T H I R T Y
Hindi pa rin ako nakita nila papa. Sa kanila ang paningin ko habang humahakbang ako patungo sa mga upuan. Dito ako sa pinakalikod pumuwesto.
Si manang Emay ang sunod na umupo sa harap. Pinagtagpi ko ang tanong niya noong lamay ni lola sa nangyayari ngayon. Representative attorney ng kabila ang kumukwestiyon sa kanya.
"Nanatiling lihim ang kasal nila. Isa ako sa mga witness at ang asawa ko na namatay na. Peke ang files na nakasaad sa munisipyo kung saan Palomarez ang gamit niyang apelyiedo dahil sa original na dokumento, Bolivar ang naka-rehistrong apelyiedo niya."
"Hawak mo ba ang original na mga files?"
"Opo."
Mas lumakas lang ang kaso laban kay Sigmund Bolivar. Kahit wala siya rito ay nasa paligid lang ang kung sino mang gumawa ng krimen para sa kanya. Hindi lang naman si Sigmund ang kailangan managot, ang gumawa rin ng krimen mismo.
Laking pagtataka ko nang inanunsyo ang pangalan ni Astrid bilang susunod na isasalang sa harap. Wala naman akong maisip na pwede niyang sabihin para sa kaso.
"Astrid Vives, gaano mo kakilala si Nenita Palomarez?" panimulang tanong ni attorney Silvestre.
Pinaglalaruan niya ang mga daliri habang kabadong tinitignan si attorney. Dahil nakatalikod siya ay hindi ko alam kung ano ang kanyang ekspresyon upang umani ng ganyang reaksiyon mula kay Astrid.
"M-matagal...mga sixteen ako noong magsimula akong maging kasambahay pero parang apo na rin ang turing niya sa 'kin."
"Sinuswelduhan ka ba ni Nenita?"
"O-opo..." nauutal niyang tugon saka yumuko.
Bumagsak ang nagbalik-tuwid niyang buhok sa kanyang balikat dahil sa ginawang pagyuko.
"Nais mo bang ipahayag sa amin kung magkano ang binabayad niya sa 'yo kapalit ng paninilbihan mo sa kanya?"
Hindi ko man lang nagawang alamin ang tungkol doon. Para sa 'kin hindi naman kasi ako dapat nanghihimasok pa. Desisiyon ni lola ang pagpapasuweldo kay Astrid at alam kong deserve niya ang bayad. Siya ang tumatayong kamag-anak sa mga panahong wala kami kasama siya.
"Sapat lang po upang mabuhay kami at makaipon para sa pagbabalik ko sa pag-aaral at pagpapagamot para kay mama," sagot ni Astrid.
Kita ko siyang lumingon sa mga upuan. Sinundan ko iyon ng tingin at nakita si Sir Fred na isa sa mga naroon. Hindi niya kasama ang dalawa pa niyang anak.
"Anong sakit ng mama mo?"
Nag-iwas ng tingin si Astrid. "Peripheral neuropathy..."
Somehow naging pamilyar din ako sa sakit na iyan. Binalikan ko ang pag-aaral ko ng nursing at ang lecture namin. Iba ang naging pakiramdam ko nang inaalala iyon. Animo'y naka-highlight ang isang term doon sa librong binasa ko.
"Maipapahayag mo ba sa amin ang mga gamot na iniinom ng mama mo para sa sakit niya?" usisa ni attorney.
Natunugan ko ang tono niya na parang papalapit na siya sa nais niyang katotohanan.
Mas lalong yumuko si Astrid at mabilis na umiling, pinaglalaruan ang native niyang bracelet sa kaliwang kamay. "Hindi ko po matandaan lahat..."
"Iyong natatandaan mo lang."
Sa sahig sa harap siya nakatingin, gumagalaw ang mga mata na parang may pinagpipilian siyang mga bagay na nakalahad doon. Nagbukas-sara ang bibig niya, halata ko ang kanyang panginginig at ginawa kong dahilan ang lamig ng aircon.
"Gabapentin—"
"Para saan ang gamot na iyan?" agarang tanong sa kanya ni attorney.
"P-para sa seizure..."
"Ano pa? ano pa ang naalala mo?"
Bumilis ang kanyang paghinga at hindi makatingin sa kahit kaninong mga mata. Parang labag sa loob niya ang pagsasalita. "Amitriptyline—"
"Amitriptyline!" Napaigtad ako sa bulalas ni attorney. "It's a tricyclic antidepressant drug. Ayon sa toxicology report ng biktima, ito rin ang gamot na siyang na trace kay Nenita Palomarez. Now Ms. Vivez, noong araw ng insidente, may pagkakataon bang nagpunta ka sa bahay ni Nenita?"
Hindi ko masyadong rinig ang sagot niya dahil halos binulong na niya ito. At ewan ko kung dahil ba sa ilaw, o sa kutis niya ang dahilan ng kanyang pamumutla.
"Ano ang ginagawa mo roon? Anong oras?"
Lumukot sa sakit ang pinta ng mukha niya sabay iling. "Hindi ko na kaya..."
"Ano ang ginawa mo kay Nenita Palomarez, Ms. Vivez?" mariing tanong ni attorney.
Nagsimula na akong kabahan at alam kong sina papa rin. Hindi sila mapakali sa kanilang kinauupuan.
"H-hindi ko kaya..." mariing pumikit si Astrid. Kung hindi ako nagkakamali ay may narinig akong hikbi mula sa kanya.
"Ano ang ginawa mo kay Nenita Palomarez, Ms. Vivez?" Dumoble ang diin ng tono ni attorney.
"Objection!" ani ng representative sa kabila.
"Ano ang ginawa mo kay Nenita Palomarez?" isinigaw na ito ni attorney.
"Objection!"
"Ano ang ginawa mo kay Nenita Palomarez—"
Sinenyasan na siya ng judge. Tinuro niya ang attorney na nag-represent kina Astrid at Devin at hinayaan itong ipahayag ang dahilan ng pagsalangsang niya.
Tumayo ang attorney sa kabila. "That's already an abuse of a witness. He keeps asking repeated questions na hindi man lang hinahayaang sumagot si Ms. Vivez."
"Alright, I'm sorry," pormal na ani ni Atty. Silvestre.
"Proceed," tamad ang tono ng judge. Mukha na siyang inaantok, marahil nasanay na sa mga ganitong eksena.
Muling humarap si attorney kay Astrid, mas tumuwid pa ang postura nito.
"Ms. Vivez, Ikaw ba ang nagpainom ng gamot kay Nenita Palomarez? Ikaw ba ang pumatay sa kanya?" Halos mabingi ako sa lakas ng boses ni atty. Silvestre.
Tumahimik ang buong courtroom maliban sa tunog ng aircon. Pati yata ang tibok ng puso ng iba ay naririnig ko, at ang mabilis nilang mga paghinga bilang paghahanda sa katotohanan.
"Ms. Vivez, inuulit ko ang tanong. Ikaw ba ang nagpainom ng gamot kay Nenita Palomarez?"
Humihingal na si Astrid, sinasapo ang kanyang dibdib at nagbabadya ang kanyang hikbi. Nagsimula nang magbulungan sa panig namin.
"Ms. Vivez, inuulit ko." Mas mariin at buo na ang pagkakabigkas ni attorney. Palakas na rin nang palakas ang boses niya. "Ikaw ba ang nagpainom ng gamot kay Nenita Palomarez—"
"Oo!" malakas niyang deklara kasunod ang kanyang paghagulhol. Tinakpan niya ang kanyang mukha.
Gulat na gulat ako sa sinaad niya. Nilingon ko si tita Grace sa narinig niyang pag-iyak na ngayo'y tinatahan nina papa.
"Inutusan lang ako, pinangakuan ng magandang buhay ang pamilya ko kapalit ng gagawin ko kay lola Neng..." Humihikbi niyang dagdag.
"Hindi sapat ang rason na iyan upang patayin mo si mama!" sigaw ni tito Dion na gigil na dinuduro si Astrid. Lumakas lalo ang hagulhol niya.
Sa mga nagawa sa kanya ni lola, kamatayan ang sinukli niya? Alam kong para sa pamilya niya kaya niya iyon nagawa pero...hindi ko mabalot sa isip ko kung bakit kailangang kumitil ng buhay.
Akala ko sa mga balita ko lang napapanood ang mga mababaw na dahilan nilang pumatay. Ngayong nangyari ito sa pamilya ko, mahirap para sa 'king tanggapin ito. Parang napaka-imposible kahit na nangyari na.
Hindi ko na nagawa pang marinig ang mga karagdagang tanong ni attorney sa kanya. Nawala ako sa sariling iniisip, pagkabigla, gulat.
Nasa paligid lang namin siya, ewan ko kung maituturing kong swerte ang aking sarili dahil hindi ako ang nilason niya dahil sa pagkakagusto niya kay Devin.
"I'm done with her, Your honor." Pormal na ani ni attorney Silvestre.
Binalingan ko si Devin na nakayuko, sapo ang ulo habang umiiling na parang pati rin siya'y hindi tanggap ang mga nalaman.
Mas naaawa ako kay sir Fred, nanginginig ang kanyang balikat at tinatakpan ang mukha. Halata na umiiyak. Kita ko ang pagmamahal niya sa kanyang pamilya, ang pagsisikap niya bilang reef ranger para lang may pangtustos sa pangangailangan nila. Pero dumagdag pa sa kanyang problema ang ginawa ng kanyang panganay.
Lumakas ang mga bulungan. Umusog ako sa pinakagilid doon sa taong mas matangkad sa 'kin upang matakpan ako sa paningin nila papa nang nahimigan kong lumingon siya rito.
Tinignan ko muli si Devin na parang may hinahanap ulit. Hindi ako nagpakita. Bigo ang mukha niyang nagbalik tingin sa harap.
Binalot ang buong courtroom ng iyakan lalo na kay Astrid. Niyakap ni tito Arwan ang humahagulhol na si tita Grace na sa wakas ay nabigyan ring hustisya si lola Neng. Pero kailangan pa rin naming mahanap si Sigmund bilang pasimuno sa mga nangyari. Matigas ang ekspresyon ni tito Dion na kinamayan si attorney Silvestre.
Kinakausap na si Devin ng mga pulis, siya lang ang tanging source kung saan ang kinaroroonan ng lolo niya.
Tumayo ako at kusang gumalaw ang mga paa ko patungo sa kanya. Wala naman akong dapat sabihin pero may sariling buhay yata ang mga paa kong pinuntahan siya.
Mariing nakikinig si Devin sa sinasabi ng pulis, gumagalaw ang bibig niya, nakinig ulit saka tumango na animo'y may sinang-ayunan ito.
Nahagip niya ako at lumuwang ang mahigpit niyang ekspresyon. Hindi na siya nag-aalis ng tingin kahit nagsasalita pa ang kausap niya. Sa huli ay tumango ulit siya, sandaling sinulyapan ang pulis at nagbalik tingin sa 'kin.
Hindi niya pinapansin ang mga palahaw ni Astrid sa kanya. Alam kong naririnig niya siya dahil sa pag-igting ng kanyang panga at galit niyang ekspresiyon.
Mabagal ang mga hakbang niya akong sinalubong hanggang sa magkaharap na kami. Wala akong masabi. Gusto ko lang matunghayan kung ayos lang siya.
Unit-unti niyang inabot ang mga daliri ko hanggang sa mga kamay ko na ang kanyang sinakop. Isang beses siyang humakbang at pinagdikit ang aming noo.
"I'm sorry na humantong pa sa ganito ang nangyari sa pamilya niyo..." pabulong niyang sabi. Namamalat ang boses niya.
Tanging nagawa ko ay ang tumango. Umangat ang isang kamay ko't hinaplos ang pisngi niya. Humilig siya sa aking kamay at pumikit.
Hindi ko alam kung saan kami dadalhin mula rito. Parang maraming mag-iiba kung ipagpatuloy namin kung anong meron sa amin. Bumakat ang siwang ng tiwala simula noong malaman ko ang tungkol sa kaniya at sa pamilya niya. Pero kahit ganon, walang nagbago. Walang nagbago sa nararamdaman ko.
"Savannah."
Ang diin sa tono ni papa ang nagpahiwalay sa amin ni Devin. Nilingon ko siya at nakitang kay Devin siya nakatingin bago bumaling sa 'kin.
"Iha, pinagkatiwalaan ka ng mama ko. Dahil lang sa pera kamatayan ang sinukli mo? Nabulag ka sa ipinangako sa 'yo at nakuha mong pumatay ng tao...?" iyak ni tita Grace.
Nakayuko si Astrid habang tinatanggap ang mga wika ni tita. Dalawang pulis ang naka-tore sa gilid niya.
"Kailangan na kailangan na po naming ng pera, may sakit si nanay..." iyak ni Astrid.
"Sana nanghingi ka nalang, bibigyan ka naman namin, hindi 'yong..."
"Anak...pinalala mo eh. May ipon ako para sa pagpagamot sa mama mo, nanghingi na rin ako ng donasyon sa munisipyo. Anak, hindi mo na sana ginawa..." Luhaan na hinarap ni Sir Fred sina tito at tita. "Ako na po ang humihingi ng labis na kapatawaran sa nagawa ng anak ko. Naiintindihan ko na kailangan niyo siyang ipakulong."
"Wala kang kasalanan, Fred. Sana lang mas nabantayan itong anak niyo. Hindi namin lubos akalain na magagawa niya ito," ani ni tito Arwan.
Hikbing tumango si sir Fred. Tuloy naisip ko kung paano na ang asawa't dalawa pa niyang mga anak. Hindi ko mapigilan ang mga luha kong mangilid habang iniisip ang sitwasyon niya.
Hinila na si Astrid ng mga pulis. Sumunod kami sa likod hanggang sa pagdating sa labas ay pinapanood namin siyang isinakay sa police car upang madala sa presinto. Mababaan yata ang sentensiya niya dahil sa pag-amin niya sa krimen.
"Tara na, Savannah."
Sumunod ako kay papa pero bago pa ako makalayo ay lumingon ako pabalik sa likod. Naroon pa si Devin at tinatanaw ang pag-alis namin.
"Pa..."
"Tara na," pamimilit niya, kinalabit pa ako.
Bumagsak ang balikat ko sa pagsuko. Tumango si Devin, parang narinig niya si papa at sinang-ayunan ang sinabi nito kaya sumunod nalang ulit ako at pumasok sa sasakyan.
Nanatili siyang nakatayo sa harap ng city hall, tinatanaw ang pag-alis namin. Nakapamulsa siya, tanging buhok lang niya ang nanatiling gumagalaw na nililipad ng hangin.
"Pagdating mo sa bahay, mag-impake ka na," ani ni papa.
Gulat ko siyang binalingan. "Aalis na ako sa bahay?"
"Hindi na sa atin iyon, Savannah. Nakapangalan na iyon kay Sigmund."
"Sa kaniya pa rin iyon kahit may kaso laban sa kanya? Kahit..." bumuntong hininga ako, nawalan ng sasabihin. "Pwede naman nating bilhin eh."
"O sige ikaw, bilhin mo nga," paghahamon ni papa.
Nanahimik na ako at napaupos sa kinauupuan.
Dalawang luggage at isang knapsack. Ganoon ang inokupahan ng mga gamit ko kinabukasan. Napuyat ako kagabi sa dami ng inimpake ko. Pero hindi na ito kasing dami sa mga gamit na dala ko noon dahil pinamigay ni lola ang iba kay Astrid.
Kay tita Grace ako nanghingi ng permiso na pupunta ako sa tagong baybayin. Matagal na rin akong hindi nakapunta kaya bago ako umalis ay naisip kong tanawin ito sa huling pagkakataon.
Bumaon ang aking white sneakers sa buhangin sa bawat apak ko. Nilibot ko ang paningin sa walang katao-taong baybayin dahil weekday.
Nahagip ko ang bangka na nanatiling nakadikit sa ilalim ng puno ng niyog. Hindi talaga iyan matanggal-tanggal diyan. Naalala ko tuloy ang unang raw ko rito.
Ngayon ko lang napagtanto na si Devin yata iyong nakita ko diyang natutulog noong hapon na iyon.
Nagtungo ako roon at umupo sa dulo. Habang tinatanaw ang dagat ay naiisip ko ang magiging buhay ko pagbalik sa siyudad. Mawawalay ulit ako sa kasanayan, ni hindi ko na nagawa pang makapag-paalam sa mga ka-trabaho ko sa La Casa. Kamusta na kaya sila ngayon? Nakahanap kaya sila ng ibang trabaho?
Dinapuan ako ng kaba nang makarinig ng mga kaluskos at kiskisan ng mga sanga at dahon. Lumambot ang paraan ng kabang iyon nang si Devin ang niluwa ng pinto ng mga puno. Nilibot pa niya ang paningin sa paligid bago ako nahanap.
Lumuwang ang mukha niya akong nilapitan. Sando at cargo shirt lang ang suot niya, kaya nasisinagan ng araw ang bawat batak ng kanyang muscles sa braso at balikat. Mukha lang siyang nagmo-model ng beach wear sa suot niya.
"Ba't mo alam na nandito ako?" tanong ko.
Pinagpagan niya ang katabi kong espasyo bago siya umupo. Nakatukod sa binti niya ang mga kamay at bumuntong hininga.
"Sabi ng tita mo. Nagpunta ako sa inyo, nandito ka raw," aniya.
"Hindi ka nakita ni papa?"
Umiling siya. Hindi siya mukhang pagod. Para ngang sapat ang naging tulog niya dahil sa presko niyang mukha ngayon animo'y wala lang sa kanya ang nangyari nitong nagdaang mga araw. Maliban lang sa may panga niya na tatlong araw na yatang hindi inaahitan.
" Kung 'di ako nagpunta sa bahay hindi ko malalaman na aalis ka." Sa dagat siya nakatanaw. Bahagyang naninigkit ang mga mata sa pag-ihip ng hangin.
"Baka kasi pigilan mo ako," mahina kong sabi.
Kunot-noo niya akong nilingon, o mas madaling sabihin na sinimangutan niya ako. "Ayaw mo bang papigil?"
Hindi ako nagsalita. Binigyan ko lang siya ng pagkakataong magbukas ng panibagong tanong.
"Iiwan mo na ako, Sav?" malambing niyang tanong.
Natawa ako. Para siyang bata na ayaw maiwan ng mama niya.
"Sa bagay, aalis din naman ako."
Ako na ang lumingon sa kanya. "Saan?"
"Makikipagtulungan ako sa mga pulis para hanapin si Sigmund."
"Hindi mo siya tinatawag na lolo," puna ko.
"Masama man pero, tinatanggi ko ang koneksyon ko sa kanya."
Kaya naman pala ayaw niyang pag-usapan ang pamilya niya kahit anong pilit ko. Sino nga ba ang proud ipangalandakan na isang krminal ang isa niyang kamag-anak? But how about his father? His mother? Galit rin ba siya sa kanila?
Hinapit niya ng baywang ko at pinausog ako papalapit sa kanya. Nagdikit ang mga braso at binti namin. Nanatili ang braso niya sa pinupuluputan nito.
Hinayaan kong pairalin ang pananahimik naming dalawa. Tanging hampas ng alon lang ang nag-iingay at ibang tunog sa 'di kalayuan. Sinasabayan iyon ng kiskisan ng mga dahon at sanga dahil sa maaliwalas na ihip ng hangin.
"Simula noong umalis ako sa mansiyon, simula noong nanatili ako rito ay kayo na ang naging pamilya ko, Sav. Kayo ni lola Neng, mga kapatid at pinsan mo, mga tao rito. My parents don't love each other. My grandfather is sort of a mob boss and I'm not even proud of it. Sa buong buhay ko dito lamang ako nakahanap ng katotohanan. Pagmamahal. Love is truth, Sav," hinawakan niya ang baba ko at pinatingala ako sa kanya. "and you are my truth."
Tinakpan ko ang bibig ko habang naluluha siyang tinitigan. Pakiramdam ko sasabog ang puso ko sa pinaghalong emosyon na hindi ko mapangalanan. Pero alam kong nanaig doon ang sobrang kasiyahan.
Bumaba ang tingin niya at suminghot. Kinusot niya ang mga mata saka may dinudukot sa kanyang bulsa.
Binalik niya ang kanyang wallet sa bulsa niya, pitaka ko naman ang kanyang kinuha sa loob ng bulsa ko at doon siniksik niya ang picture namin.
"Hindi ka magbo-boyfriend kahit malakas ang hatak mo sa kaliitan mo. Ipakita mo 'to Savannah kapag may magtangka, ha?" Winagayway niya ang nakabukas kong wallet kung saan naroon na ang picture.
Natatawa akong tumango. Pinalis ko ang naglandas na luha sa aking pisngi.
Kinuwadro niya ang aking leeg saka hinalikan ako sa noo. Hindi ko mapigilan ang pagtakas ng luha ko. Bakit ba kasi?! Wala naman akong dapat ikaiyak pero naluluha talaga ako.
"I love you, Devin..." bigla kong sabi.
Namilipit sa sakit ang mukha niya na parang nasasaktan siya sa sinabi ko. Malakas siyang bumuga ng hangin.
"Just act on it, Sav," bulong niya.
Hindi ko pinatagal at hinalikan ko na siya. Agad niya iyong tinumbasan. Humahagod ang malambot niyang labi sa ibabang labi ko at ako'y nasa taas na parte ng labi niya. Tumagilid ang kanyang ulo upang laliman pa iyon at hindi ko siya pinigilan.
Hindi ko alam kung kailan kami magkikita ulit. Pero paninindgan ko ang sinabi ko sa kanya at sana ay ganoon rin siya. Malaki ang tiwala ko sa kanya. Just like what he said, love is truth.
I am his truth, and he is mine.
Isang beses niya pa akong dinampian ng halik bago bumitaw. "This isn't goodbye, Savannah."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro