REVELATION I
NOBYEMBRE NG TAONG 1798
LUMAPIT si Susana kay Thaddeus at yumakap sa likuran nito. Napangiti si Thaddeus at naitigil ang ginagawang pag-aayos ng relo mula sa kanyang mesa. Hindi pa niya mahawakan ang asawa dahil madumi pa ang kanyang mga kamay. Sinimulan niyang ayusin ang relo kagabi ngunit hindi niya natapos. Gumising siya nang maaga kanina para balikan ang pag-aayos. Tatlong oras na siyang nakaupo at inaayos ang relo.
"Kumain ka muna," malambing na alok ng kanya asawa. "Balikan mo na lamang 'yan mamaya."
"Kukunin ito ni Don. Santiago mamaya. Naipangako kong makukuha niya ang kanyang relo ngayong araw."
Ibinaling ni Thaddeus ang mukha sa asawa. Naglapat na naman ang mga labi nito at nagdidikit na muli ang dalawang linya ng kilay ni Susana. Tanda na nagsisimula na itong mainis sa kanya. Natawa lamang si Thaddeus.
"Kumain na ako ng agahan kanina. Huwag mo na akong alalahanin."
Ngunit mukhang hindi naniniwala ang asawa sa kanya.
"Sinabi ko na sa'yo na huwag kang magpapalipas ng gutom. Baka ang agahan na sinasabi mo ay nag-kape ka lamang."
"Kinain ko ang natirang tinapay kagabi."
Bumuntonghininga si Susana at ikinulong ang kanyang mukha sa mga kamay nito. Ramdam niya ang mga kalyos nito sa kamay sa kanyang mga pisngi. Hindi niya maiwasang malungkot. Gusto niyang alagaan ang mga kamay na 'yon ngunit napakahirap ng buhay nila. Gustuhin man niyang sa bahay na lang ang kanyang asawa ngunit kailangan nilang magtulungan sa paghahanap buhay para sa kanilang pamilya.
Lumamlam ang inis na emosyong ipinakita ni Susana kanina. Nakitaan niya 'yon ng kalungkutan at panghihinayang sa pagkakataon na 'yon.
"Maganda sana ang buhay mo kung hindi mo kami pinili," malungkot nitong sabi.
"Mahal, wala akong pinagsisihan sa mga desisyon ko. Pinili kita at ng anak natin dahil sa inyo ako masaya. Aanhin ko ang maalwan na buhay kung hindi ko naman kapiling ang aking mag-ina." Hinawakan ni Thaddeus ang kamay ng asawa kahit na madumi ang kanyang mga kamay. Hindi naman 'yon pinansin ni Susana kaya ibinaba niya ang kamay nito at ginagap saka hinalikan. "Ang importante ay magkakasama tayo. Ikaw, si Arturo, at ako. Kumikita naman tayo kahit papaano sa pagbebenta ng mga lumang bagay at nakakain pa naman tayo ng tatlong beses sa isang araw."
Sumilay na ang ngiti sa mukha ni Susana. Yumakap ang asawa sa kanya. "Kahit madaming pagsubok ay nakakayanan ko dahil kasama ko kayong dalawa ni Art."
Marangya ang buhay na kinagisnan ni Thaddeus ngunit lahat nang 'yon ay tinalikuran niya para kay Susana at Arturo. Tutol ang kanyang buong pamilya kay Susana dahil hindi ito katulad ng pamilya niya. Madaming misteryong bumabalot sa pamilyang de Alonso. Isa sa mga rason na lalong nagtulak sa kanya para lisanin ang bayan niya. Mas mabuting lumaking normal ang walong taong gulang niyang anak. Gusto niyang magsimula ulit at kalimutan ang kanyang nakaraan.
"Nakita ko ang mga lumang guhit mo."
Mapait ang ngiting ibinigay ni Thaddeus sa asawa. "Bago lang tayo rito, mahal. Walang magtitiwala sa mga gawa at desinyo ko."
Dati siyang arkitekto sa kanilang lugar. Natuto rin siyang magkumpuni ng mga luma at sirang bagay. Binibili niya ang mga lumang bagay na kaya pa niyang ayusin at ibinibenta ang mga 'yon sa kanilang maliit na tindahan. Masuwerte silang mag-asawa dahil nabili nila sa murang halaga ang puwesto ng kanilang tindahan na siyang bahay din nilang tatlo. Malapit pa 'yon sa daungan ng mga barko.
"Ngunit wala namang mawawala kung susubukan mo."
"Hindi pa sa ngayon." Tinapik-tapik niya ang kamay ni Susana at muling ngumiti. "Hayaan mo muna. Ang mahalaga ay kumikita tayo sa tindahan."
Ngumiti si Susana. "Naibenta ko na nga pala ang mga bagong ipininta ko. Sa murang halaga nga lang ngunit mainam na rin pandagdag sa ipon natin para mapag-aral natin si Art sa magandang eskwelahan. Nagtanong-tanong na rin ako kung maibebenta ko ba ang mga 'yon sa mga galyon na dumadaong. Mayroon naman daw, 'yong mga taga Tsina, bumibili sila. Gagawa muna ako nang madami para maialok ko sa mga mangangalakal."
"Gawin natin 'yan, mahal. Magtulungan tayo."
Tumango si Susana. "Para sa kinabukasan ni Art."
Parehong natigilan sina Susana at Thaddeus nang tumunog bigla ang isinabit niyang carillón de viento sa itaas ng pinto. Tutunog ang isang mumunting kampana sa tuwing may pumapasok sa kanilang tindahan.
"Mama! Papa!" boses 'yon ng anak nilang si Arturo. Humahangos na lumapit ang anak nila sa kanila. Nagkatinginan silang dalawang mag-asawa at nang ibalik nila ang tingin kay Arturo ay lumunok muna ito bago ulit nagsalita. "P-Papa... may naghahanap po sa inyo."
"Naghahanap?" Kumunot ang noo ni Thaddeus. Naramdaman naman niya ang paghawak ni Susana sa kanyang isang braso. "Sino? Kinausap ka ba?"
Umiling si Arturo. "Hindi po. Narinig ko lamang po ang pangalan n'yo. Binanggit po ng isang matangkad na lalaki na may asul na asul na mga mata. May kasama po siyang dalawang lalaki. Matatangkad din po. 'Yong isa po, nakaitim po lahat, may tali po ang buhok ngunit mahaba. Maliit din po kanyang mga mata. Nakita ko pong may itinatago po siya sa gilid ng katawan niya. 'Yong isa naman po, matangkad din po, maitim din ang suot ngunit may asul din po sa kanyang damit. Napansin ko po ang piklat sa mukha niya."
"Thad," nag-aalalang tawag ni Susana sa asawa.
Nag-isip si Thaddeus. Hindi niya kilala ang mga binanggit ni Art. Walang ganoong deskripsyon ng mukha sa pamilya niya. Malabo na nahanap siya ng pamilya niya. Isa pa, mas kilala na siyang Lebbaeus dito.
Mayamaya pa ay muling tumunog ang carillón de viento tanda na may bagong pumasok sa tindahan. Nilukob ng tensyon ang buong paligid. Hinila niya si Arturo sa kanyang likuran nang makita ang tatlong lalaki na pumasok. Kung hindi siya nagkakamali. Ang tatlong lalaki ang tinutukoy ni Art.
Kahit na kinakabahan ay hindi ipinakita ni Thaddeus ang takot. Wala siyang natatandaan na may ginawa siyang mali. Wala rin siyang kaaway. Tahimik lang silang namumuhay sa lugar na 'yon.
Lumingon ang tatlo sa direksyon nilang magpamilya. Naramdaman niya ang pagyakap ni Arturo sa baywang niya. Humigpit naman ang hawak ni Susana sa kanyang kanang braso. Agad na nagtama ang mga mata nila ng lalaking may kulay laot na mga mata. Tila mabagsik na alon ang hatid ng mga tingin nito habang naglalakad palapit sa kanya.
Kalmado naman ang isa sa mga kasama nito na may piklat sa mukha, nakatayo ito sa kaliwa ng may asul na mga mata. Wala namang emosyon ang lalaki na halos itim ang suot sa kanan. Sa tingin niya ay ang sandatang nakatali sa baywang nito ang tinutukoy ni Arturo na nakita ng anak na itinatago ng lalaki. Sa tatlo, mukhang ang naka itim lang ang may ibang lahi. Hindi ito katulad nila.
"Magandang umaga," kalmadong bati niya sa tatlo. "Anong maipaglilingkod ko?"
"May hinahanap akong tao," sagot sa kanya ng may asul na mga mata. "Ngunit sa tingin ko ay nahanap ko na siya."
Naguluhan si Thaddeus sa sinabi ng lalaki. Masyadong matalinghaga para sa kanya ang mga binitawan nitong mga salita.
"Paumanhin, ngunit hindi ko masundan ang iyong sinabi."
"Thaddeus de Alonso, nag-iisang anak ng tanyag na manlalakbay ng oras na si Bernardo de Alonso. Nakausap ko ang iyong ama bago pa kita mahanap dito."
Pinuntahan nito ang aking ama? Ngunit bakit? Kahit nakausap nito ang kanyang ama. Hindi niya ito puwedeng pagkatiwalaan.
"Nagkakamali kayo. Hindi ako si -"
"Sinabi sakin ng 'yong ama na nasa sa'yo ang reliquia de familia ng mga de Alonso. Ang El Reloj Roto na matagal nang nasa pangangalaga ng mga de Alonso."
Kumunot lalo ang noo ni Thaddeus.
Sino ba ang misteryosong lalaking ito? Bakit alam nito ang tungkol sa El Reloj Roto ng kanilang pamilya?
"Iyon lang ba ang hinahanap n'yo?" matapang niyang tanong.
Walang kangiti-ngiting tumango ang may asul na mga mata. "Ang relo at ikaw. Isasama kita sa barko ko."
"Hindi!" Niyakap ni Susana nang mahigpit si Thaddeus. "Hindi ako papayag na kunin n'yo ang asawa ko."
Naramdaman din ni Thaddeus ang pagprotekta ni Arturo sa kanya. "Mananatili lang po dito ang Papa ko! Hindi po ako papayag na kukunin n'yo po siya."
"Ibibigay ko sa inyo ang relo pero hindi ko iiwan ang mag-ina ko."
Bumuga ito ng hangin at napakamot sa batok. "Anong silbi ng relo kung wala ang may-ari?" Ilang segundo itong natahimik, nagbaba ng tingin, at nag-isip. Nang mag-angat uli ito ng tingin ay nagsalita na ulit ito. "Nakapagpasya na ako. Isasama ko na kayong tatlo. Magligpit na kayo at aalis tayo mamayang gabi."
"Hindi maari," kontra ni Thaddeus. "Hindi ganoon kadali 'yon at isa pa, hindi pa kami pumapayag sa gusto mo."
Ngumisi ang may asul na mga mata. "Hindi ako tumatanggap ng kahit anong pagtanggi, Thaddeus." Hinuli nito ang tingin niya. Nakangiti ang mukha pero may pagbabanta ang mga tingin. "Sinasabi ko lang para malinaw sa lahat."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro