Chapter 14
"Makalaglag-matris." Gustong matawa ni Agwee. Hinigit siya ni Pipay papasok ng silid at sinipat ang kanyang mukha. "Ate, kulang ka pa ng makeup."
"Ano ka ba?"
"Ate, kung ganoon kaguwapo at kasosyal ang jowa mo, kailangan mong bumagay."
"So sinasabi mong hindi ako bagay?"
"Medj."
"Bruha ka!" singhal niya, natatawa na naiinis. Bigla tuloy siyang na-insecure. Ganoon ba talaga kalayo ang agwat ng hitsura niya kay Davide? "Hoy, para sabihin ko sa 'yo, madaming nagkakagusto sa akin."
"Tulad ni Kuya Usme?"
"At bakit? Guwapo naman si Usme. Crush mo nga 'yon, 'di ba?"
"Nandoon na ako, Ate, sa guwapo si Kuya Usme, kahit napakabantot ng pangalan. Pero iyong kaguwapuhan naman ni Kuya Usme eh guwapong pang-probinsiya."
"Hindi rin!" pagtatanggol niya. "Kaya nga madaming nagkakagusto doon dahil galing sa Maynila, saka pormang Maynila. Tumigil ka nga. At ano rin ang masama sa probinsiya? Baka nakakalimutan mong pareho tayong promdi?"
"Ate, itong mga kalyo ko sa kamay eh forever na ipapaalala sa akin na naggagapas ako ng palay. Ang sinasabi ko lang, kapag itinabi mo si Kuya Usme kay Kuya Davide, magmumukhang alalay ang ex mo. Kaya please lang, 'wag mo nang ipaglaban ang opinyon mo. Kumbaga sa tinapay, sa mundo ng mga pan de coco, may isang Gardenia—si Kuya Usme iyon. Pero si Kuya Davide, siya iyong mga tinapay na ginawa ng mga chef, mga gateau, ganyan."
"Anong gatow?"
"Gateau, Ate, iyong mga French cake ba."
"At ano naman ang nalalaman mo sa French cake-French cake, aber?"
"French ang jowa ko ngayon. Sa sobrang busy mo, hind ko na nasabi sa 'yo. Naka-chat ko, ate, at malay mo, siya na pala ang susi sa pangarap ko. Pero saka na natin pag-usapan ang Pranses ko, pag-usapan muna natin ang jowa mo. Grabe, sobrang guwapo at ang bango-bango, Ate. Para bagang hindi ka pa naikakasal, tinatawag ka na ng honeymoon."
Pinitik niya ito sa labi, saka inambaan. "Baka gusto mong makipag-honeymoon sa kamao ko? Tumigil-tigil ka diyan, Pipay, ha? Masyado ka pang bata para sa mga pinagsasabi mo diyan."
Humaba ang nguso nito. "Bata pa ba ako sa ganitong edad, eh, wala na nga akong kaedad dito sa atin na wala pang pamilya. Hindi mo ba napapansin, Ate, na dito sa atin, matandang dalaga na ako? Eh, paano ka pa? Kunsabagay, ikakasal ka na kaya titiwalag ka na sa samahan."
Hindi alam ni Agwee kung matatawa o maiinis kay Pipay, kahit totoo ang sinasabi nito. Hindi na bago sa kanilang lugar ang pag-aasawa sa edad na disi-otso. Acceptable na iyon. Hindi na niya mabilang ang mga taong nagtanong kung kailan daw ba siya mag-aasawa kahit wala pa siyang treinta. Ganoon siguro sa mundo kung saan maagang nag-aasawa ang mga tao. Pero ikakasal na siya at sana ay magkaanak agad, dahil sa kabila ng lahat, excited siyang magkaroon ng anak. Iyon lang, hindi pa niya sigurado kung paano nila maa-achieve ni Davide iyon.
Hindi pa rin nawawala sa isip niya ang posibilidad na beki si Davide. Siyempre, hindi niya madiretso ng tanong ang lalaki dahil ayaw niya itong mapahiya. Iniisip din niya madalas kung sinabi na ba nito sa paraang hindi direkta at masyado lang siyang manhid at literal para hindi iyon maintindihan. Tuloy, isa pa iyon sa naging dahilan kaya siya hindi makapagtanong, baka maisip ng lalaki na ang slow niya. Ang mga bagay na iyon ay hindi na kailanman dapat pang malaman ni Pipay dahil siguradong siyang may opinyon na naman ito.
Lumabas na siya, kahit sinasabi ni Pipay na maglagay pa ng kolorete. Hindi siya sanay maglagay ng makeup. Lipstick lang at baby powder, ayos na sa kanya, kahit pa nga ngayon ay parang nagdududa siya sa hitsura, lalo na at naalala ang mga pinapanood ni Pipay sa Youtube na tutorials, kung saan ang mga babae ay sandamakmak ang inilalagay sa mukha. Aminado naman siyang maganda ang ibang resultang nakikita niya pero parang hindi rin bagay kung sa ganitong kaswal na araw lang gagamitin. Baka magtaka si Davide kapag nakita siyang parang a-attend sa party.
Nang makita ang lalaki sa sala ay agad lumakas ang tibok ng kanyang puso. Hindi pa rin siya sanay sa presensiya nito. Kailan kaya siya masasanay? Daig pa niya ang nasa presensiya ng isang artista. May mga pagkakataon pa ring hindi siya makapaniwala na ito ang kanyang mapapang-asawa.
Nakaupo ang lalaki sa sofa at ata agad na tumayo nang makita siya. Ngumiti ito nang bahagya. "Good afternoon."
"Good afternoon. Upo, upo." Ngumiti siya rito. Nang makalapit ay pumuwesto siya sa tapat ng lalaki.
"Do you live here alone?"
"Oo. Iyong nakita mong babae kanina, si Pipay, kung minsan dito siya natutulog."
"I've checked your papers when your father gave them to me. I hope you don't mind. As I understand it, you've just been recently adopted."
Tumango siya. "Hindi nga ako makapaniwala dahil iyong kaklase ko noon, magpapalit lang ng nagkamaling spelling sa birth certificate, inabot ng taon sa pag-aayos, pero saglit lang pala." Lalong nabibigyang-diin sa kanya kung gaano kabilis kumilos ang salapi.
"I just want to know if you've met your father before. I don't need to know really, but I'm curious. I hope you don't mind."
"Walang problema. Bale, kailan ko lang nakilala ang tatay ko. Hindi niya ba sinabi sa 'yo?" aniya. Nang umiling ang lalaki ay nagpatuloy siya. Itinaas niya ang balikat. "Ayos lang naman sa akin. Lumaki akong hindi siya kilala. Alam ko rin ang kuwento nila ni Nanay. Namasukan si Nanay sa kanila, nabuntis. Itong lupaing ito, ibinigay nila kay Nanay para hindi na kami manggulo, at tulong na rin sa pagpapalaki sa akin."
"I see." Patlang. Matagal bago muling nagsalita ang lalaki. "But why did you agree to this? I mean, a father you never knew comes and offers and..."
"Sa katulad na dahilan na ginagawa mo ito, Davide," prangkang sabi niya dahil nakanti. Ano, hinuhusgahan siya nito? Aba, makapal din ang mukha.
"I don't mean offense."
Itinaas niya ang balikat. "Ikaw, bakit ginagawa mo ito? Hindi ba dahil din may makukuha ka?"
"Well, yes. I'm sorry I asked. You just didn't strike me as someone who would do something like that."
"Ikaw din, hindi halatang mukhang pera."
Kumunot ang noo ng lalaki. "Hindi ko gustong mag-away tayo. Mali ang nasabi ko. Pasensiya ka na."
Naiintindihan naman ni Agwee na masyado siyang matalas magsalita pero naiinis siya at hindi niya napigilan ang sarili. Siguro, talagang napuntirya lang siya dahil iyon mismo ang kanyang iniisip at doon siya nito dinale—sa prinsipyo. Bago pa niya naawat ang sarili ay nasabi niya, "At least ako, walang-wala at may utang na kailangang bayaran at may lupaing maiilit. Ito lang ang pag-aari ko sa mundo. Eh, ikaw? Sa palagay ko, isang kotse mo pa lang kayamanan na."
"Let's not start weighing our sins here."
"Sa palagay mo ba komportable ako sa kasal?" aniya, ayaw tumigil ng bibig. Na-trigger na siya, sorry na lang muna. "Ni ayaw ko ngang maisip ang honeymoon. Na-stress ako. Ikaw? Ako? Diyos ko, hindi ko alam kung paanong gagawin. Kahit kailan, hindi ko pinangarap."
Mukhang doon nainis ang lalaki. "Then don't stress yourself out. You don't have anything to worry about, sweetheart, you don't have to do it with me if you don't want to. But make sure you know what you're saying because the last thing I'd expect is a wife who begs to be taken to bed."
___
To support the writer, you may click the star button. You may also leave a comment. If you are in the mood to support the one giving you free reads, you can go to Facebook and like my page:
Facebook: vanessachubby and theromancetribe
If what I say offends you, feel free to unfollow. Toxic readers are not needed here. Bye, Felicia.
Sa mga mababait kong readers, salamat. 'Wag kayong tutulad sa mga toxic dito para always happy tayo.
Thanks!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro