T W E N T Y N I N E
Gabi na nang dumating sina papa. Sunod-sunod ang pag-sara ng pinto ng mga kotse. Hindi pa man nakakapasok sa bahay ay ang ingay na nila sa labas, parang may pinag-aawayan.
"Paano napunta sa kanila ang titulo? Kay mamang iyon!" bungad na bulalas ni tito Dion na namumula ang mukha sa inis.
Sa likod niya nakasunod sina tito Arwan, tita Grace at papa. Dumiretso si tita sa kusina. Sa pagbalik niya ay may hawak na siyang baso ng tubig.
Umakyat ako sa kwarto dahil parang hindi angkop sa 'king makisali sa kanilang usapan. Gayunpaman, bahagya kong binuksan ang pinto upang makinig sa kanila.
"Wala tayong kaalam-alam na habang nagluluksa tayo kay mamang ay inaasikaso na pala niya ang pag-transfer ng titulo sa pangalan niya. Pero bakit sa kanya eh wala naman siya rito?" tanong ni papa sa kanila.
"Mga tauhan niya iyong nag-demolish sa resort kanina. Wala na tayong karapatang pakialaman pa iyon dahil pag-aari na iyon ni Sigmund. Ang sa atin lang ay iyong lupa doon katabi sa Countryside," mahinahong wika ni tito Arwan na halata na ang pagka-stress.
"Pati ba itong bahay ay kay Sigmund na rin?" nag-aalalang tanong ni Tita Grace.
Walang nagsalita sa kanila. Nagpapakiramdaman lang.
Kung sakali mang pag-aari na rin ito ni Sigmund, ibig sabihin ba wala na kaming karapatan dito? Kami ang buong kamag-anak ni lola, bakit si Sigmund ang makikinabang? Isang estranghero lang siya sa pamilya namin.
Ginamit niya yata ang apo niya upang maging espiya rito.
"Sino ba kasi ang Sigmund na iyan?" inis na asik ni tito Dion. "Bakit siya pinakasalan ni mamang? Wala nga siya noong libing. Kung pumunta man siya eh hindi naman natin kilala."
Bumuntong hininga si Tito Arwan at umupo sa tabi ni papa.
"Karaniwan nagpapakasal ang mga banyaga sa pinay upang makapagmay-ari sila ng properties dito sa Pilipinas pero hanggang mga establishments lang ang pwede nilang ariin. Hindi sila pwedeng mag-may ari ng lupa unless patay na ang asawa nilang may dugong pinoy. Wala na si mamang! Maaaring si Sigmund ang may pakana nito."
"Kung siya nga, nandito sana siya ngayon at pinapakita ang interes niya sa lupa! Pero wala!" katwiran ni tito Dion.
Kung anu-ano na ang mga binibigkas nilang mga opinyon at hinala. Hindi ko na maintindihan ang mga pinagsasabi nila kaya tumigil na ako sa pakikinig at sinara ang pinto.
Paano iyong lupang tinatayuan ng bahay ni Devin? Parte pa rin kaya iyon ng pag-aari ni lola? Alam kaya ito ni Devin?
Hindi siya nagpakita simula noong araw na pinuntahan ko siya upang kumprontahin. Guilty ba siya dahil alam niya ang tungkol dito? Alam ba nila tito na nandito lang ang apo ng pinaghihinalaan nila?
Gusto kong sabihin. Gustong-gusto! Pero natatakot ako para kay Devin lalo na't posibleng may kinalaman nga siya sa pangyayari.
Hindi pa rin mahagilap si Sigmund Bolivar. Kaya mas lumakas ang suspetsang konektado siya sa nangyari kay lola. Lumakas rin ang takot ko para kay Devin. He's his grandfather!
Sa sumunod na mga gabi ay hirap ako sa pag-tulog. Kinukulit ang diwa ko sa huling pag-uusap namin ni Devin at matagal akong hinihila nito. Minsan naisip kong tawagan siya pero nauuwi lamang ako sa hindi pag-tawag o pag-tipa man lang ng mensahe.
Nagising ako kinabukasan sa ingay sa baba. Boses na mga nagtatalo. Bahagya kong binuksan ang pinto at sumilip sa manipis na siwang.
Nakaupo si tita Grace kaharap ang pulis na pumunta rin dito noon at si Atty. Silvestre. Nakatayo sa likod ang mga tito ko at si papa.
"Matatagalan lang! Kailangan na natin ng hustisya!" inis na anas ni tito Dion. Napailing siyang nagpalakad-lakad.
"Hindi pa tayo sigurado kuya, wala pang sapat na pruweba. Hinihingan pa lang ng salaysay ang mga inimbita sa presinto."
Mas lalo akong dumikit sa siwang nang marinig ang sinabi ni tita Grace. May mga dinala sa presinto? Sino?
"Di ba mga naging kasambahay ni mamang iyon?" Halata pa rin ang inis sa boses ni tito Dion na parang hindi niya tanggap ito.
Mas lalo akong dumiin sa pinto. Sino sila? Kasambahay? My God. Hindi ko gusto ang inaalok na mga pangalan ng isip ko!
"May nakakita sa lalake na lumabas dito sa bahay noong hapon ng insidente. Mga isa o dalawang oras pagkatapos ay ang pagdating ni Savannah at nadatnan si mamang Nenita," ani ng pulis.
"Anong sinabi niya?" agarang untag ni tita Grace.
"We gathered gait evidence, at nag-match ito sa isa sa mga footprints na na-trace namin sa kwarto ng mamang niyo."
Lumapit si tito Arwan sa kanila. "Inamin niya ba ang pagpatay kay mamang?"
Umiling ang pulis. "Wala siyang inamin na krimen, pero inamin niyang nagpunta nga siya rito nang araw na iyon."
"So ano? Naniwala kayo? Pinakawalan na ninyo siya?" halos paghi-histerikal ni tita Grace.
"Nasa pangangalaga pa rin namin siya. Posibleng konektado ang krimen kay Sigmund Bolivar dahil napag-alaman naming lolo niya ang banyagang pinakasalan ng mamang niyo."
Halos magkapanabay ang marahas nilang mga pag-singhap. Samantalang ako'y nasa likod lang ng pinto ng kwarto, nanginginig ang mga tuhod at kalamnan, at hindi kayang paniwalaan lahat ng narinig ko.
Nabibingi na ako sa kaba ko. Itinatanggi iyon ng puso't isip ko. Hindi naman ibig sabihin na kung nakita siyang nanggaling dito ay siya agad ang pumatay. Hindi! Hindi iyon magagawa ni Devin!
Sa mahabang panahon na pinagbuksan siya ng pinto ni lola, ngayon pa ba niya gagawin ang pag-patay? Kung kaya niyang patayin si lola bakit hindi pa niya ginawa dati? Kaya hinding-hindi ako naniniwala sa akusa nila.
"May mga kinuwestiyon rin kaming malapit sa mamang niyo at isa na roon ang nagngangalang Astrid Vives. Kasalukuyan siyang pinupuntahan ng tauhan namin sa pamamahay nila upang hingan ng salaysay," dagdag ng pulis.
"Magsasampa kami ng kaso," biglang sabi ni tito Dion.
Lahat ng mga mata, pati ako'y sa kanya napabaling. Tikom na tikom ang bibig niya at halatang nagpipigil ng galit.
"Kuya, hindi pa natin napapatunayan na siya ang gumawa noon kay mama!" angal ni tita Grace.
"Hindi natin kailangan hintayin na umamin ang kriminal! Mamamatay-tao ang pinag-uusapan natin dito kaya sa korte talaga ang kahahantungan nito, Grace," matigas na ani ni tito Dion.
Sukong bumuntong hininga si tita at tinanggap ang badya na iyon ni tito.
"Atty. Silvestre, nais sana naming this week na mangyayari ang hearing bago isa-korte. Halos dalawang buwan rin ang hinintay namin bago nalamang pinatay pala ang aming ina. Hindi maaaring patagalin pa ito." Mahinahon ang tono ni tito Arwan.
Tumango ang abugado. "Makakaasa kayo."
"Ang anak ko attorney, kailangan ba niyang magbigay ng testimonya?" tanong ni papa.
"Actually hindi na po kailangan dahil inosente naman po ang anak niyo. Pero nasa sa kanya iyon kung nais niyang mag-testify."
Kinakabahan pa rin ako. Gusto kong mag-testify pero wala namang maitutulong ang sasabihin ko para sa pag-usad ng kaso. Pero ang takot kong ito ay hindi para sa 'kin kung 'di sa kinalalabasan nito at para rin kay Devin.
Nakakatampo lang na nilihim niya ang koneksyon niya kay Sigmund Bolivar. Pero naniniwala akong wala siyang alam sa pagpapakasal niya kay lola Neng.
At mas lalong hindi ako naniniwala na siya ang may kakagawan nito. Kung sino man iyon, nasa paligid lang siya at nagtatago.
Nagsitayuan na ang pulis at si Attorney Silvestre na sinundan nina papa. Papalabas na sila upang ihatid ang mga bisita. Palihim akong lumabas ng kwarto at nagtungo sa likod ng bahay habang abala sila sa labas.
"Saan ka pupunta, Savannah?"
Malamig na boses ni papa ang nagpahinto sa 'kin. Nasa bukana pa lang ako palabas ng backyard.
Hindi ko pinahalata ang paninigas. Ia-anunsyo lang nito ang hinala niyang pupuntahan ko si Devin.
"D-dito lang po..."
Naglakad siya papunta sa ref. Walang emosyon ang mukha niyang inangat ang pitchel at binuhos ang lamang tubig sa baso.
"Sa loob ka lang ng bahay. Huwag mo na siyang puntahan, wala rin naman siya sa kanila." Nagreplika ang mukha niya sa kanyang tono.
"Wala siyang kasalanan," giit ko.
Hinanda ko ang aking sarili na mapaigtad habang pinagmamasdan siyang umiinom. Ginhawa akong napahinga dahil hindi marahas ang pagkakalapag niya ng baso sa mesa.
"Nandito siya noong namatay ang lola mo. Isa pa rin siya sa pinaghihinalaan. Kakasuhan pa rin namin siya. "
"Hindi niya iyon magagawa," patuloy kong giit. Mananatili ang paniniwala kong iyon.
Tuluyan na akong hinarap ni papa. Ngayon lang ako nanahimik nang ganito sa harap niya. Ganyan ang itsura niya sa tuwing pinapagalitan niya si Mozes noon dahil palagi itong naglalakwatsa.
"Matuto kang huwag masyadong nagtitiwala. Kung sino pa itong malapit sa 'yo, sila ang kadalasang nagta-traydor. Taktika iyan ng kalaban, Savannah. Ginamit ng lolo niya si mamang para sa lupa. Posibleng ginagamit ka lang rin niya para sa plano nila. Kaya kahit para sa lola mo, huwag mo muna siyang lalapitan."
Wala akong nagawa kung 'di ang sumunod. Dahil hindi lang si papa ang nagbawal sa 'king kitain si Devin.
Kahit sa pagsama sa presinto ay hindi nila ako pinayagan.
"Pa, kahit sa kotse lang ako!" pamimilit ko, hinahabol ko siya na pababa ng hagdan. Padabog ang bawat mga hakbang niya.
"Hindi!" bulalas niya. "Grace, maiwan ka rito. Bantayan mo iyan!" Tinuro niya ako saka siya sumunod kina tito Arwan at tito Dion.
Mapagpaumanhin akong tinignan ni tita Grace. Tumango siya, na para bang sinasabi niya sa 'king sundin ko nalang si papa. Wala akong ibang nagawa at bigo bumalik sa kwarto.
Tinawagan ko si Daneen upang ibalita sa kanya ang nangyari. At isa pa, wala akong mapagbuntungan ng sama ng loob ko at lahat ng halo-halong pakiramdam ko ngayon.
"Fudge! Nakakulong siya ngayon?" Halos paghihisterikal niya. "Hindi pa naman proven na siya ang gumawa noon kay lola."
Nagmukha akong starfish na nakahilata sa kama, pinagmamasdan ang ilaw sa kisame at ilang mga sapot ng gagamba roon.
"Nasa custody lang siya ng mga pulis. Pwede pa namang mag bago ang charge laban sa kanya kung may ibang dumating na ebidensya. They're still investigating. 'Lam mo bang papa mo ang siyang nag-insist na kasuhan siya?"
"Highblood si papa, kilala mo naman iyon," aniya.
Napagod ako sa posisyon kaya humiga ako patagilid, hindi tinatanggal ang cellphone sa tenga ko.
"Paano Sav kung...ginawa niya talaga iyon? Kilala mo nga siya, but there's probably more to him that you have to know. Naniniwala kang wala siyang kasalanan kasi gusto mo siya at iyan ang gusto mong mangyari, na wala siyang ginawa, na hindi niya pinatay si lola."
Marahas akong bumuntong hininga. Bakit ngayon ko lang naisip na kadalasang suki ng 'what if's' 'tong pinsan ko?
"Ewan ko Daneen. Huwag mo nga akong palituhin!" pikit-mata kong sabi.
"O kita mo? 'Di ba hindi ka na sigurado?"
"Stop feeding me false assumptions."
Sa aming lahat ako lang yata ang naniniwala sa pinapaniwalaan ko. I don't just depend it on the evidence. Isang ebidensya pa lang naman iyon, not enough for him to be charged of crime.
"Take this as an example, Sav. Si Leilani, iyong kapitibahay niyo na sobrang inosente na akala mo magma-madre? Anyare? Edi nabuntis noong katorse anyos pa lang!"
Kumunot ang noo ko habang kinakamot ang aking ilong. "Anong kinalaman niyan dito?"
"My point exactly, Sav! Paganyan-ganyan lang iyang si Devin; hot, hunk, almighty meaty, pero hindi mo alam baka nakapatay na iyan dati."
Parang gusto kong puntahan ang pinsan ko't sabunutan.
"Daneen, hindi na nakakatuwa," seryoso kong sabi.
"Hindi ako nagjo-joke! Remember Ike? Ang bait-bait niya noong una, Sav. Mala santo ang mukha pero anong ginawa niya? Nang-two time ang gago! Tangina niya."
Pinapakinggan ko lang ang paglalabas niya ng sama ng loob at pilit iniintindi ang kanyang punto. Pero hindi pa rin ako dinapuan ng pagdududa.
"Hindi pa rin ako naniniwala sa binibintang nila sa kanila. So what if may footprint niya sa kwarto ni lola?" ani ko.
"Pinapairal mo kasi ang pagkagusto mo sa kanya. But I'm not saying that you should be one of those who are accusing him. Tama, hindi pa tayo sure pero what if lang? What if lang ang tinatanong ko Sav dahil sa oras na mapatunayan na siya ang gumawa noon, magiging handa ka."
Hinding-hindi ako magiging handa. Hindi napipigilan ang damdamin, hindi ito nadidiktahan kaya hindi ko kayang hindi masaktan sa oras na mapatunayang totoo nga ang pinaparatang nila kay Devin.
Mukhang ako pa itong nakakulong sa mga sumunod na araw dahil sa kunwaring house arrest sa akin ni papa. Kahit ang pagpunta sa dagat ay pinagbabawalan niya ako. As if naman doon nakakulong si Devin eh ang layo ng presinto sa baybayin.
Biyernes ng umaga ay late na akong nagising. Una kong napansin ang katahimikan kaya lumabas ako ng kwarto. Walang tao sa bahay. Maga-alas onse ang nabasa kong oras sa wallclock.
Bago ako nakababa ay tumunog ang aking cellphone. Sinagot ko ang tawag ni Daneen.
"Sav?" bungad niya, parang nag-aalinlangan.
"O?"
"Wala ka sa korte?" tanong niya.
Lumabas ako ng kwarto. "Anong meron?"
" 'Di mo alam?" mukha siyang nagulat. "Ngayon 'yong hearing!"
Mga paa ko na mismo ang huminto sa paghakbang. Kumapit ako sa handrail dahil muntik na akong matisod. "Sure ka?"
"Oo! Tinext ko si papa, tinanong ko kung kalian siya uuwi sabi niya bukas pa raw dahil may dinaluhan silang hearing ngayon. So hindi mo talaga alam?"
"Wala silang sinabi! Shit!"
Ako na ang unang nagpatay ng tawag. Tinakbo ko ang kwarto at nagmadaling naligo at nagbihis. Hindi ko na nagawa pang mag ayos at tumakbo ulit palabas ng bahay dala ng susi ng kotse.
Pero wala ang kotse. Shit, bakit hindi ko namalayang umalis sila? Buti pa ang kotse dinala nila, ako hindi!
Muli akong bumalik sa kwarto at kinuha ang aking coin purse. Kahit bagong ligo pa lang ay pinapaliguan naman ako ng pawis habang tinatahak ang dirt trail hanggang nasa dulo na ako't nag-antay ng motor. Hindi ako naghintay nang matagal dahil agad ring may huminto.
Pinagpapawisan ako ngunit nanlalamig naman ang buong loob ko. Bawat espasyo papalapit sa pupuntahan ko ay palala nang palala ang aking kaba. Tinumbasan ang takot ko ngayon ang pakiramdam ko noong nadatanan kong wala nang buhay si lola.
Hindi ko na hiningi ang sukli at agad akong tumakbo papasok sa City hall.
Hindi ko alam kung saan ang hearing room nila dito. Inikot ko ang aking paningin sa paligid at bumabase sa aking instinct na binabaon naman ng labis kong kaba.
Sa 'di inaasahan, nakita ko si Brenna na hindi ko alam kung saan nanggaling. Hindi niya ring inasahan na makita ako.
Kinalimutan ko muna ang alitan namin. Dali dali ko siyang nilapitan. Nanatili siya sa kanyang kinatatayuan.
"Si Devin ang ipinunta mo?" tanong niya bago pa ako makabuo ng salita.
Tumango ako. Tahimik niya akong nilagpasan. Maybe it means na sundan ko siya kaya iyon ang ginawa ko.
Sa kalagitnaan ng pagsunod ko sa kanya ay maraming naglal;aro sa isip ko. bakit siya nandito? Mga what if's ni Daneen. Paano nga ba kung si Devin ang gumawa noon kay lola? Anong mararamdaman ko kay Devin? Ayaw ko siyang kamuhian. Hindi sa ganitong dahilan.
Wala sa 'kin ang pagod kung 'di pawang panghahapdi lamang lalo na sa dibdib ko.
Hingal kong hinarap ang nakasarang higanteng mga pinto. Maririnig hanggang dito ang pangyayari sa loob pero hindi ito sapat para sa 'kin.
Nilingon ko si Brenna na seryosong nakatayo sa tabi ko.
"Hindi ka papasok?" tanong ko.
Simpleng iling ang sagot niya.
Dahan-dahan kong binuksan ang pinto, nalingunan iyon ng isang nagbabantay. Akala ko'y pagbabawalan niya ako ngunit tinulungan niya pa akong buksan ito. Bahagya akong yumuko bilang pasasalamat.
Nagwawala sa kulungan nito ang puso ko nang makita si Devin na siyang nagsasalita sa harap kaharap ang isang abugadong nakatayo. Nasa abugadong nagi-interrogate sa kanya ang kanyang paningin.
"Ano ang ginagawa mo sa kwarto ni Nenita noong araw na namatay siya?" tanong ni attorney Silvestre.
Tuwid ang pagkakaupo ni Devin, iyan ang palagi niyang postura. Ngunit ang seryoso niyang mga mata ay nasa kanyang mga kamay. Pinagsiklop niya ang mga ito.
"Hapon iyon, naghatid ako ng prutas. Nadatnan ko siya na sinasapo ang ulo at halos matumba na, wala siyang mapagkapitan kaya nagmadali akong alalayan siya. Hinatid ko siya sa kwarto upang makapagpahinga."
"Saan ka nagpunta pagkatapos?"
"Sa presinto," tugon ni Devin. "Pinuntahan ko ang kaibigan ko."
Si Ivor ang unang naisip kong pinuntahan niya.
"Palagi kang nagbabakasyon dito sa Aloguinsan, tama ba?"
Hindi nag-angat ng tingin si Devin. Seryoso niyang tinapat ang bibig sa mikropono. "Opo."
"Pero ngayong taon mo lang nagawang magtagal sa pananatili rito?"
"Opo."
Tumatango-tango si attorney Silvestre, tinatanggap ang sagot niya.
"Ano ang relasyon mo kay Sigmund Bolivar, Mr. Revilloza?"
Doon na nag-angat ng tingin si Devin. Nasa pagitan ng seryoso at kawalaang emosyon ang mukha niya. Kinakabahan ako para sa kanya. Baka malala ang ikakaso sa kanya kapag itatanggi niya ito.
"Lolo ko siya. Ama siya ng mama ko." Umigting ang panga niya.
Ang paraan ng tingin niya'y para bang kay attorney niya sinisisi lahat kung bakit naging apo pa siya ng lolo niya.
May pinindot si attorney sa laptop niyang nasa mesa sa harapan niya. Lumitaw sa dalawang screen na nakaharap sa amin ngayon ang sobrang marangyang bahay animo'y buong football court ang inookupahan nito.
"Iyan ang bahay niyo sa California, right Mr. Revilloza?"
Calling that a house would be an understatement, attorney. It's a fucking mansion!
"Opo," mahinang sagot ni Devin na madilim ang tingin sa pinakitang litrato ng mansiyon.
Hindi ko akalaing ganyan siya karangya sa lugar na nilisan niya. Kahit papaano'y may nasagot sa katangunagn ko noon tungkol sa kanyang pamilya.
"Mr. Revilloza, ano ang iniuwi mo rito sa Aloguinsan kung may ganito ka namang tirahan doon? Maganda ang pamumuhay, marangya, isang pamumuhay na hinihiling ng karamihan sa atin dito ngayon." Sandaling tumigil si attorney bago nagpatuloy.. "May kinalaman ba ang lolo mo sa pagtatagal mo rito?"
Matagal sumagot si Devin. Hindi ko alam kung ini-organisa niya ang mga sasabihin, o may balak siyang itanggi ang ebidensyang nilahad sa harapan niya.
Hinawakan niya ang manipis na katawan ng microphone at muling tinapat ang kanyang bibig roon. Walang pa ring emosyon ang mukha niyang nakatingin kay attorney.
"Hindi ako masaya roon kaya umalis ako at dito nagpunta. Ginawa kong dahilan ang pangako ko sa kanyang gagawin ko ang iniutos niya."
Malamig ang kanyang boses at mababa dahilan upang manayo ang balahibo ko. May kinalaman doon ang karagdagang effect ng mikropono.
"Ano ang inutos ng lolo mo?" usisa ni attorney.
Posible pa lang mabingi ka sa sobrang katahimikan. Pero ako, dumagdag roon ang malakas na paghuhurumintado ng puso ko sa kulungan nito. Pakiramdam ko'y masusuka ko ang puso't kalamnan ko.
"Inutusan niya akong patayin si lola Nenita."
Kusang dumikit ang kamay ko sa aking bibig upang takpan ang aking gulat. Pero hindi ito naging sapat. Sa namimilog kong mga mata, katibayan ng aking gulat at takot sa taong nasa harap ko, hinding-hindi matatakpan ng kahit ano ang aking reaksyon ngayon. Tumakas ang butil ng luha hindi para sa kamatayn ni lola, kundi sa katotohanang inamin niya.
Napaatras ako at dumikit sa pinto. Sinubukan kong hagilapin ang handle upang makalabas pero umiral ang aking panghihina. Umiral ang kagustuhan kong may malaman pa.
Sa dako nina papa ay nag-iingay na. Mga bulong ng pagtawag ng Diyos. Nagawa pang tumayo ni tito Dion upang sumugod sa harap buti't napigilan siya nina tito Arwan at papa.
"So inaamin mo na rin bang ikaw ang nagpainom ng gamot kay Nenita Palomarez? Pinatay mo ba siya bilang utos ng lolo mo?" matigas na pagtanong ni attorney, parang dinidiin sa kanya na Oo ang dapat niyang isagot upang matapos na ito pero sumisigaw ang utak ko ng hindi! Sana hindi!
Gumala ang paningin ni Devin animo'y may hinahanap. Doon lamang nahinto nang matagpuan niya ako. Hinigpitan ko ang pagkuyumos sa bibig ko, inaasahang makatulong ito upang mapigilan ang pagtakas ng aking hikbi.
Please Devin, hindi mo ginawa, di ba? Inosente ka...
Halatang-halata ang pagmamakaawa ng mga mata ko. Mariin at seryoso ang ibinalik niya sa akin.
"Hindi. Hindi ko ginawa."
Tila nailuwa ko ang malaking bato na bumaon sa dibdib ko. Mariin akong napapikit at napaluha, tahimik na nagpapasalamat.
"Sigurado ka ba?" paninigurado ng abugado.
Tumango si Devin, hindi niya inaalis ang mariing paningin sa 'kin. "Nagsasabi ako ng totoo at pawang katotohanan lamang."
Sinasabi niya ito direkta sa akin. Mata sa mata. Tumango ako pabalik sa kanya, tahimik na sinasabing naniniwala ako.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro