PROLOGUE
Everything was fine. Everything is settled. I'm happy with my family. I'm happy without friends. Not until it happened. My Dad died... because of me?
Nakapikit ako... habang rinig na rinig ang iyakan sa aking paligid. Iyakan na may halong galit... para kanino? Sa akin ba? Ano bang ginawa ko? May ginawa ba ako? Sabi nila 'oo'.
"Kung nakinig ka lang sa Daddy mo, edi sana buhay pa siya!"
"Sinabi ko na sa'yo noon na ipalaglag mo na 'yan!"
"Hindi ka talaga nag-iisip na bata ka!"
"Mommy, ano pong ginawa ko?"
"Pinatay mo lang naman ang Ama mo!"
Napamulat ako roon. Pinunasan ko ang aking maliit na pisngi na naliligo na pala sa aking luha.
"Shia..." Napalingon ako sa lalaking nakatayo sa gilid ng aking kama.
"Daddy!" Excited kong tawag. Lumapit ako sa kaniya para yakapin siya sa kaniyang bewang.
Hinaplos niya ang aking buhok. Tumingala ako sa kaniya pagkatapos nang yakap ko. "Daddy, babalik ka na po ba?" Pero wala akong sagot na natanggap kaya sumimangot ang batang ako. "Balik ka na po, Daddy. Lagi na lang pong galit si Mommy sa akin e."
Lumuhod siya sa aking harapan para punasan ang mga munting luha sa aking pisngi. "Natatandaan mo ba ang sinabi ko sa'yo noon?" Malumanay niyang tanong.
Nag-isip ako sandali. "Marami ka pong sinabi noon. Alin po roon?" Inosente kong tanong.
Ginulo niya ang maiksi kong buhok. "Dapat palagi kang matapang. 'Wag na 'wag kang susuko sa buhay, okay? Si Daddy, laging nakabantay sa'yo."
Sumimangot ako dahil nagsisinungaling naman siya. "Ilang gabi ka na pong wala sa tabi ko kapag tutulog po ako."
"Nandoon ako, Shia. Kailan ba kita iniwan?" tanong niya.
Muli akong napaisip. "Nung naligo po ako."
Natawa siya nang bahagya bago ginulong muli ang aking buhok. "'Wag na 'wag kang magtitiwala kaagad sa kahit kanino. Hindi porket palagi mong nakakasama ibig sabihin mapagkakatiwalaan na. Minsan ng nakasama ng ibang anghel ang demonyo. Naiintindihan mo ba ako, Shia?"
Tumango ako kahit wala naman talaga akong naintindihan.
"Gising ka na, Shia."
"Gising ka na, Shia." Nagising ako sa marahang sampal ni Tita Julia sa aking pisngi.
Hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako sa kaniyang kandungan habang nasa biyahe kami papunta sa huling hantungan ni Daddy.
Inalalayan niya akong makababa ng kaniyang sasakyan. Si Tita Julia ay walang asawa. Nakatatandang kapatid siya ni Daddy, dalawa lang sila at nag-iisang anak ako nina Mommy at Daddy kaya paborito ako ng side ni Daddy. Ewan ko lang sa side ni Mommy since hindi ko naman sila mga nakakasalamuha.
"Tita, nasaan po si Mommy?" Naghihikab kong tanong kay Tita.
Hawak-hawak niya ako sa kanan kong kamay habang papalapit kami sa maraming tao. Nang makarating doon ay nakita kong umiiyak na naman si Mommy sa kabaong ni Daddy.
Gusto ko siyang lapitan pero iniisip ko na baka pagalitan na naman niya ako. At sisihin sa pagkamatay ni Daddy.
Tumabi ako kay Tita Julia para umupo. Pinatong niya ang kaniyang black blazer sa aking lantad na hita.
Sa pamilya namin ay may paniniwalang kailangang ipadaan sa ibabaw ng kabaong ang mga bata upang hindi ito sundan ng kaluluwa ng namatay. Kaso ako lang ang bata sa pamilya namin.
Binuhat ako ng isang lalaki bago ipinasa sa kabila. Nanatili akong nakatayo sa gilid nung lalaki nang bigla niya akong yakagin para maupo sa kaniyang tabi.
Lumingon ako sa gawi ni Tita Julia baka kasi pinapabalik niya ako. Nang makita kong nakaupo si Mommy sa upuan ko habang inaalo siya ni Tita Julia ay lumapit na ako sa lalaki. Inalalayan niya akong makaupo sa kaniyang tabi.
Pinapanood ko kung paano ibaon ang kabaong ni Daddy sa lupa nang maramdaman ko ang malaking kamay ng lalaking katabi ko sa aking hita.
Nagtaas ang nagtataka kong mga mata sa kaniya. Pero nasa ibang direksyon ang kaniyang tingin na parang wala siyang ginagawa.
Wala lang din naman sa akin iyon. Hinahawakan din naman ako ni Daddy sa hita. Pero hindi niya hinihimas ang hita ko.
Hinayaan ko na lang siya sa kaniyang ginagawa... hindi ko naman kasi alam na masama pala 'yon.
Pagkatapos ng libing ni Daddy ay inihatid na rin kaagad ako ni Tita Julia sa bahay namin. Nagtataka nga ako kung bakit hindi sumabay si Mommy sa amin e.
Gabi na kami nakarating. Pinaghanda lang ako ni Tita ng makakain bago niya ako inasikaso sa kwarto para makatulog na.
"Tita, nasaan po kaya si Mommy?" Inaantok kong tanong.
Inayos niya ang kumot sa aking dibdib bago ako sinagot. "Sorry baby ah, pero kahit si Tita hindi alam kung nasaan na ba 'yung Mommy mo." Sabi niya.
"Hindi po ba siya nagpaalam?" tanong ko.
"Hindi e. Umiiyak na lang siyang umalis pagkatapos ng libing," sagot nito.
Natahimik kami sandali. Kinalikot na ngayon ni Tita ang aircon ng kwarto ko. "Tita," pagtawag ko. Hindi siya lumingon pero sumagot siya. "Normal po bang magkaroon ako ng takot sa apoy?"
Natigilan siya sa naging tanong ko. Dahan-dahan siyang humarap sa akin bago binaba ang remote ng aircon para pumunta sa gawi ko.
Umupo siya sa aking kama bago bahagyang ngumiti sa akin. "Normal lang na matakot ka sa apoy. Ang bata-bata mo pa para makasaksi ng isang sunog."
"Tama rin po ba na matakot ako kay Mommy?" Inosente ko pang tanong.
"Bakit ka naman matatakot sa Mommy mo? E ang close-close niyong dalawa."
Sumimangot ako. "Simula po nung mawala si Daddy palagi na po niya akong—"
Naputol sa sinasabi ko nang may kumalabog sa ibaba. Kaagad na tumayo si Tita Julia para lumabas ng kwarto. Sumunod naman ako.
Nakita kong nagmamadaling bumaba ng hagdan si Tita Julia kaya dumungaw ako sa ibaba. Nalugmok ako nang makita si Mommy na nakasalampak na naman sa tiles na sahig namin.
"Saan ka na naman galing, Quiane!" Sigaw ni Tita kay Mommy bago ito inalalayang tumayo at maiupo niya sa sofa.
Umiiyak na naman si Mommy. At patuloy ang kaniyang pagbanggit sa pangalan ni Daddy.
Naiiyak ako kaya naman kaagad akong pumasok sa aking kwarto para roon magmukmok. Naiisip ko na naman ang nangyari nung araw na 'yon.
"Okay, mga bata aandar na ang bus kaya umupo na lang kayo riyan at 'wag kayong malikot." Bilin ng aming magandang guro.
Ito ang unang araw na makakasama ako sa fieldtrip dahil unang taon ko rin sa pag-aaral. Marami naman akong mga kaibigan sa mga kaklase ko kaya hindi ako maa-out of place kaya kahit ayaw ni Mommy at Daddy na sumama ako ay sumama pa rin ako. Wala naman silang magawa kasi gusto ko e.
Pero dahil mahal na mahal ako nina Daddy at Mommy, nakasunod sila sa amin. Bawal kasi ang parents sa loob ng bus kaya nakasakay sila ngayon sa kotse ni Daddy habang nakasunod sa aming bus.
Nasa dulo kami ng mga kaibigan ko nakaupo para nakikita ko ang sasakyan ni Daddy. Nakabukas ang bintana ni Mommy at nakangiting pinagmamasdan ako.
Mapayapa na sana ang buong biyahe nang biglang tumigil ang sinasakyan naming bus.
Nakaamoy ako nang mabaho kaya napatayo ako para tingnan kung saan iyon.
Kasabay ng medyo malakas na pagputok ang pagsigaw ng iilan naming guro na nasa harapan.
Umangat ang takot sa aking dibdib nang makita ang apoy na nagmumula sa pintuan ng bus. Kaagad nagpanic ang mga teacher kaya mas inuna nilang magsisigaw kaysa gumawa ng paraan para makalabas kami.
Hindi kalaunan ay nagpanic na rin kaming mga bata. Nakailang bangga sila sa akin hanggang sa gumulong ako sa sahig ng bus.
"Shia!" Malakas na sigaw ni Daddy ang narinig ko mula sa labas ng bus.
Biglang may umapak sa aking ulunan kaya nauntog ako sa sahig, sanhi ng pagkahilo ko ng matindi. Hindi ako matangkad, isa nga ako sa maliliit sa aming klase.
Hindi ko na alam ang nangyayari sa paligid ko. Ang alam ko lang ay sobrang sakit ng aking ulunan, at mas lumalala ang naaamoy ko.
"Tulong po, Ma'am..." Mahina kong hingi ng tulong. Lakasan mo, Shia! Hindi ka nila maririnig! Pero iyon na lang ang kaya ko. Nahihirapan na akong huminga dahil sa baho ng amoy.
Maya maya ay naramdaman kong may bumuhat sa akin. Nakita ko ang nag-aalalang mukha ni Daddy. Kung paano man siya nakapasok dito sa bus, hindi ko na alam.
"Lumabas na kayo, sasabog na ang bus!" Sigaw ata nung driver.
Tinakbo ako ni Daddy palabas ng bus. Sabay kaming lumabas pero nakita ko ang kaibigan kong katabi ko lang kanina.
"Si Hiraya po!" Sigaw ko sabay turo sa aking kaibigan.
Nagpabalik-balik ang tingin ni Daddy sa akin at sa kaibigan ko. Lumapit si Mommy sa amin bago nagsalita. "Lumayo na tayo rito, maya maya ay sasabog na ang bus," sambit nito.
Inilapit ako ni Daddy kay Mommy. "Ikaw munang bahala kay Shia, kukunin ko lang 'yung kaibigan niya." Saad ni Daddy.
"Anong kukunin? Ano mang segundo ay sasabog na ang—Hon!" Hindi na natuloy ni Mommy ang kaniyang sasabihin nang pumasok na naman si Daddy sa bus. Doon siya dumaan sa pasukan ng driver.
Naglakat na ang apoy sa buong Bus kaya maliit na lang ang tyansa na maligtas silang dalawa.
Hindi nga ako nagkamali dahil hindi pa man nakakalabas si Hiraya at Daddy, bigla nang sumabog ang Bus.
Natulala ako nang makita kung paano iyon sumabog at tumalsik ang ilang bahagi ng Bus.
-iamlunamoon
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro