Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 33

D A Y  1 6

ALAS KWATRO PA lamang ng umaga ay umalis na sila ng Faro. Magkasama sina Sanna, Thad at Art. Sa grupo naman ni Iesus ay kasama nito sina Amora at Sep. It was supposed to be Vier pero may importante itong gagawin. Si Sep ang nagmaneho mula Liloan hanggang Ginatilan (Hi-na-ti-lan). The travel took them at least five hours dahil nag-stop-over pa sila sa Carcar para kumain.

Nang madaanan nila kanina ang dati nilang eskwelahan ni Thad ay gusto niya sanang bumaba at bisitahin 'yon sandali kaso baka lalo silang matagalan sa b'yahe. Siguro sa mga susunod na araw na lamang. Napansin din niya kanina na napatingin din si Thad sa direksyon ng eskwelahan nila, but he didn't say a word.

Tahimik masyado si Thad simula noong napag-usapan nila ni Iesus na pupunta sila ng Ginatilan. Parang laging may iniisip. Naging busy rin ito sa trabaho para makapag-leave ng isang linggo. Although sa tingin niya ay hindi naman ito naka full leave dahil dala pa rin nito ang laptop nito at lagi itong may kausap sa cell phone.

It was almost 10 am when they reached Ginatilan.

Iesus said, he was able to rent a house na nasa sentro talaga ang lokasyon para raw accessible sa kanila. Halos sina Iesus at Amora na ang nag-organized ng travel na 'yon. Wala na yata silang naiambag masyado ni Thad. Nakakahiya man pero babawi na lamang siya sa ibang bagay.

"Ito na ba 'yon Sus?" basag na tanong ni Sep, bumagal ang pagmamaneho nito nang makita nila ang isang lumang bahay na may dalawang palapag. May mababang bakod at maliit na rehas na gate na may puting pintura.

Hindi niya maiwasang sumilip sa kabilang parte ng bintana ng van. Nasa gawing kanan niya ang bahay kaya 'di niya masilip nang buo. Nag-iingat din siya at baka magising niya si Art na nakaunan sa mga hita niya – kanina pa ito natutulog. Saka na niya gigisingin.

Maganda naman ang bahay kahit luma na. Halatang inalagaan dahil kahit medyo kumupas na ang pintura ay hindi naman mukhang pinabayaan. Malaki-laki na rin 'yon kung titignan. Parang pampamilyang bahay. Malalaki rin ang mga bintana at may garden sa harapan.

"Ito na 'yon," sagot ni Iesus.

Huminto ang van nila sa mismong harapan ng gate.

"We're here?" boses 'yon ni Thad sa kanyang likuran. Lumipat ito kanina ng upo sa likod at may kung anong tinatapos sa laptop nito kaya hindi sila magkatabi na tatlo.

"Art," gising niya sa anak. Mahina niya itong tinapik sa balikat. "Baby, gising na. We're here." Umungol lang ito at gumalaw pero hindi pa rin iminumulat ang mga mata.

Pag-angat niya uli ng tingin ay may taong lumabas mula sa gate. Isang may edad na babae at nakangiti pa itong naghihintay sa kanila sa labas.

Ginising niya ulit si Art. "Art, baby, gising na..."

Naramdaman niya ang tapik ni Thad sa kanyang balikat. "Hayaan mo na, ako na ang kakarga sa kanya," sabi nito.

"Iwan n'yo lang mga gamit ninyo. Ako na magdadala niyan lahat papasok ng bahay," anunsyo ni Sep.

Nilingon sila ni Iesus mula sa front seat kung saan ito nakaupo. "Let's settled in first, rest, and eat saka tayo mag-usap ulit."

Tumango silang lahat.

"Boss," nagtaas ng kamay si Amora, "since nabanggit mo na rin ang kain. Ako ba magluluto?"

"Ikaw ang maghuhugas ng plato dahil wala akong balak mamatay sa gutom dito." Unang-una na tumawa si Sep bago silang dalawa ni Thad. Kumunot naman ang noo ni Amora. "With your skills in cooking I'd rather hire someone who can."

Lalo lang kumunot ang noo ni Amora. "Edi, wow."

Tinapik ni Iesus si Sep sa balikat. "Alam mo ba noong nakaraan sinabawan niya ng mantika ang corned beef," kwento pa nito. Ang lakas tuloy ng tawa ni Sep. Napabuga ng hangin si Iesus. Ramdam niya ang stress nito.

"Buti hindi nalunod ang mga baka," asar pang lalo ni Sep sabay tingin kay Amora.

"Sir Sep, grabe naman kayo."

Napailing na lamang si Iesus. "Hindi nalunod pero kalunoslunos sinapit ng corned beef. Tsk." Binuksan na nito ang pinto sa side nito. "Buti na lang 'di ka mag-aasawa, Amora."

Napamaang si Amora. "Grabe talaga 'to." Ngiting-ngiti lang silang dalawa ni Thad nang ibaling nito sa kanila ang tingin. "Kasalanan ko ba kung hindi talaga kami magkasundo ng kusina?"

"Hindi, Amora," sagot ni Sep. "Kasalanan ng kusina kung bakit 'di ka natututo. Siya na mag-adjust para sa'yo." Ngumisi pa ito saka natawa ulit.

Natawa sila ni Thad.

Pansin niya talagang bully 'tong sina Sep at Iesus. Si Iesus lowkey ito mam-bully kay Amora. Si Sep ang mapang-asar.

"Sir Sep, sana 'di ka na lang sumama," parang batang nguso pa ni Amora.





INAYOS NA MUNA nila ang gamit tutal magkakasama naman sina Thad at Art sa iisang kuwarto. Sa kanila ang master's bedroom sa second floor. Hindi naman 'yon masyadong malaki. Pero 'yong ibang vacant rooms ay mas maliit pa sa kuwarto nila at baka magsiksikan pa silang tatlo.

Gising na si Art pero nang sumilip kanina si Sep sa silid nila ay sumama ito sa huli. Naririnig pa nila ang tawanan ng dalawa na mukhang naghahabulan pa sa bahay. Ang laki kasi ng mga yabag ni Sep at lagi pang nakahabol si Art dito. Napapangiti siya sa tuwing nadadaan ang dalawa sa labas ng kuwarto nila ni Thad. Hindi na niya isinarado since kanina para mabantayan din niya.

Natapos na niyang maisalansan ang mga damit nila sa closet. Tinulungan din naman siya ni Thad na ilabas sa maleta ang mga gamit nila bago ito pumwesto sa kama at balikan ang ginagawa nito sa laptop nito. Seryosong-seryoso ang mukha at halos hindi na maalis sa laptop na nakapatong sa mga hita nito.

"Puwede ba kitang maistorbo?" basag niya mayamaya.

Nag-angat ito ng ulo para tignan siya saglit bago nito ibinalik ang tingin sa screen ng laptop nito. "Sige. Ano 'yon?"

Lumapit siya rito at naupo sa gilid ng kama. "Ano nga pala ang napag-usapan n'yo ni Iesus? Saan tayo magsisimula?"

"We'll visit the church first," sagot ni Thad nang 'di inaangat ang tingin sa kanya. "May kakilala roon si Amora na maaring makatulong sa atin na mahanap ang Mama mo. Then, we'll see."

"Thad..."

"Hmm?"

Naglapat ang mga labi niya. Hindi niya alam kung siya lang ba. Pero parang ang distant bigla ni Thad sa kanya. Iniisip niya na baka busy lang talaga ito. Mahina na lamang siyang bumuga ng hangin at mapait na ngumiti.

"Wala," aniya, tumayo na siya.

Nag-angat naman ng ulo si Thad para tignan siya. "You sure?"

Tumango siya. "Bababa lang ako. Baka may maitulong ako sa kusina."

Tipid itong ngumiti. "Sige. Tapusin ko lang 'to."

Sa halip na sa kusina ay lumabas siya ng bahay at tumayo lang sa may hardin. Bumuga siya ng hangin at tumigin sa kanyang harapan. Hindi naman siya nakatitig sa mga bulaklak at halaman na naroon. Nakatayo lang siya at nakatulala. Ang daming tumatakbong negatibong idea sa isip niya. She doesn't want to entertain them dahil alam niyang maapektuhan siya nang sobra.

This search makes her feel anxious, sa totoo lang. Parang may parte sa kanya na ayaw harapin ang mga nakatagong sekreto na itinago niya noon kina Thad. Pakiramdam niya kasi ay hindi niya 'yon magugustuhan.

There is a growing fear in her heart that makes her uncomfortable. Even the place doesn't entice her. Maganda ang lugar. Probinsiya at malayo sa polusyon. Buhay na buhay ang mga punong kahoy at kumikislap ang asul na dagat sa tuwing natatamaan ng sikat ng araw. Despite its beauty, she felt out of place.

"Hey," pukaw ng isang boses.

Napakurap siya at naibaling ang mukha sa kanyang kaliwa. Nakangiting mukha ni Iesus ang bumungad sa kanya. "Sus."

"Mukhang malalim ang iniisip mo ah."

Tipid siyang ngumiti. "Hindi naman," sagot niya. "Siguro mas tamang sabihing, natatakot ako sa kung ano mang madiskubre natin tungkol sa'kin dito."

"I can sense that too with Thad."

Namilog ang mga mata niya rito. "Kay Thad?"

Iesus nodded. "Simon told me that he had an important meeting later with a big client, but he couldn't... you know... reschedule this trip. Buti na lang ay malakas ang Wi-Fi connection dito kahit papaano, so video call can do."

"Wala siyang nababanggit sa'kin –"

Kaya pala hindi niya ito makausap nang maayos. 

"He intends not to tell you. I'm just nosy." Iesus smiled. "Sorry about that. It's not my intention to make you feel guilty. I was hoping it would lessen your worries."

Mapait siyang napangiti. "I feel guilty."

"Don't be. He's just doing his job, Sanna. Dream Architect is his legacy. He couldn't just turn his back on his company when his team needed him the most. But you are also important to him."

"I feel guilty kasi iniisip ko na lumalayo siya sa'kin," pag-amin niya.

"Kung may isang bagay man na magaling tayo ay 'yon ang pag-iisip ng mga negatibong bagay. Nakakatawa lang na pagkatapos nating mag-isip. Hindi pala ganoon ang mangyayari." He chuckled. "Nagsayang lang tayo ng oras."

Bahagya siyang natawa. "Pero hindi naman 'yon maiiwasan."

"For the longest time, overthinking becomes a habit that is not easy to get rid of. We only learn to live with it and survive from it."

Halos sabay nilang naibaling ang tingin sa harapan. Biglang may pumasok na memorya sa isipan niya. Paulit-ulit nga lang. Hindi nag-mo-move forward ang eksena. May nakikita siyang keychain na nahulog sa sahig at isang pares ng sapatos na naglalakad papunta sa liwanag.

Naikiling niya ang ulo sa kaliwa niya, her eyebrows creased as she tried to make those memories play in her mind. Kaso hanggang doon lang sa may nakita siyang kamay na pinulot ang keychain. Hindi lang isang figure ang nakapalawit sa keychain na 'yon. Parang apat – isang parang gusali, isang bilog na parang steering wheel, hugis barko, at isang maliit na bilog na parang may nakaukit na pangalan na may unang litra na I.

Biglang pumasok sa isipan niya ang isang pares ng asul na mga mata na kaparehong-kapareho sa mga mata ni Iesus. Naibaling niya tuloy ang mukha rito. Naramdaman siguro nito ang tingin niya dahil bumalik ang tingin ni Iesus sa kanya.

Bumakas ang pagtataka sa mukha ni Iesus. "Bakit?"

"Sus," seryosong tawag niya rito, "sigurado ka bang hindi pa tayo nagkikita noon?"




IBINAGSAK NA LANG bigla ni Thad ang sarili sa kama pagkatapos nitong magbihis. Nakaligo na rin ito pero basa pa rin ang buhok. Nakapatong ang maliit na puting tuwalya sa mukha nito. Bigla tuloy siyang nag-alala.

"Thad?"

Akmang lalapit siya rito nang itaas nito ang isang kamay. "I'm fine. Pagod na pagod lang ako ngayong araw, but I'm fine." Bumuga ito ng hangin mula sa ilalim ng tuwalya saka bumangon at inalis ang tuwalya sa mukha. "Gusto ko nang matulog." Nakaupo na lamang ito sa gilid ng kama pero nakapikit na ang mga mata.

Bahagya siyang natawa. Lumapit siya at naupo sa tabi nito. "Ginusto mo 'yan."

Ngumiti ito at nagmulat ng mga mata. "Kailangan para ma-i-focus ko na ang atensyon sa'yo. The rest, puwede na 'yong i-handle ng mga tao ko." He yawned.

Thad looked so exhausted. Gusto niyang hawakan ang mukha nito at subukang alisin ang pagod sa mukha nito. Pinigilan niya lang ang sarili kasi alam niyang hindi rin niya kayang alisin 'yon.

"Stop overworking yourself because of me," aniya.

"I'm fine." He smiled. "Don't worry about me." Umangat ang isang kamay nito sa kanyang ulo at marahan 'yong tinapik. "Pahinga lang kailangan ko and I'm good." Itinakip nito ang likod ng kamay sa bibig nang humikab na naman nito. "Where's Art?"

"Nasa sala, nanood ng cartoons kasama nila Sep at Iesus."

Tumango-tango ito saka isinandal ang ulo sa isang balikat niya. "Anong oras na ba?" tanong nito. Hinagod niya ang buhok nito.

"Mag-a-alas-otso pa naman."

Hindi na ito sumagot pa. Bigla silang binalot ng katahimikan. Maliban sa ingay ng mga insektong naririnig nila mula sa labas ng bintana ay ang ingay na lamang mula sa ibaba ang naririnig nila. Tunog ng TV at tawanan nila Art, Sep, at Iesus.

"Thad siguro dapat –"

"Okay lang naman siguro kung magpapayakap ako sa'yo?"Natigilan siya sa tanong nito. "Yakap lang naman. Wala naman akong gagawin."

"Thad?"

"Hindi ko alam pero pagod na pagod ako ngayon, Sanna. Sanay naman ako sa ganito. Pero ngayon ko lang naramdaman na parang bibigay na ako." She slowly wrapped her arms around him. "Thank you."

Nakangiting tinapik-tapik niya ang likod nito. "Alam ko na may hinahabol tayong oras pero ayoko na pinahihirapan mo ang sarili dahil sa'kin."

"Natatakot ako..."

"Natatakot saan?"

"Natatakot ako na baka kapag ginawa ko 'yon mawala ka na nang tuluyan sa'kin."

Ramdam na ramdam niya ang lungkot sa boses nito. Tumagos ang mga salitang 'yon sa kanyang puso. Dahil ganoon din ang nararamdaman niya. She's afraid to go back in her time and face the painful reality of her future.

"I will probably go," napalunok siya pagkatapos sabihin ang mga salitang 'yon. It felt like a big lump stuck in her throat na kapag nagsalita pa siya ay lalo lamang lumalalim ang sakit. "I will have to go back, Thad." Sa pagkakataon na 'yon ay yumakap na ang mga braso nito sa kanya. "But I will not go unless you find me." Humigpit ang yakap nito sa kanya.

"I can't go on with my life if you'll leave me again, Sanna."

Bigla na lamang nalaglag ang mga luha niya sa mga mata. Sobra-sobra ang paninikip ng dibdib niya nang mga oras na 'yon. Sinubukan pa rin niyang ngumiti sakabila ng mga luha niya. Pinunasan niya ang mga luha sa mukha.

"Puwede bang... dito ka na lang? Dito na lang kayo ni Art sa tabi ko? Puwede bang huwag n'yo na akong iwan?"

Her lips trembled at lalo lamang siyang naiyak.

Then you'll have to find us, Thad. Please, find us. I also badly want to be with you. Kaya, Thad, please, hanapin mo kami.


D A Y  1 7

MAAGA SILANG PUMUNTA ng San Gregory Magno Parish. Kasama nila Sanna at Thad sina Amora at Iesus. Sep volunteered to babysit Art. Hindi na yata siya bumitaw sa kamay ni Thad simula nang umalis sila ng bahay hanggang sa makarating sila sa simbahan. Kabadong-kabado siya sa kung ano mang makukuha nilang impormasyon ngayong araw.

"Father Paul," kausap ni Amora sa matandang pari. Sa tingin niya ay nasa 60 years old na si Fr. Paul. "Matagal na kayo rito sa Parokya, 'di ba?"

Ngumiti ang pari sa kanila at tumango. "Mga limang taon na rin akong kura paroko rito. Dito na rin ako magreretiro. Kamusta naman ba si Sister Ruffina? Hindi kayo nadalaw ngayong taon ah."

Tumawa si Amora. "Nako, Father. Naging busy lang po. Saka, lumabas ho muna ako sa kumbento kasi may inaasikaso ako ngayon."

Natawa ang matandang pari. "Akala ko nga ay natuloy ka na. Nagtaka ako kung bakit nasa labas ka ngayon."

"Naudlot nga po eh. Baka ho next year na lang ulit. May tinatrabaho lang na importante. Ah, nga pala, Father. 'Yong pakay ko ho sa inyo. Father, ang daldal n'yo talaga."

Lalong natawa ang matandang pari kay Amora. "Ikaw ang madaldal, Amora."

"Ah, basta 'yon na 'yon."

"Sige, ano na nga itatanong n'yo sa akin?" Isa-isa silang tinignan ni Fr. Paul. "Nabanggit sa'kin ni Sister Mary Ann kanina na may hinahanap kayo."

"Opo, Father," sagot ni Thad. "May hinahanap ho kasi kaming Evangeline Isidro." Inabot ni Thad ang larawan na nakuha nila sa lumang bahay. "Nagbabakasali ho kami na pamilyar kayo sa kanya."

Naninigkit ang mga mata na tinignan ni Fr. Paul ang larawan. "Hmmm... Evangeline Isidro? May mga kilala akong Isidro rito sa Ginatilan pero hindi ako pamilyar sa babaeng ito. Taga rito ba talaga siya?" Nag-angat ng tingin sa kanila ang pari.

"Hindi ho kami sigurado Father eh," sagot ni Amora. "Ang simbahan lang po talaga ang clue namin."

Tumango-tango ito. "Ah, ganoon ba. Kaano-ano n'yo ba ang babaeng 'to?"

"Mama ko ho," sagot niya. Natuon ang atensyon ng pari sa kanya. "Matagal ko na ho kasi siyang hinahanap, Father. Pero 'yan lang po ang mayroon ako."

"Ano nga ang pangalan mo, hija?"

"Sanna po. Susanna Evangeline Isidro Rama."

"Hindi ba naikasal ang mga magulang mo? Rama? Maraming Rama sa Samboan. Ang dating Mayor nila roon, Rama din 'yon. Nasubukan n'yo na roon?"

"Hindi ho yata sila nakasal, Father," sagot niya. 

"Galing na rin ho kami roon, Father," dagdag ni Thad. "Wala rin kaming nakuhang impormasyon."

"Hmm. Ganoon ba?" Nag-isip ito ng ilang segundo bago ulit nagsalita. "Puwede nating tignan sa mga lumang dokumento rito sa simbahan kung dito ka bininyagan. Medyo matatagalan nga lang tayo sa paghahanap nang kaunti. Kailan ka ba ipinanganak?"

"November 19, 1991," sagot ni Thad para sa kanya.

"1991," ulit ni Fr. Paul. "Medyo matagal-tagal na nga, 'no? Pero sige subukan natin. Ipapakausap ko kayo kay Sandra. Nasa opisina siya ngayon. Halikayo." Nauna nang maglakad sa kanila si Fr. Paul.

Nagkatinginan silang apat. Parehong may determinadong tingin sa isa't isa. Wala namang mawawala kung susubukan nila.

"Let's go," aya na ni Iesus sa kanila.





"SUSANNA EVANGELINE ISIDRO Rama," ulit ni Sandra habang isinusulat ang pangalan niya. "Evangeline Isidro ang mother?"

"Opo," sagot niya.

"Kilala mo ang Papa mo?"

Umiling siya. "Hindi po. Pero 'yong Rama ay sa Papa ko po."

"Ah, okay. Subukan kong tignan sa old files namin. Isa-isa na kasi namin 'yong ini-encode ngayon. Hanapin ko sa 1991 to 1995 na files. Baka kasi late ka ring bininyagan. Pero hindi ko agad 'to maibibigay kasi may tinatapos pa ako. Isisingit ko lang. Okay lang ba 'yon?"

"It's fine," sagot ni Thad. "Pero mga ilang araw kaya aabutin?"

"Hmm. Isang linggo pero kung mahanap ko agad ay baka agad-agad ko rin maibibigay."

"That would suffice for now, Thad," salita ni Iesus. "Habang naghihintay tayo ay magtatanong-tanong pa rin tayo."

"Nagkausap kami ni Fr. Paul," singit ni Amora. "Binigyan niya ako ng contact number ng mga kilala niyang Isidro rito sa Ginatilan. Puwede raw nating tawagan at puntahan."

Tinignan siya ni Thad. Tumango siya. "Sige," sagot nito. Ibinalik nito ang tingin kina Amora at Iesus. "Let's do that."

"Sir," tawag ni Sandra kay Thad. "Pakilagay na lang ho ng contact number ninyo para matawagan ko kayo kapag nakita ko na ang files." Inabot nito ang papel at ballpen kay Thad.

"Sige po."





"BOSS!"

Bumalik si Amora sa puwesto nila. Naabutan na sila ng gutom dahil nagtanong-tanong din sila sa mga tao sa labas ng simbahan. Lalo na 'yong mga matatandang nagtitinda sa labas. Kaso, walang nakakakilala sa Mama niya talaga. Hinihintay na lamang nilang maluto ang fish ball at kikiam ng nagtitindang Manong. Katabi ni Manong ang nagtitinda ng sorbetes.

Natatakam din siya roon.

Gusto niyang dalhin dito si Art para matikman ang sorbetes. Aayain na lang niya si Thad na magsimba sila roon kasama ni Art.

"Natawagan ko na 'yong tatlong Isidro. Magkakapitbahay lang naman pala sila. Isang buong compound. Puwede raw natin bisitahin mamayang hapon," balita ni Amora sa kanila habang hawak pa rin ang cell phone nito.

"May sinabing oras?" tanong ni Iesus.

"Mga bandang alas dos daw."

Tinignan ni Iesus ang oras sa wrist watch nito. "Alas onse pa lang." Nag-angat uli ito ng tingin para kunin ang inabot na plastic cup na may stick mula sa nagtitinda. "Saan naman tayo maghihintay?" Inabot nito sa kanya ang plastic cup. Diretso namang inabot ng Manong kay Thad ang kanya.

"Tatawag ulit ako sa isa pang Isidro. Kaso medyo malayo-layo 'to eh. Sa may dulo na raw."

"Ihuli na natin ang malalayo."

Nagsimula na ring kumain si Iesus. Enjoy na enjoy ito sa pagnguya at pagtusok-tusok sa kikiam sa plastic cup nito.

"Boss Sus, wala bang akin diyan?"

Takam na takam ang mukha ni Amora sa niluluto ng Manong na nagtitinda.

"Manong, bigyan n'yo siya ng isang cut," sabi ni Iesus sa nagtitinda. "'Yong buntot ibigay n'yo Manong. 'Yong pinakamaliit."

Natawa ang nagtitinda kay Iesus while the latter was suppressing his smile. Hindi niya mapigilan ang matawa. Si Thad naman ay umalis sa tabi niya para puntahan ang nagtitinda ng sorbetes.

"Nako, Kuya, huwag na po." Naglabas ng pitaka si Amora. Ang cute pa ng pitaka nito. Palaka na coin purse. "Magkano ho ba? Bilhin ko na po pati kawa."

Tawang-tawa siya pati na rin ang nagtitinda. Nakataas lang ang isang kilay ni Iesus habang nakangiti. Pansin niya talagang mahilig itong asarin si Amora.

"Isama n'yo na rin ho 'tong mga sauce n'yo, itong mantika, itong tulak-tulak mo po, pati kayo Kuya bibilhin ko na rin."

"Amora!" saway niya rito, tawa nang tawa.

Pati si Thad ay nakatawa na rin habang hinihintay ang binibili nitong sorbetes. "Yaman ah!" komento pa ni Thad.

Ngumiti si Amora. "Joke lang po, Kuya. 'Yong kikiam at fishball lang po bibilhin ko. Dili ta maguol." Pigil na pigil niya ang tawa sa sobrang bait ng pagkausap ni Amora kay Manong.

Akala talaga niya noong una ay tahimik si Amora. Pero ang daldal pala talaga nito. Mas madaldal pa yata kay Aurea. Wala kasi sa itsura nito. Amora looks too prim and proper. Lagi pang conservative ang suot nito at naka-bun ang buhok. Ngayon lang na nakatirintas ang mahabang buhok nito sa dalawa. Mas bumata ito sa ayos na 'yon.

Simpleng white T-shirt na may Italic statement na: Have Faith & You Will Endure ang suot nito ngayon. Usual na talaga ni Amora ang mahabang palda na hanggang sa itaas ng angkle nito ang haba at laging naka tucked in ang T-shirt sa palda. Matagal na din niyang napapansin na dalawang pares lang ang strapped sandals na mayroon ito. Isang itim at dark brown. Ang black ang suot nito ngayon.

Bumalik si Thad na may dalawang hawak na sorbetes na may iba't ibang flavor na ice cream. Inabot nito sa kanya ang isang cone saka pasimple siyang inakbayan. Ngiting-ngiti pa rin ito habang natatawa kina Amora at Iesus. Ang mukha kasi ni Iesus halos hindi na maipinta pero halatang nagpipigil ng tawa.

"Girlprend mo ba 'to, sir?" tumatawang tanong ni Manong kay Iesus.

"Hindi ho." Iesus chuckled. "Pagmamay-ari na ho 'yan ng Dios. 'Di ba, Mor?"

"Kuya, magma-madre po ako. Wala akong time sa mga lalaki. Saka boss ko ho 'yan. May fiancée na nga 'yan eh. Pero mukhang tinatago pa sa baul ni Lola Basyang." Tawang-tawa sila kay Amora maliban kay Iesus. "Paglabas no'n, kasing luma na rin ho 'yon ng aking Boss Yesus." Ngumisi pa si Amora pagkatapos sabay peace sign.

"Ewan ko sa'yo." Napailing na lang si Iesus.

Basta siya tuwang-tuwa sa dalawa.

Kahit papaano nabawasan nang bahagya ang mga inaalala niya. 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro