Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 24

"CHIPPY..." usal ni Mateo sa kawalan.

Tinitigan niya ang mukhang iginuhit niya sa kanyang talaarawan. Kamukhang-kamukha ni Priscilla ngunit iba ang pangalan at kasuotan. Ang babae sa kanyang mga panaginip ay laging magulong nakapusod ang buhok at may kakaibang pantali na naiiba at tila hawig sa isang kuàizi – isang klase ng kubyertos na ginagamit ng mga Tsino.

Tunay na kakaiba ngunit napakapamilyar ng iyong pangalan. Pakiramdam ko ay kilala kita ngunit hindi ko lamang maalala.

Maya-maya pa ay biglang bumalik sa kanyang isipan ang pag-iyak ni Priscilla sa kanyang bisig doon sa simbahan at nang mag-angat ito ng tingin ay ay biglang nagbago ang paligid – napunta siya bigla sa isang bahagyang madilim na silid, nakahiga na ito sa kama, sa ilalim niya, at tila ba natigilan siya sa nakita niyang mga luha sa mukha ni Priscilla na sa mga oras na iyon ay hubo't hubad kagaya niya. Umangat ang kamay nito para abutan ang mukha niya at muling nagdikit ang mga labi nila.

"Kuya!"

Isang marahas na paghila pabalik sa reyalidad ang naramdaman ni Mateo nang marinig ang pagsigaw ni Dimitreo mula sa labas ng kanyang silid. Kamuntik na siyang mahulog sa kanyang kinauupuan at napamura nang mahina pagkatapos.

'Tangina, Mateo!

"Tanghali na tanghali, Mateo at iyan ang mga naglalaro sa isipan mo," mahinang sermon niya sa sarili habang inililigpit ang mga gamit niya. "Husto na."

Lumikha ng tunog ang marahas na pagbukas ng pinto ni Dimitreo. Dumiretso ito ng upo sa gilid ng kanyang kama, bahagya lamang niyang pinihit ang upuan para matignan ang kapatid.

"Kuya, umabot na ba sa iyo ang balita?"

Lumulutang pa ang kanyang isip ngunit tumino naman ang huling salita na sinabi nito.

Kumunot ang noo niya. "Balita? Tungkol saan?"

"Kanina sa sentro, kayong dalawa ni Priscilla ang pinag-uusapan ng mga tao. May mga kuro-kuro pa tungkol sa inyong dalawa na hindi ko maiwasang pakinggan." Hinamas-himas nito ang baba. "Hindi rin sana ako mapapaiisip ngunit tila may punto rin naman ang pinanggagalingan ng mga sinasabi nila."

Tinignan niya ng seryoso ang kapatid. "Kung saan-saan pa umiikot ang mga sinasabi mo. Tapatin mo na lamang ako."

"Wala ka bang napapansin na kakaiba sa sarili mo sa nakalipas na linggo?"

Lalong kumunot ang noo ni Mateo. "Kakaiba? Paanong kakaiba?"

"Sa ilang beses na pag-iwas at pagtanggi mo sa pagmamahal ni Priscilla ay nag-iwan ng isang malaking hiwaga para sa kanila ang pagtatanggol mo sa unica hija ng mga Altagracia at de Dios. Tila ba hahatiin mo ang dagat mapatunayan mo lamang na inosente si Priscilla sa mga kababalaghang nangyayari rito sa ating Pueblo."

"Na sa tingin ko ay hindi naman kakaiba," kontra niya, bumalik ang galit niya ng araw na iyon. "Kailanman ay hindi naging maganda ang pisikal na pananakit sa kapwa tao o ang paggawa ng mga kasalanang wala namang matibay na patunay. Hindi rin maganda na walang nagmagandang loob para tulungan siya gayo'ng wala namang ginawang masama sa kanila si Priscilla."

Hindi niya mawari ang kakaibang pag-init ng ulo niya sa mga taong tumayo lamang at nanood lamang na saktan ng baliw na matanda si Priscilla.

"Naiintindihan ko ang iyong punto, ngunit iba ang iniisip ng mga taga-Pueblo sa nangyari sa inyo noong nakaraang linggo."

"Uunlad ba ang bayan na ito kung patuloy nilang lalagyan ng malisya ang pagtatanggol ko kay Priscilla?" Tumayo siya mula sa kanyang silya at ibinaling ang atens'yon sa mga gabundok na dokumento na kagabi pa niya pinag-aaralan. Kinuha niya ang walang laman na kahon sa ilalim ng kanyang mesa at ipinatong iyon doon. "At ano na naman bang paninira ang nabuo nila sa pagkakataon na ito?" tanong niya habang inilalagay isa-isa ang mga gamit, ibababa na niya iyon sa kanyang opisina.

"Na ikaw raw ay ginayuma niya."

Doon siya natigilan, kumunot nang husto ang kanyang noo. "Ginayuma?"

Matanda na siya para maniwala sa mga kwentong bayan patungkol sa usaping gayuma. Kailanman ay hindi siya naniniwala sa mga mambabarang, manghuhula, o sa mga albularyo. Para sa kanya ay ang mga gawaing iyon ay taliwas sa paniniwala ng mga Katoliko at pananampalataya sa Dios. Isa lamang iyong huwad na gawain na naghahangad nang mabilis na pera sa paraan ng panloloko.

Ibinaling niya ang tingin sa kapatid. "Walang katotohanan ang mga pinagsasabi nila. Hindi totoo ang gayuma at hindi pa rin nagbabago ang sinabi ko na sa iyo noon. Walang pag-ibig na kaugnayan ang ginawa kong pagtulong sa kanya."

Bumuga ng hangin si Dimitreo at inaangat ang dalawang kamay sa ere. "Kalma," anito na may mahinang tawa. "Hindi ko naman sinasabi na ginawa mo iyon dahil may pagtingin ka kay Priscilla, Kuya. Ikinukuwento ko lamang sa iyo ang mga narinig ko. Sa tingin ko ay wala naman yatang katotohanan ang mga iyon base sa reaksyong nakuha ko sa iyo." Ibinaba nito ang mga kamay at humalukipkip. "Kawawang Priscilla, mukhang sa sitwasyon niya ngayon ay malabo pang may isang binatang magpapakasal sa kanya."

"Ano ang ibig mong sabihin?"

"Narinig ko rin sa sentro na halos ng mga kilalang pamilya rito sa Pueblo ay pinagbabawalan na ang mga lalaking anak nila na umakyat ng ligaw kay Priscilla sa takot na madamay sa namumuong eskandalo sa pamilya ng de Dios. Nauungkat muli ang kwento tungkol sa unang de Dios rito sa Pueblo de Liloan. Kahit na umalis na ang baliw na matanda na nanakit kay Priscilla ay hindi naman nawala ang paniniwala at takot ng mga tao rito na namana nga ni Priscilla ang sumpa ng kanyang ninuno."

"Napakalaking kalokohan!" Hindi niya maiwasang maibagsak sa mesa ang librong hawak, umiinit na naman ang ulo niya. "Hindi naman likas sa mga tao ang pagiging-tanga ngunit pagdating sa mga kuwentong wala namang katibayan at tanging sa bibig lamang nanggagaling ay nagpapaloko tayo."

"Mahirap itama ang mga paniniwalang ayaw itama ng mga tao. Nakakalungkot lamang na may mga inosenteng nadadamay sa mga ganoong kuwento. Kahit ang makapangyarihan na de Dios ay hindi makakatakas sa talas ng bibig ng mga taong nais silang mapabagsak."

Hindi niya maiwasang isipin ang ama. Nakakatiyak siyang isa ito sa mga nagbubunyi sa tinatamasang kamalasan ng mga de Dios. Ang mga paratang kay Priscilla ay naging mitsa ng pag-asa para sa mga taong nais mapagbagsak ang mga de Dios. Natitiyak din niyang, walang gagawin ang ama nila para tulungan ang mga de Dios sakabila ng mga tulong ng pamilya nila Priscilla sa kanila noon.

Patunay ang pagtawa nito sa mga pinagsasabi niya roon sa simbahan. Masyado raw siyang nagmamagaling. Paano niya raw mapapatunayan na walang kinalaman sa sumpa ang nangyayaring kamalasan ngayon sa Pueblo de Liloan? Mapapahiya lamang daw siya at asahan na niyang wala itong gagawin para linisin ang pangalan niya. Kikilalanin siyang dakilang tanga sa Pueblo de Liloan dahil sa pagtatanggol niya kay Priscilla.

Para namang umaasa pa ako sa kaunting kabutihan ng ama ko sa akin. Matagal ko nang natanggap ang kawalan ko ng importans'ya sa pamilyang ito. Kahit na mawala pa ako nang ilang taon ay hindi maglalaan ng oras ang aking ama na ako'y hanapin. Agad nitong iisipin na ako ay namayapa na.

"Maiba ako, Kuya," pag-iiba ni Dimitreo. "Ikaw ba ay sasama sa akin? Ako ay dadalaw kay Pearlina sa kanila."

"Hindi na." Itinuloy niya ang paglalagay ng gamit sa kahon. "May ibang bagay akong gagawin ngayon sa hacienda. Baka sa susunod na lamang."



"LOLO POL –" Natigilan si Chippy. She clears her throat and corrects herself. "Este, Pol –"

Napangiwi siya. Pakiramdam niya ay ang bastos niya kapag hindi nilalagyan ng Lolo ang pangalan ni Lolo Pol. Bata man ito sa kanyang paningin pero nakatatak na kasi sa kanya na matanda na si Lolo Pol.

Seryoso na ang tingin sa kanya ng batang si Lolo Pol, sa klase ng tingin nito sa kanya ay parang tinubuan na siya ng tatlong ulo ng dragon. Ngayon niya napansin na kamukha talaga ng batang Lolo Pol si Hayme, nagkaiba lang sa posisyon ng nunal nito. May hawig din naman kay Aurea pero mas malaki ang hawig kay Hayme – payat nga lang masyado si Lolo Pol sa panahong ito.

"Tapatin mo nga ako, iyong tatay mo ba legit na albularyo o mema lang?"

Pumagitna sa kanila ang malakas na hampas ng alon sa dalampasigan. Dinala silang dalawa ng pagtakbo nila sa dalampasigan kung saan naghabulan sila ni Mateo noon. So far, wala pa namang nakakatunton sa kanila. Naupo sila sa lilim ng isang puno dahil sikat na sikat ang araw – sa tantiya nga niya ay magtatanghali na.

Kumunot ang noo ni Pol. "L-Le-jet? Me-Mema? Ano ho iyon, Ate?"

Bumuga siya ng hangin. "Sorry, nakalimutan ko na namang mag-adjust." Napakamot siya sa kanyang noo. "Ang ibig kong sabihin, alam ba talaga ng tatay mo ang ginagawa niya? Aba'y sa kapal ng usok na ginawa niya ay mukhang balak niyang pasabugin ang buong mansion namin."

Naglapat ng husto ang mga labi ng bata at kumurap ng tatlong beses, tila inaalisa ni Pol kung magsasabi ba ito nang totoo o hindi.

"Sige na, sabihin mo na." Itinaas niya ang isang kamay. "Pangako, hindi ko sasabihin sa iba ang mga sasabihin mo sa'kin."

Sakalaunan ay napapayag din niya ito.

"Ang Lola Catalina ko po ay totoong nanghuhula at nanggagamot. Naipasa po ng aking yumaong Lolo Lorenzo ang kakayahan niyang manggamot sa aking Lola. Ang sabi po sa'kin ng Nanay... malaki na raw po ang agwat ng edad nila Lolo at Lola nang magpakasal ho sila. Kaya lamang po, hindi namana ni Tatay ang kakayahan ho ng mga magulang niya."

Ooh, same story ni Mommy L. Kwentong scam pero 1935 version. Naks! Same template.

"Kung gano'n, bakit ang tatay mo ang pinadala rito?"

"Hindi po siya kasing galing ni Lola ngunit maalam naman po siya. Kaya nga lang po, mas madalas po na kinakabahan si Tatay kaya po lagi rin siyang nagkakamali."

"Ano bang nangyari sa Lola mo? Malubha na ba ang kondisyon?"

"Hindi ko po alam e. Bigla na lamang po na hindi na siya makatayo sa kanyang higaan."

Napakainosente sumagot ng batang Pol, parang hindi siya nito sinabihan ng mga kakaibang salita noong mga unang araw niya rito.

Speaking of that.

"Teka, 'yong sinabi mo sa'kin noong magkita tayo. Bakit mo nasabi na hindi ako taga rito?"

Tinitigan siya nito. "Kasi ho iba ang inyong pananamit noon."

"Anong iba?"

Sa pagkakaalala niya ay damit ni Priscilla ang suot niya nang araw na iyon.

"Iba po, hindi kagaya ngayon, Ate. Hindi ko pa po nakikita ang gano'ng kasuotan."

"I-describe mo nga – ilarawan mo sa'kin ang suot ko."

"Hmm. Kakaiba po kasi ang inyong pang-itaas, para pong damit ng mga panlalaki. Tapos po, ang iyong pambaba naman po ay maikli pa po sa suot kong ito." Itinuro ng batang Pol ang suot nitong shorts. "Saka po, kakaiba po ang tela, makapal."

Napasinghap siya nang naipagtagpi-tagpi niya ang description na ibinigay sa kanya ni Pol. Iyon ang suot niyang pantulog bago siya mapasok dito sa nakaraan.

"Hutek 'yan! Nakita mo ang totoo kong anyo? Kaya mo ba nasabi na tapos na ang oras ko rito?"

"Hindi ko rin po maalala kung bakit ko po iyon nasabi."

Kumunot ang noo niya rito. "Bakit?"

Kumunot din ang noo ng batang si Lolo Pol. "Ang sabi po ng aking Nanay, madami raw po akong sinasabi na kakaiba na hindi nila maintindihan. Kapag naman po ako ay tinatanong nila ay wala po akong naalala kung bakit ko po iyon nasasabi."

Sa murang edad ay napakatalino na sumagot ng batang bersyon ni Lolo Pol. Nandoon pa rin ang inosenteng sagot nito pero mapapansin na talaga na naiiba ito sa normal na bata. Magkasing-edad lang sina Apolonio at Xersus pero mas sanay kumausap ng tao si Pol kumpara sa pamangkin niyang takot sa mga tao.

"May mga kaibigan ka bang ka edad mo lang?"

Sumeryoso na naman ang mukha nito. "Umiiwas po sila sa akin. May mga nakikita po kasi ako na hindi nila nakikita... natatakot po sila sa'kin."

Naalala niya ang kabataan ni Aurea, gano'n na gano'n din ito. At kahit hindi na niya usisain pa, alam niyang kagaya ni Aurea ay bukas din ang third eye nito.

"Pumapasok ka na ba sa eskwelahan?"

"Hindi pa po. Ang sabi po sa'kin ni Nanay ay kapag po tumuntong ako sa edad na siete ay maari na po akong mag-aral."

Si Xersus nasa bahay lang din pero may mga hired teachers na pumupunta sa bahay araw-araw para sa kanya.

Iba ba ang age requirement dito? Malamang hindi ko rin alam kasi, hindi ko naman naging favorite ang History subject.

"Ngunit, nakakapagbasa at nakakapagsulat na po ako nang kaunti. May mabait po kasing Ginoo sa'min na nagtuturo tuwing araw ng Bernes at Sabado."

Napangiti siya at hindi napigilan ang sarili na guluhin ang buhok ni Pol. "Mabuti naman, at least, marunong ka nang magbasa at magsulat."

"Pangarap ko po ang makapagtapos. Ang sabi po kasi nila, kapag daw po nakapag-aral, lalawak po ang kaalaman. Gusto ko po na maging gano'n."

"Tama 'yan, mag-aral nang mabuti."

Maya-maya pa ay bigla na lamang nagbago ang ihip ng hangin. Titig na titig sa kanya si Pol. Bahagya siyang nagtaka at natigilan, para kasing may nakikita na naman ito sa kanya na kakaiba.

"P-Pol?"

Bigla na lang itong napahawak sa ulo nito, mariing nakapikit ang mga mata. "Ang dami pong sumisigaw." Nagsimula na rin siyang mag-panic, para kasing nasasaktan ang bata sa mga naririnig nito.

"Pol, imulat mo ang mga mata mo. Huwag mong pakinggan ang naririnig mo o tignan man lang ang mga nakikita mo. Hayaan mo na."

"A-Ate..." nahihirapan nitong tawag sa kanya, naglandas ang mga luha sa mga pisngi nito.

Lalo siyang kinabahan lalo na't hindi niya alam ang gagawin kapag ganoon. Hindi siya naturuan ni Aurea tungkol sa mga ganito.

"Apolonio, buksan mo ang mga mata mo!"

Bigla itong nagmulat ng mga mata, pakiramdam niya ay kinapos siya ng hangin kahit hindi naman siya tumakbo. Tulala ang ekspresyon ng mukha ni Pol at bahagyang nanginginig ang katawan kaya hinagod niya ang mga balikat at braso nito.

"Tama na 'yan, huwag mo na akong tignan." Pinunasan niya ang mga luha nito sa mukha. "Masyado ka pang bata para sa mga ganitong bagay."

"Ate –"

"Tama na –" Natigilan siya nang hawakan ni Pol ang mga kamay niya. Wala siyang ibang nagawa kundi ang salubungin ang mga tingin nito sa kanya na tila may pagbabadya.

"Hindi puwedeng mabago ang nangyari na."

Natulala siya, parang ibang tao ang nagsabi no'n sa kanya – parang hindi galing sa isang bata. Kinilabutan siya nang husto lalo na't mas lumakas ang hampas ng hangin sa mga dahon ng puno.

"A-Anong ibig mong sabihin –" Napasinghap siya nang biglang nawalan ng malay si Pol, mabuti na lamang at nasalo niya ang bata sa kanyang mga bisig. "Pol?" pukaw niya sa bata. "Pol, gumising ka."

Napalunok siya sa sobrang kaba at takot. Hindi niya alam ang gagawin. Mabuti sana kung nandito sina Andrew at Juan pero mag-isa lang siya.

Pull yourself together, Chi! Hindi ito ang tamang oras para mag-panic ka. Focus! Ang gawin mo, bumalik na kayo sa mansion para matignan si Pol.

Kinarga niya si Pol, hindi naman ito masyadong mabigat kaya agad din niyang na-i-balanse ang sarili nang tumayo siya. Hindi na rin siya nag-aksaya ng panahon at lakad-takbo siyang pumasok ulit sa kagubatan.

Tangina! Sa Kdrama lang talaga masayang panooring ang mga ganitong kwento. Hindi pala 'to masaya in real life. Lalo na kung ikaw ang bida.

HINILA ni Juan ang ginamit na bangka hanggang sa dalampasigan para hindi anurin ng dagat saka naglakad sa direksyon ni Andrew na nakasandal ng upo sa lilim ng isa sa mga puno roon. Masyado nang tirik ang araw at masakit na sa balat kaya bumalik na siya. Humapdi na ang mga pisngi niya.

Pumalaot siya kanina hindi para manghuli ng isda kung hindi ay mag-imbestiga.

"Hoy!" pukaw ni Juan sa malalim na pag-iisip ni Andrew, hawak na naman nito ang makapangyarihan nitong journal na ito lang din ang may gawa.

"Hoy, ka rin," Andrew coldly responds.

Tinawanan lang niya ito saka naupo sa buhanginan may ilang distansiya ang layo kay Andrew. Mainit pero hindi agad natuyo ang suot niya kaya dumikit agad ang mga buhangin sa kanyang shorts at mga binti.

Tinanaw niya ang kalmadong dagat sa kanyang harapan, hindi niya maimulat nang husto ang mga mata dahil sa tindi ng sikat ng araw, nakakabulag ang pagkinang ng tubig dahil sa sikat na araw na tumatama ro'n.

"Anong balita?" basag ni Andrew.

"Not good." Ibinaling niya ang tingin kay Andrew na sa mga oras na iyon ay kunot na naman ang noo. "There is already a massive distruction in the coral reefs. It doesn't look good to me. Mukhang madalas ang blast fishing dito sa mga nakalipas na buwan."

Seryoso ang ekspresyon ng mukha na umayos siya ng upo at pinagpag ang ilang buhanging dumikit sa kanyang mga binti. Ibinalik niya rin ang tingin sa dagat pagkatapos.

Malinaw pa rin sa isipan niya ang kalunus-lunos na sitwasyon ng mga coral reefs sa ilalim ng dagat. It created a massive destruction to the sea threshold. He wouldn't be able to swim further if the tide is high, sinakto niyang low tide para makita niya nang mas maayos ang ilalim.

"Coral reefs sustains a large portion of Earth's biodiversity," pagpapatuloy niya. "There is about twenty-five percent of marine life whose life depends on these coral reefs. Blast fishing harms the whole ecosystem and rampant activity involving harmful chemicals will cause major disturbance to the marine animals and organisms living underwater. And it will most likely reduce the reefs' ability to serve its purpose to the ecosystem and becomes a high risk to bigger habitat destruction."

Kumunot lalo ang ang noo ni Juan.

"Matagal ang recouping period ng mga coral reefs at madalas nasisira pa iyon nang tuluyan. The recovery is crucial and it's one of the reasons why these type of fishing was eridicated in our time to prevent further destruction of marine life. Kung sunod-sunod ang pagpapasabog ng mga mangingisda sa ilalim ng dagat, hindi malabong maubos lahat ng mga hayop sa ilalim o magsilikas ng ibang lugar dahil sa pagkasira ng mga tahanan nila."

"Kaya matumal ang pagkuha ng mga isda ngayon dahil hindi lang sila ang nauubos, nasisira rin ang mga bahay nila," dagdag ni Andrew.

Tumango siya. "Tama."

"We need suspects to investigate, Juan. Were you able to trace something?"

Ibinaling ni Juan ang tingin kay Andrew.

"Ako pa," he smirks.



TAMA nga ang hinala ni Mang Leo na ang grupo ni Temyong ang gumagamit ng mga dinamita sa paghuhuli ng isda.

Ibinalik ni Mateo ang atens'yon kay Andres at Juanito. Nasa opisina niya ang dalawa para ibalita sa kanya ang mga nakalap na impormasyon ng dalawa.

"At sinasabi n'yong may taong humahawak sa grupo nila Temyong, gano'n ba?"

Tumango ang dalawa.

"Hindi ho imposible, Senyorito. Lalo na at hindi basta-basta ang mga kasangkapang ginagamit para makagawa nang ganoon," sagot ni Andres.

"Si Temyong ay matagal nang mangingisda rito," aniya. "Iyon lamang ang pinagkukunan ng matanda sa pang-araw-araw ng pamilya niya. Sa ilang taon nito sa pangingisda ay nakabuo na nga ito ng grupo na sumasama rito para makahuli nang marami. Nito lang na tila ba, nakahuli ito ng ginto sa ilalim ng dagat dahil sunod-sunod na banye-banyera ang nahuhuling isda ng mga grupo nito."

"Nalaman din naman na may iilan sa mga pinagbentahan ni Temyong ang nagrereklamo dahil mukhang hindi sariwa ang mga isda."

"Iyan din ang aking narinig mula kay Mang Leo. Ngunit, ang mga iyon ay naibebenta pa rin dahil natural na nakakaingganyo ang mababang presyo ng isda ni Temyong kumpara sa ibang mangingisda."

"Totoo."

"Bueno, ituloy n'yo lamang ang ginagawa n'yong pagsunod sa grupo nila Temyong. Siguraduhin n'yo lamang na hindi niya kayo mapapansin."

"Opo, Senyorito."

"Sige na, makakaalis na kayo. Salamat." Tumayo sina Andres at Juanito. Bigla ay naisip niya ang isang pakay niya sa dalawa. "Saglit," pigil niya sa dalawa at naupo ulit ang mga ito.

Talaga bang itatanong ko ang bagay na iyon sa dalawa? Kumunot ang noo niya. O huwag na lamang?

"Kalimutan n'yo na lamang," pag-iiba niya. "Sige, makakaalis na kayo." Tumayo ulit ang dalawa pero ayaw naman siyang tigilan ng kanyang isip. "Saglit," pigil na naman niya sa dalawa at umupo ulit sina Juanito at Andres.

Kapag itinanong niya ito kay Dimitreo ay tiyak siyang tutuksuhin na naman siya nito. At kung kay Mang Leo ay magtataka pa ito sa kanyang ikinikilos. Sa bilis ng balita sa Pueblo ay nakatitiyak siyang umabot na rin sa matanda ang balita na siya ay ginayuma ni Priscilla.

Juanito and Andres seems like the best person to ask. May kasunduan na silang tatlo kaya malabo na traydorin siya ng dalawa. Ngunit saka na lamang siguro.

"Hindi na bal –" Hindi niya natapos ang sasabihin dahil masama na ang tingin ng dalawa sa kanya.

"Kung may sasabihin po kayo ay sabihin n'yo na," malamig na tugon sa kanya ni Andres.

Nagbawas siya ng bara sa lalamunan at tumuwid ng upo. "Pasensiya na, madami lamang akong iniisip." Bahagya niyang nahilot ang sintido.

Napansin niya ang pagsulat ni Juanito mula sa naka-kwintas nitong sulatan. Kakaiba nga ang pansulat nito dahil gawa iyon sa uling na hinulma nitong pansulat.

MARAMI RIN KAMING INIISIP.

Iyon ang nakasulat sa papel nito. Mabilis nitong ibinaba ang papel at may idinagdag ulit doon saka ipinakita sa kanya.

MARAMI RIN PO KAMING INIISIP, SENYORITO.

Mas tunog naging magalang.

"Hindi naman masyadong mahalaga," dagdag niya.

"Lahat ng iniisip natin ay mahalaga," sagot ni Andres. "Lalo na kung nangangailangan ng sagot, Senyorito."

Napatitig siya sa dalawa. Matagal na niyang napapansin na may pagkakataon na napakakaswal makipag-usap ng dalawa sa kanya. Madalas ay nakakalimutan pa ng mga itong igalang siya. Nakapagtataka lamang at tila wala lamang iyon sa kanya.

Subok na rin naman niya ang katapatan ng dalawa sa kanya kaya malaki ang tiwala niya kina Andres at Juanito. Sa lahat ng mga tauhan niya rito, sa magkapatid na Bonitasyo niya nararamdaman na tila ba napakatagal na nilang magkakaibigan ngunit hindi lamang niya maalala ang bagay na iyon.

Walang salitang lumalabas sa bibig ni Andres ngunit ang ekspresyon ng mukha nito ay tila ba nauubos na ang pasensiya nito sa kanya.

Itinaas muli ni Juanito ang papel nito.

PAKIBILISAN

Ibinaba at nagdagdag ulit ng salita. Sa pagkakataon na iyon ay may kasamang maliit na guhit sa dulo na hindi niya maintindihan kung ano.

PAKIBILISAN PO, SENYORITO ( ͡❛ ͜ʖ ͡❛)✌

Napabuga siya ng hangin. "Bueno, ito na't sasabihin ko na." Patlang. "May alam ba kayo sa gayuma?" Nagkatinginan ang dalawa bago ibinalik ang tingin sa kanya. "Ito ay narinig ko lamang sa mga sabi-sabi nang karamihan ngunit hindi naman ako naniniwala sa mga ganoong bagay. But it made me curious."

"Gayuma?" ulit ni Andres. "Aanhin mo 'yan?" Kunot na kunot ang noo, nakalimutan na naman siyang igalang.

"Hindi para sa akin. Naitanong ko lamang dahil tila ba iniisip ng isang matalik kong kaibigan na siya ay ginagayuma," pagsisinungaling pa niya, hindi niya maiwasang mapangiwi sa kanyang isipan. "Kaya lamang ay wala akong maitulong sa kanya sapagkat wala rin akong alam tungkol sa bagay na iyon."

Nagsulat ulit si Juanito.

MAY KAIBIGAN KAMING NAGAYUMA NOON. 

HINDI NAMIN PINANSIN DAHIL MATAGAL NA SIYANG BALIW.

Kumunot ang noo ni Mateo.

"Tunay na ginayuma ang isang kaibigan namin, si Nathanael," paglilinaw ni Andres. "Kagaya n'yo po noon ay hindi ako naniniwala sa mga ganoong bagay."

"At paano naman na gayuma ang inyong kaibigan? Ano ang kanyang mga naging karamdaman?"

Mukhang mahaba-haba ang isinulat ni Juanito dahil matagal itong natapos bago itinaas ang papel nito.

'DI MAKATULOG SA GABI SA KAIISIP

SA DIWA KO'Y IKAW ANG AKING PANAGINIP

O BAKIT BA IKAW ANG SIYANG LAGING LAMAN NG ISIP KO

SA BAWAT SANDALI AY NAIS KANG MAKITA

Sinilip ni Andres ang isinulat ni Juanito at bigla itong inihit ng ubo. Ibinaba ni Juanito ang papel at pahampas na hinagod ang likuran ng kapatid nito.

Lalo lamang siyang nalito.

"Ano ang ibig sabihin niyan?"

"Kaba," sagot ni Andres nang mahimasmasan. Pero paminsan-minsan nauubo pa rin. "Kinakabahan ang tao kapag nasa ilalim ng kapangyarihan ng gayuma. Hindi mo naman siya laging iniisip ngunit sa tuwina'y hinahanap mo na at nagiging laman na ng iyong mga panaginip, Senyorito."

Natapos na naman si Juanito sa kung anong isinusulat nito.

SA ARAW-ARAW AY NAGTATAKA

ANG PUSO KONG ITO O BAKIT BA

ANG KILOS KO'Y NABABAGO

NA HALOS NAANDIYAN KA NA

Lalong kumunot ang noo ni Andres nang mabasa ang panibagong isinulat ni Juanito.

"Nagtataka ka na kung bakit mo siya laging hinahanap," paliwanag ulit ni Andres. "Napapansin mo nang tila ba iba na ang kinikilos mo kapag nandiyan siya? – siya." Tila hindi pa ito sigurado sa huling sinabi. Seryoso ang mukha na ibinalik ni Andres ang tingin sa kanya. "Pakiramdam n'yo po ba ay nanghihina kayo kapag hindi n'yo siya nakikita?"

Siya naman ang lalong napakunot ang noo. "Hindi ako, iyong kaibigan ko."

"Isulat mo lahat ng mga sasabihin ko," utos sa kanya ni Andres.

Tumalima naman siya at hinanap ang kanyang pansulat at papel. "Handa na ako."

"Ikaw ay nagayuma kung: Una, hindi mo siya gusto ngunit siya ang laman ng iyong isipan at panaginip."

Naalala niya ang mga panaginip niya kung saan mukha ni Priscilla ang laging nandoon ngunit iba lamang ang pangalan at pananamit. Maari kayang?

"Pangalawa, pakiramdam mo ay manghihina ka kapag hindi siya nakita." Hindi pa naman yata ako dumadating sa gano'n o hindi lamang ako sigurado? "Pangatlo, matindi ang disgusto mo sa kanya ngunit ngayon ay inaalala mo na at laging hinahanap-hanap."

Itinigil ni Mateo ang pagsusulat. "May Siyentipiko bang pananaliksik na magpapatibay na ang mga sinasabi mo sa akin ay may katotohanan?"

"Wala pero puwedeng hindi ka maniwala," sagot ni Andres sa kanya.

Napakurap siya rito.

Andres, actually had a point.

"At pakisabi sa kaibigan n'yo, Senyorito, na hindi lahat ng kaba ay gayuma ang nagtulak. Hindi lang niya siguro namalayan na tuluyan na siyang umiibig."

Nakangising itinaas ni Juanito ang papel nito. Hindi salita ang isinulat nito, isang guhit ng korteng puso na tinamaan ng pana.

Mukhang kailangan ko ng alak ngayong gabi. Sumasakit ang aking utak sa mga impormasyong ibinigay sa akin ng dalawang 'to. Imbes na gumaan ang kalooban niya ay mas lalo lang lumalala ang inaalala niya.

"Maiba ako, may ibang gagawin ba kayo mamayang gabi?" Sabay na umiling ang dalawa. "Mabuti, magpahinga kayo at patahimikin n'yo muna ang utak ko."

Nagsulat ulit si Juanito.

BAKIT? PARANG KASALANAN PA NAMIN? ಥ_ಥ

Napahawak si Mateo sa kanyang noo. "Umalis na muna kayo sa harapan ko."

UN 🍇🍇🍇

Hindi niya maintindihan ang sinabi ni Juanito dahil dalawang litra lang naman iyon at tatlo na mukhang ubas na prutas.

Hinatak na patayo ni Andres ang kapatid nito. "Sana masaya ang tulog n'yo ngayon, Senyorito," malamig na sabi ni Andres sa kanya. "At walang anuman." Hinila nito sa direksyon ng pintuan si Juanito na muntik nang mabuwal dahil natisud ito sa sariling silya nito nang tumayo kanina.

"Bukas na lamang tayo mag-usap –" Padabog na isinarado ni Andres ang pinto na sobrang nagpagulat sa kanya.

"Pambihira," aniya. "Tunay na hindi lamang si Priscilla ang kakaiba sa bayan na ito." Napailing na natawa siya sa kalaunan. "Hay nako, Mateo, ano bang kakaiiba sa iyo at pinapaligiran ka ng mga taong laging sanhi ng iyong mga problema sa buhay?"

Binalikan na lamang niya ang mga isinulat kanina. Iniisip niya nang mabuti ang mga pakiramdam na iyon – kinakapa sa kanyang sarili – ngunit sa muli ay sumisingit sa kanyang isipan ang mukha ni Priscilla. Alam niyang si Priscilla iyon dahil sa kasuotan nito. Ngunit hindi niya rin maiwasan na hanapan ng pagkakapareho nito at ng babae sa kanyang panaginip.

Hindi lamang kayo pareho ng mukha ngunit pati ngiti, tunog ng tawa, at boses ay magkahawig din kayo. Iisa lang ba kayo at naiiba lamang ng panahon?

Madami siyang hindi pinapaniwalaan – usaping kababalaghan, mahika, o ang reinkarnasyon. Kaya marahil, malabo rin ang kanyang mga iniisip.

Siguro ay dapat niyang kausapin si Priscilla sa bagay na ito. Walang ibang taong makakapagbigay sa kanya ng tamang kasagutan kundi ang babae lamang na iyon.

Ngunit aamin kaya iyon sa akin?

Marahas niyang iniligpit ang mga gamit. "Hindi ko siya titigilan hanggat hindi ko nakukuha ang sagot na gusto ko sa kanya. Matira ang matibay sa ating dalawa, Priscilla."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro