Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

REVELATION

Buwan ng Mayo, 1797

Patawarin mo ako Marisol. Bagama't alam kong mali na pagtakpan ang kasalanan ng aking anak ay nagawa ko pa rin sa'yo ito. Hinihiling ko na sa susunod nating buhay kung maari man ay maitama ko ang lahat. Pagbabayaran ko lahat ng aking mga kasalanan at sisiguraduhin ko na sa pagkakataong 'yon ay matagpuan mo ulit ang lalaking iyong lubos na iniibig at pareho ninyong makamit ang tunay na kasiyahan sa isa't isa. Dinggin nawa ng Dios ang aking hiling para sa inyong dalawa.

Itiniklop ni Celia ang papel at ipinasok sa pinaka-ilalim ng music box. Hindi na 'yon mapapansin. Bagama't dinala 'yon ng binata ay nabitiwan pa rin nito 'yon. Mabuti na lamang at nakita niya. Aalis ngayon ang barko ng de Dios. Alam niyang susubukan nitong makasampa sa barkong 'yon kaya nagmadali na siya.

Sana ay makita niya ang binatang  'yon.

Ito lang ang puwedeng magmay-ari ng music box.




ILANG beses na sinubukang kausapin ni Judas si Iesus ngunit hindi niya mahanap ang tamang oras. Madalas itong may kausap at napapaligiran ng mga tao. Kalat na sa buong bayan ang itsura ng mukha niya at malaki ang katumbas ng ulo niya kapag nahuli siya.

Ibinaba niya nang husto ang suot na itim na balabal sa ulo.

Dama niya ang malakas na hangin sa daungan. Naingat niya ang mukha sa kulay kahel na kalangitan nang mga oras na 'yon. Papalubog na ang araw. Kanina pa niya sinusudan si Iesus. Humiwalay ang dalawang kasama nito rito kanina.

Lalapitan na sana niya ito nang may taong biglang bumangga sa kanya.

Napasinghap siya ngunit nang iangat niya ang ulo sa bumangga sa kanya ay nakalayo na ito. Hindi niya makilala kung sino ito dahil may kulay lila itong balabal na suot hanggang sa ulo. Nanlaki ang mga mata niya. Alam niya ang mga galawang ganoon. Mabilis na hinagilap at kinapa niya ang suot na bag sa katawan. Nagtaka siya nang mapansin may malaking umbok sa loob nun na wala naman kanina.

At ganoon na lamang ang gulat niya nang makita ang music box ni Marisol.

Marahas na naingat niyang muli ang ulo sa direksyong kung saan niya huling nakita ang taong nakasuot ng lila na balabal.

Madami nang tao, hindi na niya mahanap ito. Ibinalik niya ang tingin sa music box sa kamay. Hindi siya puwedeng magkamali. Ito ang music box na naiwan niya sa bahay ni Marisol noong hinahabol siya. Sinubukan niyang balikan ngunit hindi na niya nakita.

Bahagyang namasa ang sulok ng kanyang mga mata.

Ang bagay na lamang na 'yon ang tanging alaala niya sa mahal niyang si Marisol.

Ngunit sino ang taong 'yon?

Akmang bubuksan niya ang music box nang biglang may humawak sa magkabila niyang mga braso. Napangiwi siya sa higpit ng pagkakahawak ng isa sa, maluwag naman nang bahagya ang isa. Sinubukan niyang manlaban ngunit masyadong malakas ang dalawa. Pag-angat niya ng ulo ay bumungad sa kanya ang mukha ni Iesus de Dios.

"Anong gagawin?" tanong ng sa kaliwa niya.

"Hawakan mo lang, Mateo."

Muli siyang napangiwi nang higpitan lalo ng lalaking sa kanan niya ang hawak nito sa kanya. Halos mamimilipit na siya sa sakit.

"Huwag masyadong higpitan, Simon," kausap naman ni Iesus sa kanan niya. Kakaiba ang kasuotan nito at itsura. Maliit ang mga mata. Hindi katulad ng tao sa kaliwa niya. "Kanina ko pa napapansin na nakasunod ka sa'kin. Ano ang iyong sadya sa akin, Judas?"

Nanlaki ang mga mata niya. "Kilala mo ako?"

"Sino ba namang hindi?" Tumawa ito.

"Isama mo ko! May ginto at mga alahas akong dala –"

Tinitigan siya nito. "At bakit ko naman pasasampahin sa aking barko ang isang magnanakaw at mamatay tao?" Tila nanunubok ang kulay karagatan nitong mga mata.

Ngunit hindi siya magpapatalo rito.

"Inaamin ko na magnanakaw ako ngunit hindi ko pinatay ang babaeng 'yon."

Bumaba ang tingin nito sa hawak niyang music box. "Mukhang mahalaga sa'yo ang bagay na 'yan."

Ngumiti ito.

Kinabahan siya.

"Ang music box na 'yan kapalit ng pagsampa mo sa barko ko."

"Hindi maari -"

"At isang beses ko lamang 'yong ialok sa'yo, Judas."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro