Entry #1
Larina sa Ilalim ng Kaharian ng mga Sirena
Si Larina'y isang magandang dalaga na siyang naging dahilan ng paghihirap ng kaniyang kapatid na si Mangita. Dahil sa isang diwata siya'y naparusahan ng habambuhay na paghihirap kung kaya't siya'y patuloy na nagsusuklay ng buhok upang tanggalin ang mga butong nakasilid rito. Ang mga buto'y tumutubo't nagpapalutang-lutang sa ilog Pasig na siyang nagiging perwisyo sa mga mangingisda.
Kinamuhian si Larina dahil sa kaniyang hindi mabuting ginawa sa kapatid na nadagdagan lamang dahil sa mga halaman sa tubig. Araw at gabi siyang umiiyak tinatawag ang kapatid maging ang diwata upang humingi ng kapatawaran subalit walang sinoman ang nagpakita. Ang parusang kasalukuyang dinadanas ay hindi na niya makayanan pa kaya dumating sa puntong ninais na niyang wakasan ang kaniyang buhay.
Sa ilalim ng bilog na buwan at malamig na hanging marahang umiihip dahan-dahang lumusong sa tubig si Larina. Ang hindi mapigilang pag-agos ng luha sa kaniyang mata'y larawan ng matinding pagsisisi sa lahat ng kaniyang nagawa. Hindi niya alintana ang malamig na tubig na dumadampi sa kaniyang balat at nanunuot sa kaniyang kalamnan hanggang sa nasa ilalim na siya ng ilog at wala ng maaninag na kahit ano.
Isang nakahuhumaling na tinig na siyang musika sa kaniyang pandinig ang umalingawngaw sa paligid. Ang nakapikit na niyang mga mata'y dumilat bigla't lumingun-lingon bagamat madilim ang ilalim ng tubig. Ang boses ay tunay na kaakit-akit na dumating sa puntong hindi niya namamalayang lumalangoy na siya patungo rito.
"Halika magandang dalaga sundan ang aking tinig patungo sa walang hanggang saya."
Ang magandang tinig na inaawit ang mga salitang ito'y siya namang sinundan ni Larina.
Lumalalim ng lumalalim ang kaniyang nilalangoy hanggang ang madilim na paligid ay unti-unting nagliliwanag. Labis ang pagkagulat sa kaniyang mukha matapos masaksihan ang makukulay at naglalakihang koral. Iba't ibang klase ng isda'y masaganang lumalangoy paroon at parito na walang iniisip na panganib.
"Papaano ako nakarating dito?" tanong niya sa sarili.
Napapitlag siya nang maramdaman ang paglangoy ng kung anomang tila malaking nilalang sa kaniyang likuran. Nilingun-lingon niya ang kapaligiran ngunit wala siyang maaninag.
"Ikaw binibini ay nagngangalang Langita."
Mabilis siyang humarap at bumulaga sa kaniya'y isang kalahitang tao at kalahating isdang nilalang. Mayroon itong mahabang itim na buhok na tulad ng madilim na gabi at magandang mukha na gaya ng sa diwata. Nagpasirku-sirko sa paglangoy ang sirena na tulad ng sumasayaw na dikya.
"Isa ka bang taong isda?" Nagtatakang tanong ng dalaga.
"Isa akong sirena, ako si Bai Puti ang kapatid ng diwatang siyang nagbigay sa'yo ng parusa."
"Labis ko ng pinagsisisihan ang aking kasalanan pakiusap tulungan mo akong humingi ng tawad sa kanila. Nais ko pang muling makita ang aking kapatid at siya'y makasama upang makabawi sa lahat ng aking nagawa."
Lumangoy patungo sa kaniya ang sirena't hinawakan ang kaniyang kamay saka ipinakita ang isang buto ng halaman.
"Lunukin mo saka kita tutulungan."
Nag-aalinalangan ma'y sinunod pa rin ni Larina ang sinabi ng sirena, nilunok niya nga ang buto ng halaman. Kakaibang pagbabago ang kaniyang naramdaman, unti-unti ang kaniyang mga paa'y nagdidikit at tuluyang tinubuan ng buntot.
"Anong ginawa mo sa akin? Bakit ako naging isang sirena?" Takot na tanong ni Larina habang nakatingin sa kulay kahel niyang kaliskis.
"Isang pagsubok ang dapat mong malampasan bago mo makausap ang diwata at ang iyong kapatid upang magawa iyon kailangan mong maging isa sa amin. Sumunod ka at dadalhin kita sa kaharian ng mga sirena."
Walang nagawa si Larina kun'di ang sundan ang direksyon ni Bai Puti dahil iyon lamang ang nakikita niyang tanging paraan. Isang komunidad sa ilalim ng tubig na may nagagandahang sireno't sirena na puno ng saya habang lumalangoy. Makukulay na buntot at nakabibighaning mga mukha ang makikita sa mga nilalang na ito.
Isang palasyo na hugis mangkok ang kanilang pinasok na mayroong mapusyaw na puting kulay at gawa sa matigas na halamang dagat. Ang mga star fish ay nakadikit sa dingding ng tumatayong mga haligi ng palasyo. Sa itaas ay mga lumulutang na dikya na bumuo ng bilog na may dalawang baitang na siyang nagsasalitan sa pag-angat baba habang patuloy na naglalabas ng iba-ibang kulay. May mga dagum-dagum ding pagalagala sa paligid at isang espasyong naglalaman ng ilang kabibeng mayroong perpektong perlas.
Labis ang pagkamangha ni Larina sa patuloy niyang pagmamasid sa paligid.
"Narito na tayo."
Bumaling ang kaniyang tingin sa kapirasong talukap ng kabibe na nakapatong sa malakristal na mahabang patpat. Mayroong naipong tubig sa loob nito at kamangha-manghang naglalarawan ito ng mga pangyayari. Isang grupo ng mga mangingisda ang patuloy na naghahagis ng dinamita sa dagat na siyang nambubulabog sa mga nilalang sa ilalim ng tubig.
"Ang pagsubok Larina, kailangan mong mahikayat ang mga mangingisdang huminto sa kanilang ginagawa kun'di mawawalan sila ng isda habambuhay."
"Pero paano ko naman iyon gagawin?"
"Iyan ay sarili mong pagpapasya."
Pagsapit ng umaga nagtungo agad si Larina sa lugar ng mga mangingisda at siya'y nagtago sa likod ng malaking bato malapit sa baybayin. Natanaw niya ang grupo ng mga kalalakihang sakay ng kanilang mga bangka't padaong na sa pampang dala ang mga bariles ng isda. Nakaabang naman ang ilang mga tao't handa na silang salubungin ng may ngiti sa mukha.
Ang pagdating niya sa isla'y hindi niya napagplanuhang maigi kung kaya't hindi niya pa lubusang alam ang gagawin. Naghintay siya ng pagkakataon na may makausap kahit isa man lang sa mga mangigisda, iyon lamang ang kaniyang naisip. Muli siyang sumisid at nilapitan ang pinakahuling bangka na malayo pa mula sa pampang. Dalawang kalalakihan lamang ang sakay nito na ang isa'y hindi na kinaya ang antok kaya napasandig na lamang sa isang bariles at naidlip.
"Psst.." Sitsit niya sa lalaking nakatayo.
Hindi siya naririnig nito kaya sinubukan niya ng ilang ulit hanggang sa lumingun-lingon na nga ito. Nagtago siya sa likod ng bangka na kahit na gusto niyang makita siya nito'y hindi pa rin mawala ang pangambang baka saktan lamang siya.
"Sino ka?" tanong ng lalaki.
"Hindi na mahalaga kung sino ako mayroon lang akong importanteng mensahe," aniya.
Ngunit ang kausap ay hindi nagpapigil at sinuyod pa rin ng mga mata nito ang paligid.
"Makinig ka, nais kong itigil niyo ang paggamit ng pampasabog sa inyong panghuhuli ng isda. Nabubulabog ang ilalim ng dagat at nasisira ang likas na ganda nito." Paliwanag niya.
Nasimpatiya niyang tutungo na sa dulo ng bangka ang lalaki kaya naman siya'y agad na lumangoy sa kabilang bahagi.
"Bakit naman kita susundin? Magpakita ka muna saka ako maniniwala."
"Binabalaan kita binata hindi mo gugustuhing ako'y makita."
"Bakit? Ano ka ba? Pangit ka ba? Halimaw?" Patuloy na tanong ng binata na malapit na sa kaniyang kinalalagyan kaya siya'y muli na namang lumangoy.
"Isa akong...isa akong diwata."
Ang pagtawa'y hindi niya naiwasang gawin na siyang ikanakunot-noo ni Larina.
"Diwata sa dagat? Binibini, dahil alam kong babae ka, ang iyong biro'y sadyang nakakatuwa nais ko sanang ika'y makilala."
Natigilan si Larina sa kaniyang narinig at nakalimutan na niya ang dapat niyang sabihin. Ang ngiting umukit sa mukha ng binata ang siyang dahilan na siyang nagbigay sa kaniya ng kakaibang pakiramdam. Unti-unting lumalayo ang bangka habang siya'y nagtago na lamang sa ilalim ng tubig at ang kausap ay patuloy siyang tinatawag.
Dumaan ang panibagong umaga ngunit ganoon pa rin at walang nagbago gumagamit pa rin ng dinamita ang mga mangingisda. Maraming namamatay na maliliit na isda't nasisira pa ang mga koral sa ilalim ng tubig. Naghintay ng pagkakataon si Larina na kausapin ang binata ngunit hindi niya nagawa dahil sa mga nakapalibot ritong mga kalalakihan.
Ilang araw at walang nagbago, patuloy pa rin sa pagpapasabog ng mga dinamita ang mga mangingisda. Nalungkot si Larina sa kaniyang nasasaksihan na kung mayroon lamang sana siyang ibang naiisip na paraan. Hanggang sa tinanong niya si Bai Puti kung maaari ba siyang magkaroon ng kakayahang paalisin ang mga isda sa dagat.
Dumating nga ang araw na kinatatakutan ng mga mangingisda na kahit isang munting huli'y wala sila. Sunud-sunod na araw na ganoon ang nangyari at mula sa tubig na kaniyang kinalalagyan napapansin niya ang tamlay sa kilos ng mga tao. Isang araw ang binata na noo'y nakausap niya'y mag-isang pumalaot habang siya'y tinatawag.
"Diwata, ako'y humihingi ng paumanhin at sana'y patawarin mo ako. Ang mensaheng nais mong iparating ay sinabi ko na at nangako silang hindi na sila gagamit pa ng dinamita. Pakiusap ibalik mo na ang kasaganaan ng dagat dahil ang mga tao sa isla'y iyon lamang ang tanging pinagkukunan ng pangkabuhayan."
Nanatiling tahimik si Larina na nagtatago lamang sa ilalim ng dagat at pinakikinggan ang mga sinasabi ng binata.
"Diwata ng dagat, nagsusumamo akong patawarin mo na kami at nakikiusap na ibalik mo na ang mga isda."
Ang lungkot sa mga mata ng binata'y siyang labis na pumukaw sa kaniyang puso. Sumagot siya sa tawag nito ngunit nanatiling nakatago sa paningin ng binata.
"Ang iyong paghingi ng kapatawaran ay tinatanggap ko subalit hindi ito nangangahulugang tuluyan ko na kayong pinapatawad. Bibigyan ko kayo ng pagkakataon upang patunayang nagsisisi na kayo sa inyong ginawa at hindi na kayo muling gagamit ng pampasabog kailanman."
Ang labis na kagalakan ay mababakas sa mukha ng binata na hindi magawang itago ang tuwa.
"Sa oras na ulitin niyo ang hindi tamang paraan ng panghuhuli ipinapangako kong kailanman wala ng darating pang kahit na anong isda sa inyong isla."
Ngiting tunay ang siyang mababanaag sa mangingisda habang iginagala ang tingin sa paligid na tila ba hinahanap ang kausap.
"Pangako, hindi na ito mauulit pa, maraming salamat diwata."
Siya'y hindi na sumagot pa sa halip malaya na lamang na pinagmasdan ang binata mula sa hindi kalayuang distansiya. Makalipas ang ilang araw masaganang muli ang dagat at katulad ng pinangako ng mga mangingisda hindi na nga sila gumamit pa ng dinamita. Bumalik si Larina sa kaharian ng mga sirena at masayang ibinalita kay Bai Puti ang kaniyang tagumpay. Ngunit ang sagot nito ang hindi niya inasahan na siyang hindi niya matanggap.
"Pero bakit? Nagawa kong mapagtagumpayan ang binigay mong pagsubok, hindi na sila gumagamit ng pampasabog katulad ng gusto mo. Pakiusap ibalik mo na ako sa dati kong anyo at hayaang makasamang muli ang aking kapatid."
"Larina, hindi ka ba natutuwang iwinaksi na kita mula sa sumpa ng aking kapatid na diwata? Hindi ka na maghihirap pa na patuloy na magsuklay ng iyong buhok na may walang hanggang buto ng halaman. Isa ka ng ganap na sirena, isang magandang sirena. Mayroon kang magandang kaharian at nakabibighaning tinig dapat ka na lang magpasalamat sa akin sa ibinigay ko sa'yong pangalawang buhay."
"Hindi ito ang hiningi ko, ayoko ng pangalawang buhay kung hindi ko naman makakasama ang aking kapatid," galit na wika ni Larina. "At isa pa ginawa mo akong isang sirena, isang kalahating isda!"
"Isang kalapastangan ang ginagawa mong pagtataas ng boses sa prinsesa." Awat ng isang sirena.
Nagulat si Larina nang sambitin iyon sa kaniya dahil ngayon niya lamang ito nalaman.
"Ikaw ay prinsesa?"
"Patawad Larina, ang totoo'y walang sinoman sa amin ang may lakas ng loob na pigilan ang mga mangingisda sa takot na baka kami'y mahuli nila. Iyon ang dahilan kung bakit kita hinikayat sa aming kaharian at ginawang isa sa amin." Malumanay na sabi ni Bai Puti.
Ang panlulumo'y bakas sa magandang mukha ni Larina sapagkat alam na niya ang patutunguhan ng paliwanag ng kausap.
"Hindi mo na ako maibabalik pa sa dati kong anyo."
"Ang aling anyo? Iyong walang humpay mong pagsuklay sa iyong buhok na puno ng mga buto?" Siyang sabat ng isang sirena.
Hindi pinansin ni Larina ang komento nito ang kaniyang pananahimik ay senyales ng lubusang pagkaguho ng kaniyang mundo. Inakala niyang mababago nito ang kaniyang buhay at maitatama ang lahat ng maling ginawa niya. Tunay na siya'y nagsisi ng matindi sa pagpapahirap na ginawa niya sa kapatid nais pa sana niyang makahingi ng kapatawaran rito. Pinanghawakan niya ang pag-asang ibinigay sa kaniya ng sirena subalit lumalabas na ito'y isa lamang panlilinlang.
"Patawad Larina."
Matalim na tingin ang siyang ipinukol ni Larina sa prinsesa na pinangilagan ng karamihan buhat ng masaksihan iyon. Nakaramdam sila ng takot sa mga mata nitong nag-aapoy sa galit. Lumangoy siyang muli palayo sa kahariang minsan niyang itinuring na tahanan. Walang salitang iniwan si Larina maliban sa mga tingin niyang punung-puno ng pagkasuklam.
Nagpakalayu-layo siya na puno ng lungkot ang puso't isipan mag-isang lumalangoy sa malawak na karagatan. Sa tuwing gabi sa ilalim ng bilog na buwan siya'y umiiyak katulad ng mga panahong nais na niyang magpakalunod sa malamig at kalalimang tubig. Hanggang sa ang kalungkutang bumalot sa kaniyang puso'y unti-unting naging galit na siyang lumamon sa kaniyang pagkatao.
Nang minsang may mga mangingisda siyang natanaw ginamit niya ang kaniyang magandang tinig upang ito'y lumapit sa kaniya. Ang nakahuhumaling na tinig na kahit na sinong lalakeng makarinig ay hindi magawang hindi ito pansinin. Ang lalakeng ito'y wala sa sariling lumusong sa tubig at tuluyan niyang hinila ito pailalim sa tubig hanggang sa maubusan ng hangin. Magmula noon ang kwento ng mga mangingisda tungkol sa mga sirena'y naging katatakutan sa lahat ng mga taong pumapalaot sa dagat.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro