Kabanata 35
##########
KABANATA 35
Unaccomplished
"SAM..." MAHINANG banggit ko.
Maging ako ay natigilan at naawa sa itsura niya ngayon. Kung ano ang itsura niya noong nakita namin siya sa ilusyon ni Valentina ay ganoon na ganoon din ang itsura niya ngayon.
Hindi ko akalain na...buhay siya.
Napatingin ako kay Azriel at sa hindi malamang dahilan, biglang nanikip ang dibdib ko ng makita kong namumuo ang luha sa kaniyang mga mata.
Muli kong tiningnan si Sam at kalahati ng talukap ng mga mata niya ay nakamulat, animo'y nahihirapan siya sa lagay niya. Tipid siyang ngumiti ng makita si Azriel at dahan-dahang gumapang papalapit sa'min saka hinawakan ang rehas.
"A...Azr...Azriel," Nahihirapang sambit ng dalaga. Agad akong natauhan at lumuhod upang abutin siya. Mahina na ang pulso niya dahil sa dami ng dugong nawala sakanya. Kapag hindi siya naagapan ngayon ay maaari niyang ikamatay ito.
"I-isa akong healer. Pagagalingin kita," Mabilis na sabi ko dito at napatingin kay Azriel na hanggang ngayon ay tulala pa rin. Kumunot ang noo ko at tinawag siya sa kanyang pangalan pero nakatulala lamang siya. Hindi ko na lamang siya pinansin at binigyan ng pangunang lunas si Sam.
Masyadong madami ang sugat na kaniyang natamo at para ba akong nahihilo at nawawalan ng enerhiya dahil sa paggamit ko masyado ng aking kakayahan. Nagulat na lamang ako at mabilis na napalayo ng tumunog ng malakas ang kadena ng rehas! May hawak na ngayon si Azriel ng isang palasol na gawa sa yelo at ginagamit niya ito upang masira ang kadena. Nagdudulot tuloy ito ng malakas na tunog kaya naman kinakabahan ako dahil baka mahuli kami.
"Azriel, ano bang ginagawa mo? Maririnig tayo ng mga kawal," Madiing bulong ko sakanya. Sa pagkakataong ito ay naiinis na ako. "Mahuhuli tayo nito—ah!" Napatakip ako sa aking tenga at napangiwi dahil isang malakas na tunog at pagkalansing na naman ng kadena ang pinakawalan niya.
Hindi ako makalapit sakanya dahil mukhang desidido siyang sirain ang kadena. Napatitig ako kay Azriel at nakita ang galit sa kaniyang mga mata. Anong nangyayari sa'yo...Azriel? Bakit parang bigla nalang siya nawala sa kanyang sarili?
"Azriel itigil mo 'yan—!" Muli akong napatakip sa aking mga tenga at napalayo ng hampasin niya ulit ito.
"May kalaban!"
"Sino 'yan?!"
"May nakapasok na kalaban!"
Nanlaki ang mga mata ko at biglang nakaramdam ng kaba. Walang alinlangan kong hinila si Azriel palayo sa dungeon, nagpupumiglas pa siya pero wala siyang nagawa dahil alam niyang parating na ang mga kawal ng Alkirvia. Doon kami nagtago sa isang pader sa madilim na sulok, mabuti na lamang at malapad ito kung kaya't di kami makikita.
"Nakatakas sila!" Sigaw nung isa. "Aha! Kung gan'on ay balak ka pala iligtas ng mga kasamahan mo!"
Napatingin ako kay Azriel na ngayon ay nakayuko, mukhang malalim ang iniisip. Hindi pa siguro magsink-in sa utak niya na buhay nga si Sam. Si Sam...na babaeng mahal niya.
"Nasaan ang mga kasama mo ha?! Sumagot ka!"
Kasabay noon ay narinig namin ang pagkalansing ng rehas kaya naman mariin akong napapikit at huminga ng malalim. Nagsimulang sumibol ang kaba sa dibdib ko dahil baka mahuli kami. Nang dahil sa ginawa ni Azriel ay mukhang hindi namin magagawa ng ayos ang plano.
"Eh mukhang mamamatay na ito, eh! Mabuti pang tuluyan ka na namin!"
Nanlaki ang mga mata ko ng biglang umalis si Azriel sa aming pinagtataguan at sinugod ang dalawang kawal ng Alkirvia. Napakamot ako sa aking ulo at walang ibang nagawa kun'di ang sumunod. Hinayaan kong si Azriel ang kumalaban sa dalawang kawal dahil kaya naman niya na 'yon kaya binuksan ko nalang ang selda ni Sam na binuksan kanina ng mga kawal ng balakin nila itong patayin.
Napansin ko na nabawasan ang mga sugat niya at medyo umaliwas na ang itsura niya, hindi katulad kanina na naliligo na siya sa sarili niyang dugo. Agad na binuhat ni Azriel si Sam matapos niyang talunin ang dalawang kawal ng walang kahirap-hirap. Napatulala ako saglit sa ginawa niya pero agad ding umiling. It's a matter of life and death, Astra.
"S-saan tayo pupunta?" Tanong ko sakanya, naghahabol pa ito ng hininga habang tinatahak namin ang daan palabas ng dungeon.
"We'll get her out of here," Aniya sa mabilis na tono. Tumigil ako sa paglalakad dahilan para mapalingon siya sa'kin na nagtataka.
"M-mauna ka na. Kailangan ko mahanap yung taong dahilan ng pagkawala ni Keya," Sabi ko at tumango sakanya.
"No, hindi kita iiwan dito," Umiiling na sagot niya. Ang bawat salitang sinasabi niya ay may halong diin. "Baka mapahamak ka—"
"Kaya ko sarili ko, Azriel," Pagpigil ko sa sinasabi niya at matapang siyang tiningnan ng deretso sa kaniyang mga mata. Nakita ko ang pagaalinlangan at pagaalala dito kaya naman nginitian ko siya at tiningnan si Sam na wala ng malay. "Mas kailangan ka niya. Mas kailangan mo siyang iligtas."
Pansin ko ang pag-igting ng kaniyang panga at muli siyang umiling, "Hindi kita iiwan. We can leave Sam to Echo, at sabay nating hahanapin—"
"Hindi tayo pwede magakasaya ng oras!" Sabi ko, at hindi ko na napigilan ang emosyon ko. "Nand'yan sila Cadell. Alam kong makikita ko sila. Pwede kang sumunod at h'wag kang magalala, sisiguraduhin kong ligtas ako."
Ilang segundo kami nagtitigan bago siya nagpakawala ng hininga. Nandoon pa rin ang pagaalinlangan sa kaniyang mga mata kaya naman tipid ko siyang nginitian, at ako na ang kusang umalis. Hindi ko alam kung bakit bumibigat ang dibdib ko sa bawat hakbang na ginagawa ko palayo sakanya.
Nang ilang metro na ang layo ko sakanya ay nilingon ko siya at nakitang tumatakbo na siya palayo habang buhat pa rin si Sam. Napabuntong-hininga nalang ako bago nagpatuloy.
Pagkatapos nito ay babalik na sa dati ang lahat, Astra. Wala ng missions, wala ng adventures, wala ng Elementalists, at mas lalong wala ng Azriel. Lahat ay babalik sa dati kung saan simple lamang kaming namumuhay ni Keya sa Vershia.
Ilang sandali pa ay napatigil ako at pinagmasdan ang buong kaharian. Madilim at itim ang mga disenyo nito. Hindi na masyado nalilinis kung kaya't maalikabok na rin at maraming mga supot, di kagaya ng Ezea. Muli akong nagtago sa likod ng mga pader ng marinig ko ang mga yabag ng ilan sa mga tumatakbong Alkirvia. Lahat ng mga ito ay nakasuot ng cloak na kulay itim at may mga hawak silang sandata. Batid kong nagkakaroon na ng kaguluhan dahil nalaman na nila na nakapasok kami sa kanilang lugar. Ang hindi ko lang alam ay kung bakit wala masyadong tao dito sa Alkirvia.
Nang isa nalang na kawal ang padaan at akmang lalagpasan ang pader na pinagtataguan ko ay agad ko siyang hinila at walang alinlangan kong hiniwa ang kaniyang leeg gamit ang aking dagger. Tumalsik pa ang dugo niya sa'kin dahil sa pagsirit nito na agad ko namang pinunasan.
Kinuha ko ang kaniyang itim na cloak at sinuot ito, pati ang kaniyang mask na kalahati ng mukha ang natatakpan ay kinuha ko rin. Upang mas maging ligtas ako ay magpapanggap ako na isang Alkirvia para mapadali ang paghahanap ko sa walanghiyang soul eater na iyon.
Huminga muna ako ng malalim bago tuluyang umalis doon. Malapit na Keya...malapit na. Dahan-dahan ang bawat hakbang ko dahil kailangan kong mag-ingat. Mahirap ng mahuli ako, hindi ko naman gugustuhin na magaya kay Sam na naging bihag nila.
Pagkapunta ko sa main hall ay wala pa ring mga tao. Nakita ko sa harapan ang isang malaking hagdan na mayroong black carpet. Bigla akong natulala sa hindi malamang dahilan. Bahagyang kumirot ang aking dibdib at hindi ko man lang namalayan na tumutulo na pala ang butil ng luha sa pisngi ko.
Nanlaki ang mga mata ko at agad itong pinunasan. Bakit...bakit ako umiiyak? Aish! Ano bang nangyayari sa'yo, Astra?!
Bago ako umakyat sa hagdan ay nakita ko ang isang uwak na nakapatong sa hawakan ng hagdan habang nakatingin sa'kin. Pula ang mga mata nito at di ko alam pero bigla akong nakaramdam ng panlalambot.
Iniwas ko nalang ang tingin ko dito at nagsimulang umakyat sa hagdan, doon ay nakita ko sa kaliwa ang isang pintuang nakauwang. Hindi ko alam pero parang may humihila sa'kin na pumunta doon at bago ko pa malaman, kusa ng naglalakad ang mga paa ko.
"I was expecting you to come here..."
Natigilan ako ng makita ko ang isang lalaki na nakaharap sa bintana. Unti-unti siyang humarap sa'kin kaya naman mabilis kong hinawakan ang aking dagger at itinutok ito sakanya.
"Kamusta ka na...Astra?"
Nanlaki ang mga mata ko sa pagkabigla. Paano niya nalaman ang pangalan ko? Sa pagkakatanda ko ay hindi pa naman kami nagkikita at mas lalong hindi ko siya kilala dahil isa siyang Alkirvia! Atsaka, nakasuot ako ng cloak at mask.
"S-sino ka? Paano mo nalaman ang pangalan ko?" Magkasalubong ang aking kilay ng tanungin ko iyon. Humakbang siya palapit dahilan para humakbang naman ako paatras.
Ang kaniyang magkabilang kamay ay nakalagay sa kaniyang likuran. Puros itim ang kaniyang suot, simbolo na iyon ng Alkirvia, at dahil doon ay nangingibabaw ang kaniyang kaputian at kagwapuhan. Kung hindi lamang siya isang Alkirvia ay baka naakit na ako sa inosente niyang mukha.
Napangisi siya sa tanong ko at bahagyang natawa na parang hindi siya makapaniwala, "Nakalimutan mo na ba ako? Nakakalungkot naman."
"Ano bang sinasabi mo? Hindi kita kilala!" Diin ko at sinamaan siya ng tingin. "N'andito ako para iligtas ang kaibigan ko ng dahil sa kagagawan niyo!"
Mas lalo siyang natawa sa sinabi ko kaya medyo naiinis na ako. Lukot na ang noo ko at halos tapunan ko na siya ng madaming dagger sa talas ng tingin ko.
"Iligtas? Sinong kaibigan ba ang tinutukoy mo? As far as I know, wala naman kaming ibang bihag except for that girl...Sam, right?" Muli siyang ngumisi. Mukhang hilig niyo iyon dahil halatang mahilig siya mangasar gamit ang ekspresyon niya.
"Sino ka ba?" Mariin kong tanong ulit. "Ikaw ba ang...Prinsipe?" Nanlaki ang mga mata ko sa aking sinabi. Ngayon ko lamang na-realize na mayroon palang Prinsipe dito sa Alkirvia at hindi malabong siya 'yon! Idagdag mo pa na naiiba ang suot niya sa ibang kawal ng Alkirvia.
Muli siyang tumawa at hindi ko na talaga gusto ang tawang iyon! Pagkatapos ay sumeryoso ang mukha niya at humakbang ulit papalapit sa'kin, ako naman ay umatras at inaaral ang kanyang kilos.
"Imposible..." Aniya sa mababang tono. "H'wag ka ng magmaang-maangan pa d'yan, alam kong kilala mo ako!" Sigaw niya dahilan para magulat ako. Nanlalaki ang mga mata niya na para bang hindi siya makapaniwala. Mas natigilan ako ng mapansin ang pangingilid ng luha sa kanyang mga mata.
"H-hindi ko alam ang sinasabi mo," Umiiling na sagot ko. "Hindi kita kilala! Wala akong kilala na isang Alkirvia!"
Nag-igting ang kanyang panga at nagulat na lamang ako ng biglang hinagis niya sa'kin ang side tabe na nasa tabi niya gamit lamang ang isang kamay! Isang kamay! Nagawa niyang buhatin iyon ng isang kamay. Nakaiwas naman ako pero nadali ako pa rin ako sa braso dahil sa pagkabigla. Hindi ko inaasahan 'yon.
Kung ganoon...nagtataglay siya ng super strength at...
'Kinwento ni Sir. Etienne ang nangyari. Ang kumuha ng Crux Pendant at Magic Mirror ay hindi isang Alkirvia ngunit kasabwat siya ng mga ito. It was a guy who possessed the ability of strength. Si Azriel ang humarap dito habang si Paige ay sinundan yung isa, which is yung nahuli nila. Natalo si Azriel kaya nakatakas yung lalaki.'
...at siya ang nakalaban ni Azriel dati! Siya yung isa sa mga Alkirvia na palihim na pumasok sa Ezea High! Kung hindi siya nagawang talunin ni Azriel, paano pa kaya ako na isang hamak na healer lamang?!
"What? What's with the scared eyes?" Nakangising aniya. Napadpad naman ang aking mga mata sa uwak na dumapo sa kaniyang balikat. Ito iyong uwak na nakita ko kanina.
"Ikaw...ikaw 'yung kumuha ng crux pendant!" Bulalas ko sa gulat. Kaharap ko ngayon ang lalaking nakalaban ni Azriel at hindi malabong kitilin niya ang buhay ko.
Saglit siyang nakatitig sa'kin bago muling ngumisi. Nanlaki ang mga mata ko ilabas niya ang aming pakay sa misyong ito...ang crux pendant. Unti-unting nawala ang ngising iyon at ilang sandali pa ay walang alinlangan siyang sumugod sa'kin, bagay na ikinagulat ko.
Mabilis akong tumakbo palabas ng kwartong iyon at sinubukang tumkas. Hinabol naman niya ako. Gusto kong hanapin sila Echo dahil nasa lalaking ito ang kanilang hinahanap, at hindi ko iyon makukuha ng ako lang magisa.
Imbis na kasama ko ngayon si Azriel sa paghahanap sa Alkirvia na kumuha kay Keya...heto ako at nakikipagsapalaran sa lalaking kumuha ng crux pendant...na dapat ay si Cadell, Fauna at Paige ang kaharap. Anong gagawin ko? Saan ko sila hahanapin?
Tahimik ang hallway ng Alkirvia sa hindi malamang dahilan. Nakita ko ang lalaking nagtataglay ng super strength na sa tingin ko ay ang namumuno at ang Prinsipe ng buong Alkirvia. Nakatingin lamang siya sa'kin na para bang wala lang habang ako ay nasa ibaba, at siya ay nasa itaas ng hagdan.
Unti-unti siyang humakbang pababa habang ang kaniyang dalawang kamay ay nasa likod pa rin at ang uwak na nasa balikat niya kanina ay nawala na. "You've got nowhere to go dahil hindi mo saulo ang pasikot-sikot dito," Aniya sa seryosong tono. "Kung ako sa'yo, sumuko ka nalang, dahil hindi ka makakatakas sa'kin."
Hinihintay ko ang signal ni Dara pero wala. At wala rin akong marinig na kaguluhan o kahit ingay man lang na nangyayari. Hindi ko alam ang nangyayari sakanila...Azriel, nasaan na kayo?
=====
[THIRD PERSON's POV]
DAHIL SA pagmamadali ay mabilis na nakarating si Azriel sa pwesto nila Echo at Dara ng ganoon kadali. Napalingon sakanya ang dalawa ng marinig nila ang yabag mula sa likuran at naging alerto, ngunit natigilan sila ng makitang si Azriel lang pala ito habang buhat niya si Sam.
Sasalubungin sana siya ni Echo ngunit agad natigilan ang dalaga at napatulala sa taong buhat-buhat ni Azriel na noong una ay akala niya si Astra. Naging malinaw sakanya ang itsura ng babae at ito ang kaniyang dating kaibigan...si Sam.
"A-anong..." Tulalang aniya at nagsimulang mangilid ang luha, habang si Dara naman ay nakakunot ang noo at nagtataka sa nangyayari.
"Sino 'yan? 'Asan si Astra?" Tanong nito ngunit ni isa ay walang sumagot sakanya. Napabuntong-hininga na lamang si Azriel at inilapag si Sam sa lupa.
"Echo, take care of her. Kailangan kong makabalik sa loob—" Naputol ang sasabihin ni Azriel ng marinig niya ang mga yabag mula sa kaniyang likuran at mga boses ng kaniyang kaibigan. Nanlaki ang mga mata niya ng makitang narito na ngayon sina Cadell, Fauna at Paige na hinihingal pa.
"Boss! Mukhang nasira 'yung plano! Bago pa man kami makalibot sa buong kaharian ng tahimik bigla na lamang sumugod sa'min ang maraming kawal—" Biglang natigilan si Cadell ng makita kung sino ang taong nasa likod ni Azriel. Maging si Fauna at Paige ay natulala at hindi makapaniwala na ang kanilang kaibigan na isang taon ng patay...ay nasa harapan nila ngayon at mahimbing na natutulog.
"S-si Sam ba iyan?!" Gulat na sambit ni Cadell habang turo-turo ang walang malay na dalaga.
Ilang sandali pa ay nagulat sila ng makita ang mga paparating na kawal. Agad silang naghanda at pinosisyon ang mga sarili. Halos lumuwa ang mga mata ni Dara ng makita ang halos nasa sampung Alkirvia ang biglang pumalibot sakanila at tinutukan sila ng sandata.
Noong mga oras na iyon ay pumasok si Astra sa isipan ni Azriel, at ngayon ay sinisimulan siyang atakihin ng kaba habang pinapanalangin na sana ayos lang ang dalaga.
=====
SA KABILANG banda ay naroon si Astra habang tumatakbo at hinahanap ang daan palabas ng kastilyo. Hindi niya alam ang nangyayari at pakiramdam niya nagiisa siya gayong ni isang sa Elemenals ay di niya mamataan.
"Hanggang kailan ka magtatago?!" Sigaw ng lalaking kanina pa humahabol sakanya. Agad na kumunot ang noo ni Astra at walang alinlangan na pinasok ang pinto na nasa likod lamang niya pero bago pa man niya maisar ito ay naabutan na siya ng lalaki at sinamaan siya ng tingin.
Napahawak si Astra sa kaniyang dagger at napaatras.
"Hanggang kailan ka magtatago?" Ulit ng lalaki sa mahinahon na tono, ngunit mababakas dito ang tono ng isang taong nawawalan ng pag-asa. "Hanggang ngayon pa ba...hindi mo matanggap?!"
Naningkit ang mga mata ni Astra, "Hindi kita kilala at mas lalong hindi ko alam ang sinasabi mo!" Tugon niya habang patuloy pa rin na umaatras, ngunit nagulat siya ng mahawakan ang isang malapad na semento sa kaniyang likuran.
Nilingon niya ang bagay na humarang sakanya at mas lalong namilog ang kaniyang mga mata ng makita na isa itong....kabaong. Kabaong na gawa sa semento.
"Ako si Cyrus."
Habang gulat pa rin ay unti-unting napabalik ang tingin ni Astra sa lalaking nasa harapan niya na nagpakilala bilang si...Cyrus. Noong mga oras na iyon ay hindi maipaliwanag ni Astra ang kaniyang nararamdaman. Pakiramdam niya ay pamilyar sakanya ang pangalang iyon na sa tingin niya ay sobrang malapit sakanya.
"...at narito ako para patayin ka," Patuloy nito at mabilis na sinugod si Astra. Mabuti na lamang at mabilis ang kaniyang reflex at nakailag agad siya. Umikot siya sa kabilang side ng kabaong habang hindi pa rin mag sink in sakanya ang nararamdaman.
Nakita niyang may lumabas na isang malaki at matulis na axe sa kamay ni Cyrus na batid niyang isang weapon accessory. May mga nakaukit sa gilid nito na hindi pamilyar na lenggwahe. Ang weapon accessory ay ang sariling weapon ng mga users ngunit ang ipinagtataka niya ay kung bakit mayroon nito si Cyrus gayong mga Ezean lamang ang nabibiyayaan ng mga ganitong klaseng weapon.
Bago pa makapagsalita si Astra ay nagulat siya ng iniwasiwas ni Cyrus ang weapon accessory papunta sakanya. Mabilis ulit siyang umilag habang hindi pa rin matigil ang kaba sa kaniyang dibdib. Sa bawat atake sakanya ni Cyrus ay panay iwas lamang siya, kung minsan naman ay bumabawi siya ng sipa dito ngunit sadyang malakas ang binata.
Si Cyrus naman ang bumawi ng sipa dito ngunit sa pagkakataong iyon ay hindi na nagawa pang umilag ni Astra kaya naman natamaan siya sa kaniyang sikmura at matumba. Bumakas ang dugo sa mask ba kaniyang suot dahil sa lumabas na dugo sa kaniyang bibig.
Kinwelyuhan siya ni Cyrus kasabay ng paglaglag ng kaniyang mask. Tumambad sa binata ang mukha ni Astra na naghahabol ng hiningi habang ang labi nito ay nagdurugo. Balak niya na sana itong kitilan ng buhay ng bigla siyang matigilan matapos mapagmasdan ang maamong mukha ng dalaga.
Kumunot ang noo ni Astra ng mapansing nakatulala lamang sakanya si Cyrus. Hindi siya nagsayang ng pagkakataon at inabot niya ang isang jar na nahablot niya lang sa kawalan at binasag sa ulo ng binata.
"Ahh!" Mabilis na napalayo si Cyrus at napahawak sa kanyang ulo dahil sa sakit.
Pero doon nalang nanlaki pareho ang mga mata ng binata na imbis siya ang namimilipit sa sakit ay nakita niya si Astra, nakahawak sa kaniyang ulo habang mangiyak-ngiyak na sumisigaw sa kawalan.
At mas lalong nanlaki ang mga mata niya ng makita ang isang itim na usok ang lumabas mula sa katawan nito.
**********
Don't forget to leave a VOTE and a COMMENT. It will be much appreciated showing your support.
Lovelots, Ezeans!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro