Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 35

NOVEMBER 19, 2010

"PAPA!" SINGHAP NI Sanna nang makita ang papa niya sa labas ng university. Nakababa ang bintana ng sasakyan sa gawi nito at sumilip ito roon para kawayan siya.

Ibinaba na niya ang cell phone at tinakbo ang pagitang distansiya nilang dalawa. Kausap niya ito kanina. Akala nga niya ay biro lang nito na pupuntahan siya nito ngayon.

"Papa!" Lumapad lalo ang ngiti niya.

Binuksan nito ang pinto para sa kanya at ito na mismo ang nag-adjust para magkasya silang dalawa sa back seat ng sasakyan. Siya na ang nagtaas ng tinted na salamin sa bintana ng sasakyan para walang makakita sa kanila sa loob.

"Papa, na miss ko po kayo." Hindi niya napigilan na yakapin ang Papa niya.

"Happy birthday, anak." Hinalikan siya nito sa noo saka kumalas sa pagkakayakap sa kanya. Nakangiting inabot nito sa kanya ang isang yellow paper bag. Lalo lang siyang napangiti. Gusto niyang maiyak sa sobrang saya. "Pasensiya na kung hindi kita nadadalaw rito lagi. Busy lang talaga ang Papa."

Tinanggap niya ang regalo nito. "Salamat po." Ramdam niya ang pag-iinit ng sulok ng kanyang mga mata. She tried her best to hold her tears from falling. It was really a surprise for her.

"Kumusta ka naman?"

"Okay lang po. Busy lang po sa thesis pero kaya naman po."

"That's good news, Sanna. I've seen your grades. So far, I've seen improvement. Good job."

Mababa talaga ang mga grado niya lalo na noong unang dalawang taon niya sa Business Management. She was struggling. She didn't even consider herself smart. She almost failed once, mabuti at mabait ang prof niya at binigyan pa siya ng chance to keep up. Nag-submit siya ng extra projects para lang talaga maipasa niya ang subject.

Average lang talaga ang tingin niya sa sarili when it comes to academics, but she won't deny the fact that when it comes to arts ay nag-e-excel siya. It's just that, wala namang art sa Business Management, creativity might be applicable in some situation, but it's always numbers and critical thinking which is hindi niya kayang i-keep-up. She has always been the creative type. She loved colors, forms, landscapes, and anything peculiar that could be art worthy. Sadly, she could only do art in silence.

And without her father's knowing.

"I did my best po, Pa."

Kahit na sobrang hirap ay kinakaya niya para lang maging proud ang Papa niya.

"May meeting ako kanina with the governor. Sumaglit lang ako para ibigay ang regalo ko at makita ka." Ngumiti ang papa niya sa kanya at hinaplos ang buhok niya. "Kailangan ko ring bumalik agad ng Samboan dahil marami pa akong gagawin sa munisipyo."

Tumango lang siya. "Okay lang po, Papa. Naiintindihan ko po. Mayor po kayo roon kaya hindi po kayo puwedeng magtagal din dito."

"Salamat, anak. I wish I could stay to celebrate your birthday." Hinugot nito ang wallet sa bulsa ng itim nitong slacks. "Here." Inabot nito sa kanya ang tatlong libo. "Treat your friends. Wait, baka kulang pa 'yan." Dinagdagan pa nito ng dalawang libo. "I hope that's enough. Don't worry about your Tita Cass. She will not know."

Pilit siyang ngumiti sa Papa niya. "Thank you po."

Biglang tumunog ang cell phone nito. "Excuse me, Sanna." Bahagya itong lumayo sa kanya at sinagot ang tawag. Kitang-kita niya ang pagluwag lalo ng ngiti sa mukha ng Papa niya. "Loraine, sweetie. Yes? Daddy is going home na. Do you want me to buy you something? Ah, okay? Noted. I'll buy that for you. Yes, sweetie. I love you too."

Parang may bumikig sa lalamunan niya. Nakagat niya ang ibabang labi sa pagpipigil ng mga luha pero naiyak pa rin siya. Mabilis niyang pinunasan ang mga luha. Pilit siyang ngumiti.

Anak siya sa labas ng ama niya. Her father may have given his name to her, but she was still an outcast from the family. Outside the grandiose home of Mayor Saturnino Rama, no one knew who is Susanna Evangeline Rama in his life.

He provided everything for her, but there are things that money couldn't buy.

At hanggang hiling na lamang siya na sana mapansin at ipakilala rin siya ng papa niya sa ibang tao. Na maging proud din itong tawagin siyang anak na hindi siya itinatago.

Ibinaba na ng ama ang cellphone nito at binalikan siya. "Ah nga pala, Sanna, may binanggit sa'kin ang Tita Cass mo." Seryoso na ang tono ng boses nito. Wala na ring ngiti sa mukha nito. "May kasama ka raw mga lalaki lagi sa bahay?"

Napakurap siya. "Pa?"

"I want a direct answer, Sanna. Don't beat around the bush."

"Mga kaibigan ko lang ho sila. Sila po 'yong nakatira sa katapat ng bahay. Wala hong malisya roon. Dito rin ho sila nag-aaral kaya naging close ko sila."

Tumango-tango ang ama. "But you seemed too close with one of them."

Kinabahan siya. Paano nalaman ng Tita Cass niya ang tungkol doon? Hindi naman na ito madalas nakikipagkita sa kanya. Hindi nga ito dumadalaw sa bahay niya. Laging sa labas siya nito gustong magkita sila.

"Wala ho akong ibang kaibigan dito, Pa. Sila lang pong tatlo. Parang kuya ko na ho sila. Trust me Pa, they are a good man. Sila po ang tumutulong sa'kin dito kapag kailangan ko po ng tulong -"

"Siguraduhin mo lang na hindi mo boyfriend ang isa sa tatlong 'yon, Susanna. I don't want you ruining your life ... or getting pregnant early. We have talked about it... as long as you're in my care. You will do as I say."

Pinili niyang huwag na lang makipag-argumento sa Papa niya. She didn't want to ruin her day. Birthday pa naman niya.

"Opo, Papa."

Bumuga ito ng hangin. "I have to be strict with you because I want a good future for you. Trust me, anak. I know what is good for you." Ngumiti na ulit ito. "Naiintindihan mo naman ang Papa, 'di ba?"

Tumango siya.

"Good."




"KANINA KO PA napapansin na tulala ka?" puna ni Thad sa kanya nang makapasok na sila sa kuwarto niya.

Kakauwi lang nila pero hindi niya napansin na kanina pa pala siya distracted. Na enjoy niya naman ang birthday surprise ng mga ito. Pero siguro may mga pagkakataon na naiisip niya ang sinabi ng Papa niya kaya siya natatahimik.

"Wala," sagot niya. Yumakap siya bigla kay Thad. She rested her cheek on his chest. Nakaramdam siya ng gaan ng kalooban nang maamoy ang pabango nito. His scent would always calm her. Kasi alam niyang kasama niya si Thad.

Thad chuckled. "Wala, pero nakayakap ka na sa'kin?" Yumakap ito pabalik sa kanya. "Hindi pa tapos ang birthday mo. May gusto ka pa bang hilingin?" Hinalikan nito ang tuktok ng ulo niya.

Napangiti siya. "Gusto lang kitang makasama. 'Yon lang."

"I can stay until morning if you want."

"Wala ka bang pasok?"

"Tomorrow is Saturday, day off ko."

Iniangat niya ang mukha kay Thad. He was still smiling while looking down at her. "Thad, hindi mo naman ako iiwan, 'di ba?" malungkot na tanong niya rito.

Bumakas ang pagtataka sa mukha nito. "Iiwan? Bakit mo naman naitanong 'yan?"

"Wala lang. Naisip ko lang bigla."

"Wala naman siguro akong ginawang mali para isipin mo 'yan? Wala akong natatandaan na nag-away tayo ngayong linggo. Noong isang linggo, oo, dahil late na akong nauwi at hindi ako nag-text at tumawag sa'yo."

"Lipas naman na 'yon saka naiwan mo naman cell phone mo sa bahay."

Ngumiti ito at ginawaran siya ng halik sa pisngi. "Huwag mong isipin na iiwan kita. Malulungkot ka lang." Hinalikan siya nito sa mga labi na buong puso rin niyang tinugon. "Nandito lang ako, Sanna," anas nito sa pagitan ng halik. He cupped her face. Napaungol sila pareho nang lumalim nang husto ang halik nila sa isa't isa.

"Thad," bulong niya nang maglayo nang bahagya ang mga labi nila.

Parehong habol ang hininga na nagtama ang mga mata nila. Alam na alam niya ang mga tingin na 'yon.

Thad wanted her... and she wanted him too. She wanted to feel his skin on hers para makumbinse niya ang sarili na hindi mawawala si Thad sa kanya. She had lost hope for her father to understand and love her in how she want to be loved as a daughter. But Thad gave her another hope to be fully happy and he accepted her love for arts. She couldn't bear the thought of losing him.

"Make love to me," bulong niya rito.

Ngumiti ito at may pagmamahal na hinaplos ang kanyang kabilang pisngi.

"Kahit hindi mo pa hilingin, Sanna. I will make love with you."

Natakpan ang ngiti niya nang marahas siya nitong halikan sa mga labi. She responded to his kisses with the same eagerness and passion. Hanggang sa mahiga sila sa kama na pareho nang walang saplot sa katawan.


D A Y 1 8
2020 PRESENT

"I'M THE MAYOR'S daughter?" manghang tanong ni Sanna sa sarili. Hindi siya makapaniwala.

Naiangat niya ang tingin kina Thad, Amora, at Iesus na parehong nakatingin din sa kanya. They showed different emotions. Si Thad, seryoso. Siguro dahil ito ang unang nakakita kung sino ang totoo niyang ama kaya hindi na ito nagulat. Iesus looked indifferent. Hindi niya mabasa kung ano ba talaga ang tumatakbo sa isipin nito nang mga oras na 'yon. Amora was indeed shocked just like her.

Thad nodded.

"Pero 'di ba, wala naman ang pangalan ko sa nakuhang impormasyon kay Saturnino Rama? Does it mean na anak ako sa labas?"

"It's a possibility, Sanna," sagot ni Iesus.

Napabuga siya ng hangin. Hindi siya makapaniwala. If ganoon nga at anak siya sa labas ng Mayor ng Samboan. 'Yon marahil ang dahilan niya kung bakit itinago ang katotohanan kay Thad at sa mga kaibigan niya. She didn't want her father to be ruined because of her existence.

"Sa tingin ko kailangan na nating umalis," singit ni Amora. Hawak nito ang cell phone at mukhang may binasa ito kanina. "Hindi na raw tayo hihintayin nila kapag na late pa tayo. Nagmamadali din kasi sila."

Hinawakan siya sa kamay ni Thad. "Let's go. We don't want to missed them."

Mabilis na binuksan ni Iesus ang driver's seat at sumakay roon. Pinaandar agad nito ang makina ng van. Umikot si Amora sa harapan ng van at sa tabi ni Iesus naupo. Inalalayan naman siya ni Thad papasok sa van at ito na rin ang nagsarado ng pinto.

"Mor, give me the directions," seryosong utos ni Iesus nang magsimula itong mag-drive.

"Sige lang, Boss. Diretso ka lang."

"Okay."





MUNTIK NA NILANG hindi maabutan ang contact ni Amora. Nang makarating silang apat sa bahay ay paalis na ang matandang babae kasama ang apo nito. Ang apo ni Lola Helene ang nakausap ni Amora sa Messenger - si Darlene. Ang 21 years old na apo ni Lola Helene. Sa tingin niya ay nasa 80 years old na ang matanda.

Mukhang maglilipat bahay na ang mag-lola base na rin sa naka park na transport van sa labas ng bahay. Sakay roon ang mga gamit ng mga ito.

Ang lakas ng kaba ng puso ni Sanna nang akalain niyang wala na silang maabutan kanina. Mabuti na lamang at pinaunlakan sila ng matanda at ni Darlene.

Hawak ng matanda ang lumang larawan na inabot ni Amora rito. Titig na titig ito roon. "Si Evangeline nga ito," sa wakas ay salita nito.

Napatingin sila sa isa't isa ni Thad. Thad gave her an encouraging smile. Kahit papaano ay nabawasan ang kaba niya. She was really anxious.

"Anak siya ng kapatid ng asawa ko. Hindi siya lumaki rito. Pero noong mabuntis siya ay dito siya sa akin tumira." Umangat ang tingin ng matanda sa kanya. "Kamukhang-kamukha mo si Evangeline, apo."

Nabanggit na nga ni Darlene kanina na hindi na raw nakakaalala masyado ang Lola nito. Kaya baka hindi rin maging consistent ang maisagot ng matanda sa kanila. Ibang pangalan din ang pakilala niya para hindi malito ang mga ito. Baka kasi alam ng mga ito kung saan si Sanna.

"Ito po bang batang 'to ay anak ni Evangeline, Lola?" tanong ni Amora.

Mahinang tumango ang matanda. "Oo, si Susanna 'yan."

Nanaas ang mga balahibo niya sa katawan. Pakiramdam niya ay biglang lumamig ang hangin sa paligid. Pati mga kamay at talampakan ay nanlamig nang banggitin ng matanda ang pangalan niya. Siya nga talaga ang batang nasa larawan.

"Lola, na saan na po ang mag-ina?" tanong ni Iesus.

"Matagal nang pumanaw si Tita Evangeline," sagot ni Darlene. Kakabalik lang nito mula sa kusina para magprepera ng snacks para sa kanila. Inilapag nito ang naka tray na tinapay at isang litro ng soft drinks at mga plastic cups. "Ang sabi ng Mama ko ay nagpakamatay daw. Hindi ko na rin kasi masyadong matandaan dahil bata pa ako noong makilala ko si Ate Sanna. Sa s'yudad kasi talaga kami nakatira."

Nagpakamatay ang Mama ko? Pero bakit?

Hindi niya alam ang mararamdaman. Naninikip ang dibdib niya sa isipan na 'yon. Bakit nagpakamatay ang Mama niya?

"Kailan namatay ang Mama niya?" seryosong tanong ni Thad kay Darlene.

"Nine years ago po."

Napakurap siya.

Pakiramdam niya ay mawawalan siya ng lakas. Nine years ago? Anong buwan? Anong taon? Gusto niyang malaman ang buong detalye.

"Anong buwan?" dagdag na tanong ni Iesus.

"Sa tanda ko ay March 2011 'yon. Wala naman daw itong sakit. Normal nga raw siyang nakakausap nila Lola Helene noon. Tumatawa pa. Nakikipagkuwentuhan. Bigla na lang talaga."

"Eh si Sanna? Na saan na siya?" dagdag na tanong ni Amora.

"Walang nakakaalam. Lumayas daw kasi eh. Hindi na raw bumalik pa."

Lumayas ako? Pero bakit ko iniwan ang Mama ko?

"Wala ho bang nakakaalam sa inyo kung sino ang ama ni Sanna?" Thad asked again.

Umiling si Darlene. "Wala po eh. Kung may alam man po si Lola Helene ay hindi naman nito sinabi. Sa tingin ko, kahit ngayon ay mahihirapan tayong paaminin ang Lola ko. Ang sabi lang sa'kin, bigla na lang daw na buntis si Tita Evangeline pero ayaw nito sabihin kung sino ang ama ni Ate Sanna." May inibot itong lumang maliit na album kay Thad dahil mas malapit ito. Kasing laki lang ng isang buong kamay ni Thad. "Iyan na lang po ang nakita ko sa mga gamit ni Lola Helene. Baka makatulong sa inyo."

Pansin niya namang panay ang tingin ni Lola Helene sa paligid. Para itong batang aliw na aliw sa mga nakikita nito pero hindi makita ng ibang tao.

"Malalim magmahal si Evangeline," basag nito. Nakuha ng matanda ang atensyon nilang lima. "At ang pagmamahal na 'yon ang sumira sa buhay nilang mag-ina... kaya hindi ko masisisi si Susanna kung pinili niyang iwan ang ina..."

Malakas ang kutob niya na may malalim pang kwento sa likod ng mga sinabi ng matanda. Kailangan niyang malaman kung ano ang sumira sa kanilang mag-ina.

"Puwede ba naming malaman kung saan inilibing si Evangeline Isidro?" lakas loob na tanong niya.

Tumango si Darlene. "Sige po. Utusan ko po si Kuya Lito na dalhin kayo roon. Alam niya ho kung saan eksakto inilibing si Tita Evangeline."





PINUNTAHAN NILANG APAT ang sementeryo kung saan inilibing ang mama niya. Pagkadating nila roon ay hindi na niya napigilan ang sarili nang makita ang puntod ng Mama niya. Niyakap siya ni Thad dahil sa sobrang paghagulgol niya.

Her mother died March 21, 2011, exactly 9 years ago.

"Thad," iyak niya sa dibdib nito.

"Shsh, it's fine. Iiyak mo lang 'yan," alo nito sa kanya habang iyak pa rin siya nang iyak. "I'm here."

Hindi niya mapigilan ang paglandas ng mga luha niya. Ang sakit-sakit ng dibdib niya. She wondered if she knew about her mother's death. Ano kaya ang naging reaksyon niya? Alam ba niya kung bakit nagpakamatay ang mama niya? Ang daming tanong sa isipan niya na gusto niyang hanapan ng sagot pero wala siyang mapagkanunan ng mga sagot na gusto niya.

She wanted her memories back.

She's desperate already.

Gusto ko nang matapos 'to. Pakiramdam ko ay pinaparusahan ako ng mundo dahil hindi ako naging mabuting anak. Karma ko na ba 'to?

"Mama," iyak pa rin niya. "I'm sorry... I'm really... really sorry..."





IYAK PA RIN siya nang iyak nang maabutan siya ni Art sa silid nila. Sinubukan niyang ngumiti nang lumapit ito sa kanya at sumampa sa kama para yakapin siya. Lalo lang siyang naiyak nang maramdaman ang mainit na yakap ni Art.

"Mommy, why are you crying?" malungkot na tanong ni Art.

"Napuwing lang ako, baby. Na irritate ang eyes ni Mommy kaya teary eyed ako. Don't worry about me. Rest lang need ni Mommy."

"You look so sad po kasi. I don't want to see my Mommy sad."

"I'm not sad. Kasi nandiyan ka. Pati ang Daddy mo." Hinalikan niya ito sa sintido. "Mahal na mahal ko kayong dalawa."

"We love you too, Mommy."

Ramdam pa rin niya ang paninikip ng dibdib. The guilt inside her heart makes it hard for her to breathe. Pero pinatatag niya lang ang sarili para kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam niya. Pero sa tuwing naalala niya sa isip niya ang malungkot na itsura ng puntod ng Mama niya ay pakiramdam niya ay napakasama niyang tao.

Namatay ang mama niya na may sama ng loob sa kanya.

Her lips trembled and she started crying again.

"Mommy..."

"Baby, yakapin mo lang si Mommy, please." Humigpit ang yakap ng anak sa kanya. "Magiging okay lang din ako. Promise ko 'yan."

"Mommy, I love you po."

"I love you too, baby."

Iyak lang siya nang iyak habang yakap siya ni Art. She couldn't imagine Art leaving her. It hurts so much to even think about it. How much more sa part ng mama niya nang iwan niya ito. She couldn't bear the thought of losing Art in her life. Hindi niya kakayanin.






NAHILOT NI THAD ang sintido.

Kanina pa pumipintig ang ulo niya. Ang daming ganap ngayong araw. Halos hindi na niya maisa-isa sa utak niya.

"Malaki ang posibilidad na sumama si Sanna sa Papa niya," basag ni Iesus.

"Sa tingin mo sumama si Sanna?" singit na tanong ni Amora. "Paano kung hindi in good terms si Sanna at sa family niya? Hindi nga siya binanggit na anak ng dating Mayor sa mga impormasyong nakuha ng imbestigador na in-hire n'yo, Boss. Kahit sa family picture ng Rama ay walang Sanna."

"I'm considering that as well," seryosong sagot ni Iesus, halatang nag-iisip pa rin. "After Sanna's graduation you lost contact with her, right?" tanong ni Iesus sa kanya. Tumango si Thad. "And you didn't hear anything from her after that. Kailan 'yong graduation?"

"March 16, 2011," sagot niya na hindi inaangat ang mukha sa dalawa.

"You attended the graduation?"

Natigilan siya.

Alam niya ang isasagot pero takot siyang sabihin ang totoo.

"Thad?" pukaw ni Iesus. "Thad, um-attend ka ba ng graduation ni Sanna?" Napalunok siya.

"Thad?" tawag na rin ni Amora sa kanya.

Bumuga siya ng hangin at napatayo sa kinauupuan niya. "Excuse me," aniya. Hindi siya makahinga bigla. "Babalik din agad ako."

Lumabas siya ng bahay at muling bumuga ng hangin. Napahawak siya sa may bandang kwelyo ng T-shirt niya. Pakiramdam niya ay nasasakal siya.

Humugot siya nang malalim na hininga at marahas na bumuntonghininga.

Damn it, Thad! Sasagot ka lang ng Oo o hindi pero hindi mo magawa. Nahilamos niya ang dalawang kamay sa mukha. Fuck!

Naiangat niya ang mukha sa malaking bintana ng silid nilang tatlo. Walang ilaw pero alam niyang nandoon ang mag-ina niya.

He wanted to curse himself again.

Paano niya haharapin ang mag-ina niya kung siya mismo takot na harapin ang mga pagkakamaling nagawa niya kay Sanna.



NOVEMBER 20, 2010

NAKAUNAN SA DIBDIB ni Thad ang ulo ni Sanna habang yakap niya ito sa isang braso. Nakapikit pa rin ang mga mata niya pero gising na siya. He was tired but he would love to make lot with Sanna again once they both regained their strength. Hindi niya alam kung anong oras na pero sa tingin niya ay madaling araw na. Nagising lang siya nang gumalaw ito sa tabi niya.

Inimulat na niya ang mga mata at bahagyang bumangon para ayusin ang pagkakatakip ng kumot sa katawan ni Sanna. Nagulat siya nang bigla itong magmulat ng mga mata.

"Shit," he cursed.

Sanna chuckled. "Gulat ka ba?"

He looked horrified earlier pero nakabawi na siya at natawa na lamang. "Mamaya ka sa'kin." Hinalikan niya ito sa labi at tinugunan naman nito ang halik niya rito. May ngiti sa mga labi nila nang maglayo sila. "Kanina ka pa ba gising?"

"Nagising lang din ako." Pareho silang umayos ng higa sa kama para mas maging komportable. "Tapos may naisip ako bigla."

"Ano 'yon?"

"Feeling ko naman makaka-graduate ako sa March kaya naisip ko na -"

Natawa siya. "Anong feeling mo? Aray -" Napangiwi siya nang tampalan siya nito sa dibdib. "Hoy, Susanna, gagraduate ka talaga. Hindi feeling lang." Tawa pa rin siya nang tawa.

"Huwag ka nga," parang batang maktol pa nito. "Kainis 'to." Gusto niya tuloy ulit halikan ang nanghahabang nguso nito.

"Oh, sige na, anong iniisip mo kanina?"

Naglapat muna ang mga labi nito saka ngumiti sa kanya. "Um-attend ka, ha?"

Ngumiti siya at pinisil ang ilong nito. "Ako pa magbubukas ng eskwelahan." Tinampal nito ang kamay niya.

"Seryoso ako."

He chuckled. "Seryoso rin naman ako."

"Basta dapat nandoon ka. Nandoon kayo nila Kuya Si at Jude. Pero maiintindihan ko kung hindi makaabot si Kuya Jude kasi 'di ba kailangan na niyang lumipad pa US early next year."

"Hindi pa naman sigurado kung sa March. Baka sa April siguro."

"Pero okay lang kahit hindi. Mas importante ang future ng Queen City. Pero sa'yo, hindi ka puwedeng mawala. Magtatampo talaga ko."

"Bakit ba kasi ako mawawala sa graduation ng girlfriend ko?"

"Eh, malay ko ba?"

"I'll be there." Hinalikan niya ito sa sintido. "I promise."

"Gusto ko na may dala kang bouquet of daisies. Tapos magpa-picture tayong dalawa at nakahalik ka sa pisngi ko."

"Sige gawin natin 'yan."

"Promise mo 'yan, ha?"

Tumango siya. "Promise." Hinalikan niya naman ito sa noo.

Sanna smiled. "Kalimutan mo na ang lahat huwag lang ang araw ng graduation ko."

Thad chuckled. "But does it mean, ipapakilala mo na rin ako sa mga magulang mo?"

"Depende." Napansin niya ang pagbago ng ekpresyon ng mukha ni Sanna. Nawala ang ngiti nito. "Busy sila so baka hindi rin sila makapunta." Mapait itong ngumiti sa pagkakataon na 'yon.

"Pero graduation mo 'yon."

"Okay lang 'yon. Nandiyan ka naman e." Yumakap ito nang husto sa kanya. "Sapat ka na sa'kin."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro