Chapter 37
ISINASAYAW ng malakas na hangin ang mga sanga ng puno, at nagsisilaglagan ang mga dahon mula sa puno ng akasya. Namamasa na rin ang damuhan dahil sa hamog. Dinig na dinig din ang alon sa dagat na sinasabayan ng ihip ng hangin.
Tirik na tirik ang bilog na buwan, at mas nagliliwanag ang gabi dahil sa laki at liwanag nito. Bahagya namang napaungol si Mariel nang maalimpungatan siya dahil sa malamig na hangin na humahaplos sa buong katawan niya. Nanunuyo na rin ang kaniyang bibig pati ang kaniyang lalamunan.
"N-Nasaan... ako?" Halos hindi niya masambit ang mga katagang iyon dahil sa panunuyo ng kaniyang lalamunan. Hindi niya naman maigalaw ang kaniyang mga kamay, pati ang kaniyang katawan, dahil mahigpit ang pagkakatali sa kanya.
Nang luminaw na ang kaniyang paningin ay agad siyang napatingin sa kaniyang katawan. Nakatali na siya sa isang puno, at nang igala niya ang kaniyang mga mata ay tumambad sa kaniya ang tatlo pa niyang kaibigang nakatali rin sa puno. Ang kaibahan nga lang, may naka-duct tape ang kanilang bibig, samantalang siya ay hindi.
Nagtama ang tingin nila ni Joanne na lumuluha. Si Eliana ay pilit na kumakawala sa pagkakatali, samantalang si Leianne ay nakatulala lamang sa kawalan.
"Patawarin niyo ako..." bulong ni Mariel, at tuluyan nan gang tumulo ang kaniyang mga luha.
Wala siyang magawa dahil mahigpit ang pagkakatali sa kaniya sa puno. Namamanhid na nga rin ang kaniyang mga braso at binti. Isa lamang ang natitiyak niya—nasa kagubatan sila. Napatulala na lamang siya sa isa sa mga sulong nagliliwanag dahil sa apoy na nakasindi rito.
Ilang saglit lamang ay huminga siya nang malalim, at isinigaw niya, "TULONG! TULUNGAN NIYO KAMI!"
Paulit-ulit niyang isinisigaw iyon, subalit tila walang nakakarinig sa kaniya. Nakita niya namang iling nang iling sina Eliana at Joanne na tila ba pinapatigil siya. Wala siyang nagawa kundi tumigil sa pagsigaw at lumuha.
"Kumpleto na pala tayo." Nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita niya ang taong nakasuot nang itim na cloak at silver na maskara na papalapit sa kanila. May hawak pa siyang kutsilyong nangingislap.
Tinanggal naman ng taong iyon ang kaniyang maskara. Pagkatanggal niya n'on ay mas lalong kumawala ang mga luha ni Mariel.
"G-Geam..." sambit niya, kaya napangisi nang malawak si Geam at ihinagis sa gilid ang kaniyang maskara. Nabiyak naman iyon nang tumama sa bato.
"Ako nga ito! Mabuti't nalaman niyo na!" nakangiti pang tugon ni Geam na sinabayan niya pa ng palakpak.
Hindi naman nakaimik si Mariel dahil sa sunod-sunod na paghikbi niya. Umaapaw ang galit sa kaniyang puso, subalit mas dinadaig iyon ng pagkadismaya at paghihinagpis. Hindi niya kasi akalaing ang pinakamalapit na kaibigan niya ang gagawa n'on sa kanila.
Sa likod ng kaniyang maaamong ngiti sa kaniya—sa kanila, may karumal-dumal na plano pala siyang binabalak. Hindi niya lubusang maisip na si Geam pala ang killer na hinahanap niya. Siya pala ang taong may labis nag alit at naghihiganti.
Wala siyang ideya na si Geam pala ang kaklase nila noon na labis na dumanas ng paghihirap kaya't naghihiganti. Si Geam pala ang pinagdusa noon ni Ma'am Kate kaya naging miserable ang kaniyang buhay.
Gusto niyang maawa sa kaniyang matalik na kaibigan dahil sa nangyari sa kaniya noon, subalit hindi niya magawa dahil hindi pa rin mababago ang katotohanang ang kaibigan niya ang nasa likod ng karumal-dumal na pagpatay.
"Wala ka bang sasabihin?" tanong ni Geam kaya napalunok siya.
"Hindi mo naman kailangang humantong sa ganito, Geam," pagtangis ni Mariel. "Lalo kami, bakit mo kami kailangang idamay rito? Noong mga panahong ginawa nila iyon sa'yo, hindi ka pa namin kaklase. At saka, minahal ka naming na parang isang kapatid."
Ngumiti naman nang mapait si Geam. "Huwag mo akong husgahan, Mariel. Isa pa, huwag kang magmalinis na wala kang kinalaman."
Napaisip naman si Mariel sa sinabi niya. Wala siyang naaalalang ginawa niya kay Geam. Sa katunayan, wala siyang ibang ginawa kundi mahalin si Geam, at ituring na tunay na kapatid.
"H-Hindi iyan totoo. I-Isa pa, patay ka na, 'di ba? Hindi totoong ikaw ang killer," wika ni Mariel. "Tama, patay na si Geam. Kitang-kita ng dalawang mata ko kung gaano karumal-dumal ang ginawa sa kaniya. Baka na-set up lang siya ng totoong killer gamit 'yong mga portraits," giit pa rin niya sa kaniyang isip.
Kahit pa kitang-kita na niyang nasa harap niya na si Geam at buhay na buhay pa, ayaw niya pa ring maniwala. Hindi niya kasi matanggap na sinasaksak na pala sila ni Geam nang patalikod.
"Akala ko ba Top 1 ka, Mariel? Ang bobo mo rin pala; wala kang pinagkaiba sa kanila," sumbat ni Geam at humalakhak pa.
"Sige na nga, dahil mahirap kang makaintindi, ikukuwento ko na lang lahat," sabi pa niya. Sina Joanne at Leianne ay panay ang paghikbi, samantalang si Eliana ay lumuluha subalit matalim ang tingin niya kay Geam.
"Maayos ang naging buhay ko noong Grade 7 pa lang ako. Lagi akong Top 1 sa klase, tinitingala ng mga kaklase ko at iba pang mga estudyante. Palaging gan'on hanggang noong second grading period noong Grade 8 ako. Pakiramdam ko, nasa akin na ang lahat at wala na akong mahihiling pa: yaman, katalinuhan, at pagmamahal. Subalit, noong third quarter na, doon na nag-umpisa ang pagiging miserable ng buhay ko. Inangkin sa akin ang lahat ng karangyaan at kasiyahang mayroon ako.
"May kumalat na scandal sa buong school, kung saan ako ang babaeng nasa malaswang video. Alam ko sa sarili ko na hindi ako iyon dahil hinding-hindi ko dudumihan ang puri ko. Narinig ko sina Chad, Mark, at Jhun na pinag-uusapan ang tungkol sa ginawa nilang pag-edit sa video, pero noong isinumbong ko sila, hindi sila umamin. Sinabi pa nila na wala akong ebidensya, at pinaparatangan ko lang sila," tumigil naman siya at napahikbi.
Napaawang naman ang bibig ni Mariel. Kung kanina ay matalim ang tingin ni Eliana, ngayon ay nabura na iyon dahil napalitan ang mga tingin niya ng awa.
"Hindi sila naniwala sa akin. Patuloy nila akong sinira—ipinakalat nang ipinakalat ni Erica ang video. Alam ko iyon dahil tuwang-tuwa pa siya habang ikinukwento kina Chad ang ginagawa niyang pagpapakalat. Wala akong magawa dahil wala akong ebidensya. Wala akong naging kakampi dahil... d-dahil kinuha rin sa akin ang daddy ko. Na-scam na nga siya, tapos ay may bumaril pa sa kaniya nang walang kalaban-laban. Nabaon pa kami sa utang kaya ibenenta ang kompanya ni daddy para may maipambayad kami. Wala akong naging kakampi noon; naging miserable ako!"
Tuluyan na siyang napahagulgol at napaupo sa damuhan. Mas lalo ring napaluha si Mariel sa nalaman niya. Talagang kaawa-awa ang sinapit ng kaibigan niya noon.
"Iniwan ako ng mga dati kong kaibigang sina Bella at Jenn. Hindi ko rin matanggap noon dahil sila na rin mismo ang b-um-ully sa akin noon! Hindi nila ako tinantanan, at hiniling pa nga nila na sana ay mamatay na lang ako, samantalang gustong-gusto ko pang mabuhay. Nagmakaawa ako pero nagmistula silang mga bulag at bingi. Humingi rin ako ng tulong sa mga teachers namin, pero wala silang ginawa para sa akin. Lalo na sina Ma'am Gen at Sir Joe—nagbingi-bingihan, at nagbulag-bulagan sila.
"Gustuhin ko mang magsumbong kay mommy, pero hindi ko nagawa dahil palagi siyang nagpapakalasing. Ni hindi niya nalaman ang nangyari sa akin dahil nauna pa siyang nagpakamatay sa akin, samatalang ako ang tila pumasan sa lahat ng mga pahirap at pasakit. Hanggang sa sumapit ang araw na akala ko ay susunod na ako kina mommy at daddy. Tinambangan ako nina Rian, Eila, at Angel, isa sa kanila ang sumaksak sa akin. Noong nagkaroon ako ng malay ay nasa recovery room na ako at binabantayan ni Ma'am Kate."
Halos hindi na maituloy ni Geam ang pagsasalaysay niya dahil tuloy-tuloy na ang kaniyang paghikbi. Sina Leianne at Mariel naman, tila alam na nila kung ano ang susunod na isasalaysay ni Geam. Alam na kasi nilang ang lahat ay pakana ni Ma'am Kate.
"G-Geam... sana sinabi mo sa amin," pabulong na saad ni Mariel. Hindi naman iyon pinansin ni Geam.
"Si Ma'am Kate ang sumaklolo sa akin, at dahil sa kaniya ay tumigil na ang mga kaklase ko sa pambubulalas sa akin. Himala dahil hindi na nila inungkat pa ang pagyayari mula sa nakaraan. Kahit na bumalik ang buhay ko sa pagiging payapa, tinutupok pa rin ako ng galit. Gusto kong maghiganti sa lahat ng mga ginawa nila sa akin. Kaya ito ngayon, isinasagawa ko na ang plano ko sa tulong ng aking lola. Kapag nagtagumpay ako sa plano ko, itatayo naming muli ang satanismo para sa lola ko at ikapapanatag ko!"
Sa pagkakataong iyon ay tumigil na sa paghikbi si Geam. Tumayo na rin siya kasabay ng pag-ukit ng malawak na ngisi sa kaniyang labi. Ang mga ngisi niya'y parang isang demonyo na pinaresan pa ng nanlilisik niyang mga mata.
"Mas lalong nabuhay ang galit ko nang malaman ko kina Chad na si Ma'am Kate ang puno't dulo ng lahat ng paghihirap ko! At ang galit na iyon ang siyang nagpalakas sa akin. Nagawa ko ring pahirapan ang imahe ko sa pamamagitan ng pag-torture sa aking hyper realistic human sculpture! Simbolo iyon na ang dating ako ay patay na! Wala na ang Geam na niyuyurakan lang nila noon!" Hinawakan niya nang mahigpit ang kaniyang kutsilyo at lumapit kay Mariel.
"At naloko ko kayo—naloko kita." Ngisi pa niya.
Sa pagkakataong iyon ay naparam ang awa at hinagpis na nararamdaman ni Mariel. Unti-unting sumibol ang galit sa kaniyang puso nang maaalala niya ang mga ginawa ni Geam. Kahit pa matalik niya siyang kaibigan, hindi niya kukunsintihin ang ginawa niya. Isa pa, maraming buhay ang nawala, at pati si Ced ay nadamay.
"Taksil ka! Itinuring kitang kaibigan pero ganito ang ginawa mo sa amin! Idinamay mo si Ced, tapos ay papatayin mo pa kaming mga kaibigan mo! Wala akong kaibigang mamamatay tao!" puno ng poot na bulyaw ni Mariel. Napasigaw naman siya nang sampalin siya nang malakas ni Geam.
"Hindi ko kailangan ng pagiging kaibigan niyo sa akin! Dahil sa'yo, naagaw sa akin ang lahat! Katanyagan, pagiging Top 1, at marami pa! Sa tuwing ibinibigay mo sa akin ang mga pinagsawaan mong gamit, nanliliit ako!" bulyaw niya pabalik at itinutok ang hawak niyang kutsilyo sa leeg ni Mariel.
Sigaw naman nang sigaw sina Eliana, Joanne, at Leianne, subalit ang alingawngaw ng mga sigaw nila ay napipigilan dahil sa naka-duct tape nilang bibig. Hindi naman nagpakita ng takot si Mariel.
Tinigigan niya nang masama si Geam. "Hindi ko kasalanang nanliliit ka sa sarili mo! Hindi ko kasalanang mas magaling ako sa'yo! Hindi ko kasalanan dahil kahit minsan ay hindi ako nakipag-compete sa'yo!"
Pagkasabi niya n'on ay dinuraan niya sa mukha si Geam. Mas lalo iyong nagpaliyab sa galit na nararamdaman ni Geam, kaya mabilis siyang humakbang papunta kay Joanne.
"Panoorin mo ito!" Itinaas ni Geam ang kaniyang kutsilyo, at walang pag-aalinlangan niyang itinarak iyon sa dibdib ni Joanne—paulit-ulit niyang pinagsasaksak.
"HINDIII!!!"
"Ano, isa pa?" Sunod naman siyang pumunta sa harap ni Eliana. Napapikit naman si Eliana na tila tinatanggap na niya ang kaniyang kamatayan.
"Huwag mong gagawin iyan, please!" pagmamakaawa ni Mariel.
"Mukhang mauubos muna kayo bago dumating sina Ced dito dala ang lola ko," wika ni Geam.
"Maawa ka, please..."
"Maaawa? Alam kong kayo ang nagtago sa lola ko, kasama niyo si Leianne!" tugon ni Geam. Napaluha naman si Leianne sa sinabi ni Geam.
"Kailangan niyong magbayad!" Muli niyang itinaas ang kaniyang kutsilyo, at ilang segundo lang ay nakatarak na iyon sa leeg ni Eliana.
Mas lalong napasigaw si Mariel at napahagulgol. Hindi niya akalaing masasaksihan niya ang pagpatay ng itinuring niyang pinakamatalik na kaibigan sa dalawa pa niyang kaibigan.
"Makalalaya lang kayo kapag nadala na nina Ma'am Kate at Ced ang lola ko!" wika ni Geam, at hinugot ang kutsilyong nakatarak sa leeg ni Eliana. Sumirit ang maraming dugo at natalsikan pa ang mukha niya.
"Pakawalan mo sila!" Napalinga si Mariel sa 'di kalayuan nang marinig niya ang boses ni Ced.
"Narito na kami!" Napahinga naman nang maluwag si Mariel nang makita niya sina Ced at Ma'am Kate kasama ang lola ni Geam.
Nanlaki naman ang mga mata ni Geam nang makita niyang tinutukan ng kutsilyo ni Ma'am Kate ang leeg ng kaniyang lola.
"Pakawalan mo sina Mariel at Leianne kung ayaw mong itarak ni Ma'am Kate ang kutsilyo sa leeg ng lola mo," utos naman ni Ced.
"A-Apo..." tuluyang nanlumo ang lola ni Geam at napaluho pa sa damuhan.
"Subukan mong itarak iyan sa lola ni Geam, pasasabugin ko ang bungo ni Mariel." Nanlaki ang mga mata ni Mariel nang may taong lumabas mula sa likod ng isang puno.
May hawak na dalawang baril ang taong iyon—ang kasabwat ni Geam, subalit ang isa ay ibinigay niya kay Geam. Ang isa naman ay itinutok niya sa ulo ni Mariel, at humakbang papalapit sa dalaga.
"C-Carl?!"
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro