Kabanata 18
Waiting shed
•••
Alas singko na no'ng lisanin namin ang lugar. Nagising ako sa kalagitnaan ng pag-uusap nila kuya jayson at papa.
"Sinabihan ko roon na lang banda sa atin ituloy 'yong lamay. Pa-rent ka kuya ro'n sa extrang pa-bahay sa may labasan mamaya para madala na rin agad. Para mas madami makadalaw kay lolo...mas malapit at madali puntahan sa lugar natin." sabi ni kuya jayson.
Nagpanggap na lamang akong tulog. Nakaunan ako sa hita ni mama at hinahaplos nito ang aking buhok ng dahan dahan.
Napansin kaya ni mama na umiyak ako? Sana hindi.
Alas syete na kami nakauwi sa amin. Alas nuebe ang simula ng defense ko sa school at usapan namin ay alas otso dapat nandoon na para mapaghandaan ang pagkain na ibibigay namin sa mga panel.
Gusto ko man umabsent dahil magulo ang isip ko pero huling defense na ito at kailangan kong maipasa ito upang matupad ang pangarap nila papa na makapagtapos ako at maiahon sila sa kahirapan. Atsaka next week na rin malalaman ang list ng mga ga-graduate at ang pictorial for graduation at practice for graduation.
"Isantabi mo muna nararamdaman mo sining. Hindi naman 'yan importante sakanila." sabi ko sa sarili ko habang nakatingin sa salamin at inaayos ang formal attire ko.
Wala sina mama at papa sa baba, baka pinuntahan 'yong rerentahan na lugar para mamaya. Kinuha ko na lang ang pera na nakapatong sa mesa dahil sinabihan naman ako ni mama na nag-iwan siya ng pera para sa akin. Ginamit ko ang e-bike ko patungo sa school. Ang aking bitbit lamang ay ang backpack ko na may lamang laptop at tatlong kopya ng documents na ibabahagi namin sa panelist mamaya.
Pagdating ko sa school, sinalubong ako ng dalawa kong kagrupo. Naghanap muna kami ng mabibilhan ng ipapakain sa panel after no'n nagpractice kami at nagre-cap pero pinipilit kong unawain ulit ang lahat dahil magulo ang isipan ko. Bago sumalang nagdasal muna kami ng taimtim sa isang sulok.
"Lord, universe, please give me strength. Gabayan niyo ako para hindi ako mag-fail sa isang 'to. Ayoko ng dagdagan pa ang mga problema ko. Gusto ko na matapos at mawala ang isang 'to. Bigyan niyo ako ng masayang pakiramdam ngayong araw." pagdarasal ko sa aking isip.
Maganda naman ang naging resulta ng defense namin. Defended. Pero hindi ito ang magandang performance ko...hindi kagaya ng dati. May mga ilang tanong na hindi ko nasagot kaya tinusta ako ng mga panel at nagkarumble-rumble ang mga salitang binibigkas ko...buti na lang at na-back-up-an ako ng dalawa kong kagrupo.
"Sining, sama ka sa'min mag-celebrate? Soju bomb sa bahay namin?" pag-anyaya ni kristal, isa sa mga kagrupo ko.
Nabaling naman ang atensyon ko sakanila dahil ka-text ko si kuya.
To: Kuya James
Kuya...alam mo na?
From: Kuya James
Oo. Nasaan ka ngayon? May pasok ka ba?
To: Kuya James
Nasa school. Kakatapos lang ng defense. Wala na ako klase.
From: Kuya James
Gusto mo chicken joy? Libre ko. Sa dating jollibee? :)
Tumingin ako kina kristal, hinihintay ang sagot ko.
"Pass. Kayo na muna. May pupuntahan kasi ako...kuya ko." sabi ko sa dalawa.
"Ahh, gano'n ba? Sige, sabihan namin si ellen. Ingat ka, ha? Congrats sa atin ulit!"
"Oo, congrats sa atin. Atsaka salamat sa pagresbak. Galing niyo!"
"Wala 'yon! Kung may problema ka, sana ayos ka lang atsaka grupo tayo, tulungan lang!"
Napaisip tuloy ako bigla...kung sino pa 'yong hindi ko gano'n ka-close sila pa 'yong nakaka unawa sa akin.
Nauna na ako umalis at nagpaalam sakanila. Pagdating ko sa jollibee malapit sa school...umakyat ako sa second floor...sa paboritong pwesto namin ni kuya...wala pa siya kaya nag-save na ako ng table para sa amin.
Pagkadating niya may bitbit na siyang tray ng paborito naming i-order dito sa jollibee. C1 sa akin at super meal sakaniya.
Tahimik lang akong kumain ng chicken joy. Swerte ko dahil napunta sa akin ang hita. Gano'n rin ang ginawa ni kuya, tahimik lang kaming kumain. Alam namin na naghihintayan lang kami na may kumibo at magsimula ng pag-uusapan.
"Kumusta defense mo? Defended ba?" panimula niya, nakwento ko rin kasi sakaniya sa text.
"Oo naman. Ako pa ba?"
"Hahahaha sabagay...mahilig ka pala mag-aral." mahina niyang sabi. Nakangiti pa nga siya habang kumakain.
Patuloy pa rin ako sa pagkain ko ng chicken joy. Hindi ko na nga pinapansin 'yong paraan ko ng pagkain dahil kinakamay ko na nga.
"Kayanin mo lang. Nandito lang ako para sa'yo." seryosong sabi ni kuya kaya hindi ko na napigilan pang hindi maluha.
Umiiyak na naman ako habang kumakain ng chicken joy rito sa jollibee. Napaka deja vu!
"Wala ka naman palagi kuya, eh. Kagaya ka lang din ng iba. Huwag ka na mangako sa'kin...sanay naman na ako mag-isa."
Pinunasan ko ang aking mga luha gamit ang aking braso at nagpatuloy na lang sa aking pagkain.
"Malapit pala sa bahay 'yong ipagpu-pwesto sa lamay ni lolo. Pumunta ka na lang doon kung kailan mo gusto...ilang araw naman 'yong lamay. Isama mo na rin 'yong pamilya mo. Kuya pumunta ka, ha? Please?" sabi ko.
Ngumiti lang siya.
Alam kong nagdadalawang isip siya tungkol sa pagpunta dahil nandoon ang buong kamag-anak namin sa side ni papa...nandoon ang pamilya namin. Hindi maganda ang nakaraan niya sa mga 'yon. Hindi rin maganda ang tingin ng iba naming kamag-anak sakaniya dahil doon.
"Huwag ka mag-alala kuya...nandoon ako para sa'yo. Nandito lang ako para sa'yo palagi." seryoso kong sambit.
Ngumiti lang siya ulit.
"May tatlo akong joke sa'yo." sabi niya.
Ayan na naman 'yong korni niyang joke na palagi niyang sinasabi kapag umiiyak ako!
"Ano?" tanong ko kahit alam ko naman na ang sagot doon.
"Joke joke joke!" natatawa niyang sabi tapos nagsimula na naman tumulo ang luha ko sa kaliwa kong mata.
Natawa na lamang ako habang naluluha.
"Ganiyan ka ba kalungkot kumain ng chicken joy? Pinipilit ngumiti sa bagay na paulit-ulit ng dinamdam ng palihim? Huwag ka na kumain ng chicken joy kung gano'n." aniya.
"Pero kuya, ayoko, ito lang 'yong moment na nagsasama tayo at nagkakausap."
"Oo nga, pero ito rin 'yong moment na nakikita kitang umiiyak. Napaka iyakin mo talaga. Tahan na, ha?"
"...kasi sa'yo ko lang kayang ipakita 'yong pag-iyak ko, eh. Sa iyo lang talaga."
Napatigil siya sa pagkain at napahalukipkip siya sa may table. Nakatingin sa akin ng medyo seryoso at nakangiti. Malungkot ang mga tingin. Iyong palagi niyang tingin sa tuwing umiiyak ako.
"Gusto mo ba ng yum burger?" tanong niya.
"Bilhin mo na lang 'yon para sa anak mo. Matutuwa 'yon sa'yo."
"Gusto ko ikaw 'yong matuwa. Ano, gusto mo ba ng yum burger? Kung hindi ka kayang pasayahin ng chicken joy baka yum burger..."
"Gusto ko." nakanguso kong pagsagot.
Binilhan niya ako...apat nga binili niya. Sakto dahil sahod niya raw ngayong araw pero nakonsensya ako bigla dahil mas malaki ang ginastos niya sa akin kaysa sarili niyang pamilya.
"Huwag ka mag-alala ro'n. Sila, tuwing sweldo nakakatikim ng libre ko. Ikaw, bihira lang kaya titipirin pa ba kita?" aniya na nakangiti.
"Kahit na ba..."
"Alam mo, no'ng unang sahod ko sa pinaka unang trabaho ko...bumili ako ng yum burger...kami ng asawa ko...nilibre ko siya. Take out pa 'yon. Tapos doon kami sa bus kumain. Pinalanghap namin sa loob ng bus na 'yon ang sarap ng pag-ahon sa buhay." natatawa niyang pagkwento habang nakatingin sa burger niya.
"Proud ako sa'yo, kuya. Sa lahat ng naging desisyon mo." bigla ko lamang nasabi.
"Ganiyan din ako sa'yo. Palagi. Proud ako sa'yo at kung ano pa mararating mo sa hinaharap. Sa graduation mo ililibre ulit kita, ha?"
"Okay...pero isama mo na rin 'yong pamilya mo. Hindi naman ako nangangagat. Gusto ko rin sila makita ulit."
"Okay."
Natahimik kami saglit. Parehong nakadungaw sa bintana sa aming gilid.
"Kuya...dumalaw ka, ha? Please. Ako bahala sa'yo. At kung isasama mo 'yong mag-ina mo, ako bahala sainyo." sambit ko na parang nagmamakaawa. Nakatingin pa rin ako sa labas.
"Pag-iisipan ko. Pakisabi na lang muna sakanila na condolence."
"Sabihin mo sakanila 'yan ng personal."
Hindi na siya nagsalita pa.
Nasa parking na kami ng jollibee no'ng maghiwalay kami ng landas. May sariling motor na rin siya at nauna siyang lumarga. Ayoko pa talaga umuwi dahil malulungkot lang naman ako ulit kapag nandoon ako sa bahay kaya napagpasyahan kong pumunta sa cafè nila margarita kahit hindi kasama si francesca. May kalapitan lang naman ito na kayang ibiyahe ng e-bike at hindi mauubusan ng baterya...buti na lang talaga na-full charge ko ito.
"Oh, himala hindi mo kasama si france?" ani margarita no'ng turn ko na sa counter.
"Hindi ko naaya. Gusto ko mag-isa, eh."
"Iyong usual ba? Cappuccino?" tanong niya.
"Black."
"Black? Bakit? Nag-iba ka nang taste buds ngayon porket wala si france?"
"Hindi naman...gusto ko lang maging matapang." natatawa ko pang sabi.
"Hmm...okay. One black coffee, pakihintay na lang. Sining ba ilalagay ko sa name o ganda?"
"Sining cute pwede na." natatawa kong sabi.
"Okay!"
Pumwesto ako sa paboritong spot namin ni francesca. Ipinatong ko sa table ang aking bitbit na backpack. Nilibot libot ko lang ang aking paningin sa paligid. Bilang lang sa daliri ang mga customer nila rito sa baba dahil siguro tanghali pa lang. Napansin ko rin ang black board nila na walang nakasulat na quote of the day na madalas mayroon at palagi kong kinukuhanan ng litrato at mi-na-myday.
"Para kay sining cute." biglang sabi ni margarita at lapag niya ng aking order sa mesa.
"Dapat tinawag mo na lang ako. Ako na lang sana kumuha."
"Ayos lang. Dagdag mo na lang sa tip para sa akin." pagbibiro nito.
"Sira."
Heto lang yata ang unang beses na talagang nag-usap kaming dalawa. Madalas kasi si francesca ang nagsasalita na sinasagot naman niya at tahimik lamang akong nakikinig sakanilang dalawa...magsasalita kapag tinatanong. May gano'n akong ugali rin.
"Hindi ka okay noh?" aniya na diretso walang utal.
"Paano mo naman nasabi 'yon...okay lang ako."
"Yung totoo?"
"Oo nga. Okay lang ang lahat sa'kin."
Inaayos ko ang aking gamit. Nilabas ang aking cellphone at kinuhanan ng litrato ang aking inorder na kape. Pagkatapos no'n ay inilapag ito sa tabi ng aking tasa.
"Sining, magkaiba kasi ang okay sa ayos lang...kasi minsan hindi ka okay pero ayos lang. Atsaka ramdam ko lang no'ng nakita kita. Mukha ka kasing pagod."
Hinalo halo ko lang 'yong kape ko at sinisundan ng aking mata ang direksyon ng aking paghalo.
"Kahit ilang black coffee pa inumin mo, hindi ka pa rin magiging matapang. Hindi mo pa rin magagawang ipaglaban sarili mo kasi gagawin ka lang niyang manhid at mapait sa buhay." sabi niya, sa kape pa rin ako nakatingin.
"Gusto ko na nga lang maging emotionless, eh. O hindi kaya'y maging heartless. Ayoko na lang magkaroon ng pakiramdam." sabi ko.
"Bakit naman? Masaya kaya magkaroon ng pakiramdam kasi ibigsabihin no'n nabubuhay ka. Ayaw mo na ba mabuhay?"
Tahimik lang ang aming pag-uusap. Hindi masyadong malakas, hindi rin masyadong mahina. Sakto lang na magkarinigan kaming dalawa.
Napabuntong hininga na lamang ako at napadungaw sa labas...sa parking...sa e-bike ko na nakaparada sa tabi.
"Nakakapagod din kasi." sabi ko, walang emosyon. Diretso lang, walang utal.
Ayoko na umiyak. Nakakapagod rin umiyak lalo na't si margarita ang nasa harapan ko kaya pinilit kong hindi maluha.
Nakikita ko sa peripheral vision ko na nakapangalumbaba siya at nakatingin sa akin. Seryoso.
"Feeling ko walang nagmamahal sa akin. Kahit 'yong Diyos, hindi madalas. Iniisip ko nga rin kung bakit ganito 'yong buhay ko. Puro kalungkutan...bihira lang 'yong masaya ako. Baka nga isa ako sa mga pumako kay hesus sa past life ko, eh, tapos gumaganti siya sa akin ngayon. O baka may favoritism ang Diyos, may listahan siya ng mga paborito niyang tao tapos wala ako ro'n? Nakakapagod...sobra...lalo na kung walang nagmamahal sa'yo. Tapos kung sino pa 'yong minamahal ko...kusa silang umaalis. Lumalayo. Iniiwan ako. Lahat ng lalaking pinapakitaan ko ng pagmamahal...binibigyan ko ng pagmamahal...lahat sila iniiwan ako. Si kuya, si jaq, si pol-sci, tapos ngayon si lolo. Akala ko noon walang umaalis ng biglaan...pero bakit ganito?"
Napatingin ulit ako sa aking kape. Pinanood ko ulit ang paghalo ko roon.
"Tapos 'yong mga kaibigan ko na naaalala lang ako kapag malungkot sila. O hindi kaya'y kailangan nila ako para iligtas sila. Iyong magulang ko na binibitbit ko ang mga pangarap nilang napakabigat...simula umpisa...pero hindi ako nakarinig ng mga salitang gusto kong marinig mula sa isang magulang. Iyong pamilya kong magulo...iyong mga kamag-anak kong nagpaplastikan. Hindi ko alam kung bakit napaka lupit ng mundong binigay sa akin ng diyos...kung bakit sa akin pa? Kung bakit ako 'yong palaging iiyak tuwing gabi, umaasang mag-iiba 'yong mga tao sa paligid ko bukas. Bakit kasi ganito ako? Masyadong mabait? Kahit napaka sama na sa akin ng mundo...ginagawa pa rin ako nitong mabait. Ayoko na lang magkaroon ng pakiramdam. Nakakapagod talaga. Unti-unti nararamdaman kong mag-isa lang ako sa mundong ginagalawan ko...parang isang ibon na nakakulong sa hawla. Hanggang sa hawla lang ang kaya niyang liparin."
"So, sinasabi mo ba na kasalanan nilang lahat kung bakit ka ganiyan?"
Napakagat ako sa aking labi. Napabuntong hininga at ibinagsak ko ang aking ulo sa sandalan ng aking inuupuan.
"Hindi. Hindi nila kasalanan 'yon kasi kasalanan ko rin ang lahat. Minsan kasi pakiramdam ko mabilis mahulog 'yong loob ko sa kahit na sinong nagpapakita sa akin ng kabutihan, dahil lang desperado ako makaramdam ng pagmamahal. Desperado ako sa pakiramdam ng pag-ibig...kaya kasalanan ko rin talaga ang lahat." pag amin ko.
Humigop na rin ako sa aking kape. Naalala ko ang timpla ni lolo sa probinsya...black coffee lang kasi ro'n ang mayroon sa bahay nila. Nescafe classic pa nga 'yon na nakalagay sa bote at kapag naubusan siya ng kape magpapabili sa akin 'yon ng kape stick sa katabing tindahan. Kalahating mainit na tubig, kalahating normal na tubig...isang kutsaritang kape...isang kutsarita rin ng asukal tapos ipapares 'yon sa pandesal. Isasawsaw niya 'yong pandesal sa kape. Sa kaunting panahon na iyon at maliit na bata pa lamang ako ay gano'n ko na siya nakabisado. Gano'n ko nakabisado ang simula ng umaga ni lolo.
"Bakit ka naiiyak?" medyo nag-aalalang sabi ni margarita. Hinahaplos na nito ang isa kong braso na pinilit niya pang abutin.
"Wala...may naalala lang."
Inayos ko na ang sarili ko at nagpatuloy sa pag-inom ng kape.
"Alam mo...lahat naman tayo may mabigat na problemang dinadala, eh. Kaso pagalingan na lang talaga sa pagdala. Bilib ako sa'yo, ang galing mo ro'n sa part na 'yon, sining." aniya.
Nakinig lamang ako. Oras na siguro na makinig sa mga payo ng ibang tao kaysa mga problema nila. Ayoko na magkaroon ng savior syndrome.
"Alam mo ba kung ano ang pinakamahirap na i-u-utos sa'yo ng mundo, ha?" tanong niya.
"Ano?"
"Mahirap kapag inutos na sa'yo ng mundo na palayain ang isang bagay na hindi mo naman hawak. Na bitawan ang isang bagay na kusa nang tumakbo palayo. At ipagparaya ang matagal nang hindi sa'yo. Dadating talaga ang panahon na susubukin ka ng mundo...ng Diyos...ng uniberso...ng mga alien o kung ano-ano pang itatawag mo ro'n. Sobra ang sakit na mararamdaman mo at halos gabi-gabi kang iiyak. Gigising ka na lang na pagod at wala ka ng gana sa lahat. Pero kapag napagdaanan mo na 'yon, piliin mo ang maging matatag at magtiwala ka sa sarili mo. Dahil sa totoo lang, normal ang mahirapan pero hindi ang sumuko."
Napatingin ako kay margarita. Tumatak sa aking isipan ang mga salitang kaniyang binitiwan. Naalala ko bigla ang rason kung bakit ko kinakaya ang lahat ng 'to.
Konti na lang at matatapos na rin naman ito. Konting panahon na lang ga-graduate na ako. Konting panahon na lang at 'yong ibang pangarap ng magulang ko ay magkakatotoo na. Okay lang naman mapagod, eh, pero dapat kakayanin pa rin hanggang dulo. Kayanin hangga't kaya pa.
"Osya, sabi ko sa ka-partner ko saglit lang ako at magda-drama ka, eh." pabirong sabi ni margarita habang tumatayo mula sakaniyang pagkakaupo.
"Salamat ha? Salamat sa mga sinabi mo, margarita. Ngayon alam ko na kung bakit dito gustong tumambay ni francesca...nandito ka kasi."
"Ha? Wala 'yon! Ayoko lang maging malungkot ang mga suki ko. Oo nga pala, kanina napansin ko nakatingin ka sa quote of the day namin...pasensya na walang nakasulat ha? Naubusan ako ng words of wisdom. Kung may ideya ka...sulat mo na lang do'n...pwede naman." nakangiti niyang bigkas at umalis na.
Sinundan ko pa siya ng tingin hanggang marating niya ang kaniyang pwesto sa counter. Tumingin siya sa akin at sumenyas...'yong nguso niya nakaturo ro'n sa board. Wala akong choice at napatayo na lamang ako papalapit doon.
May chalk na nakapatong sa lalagyan nito katabi ang eraser. Kumuha ako ng isa...color blue at nagsulat sa munting pisara.
Tayo pa rin naman 'yong mga batang iyakin noon, patago na nga lang ngayon.
•••
TBC.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro