Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 12

Madalas ay naitatanim ang poot sa puso ng isang tao laban sa isa pang tao, at kalaunan ay lumalago, dahil sa mga inakalang malayo naman pala sa katotohanan. At sa muling pagtatagpo ng kanilang landas, maaaring tuluyang mabunot ang ugat ng galit, o kaya naman ay manatili pa rin ang poot na ito hanggang sa mamunga ng bangungot.

NANG imulat ni Mariel ang kaniyang mga mata, unang bumungad sa kanya ay ang kahoy na kisame na may nakasabit na lumang chandelier sa gitna. Maagiw rin ang kisame, at halatang hindi nalilinisan, kaya sigurado siyang wala siya sa isa sa mga kuwartong in-assigned sa kanila.

Pilit niya namang ibinabangon ang katawan niya para sana lumisan na sa lugar na iyon, dahil baka nasa lungga siya ng killer, subalit hindi niya magawang bumangon dahil labis ang pagkirot ng katawan niya. Iginala niya na lamang ang kaniyang paningin, subalit wala siyang ibang nakita dahil wala ng ibang laman pa ang kuwarto bukod sa nahagilap ng kaniyang mga mata nang may marinig siyang paghikbi.

"Sino ka?" tanong ni Mariel, kaya napalingon ang taong humihikbi sa kaniya.

Nanlaki naman ang mga mata ni Mariel nang makita kung sino iyon, at kasabay n'on ay ang unti-unting pagbagsak ng kaniyang mga luha. Tuluyan siyang napahagulgol nang muli niyang makita ang mukha ng taong nagdulot sa kaniya ng ligaya at hinagpis.

Dahil sa sorpresa ay tuluyang napabangon si Mariel, at hindi na inalintana pa ang labis na pagkirot ng kaniyang katawan.

Lahat ng kinimkim na galit at pagtatampo ni Mariel para sa lalaking iyon ay unti-unting natibag—tanging si Ced lamang ang nakagagawa n'on kay Mariel. Lumapit naman si Ced sa kaniya upang punasan sana ang kaniyang mga luha, ngunit marahang tinabig ni Mariel ang kamay ng binata.

"Let me explain first, please," malumanay na saad ni Ced sabay haplos sa pisngi ni Mariel na puno ng luha.

Mas napaluha si Mariel nang madama niya ang pamilyar na init ng mga palad ng binata. Iminulat niya ang kaniyang mga mata at napatitig kay Ced na lumuluha na rin. Makalipas nang ilang sandali ay napabalik sa reyalidad si Mariel at napaatras. Ang kaninang lungkot at pangungulila ay napalitan ng kaba at takot.

"Teka, paano ka napunta rito? Bakit ka nandito? I-Ikaw ba ang salarin sa m-mga pagpatay?" sunud-sunod na tanong ni Mariel na patuloy pa rin sa pag-atras.

"H-Hindi ako ang pumapatay! Kaya nga pakinggan mo muna ang paliwanag ko," paglilinaw ni Ced. "Lahat ng ito ay may kinalaman sa kaniya."

Kumunot ang noo ni Mariel. "Sinong siya?"

"Ang killer." Tila may bumara sa lalamunan ni Mariel nang banggitin iyon ni Ced.

Napahinga nang malalim si Ced dahil sa tingin niya ay iyon na ang panahon para malaman ni Mariel ang katotohanan. Matagal na niyang naisaulo ang dapat niyang ipaliwanag kay Mariel.

Noong papunta sina Ced at Mariel sa lugar kung saan niya sosorpresahin si Mariel, pakiramdam niya ay iyon na ang huli. Habang nasa biyahe sila ay nakatulog si Mariel, kaya nagkaroon siya ng pagkakataon upang sulyapan niya ang kaniyang pinakamamahal.

"Pakinggan mo mabuti ang ikukwento ko," saad pa ni Ced, at sinimulan niya ng magsalaysay.

Magpapahinga na sana si Ced dahil pagod siya sa ginawa niyang mga assignments nang mapabangon siya dahil biglang umilaw ang kaniyang cellphone. Nakalapag kasi iyon sa maliit na mesang katabi ng kaniyang kama. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang mabasa ang nakasulat sa text message na dahilan ng pag-ilaw ng kaniyang cellphone.

From: 09********9

Ced, layuan mo na si Marie kung ayaw mong madamay sa gagawin ko sa kaniya! Binabalaan kita! Hindi nila deserve sumaya, lalo na kay Mariel! Kaya layuan mo siya, kung hindi ay papaslangin ko siya! Hindi ko hahayaang maging masaya siya!

"Nasisiraan na ba siya? Bakit ko naman lalayuan si Mariel? Bakit niya ito sinasabi?" naguguluhang tanong ni Ced at nag-reply rin sa sender na kilalang-kilala niya.

To: 09********9

Prank lang ba ito? Alam ko namang hindi mo sila sasaktan, lalo na si Mariel. Huwag ka namang magbiro ng ganiyan.

Napailing na lamang siya dahil alam niyang nagbibiro lamang ang taong iyon. Kilala niya ang sender, at alam niyang kahit gan'on ang ugali n'on, hinding-hindi niya magagawang manakit nang labis sa isang tao.

Paulit-ulit namang gan'on ang itine-text sa kaniya ng sender, kaya naisipan niyang makipagkita sa sender para makausap siya nang maayos. Papalubog pa lamang ang araw nang magkita sila sa likod ng boarding house ni Ced.

"Ano bang balak mo?" malamig niyang tanong sa taong ka-text niya kanina.

"Isa lang naman, 'yon ay ang mailayo kita kay Mariel dahil gusto kong maging miserable ang buhay niya!" madiing tugon ng kausap niya, subalit napangisi si Ced.

"Tama na ang prank na binabalak mo. Alam ko namang hindi ka ganiyan," pangisi-ngisi pang sabi ni Ced.

"Hindi kita pinipilit na maniwala, Ced. Binabalaan kita."

"Binabalaan din kita, huwag mo ng ituloy ang prank mo. Malilintikan ka talaga sa daddy ni Mariel," pagbabanta rin ni Ced sa kaniya.

Ang seryosong mukha ng kausap ni Ced ay napalitan ng ngisi, sabay humalakhak ito. "Oo na! Hindi ka naman mabiro! Gusto ko sanang i-prank si Mariel para sa anniversary niyo bukas."

"Hindi talaga magandang prank iyan!" Dahil sa inis ay hindi na hinintay ni Ced ang sasabihin ng kaniyang kausap, at lumakad na siya papalayo.

Kinabuksan, matapos niyang masorpresa si Mariel, ay gabi na nang makauwi sila. Naihatid na rin niya si Mariel sa bahay nila, at nang nasa daan na siya pauwi sa kaniyang boarding house, eksakto namang nasiraan pa siya ng kotse.

Lumabas siya mula sa kaniyang kotse, ngunit gayon na lamang ang pagkasorpresa niya nang may biglang tumutok na baril sa ulo niya.

"Time's up! Sumama ka na sa akin!" Napalingon siya sa kaniyang likuran, at doon ay nakita niya ang babaeng kausap niya kahapon.

Hindi niya inaasahang hindi pala nagbibiro ang kausap niya. Manlalaban sana siya, ngunit nakaramdam siya ng pagbigat ng talukap ng mga mata niya nang takpan ng panyong may pampatulog ang kaniyang ilong.

Nagising siya nang may bumuhos sa kaniyang malamig na tubig. Napalinga siya sa paligid, at doon ay nakita niyang nasa isang isla siya. Sa 'di kalayuan naman ay ang isang malaking lumang mansion. Pilit niya namang inaalis ang pagkakatali sa kaniyang mga kamay at paa, subalit bigo siya.

"Dito ka na maninirahan hanggang mamatay ka!" saad sa kaniya ng babaeng kausap niya kahapon, na siyang dumakip sa kaniya, at kinaladkad siya papunta sa loob ng lumang mansyon.

"Huwag mong papatayin si Mariel!" sigaw ni Ced, at pilit na kumakawala.

Hindi umimik ang babae at lumakad na lang papalayo—tila nagmamadali. Bago pa siya makalayo ay muli siya nitong nilingon.

"Siya nga pala, nasa sa'yo kung tatakas ka ng mansion." Naguguluhan naman si Ced sa sinabi niya.

Tuluyan na itong umalis at sumakay ng helicopter. Hinabol niya ito ngunit nakalipad na ito nang tuluyan.

Umalis nga siya ng mansion at tumakbo nang tumakbo. Nakarating siya sa kagubatan, sa likod ng mansion, at nanatili roon ng isang linggo, ngunit biglang umulan nang malakas at tila may bagyong paparating. Naabutan siya roon ng malakas na hangin at ulan kaya nagsakit siya.

Napagpasiyahan niyang bumalik ng mansion. Halos mabaliw siya roon dahil wala siyang ibang kausap bukod sa kaniyang sarili. Isang taon na nanirahan siyang mag-isa sa mansyon. Kumpleto naman ang kaniyang makakain dahil may nagdadala no'n para sa kaniya buwan-buwan. Sigurado siyang tauhan iyon ng babaeng taksil.

Isang taon siyang nawala, subalit hindi man lang siya hinanap ng mga magulang niya, pati sa eskuwelahan niya. Abala kasi palagi sa kompanya nila ang mga magulang ni Ced. Nag-iisang anak lamang si Ced, subalit sakit siya sa ulo dahil napakapasaway niya. Ilang beses na nga rin siyang nag-drop out sa klase.

Parati rin siyang naglalayas, at pinipiling manatali na lamang sa isang boarding house at lumayo. Kaya naman, inisip nilang naglayas na naman siya kaya siya wala. Sila na rin mismo ang nag-drop out kay Ced. Lingid sa kanilang kaaalaman, na-kidnap na pala siya ng killer.

Hawak naman ng killer ang cellphone ni Ced, kaya t-in-ext niya si Mariel na makikipaghiwalay na siya. Sinabi niya rin kay Mariel na sawa na siya sa napakapangit na ugali ng dalaga, kaya huwag niya na siyang hahanapin pa. Pagkatapos na i-send ng killer iyon kay Mariel, sinira niya na ang cellphone ni Ced, at tuluyang sinunog.

Hanggang sa isang araw ay bumalik ang babaeng iyon sa isla, at nakangisi na tila may masamang binabalak.

"Long time no see, it's been a year! Bored ka na ba? I thought nag-suicide ka na?" Nainis naman si Ced sa sinabi ng babae, at akmang aalis, ngunit napatigil siya sa sinabi ng babae.

"Next week ay may magaganap na class reunion dito. Dito ko isasakatuparan ang plano ko, dito ko sila papatayin isa-isa! Pati si Mariel!"

Tila apoy ang tumutupok na galit sa puso ni Ced, at hinawakan nang mahigpit sa kuwelyo ang babae.

"May usapan tayo!" sigaw niya, pero napahalakhak ang babae kaya napabitaw siya.

"Usapan? Wala akong pake sa usapan! 'Di mo ako mapipigilan!" tugon nito, habang inaayos ang kuwelyo ng kaniyang damit, at lumakad na papalayo

Makaraan ng isang linggo ay dumating na ang araw na kinatatakutan ni Ced, ang pagdating nina Mariel.

"SORRY, akala ko iniwan mo talaga ako!" saad ni Mariel at muling napaluha.

"Huwag mong sisihin ang sarili mo dahil ang killer ang may kasalanan ng lahat," tugon ni Ced.

"K-Killer? Sino siya?"

"Hindi ko upwedeng sabihin dahil ayokong mapahamak ka. Ikaw, kayo, mismo ang didiskobre dahil para rin lang ito sa inyong kaligtasan," tugon ni Ced at niyakap nang mahigpit si Mariel.

"May mas maganda akong plano, at ayokong masira iyon, dahil hindi lang ang killer ang kalaban niyo rito. May kinalaman pa ang mga nakita mong mga kalansay at rebulto," dagdag pa niya.

Napaawang naman ang bibig ni Mariel, at saglit siyang hindi nakapagsalita dahil sa takot. Naalala pa niya 'yong nangyari sa kaniya bago siya nawalan ng malay.

"Nagtitiwala ako sa iyo, pero kailangan ko ng umalis dahil siguradong hinahanap na ako." Iyon na lamang ang tanging nasambit ni Mariel dahil sa takot.

"Ipangako mo na wala kang pagsasabihan tungkol dito. At huwag mo ring sasabihin na narito ako," bilin ni Ced kaya napatango lamang siya.

Kahit pa nakamulat ang kaniyang mga mata, tila hinihila siya ng mga kalansay at rebulto patungo sa isang bangungot...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro