Chapter 4
KINAUMAGAHAN, napagpasiyahan ng buong klase ng libutin ang mansyon matapos silang kumain ng agahan. Imbes na maghanda para sa party mamayang gabi, mas pinili nilang mamasyal sa loob at labas ng mansyon.
"Guys, may nahanap akong siguradong magugustuhan niyo!"
Napalingon naman sina Mariel kay Eila na galing sa dulong bahagi ng ikalawang palapag. Hingal na hingal pa ito, at bakas ang pagkislap ng kaniyang mga mata dahil sa tuwa. Tinaasan naman siya ng kilay ni Eliana.
"Ano ba iyon? Siguraduhin mong matutuwa kami riyan, ha?" paninigurado ni Eliana at pinagkrus pa ang kaniyang mga braso.
"Sumunod na lamang kayo sa akin," tugon ni Eila at nauna na sa paglalakad.
"Class, huwag kayong nakikialam sa mga gamit dito sa mansion dahil hindi sa atin ito," asik naman ni Ma'am Gen, kaya napatigil silang lahat sa paglalakad.
"Dito tayo dinala ng nag-organize ng reunion kaya automatic na rin na malaya tayong pagmasdan o usisahin ang mga nandito," pangangatwiran ni Geam, kaya sa kaniya natuon ang paningin ng buong klase.
"What? May mali ba sa sinabi ko? Totoo naman, 'di ba? Ni hindi nga nagpakilala 'yong nag-organize ng reunion, kaya paano tayo makakapagpaalam?" sunod-sunod na tanong ni Geam, kaya maging si Ma'am Gen ay natahimik.
"Okay, you are allowed to roam around the mansion, at tumingin-tingin ng kung ano riyan, pero huwag na huwag kayong mangingialam sa mga gamit," napilitang wika ni Sir Joe dahil alam niyang wala siyang magagawa sa katigasan ng ulo nina Geam.
Buong klase ang sumunod kay Eila papunta sa dulo ng second floor. Mayamaya pa ay tumigil sila sa isang pintong naiiba ang kulay. Lahat kasi ng mga pinto sa mansion ay kulay kahoy, ngunit ang pintong iyon ay napinturahan ng kulay puti.
"Ako na ang magbubukas," saad ni Mariel kay Eila at marahan niya itong itinulak. Magrereklamo pa sana si Eila nang pukulan siya ni Joanne nang matatalim na tingin.
Dahan-dahang pinihit ni Mariel ang doorknob, at dinig pa ang unti-unting pagbubukas ng lumang pinto. Pagkabukas ng pinto ay nanlaki ang kaniyang mga mata habang nakaawang ang kaniyang bibig.
"Sino ang may gawa ng mga iyan?" tanong niya at halos malaglag ang kaniyang panga dahil sa pagkamangha.
"Humaharang ka na sa daan, papasukin mo rin kami," sita sa kaniya ni Chad, at tinabig ang balikat ni Mariel nang pumasok siya sa loob.
"Damn!" mura ni Mariel, at padabog siyang sumunod sa loob.
Naglakad siya papalapit sa portrait nang hindi inaalis ang pagkakatitig doon. Agad niyang hinaplos ang portrait na siguradong siya ang reference.
Ang buong dingding ng kuwarto ay puro mga portraits ng buong klase ang nakasabit. Iba't ibang mga mediums ang mga ginamit sa mga portraits. Encaustic ang medium ng kay Mariel, at ang iba naman ay gaya ng water color, acrylic, coffee, charcoal, gouche, at iba pa.
"Ang galing naman ng gumawa ng mga portraits natin! Hindi ko akalaing may pa-giveaway siyang ganito!" dinig ni Mariel na wika ng isa sa mga kaklase.
"Gusto kong iuwi itong akin kapag uuwi na tayo," saad naman ng isa pa niyang kaklase.
Iginala niya ang kaniyang paningin sa iba pang mga portraits. Lahat silang magkaklase ay may gan'on. Sa gitna ng kaniyang pagkamangha ay hindi niya maiwasang magduda.
Nahihiwagaan na siya kung sino ba talaga ang nag-organisa ng reunion, at kung sino ang gumawa ng painting. Malaki ang kaniyang paniniwala na iisa lamang ang pasimuno n'on.
Kung tutuusing, malaki ang posibilidad na si Carl nga ang nag-imbita dahil sa portrait na ibinigay niya galing ang imbitasyon. Isa pa, siya lang din ang kaklase niyang may kakayahang gumawa ng gan'ong mga obra.
"Mariel, hindi ka ba nahihiwagaan kung sino talaga ang nag-organize ng reunion?" Napatingin si Mariel kay Leainne at napatango.
"Nahihiwagaan na rin ako. Kagabi pa iba ang pakiramdam ko sa mansion na ito," tugon ni Mariel na siyang narinig ni Geam.
"Natatakot ka ba, Mariel?" natatawang tanong ni Geam.
"Seriously, Mariel? Ikaw, matatakot sa mga ganito?" tanong din ni Joanne sa sarkastikong tono.
"Hindi, ah! Curious lang ako kung sino ang may gawa nito," pagtatanggol ni Mariel sa kaniyang sarili.
Gustuhin man nilang manatili roon sa kuwartong iyon ay tinawag na sila ng kanilang mga guro para ayusing ang hall na pagdarausan ng party.
Naging abala tuloy ang lahat sa paghahanda para sa party mamayang gabi. May mga naglilinis at nagde-design ng hall, at may mga nagse-set up ng pailaw at sound system. May mga limang DJ na ring dumating.
Ang grupo naman ni Mariel ay na nag uusap lang sa ilalim ng punong katabi ng mansyon at 'di tumutulong sa paghahanda. Tila wala silang pakialam kahit pa nahihirapan na ang kanilang mga kaklase.
"Guys, 'di ba tayo tutulong sa kanila?" tanong ni Geam at napatayo.
"Ako, tutulong? Never!" pagtataray ni Eliana, at muling sinuklay ang kaniyang buhok.
"Oo nga! Over my gorgeous body! Ni hindi nga ako naglilinis sa bahay," dagdag naman ni Mariel.
Napataas naman ang isang kilay ni Joanne sabay sabing, "Ano ako, katulong nila? 'Di rin ako tutulong!"
Narinig naman sila ng kanilang guro, kaya napailing na lamang ito. Simula pa noong Junior High School sina Mariel ay sakit na sila sa ulo ng kanilang mga guro, ngunit hanggang ngayon ay gan'on pa rin. Hindi na yata nila mababago ang kanilang mga ugali.
Katuwiran ng lima, 'di raw sila tutulong dahil mukhang hindi naman sila mag-e-enjoy roon. Pagpatak ng dapit-hapon ay inihanda na ng buong klase ang kanilang sarili. May mga naglalagay na ng kolorete, at suot na rin nila ang kanilang mahahabang gown.
Tatlumpu't limang mag aaral ay abala sa pag-aayos ng kanilang sarili, kabilang ang limang magkakaibigan dahil ayaw nilang masapawan ng kagandahan.
Alas singko pa lang naman ng hapon kaya napagisip-isip muna ni Mariel na lumayo sa mansion, at magtungo sa dulong bahagi ng isla kung saan sila ibinaba ng yate kagabi. Tatakbo na sana siyang pupunta roon nang tawagin siya ni Eliana.
"MARIEL! Saan ka pupunta?" tawag ni Eliana sa kaibigan.
"Mamaya na dahil may gusto pa akong puntahan. Gusto niyo bang sumama?" pag-aaya naman ni Mariel.
"Saan naman tayo pupunta?" tanong ni Geam na hawak pa ang pangplantsa ng buhok.
"Panoorin natin 'yong sunset sa dagat tapos punta tayo sa gubat!" Bakas ang tuwa sa sagot niya.
Sa tuwing dapithapon ay iyon ang inaabangan ni Mariel. Ang sunset ang nagpapagaan ng loob niya, at tila iyon din ang nagpapalambot sa kaniyang puso.
"Baka magalit sila," nag-aalangang sabi ni Eliana.
"Kung walang mag sasabi, eh 'di hindi nila alam," pagsusulsul niya pa para lang mapapayag ang mga kaibigan niya.
"Sige, tatawagin ko lang sina Joanne at Leianne," saad ni Eliana atsaka dali-daling umalis.
Napangiti naman si Mariel nang mapapayag niya ang kaniyang kaibigan. Ngunit ang kaniyang ngiti ay nabura nang sumulpot si Rian.
"Mariel, narinig ko kayo kung saan kayo pupunta," ani Rian na tila nais pang magbanta.
"Ikaw, pakialamera ka talaga! Wala kang pakialam kung saan namin gustong pumunta," singhal ni Mariel, at kulang na lang ay hilain ang buhok ni Rian.
"Gano'n? Eh 'di isusumbong ko kayo kina ma'am," pagbabanta ni Rian ngunit napangisi si Mariel.
"Isusumbong mo ako? Samahan pa kita kung gusto mo. Akala mo siguro 'di ko alam 'yong plano mong pagnakaw roon sa mga kinuha nila sa ating gadyets! Ngayon kung isusumbong mo din lang naman kami, eh 'di isusumbong din kita!" pagbabanta rin ni Mariel kay Rian, kaya natahimik na lamang siya at tumakbo palayo. Eksakto namang dumating na rin sina Eliana.
"Oh, nag-aaya ka raw?" tanong ni Joanne; napatango na lamang si Mariel.
"Tara na, palubog na ang araw," pag-aaya ni Leianne, kaya mabilis ng lumakad ang lima.
Lumayo nga sila sa mansion nang 'di alam ng kanilang mga guro. Isa pa, hindi na sila mga bata o high school na kailangan pang subaybayan at alagaan. Sa kanilang paglalakad ay biglang may naalala si Mariel.
Napasimangot siya dahil dito niya na tatapusin ang lahat ng alaalang sa isipan niya'y bumabagabag. Naalala niya na naman ang mga sandaling magkapiling pa sila ng pinakamamahal niya.
Tunay nga na ang unti-unting paglubog ng araw ang nakakapagpalambot sa puso ni Mariel.
"May sorpresa ako sa'yo!" masiglang sabi sa kaniya ni Ced, ang kasintahan niya.
"Ano na naman ba 'yang pakulo mo?" tanong ni Mariel, ngunit nginitian lamang siya ni Ced.
"Ano na kasi iyon?" tanong niyang muli.
"Sorpresa nga, eh. Halika sumama ka sa akin," tugon ni Ced, at piniringan niya ang mga mata ni Mariel.
Sumama nga siya kay Ced, at nakarating sila sa isang isla. Tinanggal niya ang piring sa kaniyang mata, at halos lumuwa ang mata niya sa tanawin! Tila ihinehele siya ng dagat na banayad ang pag-alon, at tila isinasayaw siya ng malamig na simoy ng hangin.
"Gusto kong maiyak sa ganda ng tanawin! Sakto dahil papalubog ang araw!" wika ni Mariel sa kasintahan, atsaka kinuha ang camera para kumuha ng larawan.
"Mariel, mahal na mahal kita. 'Di ko kaya pag mawawala ka, alam mo iyan," saad ni Ced sa kaniya, at halos mabitawan niya ang camera nang yakapin siya nito.
"Ayaw ko ring mawala ka sa akin. Alam mong simula noon, kayo lang ni Dad at ang mga kaibigan ko ang mayroon ako," wika naman ni Mariel habang nangingilid ang kaniyang mga luha.
"Pangako, hindi kita iiwan," tugon ni Ced, "at ito ang simbolo ng pagmamahal ko sa'yo," dagdag pa niya, at isinuot niya ang kwintas kay Mariel na may singsing na pendant. Nakaukit na pangalan nilang dalawa sa singsin.
"I love you, Mariel, always and forever." Pagkatapos ng katagang iyon ay naglapat ang kanilang mga labi na tila hindi na sila magkakahiwalay pa.
Ngunit lahat ng iyon ay tila kasinungalingan lang. Iniwan niya si Mariel ng nag-iisa pagdating nila ng first year college. Hindi nalaman ng kaniyang mga kaibigan ang apat na taong relasyon niya kay Ced Salvacion. Nalaman lang nila iyon noong naghiwalay sila.
Iyon na rin ang dahilan kung bakit mas sumama ang ugali ni Mariel. Pakiramdam niya, lahat na lamang ng taong mahal niya ay iniiwanan siya, kaya mas naging matigas pa ang kaniyang puso.
Napagpasiyahan ni Mariel na doon na tatapusin ni Mariel lahat ng mga alaalang dapat kalimutan. Hanggang sa hindi niya namamalayang pumapatak na ang kaniyang luha.
"Ayos ka lang?" tanong sa kaniya ni Eliana, kaya agad niyang tinuyo ang mga luha niya.
"A-Ayos lang, may naalala lang ako," pagsisinungaling ni Mariel at pilit na ngumiti.
Ni hindi niya nga namalayan na nakarating na sila sa dulo ng isla-na sa may cliff na pala sila nang hindi niya namamalayan. Tuluyan kasi siyang nilunod ng mga alaala niya mula sa nakaraan.
"Si Ced na naman ba?" tanong ni Leianne kaya napatango siya at muling bumagsak ang kaniyang mga luha.
"Iiyak mo lang 'yan. Naiintindihan kita," pag-aalo ni Geam sa kaniya at niyakap siya nito.
"Oo, matapang at spoiled brat ka. Ilag sa iyo ang ibang mga tao dahil sa ugali mo, pero may karapatan ka pa ring umiyak at masaktan," pangangaral naman ni Joanne kaya napahagulgol si Mariel.
Napatingin naman siya sa paghampas ng mga alon sa ibaba. Nanatili naman silang nanahimik, at tanging ang pag-alon ng dagat at huni ng mga ibon lamang ang naririnig nila. Pagkatapos ng mahaba-habang pagdadrama ay umalis na sila, at itinapon niya na lang sa damuhan ang kwintas na ibinigay sa kaniya ni Ced noon.
Sa pagbasak ng kwintas sa damuhan ay ang pagbagsak din ng mga luha ni Mariel. Palibhasa ay si Ced ang una niyang pag-ibig. Kahit pa nasa tabi niya noon ang kaniyang mga kaibigan, hindi pa rin lubusang naging masaya si Mariel.
Pakiramdam niya ay may kulang pa rin, at duda niya ay dahil iyon sa pagkamatay ng kaniyang ina. Ngunit nang dumating sa buhay niya si Ced ay pakiramdaman niya'y kumpleto na ang pagkatao niya. Simula noon ay sumilay na muli ang kaniyang totoong mga ngiti dahil sa labis na saya.
"Paalam, sa iyo, Ced. Kalilimutan na talaga kita," ani Mariel sa kaniyang isipan habang lumalakad sila papalayo.
Lingid naman sa kaalaman ni Mariel ay may nakasunod sa kanila noong nasa pampang sila. Nang lumuha si Mariel, 'di napigilan ng taong iyon na lumuha rin. Tila nadudurog ang kaniyang puso nang makita niyang nagkakagan'on si Mariel. Pinulot niya naman ang kwintas nang makaalis na sina Mariel.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro