Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 36

            Napaubo pa si Mariel nang maalimpungatan siya. Dama niya ang pagkirot ng kaniyang ulo na tila binibiyak pa. Nanlaki ang mga mata niya dahil napagtanto niyang nasa silid siya kung saan naroon ang kanilang mga portraits.

Napatakip siya sa kaniyang ilong dahil pumapasok ang masangsang, na amoy na nagmumula sa mga talsik ng dugo sa mga portraits, sa kaniyang ilong. Sa tabi niya rin ay ang mga nagkalat na mga bubog.

"Paano ako napunta rito?" tanong niya sa kaniyang sarili.

Nang igala niya ang kaniyang paningin ay nasa silid din palang iyon si Leianne na wala pa ring malay.

Agad niyang nilapitan si Leianne at niyugyog ito. "Leianne, gumising ka!"

Habang ginigising ang kaibigan ay luminga siya sa paligid. Natanaw niya ang pinto kaya't agad niya itong nilapitan at ini-lock. Eksakto naman ang pagbangon ni Leianne.

"Paano tayo napunta rito?" tanong nito habang nakatakip din ang kaniyang kanang kamay sa kaniyang ilong.

Napahawak si Mariel sa kaniyang baba. "Sigurado ako na ang killer ang nagdala sa atin nito."

Nanlaki naman ang mga mata ni Leianne at sabay bulalas ng, "Nasaan si Eliana?!"

"H-Hindi ko rin alam," tugon ni Mariel, "pagkagising ko ay wala siya rito."

Hindi maganda ang kutob ni Mariel. Pakiramdam niya ay isa na namang kaibigan niya ang nasa panganib. Hindi, hindi niya sigurado kung ano ang susunod na mangyayaring kinatatakutan niya.

"S-Sino kina Joanne at Eliana ang sa tingin mo ang hindi natin dapat pagkatiwalaan?" biglang tanong ni Leianne habang palakad-lakad sa apat na sulok ng kuwarto.

"Hindi ko na alam kung sino ang dapat pagkatiwalaan ko sa kanila," tugon ni Mariel at bahagyang huminto, "naguguluhan at napapagod na ako. Gusto ko nang tapusin ito rito."

Napatigil naman si Leianne at tumitig sa mga duguan portraits. Ang dating portraits na may magagandang kulay, ngayon ay nababalutan na ng dugo.

"Ano ang binabalak mo?" usisa ni Leianne.

Kinuha ni Mariel ang papel sa kanyang bulsa. "Ito, gagamitin ko na ito rito para malaman na natin kung sino ang salarin. Hindi ko alam kung paano ito makatutulong, pero susubukan ko sa abot ng makakaya ng utak ko."

Agad namang naglakad papalapit kay Mariel si Leianne, at kinuha sa kanya ang papel. Itinapat niya ang papel sa isa sa mga duguang portraits. Kumunot ang kanyang noo habang palipat-lipat ang tingin sa papel at portrait.

Napangisi naman si Mariel, at kinuha niya ang papel sa kamay ni Leianne. "Alam ko na ang nasa isip mo." Ngisi ni Mariel.

"Imposible naman kasing walang kinalaman itong mga duguan painting, 'di ba? Sigurado akong nasa mga portraits na iyan ang clue," sambit ni Leianne na siyang sinang-ayunan ni Mariel.

Ilang minuto muna nilang tinitigan ang mga portraits, na wari'y sinusuri kung paano nila mapapalabas ang kasagutan sa kanilang tanong.

"Oo, nga pala, paano ang magkakaibaigan sina Mich? Eh, sina Joanne at Eliana?" Pambasag ni Leainne sa katahimikan, kaya naman naantala sa pag-iisip si Mariel.

Napailing si Mariel, at nagpakawala ng malalim na buntong hininga, saka sinabing, "Iyong mga mantsa ng dugo sa sahig kanina, siguradong kina Mich iyon. Kung sakali mang makita natin sila, siguradong huli na tayo. Sina Eliana at Joanne naman, hindi ko talaga sigurado kung talagang mapagkakatiwalaan sila. Ang kailangan nating gawin ngayon ay alamin na ang lahat dito bago pa maunahan ang buhay natin."

Tumango-tango si Leianne, at ibinalik ang tingin sa mga portraits. "Wala talaga akong alam sa mga arts—lalo na riyan sa painting. Sino ba kasi ang siraulong killer, at ginamit pa talaga ang mga iyan?"

Halos mabuwal naman sa kinatatayuan niya si Mariel nang makita niyang may bahid na rin pala ng dugo ang portraits nina Mich. Ibig sabihin lang n'on ay napatay na sila—tuluyan na silang naubos.

"Hindi ito puwede!" Napaluha si Mariel at napahawak sa kaniyang bibig dahil pinipigilan niyang humikbi. "Nangako ako sa mga kaklase natin na maiaalis ko sila mula sa impyernong ito, pero nabigo ko sila!"

Lumapit naman sa kanya si Leianne at niyakap siya. "Tahan na... hindi mo kasalanan, Mariel."

Umiling-iling si Mariel dahil dismayado siya sa kaniyang sarili. Hindi sila nagtagumpay na mahanap kung sino ang totoong killer bago mamatay lahat ng mga kaklase niya; patay na lahat ng mga kaklase niya, maliban sa tatlo niyang kaibigan.

Humugot muna siya ng malalim na hininga, saka inayos niya ang kaniyang tayo. Pinunasan niya ang kaniyang mga luha, at matapang na tumitig sa mga portraits. Kahit pa patay na ang mga kaklase niya, kailangan niya pa ring ituloy ang laban para tuluyan nilang matalo ang killer; kailangan niyang balikan ang kaniyang daddy.

Napapikit si Mariel habang nakakunot ang kaniyang noo, na tila ba may inaaalala siya. Mayamaya ay napahawak siya sa kaniyang bibig, at iminulat ang kaniyang mga mata.

"Naaalala ko na ang mga portraits! Subukan nating kunin lahat ng mga initials ng pangalan ng mga kaklase natin.!" wika ni Mariel at itinuro ang mga portraits. "Ang gagamitin nating arrangements ay 'yong mga numbers na nakapahid sa portraits!"

Napakunot naman ang noo ni Leianne. "Hindi ko gets."

"Ganito, halimbawa, number 1 kay Rian, kaya ang initial letter sa pangalan niya ang mauuna. Susunod naman ay ang initial ni Eila dahil siya ang number 2. Kaya siguro walang lumalabas noon dahil hindi pa kumpleto ang mga numero," paglilinaw ni Mariel. Napapalakpak naman si Leianne dahil mukhang may punto nga siya.

Idinugtong na ni Mariel ang pangalan nina Mich sa listahan—pati na rin sina Jelyn na hindi niya nailagay noon, at saglit niya itong pinagmasdan.

"(1) Rian, (2) Eila, (3) Angel;

(4) Ann, (5) Aldrin;

(6) Chad, (7) Mark, (8) Jhun;

(9) Tina, (10) Janna, (11) Fred, (12) Trunks;

(13) Sharrie, (14) Ayka, (15) Mhen;

(16) Geam;

(17) Rain, (18) Omar;

(19) Riza, (20) Carl, (21) Kara, (22) Josh;

(23) Bella, (24) Jenn;

(25) Joy;

(26) Jelyn, (27) Lyn;

(28) Mae, (29) Rae, (30) Erica, (31) Mich."

Sunod niya nang isinulat ang mga initials ng kaniyang mga kaklase, at inayos ang arrangements. Pagkalipas lang ng isang minuto ay natapos niya na, at ipinakita iyon kay Leianne.

"REAAACMJTAFTSAMGRORCKJJBJJLMREM"

"Wala namang matinong words na nabuo, eh," puna ni Leianne. Napakagat si Mariel sa dulo ng kaniyang ballpen at napapadiyak pa sa sahig dahil sa inis.

"Sumasakit na ang ulo ko kaiisip!" reklamo ni Mariel, at muntik pa niyang punitin ang kaniyang journal, pero agad iyong kinuha ni Leianne.

Wala namang nagawa si Mariel kundi ipagpatuloy ang paghahanap ng kasagutan. Humakbang siya papalapit sa portrait ni Geam, at pinagmasdan niya ang bawat detalye ng pagkakapinta nito. Napadako ang tingin niya sa lower part ng portrait—may nakasulat doon.

"Ink painting..." sambit niya at pinagmasdan pa ulit ang nakapintang mukha ni Geam. Itim na ink nga ang ginamit sa portrait niya, samantalang ang iba naman ay ibang medium.

Sunod naman siyang lumapit sa portrait ni Tina, at tinignan kung nakasulat din ba roon ang ginamit na medium. Hindi siya nagkamali, mayroon ding nakasulat doon na "Oil Painting"

"L-Leianne... parang alam ko na!" saad ni Mariel. Napatakbo naman si Leianne papalapit sa kaniya, sabay bigay ng pocket journal sa kaniya.

"Tingin ko nasa medium ng painting ang sagot. Paano kung imbis na intial ng pangalan nila ang i-arrange, 'yong initial ng medium na ginamit sa kanila ang aayusin natin?" pagwawari pa niya.

"Sige, ako ang babasa kung anong medium tapos ay isulat mo," sabi naman ni Leianne.

Hindi na sila nag-aksaya pa ng oras. Isinagawa na nila ang napagkasunduan nilang hakbang dahil pareho na silang pinapatay ng kyuryosidad.

"One, watercolor painting... two, encaustic painting..." Si Leianne nga ang isa-isang bumasa sa mga medium na ginamit na nakasulat sa lower part ng portrait. Hanggang sa banggitin niya na ang pinakahuling medium. "Thirty-one, acrylic painting."

Pagkatapos n'on ay kinuha na nga ni Mariel ang bawat first letter sa nabanggit na mga medium at in-arrange iyon. Kapwa sila napatakip sa kanilang bibig noong mahanap na nila ang kasagutan.

WELCOMETOHELLTHISIS...

Nagkatinginan silang dalawa habang nanlalaki pa rin ang kanilang mga mata.

"A-Ang killer... a-ay si..."

Hindi na naituloy ni Leianne ang kaniyang sasabihin nang dali-daling lumabas si Mariel habang lumuluha. Dala pa rin naman niya ang pocket journal na mahigpit niyang hinawakan na tila ba ayaw niyang pakawalan.

"Saglit, lang Mariel!" Humabol naman sa kaniya si Leianne.

Nagtungo siya sa silid kung saan ikinulong si Joanne, subalit ang nadatnan niya roon ay ang nakabukas nang pintuan. Napaawang ang kaniyang bibig dahil wala na roon si Joanne, bagkus ay mga patak na ng dugo sa kahoy na sahig ang tumambad sa kaniya.

Walang pasabi siyang tumakbo patungo sa third floor. Kailangan niyang mapuntahan sina Ma'am Kate at Ced para maiualat ang mga nalaman nila. Napatigil siya nang marating niya ang cabinet kung nasaan ang lagusan papunta sa lungga nila.

"T-Teka lang..." wika ni Leianne na naghahabol pa ng hininga.

"Kailangan na nating—"

Hindi na naituloy ni Mariel ang sasabihin niya nang may humambalos sa likod niya. Bumagsak siya sa sahig, at unti-unting nanlabo ang kaniyang paningin. Pinipigilan niya namang mapapapikit dahil kitang-kita niya na may humambalos din kay Leianne.

Naaninag niya rin ang dalawang taong nakasuot ng itim na cloak at pilak na maskara.

"H-Hindi maaaring dalawa sila!" wika ni Mariel sa kaniyang isip hanggang sa tuluyan na siyang napapapikit.

"Malapit nang maisakatuparan ang mga plano ko! Kailangan ko na lang mabawi si lola!" bigkas ng killer.

"Tara na, kailangan na natin silang isama sa dalawa pa nating bihag," saad naman ng kasabwat ng killer, at pinasan na niya si Mariel.

Kinuha naman ng killer ang pocket journal ni Mariel, at binuklat iyon. Napadako siya sa pahina kung saan nade-code na ang sagot sa likod ng mga numero at nakasulat na medium ng painting.

Inalapag na niya iyon sa tapat ng cabinet at hinayaang nakabukas ang pocket journal. Umukit ang ngisi sa likod ng kaniyang maskara, saka niya hinila si Leianne. Tuluyan nang naiwang nakabukas ang pocket journal kaya kitang-kita ang mga sumusunod:

1 – Watercolor

2 – Encaustic

3 – Latex Paint

4 – Charcoal

5 – Oil Painting

6 – Magna Paint

7 – Encaustic

8 – Tempera

9 – Oil Painting

10 – Hard Pastel

11 - Encaustic

12 – Latex Paint

13 – Latex Paint

14 – Tempera

15 – Hard Pastel

16 – Ink

17 – Stencil

18 – Ink

19 – Stencil

20 – Gouache

21 – Encaustic

22 – Acrylic

23 – Mud

24 – Latex Paint

25 – Encaustic

26 – Charcoal

27 – Encaustic

28 – Rust

29 – Acrylic

30 – Acrylic

31 – Acrylic

(WELCOMETOHELLTHISISGEAMLECERAAA)

WELCOME TO HELL

THIS IS GEAM LECERA

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro