Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 32

"SO, HANGGANG KAILAN n'yo ako gagawing tanga?"

"Kuya Si –"

Bumuga ng hangin si Simon at biglang lumamlam ang ekpresyon ng mukha nito. "Kung hindi ko pa kayo nahuli ay hindi pa kayo aamin sa'kin." Napakamot ito sa noo. "Hindi ako tanga. Matagal ko nang napapansin ang mga galaw ninyo."

Nagpalitan sila ng tingin ni Thad.

"Alam mo na?" hindi makapaniwalang tanong ni Thad kay Simon.

Naglapat ang mga labi ni Simon at tipid na ngumiti saka tumango. "Matagal na. Kaya lang hirap n'yo hulihin sa akto."

"H-Hindi ka galit?" tanong niya, ramdam niya ang bahagyang relief sa kanyang puso.

"Galit? Tampo siguro." Lumapit ito sa kanila ni Thad. "Anong tingin n'yo sa'kin kontrabida? Aba'y kung nagmamahalan naman kayo ay bakit ako kokontra?" Pero pinaningkitan nito ng mga mata si Thad. "At ikaw, Thaddeus Bernardo Apostol, mag-uusap pa tayo mamaya."

Pareho silang dalawa ni Thad na sobrang na relieved. Nagawa na rin niyang ngumiti at ganoon din si Thad nang pareho nilang ibaling ang tingin sa isa't isa. Inabot niya ang kamay ni Thad at marahan 'yong pinisil. Hinawakan din nito ang kamay niya.

"So, kayo na nga?" tanong ulit ni Simon sa kanila.

"Oo, Kuya Si," nakangiti niyang sagot. "Kami na ni Thad."

Umasim ang mukha ni Simon. "Ako na lang pala natitirang single rito. 'Langya 'yan."

Natawa silang dalawa ni Thad.

"Hindi ka naman yata naghahanap," singit ni Thad.

"Pera hinahanap ko ngayon at lisensiya," ngising sagot ni Simon. Bumaba naman ang tingin nito sa magkahawak na kamay nila ni Thad. Naging striktong kuya ulit ang ekspresyon ng mukha nito. "Talagang mag-ho-holding-hands kayo sa harapan ko?"

Siya ang humiwalay kay Thad pero hindi siya hinayaang makalayo dahil ang blouse niya naman ang hinawakan nito na parang bata.

Naningkit lalo ang mga mata ni Simon sa kanila.

"Ayaw n'yo talaga maghiwalay, ha?"

Nakangising umiling si Thad. "Ayaw."

Natawa lang siya.





"HERE." INABOT NI Thad kay Simon ang isang pale pilsen beer. "Libre ko na." Tumawa ito sa kanya at tinanggap ang bote. "I'm really relieved," aniya pagkaupo niya sa sofa katabi ni Simon.

"Huwag ka munang magsaya nang sobra Apostol," sagot ni Simon pagkatapos bawasan ang laman ang bote na hawak. "Hindi porke't matagal na tayong magkaibigan ay hahayaan na lang kita sa kung anong gusto mo riyan. Pinapaalalahanan kitang, ako ang tumatayong kuya ni Sanna kaya nasa watchlist kita."

Natawa si Thad. "Alam ko. Pero huwag kang mag-alala. Seryoso ako kay Sanna." Napangiti siya. Bigla na lamang pumasok sa isipin niya ang mukha ni Sanna. Ang laking relief sa kanya na hindi na nila itinatago sa mga kaibigan nila ang relasyon nilang dalawa. "Mahal na mahal ko 'yon."

Simon raised an eyebrow. "Talaga lang, ha?" anito sabay inom. "Parang narinig ko na rin 'yan noon."

"Matagal na kaming wala ni Mel at hindi ko na rin siya naiisip. Na kay Sanna na ang atensyon ko ngayon. Siya na lang ang iniisip ko." Napangiti siya habang nakatingin sa bote na hawak. "I know you think that I'm not worthy of her, but I'm doing my best to deserve her."

"Aminado ako na iniisip ko rin 'yan minsan pero kaibigan mo ako at kilala kita. Kaya pagkakatiwalaan kita sa puso ni Sanna. Pero binabalaan kita, Thad. Kapag sinaktan mo si Sanna ay baka hindi mo magustuhan ang gagawin ko sa'yo."

Sinalubong ni Thad ang tingin ni Simon bago natawa. "Alam ko. Gago! Takot ko lang sa'yo."

Simon smirked. "Mabuti na 'yong malinaw sa ating dalawa." Napailing na lamang si Thad. "Ah, nga pala. Matagal ko nang gustong itanong talaga 'to pero hindi ko lang ma-i-brought-up kay Sanna." Kumunot ang noo nito pagkatapos.

"Ang ano?"

"Nagkukwento ba siya tungkol sa pamilya niya?"

"Hindi masyado," kaswal niyang sagot. "Although, she once told me about her father and his expectations for Sanna. Alam mo naman na 'yon, 'di ba?" Tumango si Simon.

Alam nilang tatlo ni Simon at Jude ang suicide attempt ni Sanna noon sa eskwelahan. Naikwento niya na sa mga ito matagal na, but they don't always talk about it in front of Sanna. They just pretend it didn't happen at baka hindi rin maging komportable si Sanna.

"Hindi ka curious kung bakit hindi niya binabanggit?"

Kumunot ang noo ni Thad. "Curious din naman." Binawasan niya muna ang beer bago ulit nagsalita. "Pero mukha kasing hindi siya komportableng pag-usapan kaya hindi ko na lang itinatanong."

Tumango-tango si Simon. "Sabagay."

"Kaya nga siguro tayo nagkasundong apat dahil pareho tayong may dysfunctional family." He chuckled. "Normal lang din naman sa atin na huwag pag-usapan ang pamilya natin. Of course, maliban kay Lola Simona."

"Nakakalungkot lang pag-usapan," dagdag ni Simon.

"Tama."





"THAD, MAY NAKITA ako."

Nakangiting salubong ni Sanna kay Thad nang pumasok ito sa art room niya. Alam niyang magulo na naman ang ayos niya at madami na namang smudge paints sa mga braso at mukha niya but she didn't care about those.

Thad chuckled. "Ano?" tanong nito nang makalapit.

"Look." Ipinakita niya rito ang lumang sketchbook niya noong first year high school siya. Binuklat na niya agad sa pahina kung saan nakaguhit ang portrait photo ng isang lalaki na kamukhang-kamukha ni Thad. Ngayon lang niya na realized ang similarities nang titigan niya ang sketch na 'yon. "Kamukha mo oh."

Bumukas ang pagkamangha sa mukha ni Thad. "Medyo hawig ko nga. Sino ba 'yan?"

"Hindi ko alam. Random sketch ko lang 'to noong first year ako. Hindi pa kita nakikita sa time na 'yan kasi sa ibang school pa ako nag-aaral noon kaya imposible na ikaw 'to. Naglilinis ako kanina nang makita ko nga 'to sa mga gamit ko."

Kinuha ni Thad mula sa kanya ang sketchbook. "This is weird." Napapangiti ito sa pagkamangha. "Pero mas matanda 'to sa'kin. Siguro nasa early thirties."

"Iba rin ang damit niya. Tignan mo. Para siyang inner top ng mga lalaki sa mga regency movies." White long sleeved lang ang suot ng lalaki at nakakalas ang tali sa may dibdib nito. Nakangiti ito at para bang nakatitig sa kanya. "Hindi ko maalala kung bakit ginuhit ko 'yan."

Ibinaling ni Thad ang tingin sa kanya. "Hindi mo maalala?"

Tumango siya. "Oo." Naikiling niya ang ulo sa kaliwa niya pero ramdam niya na nakatingin pa rin sa kanya si Thad. "Siguro napaginipan ko lang kaya ko in-drawing. Minsan ganyan ako eh. Kapag may nakikita akong mukha sa panaginip ko. Pero 'yang drawing na 'yan ang pinakanahiwagaan ako kasi kamukha mo pala."

"Alam mo tawag diyan?"

Ibinaling niya ang tingin kay Thad. May pilyong ngiti sa mukha nito. "Ano?" tanong niya.

"Ang lalaking 'to ang mapapangasawa mo sa hinaharap."

Idinikit ni Thad ang sketch sa mukha nito at ginaya ang ngiti ng lalaki sa drawing. Namilog nang husto ang mga mata niya. The uncanny resemblance is almost on point. Maliban lang talaga sa age difference ng mukha ng dalawa. Thad on the other hand looks like the younger version of her drawing.

"Seryoso, Thad, kamukha mo talaga."

Natawa si Thad. "Kamukha ko nga." Ibinaba na nito ang sketchpad at ibinalik sa kanya. "Itago mo na lang muna. After ten years balikan natin ang drawing na 'to kung kapareho ko pa rin ng mukha."

Thad wrapped one arm around her waist and gently pulled her closer. Titig na titig pa rin siya sa drawing niya nang halikan siya nito sa noo.

"Let's go out," bulong nito sa tainga niya.

"Saan tayo pupunta?"

"Take you in a proper date this time." Sinalubong niya ang nakangiting mukha ni Thad. "Sumahod ako ngayon. Libre kita."

Hindi niya mapigilan ang mapangiti. "May nakita akong cute na paso sa isang mall noong isang araw –"

"Ang dami mo nang paso, Susanna."

Natawa siya. "Pero Thad," parang batang yumakap siya sa baywang nito habang nakatingala kay Thad, "sige na... 'yong tatlo lang naman eh. Bili mo ko, please." Pinatamis niya ang ngiti. "Sige na, ha? I love you."

Pinaningkitan siya nito ng mga mata. "May binili ka na namang mga halaman na wala na namang mga paso, 'no?"

Pigil niya ang matawa ulit. "Matagal na kaya 'yon. Ouch!" Napahawak siya sa kanyang ilong nang pisilin 'yon ni Thad. "Totoo kasi..."

"Mukha mo, Susanna. Kung hindi mga gamit sa pagpipinta at pagluluto ay inuubos mo ang pera mo sa pagbili ng mga paso."

"Cute kaya nila. Hoy!" Dinuro niya ito. "Na saan na 'yong paso na may white daisy na drawing? Bakit hindi ko na nakikita sa labas ng bahay n'yo."

Ibinigay niya 'yon kay Thad matagal na. Hindi pa sila noon. Lalagyanan talaga 'yon ng susi. Artificial moss lang ang nilagay niya on top at natatanggal lang din para doon ilagay ang mga spare keys. Ibinigay niya 'yon in consideration kina Jude at Simon na laging naghihintay sa labas ng bahay dahil dala ni Thad ang susi.

Ngumiti si Thad. "In-display ko sa kuwarto ko. Masisira lang 'yon sa labas." Kumalas na ito sa yakap niya at pinihit siya paharap sa bukas na pintuan. "Kilos na Susanna." Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat at itinulak na palabas. "Maligo ka na."

"Oy, teka lang naman –"

"Maliligo ka o ako ang magpapaligo sa'yo?"

Namilog ang mga mata niya at mabilis pa kay Flash na hinarap si Thad at hinawakan ito sa mga balikat. "Ako na. Sa sala ka na lang maghintay."

Ibinaba nito ang tingin sa kanya, naglalaro ang pilyong ngiti. "Nahihiya ka pa rin ba?"

Naglapat ang mga labi niya. Ramdam niya ang pag-iinit ng pisngi. "Ewan ko sa'yo!" Parang batang tinalikuran niya si Thad at nagmartsa sa direksyon ng silid niya.

"Pakibilisan po Susanna Evangeline Rama!" pahabol pang sigaw ni Thad.

"Maghintay ka ng siglo Thaddeus Bernardo Apostol!"

"I love you!"

"I love you, too!" inis na reply niya, pero kunwaring inis lang. Natawa lang siya pagkatapos.


DAY 14
2020 PRESENT

SANNA TOOL ONLY those important things na puwedeng makatulong sa kanila ni Thad. Hindi na nila in-check isa-isa at pasimple 'yong ipinasok ni Thad sa sasakyan habang dini-distract niya si Ms. Agnes sa pakikipag-usap habang naghahanda ito ng snacks para sa kanila sa kusina ng bahay nito.

Halos hindi na niya makilala ang itsura ng buong bahay. Kahit nang pumasok si Thad ay panay ang gala ng tingin nito sa paligid. But he no longer said a word. He just joined her and sat comfortably beside her on the sofa.

Nakaupo naman si Mrs. Agnes sa single couch sa kaliwa niya. Nakalapag ang plato ng biscuits at cup cake sa center table kasama ng glass pitcher ng orange juice na nakapatong sa isang placemat.

"Wala ho bang nabanggit sa inyo ang may-ari ng bahay tungkol sa dating umukopa?" pag-iiba niya.

"Wala masyado. Ang sabi lang sa'kin ay estudyante raw. Pero 'yong ama ang nagbabayad ng renta."

"Wala hong binanggit na pangalan?" dagdag niyang tanong.

"Hindi rin binanggit. Parang ayaw ngang banggitin. Napaisip nga ako roon eh. Kaso hindi ko na lang pinagtuonan ng pansin dahil wala naman din silang pinagbabawal sa'kin. Wala na nga silang pakialam kahit anong gawin ng bibili sa bahay at lupa. Importante lang ay maibenta. And so far, sa limang taon namin dito. Kahit na madilim 'yang bahay na 'yan wala namang kwento na may multo." Tumawa ang ginang.

Sinabayan nilang dalawa ni Thad ng ngiti ang tawa ni Mrs. Agnes.

"Pero nandito pa rin ba ang apo ng may-ari?" tanong niya.

Mukhang hinahayaan lang siya ni Thad na magtanong nang magtanong.

"Sa pagkakaalam ko ay oo. Pero mukhang pabalik na rin si Faye sa Chichago next week. Gusto n'yong makausap?"

"Puwede po ba?"

"Susubukan kong tawagan mamaya. Pero hindi ko muna puwedeng ibigay ang number niya dahil mahigpit niyang bilin na tawagan ko muna siya kapag may gustong kumausap sa kanya. Napaka-busy rin kasi no'n. But I will try. Tawagan ko kayo bukas kapag sinagot mamaya."

Ngumiti siya. "Salamat po."




"SANNA."

"Oh." Nagulat si Sanna nang maramdaman ang mga kamay ni Thad sa kanyang mga balikat. Bumakas ang pag-aalala sa mukha nito nang salubungin niya ang mga mata nito. "Thad?" She didn't realize na napahinto na pala siya sa paglalakad. Nasa gitna na sila ng front yard ng bahay.

"You're spacing out. Are you okay?"

Tipid siyang ngumiti. "I'm okay."

"Don't think about it too much for now. I'm sure Agnes will help us. Makakausap din natin ang apo ng may-ari."

"Hopefully."

"Mommy!" Agad na naagaw ang atensyon niya sa sigaw ni Art. Napangiti siya nang makita ang anak nila sa labas ng pinto. Nakatayo sa likod nito si Iesus."Mommy, Daddy, you're home!" Tumakbo ito at lumapit sa kanila.

"Sus?" may pagtatakang tawag ni Thad sa kaibigan.

Kahit siya ay nagtataka kung bakit si Iesus ang kasama ni Art at hindi si Simon. Yumakap sa baywang niya si Art at nakangiti pa ring hinaplos niya ang buhok ng anak nang tignan niya ito. Napansin din niyang madumi ang mga kamay nito. May mga pintura.

Lumapit sa kanila si Iesus. "May emergency si Simon sa iBuild," sagot ni Iesus kahit wala pang itinatanong si Thad. "Nagkataon na nag-uusap kami kanina at wala naman akong ginagawa ngayong araw kaya sinamahan ko na si Art."

Napansin din niyang may mga paints na rin ang mga kamay ni Iesus pati na rin ang suot nitong dark brown and beige color polo shirt.

"Mommy, Tito Yesus help me paint something," masiglang kwento ni Art. "Gumawa po kami ng big boat."

"Thanks, Sus," pasasalamat ni Thad dito. "Naabala ka pa naman."

"No worries. Wala naman akong ginagawa ngayon. At mabait naman 'tong si Art. Madaling kausap. Anyway, anong balita sa lakad n'yo?"

"Sa loob natin pag-usapan."




INAKYAT NA MUNA ni Sanna si Art sa kuwarto nila. Naiwan silang dalawa ni Iesus sa sala. Kahit na kaunti lang ang nadiskubre nilang dalawa ni Sanna ngayon ay pakiramdam niya ilang taon ang sinubukan niyang tawarin bago makauwi. Pagod na pagod siya at sumasakit na ang bahagya ang ulo niya.

"Hindi n'yo nakausap ang may-ari?" tanong ni Iesus.

"Ang broker lang. We're still trying to get in touch with the granddaughter of the owner. Ayaw ipabigay ang number nang hindi pinapaalam. We'll have to wait until tomorrow."

"Paano kung hindi pumayag?"

"Naisip ko na rin 'yon. Kaya baka puntahan na lang namin ang lumang bahay sa Samboan o baka hanapin ko 'yong simbahan na nasa larawang nakita ni Sanna sa bahay."

"Simbahan?"

Thad nodded. "Oo." Inilabas niya ang cellphone sa bulsa ng pantalon at hinanap ang picture. Kinunan niya iyon kanina. Ipinakita niya iyon kay Iesus. "Si Sanna ang bata sa picture. There's no doubt to that dahil may hawig din kay Art. We're assuming na Mama niya ang kasama niya sa picture na 'yan."

"At ang simbahan na nasa likod ang hinahanap n'yo?"

Tumango ulit siya. "Kung hindi taga Samboan si Evangeline Isidro. Malamang ay baka nakatira siya malapit sa simbahan na 'yan."

Inilabas ni Iesus ang cell phone mula sa bulsa ng pantalon nito. "Send me that photo."

"Ipapahanap mo?" Thad forwarded the photo in Iesus' messenger.

"Got it." Naging busy na ito sa kung ano mang ginagawa nito sa cell phone nito. "I'm sending it to Amora."

Kumunot ang noo niya. "Kay Amora?"

Iesus nodded. "Oo, baka alam niya. Nabanggit niya sa'kin na halos nabisita na niya ang mga simbahan sa Cebu. She might be familiar with this one. Most churches in Cebu – specifically sa province side ay hindi naman nababago. Sa syudad lang na halos moderno na tignan."

Ilang segundo muna ang lumipas bago tumunog ang cell phone ni Iesus. Tumatawag si Amora through video call.

"Thad?" Naibaling niya ang tingin kay Sanna. Nakababa na pala ito at nakapagbihis na. Lumapit ito sa kanila.

"Here." Umisod siya nang kaunti para makaupo sa kaliwa niya si Sanna. "Iniwan mo si Art sa itaas?" mahinang tanong niya nang makaupo ito.

"Pinaliguan ko at binihisan. Iniwan ko lang saglit dahil mukhang enjoy naman siyang manood ng cartoons sa TV. Teka, si Amora ba ang kausap ni Iesus?"

He nodded. "Oo. Sinend ni Sus ang picture na nakita mo kanina."

"Boss! Alam ko 'tong simbahan na 'to," salita ni Amora mula sa screen. "Teka lang, alalahanin ko lang saglit kung saan 'to. Basta pamilyar siya sa'kin." Hinawakan ni Amora ang ulo. "Alam ko 'yan eh. Boss Sus, nagmamadali ka ba?"

"Ano sa tingin mo?"

Natawa si Amora. "Ito naman masyadong seryoso. Teka lang naman. Mahina ako sa memorization. Pero alam ko 'yan. Teka lang talaga. Nasa dulo na ng dila ko." Naririnig na niya nang literal ang bawat paggalaw ng kamay ng orasan sa bawat segundong lumipas na hindi pa rin nagsasalita si Amora. Para siyang naglalaro sa isang game show na may time limit. "Ah! Naalala ko na."

Pareho silang tatlo na nakahinga nang magsalita si Amora. Hindi lang yata siya ang nagpipigil huminga.

"Sa Ginatilan 'yan. Naalala ko ang harap eh. Sa San Gregory Magno Parish sa Ginatilan. Hindi ako puwedeng magkamali. Kahit i-search n'yo pa."

"Hang on," aniya. Mabilis na hinanap niya ang sinasabing simbahan ni Amora sa Google. Napakurap siya nang bumungad sa kanya ang kaparehong simbahan sa larawan na nakita ni Sanna. "It is the same church." Tinignan niya sina Iesus at Sanna. "Amora is right."

"Sabi ko sa inyo eh!" salita pa ni Amora.

"Ginatilan," seryosong sabi ni Iesus. "The municipality after Samboan. Magkalapit lang ang mga lugar na 'yan."

"Puntahan natin," basag ni Sanna. Napatingin silang dalawa ni Iesus dito. "Malakas ang kutob ko na may mahahanap tayo roon. Malapit lang din naman pala ang Samboan doon."

Sandaling nag-isip si Iesus bago sumagot. "Kailan kayo libre?"

"Sasama ka sa amin?" tanong niya.

Iesus nodded. "Mor," baling nito kay Amora sa screen. "Pamilyar ka ba sa lugar sa Ginatilan?"

"Boss Sus, hindi ako mapa pero para sa'yo pamilyarin ko na lang."

Natawa silang dalawa ni Sanna sa hirit ni Amora. Hindi niya tuloy maiwasang isipin kung anong klaseng boss-assistant relationship ang mayroon ang dalawa dahil mukhang malaki rin ang hawig ni Amora sa ugali ni Aurea. 

Kumunot naman ang noo ni Iesus. "I'm serious."

"Hindi  talaga ako sure dahil tuwing fiesta lang naman ako nakakadalaw riyan. Hindi naman taga fiesta, abuso na rin iyon." Humagikhik si Amora. "Pero don't worry. Si Sister Mary Lilian ay taga Ginatilan. Dalawin ko 'yon bukas."

"We will leave the day after," desisyon ni Iesus. 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro