warning: violence & verbal abuse
"Anong mayroon? Bakit tahimik kayong lahat?"
Wala pa ring nagsasalita sa aming lahat nang sumilip si Arkin sa may pinto kaya napahakbang pagilid si Yanna dahil bigla na lang siyang lumitaw doon. Napatingin siya sa paligid bago napako ang tingin kay Yanna na nakatingin lang din sa kaniya nang masama. Napakurap siya at umiwas ng tingin saka naglakad sa direksyon ko para magtago sa likod ko.
"Bakit ang sama ng tingin niya sa 'kin?" Bulong ni Arkin, nakahawak pa sa laylayan ng blouse ko habang nagtatago.
"A-ano? Hindi ko alam ang sinasabi mo," hindi makapaniwalang sambit ni Luna.
Malamang, kung nasa posisyon niya rin ako ay maguguluhan din ako dahil bigla na lang may babaeng papasok sa room tapos sasabihing itali ang aso niya. Pero... Agree ako kay Yanna roon kaya sa kaniya ako kakampi. Ayaw ko kay Lance.
"Malamang hindi mo alam kaya nga pinapaalam ko sa 'yo, 'di ba?" Tumaas ang kilay ni Yanna sa kaniya. "Ano? Hindi ka maniniwala sa 'kin?"
"Hindi naman sa ganoon pero..." Naguguluhan pa rin ang itsura ni Luna. "Sino ka ba?" Napakunot ang noo niya.
Hindi naman kasi talaga madaling maniwala lalo na't hindi naman sila close. Malay ba niya kung gawa-gawa lang ni Yanna 'yon o hindi. Hindi naman kami magkakakilala... Pero dahil ayaw ko kay Lance, naniniwala ako sa sinasabi ni Yanna.
Pakiramdam ko kaya sinisiraan ni Lance si Yanna kay Luna, e dahil may ginagawa nga siyang marumi sa likod nito. Ang talino niya, ha... Para siguro mawalan ng tiwala si Luna sa babaeng 'to at hindi maniwala kapag nagsumbong.
"Mahalaga ba kung sino ako? 'Yung boyfriend mo, inaaya ako sa bahay niya, kami lang daw dalawa. Gusto mo ng proweba? Tawagin mo siya rito ngayon." Pinag-krus ni Yanna ang braso sa dibdib, mataray pa rin ang tingin.
"Hoy, hoy, teka lang... Anong nangyayari? Kalma ho tayo," sumingit na si Sevi nang maramdaman ang mabigat na atmosphere sa loob ng room nila.
"Uh... Can I go now?" Tanong ni Samantha, halos mautal pa sa takot. Siguro hanggang ngayon ay takot pa rin siya sa presensya ni Yanna. Ikaw ba naman ang pagbintangan sa harap ng maraming tao at hablutin ang I.D mo, sinong hindi?!
"Luna, umuwi na muna tayo," aya ni Kierra sa pinsan niya nang makitang hindi na ito makagalaw. Kinuha nito ang bag niya at hinatak si Luna palabas ng room. Nilagpasan nilang dalawa si Yanna na napairap na lang.
"Bahala ka... Ikaw lang din naman masasaktan sa huli," paalala ni Yanna bago umalis ang dalawa.
Napalingon ako kay Arkin nang hawakan niya ang palapulsuhan ko at mahina akong hinatak para sabihing umuwi na rin kami. Nang lingunin ko si Sam, nakayuko na ito at nilagpasan na rin si Yanna.
"Miss, mabuti na lang at tapos na ang meeting namin noong sumugod ka... Kung hindi, baka mabadtrip mo lang si Chevy." Tumawa pa si Sevi, mukhang walang pakialam sa dramang nangyari kanina lang. "Lika na nga! Tayo na lang ang kumain, gusto mo?"
"Crush mo ba 'ko, ha?!" Inis na sigaw ni Yanna sa kaniya bago naglakad paalis.
Naiwan si Sevi na gulat. Napahawak pa siya sa dibdib niya at hindi makapaniwalang nagpakawala ng buntong-hininga. Napailing na lang ako at hinatak si Arkin paalis. Para siyang batang takot sa multo.
"Ganoon talaga 'yun si Yanna. Nakakatakot," sabi ni Arkin habang naglalakad kami pauwi. Kakababa lang namin ng jeep ngayon at medyo madilim na rin ang langit. Sinisipa-sipa pa niya ang maliit na bato sa sahig habang nakahawak sa strap ng backpack niya.
"Ikaw na basagulero, takot din kay Yanna?" Napataas ang kilay ko. Lahat sila ay takot pero hindi ko naramdaman 'yon... Dahil ilang beses ko na siyang nakitang umiiyak. Alam ko kaagad na 'yung tapang niya, maskara niya lang 'yon para pagmukhaing matatag ang sarili kahit nasasaktan na siya sa lahat ng sinasabi sa kaniya.
Ang daming taong pinag-uusapan siya. Kilala na siya sa school bilang anak ng nanay niyang model ng adult magazines, at actress sa mga adult films. Malaki siguro ang epekto sa kaniya noon, lalo na't hindi naman talaga siya taga-Manila. Pakiramdam niya ba ay wala siya sa lugar? Hindi ko maalis sa isip ko 'yung umiiyak niyang mukha. Ayoko ng kaibigan pero alam ko kung kailan kailangan ng tao ng isa.
"Naniniwala ka ba sa kaniya?" Tanong ko kay Arkin. Panigurado marami na rin siyang naririnig kay Yanna... Na mana raw sa nanay. Malandi raw at kung kani-kanino sumasama. Lahat ng 'yon... Hindi ako naniniwala. Mas matanda lang siya nang isang taon sa akin... Hindi kami nagkakalayo sa pag-iisip. Isa lang din siyang... bata, kaya bakit masyado silang masama sa kaniya?
"'Yung tungkol kay Lance daw ba?" Tumingin sa 'kin si Arkin saglit. "Oo naman... Pangit ng ugali noon, e. Hindi na 'ko magtataka kung gawin niya 'yon. Hindi lang ako nagsasalita dahil baka masaktan 'yung tropa mo. Si Luna."
"Naniniwala ka sa mga chismis kay Yanna?" Tanong ko ulit.
Ginilid niya saglit ang ulo niya habang nag-iisip bago nag kibit-balikat. "Ang chismis ay chismis lang. Biktima na rin ako niyan. Ang sabi nila, ang dami ko raw binubugbog sa school, e kahit isang beses hindi ko pa ginamit ang kamao ko para manakit. Alam mo naman 'yon, e. Kaya ako... Hindi na 'ko naniniwala sa mga sinasabi ng iba."
Alam ko lahat 'yon. Sinasabi ko lang na basagulero si Arkin dahil lapitin siya ng away pero alam kong ayaw niya sa bayolenteng tao. Hindi siya ganoon at alam niya ring ayaw ko noon. Ang mga tropa niya lang ang palaging nakikipagsuntukan sa likod ng school pero palagi niyang sinasabi sa 'king hindi siya kasali roon.
Naniniwala naman ako sa kaniya, e. Naniniwala ako sa lahat ng sinasabi niya dahil hindi niya kayang mag-sinungaling sa 'kin at ganoon din ako sa kaniya. Kami pa ba ang maglolokohan sa tagal naming magkasama?
Kinabukasan, kinakabahan akong pumasok sa room dahil hindi ko alam kung anong klaseng Luna ang bubungad sa 'kin. Malungkot ba siya sa nangyari kahapon? Masakit ba para sa kaniya o hindi talaga siya naniwala? Dahan-dahan ko tuloy binuksan ang pinto bago dumiretso sa upuan ko.
"Hi, Via!" Masayang bati ni Luna sa 'kin na parang walang nangyari. Napatitig ako sa mukha niya saglit bago ko siya tinanguan at umupo para suotin ang jacket ko. Ngumiti siya sa 'kin at tinuon na ulit ang atensyon sa dinadrawing niya sa bond paper. Abala siya roon ngayon sa campaign posters.
Masaya siya ngayon... Pero hindi siya naging ganoon ka-ingay buong araw. Hindi ko alam kung dahil ba busy siya sa posters o dahil nasasaktan siya sa loob-loob niya dahil sa narinig tungkol sa boyfriend. Noong nag-lunch tuloy, hindi ko siya napigilang tanungin.
"Ilang months na kayo ni Lance?" Tanong ko na kinagulat niya naman. Napatigil siya sa pag-kain niya at tumingin sa 'kin.
"2 years," maikling sagot niya. Parang may bumara sa lalamunan niya kaya napainom siya ng tubig.
Nagulat ako dahil hindi ko naman inaasahang ganoon na sila katagal. Ang tanong ko lang naman ay... Paano? Paano niya natitiis 'yung ganoon? Napapansin ba niyang iba ang ugali ni Lance o nagbubulag-bulagan siya?
"Luna, hindi mo ba talaga ako kakausapin?" Napaangat ang tingin namin ni Kierra kay Lance nang umupo ito sa tabi ni Luna. Mukha itong malungkot at walang tulog. "Tinatawagan kita kagabi, bakit hindi ka sumasagot? Paano kung naaksidente pala ako pauwi?"
Hindi nagsalita si Luna at pinagpatuloy lang ang pag-kain. Nagkatinginan kami ni Kierra pero wala ni isa sa amin ang nag-salita. Nakita kong pinipilit pa rin ni Lance na kausapin siya ni Luna, hinahawakan pa ang kamay nito pero inaalis ni Luna 'yon.
"Naniniwala ka kay Yanna? E, siya nga 'yung lumalandi sa 'kin? Hindi ko nga 'yun nirereplyan, e. Bakit ka ba nagagalit? Para namang kaya kong gawin sa 'yo 'yon... Dalawang taon na tayo, oh? Ngayon pa ba 'ko magloloko?" Sunod-sunod na sabi ni Lance.
"Ang sabi niya inaaya mo siya sa bahay n'yo," seryosong sabi ni Luna. "At kayong dalawa lang."
"Ako?!" Napailing kaagad si Lance. "Alam mo namang hindi ako nagpapapunta ng kahit sino sa bahay. Bakit ka ba naniniwala sa malanding 'yon? Sinisiraan lang ako noon para mag-hiwalay tayo at makuha niya na 'ko!"
Hah... Hindi ko maiwasang mapatawa nang sarkastiko sa sinabi niya kaya napatingin siya sa 'kin, masama na ang tingin ngayon. Tinaasan ko rin siya ng kilay habang umiinom ako sa straw ng softdrinks. Bakit ganiyan siya makatingin?
"Anong tinatawa-tawa mo?" Tumayo siya at lumapit sa 'kin. Napamasahe sa sentido niya si Luna at sinubukang hatakin si Lance pabalik pero tinanggal nito ang hawak niya sa laylayan ng polo niya. "May nakakatawa ba?"
Nakatingin lang ako sa kaniya. Hindi ako takot dahil maraming nakatingin sa amin. Hindi naman ako ang masususpend kapag sinaktan niya 'ko, e. Hindi na lang ako nagsalita para mas lalo siyang mainis. Ilabas niya sana ang tunay na ugali niya. Isa siyang hayop.
"O, bakit hindi ka na makatawa ngayon?" Lumapit pa siya at hahablutin na sana ang necktie ko nang bigla siyang napaatras dahil may humatak sa kwelyo niya.
"Anong ginagawa mo?" Tumaas ang kilay ni Arkin sa kaniya. Natahimik ako lalo dahil mukhang galit siya. Nakakatakot si Arkin kapag galit dahil hindi ko naman siya nakikitang ganoon.
Hindi nakapagsalita si Lance nang magtama ang tingin nila. Inalis na lang niya ang hawak ni Kino sa kwelyo niya bago naglakad paalis ng canteen. Sinundan siya ng tingin ni Kino bago ako pinausog para makaupo siya sa tabi ko.
"Ano 'yon?" Seryosong tanong niya sa 'kin.
"Wala 'yon," sabi ko sa kaniya. "Misunderstanding lang." Hindi ako makapaniwalang kailangan kong pagtakpan ang lalaking 'yon.
Tumango si Arkin at nilabas na lang ang lunchbox na binaon ko para sa kaniya at nagsimulang kumain. Hindi na siya umalis sa tabi ko buong breaktime. Pakiramdam ko ay tinitignan niya kung babalik si Lance para awayin ako.
Lumipas ang campaign period na malabo si Lance tsaka Luna. Naging busy din kami ni Kierra dahil tinutulungan namin si Luna sa pangangampanya niya. Alam ko namang sure win siya lalo na't malakas din ang hatak ng partido nila. Maganda ang line-up, e. Sikat si Camero at halos wala namang matinong kalaban si Acel bilang President.
"Botohan na bukas kaya kumain na tayo sa labas!" Pag-aaya ulit ni Sevi pagkatapos ng meeting nila. Hindi ko rin alam kung bakit ba invited kami ni Kierra palagi kapag may meeting? Tapos naman na kami gumawa ng campaign posters nila. "Sama ka, Pres!"
"Gusto ko nang umuwi..." Sabi ni Acel. Nakasuot na rin siya ng backpack at handa na talagang umalis.
"Sige na, minsan lang, e! 'Di ba sabi mo sa 'kin ililibre mo 'ko bago ang election?" Pamimilit ni Sevi, umakbay pa kay Acel para hindi ito makaalis. Matangkad siya at halos hanggang balikat niya lang si Acel. Naawa tuloy ako.
"I didn't say that," maikling sabi ni Acel at sinubukang tanggalin ang akbay sa kaniya pero hinatak ulit siya palapit ni Sevi. Napaubo siya nang muntik na siyang masakal. "Oo na, oo na. Bitawan mo na 'ko." Hinampas niya ang braso nito.
"Sama tayo?" Tanong ni Kierra sa amin. Tumango lang si Luna. Ang tahimik na niya, ah. Mas lalo tuloy akong nainis kay Lance. Dahil nag-aalala ako kay Luna, sumama na lang din ako at tinext si Arkin kung nasaan ako. Mabuti na lang at postponed ang training ngayon dahil election bukas.
Napangiti si Sam sa amin at halatang nag-aalangan magsalita. "Sorry, I can't go. I need to go home-"
"Maaga pa, Samantha! Sige na, sumama ka na! Minsan lang 'to, oh! Libre pa ni Pres!" Pangungumbinsi ni Sevi. "Tsaka ayaw mo n'on? Magiging close tayong lahat!" Napangisi pa siya.
Wala nang nagawa si Sam kung hindi sumama na lang sa amin. Nauunang maglakad si Sevi na binibwisit ang President. Sunod naman ay si Kierra at Luna. Sa likod nila ay kami ni Samantha. Hindi ko alam kung bakit sabay kaming naglalakad ngayon. Naiilang tuloy ako. Sa likod namin, andoon ang ibang candidates na sumama na rin. Halos puro 4th year 'yon... Mga kaklase ni Sevi at Acel.
"You're Via, right?" Bigla na lang nagsalita si Sam kaya napatingin ako sa kaniya.
Naglalakad kami ngayon papunta sa mga kainan. Doon din kami nagpunta nila Luna last time. Puro mga taga-Heinrich at Lopez. Nakaka-intimidate... Pero 'yung vibe din na binibigay ng nasa harapan ko ngayon, parang ganoon din. Mas bagay ata siya sa Heinrich.
"Oo." Tumango ako. "Nagkita rin tayo sa library noong nag-away kayo ni Yanna," pagpapaalala ko sa kaniya.
"Yanna, huh..." Napatingala siya sa langit, mukhang nag-iisip. "Sorry about that. Kung hindi dahil sa 'kin, hindi siya magagalit nang ganoon."
"Dahil ba nagkalat ka ng kung ano-ano tungkol sa kaniya?" Tanong ko ulit.
Napatingin siya sa 'kin, naguguluhan. "You think I would do that? I don't even know her. Ibang Samantha pala 'yung tinutukoy niya at napagkamalang ako... But she didn't even give me an apology. What a brat." Mahinhin pa rin siyang tumawa kahit iba ang lumalabas sa bibig niya.
Napahinto kami sa paglalakad nang pumasok na sila Acel sa loob ng isang fast food restaurant. Doon sa pinuntahan namin nila Luna last time. 'Yung chicken wings place. Wings Club. Ngayon ko lang napansin na malaki pala 'yon. Dahil uwian na, ang dami na namang estudyante at punuan kaya lumabas ulit sila Acel at naghintay kami ng bakante. Habang nag-iintay, nagkekwentuhan lang ang mga 4th year.
"Okay ka lang?" Tanong ko kay Luna dahil tahimik siya sa gilid. May maliit na hagdan paakyat ng Wings Club kaya parang may front porch pa kung saan maghihintay kapag punuan. May railings din doon at may mga upuan.
"Sabi ko naman sa 'yo, hiwalayan mo na 'yon kung ganiyan lang din," inis na sabi ni Kierra. "Hindi mo mababago 'yung ganoong lalaki kahit anong gawin mo. Maawa ka naman sa sarili mo."
Nakaupo si Luna sa may gilid ng hagdanan. Nagulat ako nang bigla na lang siyang nagtakip ng mukha at umiyak. Nag-panic kaagad si Kierra at pumunta sa harapan ng pinsan niya para pagtakpan ito at patahanin. Napasandal na lang ako sa railings, hindi alam ang gagawin. Mukhang hindi pa naman napapansin nila Sam dahil busy sila nag-uusap-usap doon sa kabilang side.
"Uh, sorry, excuse me." Napalingon kami sa dalawang lalaking taga-Heinrich na hindi makadaan sa hagdan dahil kay Luna at Kierra. Pamilyar 'yung isa sa akin.
"Luna, tumayo ka riyan. May dadaan!" Pagpupumilit ni Kierra pero mas lumakas lang ang iyak ni Luna kaya napakunot ang noo ng dalawang taga-Heinrich. Nakasuot ng vest ang isa at 'yung isa naman ay nakatanggal. Nakakahiya dahil nakahinto lang sila roon, hindi pa rin makadaan, tapos rinig pa ang iyak ni Luna.
"You know what? Let's just come back later." Tumalikod na 'yung lalaking nakasuot ng vest at naglakad paalis.
"Wait lang, KJ!" Tumakbo na rin 'yung isa para habulin siya.
Napatakip na lang ako sa mukha ko sa sobrang hiya. Hindi pa rin tumatayo si Luna at umiiyak doon hanggang sa magkaroon na kami ng table. Nagtataka tuloy lumapit si Sevi sa amin para tawagin kami papasok. Napahinto siya nang mapansing may umiiyak. Tumabi naman si Kierra para si Sevi ang pumalit sa harapan ni Luna. Binaba niya ang sarili niya at hinawak sa tuhod ang isang kamay bago nilagay ang isa sa ulo ni Luna.
"Huwag mo nang iyakan 'yon, oy," sabi ni Sevi na parang alam niya kung bakit. Ah, oo nga pala... Naroon siya noong sinabi ni Yanna 'yon. "Tara na, pumasok na tayo sa loob."
"Who's crying?" Napatingin din kami kay Samantha nang maglakad ito palapit.
Nakita ko kaagad ang alala sa mga mata niya nang lumapit siya at umupo sa tabi ni Luna. Inakbayan niya ito at hinaplos ang buhok kaya mas lalo lang napaiyak si Luna. Nakakahiya at nasa labas pa kami. Napapatakip na lang ako sa mukha ko, kunwari hindi ko sila kilala.
"Hey, hush..." Tinapik ni Sam ang balikat ni Luna. "Come on, is it because of your cheating boyfriend? Don't cry over that bastard."
"Kaya nga. Ang pangit noon, e, kahit hindi ko pa nakikita," sabi naman ni Sevi.
"Alam mo, Luna, i-kain na lang natin 'yan. Ang dami-dami pang lalaki riyan! Hindi pa end of the world kaya hiwalayan mo na 'yon at mag-move on ka na! Hindi naman talaga siya healthy for you in the first place," inis na sabi ni Kierra.
Tumango na lang si Luna at tinulungan siya ni Sam tumayo para makapasok na kami sa loob. Sa wakas! Nakakahiya na sa labas, e. May mga taga-ibang school pa naman at nakasuot kami ng uniform. Pinagtitinginan pa kami ng iba. Ayaw ko pa naman ng atensyon.
Nasa iisang table tuloy kami dahil late kaming pumasok. Pinapatahan pa rin ni Sam si Luna habang hinihintay namin ang order. Maya-maya, dumating na si Chevy, may dala-dalang tray. Siya na ang nag-lapag ng mga pagkain sa table namin bago umupo roon sa kabila, kasama ang iba pang mga candidates.
"Pres, nariyan ba 'yung utensils?" Tanong ni Camero.
"Ah, oo nga pala..." Tumayo ulit si Chevy para kumuha ng kutsara't tinidor para roon sa mga nag-order ng pasta.
"Let me help!" Tumayo rin si Samantha at sumama kay Chevy pabalik sa counter.
Ako, tumayo ako para mag C.R kaya nakasunod ako sa kanila sa likuran. Pagkabalik ko, naroon pa rin si Sam at Chevy sa counter dahil may dalawang lalaking kumukuha rin ng utensils. Nakapila sila roon. Naisip kong tumulong na lang din kaya lumapit ako.
"Matagal pa ba 'yan?" Tanong ko. Para kila Sam 'yon pero narinig ata ng dalawang lalaki kaya napalingon sila sa akin. Na-guilty kaagad ako dahil mukha akong nagmamadali.
"Oh, sorry," sabi ng isa at umatras. Hindi ko alam kung taga-saang school 'yung dalawa. Naka-polo lang at I.D.
"Ah, no, it's okay!" Si Samantha na ang sumagot para sa akin. Nakakahiya. Hindi ko naman gustong sabihing ang bagal nilang kumuha ng utensils pero iyon ang naging labas.
"I told you to stop picking and just get whatever, Cy. You're holding up the line," sabi ng kasama niya, nakakrus na ang braso sa dibdib. "Oh, hey." Napatingin 'yung lalaki kay Chevy kaya nagtaka ako.
"Hello," maikling sabi ni Chevy. Ngumiti lang 'yung lalaki sa kaniya bago umalis. Sa wakas, makakakuha na kami ng utensils.
"You know him?" Nagtatakang tanong ni Sam. Tumango lang si Chevy at sinabing President daw 'yon ng Heinrich dati.
Pagkabalik namin sa table, hindi man lang nahiya ang mga kasama namin dahil nagsisimula na silang kumain! Binatukan tuloy sila ni Pres. Kumalma na rin si Luna at nakakatawa na rin ngayon sa lahat ng jokes ni Sevi. Mukhang ginagawa niya lang 'yon para gumaan ang atmosphere sa paligid namin.
Madilim na sa labas nang matapos kaming kumain kaya sinundo ako ni Kino sa labas para sabay kaming makauwi. Nagpaalam na 'yung mga 4th year sa amin at si Sevi na lang ang natira. Si Sam, sinundo ng driver kaya nakaalis na kaagad.
"Hatid ko na kayo. Gabi na," sabi ni Sevi kay Kierra at Luna.
"Una na kami," paalam ko sa kanila habang katabi si Arkin. Prente lang itong nakatayo roon at suot ang isang strap ng bag sa balikat. Halatang pagod na siya sa school. Hindi siya nakahabol kanina dahil may meeting sa editorial board. Nakasali nga siya roon gaya ng sabi niya.
"Ingat kayo," sabi rin ni Arkin bago umakbay sa 'kin. Naglakad na rin kami papunta sa sakayan ng jeep para makauwi na.
Kinabukasan, wala kaming klase dahil botohan sa Student Council. Mamayang hapon naman ay announcement na ng winners pagkatapos mag-tally kaya halos lahat ng estudyante ay pakalat-kalat lang sa campus pagkatapos bumoto.
"Kakausapin ko na si Lance ngayon," sabi ni Luna sa amin ni Kierra habang naglalakad kami papunta sa likod ng school, naghahanap ng tatambayan.
"Makikipaghiwalay ka na?" Tanong ni Kierra.
"Hindi ko alam... Papaaminin ko muna siya kung totoo bang may gusto siya kay Yanna. Hindi ko na alam kung anong papaniwalaan k-"
Napatigil kami sa paglalakad nang may marinig kaming sigaw sa likod. "Ano ba! Bitawan mo nga 'ko! Ano bang problema mo?!" Pamilyar ang boses sa akin.
Nagkatinginan kaming tatlo bago sumilip sa likod ng building. Nanlaki ang mata ko nang makita si Yanna na hawak ng dalawang lalaki. Si Lance 'yung isa at tropa niya naman 'yung isa. Napalingon ako kay Luna nang makitang gulat na gulat ito, tila na-estatwa sa kinatatayuan niya.
"Bawiin mo 'yung sinabi mo sa girlfriend ko. Dahil sa 'yo, hindi na niya 'ko kinakausap. Tangina mo!" Sigaw ni Lance.
"Bakit ko babawiin? Sinabi ko lang naman 'yung totoo. Pwede bang tigil-tigilan mo na 'yung pagtatadtad sa 'kin ng text? Tawag ka pa nang tawag. Ilang beses ko bang sasabihin sa 'yong hindi kita type, ha, gago ka!" Matapang na sigaw ni Yanna.
Hinawakan siya ng tropa ni Lance sa magkabilang braso para hindi makagalaw. Sinubukan niyang umalis pero masyadong mahigpit ang hawak sa kaniya habang nasa harapan niya si Lance, galit na galit.
"Bakit hindi? Sa rami ng kinakama mo, bakit ayaw mo sa 'kin?!" Reklamo ni Lance. "Sinabi ko sa 'yong isa lang, 'di ba?"
"Anong marami, gago ka ba? Wala pa nga akong nahahalikan!" Inis siyang sinipa ni Yanna sa binti. "Huwag mong pairalin 'yung katangahan mo. Ano kayang lason pinainom mo sa girlfriend mo at pinatulan ka? Napakapangit mo at ng ugali mo, tanga."
"Anong sabi mo?!" Lumapit si Lance at pinisil ang panga ni Yanna. "Anong gagawin mo? Isusumbong mo ulit ako? Hindi ka papaniwalaan noon kasi malandi ka. Para kang nanay m-"
"Luna!" Sigaw ni Kierra.
Napaawang ang labi ko nang biglang sinampal ni Luna si Lance. Sa sobrang lakas ay narinig ko pa ang tunog mula sa kinatatayuan namin. Agad tumakbo si Kierra palapit kaya sumunod na rin ako.
Napabitaw kaagad 'yung tropa ni Lance kay Yanna sa takot dahil may nakakita ng ginagawa nila. Tatakbo na sana siya pero hinatak siya ni Yanna sa buhok at sinampal. Nang matumba ito sa maruming lupa ay inupuan pa ni Yanna ang tiyan ng lalaki at sunod-sunod na sinuntok. Halos mahulog sa sahig ang panga ko sa sobrang gulat.
"Yanna! Yanna!" Sumingit na 'ko at hinatak siya patayo pero ayaw niyang bitawan ang kwelyo ng lalaki! Tapos umiiyak na rin si Luna! Ang daming nangyayari. Hindi ko alam ang uunahin ko.
"Kadiri ka! Kadiri ka!" Sigaw ni Luna at tinulak si Lance. "Diring diri ako sa 'yo! Huwag mo 'kong hawakan!"
Sinubukang lumapit sa kaniya ni Lance, namumula pa ang pisngi, pero humarang ako sa dadaanan niya. Agad inalo ni Kierra ang pinsan niya habang umiiyak ito. Binitawan na rin ni Yanna ang lalaki at pinagpagan ang palda, pinapanood kami.
"Tumabi ka nga!" Sigaw ni Lance sa 'kin. "Huwag kang makisali rito!"
"Ayaw niyang makipag-usap sa 'yo. Basura ka kasi," galit na sabi ko.
Napatingkayad ako nang bigla niyang hawakan ang kwelyo ko at hinatak ako pataas. Kinakain na siya ng emosyon niya ngayon. Ito ang tunay na ugali niya at ngayon lang 'to nakita ni Luna. Masama ko siyang tinignan, hindi nagpapatalo.
"Ulitin mo 'yung sinabi mo," mariing sabi ni Lance sa 'kin, hindi pa rin ako binibitawan.
Matalim ko rin siyang tinignan. "Basura ka," ulit ko.
Napangiwi ako nang marahas niya kong tinulak kaya napahiga rin ako sa lupa. Nadumihan tuloy ang uniform ko. Akala ko tapos na siya pero hinawakan niya ulit ang kwelyo ko at tinaas ang kamay niya.
"Nakita n'yo si Via? Kanina ko pa hinahanap..."
Nanlaki ang mata ko nang marinig ang boses ni Arkin kasama ang mga tropa niya. Sinubukan kong tanggalin ang hawak ni Lance sa 'kin habang nakahiga ako sa sahig pero huli na dahil nakita na kami ni Arkin.
Napaawang ang labi ni Arkin nang makita ang itsura namin. Nakasandal si Yanna sa pader at nakakrus ang braso sa dibdib, si Kierra yakap si Luna na umiiyak, at ako nasa sahig habang nakaluhod si Lance at hawak ang kwelyo ko. 'Yung isang tropa ni Lance ay tumakbo na, dumudugo ang labi dahil sa suntok ni Yanna. Ang daming nangyayari pero napako ang tingin ni Arkin sa 'kin at sa sugat ko sa siko.
"Bitawan mo 'ko," sabi ko kay Lance.
Hindi pa nakakalingon si Lance ay hinatak na siya sa kwelyo ni Kino at malakas na sinuntok. Napahiga ito sa lupa, hawak ang labi niya. Agad akong tumayo para pigilan pero kinaladkad ulit siya ni Kino, hawak ang kwelyo ng uniform ni Lance habang naglalakad papunta sa mga tropa niya.
"Larkin!" Sigaw ko. Hinawakan ng dalawang tropa niya si Lance sa magkabilang braso habang kumukuha si Kino ng kahoy sa gilid.
Nanlaki ang mata ko sa gulat. Narinig ko pa ang tawa ni Yanna sa gilid habang pinapanood kami. Parang walang narinig si Arkin at kinuha pa iyong bakal sa gilid. Naglakad siya palapit kay Lance pero napahinto rin nang biglang may humatak sa I.D niya pabalik.
"Tama na 'yan," seryosong sabi ni Sevi.
Nakahinga ako nang maluwag nang dumating siya, kasama si Acel. Agad kinausap ni Acel 'yung mga magtotropa at pinaalis kasama si Lance. Mabuti na lang at pinalagpas sila ngayon ni Acel dahil hindi pa siya nae-elect as President. Kapag nakaupo na siya, siguradong diretso guidance ang mga 'yon, pati si Arkin!
"Ano bang iniisip mo?" Pinagalitan ni Sevi si Arkin. "Muntik ka nang ma-suspend kung tinuloy mo 'yon!"
"Hindi ko naman talaga itutuloy, e. Tatakutin ko lang sana kaso dumating ka." Masama siyang tinignan ni Arkin.
Napahawak ako sa dibdib ko. Takot na takot ako kanina at parang lalabas na sa dibdib ko ang puso ko. Akala ko nawala na sa sarili si Kino! Kinabahan ako dahil may chance na ma-expel siya kung ginawa niya 'yon.
"O, bakit umiiyak 'yan?" Turo ni Sevi kay Luna. Napaawang ang labi niya nang maintindihan ang nangyari. "Anak ng... 'Yun 'yung boyfriend mo?"
"Hindi ko na siya boyfriend!" Inis na sabi ni Luna sabay iyak ulit.
"Gagi, dapat pala tinuluyan mo na, e," pagbibiro ni Sevi kay Arkin.
"Sabi sa 'yo, e. Gagong 'yon. Huwag siyang magpapakita sa 'kin!" Parang batang sabi ni Arkin. Napailing na lang ako at napamasahe sa sentido ko.
"Uh... Guys, they're now tallying the votes." Napatingin kami sa gilid nang biglang sumilip si Samantha. "We're needed there."
Mabilis na pinunasan ni Luna ang luha niya at tinignan ang sarili sa salamin, conscious sa itsura. Nang maglakad na sila paalis, sumunod naman ako sa kanila. Napatigil si Sam sa paglalakad nang malagpasan niya si Yanna.
"Hey, your knuckles are bleeding," sabi niya. "Are you okay?"
Umalis si Yanna sa pagkakasandal sa pader at tinignan ang kamao. Bumakas doon ang dugo mula sa labi noong sinuntok niya. Kinakabahan ako bukas dahil baka mag-sumbong ang lalaki at mapunta naman silang lahat sa guidance dahil sa nangyari ngayon... At baka madamay ako!
"Okay lang," maikling sabi ni Yanna bago pinagpagan ang polo. May bakas na rin ng dugo roon.
"Here..." Nilabas ni Sam ang panyo niya at kinuha ang kamao ni Yanna para ibalot 'yon doon. Nakahinto lang ako at pinapanood silang dalawa.
"Sam, tara na!" Sigaw ni Sevi.
Binitawan kaagad ni Sam si Yanna at tumakbo paalis. Nagpamulsa na rin si Yanna at tahimik na naglakad paalis, pero napahinto rin nang mapansing nakatitig ako. Lumingon siya sa 'kin at tinaasan ako ng kilay, naghahamon.
"Ah, sorry," sabi ko at tumalikod na rin.
"Teka." Napatigil ako bigla nang magsalita siya. Kinabahan ako nang pumunta siya sa harapan ko. Akala ko kung anong gagawin niya pero inabutan niya lang ako ng band aid. "Dumudugo siko mo," sabi niya bago umalis.
________________________________________________________________________________
:)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro