Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Entry #6

Tungkung Langit at Alunsina

Marikit na kumikislap ang mga bituwin sa kalangitan ngunit hindi ito nakatulong upang magluwag ang naninikip na dibdib ni Tungkung Langit.

"Hindi ako susuko! Gagamitin ko ang lahat ng aking kapangyarihan makapiling ka lamang, Alunsina!" Pinahid niya ang mga luha at kasabay nito'y tumigil ang bagyong sumasalanta sa daigdig.

Mula sa higanteng bintana ng kanyang kaharihan, dinungaw niya sa ibaba ang umiikot na mundo. Ipinikit niya ang mga mata at kanyang narinig ang huni ng mga kulisap; ang pagaspas ng pakpak ng mga ibon sa himpapawid; ang pilantik ng mga isda sa karagatan; at ang nakabibinging tawanan at tahimik na pagluha ng sangkatauhan sa kalupaan.

"Alunsina! Ano pa ang silbi ng pagiging bathala kung ang pabalikin ka'y hindi ko magawa!" Isang higanteng kidlat ang tumama sa mundo at kasabay nito'y nahagip ng kanyang pandinig ang daing ng sanlibutan.

Muli siyang naupo sa kanyang trono at nakayukong napailing. "Ngunit hindi ako makapapayag na madamay ang daigdig . Oo't nilikha ko ito upang ihandog kay Alunsina, ngunit hindi marapat na magdusa ang mga mortal sa aking kapighatian."

Kaya nabuo sa kanyang isipan ang panibagong hakbang. Huminga siya nang malalim at sumigaw. "Mga diwata't engkanto, kayo'y pumanhik dito sa kalangitan!"

Ang harapan niyang okupado lamang ng mga higanteng tore ang bawat sulok ay napuno ng liwanag. Ilang sandali pa ay bumungad sa kanyang harapan ang ilang nilalang. Kahalintulad niya ang mga ito na pawang kahali-halina, bagaman kasinlaki lamang ng hinlalaki ng kanyang mga paa.

Pinaglakbay ng bathala ang kanyang paningin. "Kayong aking mga alagad– Nigna, bantay ng hangin; Agwa, tagapag-alaga ng karagatan; Adlaw, katiwala ng araw; at Tehero, tagapagtanggol ng kalupaan... hanapin ninyo si Alunsina at panumbalikin dito!"

"Karangalan naming gampanan ang inyong kautusan, Tungkung Langit!" nakayukong wika ni Tehero.

Tumayo si Tungkung Langit sa kanyang ginintuang trono at ikinumpas ang kamay sa sarili at ang kanyang anyo'y naging kasinlaki na lamang ng mga engkantado. "Aking ipinagkakaloob ang pagpapala sa inyong tagumpay. Magmadali! Kayo'y humayo!"

"Opo, Panginoon!"

Muling nagliwanag ang palasyo at sa isang iglap, naglaho na ang mga engkantado.

Mabilis na dumaan ang mga araw, linggo, at buwan. Mula sa kaibuturan ng kabundukan na imposibleng maabot ng kahit sinumang mortal, naroon ang mga engkantado at ginagawang katanghaliang-tapat ang kalaliman ng gabi.

"Kahit sino'y maaakit sa ganiyang kaliwanag na buwan, lalo na kung batid mong ito'y pinalulutang upang ikaw ay suyuin. Nawa'y ako na lamang ang kanyang pinag-aalayan," nagniningning ang mga matang wika ni Agwa habang nakatingala sa kalangitan.

Nagpantig ang mga tainga ni Adlaw kaya tinapunan niya ng kaunting kurot ng apoy ang diwata ng tubig. "Agwa! Maaari bang gawin mong kapita-pitagan ang iyong pag-aasal? Lubhang mabigat ang misyong nakaatang sa ating mga balikat."

Nanliit ang mga mata ni Agwa. Sa isang pitik ng mga daliri niya'y sumirit ang tubig sa puno na sinasandalan ni Adlaw kaya umusok ang katawan ng engkanto. "Adlaw! Sa susunod na ako'y iyong silaban, aking pupunuin ng tubig ang iyong hingahan!"

Pinag-alab ni Adlaw nang panandalian ang sarili upang siya'y matuyo. Kasunod nito'y lumapit siya kay Agwa at dinuro ito sa mukha. "Batid mong kinayayamutan ko ang malamig na tubig! Sa susunod na ito'y iyong gawin, titiyakin kong sa iyo'y wala nang iibig! 'Pagkat aking-"

"Magtigil kayong dalawa! Tila kayo'y mga paslit na mortal kung magbangayan!" saway ni Nigna. Naglaho siya mula sa sanga ng higanteng puno at muling nagpakita sa gitna ng nag-aaway na mga engkantado. "Hindi kayo dapat nagtatalo sa ating pagtitipon, manapa'y inyo na lamang ilahad ang mga nagampanan."

Nagtaas ng kamay si Tehero. "Isinugo ko na ang mga duwende at mga hayop na gumagapang at namamalagi sa lupa upang hanapin si Alunsina."

"Masidhing sinusuyod na ng aking mga santelmo ang mga kabundukan," ani Adlaw na hanggang ngayo'y nakasimangot pa rin.

Pinagsalikop ni Agwa ang mga braso at pairap na tumalikod kay Adlaw. "Anumang oras ay mag-uulat sa akin ang mga sirena sa karagatan at mga isda sa batis at ilog."

"Magaling! Ako naman ay..." Natigilan sa paghahayag si Nigna nang lumakas ang ihip ng hangin. Ipinikit niya ang mga mata at itinaas ang kamay saka muling dumilat. "Mahal kong Tungkung Langit, natagpuan na ng aking hangin si Alunsina!"

"Siya nga? Nasaan na siya?" sabay na tanong ni Agwa at Adlaw.

Samantalang sa palasyo ng kalangitan, tahimik na nakaupo sa kanyang trono si Tungkung Langit. Mula sa bintana'y tinatanaw niya ang pag-galaw ng mundo gayon din ng iba pang planeta.

"Tungkung Langit..."

Itinaas ng bathala ang kanyang mukha nang marinig ang mahinang tinig na hatid ng hangin. "Pumanhik kayo rito," mahinahon niyang utos.

Nagliwanag ang bawat sulok ng kaharian at nang maglaho ito'y nakayuko na sa kanyang harapan ang mga engkantado. Kaya agad siyang tumindig at nag-anyong mortal upang makatalastasan nang mas malapit ang mga ito. "Ilahad ang inyong sadya," aniya.

"Tungkung Langit, natagpuan na namin ni Alunsina."

Agad na lumapit si Tungkung Langit kay Agwa. "Kung gayo'y nasaan na siya? Bakit hindi ninyo kasama?" nagtataka niyang tanong habang naka-kunot ang noo.

Nagpalitan ng mga tinginang may bahid ng pangamba ang mga engkantado at nag-senyasan.

"Ano't ganiyan ang inyong mga wangis? Hindi ko ikinalulugod iyan!" Bahagyang nayanig ang loob ng palasyo kaya nawalan ng balanse at nabuwal ang mga engkantado.

"M-maayos si A-Alunsina, P-panginoon!" nanginginig na saad ni Tehero. "Subalit..."

"Subalit ay ano!" Patakbong humakbang si Tungkung Langit kay Tehero at pinanlakihan ito ng mga mata.

"Tungkung Langit," ani Agwa sabay yukod. "Humihingi ako ng pahintulot upang gamitin ang tubig sa loob ng palasyong ito, nang sa gayo'y maihantad nito ang kasalukuyang kinalalagyan ni Alunsina."

Huminga ng malalim si Tungkung Langit at tumango. "Gawin mo!"

Agad na tumindig si Agwa at lumapit sa higanteng pader. Tinapik niya ito nang buong-ingat at mula sa kawalan, lumabas ang bughaw na tubig at ito'y bumalot sa pader. Idinampi niya ang dulo ng kanyang daliri sa tubig at ito'y nagliwanag hanggang sa mamuti. Kalauna'y luminaw ito at naging salamin na ipinapakita ang pigura ng matatayog na kakahuyan mula sa mundo.

"Kay gandang pagmasdan. Wari'y tumatanaw ako mula sa paningin ng agila," bulong ni Tungkung Langit. Ilang sandali pa'y nagningning ang kanyang mga mata nang ihayag ng salamin ang si Alunsina. "Minamahal ko, sa wakas ay muli kong nasilayan ang bukod-tangi mong kagandahan..."

Wala pa ring kupas ang karikitan ng dalaga. Ang kutis niya'y kasing-kintab pa rin ng perlas at ang mahaba niyang buhok ay kasing-itim pa rin ng kalangitan sa hatinggabi.

Ngunit agad ding naglaho ang ngiti ni Tungkung Langit nang mapuna niya ang palamuti sa mukha at buhok ni Alunsina. Nanlaki pa ang kanyang mga mata nang makita ang hawak nitong baso na may inuming nakalalasing at mga butil ng bigas.

"Hindi ito nararapat!" Sa lakas ng hiyaw ni Tungkung Langit, nayanig ang palasyo pati na rin ang kalupaan. Saksi ang mga engkantado kung paano lumaganap ang kasindakan sa pook na kasalukuyang ipinapakita ng salamin.

"Nigna! Kunin mo si Alunsina mula sa nayon na iyon!"

"O-opo, Panginoon!"

Pinaikot ni Nigna ang daliri at isang higanteng buhawi ang nabuo. Hinipan niya ito papuntang salamin at ilang sandali lamang, lumabas muli ang buhawi at maingat na iniluwa nito si Alunsina.

"T-Tungkung Langit?" ani Alunsina sa naguguluhang mukha.

Naninigas ang mga panga na tinitigan ni Tungkung Langit ang dalaga. "Kumusta na, aking iniirog?" madiin niyang banggit.

Bagaman't natatakot, itinaas ni Alunsina ang kanyang noo at sinabing, "B-bakit ako nandirito? Hindi mo ba nakikitang-"

"...Ikinakasal ka na?" pasigaw na tanong ni Tungkung Langit.

Bahagyang napa-atras si Alunsina. "Tama ang iyong tinuran. Ako'y ikinakasal na kay Datu Paubari at hindi ko hahayaang mahadlangan iyon ng sinuman. Kahit ikaw pa na dati kong kabiyak!"

"Hindi ko iyan matatanggap!"

"At bakit hindi? Tayo ang mga unang bathala bago lumitaw ang daigdig. Isa akong diyosa na may taglay na kapangyarihang kapantay ng sa iyo. Ngunit hindi ko ito napairal! Bagkus ay kinuha mo at ako'y iyong pinalayas!"

Bawat letra ni Alunsina'y tila maliliit na balisong na isa-isang bumabaon sa puso ni Tungkung Langit. Ngunit sa halip na dugo ang sumirit sa kanyang katawan, luha ang dumaloy palabas ng kanyang mga mata.

"Nilikha ko ang karagatan upang maging iyong salamin. Inihagis ko sa kalangitan ang iyong kwintas upang maging mga bituwin; ang iyong suklay upang maging buwan; at ang iyong korona upang maging araw sa katanghalian. Batid mo ba kung bakit? Lahat ng iyon ay dahil sa masidhi kong kagustuhan na ika'y magbalik! Kaya Alunsina, ika'y dumito na't aking ipagkakaloob anuman ang iyong naisin!"

"Wala akong anumang ibig mula sa iyo!" Nanginginig ang mga labi ni Alunsina kaya tinakpan niya ito upang hindi tuluyang mapahagulgol. Mangilang beses siyang umiling saka tumalikod. "Hindi bulag ang aking mga mata, Tungkung Langit! Saksi ang aking paningin sa iyong mga nilikha at walang kapantay ang kagandahan ng mga iyon. Ngunit kahit ano pa ang iyong gawin, ako ay hindi na magbabalik!"

Isang mainit na katawan ang nagkumot sa likuran ni Alunsina. Humigpit ito hanggang sa hindi na siya makagalaw. "Pakiusap, Tungkung Langit. Alisin mo ang iyong mga bisig sa aking katawan! Hindi ko na iyan matatanggap pa dahil ako'y ikakasal na!"

"Hindi, Alunsina! Hindi ka na babalik sa lupa! Nandirito ka na sa ating tahanan kaya hindi ko na pahihintulutan ang ikaw ay lumisan!"

Ramdam ni Alunsina sa kanyang likuran ang mabilis na tibok ng puso ng bathala. Ngunit bumitiw siya. Hinarap niya ang bathala at naniningkit na tinitigan ito sa mga mata. "Kung hindi ko rin lamang makakapiling si Paubari, mabuti pa'y bawiin mo na ang aking buhay!"

"A-ano?" Halos lumuwa ang luhaang mga mata ni Tungkung Langit. Ang matatag niyang mga paa'y halos mawalan ng balanse dahil tila isang malakas na sampal ang kanyang narinig. "Ako na isang bathala ay ipinagpapalit mo sa isang mortal?"

Namumula ang mga matang lumingon si Tungkung Langit kay Tehero. "Isumpa mo ang nilalang na nagngangalang Paubari! Bigyan mo ito ng matinding karamdaman na hindi maaaring gamutin ninuman!"

Maliksing tumango ang engkanto ng lupa. Maingat siyang bumuga ng itim na usok at sinalo ito gamit ang mga kamay niya. "Manahan ka kay Paubari," bulong niya, saka pinalipad ito papuntang salamin kung saan napapanuod nila ang datu na abala sa paghahanap sa nawawalang si Alunsina.

"Magtigil kayo!" Halos mapatid ang ugat sa leeg ni Alunsina. Napahawak siya sa ulo at napa-upo sa ginintuang sahig nang masaksihan kung paano mamilipit sa kirot si Paubari. Tinakpan niya ang magkabilang tainga upang hindi marinig ang naghihirap na hiyaw ng datu. Mula sa gitna ng kakahuyan, nagsuka ito ng itim na dugo at mga patay na kulisap at uod saka nabuwal sa gilid ng batis.

"Iuurong ko lamang ang sumpa kung ika'y mananatili na rito! Kung hindi, agad kong ipasusundo kay Bakunawa ang kanyang kaluluwa!"

Pinahiran ni Alunsina ang pisngi. Marahan siyang tumayo at lumakad papunta kay Tungkung Langit saka marahas na pinadapo ang kanyang palad sa matatag na pisngi nito. "Batid mo bang sinasamba ka niya? Bakit ito pa ang isinusukli mo sa kanyang katapatan? Kay lupit mong bathala! Kinamumuhian kita!" Dumagundong ang munting tinig ni Alunsina sa palasyo.

Nagimbal ang mga engkantado. Nagtinginan sila at hindi mawari ang kanilang gagawin. Wala pang nakagagawa nito sa kanila. Ni hindi pa sila nakapagsasalita rito nang pabalang dahil sa takot na sila'y bawian ng kapangyarian at buhay. Ngunit si Alunsina na minsa'y naging bathala'y hindi nagdalawang isip na kantiin ang kanilang sinasamba.

Nanghina ang mga tuhod ni Alunsina at unti-unting napaluhod sa harapan ng bathala. "Bawiin mo na lamang ang aking hininga upang makapiling ko na si Paubari!" Ramdam ni Alunsina ang pagnanais ng kanyang puso na huminto sa pagtibok at magpatiwakal. Wala na ang kanyang minamahal. Pumanaw na ang pinaghuhugutan niya ng lakas at kaligayahan kaya para sa kanya'y ano pa ang silbi ng mabuhay.

Hinawakan ni Tungkung Langit ang parteng nasampal. "B-bakit A-Alunsina? Ako ba'y hindi mo minahal?" aniya sa nanginginig at garalgal na tinig.

"Minahal kita, Tungkung Langit! Ang aking mundo ay umiikot sa iyo noon! Ikaw lamang ang tanging nilalaman ng puso't isipan ko at sa tuwing ika'y nawawaglit sa aking paningin, ako'y tila pinapanawan ng katinuan!" Muli siyang tumindig at sinalubong ang paningin ng bathala na puno ng lumbay. "Ngunit iyon ay kasaysayan na lamang. Ngayo'y may iba na akong mahal. Kaya pakiusap, kung ako'y tunay mong iniirog, palalayain mo ako't ibabalik sa aking datu."

Matagal na nagkaroon ng katahimikan. Ang mga engkantado'y pawang naka-awang ang mga bibig habang si Alunsina'y walang kagalaw-galaw na hinihintay ang tugon ng bathala.

Hanggang sa i-angat ni Tungkung Langit ang kanyang namumulang mukha. Lumunok siya't hinawakan ang mukha ni Alunsina sabay idinampi ang kanyang mga labi sa noo ng dalaga. "Ika'y maglalakbay... at magsisimula ng panibagong buhay," bulong niya.

Binitiwan ni Tungkung Langit ang dalaga. Tumalikod siya at pikit-matang sinabing, "Ipanumbalik ang lahat!"

"Opo, Panginoon!"

Isang malaking ipo-ipo ang bumalot kay Alunsina at napayuko siya nang hindi na nararamdaman ng kanyang mga paa ang inaapakan. "Maraming salamat, Tungkung Langit. Paalam," aniya bago tuluyang manlabo ang paningin.

Dahan-dahang iminulat ni Alunsina ang mga mata at bumaling sa tabi ng kanyang kinahihigaan. Umukit ang ngiti sa kanyang mga labi nang masilayan ang isang lalaking mahigpit na pinipisil ang kanyang mga kamay.

"Mahal ko! Sa wakas at ika'y nagkamalay na!" maluha-luhaang bulalas ni Paubari sabay yakap kay Alunsina. "Hindi ako binigo ni Tungkung Langit! Kanyang pinakinggan ang pagtangis kong ikaw ay ibalik!"

"T-Tungkung Langit?" Maingat na bumangon si Alunsina at hinaplos sa pisngi ang datu. "S-sino siya? A-anong naganap?"

"Pinayuhan ako ng mga babaylan na ika'y ilibing na dahil walang pintig ang iyong puso. Subalit masidhi ang aking pananalig sa kapangyarian ni Tungkung Langit kaya lumuhod ako at dumulog sa kanya."

Kunot-noo na napailing si Alunsina. "Ganoon ba katagal na ako'y nakahimlay? Ngunit anong nangyari sa ating pag-iisang dibdib? Ito lamang ang huling naaalala ng aking isipan."

"Huwag kang malumbay, aking mahal. Ating ipagpapatuloy ang naudlot nating kasal."

Halos hindi magkamayaw ang mga taga-nayon. Ibinalik nila ang mga palamuti sa bawat bahay. Nagluto sila ng masasarap na pagkain at umani ng sari-saring prutas at ang lahat ng ito'y inilapag sa mahabang hapag-kailan.

Mabilis na natapos ang kasalan at ito'y walang kasing-saya. Ngayo'y binabaybay na ng mag-asawa ang bago nilang tahanan ngunit biglang bumuhos ang malakas na ulan.

"Mahal kong kabiyak, ano't hindi ka nag-aapura? Lumalakas na ang pag-ulan!" ani Alunsina habang hinihila ang braso ni Paubari.

"Ipahintulot mo na lamang na tayo'y mabasa, aking asawa." Tumingala si Paubari at ngumiti. "Iyan ay pagpapala mula kay Tungkung Langit."

Sa mga sandaling iyon, pinagmamasdan ni Tungkung Langit ang dating kabiyak mula sa salaming likha ng tubig.

"Alunsina... masilayan ko lamang ang iyong mga ngiti, ako'y nagagalak na rin. Nawaglit man sa iyong puso at isipan ang nakaraan nating pagmamahalan, kailanman ay hindi ko ito malilimutan." Pinahid niya ang mga luha sa kanyang pisngi at kasabay nito'y huminto ang malakas na ulan sa nayon.

"Aking binabasbasan ang inyong samahan at nangangakong patuloy na kakalingain ang daigdig na iyong tahanan."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro