Chapter 1
AGAD na napabalingkwas si Mariel mula sa pagkakatulog nang umugong ang kalangitan dahil sa malakas na kulog. Sumabay naman ang matalim na kidlat, at malakas na hangin. Napatingin naman siya sa bintana, nakabukas pala ito kaya bumugso sa loob ng kaniyang kuwarto ang mabagsik na ihip ng hangin.
Pupungay-pungay pa ang kaniyang mga singkit na mata habang papalapit sa bintana, at tila hinihila pa siya ng kaniyang pagkaantok, kaya halos matumba siya sa sahig. Hindi pa man din siya nakararating sa tapat ng bintana nang mas bumagsik ang ihip ng hangin.
Ihinangin ang kaniyang kulot na buhok na hanggang balikat, at tuluyang napaatras si Mariel. Nawala ang kaninang inaantok na diwa niya dahil sa pagbagsak ng frame mula sa puting dingding. Nagtalsikan din ang mga bubog, at natamaan ang kaniyang binti. Mabilis niyang isinara ang bintana at binuksan ang ilaw.
Pamilyar sa kaniya ang eksenang iyon dahil gan'on din ang nangyari sa dati niyang kaklaseng si Bella five years ago.
Napadaing siya nang bunutin niya ang maliit na bubog na bumaon sa kaniyang binti. Tuluyang umagos ang dugo na hindi naman gan'on karami. Nasabi niya tuloy sa kaniyang isip na kamalasan ang dala ng portrait na iyon.
"Dad, tulungan mo ako rito!" sigaw niya, ngunit tila wala rin lang itong saysay dahil nasasapawan nang malakas na ulan ang kaniyang boses. Idagdag pa ang malakas na kulog na tila ba galit na galit ang kalangitan.
"Nakakainis talaga!" singhal niya habang iika-ikang kinuha ang first aid kit na nasa ilalim na bedside table niya. Maya't maya ang kaniyang pagngiwi habang nililinis niya ang kaniyang sugat.
Makalipas ang sampung minuto ay natapos na siya sa pagbebenda sa kaniyag binti. Tumila na rin ang pagkulog at pagkidlat, ngunit malakas pa rin ang ulan.
"Isa ka pang ulan ka! Ang ingay-ingay, hindi tuloy ako marinig ni dad!" reklamo niya pa habang winawalis ang mga nagkalat na bubog sa marmol na sahig. Nang matiyak niyang nalinis na ang mga bubog ay agad niyang dinampot ang frame.
Ang haligi na lamang nito ang naiwan, at ang vellum kung saan nakalagay ang kaniyang portrait na ginawa pa noon ng kaniyang kaklase.
"See? Pati tuloy ito nasira-"
Hindi niya na natapos ang kaniyang sasabihin nang makuha ng atensyon niyang ang maliit na sobre na nakalapag sa pinagbagsakan ng frame. Kapangsin-pansin na rin ang paninilaw nito dahil sa kalumaan.
Duda ni Mariel ay nakaipit iyon sa loob ng frame, at nalaglag din nang bumagsak ang portrait. Sa pagititig niya sa sobre ay tila nangungusap sa kaniya ang sobre na damputin ito.
Hindi na nagdalawang-isip pa si Mariel, agad niyang pinulot ang sobre at dinala sa kama, at doon ay binasa niya ang laman nito.
Imbitado ka!
Class Reunion at dalawang linggong bakasyon
SCS Batch 2015
Kadayatan Island, Pangasinan
Pebrero 14, 2020
Ps. Magdala ng damit pang dalawang linggo, night gown, at mga pagkain. Magkikita-kita sa dating eskuwelahan ng alas kuwatro ng hapon para sabay-sabay ang pagbiyahe.
See you soon, classmates!
Napakunot naman ng noo si Mariel matapos niyang basahin ang liham na nasa sobre. Hindi niya inaakalang may kalakip palang imbitasyon ang portrait na ginawa ni Carl. Marahil kung hindi nalaglag ang frame, baka hindi siya makadadalo sa class reunion.
Isa pa, hindi pamilyar sa kaniya ang Kadayatan Island. Inisip niya na lang na hindi ito isang sikat na isla kaya wala siyang maaalalang gan'ong lugar.
"Teka, tatlong araw na lang ay February 14 na! Alam kaya ito ng iba kong mga kaklase noon?" tanong niya sa kaniyang sarili, at kinuha niya ang kaniyang cellphone upang tawagan ang mga kaibigan niya.
Ilang beses niyang sinubukang i-dial ang mga numero ng kaniyang mga kaibigan, ngunit nabigo siya dahil nawalan ng signal ang kaniyang cellphone.
Muli siyang napatitig sa liham. Sigurado si Mariel na limang taon na ang nakilipas simula nang maisulat ang liham.
Napataas ang isang kilay ni Mariel. "Carl, bakit hindi mo na lang naisipang i-chat o tawagin kami? Paano kung hindi naman ito nabasa, eh 'di nabulilyaso sana ang reunion?"
Hindi naman batid ni Mariel kung bakit nahihiwagaan siya sa liham-kung tutuusin ay paanyaya lang naman iyon. Isa pa, kilala niya si Carl: mabait na tao si Carl, at hindi ito napagalitan sa kanilang klase kailanman.
KINAUMAGAHAN ay maagang nagising si Mariel. Pagdating niya sa dining table, naroon na ang kaniyang amang nagkakape habang nagbabasa ng diyaryo. Nakabihis na rin ito ng pang-opisina, ngunit tila hindi niya alintana mahuhuli na siya dahil abala siya sa pagbabasa.
"Good morning, Dad," bati ni Mariel sa kaniyang ama, at ihinainan na ng mga katulong ng umagahan si Mariel: isang tasa ng hot chocolate, isang cup ng kanin, bacon, at hotdog.
"Kape at tinapay lang sa akin," wika ng kaniyang ama sa isa sa mga kasambahay, sabay lapag ng diyaryo sa bakanteng upuan.
Simula nang mamatay ang mommy ni Mariel, dalawa na lamang sila ni Governor Ariel Lopez na naiwan; ang ama niya na lamang ang kumakandili sa kaniya. Hindi naman naging mahirap iyon kay Mariel dahil wala siyang ibang inatupag kundi ang mga luho niya.
"Do you have something to tell?" tanong ng kaniyang ama nang mapansin na tila may gustong sabihin si Mariel.
"My former Grade 10 classmate organized a class reunion. Two weeks iyon, at gusto ko sanang um-attend, Dad," tugon ni Mariel, ngunit mabilis na umiling si Governor Lopez.
"No! May klase ka, at sayang 'yong dalawang linggo na hindi mo pagpasok. If you got a failing grade, nakakahiya sa mga tao. Ano na lamang ang sasabihin nila? Isa pa, ikaw ang magmamana ng katungkulan ko, kaya dapat ay pag-igihan mo ang pag-aaral!" sermon sa kaniya.
"What?" Napatayo si Mariel, "Kaya ko namang habulin 'yong mga mami-miss na lessons! Atsaka 'yon na lang ulit kami makakapagkita-kita na magkaklase, at doon ko na lang din makaka-bonding sina Joanne!" giit pa niya.
"Nandiyan naman si Ms. Leianne Garcia, kahit papaano ay may isa ka pang kaibigan na malapit sa iyo," giit din ng kaniyang ama.
Napairap si Mariel at pinagkrus ang kaniyang mga braso. "Iba pa rin kung silang lima ang kasama ko, lalo ni Geam. Dad, kaya ko ang sarili ko."
Napabuntong-hininga na lamang ang kaniyang ama. Sa tigas ng ulo ni Mariel, pati ang kaniyang ama ay napapasunod niya.
"Fine, basta may sasama sa iyong dalawang bodyguards."
Napataas naman ng isang kilay si Mariel nang marinig niya ang sinabi ng kaniyang ama. Ayaw na ayaw pa man din niyang may mga guwardiang bumubuntot sa kanya, pagkatapos ay ire-report nila sa kaniyang ama ang mga ginawa niya.
Muli na namang nagreklamo si Mariel. "Third year college na ako, hindi na ako bata! Hindi ko sila kailangan, makasisira lang sila sa bakasyon ko!"
"All right, just shut your mouth. Kanina ka pa nagrereklamo," pagsuko ng kaniyang ama, "Basta mag-iingat ka roon, ha?"
"Thank you so much, Dad!" tuwang-tuwa na sabi ni Mariel. Umukit sa manipis ngunit mapula niyang labia ng malawak na ngiti.
Napangiti rin ang kaniyang ama, at mas lumawak iyon nang lumapit siya sa kaniyang ama at niyakap siya. Para kay Governonr Lopez, wala ng mas sasaya makita niya lamang ang kagalakan ni Mariel. Lahat ng gusto ni Mariel ay nasusunod, kaya walang duda na lumaki siyang spoiled brat.
Sabi nga ng ibang mga tao, dahil siguro sa pagiging pasaway ni Mariel kaya dumarami ang puting buhok ng kanilang governor kahit 45 years old pa lang siya.
"Masaya ako kung saan ka masaya," tugon ni Governor Lopez, at niyakap din nang mahigpit si Mariel.
Kahit gano'n ang pag-uugali ni Mariel, mahal na mahal niya ang kaniyang ama, at walang makapaghihiwalay sa kanilang dalawa. Handa siyang gawin ang lahat maprotektahan lamang ang kaniyang ama.
Halos ungusan niya na si Lucifer sa tuwing may naninira sa kaniyang ama. Napatunayan iyan noong second year college siya, at halos lumpuin niya ang kaniyang schoolmate na nagpakalat ng maling impormasyon tungkol kay Governor Lopez.
Pinagsasampal at pinagsasabunutan niya ang kaniyang kaklase noong maiwan ito sa kanilang classroom. Bali-balita pa na nabalian ng buto ang kaklase niyang iyon. Mabuti na lamang, kahit na governor ang kaniyang ama, nabigyan pa rin siya ng parusa: na-suspend siya ng isang linggo, at nabigyan din ng dalawang linggong community service.
Sinagot na ng ama ni Mariel ang pagpapa-ospital sa estudyanteng iyon. Mabuti na lamang ay hindi kinasuhan ng physical injury si Mariel.
MATAPOS kumain ni Mariel ay nagpunta siya sa condo unit ni Leianne upang kausapin siya tungkol sa imbitasyon.
"Pabasa nga ulit niyan," ani Leianne, at inagaw ang sobre kay Mariel, at muli itong binasa.
"Siguradong kay Carl galing iyan dahil nakaipit iyan doon sa frame na pinaglagyan ng portrait," saad naman ni Mariel, at nakibasa rin sa imbitasyon.
Pagkatapos n'on ay binuksan din nila ang frame ng portrait ni Leianne, at doon ay nakita nila ang sobreng katulad sa hawak ni Mariel. Maging ang nakasulat doon ay pareho rin.
"This sounds cool! Kailangan itong malaman ng iba nating mga kaklase noon!" excited na saad ni Leainne, at nag-message sa kanilang groupchat.
Pinabuksan nila sa kanilang mga kaklase ang frame, at ang lahat ay nag-reply tungkol sa pagkamangha nila nang pare-pareho nilang natagpuan ang imbitasyon doon.
Lumawak naman ang ngisi ni Leianne nang mabasa niya sa kanilang groupchat na ang lahat ay sasama. Nagunguna naman sa pagiging aktibo ang kanilang matalik na mga kaibigan na sina Joanne, Eliana, at Geam.
Ngumisi si Leianne habang nakatuon ang tingin sa imbitasyon, sabay sabing, "Mukhang masaya ang mangyayari rito."
"Indeed! Hindi ko na mahintay ang araw na makakasama na ulit natin sina Joanne sa panlalait at pangggigisa sa iba," dagdag ni Mariel kaya napahalakhak silang pareho.
Gan'on ang palaging ginagawa noon nina Mariel, Leianne, Joanne, Eliana, at Geam sa eskuwelahan. Sila ang mga bratinela sa kanilang eskuwelahan, at mayamaya ay dinadala sa guidance office. Palibahasa, pare-parehong may kaya at may kapangyarihan ang pamilya.
Parte na ng kasiyahan nila ang pagmamaliit sa kanilang mga kaklase. Lagi nilang ipanamumukha na mas angat sila, samantalang ang totoo naman ay ilan sa kanila ang halos kapantay lang ng kanilang mga kaklase sa katayuan sa buhay.
"May napansin lang ako," sabi ni Mariel, kaya napatingin sa kaniya si Leainne. "Paanong si Carl ang mago-organize n'on, eh hindi naman sila gan'on kayaman? Isa pa, apat na taon na tayong walang balita kay Carl. Ni hindi nga mahanap ang kaniyang social media accounts."
Hindi kaagad nakaimik si Leianne, at nanatiling tahimik na nakaupo sa malambot na kutson ng kaniyang kama. Namayani naman ang tunog na nagmumula sa elisi ng dalawang electric fan.
Nagkibit-balikat lamang si Leainne. "Tignan na lang natin kung ano ang mangyayari sa 14."
Nag-iwan naman iyon ng malaking katanungan sa isip ni Mariel; kung ano nga ba ang kalalabasan ng kanilang class reunion.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro