Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Entry #3

Pinagmulan Ng Pagtatapos

Ano nga ba ang pinakamagandang likha?

Tanong na madalas lumalaro sa isipan ni Mayumi. Malawak ang kuryusidad niya sa mga bagay-bagay. Na kahit anu mang makita ay pagtutuunan niya iyon ng pansin. Ngunit tila hindi pa rin 'yon sapat para mapuno ang rumaragasa niyang damdamin. Pakiramdam niya tuloy ay may kulang. May nais siya pero hindi niya alam.

Madalas din sa pag-iisip nito ay nauuwi na lang sa buntong hininga at napapadpad sa isang higante at malapad na puno--binabahayan na ng mga lumot kaya't nagkukulay berde na ang kabuuan at ang mga sanga nitong bumababa na sa lupa, nagsisilbing panibagong mga katawan.

'Ikaw. Ikaw ang pinakamagandang likha, Mayumi'

Kung minsan naalala niya ang parating sagot ng ina. Napaangat ng kaunti ang gilid ng labi niya. Si Mamang niya talaga. Kahit saan o kahit sino ang makausap nito, ibinibida siya. Dahil ang kasunod din na rason sa sagot na iyon ay: 'Ikaw ang bumuhay sa pangarap ko. Ikaw lang ang natatangi kong anak na babae at mahal na mahal ka ng mamang.'

Napailing siya pagkatapos. Naiintindihan niya ang ina pero hindi pa rin siya kumbinsido. Mayamaya ay napahiga siya mula sa pagkakaupo sa malaking sanga ng puno. Itinaas ang kamay at hinayaang lumusot sa pagitan ng mga daliri niya ang maliit na sinag.

"Balang araw ay mahahanap ko rin ang sagot sa tanong na 'yon," sambit niya sa isipan.

Umihip ang hangin. Sumayaw ang mga dahon. Payapa. Iyon na lamang ang naririnig niya nang unti-unting tumitiklop ang mga talukap subalit hindi iyon natuloy nang marinig ang malakas na paghuni.

"Mayumi! Mayumi!" Isang pagtawag mula sa itaas. Bumangon agad ang dalaga at nakita niya ang pagbaba ng isang ibon. Sandali'y nag-iba ang anyo nito at naging lalaking may matutulis na mga tainga at berdeng kasuotan na yari sa matitibay na dahon.

"Ku-Kuya Ringo..." Halos mautal ang dalaga. Aminado siyang hindi na naman siya sumunod sa oras ng uwian.

"Gawain mo talaga na pag-alalahanin kami 'no?"

"Pasensya na. Nagliwaliw lang ng kaunti," pagmamakatuwid niya. "Pero nagawa ko na ang mga gawain ko."

"Hindi mo dapat kinakalimutan ang sinabi ni Mamang. Kailangan natin bumalik bago mag dapit-hapon."

Natahimik ng kaunti ang dalaga pero hindi pa rin napigilan ang sarili na itanong ang tingin niya'y kakaibang pagpapaalala sa kanila ng ina.

"Pero bakit? Bakit kailangan nating umuwi agad bago mag dapit-hapon? Anong meron?"

Namilog ang mga mata ni Ringo at matagal na tinitigan ang kapatid.

"Hi-Hindi ko lang kasi maintindihan, kuya."

"Dahil may mga taga-pangalaga sa gabi na hindi nagnanais na makakita ng pakalat-kalat na taga-pangalaga sa umaga. Mahigpit sila. Alam mo 'yan."

"Pero—"

"'Wag munang subukang makipagtalo, Mayumi. Ang paniniwalang ito ang nagbibigay sa atin ng proteksyon kaya sumunod ka na lang."

Pinilit ni Mayumi na manahimik na lang. Hinding-hindi siya mananalo sa kuya Ringo niya.

"Halika na," pag-aayaya ni Ringo sa kapatid. Tumango lang din ang dalaga. Nang mag-aanyo na sa ibon ang kapatid ay saka naman pumanhik ang atensyon ni Mayumi sa may ilog. Lantad ang paglaki ng balintataw niya.

Nasaksihan niya ang sabay-sabay na pagtayo ng mga puting bulaklak na akala niya noon ay tuyo't namatay na. Namukadkad ang mga ito at napalibutan ng mga kumikinang na alikabok. At ang higit na ikinagulat niya ay tila may pinanggagalingan ang mga ito—isang nilalang mula sa liwanag ang umulwa.

"Anu pang hinihintay mo Mayu—" Napatigil si Ringo nang makita niya kung saan napapatingin ang kapatid.

"Kuya, tingnan mo... isang nakakamanghang nilalang."

Hindi maintindihan ni Mayumi kung bakit parang nakaramdam siya ng tuwa sa sandaling iyon. Ngayon lamang niya nakita ang nakakaakit na nilalang. Parang ayaw na niyang umalis at gusto na lang niya pagmasdan ang pag-aalaga nito sa mga kakaibang bulaklak na 'yon.

Agad namang nakuha ni Ringo ang diwa. Nakita niya ang paglubog ng araw gamit ang 'matang ibon'. Nagtagis ang bagang niya at pilit na kinuha ang kapatid gamit ang mga kuko para makaalis na.

***

"Mayumi." Mariin na ipinikit ng dalaga ang mga mata bago pa man niya salubungin ang tingin nang tumatawag na boses.

Nakita ng dalaga ang pagbabagong anyo ng ina mula sa isang puno. Balot ang katawan nito ng mga dahon at napapalamutian ng makukulay na bulaklak. Walang saplot ang mga paa nito subalit niyayakap ito ng mga nakapulupot na mga ugat hanggang tuhod. Berde ang mga mata pati labi maputla ang balat at katulad ni kuya Ringo niya'y may matutulis din itong mga tainga.

Dahan-dahan itong lumapit kay Mayumi samantalang ilag ang iba at gustong tumakas sa pagtitipon na iyon. Papagalitan ang sino man na hindi ginawa ang responsibilidad na bantayan si Mayumi.

"Ma-Mamang... 'Wag na po kayong magalit. Wala silang kasalanan."

Naupo ang ina sa tabi ni Mayumi. Umiling na hindi ito galit. Ipinagsalikop ang mga kamay nito at nagbuntong hininga. Tiningnan muna ang iba pang mga anak.

"May nabanggit sa akin ang iyong kapatid na si Ringo. Anu iyon?"

Napatingin si Mayumi sa kapatid. Bahagyang nangunot noo siya at napakagat labi. "Anu... Ma-May isang nakakamanghang nilalang. Nabuhay ang mga bulaklak na tila patay na. Mamang, alam mo po ba kung sino iyon?"

Nabitawan ng ina ang kamay ng dalaga at tila saglit na huminto ang kanyang paghinga.

"Na-Nakita mo siya?" Tumayo ang ina at nagpalakad-lakad.

"Bakit, mamang?"

"Hindi lang sa paniniwala natin kung bakit tayo kailangang umuwi bago ang dapit-hapon kun'di ay walang maaring mag-istorbo sa kanya. Ang dapit-hapon ay oras ng katahimikan. Inilalaan iyon para sa kanya sa tuwing aapak siya sa lupa. Iyon ang dahilan ng pag-hihigpit ng ilang mga engkantada o engkantado na nangangalaga sa gabi."

"Sino ba talaga siya, mamang?" muling tanong ng dalaga.

"Ang pinagmulan ng lahat, ang may likha, ang hari ng sanlibutan."

***

Napaglilipasan ng panahon ang mga bagay-bagay. May nawawala at may uusbong na panibago. Ngunit hindi maaring umiba ang damdamin. Magpahanggang ngayon, hindi iyon nawala sa puso ni Tungkong Langit. Ilang siglo na rin ang lumipas ngunit para sa kanya wala namang nagbago. Ganoon pa rin siya—malungkot at nangungulila.

Hanggang ngayon hinahanap niya pa rin ang nawawalang asawa na si Alunsina. Hindi naman iyon nahinto. Hindi niya rin naisip na mapagod. Hindi siya nawawalan ng pag-asa. Subalit sa mga pagkakataon na iyon, may mga oras na hindi niya mapigilang makaramdam ng panlulumbay kaya't naisipan niyang buhayin ang mga tao. Kawangis niya, dalisay at may mapagmahal na puso.

Gumawa rin siya ng mga taga-pagbantay sa mga kalikasan at iba pang likha upang magkaroon pa siya ng dagdag na oras para mahanap ang asawa. Ngunit sa pagtagal habang pinagmamasdan ang mga tao'y nakaramdam siya lalo ng kalungkutan. Lahat ng ito'y nagmamahalan at iniibig samantalang siya'y nawalan ng minamahal.

Naroon din iyong bawat araw ay bumababa siya sa mundo ng mga tao upang bisitahin ang mga dating itinanim at muling magtatanim ng mga panibagong bulaklak na paborito ng asawa, nagbabakasali ring may makalap siyang impormasyon.

***

Bilang isang taga-pangalaga, may sarili itong direksyon na pupuntahan para isagawa ang gawain.

Handa na si Mayumi ngunit bago siya lumisan, isa-isa muna niyang tinitingnan ang mga kapatid at mga kapwa sa pagbabagong anyo at paglilipad ng mga 'to. Naaaliw at namamangha kasi siya at iyon lang din ang araw na may napansin siya.

Natigilan siya at nagsimulang tingnan ang sarili. Ang tanging nahahawig lang niya ay maputlang balat. Hindi rin kayang magbagong anyo.

"Mayumi..." Agad napalingon sa likod ang dalaga. Naroon ang ina, nakangiti sa kanya.

"Mamang—" Hindi na pinahintulutan ng ina na magpatuloy si Mayumi dahil nababasa na niya ang mga mata ng anak.

"Halika," pag-akay niya sa anak. Mabilis naman itinapon ng dalaga ang sarili sa bisig ng ina.

Hinimas ng ina ang buhok ng dalaga. "Ang anak kong hindi nauubusan ng tanong." Narinig ng ina ang mahina na pagtawa ng dalaga ngunit bakas ang kalungkutan. "Hindi ko ba nasabi sa 'yo kung paano ka isinilang?"

Kumalas ang dalaga sa pagkakayakap at mataman na tumingin sa ina.

"Tama ang nasa isip mo. Ikaw ay kakaiba. Higit na pinagpala. Iyon ang kaibahan mo sa kanila, Mayumi. Bawat engkantado o engkantada ay isinilang sa iba't ibang paraan. Hindi katulad sa tao. Hindi sa sinapupunan idinadala at inilalabas ang anak. Kun'di ay sa mga likha ng hari base sa kung saan tayo kailangang mangalaga. Naririnig niya ang mga hiling at ikaw ay isa sa mga hiling ko. Ibinigay ka niya sa akin. Nabuo ka sa isang bulaklak na may katangiang tulad mo—isang mayumi."

Ngumiti ang dalaga tila 'yon ang unang pagkakataon na nakumbinsi siya at muli siyang mahigpit na niyakap ng ina—siya ring pagpatak ng luha.

***

Tumingin siya sa kanan. Doon talaga siya dapat pupunta. Naghihintay ang iilang binhi sa maliit na bag na nakatali sa kaliwang beywang niya. Kailangan niyang maitanim iyon ngunit kapag igagalaw naman niya ang mga paa patungo roon ay napapalingon naman siya sa kaliwa. Ang daan kung saan nakita niya ang nakakamanghang nilalang pati ang mga bulaklak.

Naguguluhan siya. Ang plano pupuslit talaga siya pero iyon ay pagkatapos ng gawain niya o kaya 'wag na lang niya gawin dahil naalala niya ang ina at ang mga habilin nito.

Napakagat siya ng labi. Wala na rin siyang nagawa.

Nang makarating, mas lalo siyang humanga sa lugar dahil tila mas gumanda ito. Namulaklak na rin 'yong ilang bahagi na sinubukan din niyang alagaan kahit hindi na iyon parte ng direksyon niya. Dali-dali niyang pinuntahan ang lugar kung saan nakita niya 'yong mga kakaibang bulaklak.

Ngunit naglaho ang mga ngiti niya nang makitang parang patay ang mga ito. Lumuhod siya at tinangkang hawakan ito dahil sa pag-aalala.

"Huwag." Nanlaki ang mga mata ni Mayumi. Hindi muna siya nakagalaw.

"Huwag mo silang hahawakan." Hinawi ng nilalang ang kamay ni Mayumi at iyon ang dahilan para magkatitigan sila.

Unang bumawi ng ulirat ang dalaga saka siya napaatras dulot ng pagkabigla at pagkamangha. Wala sa isip siyang napaturo sa lalaki.

"I-Ikaw?" Nagpalingon-lingon siya sa paligid. Tiningnan din niya kung gabi na pero malakas pa naman ang sinag ng araw. "Hi-Hindi ba't dapit-hapon ka pa magpapakita?"

Mula sa malalim na pagkakatitig ay natauhan din ang lalaki. "Nakikilala mo ako?" Huwad ang pagkamangha. "Nakakatuwa. Hindi lahat ay nakakakilala sa akin, hindi rin lahat naniniwala sa akin pero ikaw..." Tinitigan niya muli ang dalaga, may pananabik. Nakikita niya ang pigura ng asawa. Ang buong mukha nito'y kabisado niya pa rin at hindi siya nagkakamali.

"Alunsina..." Wala sa isip niyang kumawala ang salita.

"A-Ah... Hindi. Pasensya na sa inasal ko, ka-kamahalan. Ang pangalan ko ay Mayumi."

Bumalik ang ulirat ng lalaki. Mababakas muli ang kalungkutan at pagkalito. Bakit hindi siya nito naalala? "Langit. Iyon na lamang ang itawag mo. Ipagpaumanhin mo rin ang ginawa ko. Ang mga bulaklak na ito'y mahalaga sa akin. Nabubuhay lamang sila sa tuwing lulubog na ang araw. Nagsisimbolo ito ng panaghoy at panlulumbay sa taong nawalay." Saglit siyang tumingin sa babae, nakatitig ito sa mga bulaklak. "Ako ang nag-aalaga nito at pumupunta ako rito kahit anong oras na nais ko. Hindi lamang dapit-hapon."

Naguluhan man ng kaunti si Mayumi, humigit pa rin ang galak sa puso niya. Hindi niya mapaliwanag ngunit ganito rin naramdaman niya noong namasdan niya ang lalaki. At pakiwari niya'y nakuha na niya ang sagot sa tanong. Pinakamagandang likha ang nararamdaman niya.

Ngunit sa kabila nito, walang kaalam-alam ang dalaga sa pagmamasid ng kapatid na si Ringo. Nakatiim-bagang ito, nakabilog ang mga kamay habang naalala ang sinabi ng ina.

"Mamang, totoo ba 'yong sinabi mo tungkol sa hari? Saka bakit mo 'yon sinabi kay Mayumi? Mas lalo lang siyang mahahalina na sumuway sa 'yo."

"Alam kong mahal mo si Mayumi. Mahal ko rin siya kaya't may kailangan tayong gawin para siya'y manatili sa atin."

***

Maraming buwan ang lumipas. Mas lalong nahulma ang kagandahan at mukha ni Alunsina kay Mayumi. Nagpatuloy din ang pagpupuslit ng dalaga para lang makipagkita kay Langit. At ang lalaki naman, tila nakalimutan na ang orihinal na dahilan ng pagpunta niya sa lupa, mabilis na napalitan ng ligaya ang nanlulumbay niyang puso, at iyon na yata ang pruweba na maaari rin umiba ang nararamdaman ng isang nilalang. Maaari rin siyang sumaya sa iba.

Dumating na rin ang takdang panahon na kapwa hindi na kayang itago ang nararamdaman. Nagkasundo silang magkita muli.

"Mayumi, katulad ng mga bulaklak na ito, binigyan mo ako ng buhay. Salamat dahil dumating ka. Mahal kita."

Hinalikan ni Langit ang likuran ng mga kamay ni Mayumi. Umamin din ang dalaga. Nagyakapan sila at nang magtama ang mga labi nila'y nagkaroon ng pagsasanib ng buwan at araw. Ang mahina agos ng tubig ay rumagasa. Nagbubula ang pinakagitna at pinakamalalim na parte ng ilog.

Agad na naalarma ang dalawa. Pagkuwa'y nagulantang sila pareho sa isang halimaw na lumabas mula sa tubig. Sumigaw ito na nakapagpayanig sa paligid. Agad na binakuran ni Langit ang dalaga.

Nagsilabasan na rin ang mga engkanto upang puksain ang nilalang. Ngayon lamang nila nakita ang kabuuan nito dahil madalas tuwing gabi'y iba ang anyo nito habang lumalagalag. Ito ang dahilan ng paghihigpit ng mga engkanto sa gabi.

Ginamit ng halimaw ang higanteng buntot bilang pangdepensa. Pati si Langit ay nagawa niyang maihagis at nang makitang wala nang bantay si Mayumi ay agad niya itong pinuntahan. Nanginginig man ang dalaga ngunit sa kabila nito'y natatanaw niya ang kalungkutan sa mga mata ng halimaw. Pakiramdam niya'y pamilyar ito.

Pupuluputan na sana siya ngunit pinaulanan na naman ito ng atake. Nagisisgaw ito at pilit na nanlaban ulit. Hanggang nakakuha ng pagkakataon si Langit upang maasinta ang dibdib nito gamit ang kuryente niya.

Yumanig ang lupa sa pagkakabagsak ng halimaw. Natahimik ang lahat.

"Pa-Paano... Paano mo nagawa sa akin ito, Langit? At... sa ating anak?" Halos umulwa ang mga mata ni Langit at Mayumi. Pareho nilang nasaksihan ang pag-aanyong kawangis sa tao ang halimaw.

Nanghina ang mga tuhod ng lalaki, tulalang tumutulo ang mga luha. Wala ring kibo si Mayumi. At ang nagmamasid na si Ringo ay pilit ding inaatim ang lahat kasabay ng pag-alala niya muli sa sinabi ng ina.

"Ano bang ibig mong sabihin ina?"

"Hindi ba natanong mo kung anong nangyari kay Alunsina sa kuwento ko sa 'yo?" Tumango si Ringo. "Bumaba at nagtago sa lupa si Alunsina. At dahil galit din siya sa asawa, pinanindigan niyang hindi na siya babalik pa sa kaharian nila ngunit nababawasan ang kapangyarihan ng isang mataas na nilalang kapag hindi bumabalik sa kanyang pinagmulan lalo pa't nagdadalang-nilalang siya noon kaya ang ginawa niya, para manatiling buhay pa rin, kinuha niya ang anak at isinalin sa bulaklak at sinumpa niya ang sarili na maging halimaw. Mag-aanyo lamang siyang tao sa gabi pero iyon ay panandalian lamang. Lumalagalag siya sa oras na iyon para hanapin ang anak."

Namilog ang balintataw ni Ringo. "Kung gano'n si Mayumi..."

Ngumiti lang ang ina. "Gagamitin natin ang tadhana ni Mayumi at ng kanyang ama upang mawala na si Alunsina."

Humangin ng malakas, nag-aalon ang ilog, nawala ang eclipse at napalitan ng makapal at makulimlim na kalangitan. Kasabay no'n ang paglisan ni Langit sa lupa. Pumalahaw si Mayumi at nagsimulang umulan. Hindi iyon tumigil hanggang bumaha ang paligid. Nagkagulo. Nang humupa ito'y hindi na matagpuan ang dalaga.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro