Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 36

D A Y  1 9

"NANDITO KA LANG pala."

Naiangat ni Sanna ang mukha sa nagsalita. It was Thad. Matipid itong ngumiti bago naupo sa stone bench katabi niya. He didn't say a word after. Naupo lang talaga ito sa tabi niya.

Gising pa siya dahil hindi siya makatulog kaya lumabas siya ng bahay. Nakaupo lang siya sa stone bench sa may garden, malapit sa grotto ng Our Lady of Lourdes, hawak niya sa kamay ang photo album na ibinigay sa kanila ni Lola Helene.

Siguro kalahating oras na siya roon.

Nang lumabas siya kanina ay past 12 midnight na at tulog na ang lahat. Sa tingin niya ay mag-a-ala-una na ng madaling araw.

"I remember what happened," basag niya. Halos sabay nilang naibaling ang tingin sa isa't isa. Bumakas ang gulat sa mukha ni Thad. "Only the part of my parents," paglilinaw niya. 

Kahit siya ay nalilito kung bakit ang bahagi lang na 'yon ang naalala niya at hindi pa kasama ang totoong nangyari sa kanila ni Thad bago sila naghiwalay nang tuluyan. 

Bumalik 'yon sa isipan niya na parang hindi 'yon nawala.

"Paano?"

"Dahil dito," iniangat niya ang lumang photo album, "dahil sa sulat ni Mama na kasama ng album na 'to." Nag-iinit na naman ang sulok ng kanyang mga mata. Magangmaga na ang mga 'yon kakaiyak niya. "Para bang susi ang album na 'to para maalala ko ang Mama at Papa ko."

Sinusubukan niyang matulog kanina pero ayaw siyang patahimikin ng mga bumabalik niyang mga alaala.

Ibinalik niya ang tingin sa hawak niyang album.

"Minsan may mga alaalang pumapasok sa isip ko habang nagkukwento ka. Nasabi ko na rin 'yon sa'yo dati. Pero ngayon... iba... dahil pakiramdam ko..." Her lips trembled at muli na namang bumagsak ang mga luha niya mula sa kanyang mga mata. "Kahapon lang nangyari ang lahat... at hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko, Thad..."

"Sanna..."

Ibinalik niya ang tingin kay Thad at mapait na ngumiti.

"Anak ako sa labas ng Papa ko," simula niya. "Pero hindi dahil nagloko siya... naging sila ng Mama ko... kaya lang... naghiwalay sila nang bumalik sa buhay niya si Tita Cass."

Humugot muna siya nang malalim na hininga bago ulit nagpatuloy. 

"My parents met in a resort in Bohol, receptionist ang Mama ko at isa sa mga guest ang Papa ko. That time, my father was mending a broken heart dahil naghiwalay sila ni Tita Cass. Everything happened so fast, my father stayed longer, naging sila ng Mama ko at nabuo ako nang hindi nalalaman ng Papa ko."

Tandang-tanda na niya ang buong detalye kaya lalo siyang nasasaktan. Kaya lalong bumibigat ang kalooban niya.

"Umuwi ang Papa ko ng Cebu but he left his business card. Sabi niya kay Mama ay babalik siya pero hindi na siya bumalik. Kahit man lang tawag o sulat ay walang natanggap si Mama. That time, pinagbubuntis na ako ni Mama at kapag nalaman ng tatay niya ay baka palayasin siya kaya pumunta siya ng Cebu at nagpaalam na magbabakasyon lang sa tiyahin niya... kay Lola Helene."

"At nagkita sila?"

Tumango siya. "Kaso... huli na ang lahat dahil ikakasal na si Papa at Tita Cass. Doon gumuho ang Mama ko. Dahil ang Papa ko lang ang tanging minahal niya. Alam ko 'yon dahil ramdam ko simula pa noong bata ako hanggang sa magkaedad ako na mas malaki ang pagmamahal niya sa ama ko kaysa sa akin. Minsan... naiisip ko na ang dahilan lang ni Mama kung bakit isinilang niya ako ay para hindi siya kalimutan ng Papa ko."

Pinunasan niya ang mga luha sa kanyang mga mata. Ibinuklat niya ang nag-iisang larawan nilang tatlo. Kuha 'yon noong binyag niya sa simbahan ng San Gregory dito sa Ginatilan. Naramdaman niyang nakatingin din sa larawan na 'yon si Thad.

"Ito lang ang nag-iisang family picture na mayroon kaming tatlo," dagdag niya. "Ayaw na ayaw ni Papa na magpakuha kami ng larawan kapag nakikipagkita siya sa'min. Noong una, wala lang sa'kin pero noong ilang beses na... nakaramdam na ako na parang may mali. 'Yon pala ay hindi kami ang legal niyang pamilya. Alam mo ba kung bakit ibinigay niya ang apelyido niya sa'kin?"

Kumunot ang noo ni Thad. "Wala siyang balak na kilalanin ka?"

Mapait na ngumiti siya at tumango. "Kaso tinakot siya ni Mama. Pinagbantaan niya si Papa na kapag hindi niya ako kinilalang anak ay sasabihin niya ang totoo sa pamilya ni Tita Cass at hindi na matutuloy pa ang kasal nila. Alam ni Mama na hindi niya kami pipiliin kaya ginawa niya 'yon para hindi lumayo nang tuluyan si Papa. My father admitted it to me. He said he was sorry for thinking of abandoning me. Sabi niya, bata pa raw siya noon at magulo pa ang isip niya. I did forgive him kasi mahal ko siya."

Sandali silang natahimik na dalawa bago nagsalita si Thad.

"You left your mother and went to your father because?"

Tumango siya.

"Pinuntahan ko siya dahil gusto kong sirain ang pamilya niya." Kumurap siya at bigla na lang naiyak sa harapan ni Thad. "Pero hindi ko nagawa..."


GINATILAN, CEBU,
MARCH OF 2004

"SIGE LUMAYAS KA! Puntahan mo ang magaling mong ama. Magsama-sama kayong lahat. Diyan naman kayo magaling. Ang iwan ako."

Iyak nang iyak si Sanna habang yakap ang malaking bag niya na itinapon ng mama niya sa kanya. Inimpake niya 'yon noong isang araw pa pero nakita nito 'yon kaya galit na galit ito sa kanya.

Gusto na niyang umalis sa poder ng mama niya. Pagod na pagod na siyang manlimos ng pagmamahal sa mama niya. Kahit anong gawin niya ay hindi siya nagiging sapat. Gusto nitong gumawa siya lagi ng paraan para makipagkita sa kanila ang Papa niya at nagagalit ang Mama niya kapag sinasabi niyang busy ang Papa niya at baka hindi na muna sila mabisita.

Lahat na ginawa niya.

Sinusulatan niya ang papa niya kahit na madalang itong sumulat pabalik. Nag-iipon siya ng barya para may maipantawag siya sa numero na ibinigay ng papa niya. Kahit man lang ilang segundo ay makausap niya ito. Alam niya na hindi sa kanila umiikot ang mundo ng Papa niya. Kahit sa murang edad niya ay alam niyang hindi sila ang mahal ng Papa niya. Responsibilidad lang siya para sa Papa niya.

"Maaaa," iyak niya, sinusubukan niyang lumapit dito pero itinutulak siya nito palayo. Lalo siyang naiyak. "Mama, sige na.... ako naman ang pakinggan mo... Maaaa..." Malakas na itinulak siya nito dahilan para mapasalampak siya ng upo sa sementadong sahig ng sala nila. Lalo lamang siyang naiyak.

Puwede naman siyang hindi umalis. Inahanda lang niya 'yon pero pinag-iisipan pa niya.

"Ang gusto ng Papa mo ay ayusin mo ang pag-aaral mo. Pero anong ginawa mo? May dalawang bagsak ka. Dios ko, Susanna! Saan ba ako nagkulang sa paalala sa'yo? Sa pag-aaral mo na lang nga tayo napapansin ng Papa mo pero hindi mo pa rin magawa nang maayos. Sa tingin mo ba ay hindi ako napapagod? Pagod na pagod na ako Susanna sa litseng buhay na mayroon tayo. Lahat na ginawa ko para hindi lang tayo iwan ng Papa mo. Pero sana naman tumulong ka naman..."

"Hanggang kailan mo ba iisipin Mama na mahal tayo ni Papa?" inis na sigaw na niya. Tumayo siya at lakas loob na hinarap ang Mama niya. "Wala naman talaga siyang pakialam sa'tin eh. Ikaw lang ang nag-iisip na mayroon. Ikaw lang pumipilit sa kanya na pansinin niya tayo kahit labag naman sa loob niya –" Napasinghap siya sa sampal nito sa pisngi niya.

Pakiramdam ni Sanna ay tumigil ang mundo niya sa sampal na 'yon ng mama niya. Nang tumino na sa kanya ang ginawa ng Mama niya ay doon siya humagulgol ng iyak. Gusto na lamang niyang maglaho hanggang sa wala nang Sanna sa mundong 'to.

"Mahal ako ng Papa mo," giit pa ng mama niya.

"Hindi niya tayo mahal!" sigaw niya ulit nang ibalik ang tingin sa mama niya.

"Hindi mo alam ang sinasabi mo dahil hindi mo alam ang pinagdadaanan ko. Hindi mo alam ang mga paghihirap ko. Wala kang alam dahil hindi ka pa nagmamahal –"

"Hinding-hindi ako magiging kagaya mo!" Nanlaki ang mga mata ng Mama niya. "Hinding-hindi ako magmamahal na katulad ng pagmamahal n'yo kay Papa. Hinding-hindi ko sisirain ang buhay ko dahil lang sa pagmamahal na 'yan."

"Susanna!" Her mother stared at her in horror.

"Pagod na pagod na ako, Ma. Ayaw ko na." Dinampot niya ang bag niya. "Sawang-sawa na akong gawin ang gusto n'yo. Tutal, hindi n'yo naman ako nakikitang anak. Ginagawa n'yo lang akong dahilan para pansinin tayo ni Papa."

"Susanna Evangeline!"

Tinalikuran na niya ang ina.

"Sige, umalis ka," salita nito. Humigpit ang yakap niya sa bag niya, umiiyak pa rin. "Sa oras na lumabas ka ng bahay na 'to ay wala ka nang babalikan pa sa'kin. Kalimutan mo nang may ina ka."

Naglakad pa rin siya sa direksyon ng saradong pinto kahit sobrang bigat na ng nararamdaman niya. Nasasaktan siya sa mga sinabi nito.

"Sa oras na makilala mo ang taong mamahalin mo nang sobra-sobra, Sanna. Sinasabi ko sa'yo, doon mo lang ako maiintindihan."

Nakahawak na siya sa seradura ng pinto nang magsalita ulit ang Mama niya.

"Malalim ka ring magmamahal katulad ko." Binuksan na niya ang pinto. "You will end up just like me, Susanna."



"SUSANNA?!"

Bumakas ang gulat sa mukha ng Papa niya nang makita siya sa labas ng gate ng mansion ng mga Rama. May hawak itong malaking payong dahil malakas ang ulan. Kanina pa niya ito hinihintay sa labas. Umaasa siyang mapapansin siya ng papa niya.

"Anong ginagawa mo rito?"

Ngumiti siya kahit lamig na lamig at basang-basa na siya sa ulan. Yakap pa rin niya ang malaking bag niya. Pero alam niyang basa na rin ang loob no'n.

"Papa, puwede bang dito na lang ako?"

Kumunot ang noo ng papa niya. Napatingin ito sa paligid. Maliwanag pa ang mansion sa likod nito. May napapansin siyang mga tao sa loob. Mukhang may okasyon ngayon sa mansion.

"Papa, nagugutom na po ako. Puwede po bang papasukin n'yo po muna ako? Promise po, hindi ho ako manggugulo." Nanginginig ang isang kamay na itinaas niya 'yon bilang panunumpa. "Hindi pa ho kasi ako kumakain."

"Susanna, hindi ka puwedeng makita ng pamilya ko," seryosong sabi nito.

Namanhid na yata ang pakiramdam niya dahil sa lamig dahil kahit na masakit pakinggan ang mga salitang 'yon ay hindi na rumistro sa kanya.

"H-Hindi naman... h-ho... ako magpapakilala..."

Binuksan nito ang gate. "Pumasok ka." Tumalima siya, pero halata sa Papa niya na hindi ito komportable sa presensiya niya. Halos takpan na siya nito. "Sumama ka sa'kin."

Hinawakan siya nito sa braso at dinala sa isang lumang imbakan ng mga halaman at pampataba ng lupa. Naamoy niya ang masangsang na amoy sa paligid na galing sa mga dumi ng kabayo. Halos wala naman nang gamit doon, maliban sa mga lumang gamit sa pagtatanim. Halatang hindi pa nalilinis ang lugar na 'yon.

"Dumito ka muna. Ipapadala ko rito si Innocentia."

Lamig na lamig na talaga siya. Gusto na niya nang mainit na kumot. "Papa, wala po ba kayong kumot? Ang lamig-lamig na po kasi –"

"Susanna," may pagbabanta sa boses nito. Napatitig siya sa seryosong mukha ng Papa niya. "Ipapadala ko kay Innocentia. Pati na rin ang pagkain. Pero hindi ka puwedeng lumabas sa lugar na 'to. Hindi ka puwedeng makita ng ibang tao. Naiintindihan mo ba?"

Nangangatal ang labi at ngipin na tumango siya.

"Saka na tayo mag-usap. Birthday ngayon ni Loraine."

Kilala niya si Loraine. Anak ng papa niya at ng asawa nito. Isang taon lang ang tanda niya kay Loraine. Pero hindi pa niya nakikita ng personal ang mga kapatid niya sa ama.

Iniwan na siya nang tuluyan ng Papa niya.

Niyakap na lamang niya lalo ang sarili habang iginagala ang tingin sa paligid.

Pakiramdam niya nang mga oras na 'yon ay para siyang isang bagay na walang halaga sa papa niya. Doon niya napatunayan na wala siyang halaga rito. Kagaya ng mga natirang gamit na nandoon ay wala nang silbi at wala nang halaga sa mga taong nakatira sa bahay na 'yon.

Binitiwan niya ang bag at lumabas sa lumang imbakan. Naabutan pa niya ang papa niya.

"Anak mo rin naman ako ah!" sigaw niya rito dahil masyadong malakas ang ulan. Marahas na nilingon siya ng Papa niya. "Bakit kung tratuhin mo ako ay parang ibang tao ako? Ako naman ang nauna ah. Ako ang panganay mo. Dapat pantay-pantay kami ng mga kapatid ko."

"Susanna!" Lumapit sa kanya ang ama at hinawakan siya sa braso. Nanlilisik ang mga mata nito pero bakas ang kaba at takot sa mukha nito.

"Papa, anak mo ako!" iyak niya.

"Alam ko. Kinilala kita. Apelyido ko ang dala-dala mo. Sinusuportahan ko ang pag-aaral mo. Pinapadalhan ko kayo ng Mama mo. Ano naman bang gusto ni Evangeline? Pinapunta ka ba niya rito?"

"Papa, anak mo rin ako!" giit ulit niya, yumuyugyog na ang mga balikat niya sa kakaiyak.

"Susanna!"

"Gusto kong ipakilala mo akong anak!"

"Saturnino?"

Kahit na nanlalabo na ang mga mata niya dahil sa mga luha at ulan ay malinaw pa rin niyang nakita ang gulat na reaksyon sa mukha ng asawa ng papa niya. May hawak itong payong pero nabitiwan nito. Her father let go of her arm, kamuntik pa siyang matumba, mabuti na lamang at na i-balanse niya ang sarili.

Pero manhid na manhid na ang puso at katawan niya. Wala na rin siyang pakialam kung malaman ng asawa ng Papa niya ang tungkol sa kanya. She came here to ruin her father.

"Cassandra..."

"Anak mo?" Nagpalipat-lipat ang tingin ng asawa nito sa kanilang dalawa. "May anak ka sa labas?"

"Mahal, magpapaliwanag ako..."

"I can't believe this."

Mabilis na iniwan sila ng asawa nito at tumakbo ito pabalik ng mansion. Iniwan siya ng Papa niya at sinundan ang asawa nito. Naiwan siya roon na umiiyak.


2020 PRESENT

"HINDI KO NAITULOY ang una kong plano dahil naawa ako sa Papa ko," pagpapatuloy na kwento ni Sanna. "Lumuhod siya sa harapan ko at nagmakaawa sa'kin. Pakiramdam ko no'n ang sama-sama kong anak. Twelve years old pa ako no'n at naisip ko na hindi na ako tatanggapin ni Mama kaya pumayag ako na ipakilala munang pamangkin ni Nanay Innocentia na pag-aaralin nila Papa."

"Hindi mo na talaga binalikan ang Mama mo?"

She nodded.

"'Yon din ang kagustuhan ni Papa. Gusto niya na kalimutan ko na si Mama dahil siya na raw ang bubuhay sa'kin. Kaya noong second year high school nasa St. Catherine's ako. Nagawan din ng paraan ni Papa na malinis ang records ko. Si Nanay Innocentia ang kasama ko sa Carcar.

"Mayordoma siya sa mansion ng mga Rama. Si Nanay Sensya, Papa ko, at si Tita Cass lang ang may alam na anak ako ni Papa sa labas. Hindi kasi puwedeng malaman 'yon ng pamilya ni Tita Cass at iniiwasan din na sumama ang loob ng mga kapatid ko sa Papa ko. Hindi rin puwede na umabot 'yon sa pamilya ni Papa dahil baka sa kapatid nito ibigay ang mana – kay Tito Sergio na mortal na kaaway ni Papa sa atensyon ng mga magulang nila. My father was the good son at malaking disappointment at eskandalo para sa mga Rama kapag may anak sa labas ang Papa ko. Isa pa, kasalukuyan siyang vice mayor sa Samboan noon."

"And your father was able to hide you for the longest years."

"Mas tamang sabihing, itinago ko ang sarili para sa kanya." Mapait siyang ngumiti kay Thad. "My father is well loved by his people. Kahit anong posisyon ang takbuhan niya ay nananalo siya. He was a good son. He was a good father to his children. A faithful husband to his wife."

"But he was never a good father to you."

"Siguro dahil hindi ako ang anak na ginusto niya."

Thad's arm wrapped around her shoulders. Hinayaan na niyang isandal ang ulo sa balikat nito.

"I did everything for him, Thad. Kahit na labag sa loob ko. Kahit na hindi 'yon ang gusto ko sa buhay ko. I thought he will learn to love me this time... if I obey him... and make him proud of me."

Kahit sa pagpikit niya ng mga mata ay may mga luha pa ring sumasama. Ngayon niya gustong kalimutan ang mga alaalang 'yon. That part of her past only brought immesurable pain in her heart. Hindi pa niya naalala ang lahat pero parang gusto na lang niyang tumigil na sila.

"I patiently waited for him to be as proud of me as his daughter..."

SCHOOL YEAR 2004-2005

"PAPA, LOOK!" Masayang ipinakita ni Sanna ang grades niya sa papa niya. Bumisita ito sa Carcar. Biglaan nga lang kaya nagulat siya. "Muntik na po akong masama sa honor list kaso medyo kinulang po grades ko sa math."

"It's a good start, Sanna. Study more at makakasama ka rin sa honor list sa susunod." Her father gently tapped her head. Napangiti siya. "Dapat laging ganyan. Excel in academics para makapasok ka sa isang magandang university."

"Opo, Papa. Saka, nanalo rin po ako sa poster making contest –"

"I want you to focus on your studies, not on other things."

"Extra curricular din naman po 'yon, Papa."

"How about this." Pinaupo siya ng Papa niya sa tabi nito sa mahabang sofa. "If you study hard and excel in all the things I want you to excel. Ipapakilala kita sa Lolo at Lola mo."

Nangislap ang mga mata niya at lumapad ang ngiti. "Talaga po Papa? Ipapakilala n'yo na po ako sa kanila?"

"That's a promise." Nakangiting tumango ang Papa niya. "Kapag nakita kong naging mabuti kang bata at sinusunod mo ako."

Yumakap siya sa Papa niya. "Opo! Pagbubutihan ko pa po."

Her father chuckled. "I know." Tumunog ang cell phone nito sa kamay. "Excuse me, Sanna. You're Tita Cass is calling."

"Sige po."

Tumayo ang Papa niya at lumipat sa kusina. Hindi niya mapigilan ang sarili na pakinggan ito.

"Loraine, sweetie." May ngiti sa mukha ng papa niya. "I thought it was your mother calling. How's Tristan? Playing outside. Okay. I'm on my way home. I'll buy you something. Mahaba lang meeting ni Daddy ngayon. I love you."

Mabilis na bumalik siya sa inupuan niya kanina bago pa siya mahuli ng Papa niya.

"Sanna, I have to go. Sabihin mo na lang si Innocentia kapag may kailangan ka pa. Nag-iwan na ako ng pera para ngayong buwan."

"Pero kakarating n'yo lang po."

"I have an urgent things to do. Babalik na lang ulit ako kapag lumuwag ang schedule ko."

Akmang aalis na ang Papa niya nang magsalita siya.

"I love you, Papa," nakangiting sabi niya.

Natigilan ito pero tipid lang itong ngumiti sa kanya. "I know." Lumapit ito sa kanya at hinalikan siya sa noo. "Take care."

Saka siya iniwan.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro