Chapter 31
MULI na namang naloko ng killer sina Mariel. Noong una ay dahil doon sa silicon hand. Malaking kamalian din na pinagbintangan nila si Geam na matagal ng patay at naaagnas. S-in-et iyon ng killer para lokohin sila. Sinadya niyang ilagay ang silicon hand at itago ang bangkay ni Geam para pagbintangan siya.
Ngayon naman ay nasa panganib sina Lyn at Jelyn dahil muli na naman silang naloko. Masyadong mabilis na kumilos ang killer; mas mabilis pa kumpara sa inaasahan nila. Halos maibato ni Mariel ang speaker dahil sa inis.
Hindi na nila iyon pinag-aksayahan pa ng panahon. Tumakbo na sila, at sinundan ang kaluskos upang matunton ang dalawa nilang kaklase. Napatigil naman sila nang may makita silang mga patak ng dugo at bakat ng kamay na duguan.
"M-Mariel... umalis na tayo, natatakot na ako," wika ni Leianne at pilit na hinihila si Mariel.
"Kailangan nating iligtas sina Jelyn," giit ni Mariel kaya itinuloy na nila ang paghahanap.
"AAAHHH" Napalingon sila nang tumili si Erica. Nakatingin lamang ito sa iisang direksyon habang ang mga mata niya ay nanlalaki at ang mukha niya ay maputlang-maputla.
Tumingin din si Mariel sa tinitignan ni Erica, at napatakip na lamang siya sa bibig niya dahil sa nasaksihan. Duguan na katawan ni Jelyn at Lyn ang tumambad sa kanila. Huli na naman sila.
ISANG linggo na yatang kasama ni Ced si Ma'am Kate, subalit hanggang ngayon ay marami pa siyang hindi nalalaman tungkol sa guro. Alam niyang marami pa siyang itinatago—lalo na ang koneksyon niya sa killer—pero hindi pa rin niya alam kung ano iyon.
"Bakit ba hindi ko pa pwedeng sabihin kina Mariel kung sino ang killer?" tanong ni Ced kay Ma'am Kate kaya napabuntong-hininga ang guro.
"Malalaman niya rin iyon pero sa ngayon hindi muna maaari dahil mapapahamak siya," sagot ng guro, at muling itinuloy ang paglilinis sa loob ng lungga nila.
Patuloy pa ring binabagabag ng mga katanungan si Ced. Hindi niya titigilan ang guro hangga't hindi niya nalalaman ang mga kasagutan.
"Bakit po ba ang dami niyong alam tungkol sa killer, at sa mansion na ito?" tanong pa muli ni Ced kaya napatigil ang guro.
Sa pagkakataong iyon ay ngumiti nang mapait si Ma'am Kate at hinarap si Ced.
"Dahil may kinalaman siya sa akin," pagtatapat ng guro, at muli niya na namang naalala ang mga pangyayari sa nakaraan kasabay ng pagsasalaysay niya kay Ced kung ano ang katotohanan.
"Anak, a-ang daddy mo..." napatayo mula sa sofa ang labing-walaong taong gulang na si Kate nang dumatingang kaniyang ina. Humahangos ito at kitang-kita ang pamumugto ng kaniyang mga mata.
"Ano pong nangyari?" tanong niya, at inalalayan sa pag-upo ang kaniyang ina, ngunit napatulo na lamang ang mga luha ng ina niyang ngayon pa lamang niya nakitang umiyak.
"B-Binaril ang papa mo... at ang itinuturong mastermind ay ang gahamang lalaking nagpabagsak ng kompanya natin." Tila tumigil ang mundi ni Kate sa narinig niya. Nag-alab din ang galit sa kaniyang dibdib na tila tutupok na sa buong pagkatao niya.
"Hindi ito maaari! Kinuha na nila ang kompanya at ang ancestral house natin! Pati ba naman ang buhay ni daddy kukunin nila?" puno ng hinagpis na saad ni Kate at napayakap sa kaniyang ina.
Wala silang nagawa kundi ang umiyak. Nabaon pa sila sa utang dahil sa ginastos nila sa burol ng kaniyang daddy. Dahil doon, nabuo ang poot sa puso ni Kate. Wala siyang ibang gustong gawin kundi ang maghiganti.
"Ipinapangako ko, daddy, igaganti kita at sisirain ko ang buhay ng lalaking iyon, pati ang nag-iisa niyang anak na babae," madiin niyang sabi habang nakatayo sa harap ng puntod ng kaniyang ama.
Ang dating mala-prensesa niyang buhay ay naging mas mahirap pa kumpara sa mga alipin. Ang dating mala-palasyo nilang tahanan ay naglaho na rin sa buhay nila.
Simula noon, mas nag-alab pa ang galit sa puso ni Kate. Kahit naghihirap sila ay ipinagpatuloy niya pa rin ang pag-aaral para maging tagumpay siya sa paghihiganti. Pagkalipas ng apat na taon ay naging guro na nga siya. Nabuo rin ang ngisi sa labi niya nang malaman niyang pumapasok sa eskuwelahan na pinagtuturuan niya ang anak ng lalaking iyon.
Isa lamang ang adhika ni Kate: iyon ay ang siguraduhin niyang magiging miserable ang anak ng lalaking dahilan ng pagkakalugmok nila.
Mas lalo pang nag-alab ang kaniya galit nang nalaman niyang pinagkutaan ng kulto ang ancestral house nila sa Pangasinan. Ang lider ng kultong iyon ay walang iba kundi ang ina ng lalaking kinagagalitan niya.
Inutusan niya ang buong klase ng SCS para sirain ang buhay ng anak ng lalaking iyon kapalit ng malaking halaga. Nagtagumapay nga siya, nasira niya ang pagkatao, maging ang dignidad ng babae.
Umayon naman ang plano niya. Humingi humingi ang estudyanteng iyon ng tulong sa kung kani-kaninong guro pero hindi siya pinakinggan. Noong lapitan siya nito at humingi ng tulong, halos mandiri siya nang kunwari ay tinutulungan niyang ang estudyante.
Tila nakiki-ayon pa ang tadhana kay Kate dahil nalaman niya na lamang na may pumatay sa lalaking iyon—ang lalaking sumira sa buhay niya at sa buhay ng kaniyang ama. Marahil ay marami rin ang galit sa lalaking iyon, kaya bumagsak din ang kompanya nila.
Tila lahat ng mga pinagdaanan ni Kate ay pinagdadaanan na rin ng estudyanteng iyon. Siya ang umaani sa lahat ng mga kademonyohang ginawa ng kaniyang ama sa buhay ni Kate.
Makalipas ang ilang taon ay naayos nga ang lahat, subalit nalaman ni Kate ang binabalak na paghihiganti ng estudyante. Narinig niya kasing may kausap sa cellphone ang estudyanteng iyon na isinasalaysay ang mga plano niya. Pinagsisihan niya tuloy na gumawa siya ng masama laban sa babae dahil may madadamay pang marami.
Hindi niya naman maaaring isuplong iyon sa mga pulis dahil wala siyang ebidensya sa binabalak ng babae. Siya lang din ang dehado dahil baka malaman nilang siya ang may kagagawan sa mga nangyari sa babae.
Makalipas ang maraming taon, nalaman niya ang tungkol sa class reunion. Napagpasyahan niyang sumama kay Ma'am Gen upang itama ang lahat, subalit hindi niya alam kung ano ang kaniyang gagawin.
Nabunutan naman siya ng tinik sa lalamunan nang nalaman niya sa isla dinala ng killer ang buong klase—ang mansion nina Kate.
"Kung gano'n, ikaw ang dahilan kung bakit nagkaganito ang killer? I-Ikaw ang puno't dulo!" hindi makapaniwalang saad ni Ced na may bahid ng galit.
"Hindi ko naman kasalanan kung bakit ko siya ginawang miserable! Masisisi mo ba ako? Pinatay ng ama niya daddy ko! Pinabagsak nila ang kompanya namin at inigaw pa ang aming ancestral house!" sumbat naman ni Ma'am Kate.
"Ibig sabihin, sa inyo ang mansion na ito?"
"Oo, sa amin ito. At maniwala ka, ilang beses ko ng tinangkang patayin na lamang killer noong naka-engkuwentro natin siya pero masyado siyang malakas," tugon niya, at padabog na nagtungo sa pinto.
"Saan po kayo pupunta?" tanong na naman ni Ced.
"Sandali lamang ako. May gagawin lang ako," tugon ng guro at tuluyang lumabas.
Naiwang mag-isa si Ced. Hindi pa rin siya makapaniwala na may koneksyon pala si Ma'am Kate sa killer. Hindi niya maiwasang sisihin ang guro sa mga nangyayari. Wala sana sila sa gano'ng sitwasyon kung hindi dahil sa kanya, subalit naging biktima rin lang naman si Ma'am Kate.
Makalipas ang ilang minuto ay bumalik na ang guro na humahangos. Halos hindi rin maipinta ang kaniyang mukha. Namumutla siya at tagaktak din ang mga pawis niya.
"A-Ano pong problema?" gulat na tanong ni Ced.
"Si Mariel, may plano sila sa kaniya! Nanganganib ang buhay niya!"
Parang nabingi si Ced sa narinig niya. Patuloy na umaalingawngaw ang mga katagang iyon sa kaniyang tainga. Sadyang nangyayari na ang kaniyang kinatatakutan. Parating na ang oras na iyon...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro