Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 22

Hindi pa rin mapigil ang hinagpis ni Mariel nang malaman niyang patay na ang isa sa mga kaibigan niya. Akala niya ay hindi na masusundan pa ang mga masasakit na nangyari sa kaniya noon. Hindi niya lubos na akalaing muli na namang may mawawala sa buhay niya.

Tuloy-tuloy pa rin ang pagragasa ng mga luha ni Mariel. Wala na siyang pakialam kahit makita siyang umiiyak ng mga kaklase niya. Sa katunayan, iyon ang kauna-unahang pagkakataong nakita nila siyang umiiyak. Ni minsan kasi noon ay hindi nila nakitang pinanghinaan si Mariel dahil palaging matapang na imahe ang ipinapakita niya.

Magkakasama kasi ulit sila sa sala ng second floor. Mag-isa lamang si Mariel sa mahabang sofa, pagkatapos ang iba niyang mga kaklase ay nakaupo sa lapag habang pinagmamasdan siyag umiiyak.

Hindi nila lubos akalaing ang kaklase nilang may matigas na puso, palaaway, at matapang, ay may gan'ong side. Naninigkit na ang mga mata ni Mariel dahil sa labis na pag-iyak, at magulo na rin ang buhok niya, pero hindi niya na inintindi pa iyon. Wala na siyang pakialam sa kung ano ang sabihin nila sa kanya.

Pagkalipas ng ilan pang mga minuto ay hindi niya namalayang nakatulog na pala siya habang tumutulo ang kaniyang mga luha. At sa kaniyang pagtulog, muli na naman siyang dinala sa bangungot na matagal niya ng tinatakasan.

"Mommy, sama na ako sa inyo," pagpupumilit ng batang si Mariel sa kaniyang ina. Pitong taong gulang pa lamang siya noong mga panahong iyon. Musmos pa lamang siya, at wala pang kamuwang-muwang sa maaaring gawin ng mapang-aping mundo sa kanya.

"Huwag na, baby girl, bibilihan na lang kita ng barbie dolls. Sige na, pumunta ka na sa kuya mo dahil aalis na ako," wika ng kaniyang ina, at inalis niya ang pagkakayakap nito sa kaniya.

"Bye, Mommy!" masigla namang sabi ng kaniyang Kuya Reeno, na sampung taong gulang na, sabay humalik sa pisngi ng kaniyang ina.

"Mommy, huwag ka na kasing pupunta sa kasal ng kaibigan mo. Huwag ka ng sumakay sa eraplano, 'wag kang pupunta kapag 'di ako kasama!" atungal ni Mariel, at hinigpitan ang pagkakahawak sa kaniyang ina gamit ang kaniyang dalawang maliliit na kamay.

"Anak, babalik din ako. Pangako, bibilihan pa kita ng doll," pagpapatahan ng kaniyang ina, atsaka pinunasan ang mga luha niya. "Magpakabait ka, ha? Makikinig ka kay kuya at dad," bilin pa ng ina niya.

Hinigpitan ni Mariel ang hawak niya sa kaniyang ina upang hindi makaali,s ngunit nabigo siya dahil unti-unting nakalas ang pagkakahawak niya.

"I hate you, Mommy!" sigaw ni Mariel, at tumakbo papuntang kwarto niya. Hindi siya nagpaalam nang maayos sa ina niya o kaya ay humalik man lang sa kaniyang pisngi.

Hindi maaawat ang kaniyang pag-iyak habang nasa loob siya ng kaniyang kuwarto. Palagi kasing nasa trabaho ang kaniyang mommy at daddy. Akala niya ay maaalagaan na siya ngayong bakasyon, subalit mali ang kaniyang akala.

Ilang oras siyang nagkulong sa kuwarto niya. Lumabas lang siya dahil sa malakas na tunog ng telepono sa sala. Pagkatinging niya sa labas ng bintana, nasaksihan niyang isinasayaw na ng malakas na hangin ang mga puno. Sinabayan pa iyon ng malakas na buhos ng ulan.

Agad niya namang sinundan ang kaniyang daddy sa baba, at pinakinggan kung sino ang kausap nito sa telepono. Lumapit pa siya nang makita niya ang pagragasa ng luha ng kaniyang ama. Mayamaya pa ay nariyan na rin ang kaniyang kuya.

"Daddy, si mom ba 'yon?" tanong ni Mariel, kaya mas lalong napaluha ang kaniyang ama.

"A-Ano po ang nangyari kay mommy?" tanong naman ng kaniyang Kuya Reeno.

"Wala na ang mommy niyo, patay na siya. Nag-crash ang sinasakyan nilang eroplano. Wala na ang mommy niyo," diretsahang tugon ng kanilang ama. Hindi niya naisip pa kung ano ang magiging epekto nito sa mga anak niyang napakabata pa.

Kusa namang tumulo ang mga luha ni Mariel nang marinig niya ang mga katagang iyon. Hindi man lang siya nakapag-paalam sa Mommy niya; ni hindi niya ito nahalikan sa pisngi.

Agad silang pumunta sa pampang ng dagat kung saan bumagsak ang eroplano. Maraming rescuers ang naroon. Kita niya sa dalawang mga mata niya ang walang buhay na katawan ng mommy niya, na buhat ng mga rescuers, sa 'di kalayuan.

Noong lamay naman ng kaniyang ina ay iyak lamang siya nang iyak sa tabi ng kabaong. Maging ang mga nakikilamay ay mas lalong napapaiyak habang pinapanood si Mariel na naghihinagpis.

"Mommy, 'di ba nangako ka na babalik ka? Sabi mo ibibilihan mo pa ako ng maraming dolls." Hinaplos niya ang kabaong at niyakap ito. "Gumising ka na riyan! Mommy, bumangon ka na please! M-Mommy... I love you." Maging ang kaniyang daddy ay hindi siya mapahinto sa pag-iyak.

Dumating ang araw ng libing ng kaniyang ina. Labis ang hinagpis ni Mariel dahil ilang taon ko pa lang niyang nakakasama sa mundo ang kaniyang ina, subalit binawi kaagad siya ng kalangitan.. Tilla ipinagkait sa kaniya ng tadhana na makasama ang kaniyang ina nang matagal.

Makalipas naman ang siyam na taon, narating na niya ang high school kahit wala na ang kaniyang ina. Noong mga panahong iyon ay naging mabuti na ang kalagayan nila. Board member na rin ng distrito nila ang kaniyang ama.

Subalit dumating din sa punto na nagkaproblema ulit sila. Nabalitaan nila na gumagamit ng droga ang kaniyang Kuya Reeno. Nalulong siya droga kaya plinano ng kanilang ama na iparehab siya.

Ilang araw lang pagkatapos nilang pagplanuhang iparehab ang kaniyang Kuya Reeno ay nagpakamatay ito. Naramadaman muli ni Mariel ang matinding paghihinagpis. Pakiramdam niya, lahat na lang ng mga mahal niya ay nawawala sa kaniya.

Sa kanilang eskuwelahan ay tampulan siya ng tukso dahil drug addict daw ang kuya niya. Parati siyang nabubulalas kaya hindi siya nakakapag-aral nang maayos. Napagdesisyunan nilang lumipat siya ng eskuwelahan pagdating ng Grade 10. Inilipat siya ng eskuwelahan ng kaniyang daddy kung saan mayroon siyang share sa eskuwelahang 'yon. Doon ay nakilala niya si Ced at sina Eliana, Joanne, Leianne at Geam.

Simula noong maging magkasinatahan sila ni Ced ay unti-unting napawi ang kalungkutang naitanim na sa kaniyang puso.

Magkagan'on pa man, naging spoiled brat sina Mariel at ang kaniyang mga kaibigan. Tila nakawala sila sa hawla ng bangungot, kaya maging ang kanilang mga ugali ay nagbago. Naisip niya na kaya siguro sila naging magkakaibigan dahil pareho silang may masalimot na nakaraan at iniwan.

"Mommy..."

"MOMMY!!!" Napabalingkwas si Mariel at napabangon.

Tila nakikipagkarerahang kabayo ang puso niya dahil sa mabilis na pagkabog nito. Tagaktak din ang kaniyang pawis na parang kilo-kilometro ang tinakbo niya. Napalinga siya sa paligid at doon ay napagtanto niyang mag-isa na lamang siya roon.

Muling tumulo ang mga luha niya nang maipaalala muli ng nakaaraan ang masalimuot niyang kahapon. Lahat ng mga mahal niya nawala, at ngayon naman ay si Geam.

Masakit man sa kaniyang loob ay kinuha niyang muli ang pocket journal na pinagsusulatan niya ng mga pangalan ng mga kaklase niyang napatay. Nagtungo siya sa silid ng mga portraits para tignan ang portrait ni Geam. Doon ay nakita niyang may bahid na rin ito ng dugo, at may nakasulat na "16". Nanginginig pa ang kamay niya habang isinusulat ang pangalan ni Geam, at ang numero, sa kanyang journal.

"(1) Rian, (2) Eila, (3) Angel;

(4) Ann, (5) Aldrin;

(6) Chad, (7) Mark, (8) Jhun;

(9) Tina, (10) Janna, (11) Fred, (12) Trunks;

(13) Sharrie, (14) Ayka, (15) Mhen;

(16) Geam"

Pinunasan niya ang kaniyang luha, at tumakbo patungo sa kuwarto nina Ced at Ma'am Kate habang patuloy pa rin sa pag-iyak.

"Mariel? Anong problema? May nangyari ba?" sunud-sunod na tanong ni Ced tapos ay lumapit din si Ma'am Kate.

"Si... si Geam, patay na siya! Pinatay siya ng killer!" puno ng poot na tugon niya, saka marahas na pinunasan ang kaniyang mga luha.

"What?!" gulat na saad ni Ma'am Kate, at maging si Ced din ay napatahimik sa sinabi ni Mariel.

"P-Paano? Bakit? Patay na siya?" tanong muli ni Ma'am Kate. Maging siya ay naikuyom niya ang kaniyang mga kamay. Basang-basa rin ni Mariel ang galit sa mukha ng kaniyang guro.

Napagdesisyonan ni Mariel na manatili muna roon. Hindi niya kayang pumunta sa mga kaibigan niya dahil naaalala niya lang si Geam.

"Ano ang susunod na gagawin natin?" tanong ni Ced kay Ma'am Kate.

"Huwag muna sa ngayon. Hayaan muna nating tumila ang sakit ng loob ni Mariel dahil alam kong masakit ang nararamdaman niya ngayon, lalo at kaibigan niya pa ang pinaghihinagpisan niya," narinig ni Mariel na sabi ni Ma'am Kate.

"Ipaghihiganti ko si Geam! Hindi ko hahayaan na madaig ako ng killer!" matapang na entrada ni Mariel kaya napatingin sila sa kaniya.

"Tama 'yan Mariel. Kaya sa mga susunod na araw, gagawa na tayo ng hakbang laban sa killer." Ngisi ng guro.

"Bibigyan ko ng katarungan ang pagkamatay mo, Geam."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro