Chapter 33
DUMAMPI sa balat ni Eliana ang malamig na simoy ng hangin. Madaling araw na ngunit wala pa sina Mariel at Leianne. Pigil-hininga siyang naghihintay sa kanila sa sala, samantala ang natitirang niyang mga kaklase ay nasa kuwarto.
Inaamin niya na labis ang kaniyang pambubulalas noon at tila walang kinatatakutan, subalit sa sitwasyon nila ngayon, hindi niya maiwasang makaramdam ng matinding takot.
Unti-unting namamatay ang mga kasama niya. Pakiramdam niya ay siya ang susunod na mamamatay. Mas gugustuhin niya na lang mamatay nang biglaan kesa ma-torture pa siya ng killer.
"E-Eliana..."
Napatayo siya nang sumulpot sa harap niya si Joanne. Napatingin siya sa kamay ni Joanne, my hawak itong matalim na kutsilyo. Napasinghap siya nang kumislap ito dahil tumama ang liwanag ng ilaw.
Umakyat ang takot sa buong katawan ni Eliana at muling napatingin kay Joanne. Nanlambot ang mga tuhod niya at tumayo ang mga balahibo niya.
"Siya ba ang killer? Ako na ba ang isusunod niya? Katapusan ko na ba?" sunod-sunod na tanong ni Eliana sa kaniyang isipan. Napaatras siya nang bahagyang lumapit sa kaniya si Joanne.
"P-please... huwag kang lalapit sa akin!" pagmamakaawa pa ni Eliana. Lumuhod pa siya sa sahig para lang patigilin si Joanne sa paglapit sa kaniya.
Ilang saglit lamang ay napatigil sa paghakbang si Joanne dahil nanginginig ang kaniyang mga kamay. Nabitawan niya rin ang kaniyang kutsilyo. Imbes na pulutin niya iyon ay dali-dali siyang tumakbo papalayo.
Naiwan naman si Eliana na lumuluha sa lapag habang nakahawak sa kaniyang dibdib. Mabilis pa rin ang pagkabog nito dahil sa takot. Pilit naman siyang tumatayo subalit nanghihina ang kaniyang tuhod.
"Papatayin talaga kita, Joanne... u-unahan kita!"
SA kuwarto naman ay tahimik na nagkatinginan ang mga natitirang magkaklase. Sina Erica, Mich, Mae, at Rae. Pare-pareho ang tumatakbo sa isip nila: kung hindi isa sa magkakaibigang sina Mariel ang killer, tiyak na isa sa kanilang apat ang pumapatay.
"Ano na ang gagawin natin? Patay na sina Jelyn, walo na lang tayong natitira," malamig na saad ni Erica kina Mich, subalit napataas ang kaniyang kilay nang tignan siya ni Mich ng makahulugan at napatawa.
"Walo na lang tayong natitira. Aminin mo na kasi na ikaw ang pumapatay," sumbat sa kanya ni Mich. Maging sina Mae at Rae ay sumang-ayon sa sinabi ni Mich.
Napatayo naman si Erica habang nakapamewang. Siguradong nagpanting ang kaniyang mga tainga nang ibintang sa kaniya na siya ang killer. Ngayon ay alam niya na ang pakiramdam ng napagbibintangan.
"Hindi ako ang killer! Hindi ko hahayang masunog ako sa impyerno dahil lang sa inyo! At higit sa lahat, wala kang ebidensya na ako ang killer!" Dinuro-duro pa niya si Mich at akma siyang sasampalin.
"Tumigil na kayo sa pagtatalo. Sa tingin niyo mahuhuli natin ang killer 'pag nag-aaway tayo?" panunuway ni Rae kaya dumistansya na lamang si Erica sa kanila.
"Kung ganon, ano ang gagawin natin?" tanong na lamang ni Mae para maiba ang usapan.
"Gagawin NIYO," pagtatama ni Erica. Tinignan niya rin nang matalim si Mich. "Bakit niyo ako isasama sa plano niyo? Paano kung mapatay ako dahil lang diyan?"
"Ano ba naman, Erica? Kailangan nating magtulungan lahat! Aminin natin na hindi natin kayang mag-isa ito, na kailangan natin ng tulong ng bawat isa," inis na saad ni Rae at napasapo pa sa kaniyang noo.
"Eh, anong gagawin natin?" napilitang tanong ni Erica habang magkasalubong ang kaniyang mga kilay.
"Hahalughugin natin ang buong mansyon. At sigurado ako kung saan natin puwedeng matagpuan ang killer," makahulugang sabi ni Mich kaya napatingin si Erica sa kaniya. Tila alam na alam na niya kung saan nagtatago ang killer.
"Anong ibig mong sabihin?"
"Naalala niyo ba ang nakita nating silicon hand sa basement?" tanong pa ni Mich kaya napatango sila. "Sigurado rin akong nasa parameter lang ng basement nagkukuta ang killer dahil doon ang mas safe na lugar sa kaniya para hindi mahuli."
Napabuntong-hininga naman si Mae dahil sabik na siyang malaman ang kabuuang plano ni Mich. "Ipaliwanag mo na lang kaya nang diretso ang gusto mong gawin natin."
Natahimik naman si Mich dahil nag-aalinlangang siyang sabihin ang kaniyang suhestiyon. Pinanliitan siya ng tingin ni Erica, kaya napilitan siyang sabihin na lamang ang kaniyang plano.
"Hahalughugin natin ang basement dahil sigurado akong may iba pang sekretong taguhan sa basement kung saan ay doon niya pinapatay ang kaniyang mga biktima. Isipin niyo, napakalawak ng basement at sa bungad lang natin itinatambak ang mga bangkay," pagpapaliwanag ni Mich kaya napakunot ng noo si Erica. Tutol siya sa plano ng kaniyang kaklase.
"Sigurado ka ba sa plano mo, Mich? Nakakatakot kaya sa basement dahil puro naaagnas na mga bangkay ang naroon," pagrereklamo ni Erica, ngunit wala siyang magawa dahil tila sang-ayon sa plano sina Mae at Rae.
"Kailan natin isasagawa ang plano? Bakit hindi natin hintayin sina Mariel?" sunod-sunod ding tanong ni Rae. Napatayo naman si Mich dahil sa tanong ng kaniyang kaibigan.
"Bakit pa natin hihintayin sina Mariel? Tumatakbo ang oras! Kung hindi natin mahuhuli ang killer, tayo ang huhuliin nya!" pangangatwiran ni Mich.
Natauhan naman si Erica sa sinabi ni Mich. Napagtanto niyang may punto ang kaniyang kaklase kaya napangiti siya. Tumayo na rin siya at nagtungo sa pinto ng kuwarto. Kailangan nilang makipag-unahan sa oras at sa killer. Hindi sila puwedeng babagal-bagal na lang.
"Ano, tara na?" sabi niya. Sumunod naman na sila kaya agad silang dumiretso sa kusina para kumuha ng kutsilyo.
Palinga-linga sila sa paligid habang naglalakad sa pasilyo papuntang basement. Pigil-hininga silang humahakbang dahil napakatahimik ng paligid na siyang mas nakakapangilabot.
Napahugot sila ng malalim na hininga nang makarating sila sa pinto ng basement. Dahan-dahang binuksan ni Rae ang pinto at binuksan ang ilaw.
Umalingasaw ang amoy na nabubulok kaya halos bumaliktad ang sikmura nila. Pinipigilan naman ni Erica ang pagsigaw nang makita niya na naman ang mga bangkay na naagnas pagkababa nila. Ihinakbang niya ang nanginginig niyang mga tuhod, at sumunod kina Mich na palinga-linga sa paligid.
"Maging alerto tayong lahat. Gamitin niyo ang mga patalim para protektahan ang sarili niyo," pabulong na sabi ni Mich.
Napaliga si Erica sa paligid at ngayon niya lang napagtanto na napakalawak pala talaga ng basement. Puno rin ng agiw at alikabok ang paligid kaya makailang beses na siyang bumahing.
"Guys, ano ito?" Napatingin sila kay Rae na itinuturo ang sahig na gawa sa table, at doon ay nasilayan nila ang isang trapdoor.
Dahan-dahang binuksan iyon ni Mae at nang mabuksan niya ito, agad silang bumaba doon. Napakahaba at madilim na pasilyo ang bumungad sa kanila. May isa namang bumbilya na nagbibigay ng kaunting liwanag sa kanila—natunton na nga nila ang lungga ng killer.
"Sigurado ako, dito nagtatago ang killer," saad ni Mich.
Nagkatinginan sila nang may naramdaman silang presensya ng taong papalapit, kaya agad nagtago si Erica sa likod ng maalikabok na shelf. Sina Mich naman ay nagtago sa likod ng kabilang shelf. Nanlaki ang mga mata ni Erica nang may nakita siyang bulto ng taong papalapit.
Hindi gaanong maliwanag kaya hindi niya masyadong maaninag kung sino ito. Sa tingin niya ay iyon na ang killer. Naging mas malinaw pa ito nang mas lumapit ang hakbang nito, ngunit naka itim itong cloak at may suot na maskara.
"Achu!" Nakita niyang bumahing si Rae, kaya napatingin sa gawi nila ang killer.
Napatakip si Erica sa kaniyang bibig nang ilabas ng killer ang kaniyang patalim.
"Alam kong may ibang tao rito. Kung ako sa inyo, magtago na kayong mabuti." Mas lalong nagsitayuan ang mga balahibo ni Erica. Alam niyang babae ang killer subalit kahanga-hangang kayang-kaya nitong baguhin ang kaniyang boses—malalim at nakakatakot.
Mayamaya ay nadinig niya muli itong nagsalita.
"I caught you..." nakakakilabot na sabi nito kaya napatingin muli si Erica sa gawi nina Mich na agad tumayo at akmang isasaksak sa killer ang kutsilyo pero naunahan siya.
Sumiksik si Erica sa sulok, at hindi niya na magawang gumalaw pa dahil sa takot. Dinig niya ang pagkalansing ng kutsilyo at mga kalampag. Muli siyang sumilip kaya nakita niya kung gaano kalakas ang killer. May saksak na sa hita sila Mich at isa-isa silang hinila papalayo ng killer.
Sumiksik pa si Erica sa sulok para makapagtago, ngunit hindi niya napansin na nasagi ng likod niya ang vase kaya natumba ito at nabasag. Lumikha iyon ng ingay kaya napakagat siya sa kaniyang labi. Napatingin ito sa gawi niya at kita niya ang paghakbang ng killer papunta sa gawi niya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro