Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 35

NANGINGINIG ang buong katawan ni Mich matapos siyang buhusan ng killer ng malamig na tubig. Pilit naman siyang kumakawala mula sa pagkakatali habang wala pa ang killer. Hindi naman siya makasigaw dahil naka-duct tape kaniyang bibig.

Sina Mae at Rae naman ay walang tigil sa pag iyak dahil sa takot. Ni hindi na nga nila magawang piliting makawala man lang dahil pinangungunahan sila ng takot. Mas pinipili na lang nilang hintayin ang kanilang kamatayan.

"Himala, Erica, ikaw lang ang hindi natatakot sa inyong apat!" wika ng killer pagkaharap niya sa kanila. Suot niya pa rin ang itim na cloak niya at maskarang kulay pilak.

Gustuhin mang murahin ni Erica ang killer, subalit hindi niya magawa dahil naka-duct tape rin ang bibig niya. Matalim na tingin na lamang ang iginanti niya sa killer—hindi niya na inisip pa ang maaaring kapahamakang haharapin niya.

"Hindi naman sana kayo mapapatay kaagad kung hindi dahil sa ginawa nina Mariel. Alam kong may ginagawa silang hakbang laban sa akin!" puno ng poot na saad ng killer. "Ibalik niyo ang lola ko!"

Napasinok pa sa gulat si Rae nang biglang sumigaw ang killer. Akala niya ay 'yon lang ang magpapagulat sa kanila sa oras na iyon, subalit nagkamali sila. Mas nasurpresa sila nang tanggalin ng killer ang kaniyang maskara.

Tila ba bumagal ang pagtakbo ng oras at pag-ikot ng mundo habang isinisiwalat ng killer ang totoong mukha sa likod ng maskara; ang totoong salarin sa likod ng madugong patayan.

"Hindi niyo inaasahan, ano? Minsan kasi 'yong mga inaakala niyo ay malayo sa reyalidad. Ang totoong ako ay taliwas sa pinaniniwalaan niyo." Sa pagkakataong iyon ay mahinahon ang pagsasalita ng killer. Matalim pa rin ang tingin sa kaniya ni Erica, subalit nginisian niya lang ang kaniyang kaklase.

Naglakad siya papalapit sa mesa, at kinuha niya ang baril na nakalapag doon at itinutok sa noo ni Mae. Awtomatikong napapikit si Mae at napalunok. Iling lang naman nang iling sina Mich at Rae dahil ayaw pa nilang mamatay pati ang kanilang kaibigan.

"Huwag kayong mag-alala dahil hindi na kayo maghihirap pa. Sa isang putok lang ng baril, wala na kayong ibang sakit na mararamdaman pa dahil siguradong susunod na kayo kaagad sa mga namatay nating kaklase," sabi pa ng killer, at mas inilapit pa niya ang baril sa noo ni Mae.

Patuloy pa rin naman sa pag-iling si Mich kaya mas lalong napangisi ang killer. Tinanggal niya ang duct tape sa bibig ni Mich, subalit inilipat niya sa kaniya ang pagkakatutok ng baril.

"P-Please... wala akong alam na kasalanan namin sa'yo... huwag m-mo kaming idamay rito," pagsusumamo ni Mich sa pagitan ng kaniyang mga hikbi.

Hindi naman nakaimik ang killer dahil may punto ang kaniyang kaklase. Noong pinahirapan at na-bully siya noon, hindi nakisali sina Mae, Mich, at Rae. Hindi sila naging kagaya ng kanilang mga kaklaseng mapang-alipusta.

"A-Alam mo iyan. Hindi kami nakisali sa kanila noon," dagdag pa ni Mich.

"Pero hindi ikaw ang masusunod dito! Magiging sagabal kayo sa plano ko!" pagtutol ng killer, at walang pag-aalinlangan niyang ipinutok sa noo ni Mae ang baril. Nagtalsikan ang maraming dugo, at napasigaw naman si Mich.

"Tama na! Huwag mo na kaming patayin, please!"

Hindi siya nakinig. Sunod niyang itinutok ang baril kay Rae, at agad na pinasabog ang ulo ng kaniyang kaklase, kaya naman mas lalong napasigaw si Mich. Mabibigat naman na hininga ang pinakawalan ni Erica habang matalim pa rin ang kaniyang tingin sa killer.

"Nagmamakaawa ako..." paulit-ulit na sambit ni Mich, pero hindi na siya pinansin pa ng kaniyang kalase. Nilagyan muli ng duct tape ang kaniyang bibig kaya hindi na siya nakapagsalita pa ulit. Wala na siyang nagawa pa kundi lumuha nang lumuha.

Hinarap ng killer si Erica, at sunod na itinutok sa kaniya ang baril. Hindi naman nagpatinag si Erica dahil nagawa pa niyang makipagtitigan kahit pa anumang segundo ay maaari nang paputukin ang baril sa kaniyang noo.

"Hindi... ang dapat sa'yo ay pahirapan. Isa ka sa mga naging dahilan ng paghihirap ko! Hindi ka puwedeng mamatay na lang nang hindi naghihirap!" Inilayo ng killer ang baril sa noo ni Erica, at sunod na kinuha ang kutsilyong nakapatong sa mesa. Hinayaan niya namang nakapatong ang baril sa ibabaw ng mesa.

Inilapit niya ang kutsilyo sa mukha ni Erica, at gaya ng ginawa niya kay Sharrie ay unti-unti niyang binalatan ang makinis na mukha niya. Sumirit ang napakaraming dugo, at tumalsik pa iyon sa kung saan-saan.

Impit naman na napasigaw si Erica, at si Mich naman ay napapikit dahil hindi niya kayang makita ang karumal-dumal na krimen na ginagawa ng killer. Parang babaliktad ang kaniyang sikmura.

"Alam mong hindi ako ang nasa scandal noon! In-edit nina Mark, Jhun, at Chad, tapos ikaw ang nagpakalat! Kahit pa alam mo nang hindi ako iyon, pinalabas mo pa rin na ako iyon! Ipinagkalat mo pa sa buong school!" Mas lalo pa niyang idiniin ang kutsilyo sa mukha ni Erica.

Wala namang kaalam-alam ang killer na nakawala na mula sa pagkakatali si Mich. Kinuha niya ang nakapatong na baril sa mesa at itinutok sa likod ng killer mula sa malayo. Nang kalbitin niya na ang gatilyo ay hindi iyon pumtok—wala nang bala!

Dali-dali niyang kinuha ang bakal na pinag-upuan niya kanina, at bago pa man makaharap sa kaniya ang killer ay ihinambalos niya na sa likod nito ang upuan. Nabitawan ng killer ang kaniyang kutsilyo nang mapasubsob siya sa sahig. Wala namang magawa si Erica dahil hinang-hina na siya tapos ay nakatali pa siya sa upuan.

"Mamatay ka na!" sigaw ni Mich at muling ihinambalos sa killer ang upuan.

Napamura naman ang killer dahil hindi niya magawang tumayo. Ihahambalos pa sana ulit ni Mich ang upuan, subalit may humawak dito. Nang lingunin niya ang nasa likuran niya, upang makita kung sino ang pumigil sa kaniya, tumambad sa kaniya ang isa pang naka-itim na cloak at pilak na maskara.

Itinapon ng taong iyan sa gilid ang upuan, at itinulak si Mich sa sahig. Kung kanina ang killer ang nakasubsob, ngayon naman ay si Mich na. Pinulot ng killer ang kutsilyo niya sa sahig, at mabilis niya itong itinarak sa dibdib ni Erica.

Napaubo si Erica kasabay ng pagbulwak ng maraming dugo. At kahit pa may duct tape ang kaniyang bibig ay tumulo pa rin doon ang dugo, hanggang sa tuluyan niya nang ipinikit ang kaniyang mga mata.

Patuloy naman sa pag-atras si Mich, at nang makaipon siya ng lakas ay dali-dali siyang tumakbo papalayo.

"Hindi maaari! Habulin mo siya!" utos ng killer sa kaniyang kasabwat.

"Tulungan niyo ako!" sigaw ni Mich nang makarating siya sa makipot na pasilyo. Binilisan niya pang tumakbo, subalit napatigil siya nang may bumulusok na patalim papalapit sa kanya, at tumarak iyon sa kaniyang likod.

Napaubo siya sabay sumuka ng dugo. Dahan-dahan naman siyang bumagsak paharap, kaya tumama ang kaniyang mukha sa sahig.

"T-Tulong..." sambit niya at muling sumuka ng dugo. Sa pagpatak ng kaniyang mga luha ay ang unti-unting pagpikit ng kaniyang mga mata.

Papalapit naman na sa kinaroroonan niya ang killer at ang kasabwat ng killer. Huhugutin sana ng killer ang kutsilyo sa likod ng Mich, subalit napatigil siya sa sinabi ng kasabwat niya.

"Ang lola mo, alam ko na kung paano natin siya mababawi!" aniya at isinalaysay ang kaniyang plano. Napatango naman ang killer, at dali-dali silang lumabas mula sa lungga nila. Nadatnan nila sa basement ang magkakaibigang sina Mariel na wala pa ring malay.

Nagtulungan sila ng kasabwat niya para hilain sila papunta sa silid ng mga portraits. Pagkatapos n'on ay bumalik ang kasabwat ng killer sa basement para kumuha ng dugong maipapahid sa mga portraits nina Erica, Mae, Rae, at Mich. Naiwan naman ang killer sa silid kasama sina Mariel na wala pa ring malay.

"Dadalhin ko na nga kayo rito. Kawawa naman kayo dahil hanggang ngayon ay hindi niyo pa rin nasasagutan ang palaisipan tungkol sa totoong salarin," bulong niya at hinaplos pa ang pisngi ni Mariel.

"Kaya dinala ko na kayo rito para mas maliwanagan na kayo. Ako na nga ang naglagay ng pagkain niyo sa kutsara, ako pa ang magsusubo sa inyo. Nakakdismaya dahil ako pa ang ngunguya para sa inyo dahil sa kabobohan niyo," dagdag pa niya saka ngumisi.

Nang makabalik na ang kasabwat niya ay puno na ng dugo ang kamay nito. Hinawakan niya ang kamay nito upang lumapat sa kaniyang mga kamay ang dugo. Pagkatapos n'on ay nilagyan niya ng numero ang mga portraits ng mga bago niyang biktima.

"Tara na, kailangan na nating gawin ang susunod nating hakbang," anyaya ng kasabwat niya, at nilisan na nila ang silid na iyon.

Sunod nilang pinuntahan ang silid kung saan ikinulong si Joanne. Kinalas nila ang tali sa pinto, at dahan-dahan iyong binuksan.

Bumungad naman sa kanila si Joanne na patuloy sa pag-atras. Nanlalaki ang kaniyang mga mata, at kitang-kita ang panginginig ng kaniyang mga kamay dahil sa takot.

"P-Paanong... i-ikaw ang killer..."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro