Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 15

MADALING araw pa lang ay gising na si Eliana, hindi pa sumisikat ang araw sa mga oras na iyon. Sa katunayan, siya ang unang nagising sa kanila. Napahikab siya at nag-inat, at tatayo na sana siya, ngunit may muntika na siyang naapakan.

Marahan niyang sinipa ang likod ni Tina. "Haharang-harang, eh!"

Agad namang napabangon si Tina, at sinamaan ng tingin si Eliana. "Ano ba, Eliana?! Wala akong ginagawa sa'yo!" Sa paninigaw ni Tina, hinila tuloy ni Eliana ang buhok niyang magulo pa.

"Aray! Tama na, Eliana!" sigaw ni Tina, kaya nagising na rin ang iba nilang mga kaklase.

Walang nagtangkang umawat dahil ayaw nilang madamay sa galit ni Eliana. Enjoy lang naman sa panonood sina Mariel nang biglang tumayo si Fred upang umawat.

"Bitiwan mo nga siya, Eliana! Hindi ka ba napapagod sa kaaaway mo sa amin?" litanya niya, at hinila si Tina upang makawala kay Eliana.

"Nanggigigil ako sa inyong lahat! Ang sarap niyong ilibing ng buhay!" Hindi naman na napigilan pa ni Eliana ang inis niya, kaya napatingin ang mga kaklase niya sa kaniya.

"Papatayin mo kami? Siguro ikaw ang killer, ano?" sumbat sa kaniya ni Fred. Sa narinig niyang iyon ay muli na namang nagpanting ang mga tainga niya.

"Kung ako man ang killer, eh 'di dapat ikaw na ang una kong binura!" panunupalpal niya. Hindi naman na nakaimik pa si Fred, subalit masama pa rin ang tingin niya kay Eliana.

Inis na lumapit kina Geam si Fred habang nakabusangot; tila pinagsakluban ng langit at lupa ang hitsura niya.

"Nice scene, huh?" natatawang saad ni Geam, ngunit mayamaya ay may narinig silang mga nag-tilian.

"Ano na naman ba iyan?" nakasimangot na tanong ni Joanne. Napatingin sila sa gawi ng sumigaw, malapit sa hagdan pababang first floor, at halos mabaliktad ang sikmura nila sa kanilang nasaksihan.

Bangkay nina Chad, Jhun, at Mark ang bumungad sa kanila. Mas lalo silang nasindak dahil sa kalunos-lunos na nangyari sa mga braso at kamay ng tatlo nilang kaklase. Pare-pareho kasing nalaslas na ang balat.

Nagsiiyakan ang mga magkakaklase. Apat na araw pa lang ang nakalilipas pero walong kaklase na nila ang nabura. Dalawang guro na rin ang patay. Ang ipinagtataka nga lang nila ay kung nasaan si Ma'am Kate.

Ang dapat sanang masayang class reunion ay napalitan ng takot at hinagpis dahil sa madudugong patayan. Idagdag pa ang mga bangayan na dulot ng limang magkakaibigang sina Mariel, Eliana, Joanne, Geam, at Leianne.

"Ayoko na tumakas na tayo!" umiiyak na saad ni Jenn, ngunit paano sila tatakas kung wala silang sasakyan?

"S-Subukan nga ninyong tignan 'yong mga paintings sa taas," suhestyon ni Erica na namumula ang mga mata dahil malapit na kaibigan niya sina Chad, Mark, at Jhun.

Itinaas naman ni Carl ang kamay niya, sabay sabi nang buong tapang, "Ako na ang titingin, kaya ko ang sarili ko. Isa pa, hindi ako takot na mamatay." Napataas naman ang kilay ni Leianne.

Habang wala pa si Carl ay tanging iyakan lamang ang namayani sa apat na sulok ng sala. Nabawasan na naman sila, at hindi pa nila nalalaman kung sino ang salarin. Hangga't hindi nila nalalaman kung sino ang killer, siguradong mauubos sila, at wala ni isa ang makakaligtas.

Ilang saglit lamang, ang malalakas na iyak nila ay nasapawan ng mga malalakas na yabag ni Carl mula sa dulo ng second floor sa kabilang hallway.

"M-May nakasulat na '6' sa portrait ni Chad. T-Tapos '7' k-kay Mark, a-at '8' kay Jhun. Lahat iyon ay ginamitan ng dugo," agad niyang wika. Napatigil naman sa pag-iyak ang mga kaklase nila.

Gulong-gulo naman na ang isip ni Mariel dahil sa kaiisip sa mga portraits na nababalutan ng dugo. Iniisip niya kung ano ba ang ibig sabihin no'n. Bigla niyang naalala ang tula na ipinahatid ng killer noon.

Ang inyong mga sigaw at daing,

Magandang musika kung ituring.

Ako'y nasa inyong likod at harap,

Ang patayin kayo ay aking pangarap.

Bawat obra ay letra,

At bawat letra ay mga salita...

"Bawat obra ay letra, at bawat letra ay mga salita? Hindi kaya may kinalaman ang mga portraits sa pagkakakilanlan ng killer?" saad ni Mariel. Nabaling naman ang tingin ng mga kaklase niya sa kaniya.

"Ang galing mo talaga Mariel!" papuri ng isa niyang kaklase.

"Teka, baka nga may alam si Carl sa pagpatay, o kaya ay salarin siya dahil siya lang naman talaga ang magaling sa mga paintings. Isa pa, sa portraits na ibinigay niya noon galing ang imbitasyon," pagpaparatang ni Jenn, ngunit agad napailing si Carl.

"Hindi ako, hindi ko magagawa iyon! Maging ako nga ay napapaisip kung paano nagkaroon ng invitation sa mga portraits na ibinigay ko noon!" giit naman ni Carl.

Hindi na pinakinggan pa ni Mariel ang bangayan nila. Bumaling siya kay Leianne at kinausap siya.

"Kung gan'on, kailangan kong pumunta sa kuwarto kung nasaan ang mga portraits natin. Kailangan kong humanap ng kasagutan doon," wika ni Mariel.

"Sasamahan na kita dahil napakdelikado," saad naman ni Leianne. Pupunta na sana sila nang harangin sila ni Geam.

"Nasaan pala yung mga bags natin? Kukuha kasi ako ng damit," tanong sa kaniya ni Geam.

"Nasa first room. Oo nga pala, pakuha na rin ng panyo ko sa bag ko," sagoti ni Mariel. Agad na nagtungo si Geam sa Room 1, samantalang sina Leianne at Mariel naman ay nagtungo na sa kanilang pakay.

"Nasaan naman kaya ang bag ni Mariel?" tanong ni Geam sa sarili habang iginagala niya ang kaniyang paningin.

Nang mahanap niya iyon ay binuksan niya ang bag. Napatigil siya nang mabuksan niya ang bag ni Mariel. Hindi siya makapaniwala sa nakita niya. Agad siyang kinutuban na nagtataksil sa kanila ang kaniyang kaibigan.

"NASISIRAAN na siguro ng bait ang salarin!" saad ni Leainne habang nakatitig sa mga paintings na nababalutan ng dugo.

Hindi naman umiimik si Mariel dahil seryoso siyang nakatingin sa mga paintings. Akala niya ay malilinawan siya kung sino ang salarin kapag nakita niyang muli ang mga paintings. Ngunit ngayon naman ay mas lalong sumasakit ang kaniyang ulo.

"Paano naman magiging clue ang mga iyan? It doesn't make sense," saad ni Mariel, taliwas sa sinabi niya kaninang may kinalaman ang mga portraits.

Dahan-dahan siyang lumapit sa mga portraits na nababahiran ng dugo dahil nagkalat ang mga bubog sa paligid mula sa basag na portraits nina Rian, Eila, at Angel. Kapansin-pansin ding nanuyo na ang ibang mga dugo. Napatakip naman siya sa kaniyang ilong dahil sa masangsang na amoy ng dugo.

"Rian, Eila, Angel, Ann, Aldrin, Chad, Mark, Jhun..." bulong niya kaya napalingon sa kaniya si Leianne.

"Kapag in-arrange sila gamit ang mga numbers na nakasulat sa portraits nila, na siguradong arrangement ng pagkamatay nila, tapos kapag kinuha ang mga initials nila ay magiging REAAACMJ. Wala namang sense ang kinalabasan," dagdag pa niya sabay napatingin kay Leianne.

"Iyon naman pala, eh. U-Umalis na lang kaya tayo rito. Atsaka, may iba pa naman tayong hawak na ebidensya, 'yong mga libro," saad naman ni Leainne.

Muli tuloy naalala ni Mariel 'yong mga rebultong nakita niya. Pati na rin 'yong tila rebulto ng demonyong bumagsak sa kaniya noong nakaraan. Sinabi rin ni Ced na may kinalaman ang mga kalansay at rebulto sa killer. Pero ang tanong, ano iyon?

"Tara na, Mariel. Wala rin lang tayong mapapala rito," pagpupumilit pa ni Leainne kaya, napatango siya at nagtungo na sila sa Room 1.

Pagkarating nila roon ay nagulat siya nang ibagsak ni Geam sa harap niya ang kaniyang bag.

"Oh? Ano ang nangyayari sa'yo?" natatawa niyang, tanong ngunit nakakunot lamang ang noo ni Geam.

"Mariel, kaibigan kita, pero hindi ko alam na traydor ka!" sigaw ni Geam sa kaniya at ipinakita ang bag. Napatingin naman si Mariel sa bag niya, at maging siya ay nagulat sa kaniyang nakita.

"Magpaliwanag ka. Bakit may baril sa bag mo? Tapos may kutsilyong may bahid pa ng dugo. Ikaw ba ang killer?!"

Hindi makagalaw si Mariel, tila nabato siya sa kinatatayuan niya. Isa lamang ang ibig sabihin nito, na-set up siya ng killer upang palabasin na siya ang salarin; para sa kanya ibaling ang bintang at hindi sa totoong killer.

Napatingin sa kaniya ang buong klase na sumunod sa kanila. Narinig kasi nila ang sigaw ni Geam; hindi pa man din nakasara ang pinto. Sina Joanne naman ay nag-iba ang tingin sa kaniya, pinagdududahan nila siya.

"Now, what? Pagdududahan niyo ako dahil lang diyan?" galit na sumbat niya, ngunit tila may kung anong tumutusok sa kaniyang puso.

"Mariel, hindi ko inaakala na magagawa mo ito," sabi sa kaniya ni Joanne, ngunit hindi niya magawang magalit sa kaibigan.

"Tatlong kaklase na naman natin ang namatay kaya, please, umamin ka na!" bulyaw sa kaniya ni Rizza.

Hindi naman magawang pagbintangan ni Leianne si Mariel dahil alam niyang wala siyang kasalanan. Sa isip niya, kung si Mariel ang killer, bakit niya pagsasakitan ng ulo na matuklas kung ano ang mayroon sa mga portraits? Bakit siya mag-aaksayang humanap ng mga clues and evidences.

"Sabi ko na nga ba, ikaw ang killer!" pagpaparatang din ni Bella.

"Na-set up lang ako! 'Di ba hinalungkat pa nina Ma'am noon ang bagahe natin? Wala namang nakitang baril, 'di ba?" pagtatanggol ni Mariel sa sarili. Mabuti na lang ay kaya niyang pigilan ang mga luha niyang pilit kumakawala.

"Sasabihin ko ba ang posibleng clue kung ako ang killer?" dagdag pa niya.

Hindi na hinintay pa ni Mariel ang tugon ng mga kaklase niya dahil lumakad na siya papalayo. Tila ba unti-unti ng lumalambot ang kaniyang puso, at nabubura ang bagsik na nasa puso niya noon. Agad siyang tumungo kung saan naroon si Ced, subalit wala siyang nadatnang Ced doon.

"Ced? Ced, nasaan ka na?" Nakailang tawag na siya ngunit walang tumutugon sa kaniya.

Nanlambot ang kaniya mga tuhod nang mapatingin siya sa sahig, at nakita ang papel na may nakasulat. Gamit ang dugo ay isinulat doon ang mga katagang nagpaluha sa kaniya.

"WALA NA SIYA!"

Tuluyang nanghina ang kaniyang mga tuhod, at lumupasay sa sahig. Mas lalo siyang napahagulgol nang may makita siyang mga patak ng dugo at putol na daliri.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro