Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 22

Natural na iisa ang honeymoon suite. Alangan namang magpa-book ng dalawa si Davide, naisip ni Agwee. Nakita rin niya ang rates ng hotel at walang balak na magsayang ng salapi, kahit pa hindi niya iyon salapi. Kaya naman ngayon ay magkasama sila ng asawa sa loob ng silid.

Asawa... May kung anong dating pa ring kakaiba ang salita, kahit heto, literal na mag-asawa na sila ni Davide.

Malaki ang suite, may sala, mayroong malaking bar. Hindi iyon isang kuwarto lang kundi parang bahay na. Ang banyo ay pagkalaki-laki rin at mayroon pang sofa sa loob at bathtub. Sabihin pang napakaganda ng silid ay hindi makataong ang presyo ng isang gabi doon ay katumbas na ng sahod ng ilang empleyado. Pero bago pa siya magtanong sa universe kung bakit hindi patas ang mundo at madaming mga batang walang makain habang may iilang kayang gumastos ng ganito kalaki ay pinangunahan na siya ng kaba. Ano ang sasabihin niya ngayon sa lalaki na tahimik din lang at parang naghihintay sa sasabihin niya. Pero ano ang puwede niyang sabihin sa lalaki? Na nagbago na ang isip niya at sige na, try nila mag-honeymoon? Baka lumubog siya sa sahig sa matinding kahihiyan. Pero hayun ito, napakaguwapo at macho na parang worth it na rin ang lumubog sa lupa basta't malulunod din siya sa halik at ligaya. Char.

"So here we are," anang lalaki mayamaya, nakatingin sa kanya.

"O-oo. Kuwan, nakakain ka ba nang maayos kanina?"

"A bit. I noticed you almost didn't touch your food. I will have them send over some."

Tumango siya. Talagang hindi siya halos nakakain kanina. Mahirap kumain sa ganoong pagkakataon. After all, first time niya kung sakali. Kaya niya naiisip na kung sakali kahit na pinag-usapan na nilang walang honeymoon na magaganap ay dahil parang may kulang kung wala iyon. Isa pa, iyon ang totoong flow ng kasal. Hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay natutupad ang mga salitang binitiwan at malay ba niya kung ito ang isa sa mga pagkakataong hindi matutuloy ang pinag-usapan. Hindi man lang ba curious ang lalaking ito sa kanya?

Wow. Sa hitsurang 'yan ng asawa mo, sa tingin mo hindi nagsawa sa babae 'yan? Kung iyon ngang pangit na mayaman, ang daming babaeng pumapatol. Kung iyon ngang si Mang Teban na magbababoy, amoy-darak palagi pero ang daming babae at magaganda pa at bata dahil mapera, paano pa 'yang asawa mo na mas mabango pa sa bagong bayong pinipig at mukhang mamahalin? Amoy mamahalin, mukhang mamahalin, totoong mamahalin. Totoong ginto at hindi tubog lang. Ano ba ang aasahan mo? Sa tingin mo, hindi 'yan makakatulog kapag hindi kayo nagka-honeymoon? Ilang ulit na 'yang nag-honeymoon na kasama ang ibang babae. Tumigil ka.

Gusto na talaga ni Agwee na mapahiya sa sarili pero naiisip niyang normal lang sa isang tulad niyang matagal nang curious sa sex ang maisip na puwedeng may mangyari sa kanila. Isa pa, kung sakaling magbubuntis siya, ayaw naman niyang manganak na virgin. Pero paano niya babawiin ang nasabi?

Tahimik lang siya, nakapuwesto sa sala. Nakaupo sa sofa si Davide kaya naupo siya sa isang one-seater. Nanonood ang lalaki ng istasyon sa TV na noon lang niya nakita, Ingles at kung ano-anong numero at letters ang umaandar sa ibaba ng screen. Maya't maya ay may nagpa-flash na numero, initials, at arrows na hindi niya maintindihan kung ano ang ibig-sabihin. Mukhang alam naman Davide ang ibig-sabihin dahil nakatutok ang atensiyon nito doon.

Diyos ko, ano ba itong pinapanood nitong lalaking ito? Sa sobrang talino, algebra yata ang pinapanood. Paano ko masasabyaan ang lifestyle ng isang ito? Oo, magaling ako sa algebra pero ayaw ko namang isabuhay.

Mayamaya pa ay mayroon nang naka-amerikanang lalaki ang nagsalita sa screen. Saka naintindihan ni Agwee na tungkol sa stock exchange ang lahat. Hindi niya alam kung ano iyon eksakto, pero may idea siya na tungkol iyon sa negosyo. Ibang level ng mayaman talaga ang asawa niya. Kung level niya ang nasa screen, malamang na ang kuwentahang lalabas ay kung magkano ang bagsakan ng palay, ang pakiskis, at bentahan. Kundi man ay lalabas ang presyo ng pataba at mga pangunahing bilihin.

Bigla ay hindi maiwasan ni Agwee ang ma-insecure. Damang-dama niya ang kakulangan ng kaalaman. Hindi sana siya tumigil sa pag-aaral. Pero kahit na anong isip niya tungkol sa bagay na iyon, kung magbabalik sa dati ay mahihirapan talaga silang pamilya na magpatuloy kung wala siya. Pero siguro, kung mauulit ang lahat, kukuha siya ng subjects kahit paunti-unti. Kung ganoon siguro ang kanyang ginawa, kahit paano ay hindi siya mai-insecure kay Davide at sa pamilya at mga kaibigan nito. Siguro, kahit paano ay makakasabay siya sa usapan at mas madaming kaalamang maibabahagi. Sa totoo lang, hindi malawak ang vocabulary niya dahil hindi naman siya nagbabasa ng mga Ingles na babasahin. Ayaw niya kasi ng maya't maya ay kailangan niyang tumingin sa dictionary. Pero sana pala nagsanay siya. Sana pala, kahit paano ay pinalago niya ang isipan. Mahirap iyong maisip noong wala siyang balak na magbasa ng mga Ingles na babasahin. Hindi na niya inakala na kakailanganin pa sa buhay niya. Simple lang naman ang pangarap niya noon, ang palaguin ang farm. Naisip nga niya, kung sakaling mag-aaral ulit ay tungkol sa agriculture at paghahayupan ang pag-aaralan niya. Ano bang malay niyang malalagay siya sa ganitong klaseng sitwasyon?

Anong malay niya na gugustuhin niya palang magkaroon sila ng honeymoon ni Davide? Oo, dumaan sa isip niya noon pero hindi niya akalang push na push pala siya. Kulang na lang, lumabas sa kanyang bibig ang imbitasyon. Ang hirap din pala ng ganoon, naisip ni Agwee, paano kaya ang ginagawa ng ibang babaeng gustong mang-akit? Alam niyang madaming babae ang nakukuha ang sinumang gusto dahil malalandi, pero ano ba ang unang step? Lulunukin ba niya ang pride? Parang hindi niya kaya. Ang mga babae sigurong gumagawa ng ganoon ay expert na. Siya ay walang alam, walang karanasan.

Noon mayroong nag-door bell. Binuksan ni Davide ang pinto. Tulak ng isang lalaking nakauniporme ng hotel ang isang trolley na may mga natatakpang pagkain, tulad ng napapanood niya sa pelikula. Binigyan ng tip ni Davide ang waiter na agad lumabas.

"Would you like some champagne?" tanong ng lalaki.

Tumango siya. Binuksan nito ang bote at nagsalin sa mga baso. Inalis din nito ang takip ng mga pinggan. Masarap ang mga pagkain pero tulad kanina, parang hindi makakain ni Agwee ang mga iyon pero sinubukan niyang tumikim. Nang sumayad ang pagkain sa kanyang bibig, kahit paano ay nabuhay ang kanyang gana. Nalimutan yatang um-order ni Davide ng tubig kaya ang champagne ang ginawa niyang tubig. Hindi naman pala iyon lasang-alak, kundi halos lasang Sprite lang. Naubos niya ang pagkain at nakailang baso rin ng champagne. Hindi naman pala iyon nakakalasing. Naisip niyang baka pasosyal lang ng mga mayayaman na hindi kaya ang lasa ng totoong alak. Hindi siya mahilig uminom dahil ang sagwa ng lasa ng alak. Siguro, ganoon din ang opinyon ng mayayaman, pero kailangan ng mga itong magpanggap na umiinom kaya nag-imbento ng champagne.

Bigla siyang napatawa sa naisip. Sa kung anong dahilan, napahagikgik siya. Pagtingin niya kay Davide ay eksaktong napadighay siya nang malakas. Agad niyang naitakip ang kamay sa bibig, nag-init ang buong mukha sa pagkapahiya. Para siyang barakong-barako nang dumighay.

Biglang humalakhak si Davide. Nangliit lalo si Agwee. "Sorry. Bigla na lang lumabas, eh."

"It's fine."

Napatawa na naman siya. "Ganito pala ang lasa nitong champagne, ano? Masarap. Saka parang hindi nakakalasing."

Kumunot ang noo ng lalaki, kahit bahagyang nakangiti. "Hindi nakakalasing?"

Umiling siya. "Hindi nga, eh. Masarap siya, infer." Tinungga niya ang laman ng baso at nagsaling muli. "Lasa siyang epol." Natawa na naman siya sa sariling bigkas. "Basta lasang Sprite na may prutas. Siguro, imbento lang ito ng mayayaman na ayaw tanggaping hindi nila kayang uminom ng totoong alak kasi masagwa ang lasa."

Tumawa na naman ang lalaki. Lalo na itong nagiging guwapo kapag tumatawa dahil lumiliit nang bahagya ang mga mata at bumubukas ang mukha, hindi na masyadong mukhang suplado.

"Alam mo, pogi ka," aniya. Hindi niya alam kung saan siya kumukuha ng lakas ng loob. "Hindi nga, totoo."

Tawa nang tawa ang lalaki. "Talaga?"

"Oo. Hindi mo naisipang mag-artista?"

"Never. You think I can be an actor?"

"Oo naman." Tumungga siya ng champagne. "Kakabugin mo ang mga artista ngayon. Halos magkakamukha na nga silang lahat, eh. Mas guwapo ka pa nga sa crush kong artista, eh."

"Sino ba ang crush mong artista?"

"Isa lang ang crush kong artista mula noon hanggang ngayon, ang crush namin ng lola ko, si Albert Martinez. Mas guwapo ka pa sa kanya, eh, actually. Siguro, ang guwapo o ganda ng magiging anak natin, ano?"

"You think so, huh?"

"Oo naman." Inilagay niya sa ilalim ng mukha ang kamay. "Ito ba namang mukhang ito at ang mukhang 'yan, hindi makakapag-produce ng magandang anak? Mag-uunahan ang Viva at Star Cinema sa magiging anak natin. Pero siyempre, hindi natin papapasukin sa showbiz ang bata dahil baka masira ang future. Gusto ko maging doktor siya o abogado. 'Di ko man lang pala naitanong sa 'yo kung ano ang natapos mo."

"Management."

"Ah, Management. Siguro 'yan na rin ang kukunin ko."

"You want to study again?"

"Some kinda." Bigla siyang tumawa nang malakas. "Some kinda daw, o. Some kinda-kinda." Tawa siya nang tawa, animo kinikiliti. Nakahiga na siya halos sa upuan. Masaya siya kahit hindi niya alam kung bakit. Basta natatawa lang siya sa mga sinasabi niya.

"I think you've had a little too much to drink."

"Ito?" Itinaas niya ang baso ng champagne. "Naku, hindi ito nakakalasing."

"Really?"

"Ay, lasing na ba ako?" Natawa na naman siya. "Kung ganito pala ang lasing, bakit si Manong, sa tuwing nalalasing eh naghahanap daw ng babae? 'Yan ang kuwento sa akin ng asawa niya. Muntikan na nga raw silang magkahiwalay, eh. Kaya hindi na umiinom si Manong ngayon. Iyong isa ko namang kakilala, tuwing nalalasing, eh, naghahamon ng away. Iyong isa naman, tamang emo—iyak nang iyak at lahat ng naging boyfriend gustong isumpa. Wala pa akong nakilalang tamang tawa nang tawa. Malay mo, hindi pala ako lasing kundi happy person lang." Natawa na naman siya sa sinabi. Sa kung anong dahilan, feeling niya ay puwede siya sa comedy show. Nakakatawa siya, benta sa masa.

"I suppose that's fine since I'm here to take care of a drunk wife," anang lalaki, bahagyang nakangiti.

"Uy, ite-take care niya ako. Ano ang balak mong gawin sa maganda mong asawa?" Itinaas-baba niya ang mga kilay.

Humalakhak ang lalaki. "Whatever you wish, my lovely wife."

__

DON'T FORGET TO FOLLOW, VOTE, AND LEAVE A COMMENT. THANKS.

YOU MAY FOLLOW MY PAGE ON FB: VANESSACHUBBY

GIVE OUR WRITERS PAGE A LIKE AS WELL: THEROMANCETRIBE

THANKS.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro