Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 3

"KUMUSTA si Tita Carol?"

"Okay lang naman," sagot niya na 'di ibinabaling ang tingin kay Balti. Busy siya sa paghahanap ng mga nasa listahan niya sa mga shelves. Balti was the one pushing the cart habang nasa tabi lang naman din siya ng cart, nauna lang nang kaonti. "Naaliw naman siya sa pagtitinda ng mga school supplies."

"Ang tagal na niyang tindahan n'yo ah."

Napangiti siya. "Oo, we managed to keep it afloat kasi 'yon ang primary source of income namin." Ibinaling niya ang tingin dito. "At saka madami kaming memories doon ni Papa."

Ngumiti si Balti. "I know you miss him."

"I do. Everyday." Bumuntonghininga siya at ngumiti ulit saka inilagay ang fabric conditioner sa cart. "Kaso life must go on."

Naalala niya pa ang malungkot na araw na 'yon. First year high school siya ng mamatay sa sakit na heart failure ang ama niya. Even after her father's funeral ay hindi pa rin siya makausap nang maayos. She was too devastated. She was even afraid to smile dahil kapag ginagawa niya 'yon e naiiyak lang siya.

But there was this one boy who managed to make her feel better.

Iniyakap niya ang mga braso sa nakatiklop niyang mga binti. She buried her face on her knees saka tahimik na umiyak. Ang bigat-bigat sa loob magpatuloy sa buhay. She missed her Papa. Tatlong linggo na simula nang mawala ito pero bakit 'yong pakiramdam niya parang kahapon lang 'yon nangyari?

Napasinghap at napaangat siya ng tingin nang maramdaman niyang may umupo sa tabi niya. Nasa pinakalikod na shelve siya ng library. Alam niyang mugto sa pag-iyak ang mga mata niya. Dahil medyo malabo talaga ang paningin niya ay ibinalik niya ang salamin sa mata na naka clip sa collar ng uniform niya.

Agad na luminaw sa kanya ang mukha ni Balti.

"Umiyak ka lang." Bahagya nitong pinihit ang katawan sa kanya saka inalis ang salamin niya sa mata. "Alisin natin 'to para 'di mo ako makita." Imbes na mainis ay bahagya siyang natawa. "O, bakit tumatawa ka na?" he softly chuckled.

"Hindi ko alam kung nang-aasar ka o nakikisimpatya ka sa'kin."

"It's fine. The eye is mutual."

"Ewan ko sa'yo –" Biglang may inabot itong brown na panyo sa kanya. Nakikita pa rin naman niya, blurry lang talaga ang paningin niya. "Thank you." Tanggap niya pa rin saka ipinunas 'yon sa mga mata.

"How's Tita Carol?"

Nalaman nilang magkaibigan pala ang mama niya at ina ni Balti. Nagkasama kasi ang mga ito sa isang eskwelahan noong mga kabataan ng mga ito. Parehong teacher ang mga ina nila at kahit na matagal na 'di nagkausap ang dalawa ay parang wala namang nagbago sa pagkakaibigan ng dalawa.

"Sinasabi niya na okay siya kahit na hindi naman. Naririnig ko pa rin siyang umiiyak sa gabi."

Naninikip na naman ang dibdib niya sa tuwing naalala 'yon. She pursed her lips para labanan ang panginginig ng mga labi. Kinurap niya ang mga mata para 'di tuluyang maiyak ulit kaso iyakin din talaga siya. Umalpas pa rin ang mga luha sa kanyang mga mata.

"Ang hirap pala," her voice broke. "Yong nasanay ka na nandiyan sila sa tabi mo tapos bigla silang mawawala. Hanggang ngayon hindi pa nag-si-sink-in sa'kin ang lahat. Iniisip ko pa rin na babalik si Papa. Na mabubuo ulit kaming tatlo. Na malaking prank lang talaga 'to. Kaso ilang linggo na akong naghihintay wala pa ring nagsasabi na joke lang 'to."

Inisang brasong yakap siya ni Balti. Nahilig niya ang ulo sa balikat nito. Sa pagkakataon na 'yon ay ikinulong na talaga siya nito sa mga braso nito. Umiyak na siya sa dibdib nito.

"It's okay not to be okay sometimes," he whispered to her. "You don't need to rush everything now. Do it one step at a time, okay?"

"Miss... na... miss... ko... na siya..."

"I know your father misses you both too."

"Bakit?" basag ni Balti.

Napakurap siya at napa-iwas ng tingin. Takte! Ilang segundo siyang nakatitig lang kay Balti? Gusto niyang kutusan ang sarili. Niñaaaa!

"Wala." Tinignan niya na lang ang hawak na listahan. "Kailangan ko ng sabon panghugas."

Natawa ito. "Mukha ba akong sabon panghugas sa'yo?"

Naingat niya ang mukha sa nakangiti nitong mukha. Hayan na naman ang leche flan niyang puso. Kumakabog na naman. Kaya nga ayaw niyang titigan ito. Nahuhulog siyang lalo. And she hate and love that smile! Nakakarupok talaga ang ngiti ni Ser! Kainis!

"Hindi, mukha kang plato," she chuckled.

Umawang ang bibig nito. "Ay grabe!"

Natawa lang siya. "Nin, one. Balti, zero."

"Ah, so we're playing games now?" Napalitan ng amusement ang expression ng mukha nito. Humalukipkip ito saka ikiniling ang ulo sa kaliwa. "I'm on."

"No fooling around, Bartholomew. Ikaw pa rin manlilibre ng dinner."

Tinalikuran na niya ito at nauna nang maglakad. Narinig niya ang tunog ng metal sa gulong ng pushcart nang mabilis din itong sumunod sa kanya.

Napangiti siya.

She missed this kind of moment with him. She doesn't want to ruin it pero bakit kaya 'di pa nag-aasawa si Balti? O girlfriend man lang? What happened to his girlfriend Pam?


"ILANG taon ka na nga?" Humilig sa likod ng upuan si Balti at pinaningkitan siya ng mga mata. Natawa siya sa reaksyon nito. "Sa expression mo na 'yan bagay kang endorser ng Chowking." Hinihintay pa nila ang order nila.

"Why are you asking me that? Parang may pagsampal na mas matanda ako sa'yo ng limang taon ah."

"I'm twenty-six so meaning you are thirty one na."

"Mapanakit ka, alam mo?"

Natawa siyang lalo. "Ang tanda mo na ah. Bakit 'di ka pa nag-aasawa?"

"You're not even married yourself. The status is mutual, Nins."

"Sabagay, wala naman sa edad 'yon. Toxic mentality lang talaga 'yong dapat sa mga edad natin may asawa at anak na tayo."

"Marriage is not a race so as finding the person whom you will spend the rest of your life. Kumbaga, may mga tao lang na nasa page one agad. Baka tayong dalawa magsisimula pa lang."

Napatitig siya rito. Natawa siya nang bumakas ang pagkalito sa mukha nito. May na realize yata ito ngayon-ngayon lang.

"Parang may mali sa huling pangungusap mo, Ser."

Natawa lang ito. "Ikaw na lang mag-adjust."

"Tamad ka talaga e."

"Kailan ba ako sinipag?"

"If you don't mind me asking, bakit kayo nag-break ni Pam?"

Pamela is Balti's girlfriend during their college days. Naalala pa niyang nilagyan ni Maha ng malaking bato ang mamahaling bag ni Pam. Of course, that was before Maha changed na hanggang ngayon hindi pa rin niya alam kung bakit.

"Bakit nga ba nagbi-break ang dalawang tao, Nin?"

"Because it didn't work out?" He nodded. "Hindi ka na nag-girlfriend after no'n?" Tumango ulit ito. "Bakit?"

"Para cool –" Nabato niya itong tissue. Tawa lang ito nang tawa. "O, bakit ba?"

"Mukha mo."

"E, ikaw? Bakit single ka pa rin?"

Nangulambaba siya sa mesa. "Wala akong time."

"Naks, walang time o wala talagang nanliligaw?"

She glared at him. "Nang-aasar ka?"

"O baka hinihintay mong ligawan kita?"

Tinaasan niya ito ng isang kilay. "Asa ka!" Tumawa siya. "Sexy ko pa naman ngayon."

"Actually, mas gusto ko ngang medyo chubby ka. Mukha kang unan sa paningin ko –" Binato na naman niya ito ng tissue. Hindi lang isa kasi inubos niya. "Grabe!" Tawang-tawa pa rin ito. "It's a compliment."

"Alin doon?!"

"Nahiyang ka ba sa pagtuturo sa Thailand o dahil dumaan ang summer?"

"Kainis ka talaga Balti!"

"Seryoso nga ako."

"Hindi ko nakikita."

Pigil kasi nito ang ngiti. Halatang nang-aasar. Inabot nito ang salamin sa mga mata niya at hinubad 'yon sa kanya.

"Hayan, 'di mo na nakikita ng literal," anito sabay tawa nang malakas. Nanggigil na kinurot niya ang nakapang kamay nito. "Aray naman! Hindi pa nga tayo nanakit ka na."

"Paasa ka."

"Oy, umaasa siya."

Yemas ka talaga Bartholomew!

"Kapag talaga ikaw nahulog sa'kin. Hindi kita sasaluhin."

"Kailan kaya 'yon?"

"Oy umaasa!"

"It's atay!"

"Loko!"



"BALTI," napalingon siya kay Jude. May tagay na naman sa bahay niya. Mga gagong 'to. Ginawa na talagang inuman ang bahay niya. Inilabas niya ang natitirang bote ng beer sa ref. Inabot niya 'yon lahat kay Hudas.

"O bakit na naman?"

"May bagong kwento ba si Mari?"

"Shsh!" Inilapat niya ang isang daliri sa bibig. "Mamaya. Saka muna ako kulitin." Tinawanan niya ito pagkatapos. Kakatambay ni Jude sa bahay niya nagiging Hudas na rin siya roon sa dalawang chismosa niyang kaibigan.

Ayaw magsalita nila Au at Chi. That includes kahit picture man lang ni Mari ay walang nakukuha si Jude sa dalawa. It was a mutual decision. Jude and Mari needed time to find themselves, but that doesn't mean ay hindi pa okay ang dalawa. Alam ng mga tao sa Faro na mahal ng mga ito ang isa't isa but they needed more time.

Hinarap niya ito. "And she's fine without you."

"Gago! Bakit kapag ikaw nagsabi ang sakit pakinggan?"

Natawa ulit siya. "Kaibigan mo ako. Isasampal ko sa'yo na wala kang kwenta."

"Grabe!"

But that was before, of course! Jude has changed.

"They're fine, Jude. Give her all the time she needed. Sabi nga nila, kung mahal ka babalikan ka." Tinapik niya ito sa isang balikat. "She will come back when she's ready." A few months ago sarap sakalin ng walangya. Pero ngayon, nakikita niyang pinagsisihan na nito lahat ng mga kahudasan nitong ginawa kay Mari. Sad to say, nobody knows when will Mari come back in FDA. "O, iiyak ka na naman diyan," tukso pa niya.

"Ulol."

"Bakit 'di ba?"

"Maghihintay ako."

"O sige na, bilang kaibigan, ise-send ko na sa'yo ang latest picture ni Mari. Malaki na tiyan niya. Gusto na yata lumabas ng twins." Jude's face lighten up. "Pero huwag na huwag mong ipakita sa dalawang witch dahil ha-hunting-in ako ng mga 'yon. Papaluin talaga kitang meter stick!"

Tumawa si Jude. "Thanks, bro!"

"Sige mamaya, kapag lasing na ako, para may alibi ako," he chuckled.

Sabay na silang bumalik sa patio ng bahay. May swimming pool naman siya pero tinutukso pa rin siya hanggang ngayon sa inflatable pool niya.

Hindi kompleto ang mga disipulo ni Landlord sa inuman. Kung sino lang nasa FDA ng mga oras na 'yon. The secret group was revealed after Jude's cursed item showed up. So kung lalabas man ang third cursed item, team work na ang lahat.

Ubos na naman pulutan nila ni Juan as usual. Natutulog si Binig sa kandungan nito. Si Simon na halos 'di na bitiwan ang lalagyan ng Pringles huwag lang maubos ni Juan. Lasing na 'to. Pulang-pula na pisngi at namumungay na ang mga mata.

Si Vier ang klase ng kainuman na akala mo nagkakape pa rin. Last man standing 'to lagi e. Si Sep talaga ang madaling lasingin. Madalang lang uminom si Capt. Ngayon lang dahil 'di pa naman sasampa ulit sa barko. Wala raw lulusutang medical. Nakaupo sa tabi nito si Champo.

Tor is here dahil 'di naman mahigpit si Aurea. Sabagay, black card lang naman habol nun. Inaya nila si James kaso matutulog na raw ito. KJ talaga ng 'sang 'yon lagi.

Himalang nandito si Landlord sa Faro. Nauto nilang ilibre silang inom at pulutan. Uhaw na uhaw na yata sa alak kaya napirmi muna.

Unwind inuman lang naman 'to dahil walang tanggero. Usaping puro katandaan na naman from Iesus himself.

"Sino susunod magpapasakal sa Faro?" basag niya.

Aba'y, nakatulala ang lahat. Maliban kay Tor na ngiting-ngiti. This weekend na ang gender reveal nila Au na pinagtulungang handaan nila Chi at ng wedding coordinator nila Au na si LV. Lunes pa lang ngayon pero ang mga gurang nag-iinuman na parang walang pasok kinaumagahan.

"Si Jude kung 'di siya gago," sagot ni Simon.

"Babalikan ako ni Mari."

"Sige paniwalaan mo sarili mo," pang-aasar pa lalo ni Simon.

Ayaw na niya balikan ang mga kaganapan ng buhay ni Jude. Kung na stress siya kay Tor. Na stress din siya kay Jude. Kaya hindi na siya magtataka kung ganito ka bangag si Iesus ngayon. Daming iniisip at tulala.

"Should I hire someone as my assistant?" ni Iesus. "Someone like Aurea?"

"Na mukhang bahay at lupa?" biro pa niya.

Natawa lang si Tor.

'Yan ang true love! Walang kadala-dala ever since 1800. 'Naol.

"Don't get someone like Au," ni Vier. "Baka unang gabi pa lang lumayas na 'yon ng bahay mo." Tumawa ito pagkatapos.

"Akala ko ba 'di nakakakita si Chi?" ni Juan.

"Malakas senses ni Chi kaya 'di 'yon natutulog sa bahay ni Iesus na walang katabi."

"Baliktad kami," ni Simon, "mabilis ako makatulog sa bahay ni Mylord."

"Ganyan talaga kapag walang bahay, Simon."

Ngumisi si Simon sa kanya. "Thanks for reminding me, Ser."

"O si Simon na lang gawing assistant."

"Madami akong naka line-up na bidding projects ngayon. Nag-aaway na kami ni Thad dahil madami akong tinanggihan na projects last year. Kailangan ko bumawi kay architect bago pa ako mawalan ng tahanan."

"Umuuwi pa bang Faro si Thad? Laging wala 'yon ah."

"Busy, laging out of town."

"Pumapangalawa na kay Iesus."

Pasimpleng inagaw ni Juan ang Pringles ni Simon pero pinalo lang nito kamay ni Juan. Umawang ang bibig ni Juan sa sakit. Langya! Ang tunog ng palo. Namula ang kamay.

"Maybe someone from the church," ni Sep. "Yong may matibay na pananalig sa Dios."

"Meron pa ba?"

"Gago!" Binato siyang chip ng Pringles ni Simon. "Demonyo ka kasi."

Tumawa siya. "Coming from you!"

"Well, that someone will be closely working with me and Balti," ni Iesus. Ininom niya ang laman ng bote ng beer na hawak. "Dahil 'di ko alam kung bakit kulang-kulang ang laman ng black journal. I need someone who will do the puzzle for me habang busy ako sa dDLand."

"Hindi mo pa rin ba tapos i-translate lang 'yon Balti?"

"Nakakatulog nga ako isang page pa lang. Word by word ko 'yong tina-translate. Twelve items 'yon. Nasimulan ko 'yong iba pero 'di ko pa natatapos dahil biglang nag-appear ang ikalawang cursed item pagkatapos ng kay Tor. Ang sakit pa sa ulo kapag binabasa. Ang lakas ng spell na ibinalot sa kwadernong 'yon. Hinihigop ang lakas ko."

"True," ni Vier. "Even I couldn't try to decipher the words that were used in creating the spell. It was still in the language of a group of ancient wizards. We are lucky Balti can open the book and can read what's written inside. My assumption is telling me that he's the bookkeeper of the journal in our past lives –"

"Kuyaaaaa!"

Automatic na nanlaki ang mga mata ni Juan at napatingin sa kanya nang marinig nila ang sigaw ni Maha mula sa labas. Sa itsura nito parang nakarinig ng bulong ng demonyo.

"I thought your crazy sister is not here?!" 

"Anak ng pisara! Na scam na naman ako. Ang sabi niya magbabakasyon siya sa Boracay this week." Tumayo siya. "Diyan lang kayo."

"Anong gagawin mo?" asked Simon.

Ngumisi siya at 'di na na sinagot si Simon. Pinuntahan niya ang electrical room niya sa bahay at pinatay ang kuryente. Kasabay no'n ang pagdilim ng buong bahay.

Problem solved.


NAPALUNOK si Niña nang maagang ipakilala ni Ma'am Bea si Maha sa lahat sa faculty. Pigil niya ang mapangiti sa suot ni Maha. Korean fashion pa rin. Hindi pa rin nagbabago ang hilig nito sa Korean culture. White turtle neck long sleeve knitted shirt matched with beige checkered high waist long skirt, beige beret hat and black boots.

Maiksi pa rin ang buhok nito at may bangs pa rin. Nagbago lang kulay ng buhok, ash blonde na.

Wala pa si Balti. Himala at late ito ngayon. Kinakabahan siya sa titig ni Maha sa kanya nang makita siya. Parang nakasigaw na sa kanya kahit 'di pa man sila nagkakausap. Wrong move yata talaga pagpasok ko sa SNL.

Hindi naman siya guilty. Dahil 'di niya naman alam talaga kasalanan niya. Kaso nakakatakot pa rin si Maha. Parang babalakid kapag niligawan niya si Balti.

"She's Maharlika, you probably know her already. She's my youngest. For now, siya muna papalit kay Teacher Kate habang naka maternity leave siya."

Patay ka na talaga Niña Rosella!

Humahangos na pumasok sa faculty si Balti. Wala sa ayos ang buhok at salamin sa mata. Mukhang late talaga nagising si Ser. Pero ano ba 'yan? Bakit ang cute pa rin. Niña, aga-aga rumurupok ka na naman.

"Ma?!"

Halatang wala rin atong idea na nandoon si Maha base na rin sa gulat nitong reaksyon.

"You're late Bartholomew," seryosong sabi ni Ma'am Bea.

Sobrang strict talaga ng ginang kapag nasa eskwelahan. Hindi naman 'yong tipong susukuan mo work mo dahil sa kanya. May aura lang talaga itong terror teacher. Pero halos pareho lang naman ito ng teaching style ng mama niya. Strict pero compassionate at mahaba ang pasensiya.

Madalas nga ay may damadalaw pa rito na mga old students nito noong elementary. Kahit sa mama niya. Madaming tumulong na mga professional na nitong mga mag-aaral noong nagkasakit ito.

"Sorry." Dumiretso ito sa mesa nito.

Nahuli niya ang pagsunod ng tingin ni Maha kay Balti. Alam niya ang tingin na 'yon. Nakangiti pero alam niyang gusto nitong sigawan ang kuya nito. Mukhang may kalokohan na namang ginawa si Balti rito.

Aso't pusa pa naman ang mga 'to.

"Maharlika, batiin mo ang mga co-teachers mo."

Ngumito ito nang malaki at nag-peace-sign.

"Annyeong!"

Pigil na pigil niya ang matawa sa pagtutop ni Ma'am Bea sa noo nito.

Maha, 'di ka pa rin nagbabago. Ang lakas pa rin ng trip mo sa buhay.


VACANT hour niya, pasado alas tres pa lang ng hapon. Silang dalawa lang ni Balti ang natira sa faculty room. May klase ang lahat. Pero buong araw nang nanahimik si Balti. Madalas itong nagnanakaw ng oras para umidlip. Puyat talaga. Mukhang lasing 'to kagabi e.

Nag-desisyon na siyang ipagtimpla ito ng kape. Inilapag niya 'yon sa mesa nito, katabi sa nakayupyop na ulo nito.

"Lunes na lunes naglalasing ka."

Iniangat nito ang ulo at sinuot ulit ang salamin sa mata. "Nagkayayaan lang." Hinawakan nito ang mug. "Salamat, hinihintay ko talagang timplahan mo ako." Mahina itong tumawa pagkatapos.

"Tamad talaga nito."

"Mas masarap kasi ang kape kapag iba gumawa."

"Wala ka bang idea na dito na rin magtuturo si Maha?"

Maingat na ininom nito ang kape bago siya sinagot.

"I remember Mama mentioned it to me. I didn't pay attention knowing Maha's attitude. I wonder what made her say yes."

"Baka gusto niya rin."

He chuckled, "Siguro? Anyway, you used to be so close way back in college. Anong nangyari?"

"I'm not sure too." Mapait siyang ngumiti. "Siguro applicable din ang break up sa friendship. It also didn't work for us."

"You should patch things up. Baka this time maayos n'yo."

Natawa siya. "Knowing your sister."

"No comment." Bumaba ang tingin nito sa kamay niya na may band aid sa index finger. "What happened to your finger?"

Nagulat siya ng hawakan nito ang kamay niya.

"Nasugatan ka?"

Napakurap-kurap siya. Ramdam niya ang malakas na tibok ng puso. Hawak pa lang 'yan ah.

"Paper cut." Babawiin niya sana kamay niya pero humigpit hawak nito. "Maliit lang 'yan."

"Nahiya ka pa sana sinugatan mo na lahat ng daliri mo." Ngumisi ito.

Asar na binawi niya ang kamay. "Ewan ko sa'yo!"

"Wait." Binuksan nito ang drawer nito at naglabas ng isang box ng band aid na may design na cartoon character. "Here." Inabot nito sa kanya 'yon. "Pangit ng band aid mo. Wala man lang ka kulay-kulay."

"Magbibigay ka na nga lang may kasama pang lait. Thank you, ha?"

"You're welcome." Inaangat nito ang mug sa kanya. "Salamat din sa kape."

"Oks lang. Buti 'di ka napagalitan ng mama mo."

"Hindi pa. She will surely reprimand me later. Pero sanay naman na ako."

"Kulit mo kasi. Pakabait ka na."

Tinawanan lang siya nito.

"Sweet naman."

Halos sabay silang napatingin sa direksyon ng pinto. Nakahalukipkip ito ng tayo at nakataas pa ang isang kilay sa kanila.

"Maha," seryosong tawag ni Balti sa kapatid.

"Chill, okay. I'm not gonna entertain any negativity in my life right now. I'll just pretend that some people don't exist in this world."

Naupo ito sa mesa nito.

"Oo, kasi ikaw mismo negative forces na," asar pa ni Balti rito.

Marahas na ibinaling nito ang tingin sa kuya nito.

"Yaaaa!"

"Yeeee!" patol pa rin ni Balti.

Bumalik na siya sa upuan niya at doon na lang pinanood ang pag-aasaran ng magkapatid. Natatalo talaga si Maha. Pikon e.

Mayamaya pa ay biglang nag-pop-up ang chat head ni Balti sa messenger niya. Syempre marupok, binasa agad.

Be careful next time. Nga pala 50 yang bandaid. Singilin kita sa sahod mo. Di yan libre. Asa ka. Hahaha! ¯\_(ツ)_/¯

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro