Epilogue
AGAD na napabalingkwas si Mariel mula sa pagkakatulog nang umugong ang kalangitan dahil sa malakas na kulog. Sumabay naman ang matalim na kidlat, at malakas na hangin. Napatingin naman siya sa bintana, nakabukas pala ito kaya bumugso sa loob ng kaniyang kuwarto ang mabagsik na ihip ng hangin.
Hindi maawat ang mabilis na pagkabog ng kaniyang puso, at kahit pa humahaplos sa kaniynag balat ang malamig na ihip ng hangin, tumatagaktak pa rin ang kaniyang malalamig na pawis mula sa gilid ng kaniyang noo.
Mabibigat ang kaniyang paghinga, at napahawak din siya sa kaniyang ulo. Sa bawat pagdagundong ng kalangitan dahil sa malakas na kulog ay napapapikit siya. Tila naririnig niya kasi ang mga palahaw ng kaniyang mga kaklse sa tuwing kumukulog.
"Tama na... tama na..." paulit-ulit na bigkas niya kasabay ng pagpatak ng kaniyang mga luha.
Palagi na lamang siyang gan'on: hirap sa pagtulog, walang ganang kumain, palaging tahimik, at madalas din siyang napapahawak sa kaniyang ulo dahil tila naririnig niya ang sigaw ng kaniyang mga kaklase.
Isang linggo na simula noong tagumpay siyang nakaalis sa mala-impyernong mansion, subalit para sa kanya, parang kahapon lang lahat ng mga madugong nagandap. Palagi niya ring napapanaginipan ang mga eksena sa mansion; paulit-ulit niya ring napapanagipan 'yong mga eksena kung saan kitang-kita ng kaniyang mga mata kung paano namatay sina Eliana, Joanne, at Geam.
Luksang-luksa siya dahil hindi man lang niya nakasama sa kaniyang pag-uwi ang kaniyang mga kaklase, lalo na ang tatlo niyang kaibigan. Kahit pa nagawa siyang iligtas ni Geam, hirap pa rin niyang tanggapin na ang kaniyang kaibigan pala ang tao sa likod ng malagim na patayan.
Kung nabuhay lamang si Erica, siguradong kakantsawan siya nito. Paulit-ulit niya kasing iginiit noon na isa sa kaniyang mga kaibigan ang killer.
Pagkauwi nga nila Mariel ay kalat na kalat na kaagad sa buong bansa ang tungkol sa patayang nangyari. Saanmang panig ng Pilipinas ay nakarating na ang balita. Kumalat na nga rin sa mga social media platforms, telebisyon, radyo, at mga diyaryo.
Luksang-luksa rin ang mga kaanak ng mga namatay, pati na rin 'yong mga guro sa dating eskuwelahan nina Mariel. Hindi nga sila makapaniwala na mangyayari iyon sa dati nilang mga estudyante, pati na rin kina Sir Joe at Ma'am Gen.
Gusto man nilang ipakulong si Geam, subalit hindi nila magawa dahil patay na siya. Dahil doon ay muli na namang naungkat ang insidente ng pambubully noon kay Geam. Nalaman na rin ng lahat na si Ma'am Kate ang may pakana roon.
Dahil doon ay naging patong-patong ang kaso ng guro; nakasuhan din kasi siya ng murder dahil siya ang pumatay kina Carl, Geam, at Lucia. Nasentensyahan din siya ng Reclusion Perpetua o ang panghabang buhay na pagkakakulong. Nabaling din sa kanya ang galit ng mga magulang ng mga estudyanteng namatay.
Nalaman na rin ng mga magulang ni Ced ang totoong nangyari sa kaniyang pagkawala. Gusto rin man nilang komprontahin si Geam, subalit huli na rin ang lahat.
Nailibing na rin ang mga namatay na kaklase ni Mariel, subalit hindi siya dumalo. Pati nga sa libing nina Eliana, Joanne, at Geam ay hindi siya nakapunta.
Mayamaya pa ay marahas niyang pinunasan ang kaniyang mga luha, at dahan-dahan siyang tumayo mula sa kaniyang kama. Isinara niya ang bintana ng kaniyang kuwarto at hinila ang metal trash can sa gilid na walang laman.
Napalinga siya sa paligid, at hinanap ang portait niyang iginuhit ni Carl. Isa pa si Carl, hindi niya akalaing makikipagtulungan siya kay Geam. Ang kaklase niyang tila walang kalaban-laban at talunan noon ay magagawa palang makiisa sa isang mamamatay tao.
Lumapit siya sa drawer na nasa tabi ng kaniyang kama, binuksan ang mga drawers doon, at kinalkal upang makita ang mga laman n'on. Doon ay naagpuan niya ang portrait niya. Pagkakuha niya n'on ay nakita niya rin ang invitation ni Geam.
Napatayo siya at napadako ang tingin sa lighter na nakalapag sa ibabaw ng drawer. Kinuha niya iyon at unang sinilaban ang kaniyang portait. Unti-unting nilamon ng apoy ang portait kaya inilaglag niya na iyon sa metal trash can. Sunod niya namang sinunog ang invitation.
Sa paglamon ng apoy sa mga iyon ay muli niyang naalala noong isinunog nila ang mga kalansay at rebulto. Napakagat siya sa kaniyang labi, at naikuyom niya ang kaniyang mga kamao.
Noong mga sumunod pang mga araw ay walang pinagbago si Mariel. Wala pa rin siyang ganang kumain at maya't maya ang kaniyang pagsigaw. Parati rin siyang dinadalaw nina Ced at Leianne, subalit wala pa rin siyang pinagbago.
Mabuti ay nakaligtas si Ced. Simula noong nagre-recover siya sa ospital ay hindi bumisita si Mariel kahit minsan. Palagi kasi siyang nakakulong sa kanyang kuwarto at hindi lumalabas. Sina Leianne at Ced na tuloy ang bumibisita sa kaniya pagktapos nilang maka-recover.
Ang dating matapang at matatag na Mariel ay tuluyang bumagsak. Maging ang matapang niyang mukha ay naging maputla at kaawa-awa. Sa katunayan ay malaki ang ibinaba ng kaniyang timbang.
Ibinaling ni Mariel ang kaniyang tingin sa pinto ng kaniyang kuwarto nang marinig niya ang pagkatok doon.
"Anak, mag-ayos ka dahil may pupuntahan tayo. Kasama natin sina Ced at Leianne." Boses iyon na nagmumula sa kaniyang daddy.
"O-Opo..." matipid na tugon niya.
Nagpalit na lamang siya ng damit. Suot niya ang simpleng kulay abong jacket na tinernohan niya ng kulay puting pantalon. Sinuklay niya lamang ang kaniyang buhok, at naglagay na ng pulbo.
Pagkalabas niya sa kaniyang kuwarto ay dumiretso na siya sa sala. Nadatnan niya roon sina Ced at Leianne na suot ang kanilang malawak na ngiti. Gumanti naman siya ng ngiti, subalit ang mga ngiti niya ay matamlay pa rin.
Napagdesisyunan pala ng kaniyang daddy na dalihinin sila sa psychiatrist dahil sigurado siyang malaking trauma ang dinanas nila—lalo na si Mariel dahil sa inaasal niya.
Dinala niya sila sa sa psychiatrist para sa mental care assistance. Doon ay nalaman nilang nagkaroon ng PTSD sina Mariel, Ced, at Leianne, subalit mas malala nga lang kay Mariel.
Sumailalim sila sa labing-dalawang linggong psychotherapy. Nagkaroon din sila ng counseling at medication. Unti-unti na mang sumisigla si Mariel habang tumatagal, at bumabalik na rin ang dati niyang tapang.
Nakakangiti na rin siya nang matamis at hindi pilit, at nagagawa niya na ring makisalamuha sa labas nang matagal. Madalang na rin ang pagkukulong niya sa kaniyang kuwarto, at hindi na rin siya napapatulala.
Para sa kanyang ama, ayos na sa kaniyang makita ang kaniyang anak na bumabalik sa kaniyang dating katigasan, kaysa sa makita siyang wala ng buhay o laging nakatulalang tila nasisiraan na ng bait.
Makalipas ang isang taon...
DALA ni Mariel ang dalawang boquet ng puting rosas habang naglalakad. Dinig na dinig ang paggasgas ng kaniyang sandals sa damuhan habang papalapit siya sa magkatabing puntod nina Joanne at Eliana.
Pagkarating niya sa tapat ng puntod nila ay inilapag niya ang isang boquet sa puntod ni Eliana, at ang isang boquet naman ay sa puntod ni Joanne.
Hindi niya maiwasang malungkot dahil hindi niya na ulit makakasama pa ang dalawa. Hinding-hindi niya makakalimutan ang tunay na pagmamahal sa kaniya ng dalawa. Kung alam niya lang na gan'on pala ang mangyayari sa kaniya, sana ay nilubos-lubos niua nang makasama sila. Ngayon ay huli na ang lahat.
Nagi-guilty tuloy siya dahil silang dalawa pa ang pinagsuspetsahan niyang pumapatay noon.
"Wala na, ako na lang talaga ang natitirang maganda sa atin. Pare-pareho na kayong naaaganas, eh.," wika ni Mariel na natawa pa sa kaniyang sinabi. "Ah, oo nga pala, si Leianne pa pala. Maganda rin naman siya pero mas maganda talaga ako," dagdag pa niya.
Napangisi na lamang siya habang hinahaplos ang puntod ng dalawa. Sinariwa niya na lamang ang lahat ng mga magagandang alaala kasama sila. Hindi niya naman maiwasang maisali sa kaniyang pagbabalik-tanaw si Geam. Si Geam na pinakamalapit sa puso niya.
Nagpaalam na siya sa dalawa. Lalakad na sana siya ngunit may naalala siyang gagawin niya. Kumuha siya ng isang puting rosas mula sa boquet na nalakapag sa ibabaw ng puntod ni Joanne at lumakad na papalayo.
Napatigil naman siya sa paglalakad nang kunin niya ang larawan na nasa loob ng dala niyang sling bag. Saglit siyang napatitig doon. Iyon ang picture nilang dalawa ni Geam noong completion rites nila noong Grade 10 sila.
Pareho silang nakasuot ng toga habang magkayakap. Parehas din silang nakangiti—ang mga ngiti pa ni Geam ay tila totoo at walang ibang itinatagong sama ng loob.
Puno ang panghihinayang ni Mariel habang nakaititig doon. Dahil kasi sa kinimkim na matinding poot, nasira ang kanilang pagkakaibigan; pagkakaibigan na hindi batid ni Mariel kung tunay nga ba. Basta para sa kaniya, tuna yang ipinaramdam niya noon kay Geam.
Dahil sa nag-aapoy na galit ay naging bangungot at impyerno ang dapat sana ay babauning magandang alaala. Napagtanto ni Mariel na hindi talaga solusyon ang paghihiganti. Dahil kasi sa kagustuhan ni Ma'am Kate na maghiganti, nadamay pati si Geam—naging miserable ang buhay niya. Dahil naman doon, nagawa ni Geam na maghiganti at piliing masira ang pagkakaibigan nila ni Mariel.
Nagpatuloy sa paglalakad si Mariel habang hawak niya ang larawan nila at ang isang puting rosas. Gusto niyang magtungo sa puntod ni Geam. Sigurado kasi siyang natatakpan na ng mga damo ang kaniyang puntod dahil walang nag-aalaga roon. Gusto niya ring ilagay roon ang rosas at kanilang larawan.
Nang makalapit na siya sa puntod ay kabaliktaran sa kaniyang inaasahan ang nadatnan niya. Malinis ang paligid ng puntod at may nakalapag doong maliit na basket na puno ng mga bulaklak.
Nadatnan niya ring may nakaupong lalaki sa tapat ng puntod habang sinisindihan ang kandilang nakatirik doon.
"Sino ka? Anong ginawa mo rito?" tanong niya. Hindi rin pamilyar sa kaniya ang lalaking iyon.
Napatingin naman sa kaniya ang lalaki at saka tumayo. Mas matangkad sa kaniya ang lalaking may matipunong pangangatawan. Salubong ang kaniyang dalawang makapal na kilay, subalit bakas sa kanyang mga mata ang kalungkutan.
Ngumisi muna ang lalaki saka sinabing, "Ako ba? Ako ang matagal nang kasintahan ni Geam."
Napaawang ang bibig ni Mariel sa nalaman niya. Hindi niya kasi alam na may kasintahan si Geam dahil wala naman siyang naikuwento noon. Subalit, mas napaawang ang kaniyang bibig sa sunod nitong sinabi.
"Narito ako para kay Geam. Nandito ako para tapusin ang sinimulan niya at ipaghiganti ang kamatayan niya!" Napahalakhak pa siya nang malakas at naglabas ng patalim.
Nabitawan ni Mariel ang bulaklak at larawan. Patuloy lamang siya sa pag-atras hanggang sa natumba siya sa damuhan. Kasabay naman no'n ay ang pagbagsak ng patalim ng lalaki sa damuhan.
"Pero hindi ko puwedeng gawin iyon..." Napahagulgol ang lalaki at napatingin sa puntod ni Geam. "Hindi ko na puwede pang dagdagan ang mga kasalanang nagawa niya. Kung hindi lang sana siya naghiganti, hindi sana siya aabot sa ganito."
Nawala lahat ng takot ni Mariel sa kaniya. Akala niya ay may makakalaban ulit siya—akala niya ay muli silang maibabalik sa bangungot.
"Puwede bang akin na lang ito?" tanong ng lalaki, at kinuha niya ang larawang nalaglag ni Mariel.
Pinunit niya iyon sa gitna at inilapag ang kabilang bahagi nito—ang parte kung saan makikita ang larawan ni Mariel—at inilapag sa puntod ni Geam. Ang kabilang bahagi naman kung saan naiwan ang mukha ni Geam ay hinaplos niya.
Lumakad na siya papalayo nang walang pasabi at iniwang mag-isa si Mariel sa harap ng puntod ni Geam. Humangin pa nang malakas kaya ang nakalapag na kabilang bahagi ng larawan ay tuluyang tinangay ng hangin kasabay ng pagtangay sa lahat ng mga masamang alaala...
WAKAS
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro