
Chapter 9
I HEARD HIS voice again for the first time in fourteen years. Kahit na unti-unti niyang pinahina ang sistema ko, nagawa ko pa ring makaalis mula sa kanya.
Kamuntik pa nga akong mawalan ng balanse nang taranta akong umikot para humarap. Hinawakan niya ako sa braso para alalayan, pero inis ko lang na binawi ang braso ko. Leche siya! Sino siya para gantuhin ako?
Hindi ako tumitingin sa kanya. Ang bermuda grass na tinatapakan ko ang pinanggigilan ko ng titig. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko. Para akong lumulutang sa ere dahil lang sa simpleng haplos at bulong na 'yon. Wag niyang sabihing ganito pa rin kalakas ang epekto niya sa 'kin kasi hinding-hindi ko 'yon matatanggap.
"Leila, I just need ten minutes of your time. Come here." Hahawakan niya sana ulit ako sa braso, pero humakbang agad ako paatras.
Nag-angat na ako ng tingin sa kanya at tinapunan siya ng isang matapang na titig. "Don't you dare lay a finger on me again . . . sir."
Tinalikuran ko agad siya pagkatapos at nagmadali na akong naglakad palayo.
Binilisan ko ang bawat hakbang ko kahit na hanggang ngayon ay hindi pa rin nawawala ang panghihina ng mga tuhod ko. Pati ang mga kamay ko, nanginginig pa rin. Hindi na ako magtataka kung bigla na lang akong bumagsak dito.
This is all his fault! Kung hindi niya kasi dinikit ang katawan niya sa 'kin, hindi naman ako makararamdam ng ganito. Napapahid ako sa noo ko. Para akong biglang pinagpawisan kahit na malamig naman ang simoy ng hangin.
Dumeretso ako sa pinakamalapit na restroom. Mabuti na lang walang ibang tao sa loob. Binuksan ko ang gripo at agad na binasa ang ilong ko. Tapos tumungkod ako sa sink. Shit, bakit hanggang ngayon parang naaamoy ko pa rin ang pabango niya? Dumikit na yata sa ilong ko. Pati ang boses niya, pakiramdam ko ay naririnig ko pa rin. He still has that same sexy and modulated voice.
Tiningnan ko ang sarili ko sa salamin matapos magpunas ng mukha gamit ang tissue. Namumutla ako. Kanina pa kaya ganito ang itsura ko? Nakaiinis! Naiinis ako sa sarili ko! Dapat sinipa ko siya kanina dahil sa ginawa niya sa 'kin. Pero hindi man lang talaga ako nakagalaw.
At gusto niya pa talaga akong makausap, ha? Gago ba siya? Para saan? Ano, magso-sorry ba siya dahil sa ginawa niya noon, o magpapaliwanag siya kung bakit ngayon lang ulit siya nagpakita sa 'kin?
Huli na 'to. Huli na talaga 'to! Hindi na ulit kami magkikita. Ipakukuha ko na kina Raquel ang natitirang bayad mula sa kanila, tapos kalilimutan ko na ulit siya. Bakit ba kasi bumalik-balik pa siya rito! Ang akala ko kaya lang siya umuwi ng Pilipinas ay para rito sa kasal, pero pakiramdam ko ngayon may iba pa siyang rason.
Inis akong napasuklay sa buhok ko. Hindi na ako makapapayag na makita ang taong 'yon. Subukan niya lang talagang magparamdam ulit sa 'kin, makatitikim na siya ng mga malulutong na mura.
Lumabas na ako nitong ladies' room. Sakto namang biglang nag-ring ang phone ko. Kinuha ko agad dahil baka si Baron na.
At siya na nga. Sinagot ko agad. "Hello. Nasa'n ka na?"
"Malapit na. Lumabas ka na, hindi na ako magpa-park."
Nakahinga na ako nang maluwang kahit papaano. Sa wakas, makauuwi na rin.
"Sige na, lalabas na ako," sabi ko.
"'Yong bayad ko, ah?"
"Oo na." Nagpaalam na ako at binaba ang tawag.
Dumaan muna ako sa kwarto kung saan kami pinatuloy kanina para kunin ang gamit ko, tapos umalis na ng venue.
Napansin ko pang sumunod ng tingin sa 'kin si JD habang palabas ako. Ang akala ko nga hahabulin niya ako, pero buti hindi naman. Pero sigurado akong magkukwento na agad 'yon sa walang-hiya niyang kuya. Dikit na dikit sila masyado. Pagbuhulin ko silang dalawa riyan, e.
##
PAGKALABAS KO NG venue, nakita ko na agad ang sasakyan ni Baron.
Nilagay ko muna ang mga gamit ko sa passenger's seats sa likod, tapos sumakay na sa harapan at nagkabit ng seatbelt. Bumuntong-hininga ako.
"Lalim, ah," asar naman nitong katabi ko.
Inirapan ko lang siya. "Pwede ba, 'wag mo muna akong pag-tripan ngayon. Wala ako sa mood."
"Tss. Parati ka namang wala sa mood. Magugulat pa ba 'ko?" Binuhay na niya ang makina ng kotse. "Bakit, ano bang nangyari sa shoot niyo?"
"Wala."
"Wala? Mukha kang na-depress diyan, wala?"
Hindi ko na siya pinansin at tumingin lang ako sa bintana. Gusto ko sanang magkwento, kaso nakatatamad. Na-ubos ang energy ko sa nangyari kanina. Simple lang naman 'yon kung tutuusin. Ewan ko ba kung bakit ganito ako kung maka-react.
"Hindi ka talaga magkukwento?" tanong ulit ni Baron. "Tawagan ko kaya si Raquel para siya na lang tanungin ko?"
"Wag na. Busy pa 'yong mga 'yon."
"Busy? Bakit, hindi pa ba tapos 'yong event? Bakit umuwi ka na?"
"Tsk, wag ka nga munang tanong nang tanong. Nakukulitan ako."
"Ayaw mo kasing magsalita. Hindi mo 'ko driver dito Leila ah, para hindi mo 'ko kibuin."
Mas lalo tuloy akong nainis! Bakit ba hindi niya ako pagbigyan kahit na isang beses lang? Palagi siyang may panabla! Hindi ba niya maramdaman na wala ako sa wisyong makipagkwentuhan sa kanya? Hindi ba ako pwedeng maging tahimik?
"Itigil mo na nga lang 'tong sasakyan." Napikon na talaga ako.
"Bakit?"
"Basta itigil mo!"
Sumunod naman na siya. Hininto niya 'tong sasakyan sa madilim na parte ng kalsada. Hindi pa kami gaanong nakalalayo mula sa venue.
Nagtanggal ako ng seatbelt at bumaba, tapos sumandal sa nakasarang pinto at nagkrus ng mga braso. Gusto ko lang munang magpahangin. Ang init-init kasi talaga ng ulo ko. Kapag hindi ako nagpahinga, magkaka-pikunan lang kami nitong si Baron.
Sumunod din naman agad siya sa 'kin. Tinungkod niya ang isa niyang kamay sa taas ng kotse sabay titig sa 'kin nang diretso. "Ano bang problema?"
"Ikaw kasi."
"Ako? Bakit ako?"
"Hindi mo kasi ako sinamahan kanina sa shoot. Kinailangan nga kita ro'n. Tapos ang tagal mo pa akong sunduin. Kung nandoon ka lang, e 'di sana hindi ko nakaharap 'yong Levi na 'yon."
Napasalubong siya ng mga kilay, pero hindi siya sumagot. Parang inisip niya pa kung kaninong pangalan 'yong binanggit ko. "Levi? 'Yong dati mong teacher?"
Napairap ako. "May iba pa ba tayong Levi na kakilala?"
Hindi na naman siya nakasagot. Alam kong naguguluhan siya at may gusto siyang itanong, kaya inunahan ko na. "Yes, he's here. Sila ang kliyente namin ngayon."
Tumingala siya sa langit sabay ngumisi nang maangas. "Tangina. Alam mong kanila 'yong event, pero tinuloy mo pa rin?"
"Wala akong nagawa. Sinubukan kong ipa-cancel kay Raquel, pero hindi na nagawan ng paraan. Naipit kami kasi nag-downpayment na agad sina Levi."
"Tanginang 'yan!" Tumalikod na siya at galit na sinipa 'yong isang bato sa kalsada. "Bakit hindi mo agad sinabi sa 'kin? E 'di sana nalinis ko schedule ko at nasamahan kita!"
"Wag mo na nga akong ganyanin ngayon! Tapos na nga, o. Wala na. Nagkita na kami. Nahawakan na niya 'ko. Nakaiinis!"
"Nahawakan?" Lumapit ulit siya sa 'kin at sininghalan ako sa mukha. "Bakit ka nagpapahawak!"
"E anong magagawa ko? Anong gusto mo, tadyakan ko siya? Hindi nga ako nakagalaw kanina no'ng pinuntahan niya ako."
"Ano bang nangyari sa inyo, ha? Bakit kailangang maghahawakan pa?"
"Gusto niyang mag-usap kami. Pero hindi naman ako pumayag. Nilayasan ko siya."
Napapikit siya nang madiin. Kitang-kita ko ang panginginig ng tattooan niyang mga braso. "Bakit biglang umuwi rito 'yong gagong 'yon? Para sa 'yo ba? Ano, babalikan ka niya?"
"Aba malay ko. Sa tingin mo ba alam ko 'yang sagot sa tanong mo? Tsaka kahit na para sa 'kin, wag kang mag-alala dahil hinding-hindi ako babalik sa lalaking 'yon. Matagal ko na siyang pinatay dito sa isip ko." Pinatabi ko na siya para makasakay na ulit ako sa kotse. "Tara na, gusto ko nang umuwi."
Nagkabit agad ako ng seatbelt pagkasakay sabay hilamos ng mga palad sa mukha ko. Diyos ko, nakaka-stress!
Sumakay na rin naman si Baron. Hinubad niya ang nakabaliktad niyang cap at inis na sinuklay pataas ang mohawk niyang buhok. Tapos kumapit siya nang mariin sa manibela. Nanlilisik ang mga tingin niya sa windshield.
"Deretsuhin mo nga ako ngayon, Leila. May pag-asa ba siya sa 'yo?"
"Ano? Wag mo nga akong pinagta-tatanong ng ganyan. Kanina pa ako naiirita, wag mo nang dagdagan. Mag-drive ka na lang, please."
Hindi niya ako sinunod. Nilipat niya sa 'kin ang matalas niyang tingin. "Humarap ka sa 'kin."
"Bakit ba?"
"Harap sabi!" Bigla niyang hinawakan ang mukha ko paharap.
Lalo akong nainis, nahampas ko 'yong kamay niya. "Punyeta naman! Wag mo nga akong kulitin!"
"Ang labo mo kasi! Hindi ko pa nakalilimutan 'yong sinabi mo sa 'kin dati, ah. Ang linaw-linaw ng sinabi mo na galit na galit ka sa kanya. Pero bakit ngayon, halatang naaapektuhan ka sa pagkikita niyo? Umiiwas ka sa mga tanong ko. Samantalang dati, kapag tinatanong kita, lahat ng sagot mo sa 'kin deretso, detalyado. Anong nangyari sa 'yo ngayon?"
"Tantanan mo na lang ako, please."
"May hindi ka na ba kinukwento sa 'kin?" tuloy niya pa rin talaga. "May hindi na ba ako nalalaman tungkol sa 'yo? Akala ko ba ako superhero mo? Bakit hindi ka na nagsasabi sa 'kin?"
Natawa ako. Lecheng 'superhero' 'yan. "My God, Baron, ang tagal na niyan. Wala nang superhero-superhero ngayon."
Binalik na niya ang tingin niya sa harapan. Huminga siya nang malalim na para bang nawalan na siya ng gana. "Ganyan ka. Pagdating talaga sa akin, ang bilis mong makalimot."
Binuhay na niya ulit ang makina ng kotse at nag-drive nang magkasalubong ang mga kilay.
Pinabayaan ko lang. Tumingin na lang ako rito sa bintana sa gilid ko.
Superhero.
Hindi ko alam kung matatawa ako o malulungkot dahil narinig ko na naman ang salitang 'yon.
Ang childish pakinggan, sa totoo lang. Sino nga ba kasing mag-aakalang ang katulad ko—isang matapang, walang inuurungang babae ayon nga sa pinsan ko—ay minsan ding nangailangan ng superhero?
Si Baron ang naging superhero ko dati.
Nakilala ko kasi siya noong gabing inanunsiyo ng mga magulang ko na ipapa-arranged marriage ako kay Allen Fajardo, ang asawa ng pinsan ko ngayon.
Sobrang sama ng loob ko that time. Tandang-tanda ko pa, nagwala ako sa gitna ng hapag-kainan. Nawala ako sa sarili at parang nawalan ako bigla ng pinag-aralan. Hindi ko na naisip na naroon ang pamilya ko, ang pamilya ni Vannie, at ni Allen.
Sa unang pagkakataon, namura ko pa ang mama ko. Sobrang bigat na kasi no'n. Pakiramdam ko wala nang nangyaring tama sa buhay ko. Galit na galit sila sa 'kin, at galit na galit din ako sa kanila dahil hindi na nila ako hinayaang maging masaya. Puro na lang gusto nila ang nasusunod.
Sila ang dahilan kung bakit nagkahiwalay kami ni Levi.
Pinilit pa nila akong aralin ang kurso na hindi ko naman gusto. Ayokong mag-aral ng tungkol sa business, pero ayaw nilang makinig sa 'kin. Ang gusto kong kunin, photography, dahil 'yon ang hilig ko. Kaso, kung anu-ano na ang sinabi nila—na wala naman daw akong mapapala sa pagkuha-kuha ng mga litrato. Pang mga walang magawa lang daw 'yon sa buhay. Sobrang layo na ng loob ko sa kanila.
Tapos pilit pa nila akong ipinapakasal sa isa sa mga lalaking kinamumuhian ako. Gusto ko nang isumpa ang buhay ko noon. Ilang beses akong nag-planong magpakamatay, ilang beses kong itinanong sa sarili ko kung bakit pa ako nabuhay kung ganoon lang din naman ang mga mararanasan ko. Bakit sa dinami-raming pamilya, bakit sa mga Perez pa ako nabilang.
Simula nang iwan ako ni Levi, nagkanda-leche leche na. Wala nang magandang nangyari sa 'kin. Sirang-sira ang buhay ko.
Noong gabing 'yon na nagkaaway away kaming pamilya, nag-alsa balutan na ako. Grabe ang hagulgol ko no'n dahil hindi man lang talaga nila ako pinigilan sa pag-alis. I felt like I was the black sheep of the family, at si Jerome lang ang tanging magaling para sa kanila.
Si Vannie nga lang ang humabol sa akin, pero hindi rin naman ako nagpapigil. Sa kamamadali kong makalayo sa village namin, nakabangga ko si Baron.
Unang beses ko lang siyang nakita sa lugar namin, at alam kong dayo lang siya. Tarantang-taranta siya dahil umiiyak ako, tapos may bitbit pa akong malaking bag. Ang akala niya pinalayas ako, pero ang hindi niya alam, ako mismo ang nag-layas.
Simula noon, siya na ang naging kasa-kasama ko. Nagkasundo kami agad, hindi ko nga alam kung bakit, knowing na sinusumpa ko talaga ang mga lalaki. Naisip ko na lang siguro dahil parehas kaming may pagka-rebelde.
Isinama niya ako sa probinsiya nila. Ilang linggo rin akong nanatili roon kasama ang mama niya.
Naging kasangga ko siya sa lahat. Alam niya ang buong kwento ko. Alam niyang nagka-affair ako sa high school teacher ko, pero hindi nag-iba ang tingin niya sa 'kin. Tinulungan niya pa akong makalimot. At dahil sa kata-tabla niya sa 'kin noon, well hanggang ngayon, mas naging matapang ako at palaban. Ang dami kong natutunan sa kanya.
Siya rin nga ang tumulong sa 'kin para makalipad papuntang Paris. Marami kasi siyang koneksyon. Pagkatapos, hindi na ulit kami nagkita. Noong bumalik na lang ulit ako ng Pilipinas at um-attend sa isang tattoo event. Tuwang-tuwa ako dahil nakita ko ulit siya, ang isa sa mga pinaka-totoong taong nakilala ko.
Sakto pang wala pa akong stable na tinitirhan noon. Inalok niya ako sa apartment na tinitirhan niya dahil may bakante pa raw na unit. Kaya kami naging magkapit-bahay.
Si Baron ang isa sa mga taong pinagkakatiwalaan ko. For me, he's my best friend. Kahit na kailan, hindi ako nagka-gusto sa kanya. I want him to stay as my best friend. Nothing more.
Hindi ko kayang suklian ang pagkagusto niya sa 'kin dahil nakalimutan ko na kung paano magmahal. Masasaktan ko lang siya. Masisira pa ang pagkakaibigan namin—at 'yon ang ayaw kong mangyari. Kung gusto niya, ako na lang ang maghahanap ng matinong babae para sa kanya. Wag lang talaga ako. Hindi kami bagay.
Kaya ngayon, hindi ako nagtataka kung bakit ganito na lang siya ka-apektado matapos malaman na nandito na ulit si Levi at gusto pang makipag-usap sa 'kin.
Alam na alam niya kasi ang pinagdaanan ko noon. Alam niya kung anong klaseng galit at sama ng loob ang tinanim ko sa puso ko dahil kay Levi at sa pamilya ko.
Wala yatang gabi noon na hindi ako umiyak. Alam kong rinding-rindi na siya sa 'kin, pero hindi niya pa rin ako iniwan. Ako pa nga ang nang-iwan sa kanya dahil nag-desisyon akong umalis ng bansa para buohin ang sarili ko. Napakalaki ng naitulong sa 'kin ni Baron.
##
BUONG BYAHE KAMING hindi nag-usap ni Baron.
Hindi kasi siya nagsasalita, e 'di hindi na rin ako nagsalita. Pagod din naman kasi ako sa nangyari kanina sa kasal.
Pagkaparada niya ng kotse sa tapat ng apartment building, ako na ang naunang bumaba. Mukha naman kasing mainit pa rin ang ulo niya, ayokong manuyo. Hindi ko forte 'yon. Bahala siya riyan. Mapapagod din siya sa ginagawa niyang hindi pagkibo-kibo sa 'kin.
Dumeretso ako papunta sa elevator. Hinintay ko siyang makasakay sa loob bago ko pinindot ang close button at floor number.
Sinilip ko siya. Ang sama ng tingin niya sa pinto ng elevator. Grabe naman, hanggang ngayon, badtrip pa rin siya. Samantalang ako, medyo nahimasmasan na dahil sa haba ng byahe namin.
I cleared my throat to finally get his attention. "Nagugutom ako. Kain tayo sa labas? Babayaran pa kita ng gusto mong pizza, 'di ba?"
Sinilip niya ako, pero hindi siya nagsalita. Hinintay niya munang bumukas 'tong elevator at makalabas kami bago niya ako sinagot. "Binibiro lang kita kanina. May pagkain pa ako sa ref. Sumunod ka na lang sa 'kin sa unit ko kung gusto mo."
'Yon lang, tapos nagdere-deretso na siya papunta sa kwarto niya.
Napakalabo.
Pumasok naman na rin muna ako sa unit ko. Nilagay ko ang mga gamit ko sa sahig sabay sumalampak ng upo sa couch. Ibang klase ang pagod ko ngayong araw!
Magpapahinga muna siguro ako saglit bago ako magpalit ng damit at puntahan si Baron. Chineck ko muna ang cellphone ko. Ngayon ko pa lang ulit masisilip dahil nailagay ko nga pala sa bag na nasa likod ng kotse.
Pagkakuha ko, ang daming missed calls ni Raquel! Diyos ko naman, wag niyang sabihing nagkaproblema na naman sila ro'n?
May dalawa pa siyang text messages sa 'kin. Binuksan ko 'yong pinakaunang dumating.
| Lei, nasa'n ka na? May problema tayo. Si Mr. Levi ayaw na namang buohin 'yong bayad. Gusto niyang makipagkita ka muna sa kanya. Sa 'yo niya raw mismo iaabot ang cheke. Ano bang gagawin ko rito? |
Pinigilan kong mag-react kaagad kahit na nag-uumpisa na namang kumulo 'tong dugo ko. Binasa ko muna 'yong pangalawang message.
| Sis! Sorry, hindi ko talaga magawan ng paraan. Bukas na raw kayo magkita. Kapag hindi ka raw sumipot, wala tayong bayad. |
• • •
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro