CHAPTER 4
ALAS-SYETE na ng umaga ngunit madilim pa rin ang kalangitan at tila nagbabadya pang umulan. May mga pulis at mga nangungunang awtoridad ang nangunguna sa imbestigasyon sa lugar kung saan namatay si Kristina.
Halos ipagkanulo ng ina ni Kristina ang kaitas-taasan nang makita niya mismo ang kanyang anak na wala ng buhay. Kung tutuusin ay para lamang itong natutulog. Hiyaw at iyak ang tanging maririnig sa lugar at kasama na roon ang hindi makapaniwalang si Merce.
Para siyang naninigas mula sa kanyang kinatatayuan at hindi magawang tingnan ang bangkay ng kanyang pinakamamahal na kaibigan. Bigat na bigat ang kanyang loob at hindi pa rin matanggap na patay na si Kristina. May galit sa kanyang puso na kung bakit kinitil ni Kristina ang sarili nitong buhay na wala man lang laban.
Hindi man alam ni Merce ang nangyari at naging rason ni Kristina ngunit isa lang ang kanyang sigurado. Malaki ang tiwala niyang nag-iwan ng sulat ang kanyang kaibigan at ang kailangan niya lamang gawin ay ang hanapin ito. Ganoon naman lagi si Kristina noong nag-aaral pa lamang sila ngunit hindi niya ito itinatago sa madaling makita ng kung sino man.
Walang pigil ang pagluha ni Merce habang pinapasok ang bahay na para bang nakikita at nararamdaman niya ang bigat na kalooban ng kanyang kaibigan.
"Bakit? Bakit bigla ka namang agad sumuko?" bulong niya sabay haplos sa salaming bintana.
Napakalamig nito na animo ay naging nyebe na. Kita niya rin ang isang boteng alak na nakapatong sa maliit na mesa. Iyon ang alak na siyang paboritong inumin ni Kristina, ang Bella Rosa Black Wine.
Tila natigilan naman si Merce at napalingon kung mayroon mang tao sa kanyang paligid. Nang masiguro niyang wala namang nakatingin sa kanya ay agad siyang nagtungo kung saan halos nakalagay ang mga inumin ni Kristina. Kumakabog nang husto ang kanyang dibdib dahil para bang naghahalungkat siya ng isang malaking sekreto ni Kristina.
Nang makarating siya sa kusina ay agad niyang hinanap ang bagay na dapat niyang hanapin. Ilang minuto rin ang kanyang itinagal sa paghahanap hanggang sa mawalan na siya ng pag-asa nang may makita siya sa isang sulok kung saan may mga boteng halos wala ng laman. Agad niyang hinawi ang tila manipis na board at hindi nga siya nagkamali. Mayroong isang papel na nakailang tupi para lang magkasya roon.
Agad naman itong ibinulsa ni Merce nang may narinig siyang papalapit na mga yabag ng mga paa.
"Ma'am, hindi po kayo pwede rito," wika ng isang binatilyong pulis at nagkibit-balikat lang naman si Merce at kunwaring may kinukuhang alak.
"Sorry, gusto ko lang sanang kunin itong isang alak na siyang paborito ni Kristina at ito na lang magiging memorabilia ko sa kanya," wika naman niya saka nilagpasan ang binatilyo.
Dali-dali namang naglakad papalabas si Merce nang makita niyang hindi na siya sinusuyuran ng tingin ng binatilyong pulis. Nang makalabas na siya ay ang siya namang pagkita niya kay Marco na halos tuod na nakatayo lamang at halos walang ipinapakitang emosyon gaya na rin ng kanilang anak na si Celestine, ngunit nang magtama ang kanilang mga mata ay tila parang may mga mahika itong nagpalit agad ng anyo.
Hindi niya ito pinansin bagkus lumapit si Merce sa mga magulang ni Kristina. Iyak pa rin ng iyak ang ina ni Kristina, si Mrs. Loisa Razon. Alam ni Merce kung gaano kamahal ni Mrs. Razon, ang kanyang anak dahil siya pa nga mismo ang gumawa ng paraan nang maipit na mismo si Kristina sa pagitan ng mga Ayala, ang pamilya ni Marco. Kung tutuusin ay mas mayaman ang pamilya ni Kristina, ang mga Razon ngunit hindi lamang talaga nila ito ipinagsisigawan hindi gaya ng mga Ayala.
"Magpahinga na po kayo, Tita," pag-aalo ni Merce kay Mrs. Razon. Tumango naman si Mr. Razon na kahit siya ay tila nagpipigil lamang ng kanyang mga luha dahil kailangan mismo ng masasandigan ng kanyang asawa.
Inakay naman ni Mr. Razon ang kanyang asawa nang dahan-dahan patungo sa kanilang sasakyan nang mamataan nila si Marco. Sa halip na kausapin nila ito ay hindi nila ito pinansin at ganoon na rin kay Celestine.
Nang makaalis na ang sasakyan ng mag-asawa ay bumaling naman ang atensyon ni Merce kay Marco na ngayon ay nakatingin na pala sa kanyang direksyon.
"Marco, condolences," tipid niyang saad at tumango lamang si Marco sa kanya ngunit hindi alam ni Merce kung namamalikmata nga lang ba siya o hindi dahil tila nakita niyang ngumisi ito sa kanya.
Hindi na nag-aksaya pa ng oras si Merce sa dalawa kaya agad ay nagpaalam na lang din siya. Nang makapasok na siya sa kanyang sasakyan ay kita niya pa rin ang dalawa na nakatingin lamang sa malaking bahay na animo'y may tinatanaw sa taas.
Ilang oras lang naman ang byahe bago siya makauwi mismo sa kanyang bahay ngunit para bang may nagsasabi sa kanyang hindi na muna siya umuwi bagkus dumiritso ito sa kanilang probinsya. Hindi maintindihan ni Merce ang kanyang nararamdaman ngunit sa huli ay sinunod niya pa rin kung ano ang makapagpatatahimik sa kanya.
Napagdesisyonan niyang sumaglit na muna sa isang maliit na grocery store na siyang madadaanan niya upang sa gayon ay hindi na siya lumibot at baka maabutan pa siya ng trapik. Kinakapa-kapa niya muna ang kanyang suot-suot na dyaket kung saan niya isinuksok sa bulsa ang papel. Naroroon pa rin iyon at agad niya rin itong babasahin pagkarating nang pagkarating niya sa kanilang probinsya.
Nasa byahe na siya at halos napamili na niya na rin ang lahat ng kanyang mga kailangan at napagdesisyonan niya ring mamalagi na muna roon ng halos isang lingo.
Tinawagan niya na rin ang kanyang lola upang ipaalam na uuwi siya.
Habang nasa byahe ay hindi niya mapigilang hindi mapaluha ngunit hinayaan na lamang niya ito upang sa gayon ay mabawas-bawasan ang sakit na kanyang nararamdaman.
Naalala pa niya ang huli nilang pag-uusap sa telepono at hindi niya man lang ito nasagot dahil agad ding pinatay ni Kristina ang tawag. Sa araw na iyon pala ay ang huli na rin nilang pagkikita. Puno ng galit at poot ang puso ni Merce dahil hindi niya mismo mapapatawad si Marco dahil sa ginawa nito.
Ang tanging sekretong nalalaman lamang ni Merce ay mayroon itong kinakalantaring iba, 'yon lamang at wala na ngunit nang makita niya ito na kasama ang kanyang anak ay tila may naramdaman pa siyang kakaiba. Ni hindi nga siya pinansin ni Celestine kanina hindi tulad noon na para itong tuko kung makakapit sa kanya sa harap ng kanyang ina.
MAKALIPAS ang halos isang oras na byahe ay tanaw na niya ang bahay ng kanyang lola. Matagal na rin simula noong huli niyang pagbisita rito kaya para na ring bumalik ang kanyang sigla kahit papaano.
Nang maiparada na niya ang kanyang sasakyan ay sinalubong naman siya ng halik at yakap ng kanyang lola at inanyayahang sumalo na muna sa pagkain.
Ilang minuto lang din ang itinagal ni Merce kasama ang kanyang lolo at lola. Nagpaalam siya rito na magpapahinga na muna kaya agad din naman siyang hinayaan. Saka na lang din niya sasabihin sa mga ito na wala na si Kristina dahil noon pa man ay malapit na si Kristina sa dalawa lalong-lalo na sa kanyang lola.
Pagkapasok nang pagkapasok niya sa kanyang kwarto ay halos wala itong pinagkaiba kumpara noong umalis siya ngunit malinis ang kanyang kwarto.
Hindi na siya nagsayang pa ng oras at isinarado niya agad ang pinto at naupo sa gilid ng kanyang kama. Para siyang nanginginig at nanlalamig habang kinukuha ang papel sa bulsa ng kanyang dyaket.
Merce,
Sa mga oras na binabasa mo ito ay wala na ako. Alam kong ikaw ang unang taong makakaisip at makakabasa ng liham na ito. Patawarin mo ako sa aking ginawa at alam kong sasabihin mo lamang ay kung bakit hindi man lang ako lumaban sa buhay at hinayaan na lamang na lamunin ako ng kadiliman. Hindi naging madali ang desisyon ko ngunit tila wala ng rason pa para mabuhay pa ako sa mundong ito.
Parang umikot ang buong buhay ko sa kasinungalingan. Inaamin kong naging mahina ako ngunit sinubukan kong lumaban kahit ilang segundo at minuto. Sa huli ay nagwagi pa rin ang kadiliman.
Pinagtaksilan ako ng aking asawa at ganoon na rin ang kinikilala kong anak. Hindi ko anak si Celestine, bagkus anak siya ng unang naging kasintahan ni Marco. Hindi ko kilala kung sino ang babaeng iyon at wala na rin naman akong magagawa sa huli dahil ako na rin ang tumapos ng lahat upang sa gayon ay mamuhay silang masaya. Minahal ko nang husto si Marco, lalong-lalo na ang aking anak, Merce, at alam mo iyon. Alam din itong lahat ng ina ni Marco, ngunit wala na ring silbi pa kung ipagsisigawan pa ang katotohanan.
Merce, kaya ko ito sinasabi sa iyo dahil ikaw lamang ang taong pinagkakatiwalaan ko. Huwag kang maniwala sa iba maski na ang mga magulang ko. Maniwala ka sa akin. Ngunit sa huli ay malalaman mo rin. Hayaan mong mamuhay silang masaya na wala ako dahil iyon naman ang nais nila.
Gusto kong kunin mo ang aking bangkay at iagos mo ako sa dagat, gawin mo ito bago lumubog ang araw. Huwag kang mag-aalala dahil hindi ka nila pipigilan, maniwala ka sa akin.
Hanggang sa muling pagkikita, Merce.
Kristina
Nalilito si Merce sa kanyang mga nalaman at hindi niya na rin alam kung ano ang totoo sa hindi.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro