Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 25

Wilfredo's & chill

•••

Tinungo namin ang isang pub na walking distance lang ang layo sa shop. Umorder muna kami ng pampulutan at beer...umorder pala sila dahil wala naman akong kamalay malay sa mga ganito.

"Pambansang bulaklak daw 'to sabi ni lance." sambit ko habang kumukuha ng pulutan na chicharon bulaklak.

Umorder din kami ng sisig rice at tokwa't baboy. May drinks din na four season at coke...hati kami ni lucas sa gastos.

"Boss madam, kung ayaw mo uminom ng beer, ayos lang naman hindi ka namin pipilitin." sabi ni margarita habang patagay na.

"Mag chillax ka lang diyan, sining. Ikaw na bahala sa pagpapahinga, kami na sa pag-inom." sabi ni mhai na tumitikim din ng pulutan.

"Oo nga," sambit ni lucas na nakaupo sa may tabi ko, umiinom ng beer. "Hindi ka namin pipilitin...may coke naman dyan." dugtong niya.

Maya-maya pa ay dumating si lance, nag-aagaw hangin. Medyo malapit lang naman daw ang lugar na ito sakanilang bahay sabi niya pero mukhang tumakbo ng ilang milya kalayo.

Ang aming venue ay isang hindi kalakihan na pub na kilala sa lugar. Bandang alas singko ng hapon ay nagbubukas na sila. Parang outdoor style ang pub na ito...Wilfredo's ang pangalan. Hindi ko alam kung anong origin ng resto bar name nila...baka pangalan ng may-ari o sino man. Maliwanag ang paligid, dilaw ang ilaw ng mga nakalinyang bumbilya at mga modern lantern style na nakasabit sa sanga ng malaking puno. Sa gilid malapit sa pwesto namin nakaparada ang mga sasakyan ng mga customer nila.

Pinagdugtong namin ang dalawang mesa upang maging mahaba at magkarsya kaming anim. Sa bandang harapan ay isang maliit na stage na kung saan may nakaset-up na sound system para sakanilang munting banda o sa kung sino man ang gustong kumanta o magtanghal sa harap.

"Ano 'yan, sining? Pambatang inumin? Coke? Heto, oh! Inom!" sabay abot sa akin ng isang beer ni lance.

Napapagitnaan namin ni lance si lucas. Sa katapat ko naman si mhai, si margarita ang katapatan ni lance. Napapagitnaan ng dalawa si cheng.

Kinuha ko naman ang kaniyang inabot na serbesa. Inikot-ikot ko ito ng dahan dahan atsaka inamoy...hindi ko bet ang amoy niya. Hindi ko pa maipaliwanag kung ano 'yong amoy ng inumin na ito. Halatang pangit ang lasa! Halatang ikasusumpa ko!

"First time mo ba? Virgin ka pa sa alak?" tanong ni lance.

"Oo, eh...ngayon yata ako mabibinyagan?"

"Sige, tikman mo! Kasama sa buhay ang pag-inom! What is life kung hindi ka pa nakatikim ng alak, 'di ba?" pamimilit ni lance.

Tinignan ko ang mga kasama ko na nakapokus lang ang tingin sa akin at sa hawak kong serbesa. Wala akong magawa kundi gawin na lang ang nais na ipagawa ni lance. Dahil ayoko sa amoy nito, pinisil ko ang aking ilong at pinikit ang aking mga mata.

Painom na sana ako no'n no'ng bigla akong inawat ni lucas. Kinuha niya sa akin ang beer atsaka itinabi sa gilid ng kaniyang pagkain.

"Sabi ko 'di ba huwag mo pilitin kung ayaw mo talaga." aniya, parang isang tatay na pinagsabihan ang anak in a calm way.

"Pre, KJ ka?! Kaya ka single kasi ang KJ mo! Crush mo si sining, noh?" sabat ni lance.

Napa-iling si lucas sa kaibigan.

"Wala ka pang naiinom may amats ka na agad?" aniya rito.

"Ang pangit mo minsan ka-bonding pre!" sabi ni lance.

"At least ako pangit lang ka-bonding, eh, ikaw? Pangit literal."

Natawa kami sa ganti ni lucas. Iyong mukha ni lance hindi maipinta. Nainis siguro o hindi lang matanggap na sinabihan siyang pangit.

"Grabe! Unfriend ko na 'to mamaya sa facebook!" sambit ni lance habang kumakain ng sisig at tinuturo ang kaibigan niya. "Lahat ng tao ayaw na po sa'kin! Lord, take me back! Kunin niyo na po ako ngayon dito!" pagdadrama niya habang nakataas ang dalawang kamay at nakatingala sa langit.

Hindi pa 'yan lasing sa lagay na 'yan.

"Nag chat 'yong diyos sa'kin, lance. Sabi niya, no vacant na raw." natatawang sabat ni margarita.

"Pota. Nanay ko na lang talaga hindi ako tinatakwil." malungkot na sabi ni lance at sabay inom ng kaniyang beer.

Nagsimula na rin ang pagtanghal ng hindi kilalang banda rito sa pub. Kumakanta ng mga sikat na kanta. Habang busy ang aking mga kasama sakanilang pagkain, kinalabit ko si lucas.

"Pupunta ba sila jaq at niccolo?" tanong ko sakaniya.

Umiling ito.

"Bakit?"

"Iyong kupal lang naman na 'yan," sabay turo kay lance, "Ang niyaya ko." dugtong niya.

"Bakit?"

"Wala lang...naisip ko lang na baka kalaro ni jaq si art o katawagan no'ng mag-ama si xowie. Si niccolo medyo kailangan ng pahinga no'n lalo na sa isip...sawi 'yon ngayo eh, atsaka hindi magandang combination si niccolo sa inuman. Si lance..."

Napatingin siya sa kaibigan na busy sa pakikipagkwentuhan kina margarita at kanina pa panay inom na akala mo ay softdrinks lang ang alak para sakaniya.

"Kaya ba si lance kasi he can brighten up the mood? Hindi ka maiilang?" sambit ko.

"Yeah, that too. Mga eighty percent na gano'n nga." aniya sabay balik ng tingin sa harap. "Pero 'yong nineteen point nine percent ay hindi kasi siya tumatanggi kapag inuman." dugtong nito.

Napangisi lamang ako.

"So, ano 'yong natitirang point one percent?"

"Mas kailangan niya kasi. Madami na siyang problema tapos gusto niya pang dinadagdagan 'yon. Sinusuportahan ko lang siya sa mga life decisions niya." seryoso niyang sambit.

"Ibang klase talaga kayong magkakaibigan,"

Nakatingin lang ako kay lucas habang hindi inaasahang mainom ang beer na naitabi niya sa gilid. Para akong masusuka no'ng matikman ko ito. Natawa naman sila margarita at lucas samantalang si lance ay nagbubunyi sa nangyari.

Hawak hawak ko pa rin ang baso pero 'yong mukha ko ang pait ng timpla. Naningkit ang tingin ko sakanilang lahat.

"Sige, inom pa! Don't be shy, sining! Hindi dapat sinasayang ang grasya! Ang alak ay gawa ni hesus at binebenta nila mama mary kaya inom!" bulalas ni lance.

Hindi ko alam kung anong expression ang pinapakita ko sakanila pero naiirita ako ngayon lalo na kay lance. Tinuturo turo ko rin siya. Gusto ko magbitiw ng masamang salita dahil sa sinabi niyang kalokohan para lang mapainom ako ulit.

"Alam mo, boss madam, sining, hindi mo naman kailangan pigilan ang lahat sa harap namin, eh. Kung gusto mo murahin 'to si lance, go! Walang pipigil! Support ka pa namin!" sabi ni margarita.

Sumang ayon naman ang iba, si lucas walang imik pero nakatingin din sa akin. Si lance nag-chi-cheer pa para uminom ako ulit. Wala akong nagawa kundi bumigay sa pagpupumilit nila. Pinikit ko ang aking mata at pinisil ang aking ilong sabay tungga. Agad ko namang nilunok ang alak at tinuro si lance...

"Gago ka!" sigaw ko sakaniya na nagpasabik sakanilang lima at nagpahiyaw pa nga. Natawa na lang rin ako sa aking sinabi, nakatakip pa ang isa kong kamay sa aking labi dahil na rin sa hiya.

Hindi ako makapaniwala na sinabi ko 'yon? Na kaya kong sabihin 'yon sa harap ng madaming tao kagaya ng iba. Iyong alam kong mali ang salitang binitawan ko pero nakakasabik sabihin.

"Grabe!" sambit ni lance na nag-pe-fake cry pa, "I trained you well, sining!" dagdag niyang pagdadrama.

Naiyak na lang rin ako sa kakatawa at pinunasan ang aking luha mula sa kagalakan.

"Okay ka lang?" tanong ni lucas.

"Oo, medyo nakakahiya rin pala magmura."

"Ayos lang 'yon, masasanay ka rin. Hindi naman ibigsabihin no'n kapag nagmura ka ay masamang tao ka na agad. Malayo 'yon sa pagpaslang ng tao at pagnanakaw. Hindi naman nakasulat 'yon sa ten commandments."

Tumango-tango na lamang ako sakaniya. Totoo rin naman ang kaniyang sinabi. Hindi porket nagmura ako ay masama na akong tao.

Nagpatuloy ang aming inuman. Pati ako nakakasabay na rin. Dinuduga lang ni lucas ng tagay si lance, dinadamihan niya ang lagay sa baso nito kumpara sa amin...hindi naman nahahalata ng isa. Inuutakan din kasi agad ni lucas, pagkaabot, pinapa inom na agad kay lance.

"Halatang sanay sa inuman, ah? Baka wala ng magkagustong babae sa'yo niyan lance? Tingin sa'yo lasenggo. Hindi 'yon type ng mga babae sa panahon ngayon." sabi ni margarita.

Tuloy pa rin naman ang inuman pero hinay hinay na kami, pwera sa dalawang lalaki. Medyo umiinit na rin ang buong laman loob ko...epekto siguro ng alak? Naparami na yata ako? Hindi ko alam.

"Let me clarify lang, ha? Hindi ako lassenggo, umiinom lang. Magkaiba 'yon!" sambit ni lance na medyo pasigaw dahil na rin sa malakas na tugtog dito sa venue. Napatingin pa siya kay lucas na parang bata, "Hindi ba lucas? Come on, pre! Support me, come on!" sambit pa niya habang nakayakap sa isa nitong braso.

"Oo, sabi niya, eh." pilit na pagtugon ni lucas na hindi pinapansin ang kaibigan, kundi umiinom lang.

"Ano ba 'yong tipong lalaki para sa..." hindi na natapos ni lance ang kaniyang sasabihin dahil agad naman na sumagot si margarita.

"Iyong kahit hindi gwapo. Kahit hindi matalino. Basta siya ay may puso, siya pa rin ang gugustuhin ko." seryosong sabi ni margarita na may ngisi sa labi.

"Tama, tapos hindi kinakailangan na masunurin sa magulang basta't siya ay magalang at mapagkakatiwalaan hahahaha!" sabi ni cheng.

"Manuntok man ng tao, basta ba nasa katwiran ito. Manapak man ng gago, basta't hindi basagulero hahahaha!" sabi ni margarita ulit.

"Maginoo rin na medyo bastos hahahaha!" sabi ni mhai.

Nag-apiran ang tatlo at nagtatawanan. Hindi ba't lyrics ng kanta ang kanilang tinutukoy?

"Wait! Hindi, patapusin niyo muna kasi ako! Ano ang tipong lalaki para sa isang tatay, ha? Iyong magugustuhan ng isang tatay para sa anak niya? May daddy issue kasi ako, tangina. Feeling ko rin na ayaw rin sa akin ng diyos ama, eh! So, mga babae, ano nga?" sambit ni lance habang malambing pa rin kay lucas.

"Hindi ka ayaw ng diyos ama, lance! Mahal tayo ng diyos equally!" sabi ni margarita, makadiyos kasi ang babaeng 'to.

"Alam mo mga tipo nila?" sabat ni lucas.

"What, pre?" tugon ni lance.

"Simple lang, 'yong hindi ikaw."

"Ahh! Papi, you meanie!" natatawang sabi ni lance habang malambing nitong hinahampas ang braso ng kaibigan.

"Hayuuuup! Ang cute niyo tignan! Hahahaha!" bulalas ni margarita.

"I love you, pare." malambing na sabi ni lance habang ngiting-ngiting nakatingin kay lucas.

"Hindi kita mahal, pare! Bitawan mo nga ako!" sagot ni lucas...seryoso ang tono. Marahil sa kaloob looban nito ay nangingilabot na kaya pinipilit palayuin si lance sakaniya.

"Mahalin mo naman ako, oh?"

Nakita ko ang paglambing sa mga mata ni lance. Ganito ba siya kapag lasing na? Masyadong clingy?

Nilayo lang ni lucas ang kaniyang tingin sa kaibigan, sumuko na sa paghawi sa kaibigan...pero dahan dahan nitong ginulo ang buhok ni lance na parang bata. Nakangiti lang si lance, gustong gusto ang pag-a-amo sakaniya na parang isang alagang tuta.

Tumagal pa ang kasiyahan dahil si lance ay hindi namin maawat. Kaming lima patikim tikim na lang ng beer pero siya ginawa niya na iyong tubig. Napilit pa nga niya kaming mag-ambag ambagan para sa panibagong order. Hinayaan na nga lang din namin siya no'ng magpresenta siyang kumanta sa harapan.

Maayos ang kaniyang tindig, may binulong sa lalaking naggigitara sakaniyang gilid. Nag fake laugh pa nga siya tsaka nag-feeling pro singer ang awrahan sa harap habang hawak hawak ang mikropono.

Nagsimula na ang tugtog, pamilyar ang tono. Nakapikit ang kaniyang dalawang mata. Alam namin na malumanay ang aawitin niya. Napakinggan ko na siya kumanta dati sa school noong foundation. Siya iyong nagbokals sa fourth year representative noon na kinagulat ko naman dahil maganda ang boses niya.

"Close your eyes, open your eyes, close again..." seryoso niyang pagkanta na halos magpasamid sa aminng lima rito.

"I don't want to close open, do you understand? I don't understand...Am I only dreaming? Yes you're dreaming, I am dreaming too..."

Napa-face palm na lamang ako. Maganda nga ang kaniyang boses pero walang kwenta 'yong kinakanta niya.

"Wooh! I love you, papi! Hahahaha!" pag-chi-cheer ni margarita na sinabayan pa ng dalawa. Tahimik lang kami ni lucas na nakikinig.

"I believe, you believe, we believe. I watch you watch me watch you, you are watching me...Am I watching you? We will watch each other...Is this burning? An eternal phlegm!"

Noong matapos na siyang kumanta sa harap ay hihirit pa sana ng isa pa ang loko, napilitan na lang kami ni cheng na kaladkarin siya pabalik sa pwesto namin at para ayain na siyang umuwi dahil anong oras na...mayayari na ako.

Nag commute sina mhai at cheng. Si margarita aangkas sa akin hanggang terminal ng jeep. Si lance ay nakaangkas kay lucas kaso mukhang malakas tama ng isa...medyo natutumba sa likod ni lucas.

"Ingat ka lucas, ha? Baka malaglag 'yong isang 'yan...makaladkad pa." sambit ko.

"Kapag nakaladkad e di nakaladkad. Kasalanan naman niya 'yon, eh."

"Sabi ko nga,"

Isang kamay ni lucas ay nakahawak sa manibela ng kanyang motor, iyong isa nakahawak sa nakayakap na si lance sakaniyang tiyan. Nauna sa amin umalis sila lucas, may kabagalan ang pagtakbo nito.

"Sundan kaya natin sila? Baka mapahamak, eh. Back up-an natin si lucas?" sabi ni margarita na nasa aking likuran.

Sinunod ko naman ang kaniyang utos. Sinundan namin si lucas na aware naman siya. Mabagal ang takbo ni lucas dahil si lance ay gumegewang gewang pa. Sa tagong mga eskinita pa kami dumaan para hindi mahuli dahil kapansin pansin na lasing nga si lance at baka mapahamak pa si lucas kung may nagpapatrol sa dis oras ng gabi.

Sa isang maliit na apartment building kami tumigil. Kumatok ng malakas si lance sa isang gate roon at lumabas ang isang babae na may edad na...mama yata ni lance.

"Tanginang bata ka! Umalis ka para uminom?! Lasing ka noh!?" pagsigaw nito agad sa anak niya pagkalabas na pagkalabas ng gate.

Napakamot lang sa batok si lance at ngumingiti ngiti na lalong nagpaasar sa mama niya.

"No, ma'am!" sagot ni lance.

Timang talaga ang isang 'to, halatang halata na.

"Lucas, lasing ba 'tong hinayupak na ito?" wika ng mama ni lance na may pagturo sa anak. Galit ang tono nito at matapang ang bigkasan.

May kaliitan at katabaan dahil siguro sa edad at marahil panganganak. Naka boy cut ang gupitan, 'yong kilay niya parang linyang iginuhit na lamang, naka daster na maroon...iyong may manggas...bulaklakin. Siya ang definition ng isang asian mom. Nakakatakot siya maging nanay.

"Opo, tita. Pahirapan din po siyang pauwiin...wala pa kasing balak. Kayo lang daw makikita niya pag-uwi, mas mabuti ng hindi umuwi raw." pagsisinungaling ni lucas. Pagganti niya yata sa pinagdaanan niya para lang ma-i-uwi ng ligtas si lance sakanila.

"Luh, wala akong sinasabing gano'n, nay!" depensa ni lance, nagising na yata dahil sa pagpingot ng kaniyang mama sakaniyang tainga.

"Tangina ka talagang bata ka! Dapat 'di na lang kita iniluwal! Nilunok o tinae na lang sana kita! Peste ka! Pasok!" galit na bulalas ng mama ni lance at pinaghahampas ang anak niya sa ulo, sa likod, sa braso at sa puwetan ng kaniyang tsinelas.

Tumakbo naman papasok si lance, hindi na tuloy nakapagpaalam sa amin.

Noong mapansin naman kami ni margarita ng mama ni lance, wala naman siyang sinabi pero tinuro niya kami at tinignan si lucas...nagtanong sa pamamagitan lamang ng tingin.

"Ahh, wala pong syota si lance r'yan sa dalawa. Tinulungan lang nila ako mahatid 'yong anak niyo po tita papunta rito. Tropa po sila." sabi ni lucas.

"Opo, tita. Hindi po namin trip anak niyo, eh." pagbibiro ko.

"Ahh, mabuti naman at malinaw pa mga paningin ninyo." tugon niya.

Kahit nahihilo at nananakit na ang ulo ko, pinilit ko pa rin ang sarili ko na sumama rito at hindi na dumiretso sa pag-uwi. Parang drum na nga 'yong utak ko, eh. Kumakabog kabog sa loob.

"Sige po tita una na po kami." paalam ni lucas na sinundan din namin.

"Osige mag-iingat kayo, ha? Good night! Salamat!" kalmadong paalam ng mama ni lance bago pumasok sa loob at isara ang gate nila.

Mabait naman pala...kay lance lang hindi.

Pinagana na namin ang motor, si margarita nakatayo pa rin sa gilid ko hinihintay ang senyas ko kung pwede na siya sumakay sa likod.

"Sa terminal ng jeep ka 'di ba, margarita?" tanong ko.

"Yes, boss madam."

"Doon ka pa rin ba sa baranggay natin nakatira? Anong alley ka?" biglang sabat ni lucas.

"Alley fifteen. Bakit?" tugon ni margarita.

"Sa akin ka na sumabay, alley eighteen ako."

Agad naman sumakay sa likod ng motor ko si margarita. Nakahawak ang dalawang kamay nito sa aking balikat.

"Ayoko nga, baka mamaya singilin mo ako sa ninakaw ko sa'yong bike dati. Ang mga nauutangan ay hindi nakakalimot!" sambit ni margarita.

"Sabi mo, eh." tanging tugon ni lucas bago lumarga.

Gusto ko na talagang dumiretsong uwi dahil sumasakit na talaga ang ulo ko at kailangan ko ng magpahinga. Pero binalewala ko na lang muna iyon at inihatid si margarita hanggang sa terminal ng jeep.

•••

Pagkauwi ko ng bahay, hindi ko na alam kung anong oras na ba pero nakakasigurado ako na mga bandang madaling araw na.

Pagbukas ko ng pinto, ipapasok ko pa lang sana ang duplicate key sa keyhole no'ng napansin kong bukas ito. Bumungad sa akin agad si papa na nakaupo sa sopa...may tasa na nakapatong sa mesita.

"Bakit ngayon ka lang? Saan ka galing, ha? Sino kasama mo?" dirediretso niyang pagtanong pagkapasok ko.

Napabuntong hininga na lamang ako. This bring back memories noong college ako...kapag na-le-late ako ng uwi o kapag nahuhuli akong tumatakas sa gabi. Pero wala ako sa mood para sermonan at magpasermon. Masakit ang ulo ko...sobra. Masama rin ang pakiramdam ko na hindi ko maipaliwanag. Gusto ko na lang mahiga, matulog, at magpahinga.

"Sagutin mo ako, sining! Saan ka galing? Sino kasama mo, ha? Alam mo ba kung anong oras na ha!? Hindi kami nakatulog kakahintay sa'yo!" galit na sigaw ni papa, napakamot na lamang ako sa aking kaliwang tainga.

"Bakit? May sinabi ba akong hintayin niyo 'ko? Nasa akin ba ang higaan ninyo? Pambihira naman! Pati higaan ninyo at pagtulog ninyo ako pa mamomoblema!?" sambit ko sa aking isipan lamang, hindi ko magawang ilabas at sabihin kay papa.

Narinig ko ang yabag ng paa mula sa itaas pababa sa hagdan. Si mama nakikinig sa amin. Napabuntong hininga na lamang ako ng malalim.

"Pwede huwag po muna ngayon? Wala po ako sa mood." pakiusap ko.

"At bakit? Alam mo ba kung anong oras na, ha? Uwi ba ng isang dalaga ang ganitong oras? Umamin ka nga, may lalaki ka na noh!?" galit na sabi ni papa.

Napakamot na naman ako sa aking tainga. Irita ang expression na naipapakita ko sakaniya. Lumapit si papa sa akin at maya-maya ay inamoy amoy ako.

"Sabihin mo nga sa akin, sining, uminom ka ba?" seryosong tanong ni papa na nagpakaba sa akin ng kaunti.

"Sabihin mo sa akin...uminom ka ba!?" galit na niyang tanong.

Hindi ako umimik.

"At sino kasama mo, lalaki? May lalaki? Tumawag ako sa boss mo sabi niya on time ka umuwi kanina...alas singko! Akala ko nasa store ka lang, hindi ko alam kung saan 'yon pero alam ko na alas syete dapat nandito ka na! Tapos ano 'to? Anong oras ka na umuwi tapos malalaman ko na uminom ka?! Ano na lang sasabihin sa atin ng mga kapitbahay, ha? Na pabaya kaming magulang? Pinalaki ka namin ng maayos tapos gusto mo maging kagaya sa mga babaeng pabaya sa buhay? May bisyo? Bisyo mo ba pag-inom!?"

Ang sakit ng ulo ko...nakakarindi!

"Nakita mo ba mama mo na may bisyo? Na umiinom? Gawain ba 'yan ng isang babaeng pinalaki ng maayos, ha!? Tama ba 'yan? Kasama mo ba 'yong lalaki mo ro'n? Nag-inuman ba kayo? Gusto mo 'yong lalaking pala-inom? Nakakahiya ka, sining! Nakakadismaya ka!"

Paulit-ulit. Nakakarindi. Ang sakit pa ng ulo ko.

"Kailan ka ba hindi nadismaya sa akin? Kapag sinusunod kita kahit labag sa kalooban ko? Kapag may napapala ka sa akin? Kapag may pera ako? Sanay na ako na dismayahin ka...ayon lang naman ang madalas kong kayang gawin sa'yo. Maging disappointment at sama ng loob." sambit ko sa aking isipan, pangungusap na wala akong lakas ng loob na sabihin sakaniya.

"Ano sining? Sagutin mo ako!"

Paulit-ulit. Nakakarindi. Nakakapagod. Nakakasawa. Ang sakit pa ng ulo ko...kumakabog kabog na.

"Kung ganito lang din pala maaabutan ko sana hindi na lang pala ako umuwi." bigla kong nasambit dahil sa inis. Medyo may kalakasan din na sigurado akong narinig ni papa.

"Anong sabi mo?"

"Kung ganito lang din pala maaabutan ko sana hindi na lang pala ako umuwi." pag-ulit ko.

"Porket may trabaho ka na sa tingin mo kaya mo na sarili mo? Ha!? Malakas na loob mo dahil may trabaho ka na? Gano'n ba 'yon, sining? Gusto mo na ba lumayas? Lumayas ka! Sige, lumayas ka! Huwag ka na bumalik! Lumayas ka!"

Gusto ko na talaga magpahinga.

"Ano? Lumayas ka na!" sigaw ni papa.

Tapos parang wala sa katinuan binuksan ko ang pinto at lumabas. Wala akong imik, wala akong sinasabi, nagmamadali lang ako maglakad para makalayo. Lalapitan ko na sana 'yong nakaparada kong motor kaso biglang sumigaw si papa.

"Iwan mo 'yang motor mo rito! Huwag mong dalhin 'yan! Lumayas ka na!" bulalas niya.

Hawak hawak ko ang susi ng aking motor. Hindi ko alam kung bakit pati ito inaangkin niya, eh, pera ko naman ginamit pambili rito...pinangalan niya lang na sakaniya.

Pero wala akong nagawa, binato ko sa lapag ang susi atsaka naglakad palayo. Nilabas ko ang aking cellphone at nag-isip kung sino ang pwede kong kontakin para pansamantalang tuluyan ko. Hindi pwede si jaq, may anak at girlfriend 'yon. Mas lalong hindi din pwede sa mga kaibigan niya...nakakahiya...hindi ko naman sila gano'n kakilala. Si margarita sana kaso may anak 'yon at nakatira sa bahay ng nanay niya. Sina cheng at mhai naka dorm naman. Huling naisip ko ay sina lycka at ellen. Tinawagan ko sila kaso hindi naman sumasagot...baka tulog na. Nag-iwan na lamang ako ng message sakanila.



Sining Fedeli: Lumayas ako sa amin. Wala akong pera at wala din matutuluyan...baka pwede diyan muna ako sainyo?



Nang marating ko ang poste sa labasan namin, sa hintayan ng jeep, pumara ako at sumakay. May pera naman talaga ako na hawak...'yong kita kahapon sa shop. Iyong ATM card ko na kay papa dahil siya ang humahawak ng sahod ko sa trabaho. Tanging magiging source of income ko na lang ngayon ay ang sa shop.

Nang marating ang aking shop, binuksan ko ito. Binuksan ang mga ilaw, kumuha ng karton sa storage room at nilatag ito sa may lapag ng counter table. Doon ako humiga. Pinikit ko ang aking mga mata, nakapatong ang isa kong kamay roon, 'yong' isa ay nakapatong naman sa aking tiyan.

Sobrang manhid ko na yata dahil hindi ako naiiyak...gusto ko na lamang matulog at magpahinga. Hindi ko na rin inaasahan na mas liliwanag pa sa mga susunod na araw dahil kailanman hindi na 'ko nakaranas masinagan ng bagong pag-asa. Sa kabila ng lahat ng aking pagsisikap, wala man lang akong napapala.

I'm so tired of being blamed for the things that I can't control.

•••

TBC.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro