for June;
11/19; 11:21 PM
Nandoon ako no'ng gabing 'yon. Magkatabi tayo . . . nakatayo, nakadipa ang mga kamay sa hangin. Feeling natin, nasa loob tayo ng isang indie film. O kaya 'yong eksena nila Charlie sa The Perks of Being a Wallflower. Paborito natin 'yon, e. Gandang ganda ka kay Emma Watson tapos ako, kay Logan at Ezra naman.
Nililipad ng hangin 'yong buhok ko no'n pero nilabanan ko. Tiniis ko 'yong pagtusok ng buhok sa mga mata ko, makita at mapagmasdan ko lang 'yong ngiti mo. Mukha kang aso no'n, e. Sabi mo, gayahin kita.
Dahil malakas ka sa'kin, ngumiti rin ako.
Sinulyapan ko si Ria, nakaupo siya sa paanan mo. Nakabusangot na nga siya no'n, e. Sinabi ko sa'yo pero sabi mo, pabayaan ko na lang siya at 'wag pansinin. Ang usapan kasi natin, si Ria muna ang tatayo sa likod bago ikaw. Sa kanila 'yong pick-up truck na 'yon, e. Nakikiangkas ka na nga lang, ikaw pa 'tong nakipag-agawan.
Kinuwento ko sa'yo noon 'yong nabasa kong short story. Free Fall ang title. Wala kang reaksyon. Ipinikit mo ang mga mata mo, binale-wala ang kinuwento ko.
"Seize and feel the moment, Cola," ang sabi mo pa. Ginawa ko 'yong sinabi mo. Gaya ng ginawa mo, ipinikit ko 'yong mga mata ko.
Unti-unti kong naramdaman 'yong pag-init ng mga mata ko. Kung hindi mo pa pinunasan 'yong luha ko, hindi ko pa malalamang umiiyak ako.
"Sabi mo kasi, feel the moment," pagdadahilan ko sa'yo.
Tinawanan mo lang ako. Lagi kang gano'n. Depressed ako, e. Sa ating dalawa, ikaw 'yong taga-sabi ng: "Kaya 'yan, bawal sumuko. Shit tayo pero hindi tayo weak shit." Sabay tapik sa balikat, sabay tawa.
Ang carefree mo. Parang ang saya-saya mo lagi. Parang no'ng nagpasabog ang Diyos ng problema, ako 'yong may pinakamaraming nakuha tapos wala nang natira para sa'yo kasi natutulog ka sa kuwarto mo.
Sabi ko, parang ang sarap maging ikaw. Nakakapagod na rin kasing maging ganito. Parang pasan-pasan ko 'yong problema ng buong mundo. No'ng nag-divorce sila Mommy, ikaw ang umalalay sa'kin. Ilang beses mo akong nahuling sinasaktan 'yong sarili ko pero hindi mo ako sinukuan.
Minsan, tinanong kita kung bakit hindi mo ako maiwan.
"Alam mo, ang ganda-ganda mo. 'Yang gan'yang ganda . . . dapat ipinagmamalaki."
Sinabi ko sa'yong ang babaw ng dahilan mo saka, hindi mo naman sinagot 'yong tanong ko. Ang layo sobra, e. Mababaw naman kasi talaga at isa pa, hindi 'yon ang gusto kong isagot mo. Buti na lang at bumawi ka.
"Uto-uto ka talaga, Cola. Hindi lang kasi 'yon, e." Humalakhak ka pa, inaasar ako.
Kinulit pa kita nang kinulit hanggang sa sinabi mo 'yong totoong dahilan.
"Ayokong mawala ka. Ikamamatay ko 'yon. Mahal kita, e."
Aaminin ko. 'Yon ang gusto kong marinig na dahilan galing sa'yo pero . . . alam naman nating pareho kung paano ang takbo ng utak ko sa mga gan'yang bagay.
"O, ba't natahimik ka? Ano ka ba, alam ko namang ayaw mong maging in a relationship. Chill ka lang." Tumawa ka na naman.
Binawi mo ulit. Nginitian mo ako pagkatapos. May parte sa'kin na nakahinga nang maluwag pero parang nanlumo ako sa sinabi mong wala ka namang balak na bigyang atensyon 'yong nararamdaman mo para sa'kin.
June, mahal din kita. Ewan ko kung matutuwa ako na hindi ko nagawang sabihin 'to sa'yo sa personal . . . kasi syempre, nakakahiya at parang nilunok ko lahat ng maling pananaw ko sa pag-ibig. O malungkot kasi hindi ko makikita 'yong parang tanga mong reaksyon.
Pasensya na kung pinagkait ko sa mga tainga mo ang mga salitang alam kong gustong gusto mong marinig no'ng nabubuhay ka pa. Pero dahil hindi mo naman na mababasa 'to, mahal kita, June . . . mahal na mahal.
Ang poetic, 'di ba? Oo nga pala, sinunod ko na 'yong advice mong magsulat ako kapag nalulungkot ako. Sana nga noon ko pa 'to ginawa para napabasa ko pa sa'yo 'tong mga tula kong wala raw kuwenta. Sigurado akong magugustuhan mo 'tong mga 'to pero wala na, e.
Time's up na tayo. Sa susunod na lang siguro. May nabasa akong quote sa internet noon. Ang sabi, special daw ang moments kasi may time limit. Nag-eexpire. Pumikit ka lang saglit . . . wala na 'yong feeling, wala na 'yong momentum.
Salamat sa pagtuturo sa'kin no'n, June. Salamat pero hindi pala dapat ako pumikit. Dapat pala, minulat ko 'yong mga mata ko at pinanood ka. Doon tayo parehong nagkamali.
Sigurado naman ako pinahalagahan mo 'yong mga moments natin. Gano'n din naman ako. Ilang buwan din tayong humingi ng time extension, 'no? Kaso wala na, e. No more extensions. Masyado na raw tayong abusado sa pagpapa-extend ng moments natin.
Alam kong pagagalitan mo ako nang sobra kapag nagkita tayo kaya in advance, sorry June . . . time's up na rin ako, e.
- nicola
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro