Chapter 30
PAGKABALIK nina Mariel sa second floor ay hindi pa rin niya nagagawang umupo. Palakad-lakad lamang siya habang kagat-kagat niya ang kaniyang hinlalaki. Tila wala siyang kapaguran sa ginagawa niya. Hindi niya na alintana pa ang takot dahil mas nangingibabaw sa kaniyang puso ang takot na baka mabigo silang mahuli ang killer.
"Anong ibigsabihin ng silicon na kamay roon? May kinalaman ba ito sa totoong killer na nagpapanggap lamang na patay kaya gumamit ng silicon hand?" paulit-ulit na tanong ni Mariel sa kaniyang isipan.
Hindi niya na talaga alam kung ano na ang gagawin niya dahil gulung-gulo na ang kaniyang isipan. Kailangan niyang magpunta kay Ma'am Kate dahil kailangan niya na itong mapilit na sabihin kung sino angtalagang killer.
Uupo na sana, siya ngunit may nadinig silang sigaw na nagmumula sa cr. Hindi maganda ang kutob ni Mariel. Tila nagbabadya muli ang pagdanak ng dugo.
"Puntahan natin!" sigaw ng mga kaklase niya, maging si Leianne at Joanne ay napatayo rin. Nang makarating sila sa cr ay napatakip si Mariel sa kaniyang bibig.
"E-Eliana..." bulong ni Mariel, subalit ang kaniyang kausap ay nakatulala lamang sa bath tub at may hawak na patalim na walang bahid ng dugo.
"JOY!!!" awtomatikong sigaw nila nang makita nila ang nakalutang na sunog na katawan ni Joy.
Lumapit si Mariel at tinignan itong mabuti. Lapnos ang buong katawan nito at naging naagnas na ang hitsura niya. Napatingin naman si Mariel kay Eliana na dali-daling tumakbo palayo.
"Si Eliana! Siya ang killer!" puno ng poot na litanya ni Erica. Hindi na lamang nila iyon pinansin dahil pag-uumpisahan na naman iyon ng alitan. Isa pa, hindi maikakaila na si Eliana nga ang pumatay kay Joy dahil siya ang nadatnan nila roon.
"Mariel, ano ang gagawin natin?" tanong ni Leianne. Napatingin muli si Mariel sa sunog na bangkay ni Joy.
Unti-unti nang napaluha si Mariel dahil muli na naman silang nalagasan. Mukhang mauubos muna sila bago nila malaman kung sino ang umuubos sa kanila. Pakiramdam ni Mariel ay wala na talaga silang kalaban-laban kahit pa nandoon sina Ced at Ma'am Kate.
Kusa siyang humakbang papunta sa silid ng mga portraits, at doon ay nakita niya ang portrait ni Joy na nababahiran na ng dugo, at may nakasulat doong "25". Mas lalong napahagulgol si Mariel nang mapagtanto niyang kakaunti na lamang ang mga portraits na wala pang bahid ng dugo. Ibig sabihin, kung hindi nila kaagad mahuhuli ang killer, malapit na rin ang katapusan niya.
Lumabas na siya sa kuwarto, at marahang isinara ang pinto. Pagkatapos ay kinuha niya ang kaniyang pocket journal, at isinulat ang pangalan at numero ni Joy. Pahaba na rin nang pahaba ang listahan niya.
"(1) Rian, (2) Eila, (3) Angel;
(4) Ann, (5) Aldrin;
(6) Chad, (7) Mark, (8) Jhun;
(9) Tina, (10) Janna, (11) Fred, (12) Trunks;
(13) Sharrie, (14) Ayka, (15) Mhen;
(16) Geam;
(17) Rain, (18) Omar;
(19) Riza, (20) Carl, (21) Kara, (22) Josh;
(23) Bella, (24) Jenn;
(25) Joy"
Pagbalik ni Mariel sa kaniyang mga kaklase sa sala ay nadatnan niya silang nag-iiyakan. Kakaunti na lamang sila—sasampu na lamang sila. Kay bilis na napatay ng killer ang dalawampu't lima niyang mga kaklase, kasama roon si Geam.
"Mariel, tumakas na tayo! Umalis na tayo rito," pagpupumilit ni Lyn. Mahigpit siyang napahawak sa braso ni Mariel saka lumuhod para magmakaawa.
"May alam akong paraan, Leianne," saad ni Mariel at ibinulsa ang kaniyang pocket journal.
Hindi niya alam kung maganda ba ang naiisip niyang plano, ngunit nais pa rin niyang ituloy. Nakasalalay kasi ang kaligtasan nilang lahat doon.
"Anong pinaplano mo Mariel?" tanong sa kaniya ni Leianne.
Lumapit si Mariel kay Leianne at bumulong. "Dadalhin natin sila sa taguhan nina Ma'am Kate." Agad namang napailing si Leianne sa sinabi ni Mariel.
"Hindi puwede, Mariel. Makaaapekto ito sa pinaplano natin sa killer! Malay mo isa sa atin dito ay killer pala tapos isasama mo roon—hindi pala, siguradong isa sa atin dito ang pumapatay!" pagtutol ni Leianne.
Napalakas naman ang pagkakasabi ni Leianne kaya narinig iyon ng iba pa niyang mga kaklase.
"May pinaplano kayo sa killer? Eh, anong kinalaman ni Ma'am Kate? Akala ko patay na siya dahil hindi na siya nagpapakita?" sunod-sunod na tanong ni Joanne.
Nagkatinginan sina Mariel at Leianne. Hindi niya alam kung paano niya ito ipapaliwanag kay Joanne. Bukod kasi kay Eliana, siya ang rin ang pinag-iisipan nilang killer. Halos sapakin naman ni Leianne ang sarili niya dahil sa pagiging padalos-dalos niya.
"Ah... kasi may pinaplano kami sa killer pero hindi namin alam kung papaano. At yung kay Ma'am Kate... mali ka ng pagkakaintindi. Oo, alam naming may pinagtataguan si Ma'am Kate kaya hindi siya nagpapakita, iyon nga lang hindi namin alam kaya hahanapin na muna namin sana ni Mariel," pagpapalusot ni Leianne. Napatango na lamang si Mariel bilang pag-sangayon.
"Hindi na kailangan 'yan. Paano kung sa paghahanap niyo kay Ma'am ay mas mapahamak tayo?" pagtutol ni Joanne. Mukhang kumbinsido naman siya sa kasinungalingan ni Leianne.
Napagpasyahan ni Mariel na huwag na lamang dalhin ang mga kaklase niya sa taguhan nina Ma'am Kate dahil napagtanto niyang may punto si Leianne. Isa pa, alam niyang hindi iyon magugustuhan ng guro.
Samantala, pinabayaan na lamang nila ang bangkay ni Joy sa cr. Hindi nila magawang kunin ang katawan niya dahil baka sila rin ang malapnos ng asido. Pababayaan na lamang nila roon ang bangkay niya, total may isa pa namang cr doon.
Nanatili silang nakaupo sa sala ng second floor. Walang na namang umimik sa kanila. Lumapit si Eliana kay Mariel—may nais siyang sabihin.
"Mariel, 'yong tungkol kanina, handa akong magpaliwanag," wika ni Eliana. Tumango naman si Mariel, kaya isinalaysay na niya ang nakita niya tungkol sa pagkamatay ni Joy.
Nang makaalis sina Mariel sa basement ay nagtungo na sila sa sala. Nakadama naman si Eliana ng gutom kaya kumain muna siya sa kusina. Habang kumakain ay naramdaman niya tila may kakaiba. Pakiramdaman niya ay naroon presensya ng killer, kaya kumuha siya ng patalim at sinundan ang anino.
Npagpasiyahan niya na lang na magtungo sa cr nang mawala sa pangingin niya ang anino. Mabuti na lamang ay may ibang hagdan papunta sa second floor malapit sa kusina—sadyang napakalawak ng mansion. Agad siya nagtungo sa cr, ngunit gayon na lamang ang pagkasurpresa niya nang makitang nalulunod na sa asido si Joy.
Hindi siya makagalaw habang nasasaksihan ang pangingisay ni Joy na nalulunod sa asido. Humigpit ang pagkakahawak niya sa patalim dahil sa takot.
"Eliana..." bulong ni Joy hanggang sa tuluyan na itong bawian ng buhay.
"Kung gan'on, hindi isa sa atin dito ang killer," wika ni Mariel. Napatingin naman ang lahat sa kaniya.
"Ibig bang sabihin nito ay isa sa mga patay na ang nagkukunwaring patay na?" tanong ni Mich.
Mula sa nakita nilang silicon na kamay, ibig sabihin lamang noon ay isa sa mga nakita nilang mga bangkay ay silicon lamang.
"Kailangan nating bumalik sa basement," sabi pa ni Mariel.
Agad namang tumayo si Mae. "Sasama ako."
"Kami rin," sambit din nina Lyn at Jelyn. Si Erica naman ay napilitan lamang na tumayo at sumama. Sama-sama silang pumunta sa basement. Pinindot ni Mariel ang switch ng ilaw, at bumungad muli ang maraming bangkay.
Nagtataka naman si Mariel dahil noong binilang niyang muli ang mga bangakay. Dalawampu't tatlo na lamang ang nandoon, samantalang dapat ay dalawampu't apat ang mga ito dahil ang pang dalawampu't lima ay ang bangkay ni Joy na naiwan sa cr.
"Nawawala ang bangkay ni Geam." Napatigil sa pag-iisip si Mariel nang marinig niya ang sinabi ni Rae.
"Isa lamang ang ibig sabihin n'on. Si Geam ang killer at nagpapanggap lamang siyang patay na!" entrada naman ni Erica habang nakapamewang pa.
"Hindi! Hindi siya ang killer! Alam ninyong mas mabait siya kumpara sa aming apat. Hindi niya mamagawang pumatay!" bulyaw sa kaniya ni Mariel.
Padabog na umalis sa basement si Mariel. Napasandal siya sa isang cabinet malapit sa pinto ng basement, at hindi niya na napigilan pa ang pagragasa ng kaniyang luha. Hindi niya alam kung dahil ba iyon sa pagkadismaya kapag si Geam nga ang totoong killer, o dahil nasasaktan siya sapagkat patay na nga talaga ang pinakamatalik niyang kaaibigan.
"Hindi naman ikaw ang killer, 'di ba?" sambit niya at tinuyo ang kaniyang mga luha. Lumabas na rin ang mga kaklase niya. Hindi pa rin naman tumitigil si Erica sa pagsambit na si Geam ang pumapatay.
"Si Geam ang killer! Tandaan niyo itong sasabihin ko, si Geam talaga ang salarin!" giit ni Erica.
"Tumigil ka nga muna sa pagpaparatang, Erica!" sigaw sa kaniya ni Leianne.
"Huwag na kayong magbulag-bulagan. Nariyan na nga ang katotohanan, pero mas pinipili niyong mamuhay sa kasinungalingan," saad ni Erica ngunit, hindi na lamang siya sinumbatan pa nina Mariel.
"Halika na, Mariel," pag-aaya ni Leianne at hinawakan ang kamay ni Mariel.
Umalis na siya sa pagkakasandal, subalit laking gulat niya nang bumukas ang cabinet at iniluwa n'on ang inuuod na bangkay.
"K-Kaninong bangkay 'yan?"
Humarap si Mariel sa kabinet para makita kung sino iyon. Sa kaniyang pagharap ay muling nagbagsakan ang kaniyang mga luha.
"Bangkay ni Geam..." halos pabulong na sambit ni Mariel, at napatitig sa bangkay ni Geam na may maraming uod na labas pasok sa katawan niya.
"Hindi si Geam ang killer! Nakikita mo ba ito? Patay na nga pinag suspetsahan niyo pa!" litanya ni Mariel at hinarap si Erica.
Susumbat naman sana si Eliana, subalit mayroon na namang silang narinig na mga sigaw.
"Tulong! Tulungan niyo kami!"
"Sina Lyn at Jelyn!"
Sinundan nila kung saan nagmumula ang sigaw. Nagmumula iyon sa malaking drum malapit sa isang pasilyo malapit sa basement kaya agad nilang pinuntahan iyon.
"Tulong!" sigaw nilang muli.
Mas binilisan pa nila ang pagtakbo, kaya naman noong narating nila ang malaking drum na nakatakip ay agad iyong binuksan ni Mariel.
"Tulong! Tulong!"
Napayukom ang mga kamao ni Mariel nang makita niya ang isang maliit na speaker sa loob mg drum. Kinuha niya ito at pinatay. Napamura na lamang siya nang napagtanto niyang naloko sila ng killer.
"K-Kung gan'on, n-nsaan sina Jelyn at Lyn?" tanong ni Mich.
Sumagot naman si Eliana, "Iisa lamang ang ibig sabihin nito; nasa bingit sila ng kamatayan. Napakabilis ng salarin, kanina lamang ay kasama natin sila pero ngayon nadakip na sila."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro