Chapter 39
KUSANG bumukas ang mga mata ni Mariel nang maramdaman niya ang paggapang ng mangilan-ngilang mga langgam sa kaniyang binti. Mayroon din sa kaniyang braso at mukha. Ang mga maliliit na paa ng mga langgam ay kumikiliti sa kaniyang balat, subalit napapalitan din lang iyon ng hapdi sa tuwing kinakagat siya ng mga ito.
Nang luminaw ang kaniyang paningin ay tumabad sa kaniyang ang kalangitan. Napapanood niya tuloy ang pagkutitap ng mga bituin. Natatakpan naman ng ulap ang buwan. Doon niya napagtantong nakahiga pala siya isang malaking bato, kung saan ang ibabaw nito ay patag at makinis. Sinubukan niyang bumangon, subalit nakatali pala ang kaniyang mga kamay at paa. Ang kabilang dulo naman ng mga tali ay nakaipit sa ilalim ng batong hinihigaan niya. Kaya naman kahit buong lakas siyang magpupumiglas ay hindi pa rin niya mahila ang mga tali.
Damang-dama niya rin ang pagkirot ng kaniyang ulo na tila binibiyak ng martilyo. Dulot na rin iyon ng pagkakatama ng kaniyang ulo sa bato kanina.
"Mabuti at gising ka na; mauumpisahan na ni Lola Lucia ang ritwal." Napatingin siya sa kaniyang paanan. Doon ay nakita niya si Geam na nakatayo habang suot ang malawak na ngisi.
Iginala na lamang ni Mariel ang kaniyang tingin. May apoy na ang mga sulong nakatali sa mga punong nakapalibot sa kanila. Halos lumabas naman ang kaniyang puso dahil sa gulat nang masulyapan niya ang bagay na malapit sa kaniyang uluan: isang napakaling kulay itim na rebulto ng isang nilalang na may dalawang mahahabang sungay. Kahawig iyon ng rebultong isinunog nila noon!
Napapikit na lamang siya habang naghahabol ng hininga dahil sa pagkagulat kanina. Nang imulat niyang muli ang kaniyang mga mata ay napagtanto niyang hindi iyon ang lugar na pinagtalian sa kanila kanina bago niya tinangkang tumakas. Wala rin sina Ced, Ma'am Kate, Leainne, at Carl doon. Mas lalong kumabog nang malakas ang kaniyang puso nang maalala niya kung ano ang puwedeng gawin ni Carl sa kanila.
"Please, Geam, pakawalan mo na ako... pakawalan mo na kami," pagsamo ni Mariel. Mangiyak-ngiyak na rin ang kaniyang boses, at kung kanina ay nag-aapoy ang kaniyang galit sa puso, ngayon naman ay unti-unti nang naaapula ang apoy dahil sa mga luha ng kaniyang paghihinagpis at takot.
"Nagpapatawa ka ba, Mariel? Bakit naman kita pakakawalan? Isa pa, malapit na kaming magtagumpay ni lola sa oras na maialay na namin ang dugo at laman mo," tugon naman ni Geam kaya mas bumilis ang pagragasa ng kaniyang mga luha.
"I-Itinuring kitang matalik na kaibigan at tunay na kapatid..." sambit niya.
"Hindi iyon ang kailangan ko! Kailanman ay hindi ko iyon hiniling sa iyo!" sumbat ni Geam at inilapit ang kaniyang sarili kay Mariel.
Napakagat naman si Mariel sa kaniyang pang-ibabang labi. "Oo, hindi mo iyon hiniling dahil ginusto ko iyon. Kusang ibinibigay ang pagmamahal bilang kaibigan, Geam. Kusa kong ibinigay sa iyo iyon."
Sa pagkakataong iyon ay saglit na hindi nakaimik si Geam. Nag-iinit din ang sulok ng kaniyang mga mata, at nagbabadiya ang pagpatak ng kaniyang mga luha. Napatingala na lamang siya sa kalangitan upang pigilan ang pagtulo n'on.
"Patawad, pero kailangan kong gawin ito. Kailangan kong tapusin ang sinimulan ko para sa ikapapayapa ng damdamin ko. Kailangan naming magtagumpay ni lola—"
"—sa tingin mo ba tunay kang mapapayapa pagkatapos nito?" pinutol naman ni Mairel ang sinasabi ni Geam. "Mapapanatag ka ba gayong pinatay mo sina Eliana at Joanne? Gaya ko ay itinuring ka rin nilang kapatid! Geam, please, pag-isipan mo nang maigi ang mga gagawin mo!"
Naikuyom ni Geam ang kaniyang mga kamao at tuluyang rumagasa ang kaniyang mga luha. "Hindi ko alam! Hindi ko alam! Hindi ko alam!" paulit-ulit niyang sigaw na tila nawawala na sa sariling katinuan.
"Geam, hindi solusyon ang paghihiganti at pagpatay. Oo, naging spoiled brat at marahas ako noon, pero ni minsan ay hindi sumagi sa isip kong kumitil ng buhay ng tao. Hindi tayo ang magtatakda kung paano at kailan sila mamamatay," pangangaral pa ni Mariel. Hindi siya sumusuko sa pagkumbinse sa kaniyang kaibigan. Umaasa kasi siya na mapapanago pa niya ang kaniyang isip.
Mayamaya pa ay nariyan na ang lola ni Geam na may hawak na kutsilyo. Tinalikuran naman na niya si Mariel at hinarap ang kaniyang lola.
"Kayo na po... ang bahala sa kaniya," bilin niya kasabay ng pagpatak ng kaniyang luha.
Wala naman nang nagawa si Mariel kundi ang lumuha. Pumuwesto na sa gilid niya ang lola ni Geam at itinutok sa itaas ang talim ng kutsilyo. Inumpisahan niya nang bumigkas ng mga katagang hindi naman maintindihan ni Mariel.
Habang bumibigkas ang matanda ay lumakas naman ang ihip ng hangin sa buong paligid. Ang bawat katagang binibigkas ng lola ni Geam ay kinokontra naman ni Mariel ng dasal na nagmumula sa kaniyang puso.
Mas lalo pang lumakas ang hangin at halos mamatay na ang sindi sa mga sulo. Tuluyang lumitaw ang bilog na bilog na buwan na kanina ay natatakpan ng ulap.
Napapikit na lamang si Mariel nang matapos nang magsalita ang matanda, at handa na nitong isaksak kay Mariel ang kutsilyo. Subalit, ilang saglit pa ay nakarinig siya ng sunod-sunod na mga putok ng baril.
"Hindi!!!!" Boses ni Geam iyon.
Nang imulat ni Mariel ang kaniyang mga mata ay tumambad sa kaniya ang matandang sumusuka na ng dugo. Unti-unti nitong nabitawan ang kutsilyo. Nanlaki pa ang mga mata ni Mariel nang makita niyang papabagsak na sa kaniya ang talim ng kutsilyo.
"AAAAHHHH!!!" tuluyang nahulog ang kutsilyo at dumaplis iyon sa kaniyang braso.
Bumagsak din sa lupa ang matandang patuloy sa pagsuka ng dugo. Agad nilapitan ni Geam ang kaniyang lola habang patuloy sa pagsigaw dahil sa poot.
"Mariel!" Nabuhayan ng loob si Mariel nang marinig niya ang boses ni Ced.
Nang igala pa niya ang kaniyang paningin ay nakita niya sina Ma'am Kate, Ced, at Leianne na pare-parehong paika-ikang naglalakad papalapit sa kanila. Kitang-kita ng dalawa niyang mga mata na si Ma'am Kate ang may hawak na baril.
"Hayop kayo!" sigaw ni Geam habang yakap-yakap ang katawan ng kaniyang lola.
Muli na namang umalingaw-ngaw ang putok ng baril, at sa pagkakataong iyon ay tinamaan sa braso si Geam.
Nang tuluyan namang nakalapit sina Ced at Leianne kay Mariel ay dali-dali nilang kinalas ang mga taling nakatali kay Mariel. Pagkatapos n'on ay inalalayan nila sa pagbangon si Mariel. Si Ma'am Kate naman ay tinututukan pa rin ng baril si Geam.
"S-Si Carl! Baka saklolohan niya si Geam!" wika ni Mariel.
Umiling naman si Ced. "Patay na siya. Napatay siya ni Ma'am Kate"
Nang tuluyang makatayo si Mariel ay tumayo na rin si Geam. Nanlilisik ang kaniyang mga mata, at magkasalubong ang kaniyang mga kilay.
May hinugot naman siya sa kaniyang bulsa—isang baril! Itinutok niya rin iyon kay Ma'am Kate.
Nanlalaki naman ang mga mata ni Mariel sa nasasaksihan niya. Isa kanila Ma'am Kate at Geam ang puwedeng tuluyang mabaril.
Nang ikasa ni Geam ang kaniyang baril at kinalbit ang gatilyo ay hindi iyon pumutok—wala na siyang bala.
Kitang-kita ni Mariel ang pagngisi ni Ma'am Kate, tatlong metro lamang ang layo niya sa kanila. Si Geam naman ay dalawang metro ang layo kay Ma'am Kate.
"Hindi kita hahayang mabuhay," sambit ni Ma'am Kate kay Geam. "Hindi ko kayo hahayaang mabuhay." Ngumisi pa siya at tumingin sa gawi nina Mariel.
Napaawang ang bibig ni Mariel nang itutok ni Ma'am Kate ang baril kay Leianne.
"M-Maam Kate... a-anong ibig sabihin nito?" nauutal na tanong ni Mariel.
Hindi umimik ang guro. Bagkus ay nanatili siyang nakangisi at handa nang kalbitin ang gatilyo at iputok iyon kay Leianne. Nang makita iyon ni Mariel ay kusang gumalaw ang kaniyang katawan at ihinarang iyon para protektahan si Leianne.
Tuluyang pumutok ang baril; tumama iyon sa braso ni Mariel. Napaluhod siya sa lupa kasabay ng pag-agos ng dugo mula sa kaniyang braso. Lahat sila ay hindi inaasahan ang pangyayari—pati sa Geam.
Muli na namang ipinutok ni Ma'am Geam ang baril at sa pagkakataong iyon ay tumama ang bala sa tiyan ni Ced. Tuluyan siyang bumagsak sa lupa at sumuka ng dugo. Napasigaw naman si Mariel sa nangyari, at hindi pa rin rumirehistro sa kaniyang isip kung bakit iyon ginawa ni Ma'am Kate.
"Patay ka ngayon... Mariel," wika pa ng guro.
Hindi nakagalaw si Mariel at nanatiling nakaluhod si lupa. Ikinasa na muli ni Ma'am Kate ang kaniyang baril at handa na iyong iputok kay Mariel. Napatakbo naman si Geam sa harap ni Mariel.
Tuluyang nakalapit si Geam kay Mariel. Damang-dama ni Mariel ang mahigpit na yakap ng kaniyang kaibigan. "Patawarin mo ako, Mariel..." bulong niya.
Ilang segundo lamang ay narinig na ni Mariel ang dalawang magkasunod na putok. Unti-unting lumuwag ang pagkakayakap ni Geam. Bumagsak siya sa lupa at napaubo rin ng maraming dugo. Mulat na mulat ang kaniyang mga mata, at ilang saglit lamang ay hindi na gumalaw pa.
Sa huling pagkakataon ay nagawa pa rin niyang iligtas si Mariel. Nagawa pa rin niyang isakripisyo ang kaniyang sariling buhay para sa kaniyang kaibigan.
"GEAM!!!"
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro