Chapter 40
HINDI maawat ang pagragasa ng mga luha ni Mariel dahil sa kaniyang nasaksihan. Kitang-kita ng dalawang mata niya kung paano tinapos ni Geam ang buhay nina Eliana at Joanne. Nang saksakin ni Geam ang dalawa niyang kaibigan kanina ay tila sinasaksak din ang puso niya.
Ngayon naman ay nasa harap niya ang bangkay ni Geam na nagawa siyang iligtas gamit ang huling saglit ng kaniyang buhay. Hindi niya akalaing gagawin iyon ng kaniyang kaibigan. Napadako naman ang kaniyang tingin kay Ced na nakabulagta rin malapit sa kaniyang tabi.
"M-Mariel... M-Mariel..." paulit-ulit na bulong ni Ced kahit pa nahihirapan na siyang magsalita. Halos ipikit niya na rin ang kaniyang mga mata, subalit nilalaban niya lamang dahil ayaw niyang maiwan si Mariel.
Agad na lumapit si Mariel kay Ced, at gamit ang kaniyang mga kamay ay tinakpan niya ang tama ng baril sa tiyan ni Ced para pigilan ang dugong tumatagas. Si Leianne naman ay gumapang palapit sa bangkay ni Geam habang dumadaloy ang luha sa kaniyang pisngi.
"Magpaalam na kayo sa isa't isa dahil isusunod ko na kayong dalawa," wika ni Ma'am Kate kaya muling napatingin si Mariel sa kanya nang matalim.
"Hindi ba s-sabi niyo tutulungan niyo kami?" tanong naman ni Leianne. Halos malunok na niya ang sarili niyang mga luha. "Sabi niyo pa, kaya niyo kami tinutulungan para maitama ang mga pagkakamali niyo."
Napahalakhak naman ang guro. "Gaya ni Geam ay naloko ko rin kayo. Akala niyo ba tutulungan ko talaga kayo?" Napailing-iling pa siya habang nakangisi. "Parte lahat ito ng plano ko."
Inalis ni Mariel ang mga kamay niya sa tiyan ni Ced at ikinuyom niya iyon. "Mas masahol ka pa kay Geam! Traydor ka!" bulyaw niya at akmang susuguring ang guro, subalit napatigil siya sa paghakbang nang itutok sa kaniya ang baril.
"Anong mas masahol ako? Ako ba ang nag-torture at pumatay sa mga kaklase mo? Si Geam naman 'di ba?"
Nanatali pa ring nakakuyom ang kaniyang mga kamao, subalit napaluhod na lamang siya sa lupa.
"Please... pakawalan mo kami. Kailangan nang madala kaagad ni Ced sa ospital!" pagmamakaawa ni Mariel. Kahit labag sa loob niya ay nagpapakababa na siya para lamang mailigtas si Ced, at para makasama pa niya ang kaniyang daddy.
Gano'n din ang ginawa ni Leianne; lumuhod din siya sa lupa at pinagdikit pa ang kaniyang mga palad para magmakaawa rin.
"Hindi puwedeng may mabuhay sa inyo dahil kailangan ay maibaon sa hukay ang sekreto ko," sambit naman ng guro at pinagkrus pa ang kaniyang mga braso.
Napakunot naman ang noo ni Mariel. "A-Anong ibig mong sabihin?"
"Dahil sa pagpatay ni Geam, ibinabaon niya rin ang katotohanang ako ang dahilan ng pagiging miserable ng buhay niya noon; ibinabaon niya rin ang katotohanang binayaran ko ang buong klase noon para gumawa ng krimen. Ang lahat-lahat ay ibinaon niya," pagsasalaysay ng guro. Pangisi-ngisi pa siya na tila ba tuwang-tuwa sa mga nangyayari.
"Kayong tatlo naman, tinulungan niyo akong pabagsakin ang lola ni Geam para hindi na nila maitayo pang muli ang satanismo," dagdag pa niya kaya napatayo na si Mariel.
Hindi niya na kayang luhuran pa ang gan'ong klaseng tao. Para sa kanya, mas masahol pa siya kay Geam. Siya rin ang puno't dulo ng mga naganap na patayan, kaya siya dapat ang sisihin sa mga nangyari.
"Kaya ba hindi mo ipinasabi kung sino ang salarin para mapatay kaming lahat na magkakaklase? Kaya ba hinayaan mong mamatay silang lahat?!" Dumagundong ang boses ni Mariel na puno ng poot.
Napapalakpak si Ma'am Kate sa sinabi ni Mariel. "Ang talino mo talaga! Tama ang hinuha mo!" Tawa pa siya nang tawa kahit na ang totoo ay wala namang nakakatawa. Mas lalo pa ngang nagngingit-ngit sa inis si Mariel.
"Demonyo ka talaga!" Sa pagkakataong iyon ay si Leianne na ang sumigaw.
Nanlaki ang mga mata ni Mariel sa mga sumunod na ginaw ni Leianne. Patakbo niyang sinugod si Ma'am Kate, at pilit na inaagaw ang baril. "Ikaw ang dapat mamatay at hindi kami!" bulyaw ni Leianne.
Nagbubuno silang dalawa at kapwa nahihirapan dahil pareho silang magaling sa martial arts. Napatakip na lamang si Mariel sa kaniyang bibig dahil naiisip niyang posibleng mangyari. Maaari kasing mabaril si Leianne, at kung mangyayari iyon ay isang mahal sa buhay niya na naman ang mawawala.
Narinig niya ang pag-ubo ni Ced sa gilid. Hindi niya alam kung sino ang lalapitan; kung si Ced ba na nag-aagaw buhay o si Leianne na gusto niyang tulungan dahil baka siya rin ang mabaril ng guro.
"Dad, nasaan na ba kayo?" wika ni Mariel sa kaniyang isip dahil umaasa siyang masasaklolohan sila ng ama niya roon.
Inaagaw na rin ng liwanag ang dilim dahil malapit nang sumikat ang araw. Nabuhay ang pag-asa sa puso ni Mariel dahil baka malapit na ang pagdating ng kaniyang daddy.
Napatigil sina Ma'am Kate at Leianne sa pag-aagawan ng baril nang marinig nilang tila may papalapag na helicopter mula sa 'di kalayuan. Napalinga naman si Mariel sa paligid upang hanapin kung saan iyon nanggagaling.
Napamura na lamang ang guro nang mapagtanto niyang baka sasaklolo iyon kina Mariel. Kaya naman ay nagpatuloy siya sa pakikipag-agawan ng baril kay Leianne. Mayamaya pa ay tumahimik na ang paligid.
"DAD!!! NANDITO KAMI! TULUNGAN NIYO KAMI RITO!" sigaw ni Mariel. Paulit-ulit niyang sigaw para lang marinig siya.
Halos mabuwal siya sa kaniyang kinatatayuan nang makita niya sa 'di kalayuan ang kaniyang daddy na tumatakbo papalapit sa kaniya. May mga kasama rin siyang mga pulis. Inayos nila ang kanilang puwesto at tinutukan ng baril sina Leianne at Ma'am Kate na nag-aagawan pa rin.
"Mariel!" sigaw ng kaniyang daddy kaya mas lalong rumagasa ang kaniyang mga luha.
Akala niya ay hindi niya na makikita pa ulit ang kaniyang ama; akala niya ay hindi niya na maririnig pa ang kaniyang boses.
"Sige! Subukan niyong lumapit! Pasasabugin ko ang bungo ng babaeng ito!" Tagumpay na palang naagaw ni Ma'am Kate ang baril, at ngayon ay nakatutok na iyon sa ulo ni Leianne.
"Huwag mong gagawin iyan!" sigaw ni Mariel. Ngumisi lang naman si Ma'am Kate at tuwang-tuwa sa mga nangyayari.
"Ibaba mo ang baril mo!" utos naman ng isa sa mga pulis.
Mayamaya pa ay umalingawngaw na ang putok ng baril. Tumama iyon sa braso ni Ma'am Kate kaya nabitawan niya si Leianne. Mabilis namang nakatakbo si Leianne at narating niya ang kinaroroonan ni Mariel.
Nang ma-corner na ng mga pulis si Ma'am Kate ay agad nang kinuha ng iba pang mga pulis sina Mariel at Leianne. Kinuha na rin ng medics si Ced para madala na siya kaagad sa pinakamalapit na ospital—kritikal din ang lagay niya dahil sa tama niya sa tiyan tapos ay may tama rin siya sa binti. May tama rin sa braso si Leianne kaya pati siya ay dinala na rin ng medics.
Sa helicopter na sinakyan ng daddy ni Mariel sila isinakay para mas mabilis silang makarating sa ospital.
"Mariel..." Mangiyak-ngiyak si Mariel nang lumapit sa kaniya ang kaniyang ama at niyakap siya nang mahigpit.
Hindi mapigilan ni Mariel na mapahagulgol nang malakas nang maramdaman niya ang init ng yakap ng kaniyang ama. Akala pa niya ay hindi niya na rin mararamdaman iyon. Akala pa niya ay tuluyan niyang maiiwanang mag-isa ang kaniyang ama.
"Sorry... sorry po..." paulit-ulit na sambit ni Mariel. Hindi naman kumalas sa pagkakayakap ang kaniyang ama at hinaplos pa ang kaniyang likod.
Samantala, hindi pa rin naman napapasuko ng mga pulis si Ma'am Kate. Patuloy siya sa unti-unting paghakbang paatras.
"Hindi ko hahayaang mapatay niyo ako!" sigaw ng Ma'am Kate at itinutok ang kaniyang baril sa ulo niya.
Napatigil naman sa pag-iyak si Mariel at nilingon si Ma'am Kate. "Hindi niya puwedeng pataying ang sarili niya! Kailangan niya ring magbayad sa mga ginawa niya!" wika niya at kumalas sa pagkakayakap.
"Sila na ang bahala sa kaniya. Ibibigay sa kaniya ang nararapat na parusa." Hinila na siya ng kaniyang ama papalayo kasama ang tatlong pulis na escort nila.
Isinalaysay naman na ni Mariel ang malagim na nangyari sa mansion. Maging ang mga pulis na nakikinig sa kaniya, at isinusulat ang bawat sinasabi niya sa notebook, ay napapangiwi sa ikinukuwento niya.
Nang muling lingunin ni Mariel si Ma'am Kate ay pinaputukan na siya ng mga pulis. Tinamaan siyang muli sa braso kaya sa pagkakataong iyon ay nabitawan niya na ang baril. Agad siyang dinakip ng mga pulis at pinosasan.
Nakahinga nang maluwag si Mariel at tuluyan siyang nabuwal habang naglalakad sila dahil unti-unti niyang naramdaman ang kaniyang pagod at panghihina. Sunod niya na lamang na namalayan ay nakasakay na sila sa isang yate at naglalayag na pauwi.
Napatulo namang ang kaniyang luha ng matanaw niya sa kabilang isla ang mansion kung saan niya naranasan ang impyerno at bangungot. Buong akala niya ay hindi na siya makakaalis doon nang buhay.
Naroon naman na sa mansion ang ibang mga pulis para kunin lahat ng mga detalyeng makukuha nila. Nagpadala pa sila ng isang yate para kunin lahat ng mga bangkay.
"Matulog ka muna, Mariel. Magpahinga ka muna at papayapain mo ang iyong sarili," wika ng kaniyang ama kaya napatango siya.
Isinandal niya ang kaniyang ulo sa balikat ng kaniyang ama at ipinikit ang kaniyang mga mata, hanggang sa tuluyan na siyang nakatulog...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro