Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 4

Paspas sa pagkakamada ng sako ng ipa si Agwee. Kailangan niyang makatapos at madami pa siyang gagawin. Kailangan niyang maiayos ang lahat ng ibebenta at maaga daw darating bukas ang buyer. Pawisan siya, panay ang tulo ng luha. Nagluluksa siya sa pagkawala ng lola, maging ang pagkawala ng ilang pag-aari nila.

Walang kamalay-malay si Agwee na ang kanyang lola ay mayroong malaking lihim na itinago maging sa kanya—napakadami pala nitong pinagkakautangan. Kaya pala madami-daming naghahanap dito. Sa tuwina, sinasabi ng matanda sa kanya na may business lang daw ito at ganoon daw talaga sa negosyo, kung minsan ay hindi maiwasan ang malugi. Wala daw siyang dapat alalahanin.

Dahil walang dahilan para magduda sa matanda ay hindi na kinabahan si Agwee. Nagpatuloy siya sa normal na buhay sa farm. Alam niya ang lahat ng gawain doon dahil siya ang matagal nang nag-aasikaso sa lahat. Nang makapagtapos ng high school ay hindi na siya nag-abalang mag-college dahil siya rin naman ang magmamana ng lupain. Bukod doon, wala ring maaasahang humawak ng farm dahil halos lahat ng kamag-anak niya ay hindi mapagkakatiwalaan.

Ang lupaing iyon ay nakapangalan sa kanyang ina, kaya nang pumanaw ito ay napunta iyon sa kanya. Isang ektarya ang farm, na nakuha nito mula sa kanyang ama. Hindi inilihim sa kanya ng lola at ina na ang kanyang ama ay mayaman. Dating kasambahay ng kanyang ama ang kanyang ina. Nabuntis ang kanyang ina, hindi pinanagutan dahil mayroong asawa ang kanyang ama. Sa huli, nagkasunduan daw ang lahat na bibigyan na lang ng pera at lupain ang kanyang ina para hindi na kailanman isotrobohin ang kanyang ama. Ang ama sa kanyang birth certificate ay ang driver ng kanyang ama na binayaran lang daw para ipahiram ang pangalan nito. Ayaw daw pumayag ng pamilya ng kanyang ama na walang maisulat doong pangalan. Proteksiyon daw iyon ng pamilya nito.

Siyempre nga naman, kung maghahabol siya ay baka makahati pa sa pag-aari ng pamilya. Hindi alam ni Agwee ang batas pero hindi na mahalaga sa kanya na alamin pa ang lahat ng detalye dahil parang hindi kailanman nag-exist sa mundo ang kanyang ama. Hindi nila ito pinag-uusapan. Ang alam ng lahat ng tao sa kanilang bayan, ang kanyang ama ay driver ng kanyang totoong ama at iniwan na ang kanyang ina. Siya, ang kanyang lola, at ang kanyang ina lang ang nakakaalam ng lahat. Kahit ang mga kapatid ng kanyang ina ay hindi alam iyon. Ang alam lang ng mga ito, nanalo sa Sweepstakes ang kanyang ina kaya nakabili ng lupain.

Noong bata pa si Agwee ay naaalala niyang ang buong pamilya ay sama-sama sa farm, nagtutulungan. Pero naaalala rin niyang nagkakaroon ng away noon dahil ang asawa ng tiyahin niya at isang tiyuhin ay mga abusado. Ang hinawakan ng mga itong posisyon sa farm ay inabuso at malaki rin ang nawala sa kanyang ina. Nagkaroon ng lamat ang pamilya dahil sa nangyaring pag-uumit ng mga produkto at binhi. Ten years old si Agwee nang mangyari iyon. Sanay na siya sa puntong iyon sa gawain sa farm.

Fifteen years old siya nang pumanaw ang ina. Sila ng kanyang lola ang namamahala sa lahat. Nang magtapos siya ng high school, mismong siya ang nagdesisyon na huwag nang mag-college. Hindi siya mahilig mag-aral, bukod pa sa matanda na ang lola niya at hindi na kayang magtrabaho nang mabigat. Bukod pa roon, nakikita niya na bumabalik sa farm ang dalawang kapatid ng kanyang ina. Ayaw niyang magtiwala na naman ang kanyang lola sa dalawa. Siya mismo ang hahawak sa lahat, iyon ang naging matigas niyang desisyon.

Hindi naman masasabing wala siyang alam sa negosyo dahil uma-attend din siya ng mga seminar tungkol sa pagtatanim at iba pang agri-business seminars. Pinag-aralan din niya kung paano ang gumawa ng libro ng farm para sa buwis at iba pang financial statements. Nagpaturo siya noon sa isang accountant dahil nagkainteres siya noon na mag-loan ng pera sa bangko, sa gayon ay mapalaki ang puhunan.

Dumating siya sa puntong gustong higitan ang nakasanayang kita ng farm. Kahit mahal niya ang pagtatanim, naisip niyang gusto rin niya ng isang maalwan-alwang buhay. Hindi niya iyon makukuha sa farm. Maliit ang isang ektarya sa farming. Nagsimula rin siyang mag-hayupan—piggery, poultry, fish farming. Nakahanda na siyang gamitin ang ipon para makapagpatayo ng isang maliliit na kubo sa farm para gawing tuluyan ng mga turista, pero pumanaw ang kanyang lola at natuklasan niyang hindi nagtutugma ang pera sa kanyang libro sa pera sa bangko. Ang lola niya ang pinapahawak niya ng pera. Ayaw niyang maisip nitong por que siya ang namamahala sa farm ay wala na itong ganap doon.

Hindi lang nasaid ang pera sa bangko, kundi napakadami pa pala nitong naging utang. Siyempre, inalam niya kung saan napunta ang lahat at mabilis niyang natukoy—sa isang kulto, ang "Alpha and Omega Lord Above Fellowship." Ang pinuno niyong si Pastor Mercado ay hindi niya inakalang isang scammer pala. Ilang ulit nang nag-Bible study ang mga ito sa farm at walang problema sa kanya dahil mukhang masaya ang kanyang lola sa pagkanta-kanta ng "Buhay ng Kristiano" at "This Is The Day." Kung minsan nga ay nakikisali pa siya at nakikanta pa sa choir. Wala siyang nakitang masama sa sinasabi ng pastor.

Pero nitong huli, nang mapanood niya sa Youtube ang isang exposé, kung saan may hidden camera na nagpakita ng totoong sermon ng pastor sa simbahan nito, sumabog ang lahat ng galit ni Agwee. Kapag ang mga ito pala ay nasa "tabernakulo," ang tawag sa simbahan ng mga ito, ay ganoon na lang kung magsermon ang pastor tungkol sa pagbibigay sa simbahan. Mayroon itong mga pautot na turo, tulad ng ang ikapu raw ay maganda pero mayroon pang higit doon, at iyon ay ang mas malaki ring alay sa "anak ng Diyos" or sa "anointed one" na walang iba kundi si Pastor Mercado.

Ang turo ng pastor, aanhin daw ba ang yaman sa lupa kung ang mahalaga ay ang yaman sa langit. At para daw lumaki ang yaman ng mga ito sa langit ay kailangang pagyamanin ang "anak ng Diyos sa lupa." Ang misyon daw ng "anak ng Diyos sa lupa" ay ang makarating sa ibang bansa ang tunay na salita ng Diyos.

Kaya pala may level-level ang puwedeng magsimba sa special service ng mga ito. Hindi pa siya nakakapasok sa mataas na level, o iyong tinatawag na "Inatasan ng Diyos." Hindi siya nabahala sa ganoon dahil kapag gusto niyang samahan ang lola niya ay sa hapon sila nagsisimba. Iyon pala, ibang-iba ang afternoon service sa morning service. Sa morning service ay pili ang mga dumadalo, iyon lang mga deboto. Kaya pala dahil grabe ang pinagsasasabi ng pastor sa umaga. Kung nalaman lang niya noon pa, matagal na niyang napigilan ang lola.

Naaalala pa ni Agwee ang sinabi ng lintek na Pastor mula sa Youtube video, "Ang sabi nila sa akin noong una, mga mahal kong inatasan ng Diyos, na wala raw sa aking maniniwala. Pero ang sabi ko, walang imposible sa aking Ama sa langit! Amen! Heto na tayo ngayon, mga mahal kong inatasan ng Diyos—may itinatayong tabernakulo kada buwan! Ganyan kabilis magbigay ng biyaya ang aking Ama sa langit. Amen? Dahil ang sabi ng ama, 'Ask and you shall be given.' Humiling ka lang at ibibigay Niya sa 'yo. Isa iyang pangako ng aking ama. May ilang nagsasabi, 'Bakit hindi ko maramdaman ang biyaya, Pastor?' Isa lang ang sagot ko: 'Baka hindi rin maramdaman ng Ama sa Langit ang pagmamahal mo, ang pagsunod mo.' Buksan natin ang ating puso, buong-buo, walang pagdududa. Patunayan natin sa aking ama sa langit na tayo ay mga mapagkumbabang tagapagsilbi sa lupa. Amen?" Nakabibinging "amen" ang naging tugon dito. Para bang wala man lang ni isang nakahalata na sinasabi ng pastor na huwag magduda kung hindi bumalik ang pera ng lahat at isipin na lang na kulang pa ang pananampalataya ng mga ito kaya ganoon. Nakuhaan na ng pera, sinisi pa at inakusahang hindi sapat ang pananampalataya.

Sa madaling sabi, ang pananampalataya ng lahat sa Alpha and Omega ay mayroong sukatan—iyon ay nakabase sa laki ng ibibigay ng isang miyembro sa simbahan. Sino pa ba ang humahawak ng pera kundi ang pastor mismo at ang pamilya nito na lahat ay board members ng simbahan.

May pautot na bilang ang pastor sa kung hanggang kailan maghihintay ang mga miyembro na "bumalik" ang pera ng mga ito. Sa katunayan, hindi rin totoo ang sinabi nitong mayroong "itinatayong" tabernakulo ang simbahan kada buwan. Ang totoo, buwan-buwan na naghahanap ang mga ito ng miyembro na magbo-volunteer gawing "tabernakulo" ang kanya-kanyang space at doon nagba-Bible study ang mga ito. Kahit nga ang farm pala niya ay napasali pa sa bilang ng "tabernakulo."

Mayroon ding mga "tabernakulo" na "naitayo" diumano sa iba't ibang panig ng bansa. Wala man lang nakapansin ni isang miyembro na ang mga picture ay tarpaulin lang na hawak ng pastor at ng pamilya nito sa harap ng kung saang building. Siyempre, hindi naman makakarating sa mga lugar na iyon ang ibang miyembro.

Bawat isang lulong sa kulto ay nagbibigay nang malaki dahil ang gusto ng lahat ay maikalat ang "salita ng Diyos" sa ibang bansa. Iyon daw ang banal na misyon bago mag-second coming. At bilang si Pastor Mercado ang nag-iisa at bukod tanging may hawak ng katotohanan, ang miyembro ng kulto lamang ang may hawak ng kaligtasan ng mundo. Dapat na mailigtas ang mundo sa lalong madaling panahon kaya kailangang maipakalat ang salita ng Diyos hanggang sa dulo ng daigdig. Mas malaki ang bigay para makarating doon agad, mas matutuwa daw ang Diyos. Alam daw ng Diyos kung ilan ang naililigtas ng bawat sentimo dahil greatest accountant daw ang Diyos.

Hindi maubos-maisip ni Agwee kung paanong nadale ng kulto ang kanyang lola dahil matalino itong tao. Sabihing hindi rin nakapagtapos ang matanda, sa negosyo ay mahusay din ito. Pero lahat ng husay ng matanda, kasama ng husay at talento ni Agwee, ay parang papel na nasunog na lang basta ng kulto. Napakadaming utang ng kanyang lola at ngayon ay siya ang nagpapasan ng lahat ng iyon, habang si Pastor Mercado ay malaya pa ring nagre-recruit ng bagong miyembro. Wala itong pananagutan sa batas dahil rehistrado ito sa SEC, bukod sa dumadami na rin ang miyembro sa kanilang bayan kaya close na sa mayor at gobernador.

Nang unang malaman ni Agwee na milyon ang naibigay ng kanyang lola sa simbahan ay nanginig siya sa matinding emosyon. Nagsimula na kasing magdatingan ang mga taong pinagkakautangan ng matanda. Wala siyang choice kundi magbenta ng mga gamit dahil naaaawa siya sa ibang pinagkakautangan ng matanda, iyong mga simpleng tao din, maging sa ilang kooperatiba. Dahil ang mga kooperatiba na iyon ay tumutulong din sa mga magsasaka. Hindi kaya ni Agwee na takbuhan ang ganoong mga utang ng lola niya.

Sa kabila ng lahat ng ginawa ni Pastor Mercado at sa kabila ng Youtube exposé dito ng isa ring na-scam, ay nananatiling matatag ang kulto. Nagpa-victim pa ang pastor at sinabi sa mga miyembro na bawal nang kausapin ang mga tulad niyang "hindi tunay na kapanalig" dahil "mapanira" daw siya, isang masamang elemento at ang mga tulad niya ang dahilan kaya nagbigay ng babala ang banal na kasulatan tungkol sa mga pagsubok.

Gigil na gigil si Agwee sa pastor. Pinagpapantasyahan niya itong sagasaan ng traktora na napilitan na rin siyang ibenta. Konsolasyon na lang kahit paano na malamang hindi lang siya ang nagsa-suffer. Isang grupo sila. Mayroong dalawampung miyembro ang grupo nila at naniniwala siyang dadami pa ang kanilang bilang sa pag-andar ng panahon. Ang ilang kasama nila ay dating miyembro, habang ang iba naman ay tulad niyang anak, apo, o asawa ng dating miyembro o miyembro pa rin ng kulto.

Pagod na pagod si Agwee. Kinailangan niyang magbawas ng empleyado kaya siya rin ang sumalo ng ibang gawain. Sa wakas, maayos nang nakasalansan ang sako ng ipa. Ginagamit iyon sa ice plant. Barya ang bayad doon pero mas maigi na sa wala. Tumuloy na siya sa kamalig at kasama ang isang tauhan ay isinalansan na ang mga gamit na papakyawin bukas ng junk shop.

"Ate," ani Pipay, anak ng isa sa mga tauhan ng farm. Ang pamilya na lang nito ang natirang tauhan niya mula sa dating labinlima. Wala na siyang pambili ng binhi at wala na ring saysay sa ngayon ay magtanim dahil mag-aabono lang siya ng pambayad sa tauhan at ang ani ay tiyak na haharangin ng mga pinagkakautangan. "'Di ba mayaman ang tatay mo?"

___________

Don't forget to vote and comment.

Support my page by giving it a like: www.facebook.com/vanessachubby

Writers collab page: www.facebook.com/theromancetribe

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro