Kabanata 51
LITERAL yata na na-detach ang panga niya sa bibig sa kung anong laman ng secret vault ni Balti. Mga merchs lang naman yata ni Maha. At ibang gamit na alam niyang pag-aari rin ni Maha.
"Ommoo!" singhap ulit ni Maha. Nanlalaki ang mga matang ibinaling ni Maha ang tingin sa kanya. She blinked. Gulped. Tutop na rin ang bibig ng kamay. "Nin – god, Niña, mga gamit ko 'to." Lumapit ito sa mga cabinet shelves na naroon. Nakaayos lahat doon ang mga merchs. Pati mga posters may mga tube. Everything was well organized. Aside sa mga nakasalansan pa na mga unopened boxes na sa tingin niya pag-aari na ni Balti.
"Hindi ba 'to 'yong room na inuopahan mo?"
"No!" Isa-isa nitong tinignan ang mga gamit. "Nin, ito 'yong mga merchs and souvenirs ng mga kinaadikan kong mga Kdramas, Anime, at Kpop groups noon. See?" Ipinakita nito sa kanya ang collection nito ng mga merchs ng Boys Over Flowers at Princess Hours. Mayroon pa ngang Meteor Garden plates, shirts, CDs, and lahat na yata ng F4 merchs noong kasagsagangan ng kasikitan nito. "Ito 'yong sinabi ko sa'yong sinunog ni Mama noong naibagsak ko ang Chemistry."
Naikiling niya ang ulo. Of course, she remembers that one. Iyak nang iyak si Maha noon. Although, they weren't close that time. Sa pagkakaalala niya ay pareho pa silang nasa high school noon at college na si Balti.
Maha was crying habang tinitignan ang mga gamit nito. "P-Paano? I mean, nakita ko talagang sinunog ni Mama ang mga gamit ko. Pero paanong na keep ni Kuya 'to?" Iyak na magkahalong tuwa at hindi makapaniwala si Maha. Humagulgol na ito ng iyak. 'Yong iyak bata. "Nin... bakit ganito? Bakit nandito lahat ng mga merchs ko?"
"Ito naman parang tanga, halika nga," pinihit niya ito paharap sa kanya. She cupped Maha's face and wiped the tears on her face. "Ang kuya mo lang makakasagot niyan."
"Parang tanga ang 'sang 'yon!" hikbi pa rin nito. Natawa tuloy siya. Kahit kailan parang bata pa rin talaga 'tong si Maharlika. "Alam mo bang kinamuhian ko pa siya kasi siya naman kasi may kasalanan kung bakit ako bumagsak. Hindi niya ako tinuruan. Tapos... asar pa siya nang asar sa'kin sa mga pinagbibili kong posters. Nalaman tuloy ni Mama. Ilang linggo ko siyang hindi kinakausap."
"O, kita mo naman, tinago pala niya."
"Pero paano? Saka bakit 'di niya sinabi sa'kin?"
Hinuli niya ang mga mata nito. "Ask him personally. Kaya dapat magising si Bartholomew dahil madami pa tayong tanong sa kanya." Hilam pa rin ng mga luhang tumango-tango si Maha. She smiled. "Good, now, balikan na natin sila Iesus sa bahay."
PAGKARATING nila sa bahay ay hati na naman ang mga tao. May natira sa library. Math was sleeping in the couch. Kasama nito roon sila Sep, Drew, Jam, at Chi. Umuwi raw muna sila Jude at Mari dahil umiiyak ang kambal.
Sina Juan at Simon ang sumalubong sa kanila sa pagpasok nila sa bahay kanina. Umalis lang din ang dalawa, sabi ay pupuntahan lang daw muna ng mga ito sina Nay Lourdes at Aurora. Ito ang nagsabi sa kanila na nasa itaas sila Iesus, Vier, James, Tor, at Aurea.
"Sa tingin mo nagsimula na sila?" basag ni Maha, paakyat na sila sa second floor.
"Baka."
Nang makarating sila sa silid ay hawak na ni Tor ang pupulsuhan ni Balti. His eyes were pressed shut at mukhang nagko-concentrate. Aurea was sitting beside Tor. Parehong nasa kanan ng kama ang mag-asawa. James sat across them, seryosong nagbabasa sa journal ng ama niya na ibinigay niya rito.
There was a dead silence in the whole room. Nakakahiyang lumikha ng ingay. Lumapit sa kanila si Vier.
"Let's talk outside," he whispered, nang lumabas ito ay sumunod silang dalawa ni Maha. Lumayo sila nang kaunti sa bukas na pinto ng silid.
"What's going on?" asked Maha.
"Tor was able to get inside Balti's head." Tipid na ngumiti si Vier, but she can sense that he was still anxious. He looked so tired. Ilang araw na yatang walang tulong si Vier. "We're just waiting. Usually ay segundo lang ang kinakaya ni Tor, but he's having progress. Balti is letting him inside."
"Does it mean, malalaman na natin paano gigising si Balti?"
"Hopefully, if may makita man si Tor."
"Paano kung wala?" ni Maha.
"I don't want to be pessimistic, Maha. I know it's inevitable, but we will take all possible ways to find a potent solution to this. As long as your brother is still here with us. We will not give up on him."
Maha glanced at her with a worried look.
Ngumiti siya rito. "He will not give up," aniya, saka ibinalik ang tingin kay Vier. "I know Balti. He's not someone who easily gives up."
Tipid na ngumiti si Vier. "I know. Come," tumabi ito para bigyan sila ng daan. "Sa loob na kayo maghintay. And Niña, I think you should stay beside him."
"Hmmm?"
"Hold his hand."
MONSANTO, PORTUGAL, 1779
"HINDI po ba nagkita ulit sila Nennilo at Nennella, kuya?"
Kumurap ang sampung taong gulang na si Hanael. Inilipat niya sa sunod na pahina ng kanyang lumang kwaderno para mabasa ang kasunod na pangyayari. Habang naglalaro ang karamihan sa mga ka edad nila ay binabasahan niya ng kwento ang limang taong gulang na kapatid na si Marta sa labas ng kanilang bahay.
"Matagal pa bago ulit sila magkita," sagot niya.
Isinusulat niya ang mga kwentong nababasa niya sa silid aklatan sa bayan. Wala siyang pera pambili ng aklat at natuto lamang siya dahil mabuti ang tagapangalaga ng aklatan. Hinahayaan siya nitong magbasa kapalit ng pagtulong niya na ayusin ang mga aklat sa lalagyanan nito. Naglilinis din siya roon.
Hindi marunong magsulat at magbasa ang kanyang bunsong kapatid kaya siya ang nagtuturo rito. Madali itong turuan kung idadaan niya sa mga kwento.
"Kuya, huwag mo ako iiwan, ha?"
"Hmm?"
"Natatakot ako na mawala ka." Yumakap ang kapatid sa kanya. "Huwag na huwag mo ako iiwan."
Napangiti siya. "Huwag kang mag-alala. Hinding-hindi tayo magkakalayo." Lumapad ang ngiti ng bunso niyang kapatid. "Pangako ko."
"Pangako mo –"
Biglang nagkagulo sa paligid. Naghalo ang sigawan. Pagkabasag ng mga bote at paso ng halaman. Sumabog ang alikabok kasabay ng halinghing ng kabayo. Tinakpan niya ang mga mata at ilong ng kapatid. Mariin ding nakapikit ang kanyang mga mata habang pinipigilan ang paghinga.
Iminulat niya ang mga mata at huminga muli. Bumungad sa kanya ang isang itim na kabayo na may sakay na isang lalaki na nakagayak sa bakal.
"Hanael! Marta!" sigaw ng kanilang ina mula sa loob ng bahay. "Pumasok na kayo!"
Ngunit hindi niya magawang sumunod sa ina. Nang bumaba ang tingin ng lalaking natatakpan din ng bakal na maskara at tumitig ito sa kanya.
"Hanael!" sigaw ulit ng kanyang ina.
Hinugot nito mula sa baywang ang espada at itinutok 'yon sa kanya.
"Nathanael!"
Naramdaman na lamang niyang may mga brasong yumakap sa kanya at hinatak siya sa loob ng bahay. Tinakpan ang bibig niya ng isang kamay. Nang maging malinaw ang mukha ng may-ari ng kamay ay nakita niya ang seryosong mukha ng ama.
"Dalhin mo ang kapatid mo sa ibaba," may pagmamadaling utos ng ama. Pinayakap nito sa kanya si Marta at itinulak sila kung saan ang hagdan pababa. May binuksan itong pinto sa sahig. 'Yon ang sekretong daanan pababa sa silid na bawal silang pumunta ni Marta. "At kahit anong mangyari ay huwag na huwag kayong aakyat. Maliwanag ba?"
"Ngunit Papa..."
Umiiyak si Marta sa kanyang mga bisig. Wala siyang maintindihan. "Hanael," ikinulong nito ang mga kamay sa kanyang mukha. "Kahit anong mangyari. Iligtas mo ang kapatid mo. Huwag na huwag kayong maghihiwalay."
"Papa..."
Ngumiti ito at hinalikan sila sa mga noo.
"Juancho," boses 'yon ng ina. "Ang mga bata."
"Baba na." Marahan silang itinulak ng ama hanggang sa magawa na nitong maitakip muli ang pinto. Isang beses pa sila nitong sinilip bago dahan-dahang isinirado ang takip. Nakita pa niya ang nag-aalalang mukha ng ina. Tuluyan silang bumaba ni Marta mula sa kahoy na hagdan. Yakap-yakap niya ang kapatid sa kabila ng dilim. May kaunting ilaw na nakakapasok mula sa mga maliit na butas sa sahig. Naririnig niya ang mga nagmamadaling yabag ng mga paa sa itaas.
"Kuya..." mahinang iyak ni Marta.
"Shshs," tinakpan niya ang bibig nito. "Nandito lang si Kuya."
Wala siyang naiintindihan sa mga pangyayari sa itaas. Malumanay lang ang boses ng mga magulang niya ngunit galit na galit ang mga kinakausap nito. Hanggang sa nagsisigawan na. May mga gamit nang nahuhulog. Nagmamakaawa ang ina niya. Ang ama niya. Hanggang sa narinig niya ang naghihirap na sigaw ng kanyang mga magulang. May bumagsak sa sahig. Na alam niyang mga magulang niya. Tumulo ang dugo mula sa maliliit na butas sa sahig. Pinihit niya ng yakap paharap sa kanya si Marta para huwag nito makita ang mga dugong tila butil ng ulan na pumapatak mula sa itaas.
Hindi siya makaiyak.
Hindi siya makasigaw.
"Kuya natatakot ako..." Tuluyang na siyang napasalampak ng upo sa sahig habang yakap ang kapatid. Inilibing niya ang mukha sa leeg ng kapatid at doon umiyak nang tahimik. "Kuyaa..." Pakiramdam niya ay nawalan siya ng lakas.
ILANG ARAW na ang lumipas at ubos na rin ang mga naimbak na pagkain ng mga magulang nila. Hindi sila nagpakita sa mga tao. Takot na takot siya. Baka nasa labas pa rin ang mga taong pumaslang sa kanyang mga magulang. Hindi rin nila nagawang ilibing ang mga magulang. Nasa ibaba lang sila kung saan nandoon lahat ng gamit ng kanyang ina at ama. Ang lampara lamang ang pinapaaliw niya.
Gutom na gutom na ang kapatid niya.
Ilang araw nang kumakalam ang tiyan niya sa gutom.
"Kuya 'di na ba tayo babalikan nila Mama at Papa?"
Pigil niya ang pamamasa ng mga mata. Nasa itaas pa rin ng bahay ang mga walang buhay nilang mga magulang. Naliligo sa sariling mga dugo. Walang nakakaalam sa kung anong nangyari sa loob ng pamamahay nila.
"Marta," isa-isa niyang ipinasok ang mga bote ng mga herbs at gamot na gawa ng mga magulang niya. Pati na ang kwaderno na kung saan may naka desinyong puno. Nakasulat doon ang mga lahat ng mga paalala sa paggawa ng mga posyon at paggawa ng mga salamangkang inumin at pagkain. "Aalis muna si Kuya pero huwag kang aalis dito."
Punong-puno ang silid na 'yon ng mga bote ng may iba't ibang kulay na likido. Lahat ay may mga nakasulat na pangalan sa katawan ng mga bote. May mga malalaking jar ng mga in-preserbang mga hayop at parte ng katawan ng mga hayop. Mga iba't ibang uri ng ugat na mga halaman at prutas. Mga halamang gamot, gulay, mga buto ng mga iba't ibang klaseng tanim, mga upos na kandila, insenso, at dalawang estante ng mga libro at mga kwaderno na patungkol sa mga salamangka at sumpa.
Maliit lamang ang silid na 'yon.
"Kuya huwag mo akong iiwan," pagmamakaawa ni Marta. Hawak-hawak nito ang dulo ng suot niyang maduming pang-itaas. "Natatakot ako."
"Bibili lang si Kuya ng makakain. Babalik din agad ako." Maabutan pa niyang bukas ang ibang tindahan sa pamilihan kung aalis na siya. Mas mainam na lumabas siya na magtatakipsilim na. Walang makakakilala sa kanya. "Marta, makinig ka sa akin." Isinuot niya ang itim na balabal sa kanyang katawan. "Huwag na huwag kang aakyat sa itaas. At huwag na huwag kang sasagot kapag may narinig kang boses sa itaas."
"Bakit po?"
"Huwag ka nang magtanong basta sundin mo lamang ang mga pinag-uutos ko." Tumango ito. "Dito ka lang. Babalik agad ako." Hinalikan niya sa noo ang kapatid bago maingat na umakyat sa itaas. Sinugurado niyang nakasarado nang maagi ang pinto. Sa likod na siya dumaan.
Lumunok siya habang nagtatago sa dilim. Malakas na malakas ang tibok ng kanyang puso. Kailangan niyang makahanap ng pagkain ngayong gabi.
"NASUSUNOG ang bahay ng mga Magia!"
Marahas na napalingon si Hanael sa pinaggalingan ng sigaw. Nagkakagulong mga tao ang bumungad sa kanya at ang unti-unting paglaki ng itim na itim na usok sa kalangitan. Nagtatakbuhan ang mga tao. Kanya-kanyang hawak ng mga lalagyan ng tubig. Nilukob ng takot ang puso niya. Nabitiwan niya ang pambayad ng mga mansanas at tumakbo.
"Bataaa!" sigaw ng tindero pero hindi na niya ito pinansin.
Tinakbo niya ang distansiya ng pamilihan at ng bahay niya. Hindi na niya alintana ang mga mura ng mga taong nasasagasaan niya. Nagkakagulo na. Nanginginig ang buong katawan niya.
"Marta!" iyak niya. "Marta, Marta, papunta na si Kuya."
Humagulgol na siya nang iyak nang makarating sa bahay nila. Tinutupok na nang malaking apoy ang buong bahay. Hindi siya makapasok. Ang kapatid niya nakakulong sa ilalim ng bahay.
"Martaaaa!" iyak niya.
Ngunit ang nag-iisang pinto sa likod ay kinakain na ng apoy. Wala siyang magawa kundi ang maghanap ng bagay na puwedeng niyang pansira sa pinto. Dumudugo na ang mga kamay niya. Hindi na niya pinansin ang hapdi ng mga sugat.
"Tulungan n'yo ako," hagulgol niyang lalo. "Ang kapatid ko! Martaaa. Marta, nandito si Kuyaaaa." Lalo pa siyang naiyak nang marinig ang boses ng kapatid sa loob. Umiiyak. Tinatawag siya. "Martaaaaaaa! Martaaaaa!"
"Hulihin n'yo 'yong bata!"
Napakurap siya nang makita ang pamilyar na mga bakal na kasuotan na 'yon. Hindi siya puwedeng magkamali. Boses pa lang ng lalaki ay alam niyang ito ang pumaslang sa mga magulang niya. Sinugod niya ito.
"Masasama kayo!" Buong lakas niyang sinuntok ang armor sa katawan nito. Iyak pa rin nang iyak. Hindi alintana ang dumudugo pa lalong mga kamay. "Pinatay n'yo ang mga magulang namin! Wala kayong awa! Anong kasalanan namin sa inyooooo?!"
"Itali n'yo ang batang 'to at dalhin sa palasyo."
May dalawang lalaki na may kaparehong suot nitong humawak sa kanya. "Bitiwan n'yo ako! Ang kapatid ko! Mga demonyo kayoooo! Hinding-hindi ko kayo mapapatawad!" Itinali siya ng dalawa at binusalan ang kanyang bibig saka pilit na pinasakay sa kabayo.
"Siguraduhin n'yong maihaharap n'yo 'yan sa hari."
KINGDOM OF PORTUGAL
BUMUKAS ang kulungan at pumasok mura sa rehas ang isang lalaking ngayon lamang niya nakita. Base sa damit nito ay masasabi niyang galing ito sa marangyang pamilya. Dikit na dikit ang likod niya sa matigas na pader. Yakap-yakap niya ang mga tuhod.
"Ikaw ang anak nila Juancho at Blanca," basag nito, masama ang tingin sa kanya. Nalulunod siya sa kulay abo nitong mga mata na tila nandidilim sa galit at pagkamuhi.
"S-Sino ka po? B-Bakit kilala mo po ang mga magulang ko?"
"Pinatay ng 'yong mga magulang ang prinsesa ng bansang 'to, ang anak ko."
"Prinsesa?"
"Mahal na hari –" Mabilis na itinaas ng matandang lalaki ang kamay para pigilan sa pagsasalita ang kawal sa likod.
Mahal na hari? Ito ang hari nila? Hindi niya alam dahil tahimik lamang silang namumuhay sa maliit na nayon. Malayo sila sa sintro kung saan ang palasyo.
"Hindi mamatay tao ang mga magulang ko!" Napasinghap siya nang haklitin nito ang manggas ng harapan ng kanyang damit. "H-Hindi nila magagawa 'yon!"
"Huwag na huwag mo akong susubukan, bata. Mas makapangyarihan pa rin ako sa'yo."
Nagtagis ang kanyang mga panga. Tila punyal ang bawat tingin niya sa hari. "Hinding-hindi ko kayo mapapatawad!"
"Kulang pa ang kamatayan ng mga magulang mo bilang kabayaran sa pagpatay nila sa aking anak."
"Pinatay n'yo rin ang kapatid ko!"
"Huwag kang mag-alala, ligtas ang kapatid mo." Nanlaki ang mga mata niya. "Walang mangyayaring masama sa kanya hanggat sinusunod mo lahat ng gusto ko."
"Na saan?! Nais kong makita ang kapatid ko!"
"Hindi mo siya maaring makita hanggat hindi mo nababayaran ang kasalanan ng mga magulang mo sa pamilya ko. Ikaw, kapalit ng kalayaan niya. Mananatili ka sa kulungan mo. At gagawin mo lahat ng mga pinag-uutos ko."
"A-Anong... u-utos?"
"Ikaw, Hanael, ang magiging alas ko laban sa mga kalabang nais sakupin ang bansang 'to." Pinakawalan siya nito at muli siyang napasalampak sa batohang sahig. Napangiwi siya sa sakit. Ibinato nito sa kanya ang kanyang bag na kinuha nito sa kanya. "Ipapadala ko lahat ng gamit mo rito. Bawal kang lumabas sa kulungan mo hanggat hindi ko pinag-uutos."
NAIMULAT ni Tor ang mga mata, tila kinakapos ng hangin. Everyone was in full alert. Mabilis itong inabutan ng tubig ni Aurea. Inalalayan hanggang sa maubos nito ang laman ng baso. He took a deep breath and calmed himself.
"Tor," ni Iesus, lumapit ito sa kanila.
"I saw everything," imporma nito, bahagya pa ring kinakapos ng hangin. "I saw what Nathanael did to the village. I saw how Hanael transformed himself as Nathanael." Natuon lahat ng atensyon nila kay Tor. He looked so horrified. "He killed all the people in the palace, and burned down his village."
Napalunok siya.
Ramdam niya ang pananaas ng mga balahibo niya sa katawan.
"But he wasn't able to kill the King."
"Tell us everything, Tor."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro