Chapter 21
"AGUIDA, I think you should wear this."
Napatingin si Agwee sa madrasta. Hindi niya alam kung paano aakto sa harap nito. Ni hindi niya inasahan sa sasamahan siya ng babae sa bridal suite pero nabigla siya kanina na maaga siya nitong kinatok para sabihing maghanda na siya dahil darating na raw ang makeup artist na ito ang kumuha. Nakangiti ang babae. Hindi niya alam kung bakit ito nakangiti sa kanya kung sa ibang pagkakataon ay ilang na ilang ito. Hawak nito ang isang set ng alahas na nasa loob ng isang velvet case.
"Po? Sige po. Ibabalik ko na lang mamaya," aniya.
Ikinabit nito sa kanya ang lahas. "This is my gift to you."
"Bakit po?" tanong niya. Wala siyang kakayahang mag-filter ng bibig.
Ngumiti ito. "I think it's time we settle our differences, don't you think so?" Bumuntong-hininga ang babae. "I know I owe you and your mother a lot. Hindi ako nakahingi ng tawad sa kanya, pero hihingi ako sa 'yo. Mali ako. Hindi kita dapat inilayo sa Papa mo."
Wala siyang nasabi. Hindi niya iyon inaasahan. In fairness sa babae, mukhang sincere naman ito. Pero sa sandaling iyon, wala siyang ibang maramdaman kundi kaba. Kaba na normal lang siguro. Hindi siya natatakot na tulad ng noon dahil halos sigurado niyang hindi siya pisikal na mapapahamak kay Davide. Mukhang sa salita sila magkakatalo, pero hindi sa pisikal. Pero kabado siya sa buhay sa hinaharap, kahit siguro kailangan niyang tanggapin na halos alam na rin niya kung paano iyon tatakbo. Wala naman halos mababago, maliban sa magiging "housemates" sila ng lalaki. Siyempre, iba na ang magiging lugar na gagalawan niya, pero hindi niya iyon masyadong inaalala. Kahit saan siya mapunta, siguradong makakahanap siya ng magagawa. Ang iniisip niya ay ang buhay kasama si Davide.
"You look beautiful," anang kanyang madrasta.
"Salamat po." In fairness, totoo ang sinabi ng babae. Magaling ang makeup artist na nakuha nito. Simpleng dress lang ang kanyang suot at ilang oras siyang inayusan, pero hindi tulad ng kanyang inasahan noong una na magmumukha siyang magpa-party. In fact, mukha talaga siyang ikakasal sa ayos sa kanya. Hindi masyadong makapal ang kanyang makeup, mukhang natural lang.
"Well, let's go."
Tumango siya. Binitbit niya ang bouquet na napakaganda ng arrangement. Peonies daw ang tawag sa bulaklak. Sa totoo lang, noon lang siya nakakita niyon. At ngayon lang siya nakapasok sa isang ganoon kalaking hotel. Isang bagay lang siguro ang iibahin niya kung sakaling "totoong" kasal iyon. Siguro, kulang siya sa bisita at sa involvement. Aba, pinapangarap din naman niya ang isang kasal na maganda. Higit pa itong kasal na ito kaysa sa pinangarap niyang kasalang bayan sa farm.
Nang makarating sa restaurant ay hindi rin niya inaasahan na ang isang bahagi noon ay ginawang altar. Coordinated din ang damit ng lahat ng kamag-anakan ni Davide. Ang kapatid nito at mga magulang ay kulay-maroon ang suot. Si Davide ay nakaputing polo at itim na pantalon, napakasimple pero napakaguwapo. Hindi niya kayang i-deny dahil inamin na rin niya noon. Guwapo ang lalaki sa dilang guwapo.
"You may stay here, Ma'am," sabi sa kanya ng isang babaeng may suot na headset. Ito rin ang nagpunta sa kanya kanina at nagpakilalang wedding coordinator. Madami-dami ding picture niya ang nakunan kanina. "You will have a wedding march, Ma'am."
Tumango na lang siya, lalo nang kinabahan. Nang makapuwesto na ang lahat ay may tumugtog ng piano. Sinabihan siya ng coordinator na maglakad na patungo sa altar. Hindi niya magawang makatingin kay Davide. Hindi niya alam kung nahihiya ba siya o naiilang sa sitwasyon. Bakit parang totoong kasal na may ganoon pa? Pero saan pa ba siya titingin kundi sa lalaki dahil ito lang naman ang nasa unahan at ang naka-Amerikanang magkakasal.
Ang lakas ng sasal ng kanyang dibdib. Kahit ilang ulit niyang sinabi sa sariling para siyang tanga dahil kabadong-kabado siya ay walang epekto. Kasabay noon ay mayroong nabubuong kung anong init sa kanyang dibdib habang nakatingin kay Davide. Kung siguro hindi sila nagkaroon ng sagutan, kung siguro kaya nilang mag-adjust sa isa't isa, baka sakaling mayroon silang patunguhan... O baka mas tamang panatilihin na lang niya ang pader sa pagitan nila, sa gayon ay huwag na siyang umasa sa kahit na ano sa bandang huli.
Ah, hindi niya alam. Ang alam lang niya ay heto na sila ngayon. Nang makalapit nang tuluyan sa lalaki ay inabot nito ang kanyang kamay at pinisil, para bang sinasabing wala siyang dapat na alalahanin. Nabasa ba nito ang laman ng kanyang isip? Siguro.
Nagsalita na ang officiant. Mas sermon tungkol sa pag-aasawa ang sinabi nito kaysa ano pa man. Nagsalita ito ng may labin-limang minuto, pinapirma sila sa marriage contract, saka pinasuot sa isa't isa ang singsing. Hindi pa nagtagal, sinabi nitong kasal na raw sila ni Davide.
"You may now kiss the bride," anito.
Hayun na naman ang puso ni Aguida, parang tinatambol sa kaba. Humarap siya kay Davide. Bumaba ang mga labi nito sa kanya. Nang maglapat ang kanilang mga labi ay parang may koryenteng dumaloy sa kanyang mga ugat. Kusang umawang ang kanyang mga labi para tanggapin ang halik nito.
Parang idinuyan siya sa kung saan pero bago pa man niya ma-enjoy ang halik ay naghiwalay na sila. Hindi na nakatingin sa kanya ang lalaki ay kinakamayan na ang kapatid nito.
"This is my wife, Aguida," pakilala nito sa kanya sa isang lalaking noon lang niya sa kasal nakita. "Aguida, this is my friend, Zauro."
"It's a pleasure to meet you," anito, mayroong mabait na ngiti sa mga labi.
Nakangiti rin siyang tumango. Kinamayan at niyakap niya ang mga kamag-anakan ni Davide. Mainit ang pagtanggap ng mga ito. Hindi niya iyon inaasahan dahil sa totoo lang, ang na-imagine niyang kasal ay pormal, iyon bang wala ni anumang bahid ng kasiyahan dahil alam naman nilang lahat na mayibang purpose ang pag-iisang-dibdib na iyon. Pero nagkamali siya. Lalo na sa kapatid at kaibigan ni Davide.
Hindi siya halos makapaniwala na warm na tao ang mga ito, taliwas kay Davide na masyadong malamig.
"Ikaw na ang magpapasensiya sa kapatid ko," sabi sa kanya ng kuya ni Davide. "Mabait 'yan, kaya lang kung minsan kung ano ang maisip, kailangan niya talagang magawa. Walang makakapigil sa kanya kaya akala mo matigas ang ulo, pero determinado lang naman. Other than that, I will say he is the one of the best people I personally know and I'm not saying that just because he's my brother."
Ngumiti siya rito. Mukhang mabait ang lalaki at mukha ring masaya sa asawa. Kahit ang mga anak nito ay mukhang mababait lahat at ang cute pa. Kung magkakaanak sila ni Davide, sana magmana sa lalaki para makuha ang magandang lahi ng mga ito.
"Is this man bothering you?" ani Davide, humawak sa balikat ng kapatid, nakangiti.
"I'm just telling her to be patient with you."
"Ah, come on, Kuya," reklamo ni Davide. Noon lang ito nakita ni Agwee sa ganoong mood, mukhang masaya.
Mukhang masaya din naman ang buong pamilya, kahit parang nahuhulaan ni Agwee na mas malapit sa kapatid si Davide kaysa sa mga magulang. Tinawag na sila mayamaya dahil isinilbi na ang pagkain. Isang mesa lang ang inokupa nilang lahat. Magaan ang pag-uusap ng lahat at masaya si Agwee na makilala ang asawa mula sa punto de vista ng kapatid nito at kaibigan, maging sa mga pamangkin na halatang mahal na mahal ito. Ito yata ang side ng lalaki na hindi niya alam na naroon lang pala.
Inabot ng ilang oras ang reception, kahit pa nga maagang nagpaalam ang kanilang mga magulang. Nang umalis na ang mga ito ay sinabi ni Zauro, "Why don't we call the guys and have them come over? I'm sure your bride would want to meet all of your crazy friends."
"I'm sure she doesn't want to meet those men," ani Davide.
"Hindi. Okay lang. Gusto ko," ani Agwee.
"See? I told you. Anyway, I have already invited them so they're all on their way."
Tama ang sinabi ng lalaki dahil mayamaya pa ay isa-isa nang nagsidatingan ang mga kaibigan ni Davide. Hindi inasahan ni Agwee na walang puwedeng itapon sa mga ito. Wala pa siyang kilalang grupo na wala ni isang pangit, pero ganoon mismo ang barkada ni Davide. Hindi pahuhuli ang mga ito sa kanyang asawa. Kahit paano ay natuwa siyang malaman na gusto siyang makilala ng mga ito. Maliwanag sa kanyang malalim ang pinagsamahan ng magkakaibigan base na rin sa biruan ng lahat.
Hindi maiwasan ni Agwee ang palaging maging conscious sa oras. Lihim niyang pinapagalitan ang sarili dahil bakit siya conscious sa oras kung pinag-usapan na rin naman nila ni Davide na walang mangyayaring honeymoon?
Nakipag-asaran pa siya sa lalaki pero ang totoo, hindi niya maiwasang hindi mapansin kung paano gumalaw ang mga labi nito sa pagsasalita, ang hand gestures nito... higit sa lahat ay ang halik nito. Parang gusto niyang bumanat ng kanta ng Aegis, tungkol sa halik na nami-miss, kahit para siyang tungaw dahil kanina lang siya nahalikan, na-miss na niya agad!
Kahit anong mangyari, 'wag na 'wag mong kakainin ang salita mo! Kiss-kiss ka diyan! Kiss-kiss mo sa pader labi mo. Nakakahiya kung ikaw pa ang biglang bumaligtad, matapos mong magyabang. Lihim na lang siyang napabuntong-hininga.
__
DON'T FORGET TO FOLLOW, VOTE, AND LEAVE A COMMENT. THANKS.
YOU MAY FOLLOW MY PAGE ON FB: VANESSACHUBBY
GIVE OUR WRITERS PAGE A LIKE AS WELL: THEROMANCETRIBE
THANKS.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro