crush ako niyan," dagdag pa niya. 


"Ang kapal ng mukha mo," sabi ko kaagad. 


"Totoo. Umamin nga siya kahapon," walang pakialam na sabi niya na para bang hindi big deal 'yon. Ano kayang sinabi niya? Ni-reject ba niya o tinanggap niya? Sabi niya masama ugali kaya panigurado tinanggihan niya. 


Isa-isa nang nagpakilala ang candidates. Irish ang pangalan ng kaklase ni Arkin. Malakas din ang sigawan sa kaniya, ah. Noong si Yanna na, nag-sigawan kaagad karamihan sa mga lalaki pero nasabayan 'yon ng pag-"boo" ng iba. Napalingon kaagad ako sa gulat dahil hindi ko inaasahang gagawin nila 'yon. Nagtawanan pa ang iba at sinabing joke lang naman daw 'yon. 


"Wow, sarap!" Sigaw ng isang 4th year. Napakunot ang noo ni Arkin at lumingon sa sumigaw, mahigpit na ang hawak sa camera. 


"Kanin na lang kulang sa 'yo, Yanna!" Sigaw ng isa pang lalaki. 


"Ang laki, ah!" Tumawa pa 'yung isa. 


Kahit wala siyang sinabi, alam ko na kaagad kung ano ang tinutukoy niya. Napakuyom ang kamao ko at pinakalma ang sarili ko. Nakita ko ring hindi mapakali si Arkin at parang gustong manuntok pero ayaw niya namang magulo ang program kaya nanatili na lang siya sa pwesto niya. 


"Ashianna Kim Fernandez, 3rd year," sabi ni Yanna sa microphone bago naglakad pabalik. Maganda pa rin ang lakad niya kahit hindi siya sanay na nagpa-pageant, ah. Ganoon na talaga siya maglakad, e. 


May break bago ang talent portion. Tumugtog ang ibang members ng music club habang nag-aayos ang candidates. Tumayo ako saglit para pumuntang C.R pero napahinto nang mapadaan sa room ng candidates. Sa hallway ay nakita ko si Yanna, kausap 'yung candidate ng 4th year. 


"Narinig ko ang cheer ng boyfriend ko sa 'yo kanina. Ang kapal ng mukha mo. Pwedeng layuan mo boyfriend ko?" Reklamo nito. 


"Kasalanan ko ba 'yon?" Iritang sabi ni Yanna at humakbang palapit. 


"Ew! Huwag ka ngang lumapit sa 'kin! Baka mahawa ako sa kalandian mo! And who knows, baka nakakuha ka rin ng sakit kung kani-kanino!" Umirap 'yung babae at naglakad paalis. 


Umalis na rin ako kaagad bago pa 'ko mahuling nakikinig sa usapan nila. Tahimik lang akong bumalik sa ground habang hinihintay ang talent portion. Sumayaw lang si Yanna, pero kahit ang pag-sayaw niya ay nilagyan ng malisya ng mga tao. 


"Ang bababoy talaga," bulong ni Kino habang nangunguha ng litrato. 


Umaakto lang si Yanna na walang naririnig sa stage kahit alam kong umaabot naman ang mga sigaw tungkol sa kaniya. "Ah, by the way, remind ko lang, ah! Please do not make unnecessary comments, guys!" Sabi ni Luna sa microphone habang iniintay ang Q&A portion. 


"Tama, tama. Lalo na iyong mga hindi maganda pakinggan! Cheer na lang tayo sa candidates natin!" Sabi rin ni Sevi bago sila sumunod ulit sa script. 


"Kadiri talaga 'yung iba." Umupo si Kierra sa tabi ko. Umalis siya kanina para mag-prepare ng booth nila at ngayon lang ulit nakabalik. Binilhan niya pa kami ni Kino ng dalawang bote ng tubig dahil mainit. 


Nang pumasok na ang candidates para sa Q&A portion, nagtaka ang lahat dahil wala si Yanna. Pati ako ay kung saan-saan lumingon pero hindi siya makita. Sinimulan na nila ang pagtatanong dahil nga sayang sa oras. Nagbulungan ang mga tao nang umakyat si Yanna ng stage, suot ang shirt niya kanina noong opening. Kahit tinago niya ay nahagilap ko ang nakasulat sa likod ng shirt na 'yon. 


"MALANDI AKO" ang nakalagay. Naka-pentel pen pa iyon. 


Nakaharap lang siya buong oras at nasagot pa rin nang maayos ang tanong kahit hindi na maipinta ang itsura niya. Tipid lang din ang ngiti niya na hindi umaabot hanggang mata. Iyon na ang last portion kaya nakahinga ako nang maluwag nang bumaba na ulit silang lahat sa stage. Natawa pa ang ibang nakakita ng nakasulat sa shirt ni Yanna. Agad akong tumayo at naglakad para sundan siya sa room ng candidates. 


"That's it for the Mr. and Ms. Valerian! While waiting for the decision of the judges, you can relax and buy food from the cafeteria! The program will resume in 40 minutes." 


Napatigil ako nang pagkabukas ko ng pinto ay nakita ko si Samantha na tinuturo 'yung 4th year candidate. Agad akong tumakbo at pinaghiwalay silang dalawa nang hawakan siya ng candidate sa kwelyo. 


"Why would you do that, huh?! Why?! What did she do to you?!" Galit na sigaw ni Sam at sinubukang lumapit ulit para hablutin 'yung buhok ng babae pero humarang ako. Ngayon ko lang siya nakitang ganito! Hindi ko alam ang gagawin ko! 


"Anong ako?! May proweba ka ba, ha?!" Sigaw nito. "Hindi ako 'yun, Sam! Hindi mo naman nakita, 'di ba!" 


"The 1st year candidate saw you doing it! You bitc-" 


"Tama na 'yan, oy!" Humarang na rin si Sevi na nagmamadaling tumakbo mula sa pinto. Tinakpan niya ang bibig ni Sam at hinatak ito paatras para wala nang sabihin. 


Napakamot ako sa ulo ko at tumingin sa paligid pero wala roon si Yanna. Nag-alala kaagad ako para sa kaniya. 'Yung kahihiyang natamo niya... Kahit umaakto siyang hindi naaapektuhan, alam kong umiiyak siya nang patago sa likuran. 


"Bakit n'yo kasi ginawa 'yon? Baho ng trip n'yo, oy," inis na sabi rin ni Sevi sabay kamot sa ulo. 


"Hoy, ikaw! Hindi lang ako nagsasalita pero nakita kita, ha!" Biglang pumasok si Luna at sasabunutan na sana 'yung 4th year candidate pero hinabol siya ni Kierra at hinatak pabalik. "At tsaka ikaw! Narinig ko pinag-uusapan n'yo pa sa C.R 'yung gagawin n'yo!" Tinuro niya 'yung 2nd year. 


Hindi ko na alam ang gagawin ko dahil lahat sila ay gusto nang mag-sabunutan. Humarang na lang din ako para hindi sila makalapit sa isa't isa pero nagsisigawan na sila ng kung ano-anong insulto. Sabay-sabay nang umaalingawngaw ang boses nila dahil sinisigawan nila ang isa't isa. 


"Tumabi ka nga riyan!" Tinulak ako ng 2nd year, si Irish, para makalapit kay Luna. 


"Woy, ano ba 'yan!" Dumating na rin si Arkin at hinawakan ang palapulsuhan ko para itago ako sa likuran niya. Napatigil kaagad si Irish at parang nag-iba ang ugali nang makita si Kino. 


"Anong nangyayari rito?!" Natahimik ang lahat nang biglang dumating si Chevy, mukhang galit. 


Cue ko na 'yon para umalis habang pinapaliwanag ni Sevi kung ano ang nangyayari. Susunod na sana si Arkin sa akin pero hinatak siya pabalik ni Chevy, akala ay kasama ito sa gulo kahit kakarating lang. "Bakit ako?!" Rinig ko pang sigaw ni Arkin. 


Umakyat ako sa library. Nakasara dapat 'yon pero nakita kong nakabukas ang padlock kaya pumasok ako. May narinig kaagad akong hikbi kaya dahan-dahan akong lumapit at nakita si Yanna na nakaupo ulit sa sahig, yakap ang dalawang tuhod habang umiiyak. Nakasandal ang likod niya sa shelf. Dahil walang tao ay malakas ang hikbi niya. 


Nagtago ako sa likod ng shelf dahil pakiramdam ko ayaw niyang may makakita sa kaniya. Nagulat ako nang bumukas ang pinto ng library at nakita ko si Sam. Huminto siya sa tapat ni Yanna at walang pasabing umupo sa tabi nito at sinandal din ang likod sa shelf. Pinapakinggan lang namin siyang umiyak, walang sinasabi. 


"Iwan mo na 'ko rito..." Umiiyak na sabi ni Yanna at binaon ang mukha sa tuhod dahil ayaw ipakita ang mukha. 


"No way," sagot kaagad ni Sam. "You can cry all you want. You can't be strong all the time." 


Napatakip ako sa bibig ko nang mabunggo ko ang shelf at may nahulog na libro. Kinuha ko kaagad 'yon at binalik. Dahil nakita na nila ako, bumuntong-hininga na lang ako at lumapit sabay upo rin sa sahig, sa tapat nilang dalawa. Umiiyak pa rin si Yanna pero sinusubukan niyang huwag lakasan ang hikbi dahil sa hiya. 


"Umalis nga kayo..." Pinunasan niya ang luha niya pero tuloy-tuloy lang 'yon tumutulo. 


"Via?" Napasapo ako sa noo ko nang marinig ang boses ni Arkin. Nahanap niya kaagad kami at nagulat pa nang makitang umiiyak si Yanna. Wala siyang sinabi at umupo na lang din sa tabi ko, nakaiwas ang tingin.


"Pucha, ano ba kayo... Parang gago," iritang sabi ni Yanna kahit umiiyak pa rin. 


"Gusto mo abangan natin sa gate 'yun?" Tanong ni Arkin na para bang wala na siyang maisip na solusyon. 


"Ikaw ang abangan ko sa gate, siraulo ka..." Pagbabanta ni Yanna. 


Napalingon ulit kami sa pinto nang pumasok si Sevi at dahan-dahang naglakad palapit. "Sinundan ko si Kino. Pinapahanap ni Pres si Sam, e," bulong ni Sevi na akala mo'y may nagbabantay sa library. 


"Pucha, may dadagdag pa ba?" Umangat ang ulo ni Yanna at pinunasan ang luha gamit ang likod ng kamay. 


"Hoy, Sevi! Sabi mo babanatan natin 'yon! Bakit tumatakas ka rito sa library, ha?!" Sigaw ni Luna bigla. 


"Luna, nasa library tayo. Huwag kang maingay," pag-bawal ni Kierra. 


Napamura na naman si Yanna at napasapo sa noo niya. Hindi na siya makaiyak ngayon dahil sa dami ng tao. Tinakpan kaagad ni Kierra ang bibig ng pinsan niya nang makita ang luhaang mukha ni Yanna. Agad namang may hinalungkat si Luna sa bag niya bago lumuhod sa sahig at innabot kay Yanna ang tissue. 


"Huwag ka nang umiyak..." Ngumuso si Luna, hawak pa rin ang tissue.


Nang tignan lang 'yon ni Yanna ay kumuha na lang si Sevi ng panyo at lumuhod din sa harapan ni Yanna para siya na ang mag-punas ng luha nito. Lumapit naman si Sam at hinawakan ang kamay ni Yanna para i-comfort. 


"Ah, may extra shirt ako." Kinuha ni Arkin ang bag niya at inabot ang t-shirt niyang white. 


"Sira na tuloy makeup mo..." Kinuha ni Kierra ang tissue at pinunasan ang nagulong makeup ni Yanna dahil sa luha niya. "Shush, kain na lang tayo." 


"Wala kang ginawang masama sa kanila," sabi ko bigla kaya napatingin sila sa akin. "Kaya huwag mong isiping ikaw ang may kasalanan." 


"Tama! Tama 'yon!" Tumayo si Sevi at ngumisi. "Tara, ano? Kain na lang tayo! Libre ni Sam! Game?" 


Umirap si Yanna at natawa saglit. "Oo na. Basta libre 'to, ah." 

________________________________________________________________________________

:)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro