Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 32

CONFIDENT si Aguida na nakapasa siya sa entrance exams. Hindi naman pala iyon ganoon kahirap. Mas maigi nang naghanda siya at nadalian, kaysa naman hindi naghanda at nahirapan. In fairness, natutuwa siya sa sariling progress sa pag-aaral. Wala siyang ginawa kundi ang magbasa nang magbasa. Hindi lang fiction ang pinatulan niya kundi maging non-fiction. Lumalawak na ang vocabulary niya dahil sa mga technique na ginagamit. Mayroon siyang phone at inililista doon ang mga salita, saka pinag-aaralan sa gabi.

Sinasanay din niyang manood ng mga Ingles na palabas. Noong una, nagko-closed caption siya para mabasa ang mga subtitle, pero nitong huli ay hindi na siya gumagamit noon para mas matuto ng tamang pag-pronounce. Medyo nahihiya lang siyang magsalita na tulad ng mga napapanood niya dahil parang masyadong TH.

Gusto niyang maging matalino, iyong tipo ng mga kaibigan ni Davide na parang kahit sa lahat ng bagay ay mayroong ambag sa usapan. Iyon ang una niyang napansin sa grupo noong nakausap niya noong kasal. Natuto siyang mag-Facebook para manood ng international news. Hindi na siya attracted sa tsismis masyado at puno ng balita ang kanyang news feed. Balita at infographics. Dahil sa mga iyon, unti-unti siyang naengganyong magbasa ng history at natuklasang eng-eng siya. Napakadami niyang hindi alam sa mundo.

May mga pagkakataon pa ring nagsisisi siya na hindi nagpatuloy sa pag-aaral, pero naisip niyang hindi pa huli ang lahat. May pagkakataon pa siyang makahabol at iyon mismo ang ginagawa niya. Kung minsan, nanood din siya ng business channel at alam na niya ngayon ang ibig-sabihin ng mga numero sa screen, kahit pa nga ang mismong proseso ng paglalagay ng pera doon ay komplikado pa para sa kanya. Parang casino iyon at wala siyang balak sumugal.

Sa kanyang pag-aaral ay madami siyang naiisip na gawin para sa farm. Nanghihinayang din siya sa mga taong nasayang. Kung noon pa niya nalaman ang alam niya ngayon, siguro ay mas malaki na ang farm. Pero maano ba at darating din siya doon. Sa ngayon, ang mahalaga ay may bagong puhunan para sa mga pananim. Gumagawa rin siya ng listahan ng mga susunod na hakbang. One day at a time, 'ika nga.

Malapit na ang pasukan at kung noong nag-aaral ay hindi siya nasasabik doon, ngayon ay excited siya. Wala rin siyang pakialam kahit ang mga kaklase niya ay first year lahat. Marketing Management ang kinuha niyang kurso sa isang sosyal na eskuwelahan. Excited siyang matuto, excited na maranasan ang maging college student.

Nakapamili na siya ng mga gamit. Hindi na niya kailangan ng bagong gadget dahil binigyan na siya noon ng kanyang ama, bukod sa mayroong mga unit sa bahay na hindi naman nagagamit. Hindi siya mauubusan ng laptop. Pero hindi lang pag-aaral ang plano niyang gawin kundi gusto rin sana niyang patunayan sa sarili na kaya niyang magkaroon ng awards. Gusto niyang maging dean's lister. Naisip niyang ang isang tao pala ay nagbabago rin ng isip patungkol sa pag-aaral. Wala siguro siya ni isang kaklase noong high school ang mag-iisip na magiging masipag siyang mag-aral dahil talagang may katamaran siya noon. Siguro dahil nai-set niya sa isip ang mga gagawin noong panahong iyon at nangunguna ang obligasyon, bukod sa hindi niya nakita ang ibang potensiyal ng farm dahil lumaki siya sa mundo kung saan hindi niya kailanman naisip na posibleng magkaroon siya ng malaking puhunan para maiba ang direksiyon ng farm businesswise.

Kahit paano ay nagpapansinan na sila ni Davide, hindi na tulad noon na parang hangin lang sila sa isa't isa. Iyon lang, halatang aloof ang lalaki at ganoon din siya rito. Siguro, iyon na ang the best na puwede niyang asahan sa samahan nila. Okay lang kung hanggang doon lang talaga. At least, kalmado ang lahat.

Tiningnan niya ang checklist ng mga bibilhin at nagpasyang magpunta sa mall. Nagpahatid siya sa driver. Gusto sana niyang matutong magmaneho pero nag-aalala siya sa matinding traffic sa Maynila. Saka na niya iisipin, tutal ay mayroong driver na nakalaan para sa kanya at parang iyon ang normal na gawain sa kanilang bahay. Kahit si Davide ay mayroong driver, kahit pa nga minsan ay umaalis itong mag-isa.

Nang nasa mall na ay hindi niya maiwasang malungkot sa nakikitang mga mag-boyfriend at girlfriend. May mga sandaling gusto niyang maranasan ang ganoon, iyong tipong walang pakialam sa mundo ang dalawang nagmamahalan at nagpi-PDA. Ayaw niya ng sobrang PDA, pero sweet tingnan ang dalawang magka-holding hands. Nakakalungkot na hindi sila magiging ganoon ng kanyang asawa, na sa ngayon ay ni wala sa bahay. Nagsabi naman ito na mawawala ng ilang araw at may aasikasuhin lang daw kasama ang mga kaibigan.

Kahit paano ay natuwa siyang malaman na ang mga kaibigan ang kasama nito. Naisip niyang totoo iyon dahil puwede naman nitong hindi sabihin kung sino ang kasama, pero sinabing kasama ang mga kaibigan so malamang na totoo iyon. Close ang mga ito, isang tunay na pagkakaibigan. Bilib siya sa ganoon dahil isa lang ang itinuturing niyang kaibigan at iyon ay si Pipay. Kung minsan ay kaibigan, kung minsan ay nakababatang kapatid. Ang mga kaibigan niya noong high school ay nagkaroon na ng ibang mga kaibigan at napag-iwanan siya ng panahon, pero siguro kapag pumasok na siya sa college ay makakatagpo siya ng bagong group of friends. Excited din siya doon. Sana may maging kaklase siyang hindi bata dahil wala siyang makakasundo kung puro teenager ang magiging kaklase niya. Hindi siya mahilig sa hilig ng mga ito.

Habang aliw na aliw siya sa pagpili ng notebook at tumunog ang kanyang phone. Sa isang messaging app tumatawag si Janet kaya nakilala niya ito. May pangalan ang babae sa app na iyon.

Takang-takang sinagot niya ang phone, bahagyang nag-alala dahil hindi pa kailanman tumawag sa kanya ang kapatid at ngayon ay video call pa ang gusto nito. "Hello," aniya, naiilang. Noon lang siya nakapag-video call na hindi si Pipay ang kausap.

"Hello, darlin'. How are you?" Ngiting-ngiti ang babae kahit parang hindi gumagalaw ang ibang bahagi ng mukha nito. Botox. Hindi niya maubos maisip kung paanong naging maganda ang ganoon. Mas okay pa ang may wrinkles kaysa mukhang parang sa robot na walang emosyon.

"Okay lang. Napatawag ka?"

"I would like to ask you if you know where your husband is."

"Kasama niya ang mga kaibigan niya."

Bigla itong tumawa, tawang parang nang-iinis. Hindi niya masabi dahil mahirap basahin ang mukha ng isang taong maraming ineksiyon sa mukha. "Well, I'm here in Macau and I can see your husband from where I'm standing."

"Diyan siguro sila nagpunta."

"Would you like to see him?"

"Hindi na. Okay lang," agad niyang sabi. Ano na lang ang iisipin ni Davide kung malalamang may "espiya" siya sa Macau? Isa pa, ano bang pakialam ni Janet kung nasaan ang kanyang asawa? Kung nakita nito, ano naman? Ano ang pakialam nito? Bakit hindi na lang magkumustahan ang dalawa at kailangan pa siyang idamay?

"I would just like to let you see him. Wait."

Gumalaw ang phone camera at nag-shift mula front camera sa back camera. Bahagya siyang naliyo sa kazu-zoom ng babae pero mayamaya ay nakita rin ang puntirya nito. Hindi niya nagawang makapagsalita. Hindi kasama ni Davide ang mga kaibigan, kundi ang babaeng nakita rin niya sa casino. Likod din lang ng babae ang nakikita niya kaya hindi siya sigurado kung iisang babae lang ang nasa casino noon at ang nasa Macau ngayon.

"Aww, they're sweet," ani Janet nang humilig ang babae sa balikat ni Davide. Ihinarap na ni Janet ang camera sa sarili. "Is that the friend you're expecting?"

"Bakit ka tumawag sa akin?" aniya, direkta. Kailangan pa ba nilang maglokohan? Bakit galit sa kanya si Janet? Kung tutuusin, siya ang nagligtas dito. "Ano ang gusto mong palabasin?"

"Nothing, dear. I just want you to realize that you will soon be gone."

"Alam naman nating pareho 'yan."

"Then good. If you're thinking you can just come into our lives one day and take a piece of my share then you have another thing coming, my sweet."

Ah, iyon pala ang dahilan. Pera na naman. Hindi maunawaan ni Agwee kung bakit may mga taong tulad nito. Kunsabagay, kung spoiled brat na nasanay na gumastos ng perang hindi pinaghirapan, mag-aalala nga sigurong talaga kung may makakahati. Wala sigurong alam na kahit na anong trabaho si Janet kaya nakaasa sa puwedeng manahin sa ama. Natatakot itong makihati siya.

"Dapat kang magpasalamat sa akin."

Tumawa ito. "I know that's your delusion. Honey, you're the one who needs to thank me. Kung ako ang nagpakasal kay Davide, saan ka sana pinulot? You would've lost the only property you had. But I'm still your big sister and I would like to open up your eyes, just in case you're feeling comfortable. At least, you can save yourself from a lot of pain. I mean, look at him, he's quite the dish, isn't he?"

Imbes na makipagtagisan ng salita sa kapatid ay naisip niyang mas magandang magtanong na lang dito. "Girlfriend yata niya ang babaeng 'yan pero hindi ko kilala. Kilala mo ba siya?"

Mukhang hindi inasahan ni Janet ang kanyang sinabi. Siguro inasahan nitong maaasar siya. "Well, yes, of course I know her. You don't know Pia Hortaleza?"

"Si Pia 'yan?" Nabigla siya. Kilala niya ang babae dahil isa itong sikat na news anchor.

"Yes, darlin'. Quite the bitch, I heard. She's the new face of your husband's brand."

Napatango siya dahil nakita na ang commercial noon sa TV pero hindi naikonekta na ang babae ang kasama ni Davide dahil likod lang ang nakikita niya. Isa pa, hindi ba at mayroong karelasyong basketball player si Pia?

"Well, I just wanted you to know. Bye, sister."

Bago pa siya makapagpaalam ay natapos na ang tawag. Hawak lang niya ang phone, halos tulala. Kailangan niyang aminin na masakit. Kahit alam na niya, masakit. Dahil kahit ayaw niya, tatanga-tanga ang puso niya at nahuhulog sa kanyang asawa.

___

Vote, comment, share. Like my page on Facebook to show support: vanessachubby. Thanks.

PLEASE DON'T ASK FOR UPDATES. I WILL UPDATE WHEN ABLE.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro