Chapter 30
A complete ebook version of this story, with a special chapter that will not be available on Wattpad, is available for sale. Refer to Chapter 29 for details. Everything you need to know is there. Nakasulat na po doon ang procedure kung paano bumili. Kung mayroon pa pong tanong, paki-direkta na lang po sa PHR dahil sila po ang nakakaalam. Salamat po.
__________
TAHIMIK lang si Agwee habang naghahanda ng almusal. Sa loob ng halos isang linggong pagsasama nila ni Davide sa bahay ay parang isang simbahan doon. Kahit ang mga kasambahay ay tahimik.
Umaalis si Davide ng alas-nuebe araw-araw at umuuwi bago mag-hapunan, kadalasang alas-sais. Hindi sila nag-iimikan. Gusto nang sumuko ni Agwee sa laban pero hindi siya pinapayagan ng ego. Wala siyang ginawang mali. Si Davide ang may ginawang mali. Hindi pa ito nakuntento sa ginawa noong honeymoon nila ay pinagtawanan pa nito at minaliit ang ginawa niyang kasunduan. Para ano pa kundi para mainsulto siya. Siguro, iniisip ng lalaki na tanga siya.
At para sabihin nito na darating ang araw na siya ang makikiusap na may mangyari sa kanila? Hitsura nito talaga. Kaya tinitiis niya ang sarili. Hindi niya talaga ito kinakausap kahit sabay silang mag-almusal at maghapunan.
Sa buong araw ay abala siya sa pagre-review. Plano niyang pumasok sa school sa nalalapit na school year. Nakapagtanong na siya at balak na kumuha ng entrance exams. Hindi rin niya maintindihan kung bakit para siyang sinilihan sa puwit at gustong makapagtapos agad. Hinid lang doon nagtapos ang lahat ng init at sidhi niyang mapabuti ang kanyang buhay. Gusto rin niyang palakihin ang farm para sa magiging anak nila ni Davide.
Speaking of, hindi niya alam kung kailan sila pupunta sa doktor dahil hindi sila nakabuo noong honeymoon. Dumating ang buwanang dalaw niya nang nagdaang araw. Sa totoo lang ay nalungkot siya dahil feeling buntis na siya. Kung nabuntis sana siya, saglit na proseso na lang ang lahat at hindi na siya kailangang magpunta sa doktor.
Mukhang wala namang mabilisang plano si Davide na magkaanak, isang bagay na hindi niya alam kung bakit. Pero ayos din lang sa kanya dahil iniisip nga rin niyang mag-aral. Kung mabubuntis ay matitigil siya sa pag-aaral. Ayaw niyang ipagkatiwala sa yaya ang pag-aalaga sa bata. Pero habang hindi pa siya buntis, maganda na masimulan na niya ang planong pag-aaral. Para naman pagdating ng panahon, masasabi ng kanyang anak sa lahat na ang nanay nito ay nakapagtapos.
Malaki ang monthly allowance niya kay Davide, gayundin mula sa kanyang ama. Bukod doon, may makukuha din siyang dibidente mula sa kompanya. Sa palagay niya ay mas malaki pa ang kanyang puwedeng makuha sa tulong ng abogado pero wala siyang balak gawin. Para saan? Isa pa, ang sabi ng kanyang ama ay mayroon daw itong ibibigay sa kanyang property.
Sa totoo lang, mukhang mabait naman ito. Well, siguro ay hindi mabait sa tradisyunal na paraan dahil ang katotohanan ay pinabayaan pa rin siya nito, pero hindi ito tulad ng una niyang naiisip na mala-telenovela ang kasamaan. Si Janet lang siguro iyon. Pero mukhang wala naman nang problema sa babae dahil hindi na niya ito nakita.
Madalas na ang maingay lang sa bahay kapag wala si Davide ay ang kasambahay na si Ate Juday, pero ang kasamahan nito ay hindi rin naman madaldal. Pero dahil nagre-review si Agwee para sa entrance exams ay karaniwang nasa silid siya. Halos hindi siya makapaniwala na napakadami niyang hindi alam. Sa totoo lang, medyo nahihirapan siya sa dami ng kailangang pag-aralan. Kung minsan, gusto na niyang kumuha ng tutor.
"Bakit ang daming bacon?" tanong ni Ate Judy.
"Pupunta si Papa, Ate. Dito daw siya magbe-breakfast. May dadalhin siya dito." Ngayon mapapasakamay ni Agwee ang kasulatan ng farm.
"Alam ba ni Sir Davide?"
"Sasabihin ko."
Tumango lang ito. Salamat at hindi matanong ang babae kahit pa nga madaldal. Wala ni isang nagtatanong kung bakit hindi sila magkasama ni Davide sa iisang silid. Kung minsan, si Agwee na ang gustong magtaka sa mga kasambahay, palibhasa ay sanay siya kay Pipay na bawat galaw yata niya ay kinukuwestiyon.
Nang makahain ay nakita niya si Davide. Nakapang-opisina na ito, tipikal na coat and tie. Ang coat ay bitbit lang ng lalaki at hindi isinusuot sa almusal. Tuwing umaga, ito ang gusto niyang almusalin. Ang hirap pigilan ng sariling obserbahan ang lalaki. May something sa paggalaw nito na sensual. May gracefulness sa lalaki, isang banayad na katangian sa bawat paggalaw nito. Gracefulness na hindi niya masasabing effeminate. Barako pa rin pero gentle. Sosyal. Parang si Jason Bourne, kahit nananaksak ng ballpen, graceful pa rin. Parang si James Bond, kahit naglalambitin sa ere, parang kahit anong oras puwedeng mag-tango.
Sa isang banda, naninibago si Agwee, dahil ang mga macho na kilala niya sa probinsiya ay hindi niya nakitaan ng ganoong katangian. Attracted pala siya sa ganoon, ngayon lang niya nalaman. Naiinis siya sa sarili na habang tumatagal ay lalo niyang gustong makasama ang asawa kahit hindi sila nagpapansinan.
Madalas din na natitigilan siya kapag naaalala ang gabing pinagsaluhan nila. Sino ba naman ang makakalimot noon? Hindi na kailangan pang malaman ni Davide na madalas na umiinit ang mundo niya kapag naiisip ang lahat. Mabilis niya namang naamin sa sarili na may karupukan siyang taglay.
"Three place settings?" anang lalaki. Noon lang muling narinig ni Davide.
"Pupunta si Papa."
"I see."
"Parating na siya. Nag-text na sa akin." Halos hindi siya makatingin sa lalaki. May kung anong guilt siyang nararamdaman kahit sinabi niya sa sarili na maling ma-guilty para sa isang bagay na tama lang namang gawin niya. Isa pa, hindi naman siya umiiwas kay Davide. Kasalanan ba niya kung ayaw nitong magsalita?
"I will wait in the living room."
Tumango na lang siya. Balak din sana niyang maghintay sa sala pero mas lalong nakakailang kung magkasama sila ni Davide sa iisang lugar pero walang nagsasalita sa kanila. Mahirap na nga ang almusal at hapunan, dadagdagan pa niya.
"Doon ka na sala at ako na rito. Maghihiwa na lang naman ako ng prutas."
"Tutulungan na kita, Ate."
"Hindi na. Doon ka na sa sala at kausapin mo na ang asawa mo."
Natigilan siya bigla. Nag-iwas ng tingin ang babae, halatang pinagsisihan ang sinabi. Hindi na lang umimik si Agwee dahil wala rin naman siyang sasabihing makakatulong sa diskusyon. Ang simpleng katotohanan ay ayaw na niyang mag-explain pa sa kahit na sino. Bahala na ang mga ito kung ano ang gustong isipin. Wala siyang obligasyon na magpaliwanag.
Pero nagpunta na rin siya sa sala. Nagbabasa ng diyaryo si Davide. Araw-araw, tuwing umaga, nagbabasa ito ng diyaryo, kung hindi man ay nakatutok sa tablet na may holder at mula roon binabasa ang balita. Naa-attract siya kahit sa ganoong ginagawa nito dahil siguro kakaiba sa nakasanayan niya. Ang mga taong kilala niya, Facebook ang binabasa sa umaga.
Inilabas na lang niya ang phone at nag-Facebook. Kaysa naman mabingi siya sa katahimikan nilang dalawa ni Davide. Mayamaya ay narinig niyang mayroong dumating na sasakyan. Salamat, nandoon na ang kanyang ama. Tumayo si Davide at ganoon din siya. Siya ang nagbukas ng pinto. Agad siyang niyakap ng matanda.
"Looking good, my dear. And, Davide, my boy, how have you been?" anitong nilapitan ang lalaki para kamayan.
"Fine, Mr. Eusebio."
"Oh, please, call me 'Papa' I am your father-in-law now. Anyway, I just came by to deliver this to my daughter and have some breakfast to catch up."
"Breakfast is ready," ani Davide, nakangiti.
Salamat at hindi nagpapahalata ang lalaki na mayroon silang problema. Ayaw niyang magtanong pa ang kanyang ama dahil tuwing magkakausap sila sa phone ay palagi nitong kinukumusta ang manugang. Siyempre, pinapalabas niyang maayos ang lahat. Hindi na nito dapat pang malaman ang mga detalye.
"So how are the love birds?" anang matanda nang nasa hapag na sila. "When can I hold a little child in my arms?"
"We're working on it," ani Davide, nakangiti pa rin, hindi mahahalata na nagsisinungaling. Palibhasa ay sanay siguro ito, sa dami ng naging babae.
"Well, I wanted to ask if the two of you have talked about how things will go if Aguida get pregnant as she is studying."
Oo nga pala, nabanggit na niya sa ama ang planong mag-aral. Hindi pa lang niya nababanggit sa asawa. Balak niya namang sabihin pero nawawala sa isip niya, bukod sa ayaw niyang siya ang magbukas ng usapan.
"I told her that a nurse or yaya can take care of the baby anyway. I would also like her to finish school. But of course, the decision is in your hands, the two of you."
Tumango si Davide. "We haven't made final decisions about that yet, Papa. I'm pretty sure my lovely wife would manage somehow."
Kahit nakangiti pa rin ang lalaki ay alam ni Agwee na hindi ito natuwa, base na rin sa biglang pag-asim ng ngiti nito at bahagyang pag-igting ng panga. Nagpatuloy sa pagkukuwento ang kanyang ama at mukhang mas focus ng usapan ang merger. Magreretiro na raw ang matanda sa susunod na taon, lalo na at nandiyan na si Davide. Nakikinig lang si Agwee.
Mahigit isang oras din bago nagpaalam ang matanda. Naiwan sila ni Davide sa bahay. Inabot na ng lalaki ang amerikana nito. "The next time you have some plans like studying, maybe you can inform your housemate, eh? Just so I don't get surprised when asked."
"Nawala lang sa isip kong sabihin."
"And yet you've managed to write a set of rules in less than an hour for me to sign."
"Walang masama sa ginawa ko."
"If you say so, boss."
"Hindi tayo magkakasundo kung ganyan ka palagi."
"Nasa akin pala ang problema, hindi ko alam."
"O, so sinasabi mong nasa akin?!"
"Baka na kay Manang."
Umangil siya. "Tama lang na may rules. At kung sakaling may balak kang magbuntis ako, sabihin mo lang, para maplano ko."
"How do you plan to raise a child in this environment?"
Natigilan siya. Tumalikod na ang lalaki at umalis. Bigla ay parang gusto niyang umiyak. Nanghihina siya sa sitwasyon pero nandoon na siya. Kailangan niyang matutong sumabay sa agos. Siguro sa mga darating na araw ay magandang unti-unti nilang subukan ni Davide na mamuhay nang matiwasay dahil tama ito—walang saysay na magpalaki ng bata kung ganoong para silang may silent war.
___
Vote, comment, share. Like my page on Facebook to show support: vanessachubby. Thanks.
PLEASE DON'T ASK FOR UPDATES. I WILL UPDATE WHEN ABLE.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro