Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

S E V E N

Kasalukuyan naming kinakain ang pinitas kong mangga kahapon. Binalikan ko ang nangyari kanina at binabakas kung paano ako nahantong ngayon sa pakikinig  ng advice sa radyo para sa mga callers na sawi sa pag-ibig at nananawagang magka-lovelife.

"Tangina! 'Yan lang problema niya?" mura ni Daneen saka malaking sinubo ang isang hiwa ng mangga. "Eh ako bente kwatro! Walang karekla-reklamong walang jowa. Ang liit ng problema ng babaeng 'yan. Hindi 'yan nasosolusyunan problema ng Pilipinas uy!"

Sa inis niya'y nilipat niya ang station. Mahina akong natawa sa kanyang reaksyon ngunit agad ring naglaho nang may marinig na parang may nagbubungkal ng lupa. Lumingon ako sa may bintana, umaasang lumitaw ang salarin doon.

Ilang segundo pa ay nagpakita si Devin. Naka-topless na naman. Hinawi niya ang tumakas na hibla ng buhok sa pawisan niyang noo sa pagpadaan ng kanyang kamay saka siya nakangiting lumingon sa gilid. Nakapameywang siya.

"Salamat dito iho, ang ganda ng pagkaka-landscape mo." Mahihimigan ang kasiyahan sa tono ni lola Neng. 

"Basta po kayo, La."

"Ay teka, hintayin mo muna ako rito't may kukunin lang sa saglit."

Pumasok si Lola Neng na may malaking ngiti na nakapaskil sa mukha. Dumestino ang mga mata ko sa pinto habang inaabot ang plato sa mesa ngunit wala na akong mahagip na mangga. Nilingon ko si Daneen na papasubo na sa huling piraso.

Tumayo nalang ako at nagtungo sa pintuan saka sumandal. Nakayuko si Devin, tinitignan ang pantay na mga puting bato sa landscape kung  saan naroon ang sari't saring mga bulaklak.

"Nakikipaglandian ka ba sa lola ko?" bungad kong tanong sa kanya.

Gulat siyang nag-angat ng tingin. Sa tinagal naming nakatambay ni Daneen sa sala, how come hindi ko siya nakitang pumasok sa bakod ng bahay? O baka kanina pa siya nandirito.

Tumingala siya at bigla nalang humagalpak ng tawa. Sumali sa pagyugog ang mapirmi at pawisan din niyang dibdib sa kanyang balikat. 

"Lola Neng! Ang bagsik talaga ng apo mo! Ang sarap iuwi sa bahay. Asawahin ko na kaya 'to?"

Pinandilatan ko siya ng mata na mas ikinatawa pa niya. Rinig ko rin mula rito ang tawa ni lola Neng at ni Daneen.

Nairapan ko siya. Ang landi talaga ng lalakeng 'to. Hindi manlang marunong mahiya!

"Ano pala oras ng laro niyo mamaya, Eli?" tanong ni Daneen mula sa sala na nagbabalat ng panibagong bunga.

Sandali pa siyang huminga galing sa tawa saka tumikhim at sinagot si Daneen. Dumungaw siya sa bintana. "Mga alas dos siguro. Papunta na yata doon mga pinsan niyo."

Nahinto si Daneen sa pagbabalat. Umaasa ang mga mata niyang dumestino sa 'kin. "Punta tayo?"

Kinunot ko ang ilong ko. "Ikaw nalang."

Ngumuso siya, nagmamakaawa. "Sige na Sav...uwi na kami bukas. Bukas na rin babalik si Axton sa Hawaii. Last bonding na natin 'to. Walang magch-cheer kina Euan, tsaka si Asa magaling 'yon!"

Nakuha ko agad ang tinutukoy nilang laro nang mabanggit si Asa. He's truly good at it.

"Kay Asa pa? Eh may kamukhang artista 'yon malamang titilian siya kahit matalo sila."

Dumaing pa si Daneen na may kaakibat na pamimilit. Pero hindi ako nagpadala. Ang init kaya ng alas dos! Ang alam ko walang kisame ang basketball court nila rito. Ayoko po namang mag-payong.

Nilingon ko ang pagbaba ni lola habang nagbibilang ng pera. Tumabi siya sa 'kin saka inabot ang pera kay Devin.

"O eto bayad, Eli..."

Isang beses nagpakawala ng tawa si Devin kasabay ang pag-angat ng kabilang sulok ng kanyang bibig.

"Hindi na po la Neng. Libre nalang po." Bahagyang naniningkit ang mga mata niya nang tumingin sa 'kin, pigil-ngiti siyang ngumuso. "Bayad na po kayo."

Biglang nanginig ang kalamnan ko. Nag-iwas ako ng tingin. Halos sinampal ko ang aking mukha dahil sa panginginit nito.

"Sigurado ka ba, iho?" taka akong tinignan ni lola bago binalingan muli si Devin. "O siya sige, ipapatawag nalang kita kay Astrid o isa sa mga apo ko kung kailangan ko ulit ipa-landscape 'tong garden."

"Sige po." Dahan-dahan siyang umatras habang hindi ako tinatantanan ng tingin. Madulas siyang umikot na naglikha ng alikabok galing sa lupa saka niya binuksan ang gate at lumabas.

Isang beses pa siyang lumingon dito bago nakangiting hinarap ang dinadaanan habang sumisipol.

Iikot na sana ko upang bumalik sa loob nang makitang si Daneen na ang katabi ko. Hindi ko man lang namalayan ang pag-alis ni lola.

Makahulugan akong tinititigan ni Daneen sipsip ang buto ng mangga.

"Bakit?" pagtataka ko.

Bigla siyang ngumiti. "Wala. Ang sarap ng mangga."

Tumatawa siyang nagbalik sa kinauupuan at nilantakan ang buto.  Ang weird talaga niya minsan.

Lumingon ako sa bagong landscape. Hindi lang mayroon dito sa isang gilid, kasali rin ang sa kabila at nilibot ko pa hanggang sa likod malapit sa tangkal ng mga aso. Magaganda ang mga bulaklak, at inaamin kong mas gumanda ang mga ito dahil sa pag-landscape.

Puro puting bato ang nakapalibot na sa tingin ko'y hinakot galing sa La Casa.

Nakalatag ang mistulang banig ng berdeng damo at ang bawat bulaklak ay pinapagitnaan ng mga naka-trim na mga halaman. 

"Ang galing talaga ng batang 'yon. Ang daming alam gawin," komento ni Lola na tumabi sa 'kin. Kita ko ang kislap sa mga mata niya habang pinagmamasdan ang mga tanim at ang bagong anyo ng kanyang mini garden.

Kadalasan ito ang napapansin ko sa mga matatanda. Makakita lang ng landscape o orchid umaaliwalas na ang kanilang mga mukha. Mahilig din kasi si mama sa orchids. Hindi ko minana ang pagkahilig niya doon.

Going back to Devin, mukha ngang maraming alam gawin ang batang 'yon. From fishing to landscaping. Ano na naman kaya sa susunod? Baka maging Mayor na 'yan dito sa Aloguinsan.

"Palagi po ba siyang nandito?" tanong ko.

Napaisip siya bago umiling. Nakuha ni papa ang mga mata niya kaya hawig na rin kami ng mga mata na katamtaman lamang ang laki at kulay brown.

"Nito lang siya na  madalas nagpupunta rito...mula nung dumating kayo. Eh malapit naman kasi siya sa mga kapatid at pinsan mo."

Kinalabit niya ang isang pulang rosas. Kita na ang pagkakulubot ng kanyang kamay senyales  ng katandaan. Pero kahit ganon ay active pa rin siyang nakakalakad di gaya ng iba na gumagamit na ng tungkod.

"Dati po ba hindi?" muli kong tanong.

Umiling siya, nasa bulaklak ang kanyang tingin. "Saglit lang 'yang nagbabakasyon dito pero kilala na siya ng mga tao. Minsan tumutulong sa pagsasaka. Pero mas gusto niya ang mangisda, mahilig kasing lumangoy."

Napa-isip ako. Kung lumalangoy siya, saan niya nakuha ang abs niya? Ang alam ko balikat ang mas nae-emphasize kapag nagsu-swimming pati na rin ang height. Kaya pala siya matangkad.

May gym kaya siya sa bahay? At ang abs pa talaga niya ang pinoproblema mo, Savannah?

"Saan po ba bahay nila?"

"Ay malapit lang," umikot siya't hinarap ang bakod sa gilid saka tumuro sa isang linya nang mabatong daan na hindi tinutubuan ng damo. "Diretsuhin lang 'yon, may madadaanan ka munang malaking puno ng mangga bago marating ang  bahay. Siya nalang mag-isa, nasa Amerika ang pamilya."

Bumalik ang isip ko kahapon. Baka siya talaga ang may-ari ng manggahan. At ang kapal ng mukha kong mamitas doon na hindi nanghihingi ng pahintulot. Eh wala naman kasi siyang sinabi na sa kanila nga 'yon.

So mahuhulog na wala ako dapat ikahingi ng dispensa because I'm ignorant to the information. Ignorance is bliss, indeed.

"Bakit dito namalagi? Mas magaan buhay doon sa Amerika," ani ko nang maalalang nasa Amerika pala ang mga magulang niya.

Masuwerte na siya dahil nakatungtong siya roon nang walang kahirap-hirap. May ibang kailangan pa ng work experience para lang makaapak kahit anino mo sa imported na lupang 'yon.

"Alam mo naman ang mga kabataan ngayon, ang mga katulad niyo, gusto nang mamuhay mag-isa. Ayaw magpatali sa mga magulang. Gustong magpaka-independent."

Tahimik akong sumang-ayon. Siguro naging ganito rin sina papa dati kaya alam na alam ni lola ang takbo ng isip ng henerasyon namin ngayon.

"Sav! Tara na!"

Piningkitan ko ang bintanang kaharap ko kung saan nakikita ko si Daneen na bihis na bihis.

"Ano?"

Pinatungan niya ng cardigan ang suot niyang white tube. Milagro at nag-shorts siya ngayon.

"Punta na tayo sa game nila," aniya.

"Bakit ba kasi? May crush ka dun noh?" may bahid 'yon ng pang-aasar.

"Wala. Pasyal lang. Tara!" pilit niya.

Sa huli ay napilit niya akong sumama . Naligo muna ako at nagbihis. Hinalughog ko ang aking bag at napagtanto na isa nalang ang damit kong hindi pa nasusuot. Hindi  ko naman kasi akalain na magugustuhan ko ang pananatili rito sa probinsya.

Nahagip ko sa kama ang camisa de chino ni Devin na isa sa mga isasali ko sa lalabhan bukas. Inabot ko ito at sinilid sa bag bago pa makita nila kuya. Baka ano pa iisipin nun.

Tinitigan ko ang save the best for last kong puting sleeveless top bago isinuot kasunod ang denim kong shorts jumpsuit. Hindi ko na sinuklay ang aking buhok at hinayaan lang hanggang sa matuyo.

Naroon na sina kuya pagkarating namin. Nililinyahan ng mga nagsi-upuang mga tao ang bawat gilid ng court. Tulad ng sinabi ko, walang kisame pero masisilungan naman ng mga pumapaligid na malalaking puno. Wala ring upuan, kung meron man ay stool chair lang na dalawa o tatlong piraso kaya sa semento lang ang tanging mauupuan. 

Tinuro ni Daneen ang isang espasyo sa gilid ni Asa. Lumapit kami sa kanila, tinapik ni Daneen si Asa kaya umusog siya upang bigyan kami ng lugar.

"Di pa nagsisimula?"

Umiling si Asa, ninguso ang manipis nitong labi. "Hinintay pa nila 'yong player ng kabilang team."

"Number nine! Regards 'yong friend ko sa 'yo number nine!" sigaw nung isang babae sa kabila na nakikipagtawanan  sa nangingisay niyang mga kasama. Nandoon sa linyang 'yon ang gf ni Axton, sila Mozes at Viel na agad tumingin kay Asa.

Biglang humilig si Daneen at tinignan ang likod ni Asa. Bigla siyang tumawa.

"Hindi pa nga nagsisimula tinitilian ka na!" tawa ni Daneen. Nahihiyang yumuko si Asa at hinihimas-himas ang kanyang ulo dahilan upang makita ko ang numero sa likod ng kanyang jersey shirt.

"Ayay...kamandag mo Asa," komento ko.

"Stop it guys, please."

Mas lalo kaming nagtawanan. Nahihiya siyang nag-wave sa mga babae saka siya bumaling sa kabilang direksyon at pinasidahan ang halos buzzcut nitong buhok.

"Ayoko nang maglaro," aniya.

"Di pwede, ikaw alas namin," ani ni Dalton.

"Magaling ka rin naman, kaya mo na 'yan."

Nahagip ko si kuya na nag-jog papunta rito. Naka varsity shirt lang siya ng school niya noong college. Inaasahan kong biro ang ibubungad niya pero matalim na tingin ang tinapon niya sa direksyon ko.

"Bakit 'yan ang suot mo? Ang hilig mo talaga sa maikli," nakapameywang niyang sermon.

"Mainit kuya. Ikaw kaya, mainitan. Naghuhubad ka pa nga."

May pandidiri niyang tinitigan ang jumpsuit kong hanggang hita.

"Inaano ka ba ng jumpsuit ko? Huwag mong sungitan. Mahal pa naman bili ko rito," sabi ko sabay hila nung isang hibla sa dulo ng manggas.

Hindi na nadugtungan pa ang sagutan namin ni kuya dahil sa panibagong tili na nagpalipat sa aming atensyon. May bakla rin pala na kahanay lang namin, ang bagong dating na si Miles ang tinitignan. Kakababa niya lang sa motor sabay kuha ng plastic laman ang mga mineral water.

"Miles dito! Palakihin mo muna 'yang mga mata mo! Nandito kami Miles!" sigaw ni Mozes sa kabila, nakataas ang mga kamay.

Lalo lang sumingkit ang mga mata ni Miles nang ito'y ngumiti. Saglit niyang tinuro si Mozes at tumango bago nagpunta roon. Dahil wala nang espasyo roon ay nagmadali siyang tumawid sa gitna ng court na para bang takot siyang masabugan ng mga tili. Umupo siya sa tabi ni Asa na ngayo'y nagtatali sa sintas ng kanyang sapatos.

Hindi pa humupa ang pagwawala ng mga babae lalo na't kakarating din nila Devin na sa awa ng Diyos ay may pang-itaas na. Lumipat ang tingin ko sa kakuwentuhan niya. Kapwa sila nakatayo sa gilid ng court, si Devin ang nagsasalita, maiging nakikinig ang lalake.

Kinalabit ko ang paa ni kuya Euan. "Kuya, sino 'yon?"

Ninguso ko ang direksyon nung lalake at ni Devin.

Kunot noo niya akong nilingon na para bang isang kalokohan ang naging tanong ko. "Si Devin."

"Hindi, 'yong kausap niya."

Muli siyang lumingon doon. "Ah, si Ivor. Taga rito rin 'yan. Anak ng pastor."

"Sino 'diyan? Yung mukhang masungit?" biglang singit ni Daneen na humilig sa akin at tinanaw rin ang tinitignan ko. Tango ang naisagot ko sa kanya.

Naka-jersey siya na pinailaliman ng puting shirt. Medyo maputi at halos magkasingtangkad sila ni kuya Euan na nasa 5'11. Maliit ang mukha niya na may anggulo sa panga at mala-kastilang mga mata. Maikli ang buhok niyang dark brown.

Hindi niya pinapansin ang mga babaeng tinatawag ang kanyang pansin. Kada tawag ng pangalan ay sumisimangot ito at lumalayo pa sa kanila. Tinatawanan siya ni Devin sa ginawa nitong paglayo.

"Maghanap ka nalang ng iba, Sav. Marami nang nagkakandarapa sa kanya. Siya yata ang 'badboy of Aloguinsan'," pahayag ni kuya.

"Tsaka may ibang gusto na 'yan. Kung gusto mong mapansin niya, mag-volunteer ka sa kapilya," dagdag naman ni Dalton.

"'Yong Pristine ang gusto niya noh? Siya lang maganda doon sa mga volunteers eh. Nakita namin siya sa La Casa kanina, grabe ang ganda! Ngayon ko nga lang nakitang tumitig ng ganon si Asa sa isang babae eh." Tinapik ni Miles ang likod ni Asa. "I'm proud of you man. Welcome to manhood!"

Pagod akong nagpakawala ng hangin.  Isang tanong, isang sagot lang naman ang kailangan ko. As if naman hiningi ko ang background report ng Ivor na 'yon, ang dami na nilang sinasabi!

Isang beses tinapik ni Devin ang tiyan ni Ivor saka ito lumayo at bahagyang tumakbo rito sa side namin. Umani 'yon ng tili sabay tawag ng pangalan niya.

Binalik ko ang tingin kay Ivor na umupo sa isang stool chair at dumungaw agad sa kanyang cellphone. Inusog niya palayo ang kanyang silya sa isang grupo ng mga kababaihan.

Badboy of Aloguinsan? Huh, well bagay sa kanya dahil sa lamig ng tingin ng kanyang mga mata. Pati ang katabi kong sa Daneen ay pansin kong nananahimik at parehas lang din kami ng tinititigan.

Lumingon siya sa 'kin. Bigla siyang ngumiti at tinulak ako patagilid. Halos kasing pula na nang buhok niya ang kanyang mukha.

"Type mo noh?" asar ko sa kanya.

Muli niya akong tinulak. Tawang-tawa ako dahil alam kong kinikilig na siya. Nanahimik kami nang muli siyang tinignan na nakaangat na ang tingin mula sa cellphone.

"Oh my gosh, titingin ba siya rito? Sana hindi." Kumapit si Daneen sa braso ko.

Dinaplisan lang kami ng tingin ni Ivor bago muling sumilip sa kanyang cellphone habang nagta-tap sa kanyang mga paa. Gumagalaw ang labi nito, tahimik na sinasabayan ang acoustic na kanta sa stereo ng isang motor na naka-park malapit sa court.

Tinutulak na naman ako ni Daneen na may impit na tili dahilan upang matamaan ko si kuya sa tabi ko. Ngunit sa aking paglingon ay matalim na tingin ni Devin ang tumagpo sa aking mga mata.

Napawi ang ngiti ko. "Sorry..."

Kumalma na ako at umayos ng upo. Napansin ni Daneen ang katabi ko kaya hinihinaan na niya ang pagtulak. Kinurot ko siya sa tagiliran upang matigil na siya. Pinagmamasdan nalang ulit namin si Ivor na iniignora ang mga tagahanga niya.

Humangin sa aking gilid dahil sa paggalaw ni Devin kasabay ang inis niyang singasing.

Taka ko siyang nilingon. "Bakit?"

"Sinong tinitignan mo?" may talim sa tono ng kanyang tanong.

Hindi ko siya sinagot, imbes ay binaling ko ulit kay Ivor na kausap ang lalakeng may nakasabit na pito sa leeg.

"Si Ivor ba? Huwag ka na diyan." Inis niyang ginulo ang buhok.  

"Hindi ikaw ang unang nagsabi sa 'kin niyan. Ano naman kasing mali kung humahanga ako sa tao? Hindi naman ako mag-aalok ng kasal sa kanya," sabi ko.

"Masasaktan ka lang, hindi ka niya matitipuhan," giit niya.

"Hindi ako nag-expect na matitipuhan niya ako," ganti ko sa kanya.

"Dapat lang," mahina niyang sabi. Parang binubulong niya pero rinig ko.

Di ko alam na masama na palang humanga ngayon sa isang tao. I mean... I don't need their warnings!  I know what I'm doing at alam ko kung hanggang saan lang ako. Pag-hanga lang naman 'to, hindi ko siya inaalok ng kasal! I even forgot the feeling of being in love.

Babaling na sana muli ako sa kabilang gilid ng court ngunit iba ang sumalubong sa paningin ko. Mistulang nakalimutan ko kung paano kumilos dahil sa gulat sa paparating na bola sa aking direksyon.  Hiniling ko na sana humangin ng sobrang lakas upang malihis ito sa ibang direksyon o sa ibang mukha tatama!

Bago ko pa maiangat ang kamay ko ay may ibang kamay ang humarang at lumikha ng mistulang paghampas ang ginawa niyang pagsalo sa bola. Malakas siyang suminghap, tumili ang sapatos niya sa ginawang maliksing pagtayo.

"Gago 'to a!"

Kinabahan ako bigla sa galit niyang boses. Hindi pa nga ako tinakasan ng gulat!

May lumapit na kulot na lalake. Galing siya sa kakatawa kasama ang barkada ngunit mabilis rin itong nalaglag nang makita ang galit na mukha ni Devin.

"S-sorry, sorry brad..." ani nung lalake, hinarang niya ang sariling kamay sa mabagal na mga hakbnag ni Devin na makikitaan mong may pagbabanta.

Tinuro siya ni Devin at halos sugurin ito kung hindi lang pinigilan ni kuya. Natahimik na ang buong court. Tumayo na rin ako at may kanaisang pigilan ang gulo.

"Sinadya mo yata eh! Paano kung tumama sa mukha niya. Makukuha ng sorry mo? Ha!" Tuluyan na siyang sumigaw.

"Devin pare, tama na. Hindi naman natamaan si Savannah," pagtatahan ni kuya sabay hila nito palayo sa lalake.

"Paano nga kung tumama?" Namumula na ang mukha niya. Ngayon ko siya nakita na ganyang nagngangalit. Mas tumapang pa ng husto ang kilay nito at ang masamang tingin ng kanyang mga mata ay may kaakibat na pagdidilim.

Bumagal ang mabilis niyang paghinga nang matagpuan ang tingin ko. Lumuwang ang galit sa kanyang mukha. Sandali pa niya akong tinignan bago siya pumikit ng mariin, ngumiwi na parang naiinis sa kung sino o sa sarili dahil sa bigla niyang naging reaksyon.

Bumaling siya muli sa lalake saka sobrang lakas na tinapon ang bola. Napaatras ang lalake sa lakas ng impact ng ginawa ni Devin. Ngumiwi pa ito sa sakit.

"Mag-ingat kasi sa susunod!"

Buong court ay sinusundan siyang nag-walk out sa basketball court. Malalaki ang kanyang mga hakbang, inis niyang sinabunot ang buhok saka siya umiling na parang pinapagalitan niya ang sarili.

Nanganak ng bulungan ang pagwo-walk out niya at sunod-sunod na tinatanong  ang  lalakeng salarin na halata ang pagkahiya. Tinatapik lang siya ng kanyang mga kasama.

"Sorry ulit, miss," sabi niya sa 'kin. Tinanguan ko lang siya dahil hindi ko alam ang ire-react ko.

Nanaig ang aking pagtataka sa inasal ni Devin kesa sa muntik nang pagkakatama ng bola sa mukha ko. Paniguradong masakit 'yon pero hindi ito ang nasa aking isip kundi ang tanong.

"Ba't biglang uminit ang ulo nun?"

Narinig ako ni Daneen. Nakangisi siya habang nakatingin sa pinangyarihan ng eksena kanina. Bumalik na ang lahat sa dati na as if walang nangyari. Kita kong umalis rin si kuya sa court kasama si Dalton, sinusundan nila si Devin.

"Muntik na ngang may nag-away nakangiti ka pa diyan."

Mas lalo akong nawe-weirduhan sa kanya nang ito'y tumawa. Napailing ako at tinanaw ang labas ng basketball court kung saan nandoon si Devin na pinapalibutan nina Dalton at ng mga kapatid ko.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro