Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 1

Para kay Gaudencio, ang kaniyang buhay ay puro na lamang paghihirap. Lumaki siyang ulila, hindi nakapag-aral, kabilang sa mga nasa laylayan ng lipunan, at para sa kaniya ay isa itong walang katapusang kadiliman.

Nagbago lamang ang lahat simula nang makilala n'ya si Miranda, ang babaing minahal n'ya at nagmahal din sa kaniya, at ang tila walang katapusang kadiliman ay tuluyan nang naglaho nang mabunga ang kanilang pagmamahalan.

---

Isang malamig na gabi, sa isang maliit na kubo na ang tanging liwanag ay mula lamang sa isang gasera, isang iyak ng sanggol ang umalingawngaw.

marahang itinabi ng matandang babae ang sanggol sa tabi ni Miranda. Pawis na pawis si Miranda at hinihingal, ngunit nagawa pa rin nitong ngumiti nang masilayan ang maamong mukha ng sanggol.

"Papangalanan natin siyang Lucia," tuwang-tuwang wika ni Gaudencio.

"Bakit Lucia?" Tanong ni Miranda, "Ibig ko sana siyang pangalanang Tatiana."

"Kasi mahal ang ibig sabihin ng pangalang Lucia ay Liwanag," paliwanag ni Gaudencio.

Ngumiti si Miranda, "Hinango mo pala sa salitang espanyol na Luz, iniba mo lang ng kaunti."

"Kung gayon ay pumapayag ka ba na pangalanan natin siyang Lucia?"

Bumuntong-hininga si Miranda, pero agad din ngumiti, "Sige, pagbibigyan kita Mahal. Basta sa susunod ako na ang dapat masunod."

"Walang problema Mahal," may ngiting sagot ni Gaudencio, at agad niyang hinalikan sa noo ang kaniyang kabiyak.

Sa sumunod na mga taon, makikita sa mga kilos at galaw ni Gaudencio ang kaligayahan, lalo na't alam niya na sa tuwing siya'y uuwi ay may anak at magandang asawa siyang sumasalubong sa kaniya.

Para sa kaniya ay wala ng hihigit pa gantimpala sa halik ni Miranda at yakap ng kaniyang unica hija na si Lucia, at ang mga bagay na ito ay sapat na upang maibsan ang pagod niya sa magdamag.

Tuwing araw ng pahinga, ipinapasyal ni Gaudencio ang anak niyang si Lucia sa tabi ng ilog. Karga-karga niya ito sa kaniyang balikat habang ang banayad na ihip ng hangin ay dumadampi sa kanilang balat, at ang bawat madaanan nila ay nabubulabog sa ingay ng kanilang halakhak.

Tunay ngang wala na sa kadiliman si Gaudencio. Hiling niya na ang mga sandaling ito ay hindi na matapos, at kung maaari pa ay pahintuin na lamang ang panahon.

Subalit...

"Lucia, anak, ayos ka.lang ba?"Napansin ni Miranda ang madalas na pagkusot ni Lucia sa mga mata nito.

"Inay, nanlalabo po ang paningin ko," hayag ni Lucia.

Agad na napahinto ng pagpupunas ng mesa si Miranda. Naghugas ito ng kamay at inusesa ang mata ng anak.

Sakto din naman na pumasok si Gaudencio. Galing siya sa balon dala-dala ang mga hinugasang pinggan at kubyertos

"Oh, anong problema?" tanong ni Gaudencio nang makita ang kaniyang mag-ina.

"Mahal, nanlalabo ang mga mata ni Lucia at tila namumula pa," nag-aalalang sumbong ni Miranda.

Agad din na lumapit si Gaudencio sa kaninyang anak. Tinignan niya ang mga mata nito, at makalipas ang ilang saglit ay agad siyang ngumiti, "Huwag kayong mag-aalala, kusa din iyan gagaling. Nagkaganiyan din ang mga mata ko noong bata pa ako."

Nagtiwala ang mag-ina sa mga sinabi ni Gaudencio, ngunit sa paglipas ng maraming araw ay tila salungat ang nangyari. Ang paningin ni Lucia ay lalong lumabo.

"Mahal, mukhang kinakailangan na natin mapatingnan si Lucia sa doktor," nag aalalang wika ni Miranda habang sila ay nakahiga na sa higaan.

"Sige Mahal," sagot ni Gaudencio, "bukas na bukas din ng umaga ay tutungo tayo sa bayan."

Kinabukasan, bukang liwayway pa lamang ay nilisan na nila Gaudencio ang Hacienda. Naglakbay sila patungong bayan gamit lamang ang lumang kalesa at kabayo na ipinahiram sa kanila ng isang kaibigan.

Agad din naman silang nakahanap ng pagamutan nang makarating sa bayan, at matapos sumailalim ni Lucia sa mga pagsusuri, kinausap ng Doktor si Gaudencio nang mag-isa sa labas ng silid-gamutan.

"Ginoo, paumanhin ngunit ang kalagayan ng inyong anak ay ay higit sa maaari kong gamutin," pagtatapat ng Doktor.

"Anong ibig niyong sabinin?" bakas ang pagkabagabag sa mukha ni Gaudencio.

"Ang inyong anak ay maaaring mabulag," sagot ng doktor, "Agarang operasyon lamang ang makakapagsalba sa kaniyang paningin, at hindi ito maibibigay ng aking munting pasilidad."

"Wala na po ba talaga kayong magagawa?" Tanong ni Gaudencio na halos maluha na.

"Paumanhin Ginoo, tanging--"

Naputol ang sasabihin ng Doktor nang biglang lumuhod sa harapan nito si Gaudencio, "Maawa po kayo Doktor. Handa po akong magpaka-alila sa inyo pagalingin niyo lamag ang aking anak."

"Pakiusap, tumayo po kayo Ginoo," pinatayo ng Doktor si Gaudencio, "Alam kung mahirap ito para sa inyo, at ako'y totoong naaawa din sa kalagayan ng inyong anak, pero paumanhin talaga sa inyo, hindi po natin maaaring ipilit ang operasyon sa ganitong limitado na pasilidad ko. Ang magagawa ko na lamang ay bigyan kayo ng medisina sa pag-asang mapapabagal natin ang paglala ng paningin ng inyong anak."

Makalipas ang ilang minuto, muling pumasok sa silid-gamutan si Gaudencio kasama ang Doktor. Pinilit itago ni Gaudencio ang lungkot sa pamamgitan ng simpling pag ngiti sa kaniyang mag-ina.

Agad din na nagbigay ang Doktor ng medisina, at si Gaudencio ay agad din nag-abot ng salapi bilang kabayaran, ngunit magalang itong tinanggihan ng Doktor.

"Salamat na lang Ginoo, itago niyo na lang ho yan, ituri niyo na lang ho yan bilang karagdagang tulong ko sa inyo."

Agad nang nagpaalam sila Gaudencio sa Doktor, at kanilang nilisan ang paggamutan, at ang salaping dapat ay ipangbabayad ay ginamit niya na lamang upang dalhin ang kaniyang mag-ina sa isang kainan.

Naging panatag naman ang loob ni Miranda dahil sa gamot na ibinigay sa kanila ng Doktor, ngunit napansin niya ang kakaibang lamlam sa mga mata ni Gaudencio habang sila'y kumakain.

"Mahal, ayos ka lang ba?" pangangamusta ni Miranda sa asawa.

Ngumiti naman si Gaudencio, "Oo mahal, ayos lang ako mahal, medyo inaantok lang."

Kilalang-kilala ni Miranda ang kaniyang kabiyak. Alam niyang may itinatago ito sa kaniya, ngunit minabuti niyang huwag na muna itong usisain sapagkat iniisip niyang ito'y may dahilan.

---

Kinagabihan, habang nakahiga na ang mag-asawa, at tulog na si Lucia sa gitna nila, dito na naisipan ni Miranda na kausapin ang kaniyang kabiyak.

"Kanina ko pa napapansin na tila balisa ka yata mahal. May nais ka bang ibahagi sa'kin?"

Nakatingin lamang sa itaas si Gaudencio nang sandaling iyon, at siya'y napabaling ng tingin sa kaniyang kabiyak. Balisa nga ang mukha nito at ito'y sumagot, "Oo mahal... Paumanhin at hindi ko nasabi sa iyo kanina, pero kasi si... Si Lucia... ayon kasi sa Doktor ay maaari daw siyang mabulag."

Hindi makapaniwala si Miranda sa inihayag ng asawa, "Ano mahal? Mabubulag si Lucia? Pero nabigyan na tayo ng gamot ng Doktor, siguro naman ay magiging maayos na ang paningin ni Lucia?"

"Ang gamot ay upang mapabagal lamang ang paglala ng paningin ni Lucia," paliwanag ni Gaudencio.

"Gaudencio, mahal..." nagsimula ng mamasa ang mga mata ni Miranda, "Kung gayon anong gagawin natin? M-May solusyon ba na nabanggit sa'yo ang Doktor?"

Saglit na natahimik si Gaudencio bago sumagot, "Kinakailangan daw sumailalim sa operasyon ni Lucia sa lalong madaling panahon."

Tuluyan na ngang napaluha si Miranda. Niyakap na lamang ang natutulog na si Lucia. Hinalikan niya ito sa pisngi at nagsabi, "Huwag kang mag-alala anak, gagawa ng paraan ang itay at inay."

Biglang bumagsak ang mga luha ni Gaudencio habang pinagmamasdan ang kaniyang mag-ina.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro